Sumisikat ang Kaluwalhatian ni Jehova sa Kaniyang Bayan
“Si Jehova ay magiging liwanag na namamalagi nang walang takda para sa iyo.”—ISAIAS 60:20.
1. Paano pinagpapala ni Jehova ang kaniyang tapat na bayan?
“SI Jehova ay nalulugod sa kaniyang bayan. Pinagaganda niya ng kaligtasan ang maaamo.” (Awit 149:4) Iyan ang sinabi ng salmista noon, at pinatunayan naman ng kasaysayan ang katotohanan ng kaniyang mga salita. Kapag tapat ang bayan ni Jehova, sila’y pinangangalagaan niya, pinagiging mabunga, at ipinagsasanggalang. Noong sinaunang panahon, sila’y pinagtatagumpay niya laban sa kanilang mga kaaway. Sa ngayon, sila’y pinananatili niyang malakas sa espirituwal at tinitiyak sa kanila na ililigtas niya sila salig sa hain ni Jesus. (Roma 5:9) Ginagawa niya ito dahil sila’y maganda sa kaniyang paningin.
2. Bagaman sila’y dumaranas ng pagsalansang, sa ano nakatitiyak ang bayan ng Diyos?
2 Mangyari pa, sa isang daigdig na nababalot ng kadiliman, yaong ‘nabubuhay na may makadiyos na debosyon’ ay daranas ng pagsalansang. (2 Timoteo 3:12) Gayunpaman, napapansin ni Jehova ang mga sumasalansang, at sila’y binabalaan niya: “Ang alinmang bansa at ang alinmang kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay malilipol; at ang mga bansa ay walang pagsalang mawawasak.” (Isaias 60:12) Sa ngayon, maraming paraan ng pagsalansang. Sa ilang lupain, sinisikap ng mga sumasalansang na higpitan o pagbawalan ang taimtim na mga Kristiyano na sumamba kay Jehova. Sa ibang lugar naman, aktuwal na sinasalakay ng mga panatiko ang mga mananamba ni Jehova at sinusunog ang kanilang mga ari-arian. Subalit tandaan na tiniyak na ni Jehova na ang kalalabasan ng anumang pagsalansang ay ukol sa ikatutupad ng kaniyang kalooban. Mabibigo ang mga kalaban. Ang mga lumalaban sa Sion, na kinakatawan ng kaniyang mga anak sa lupa, ay hindi magtatagumpay. Hindi ba’t iyan ay isang nakapagpapalakas-loob na katiyakan mula sa ating dakilang Diyos, si Jehova?
Pinagpapala Nang Higit Pa sa Inaasahan
3. Paano inilalarawan ang kagandahan at pagkamabunga ng mga mananamba ni Jehova?
3 Ang totoo, sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay, pinagpapala na ni Jehova ang kaniyang bayan nang higit pa sa kanilang inaasahan. Patuloy na lalo niyang pinagaganda ang dako ng pagsamba sa kaniya at yaong mga nasa loob nito na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Ayon sa hula ng Isaias, sinabi niya sa Sion: “Sa iyo ay darating ang mismong kaluwalhatian ng Lebanon, ang puno ng enebro, ang puno ng fresno at ang sipres na magkakasabay, upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo; at luluwalhatiin ko ang mismong dako ng aking mga paa.” (Isaias 60:13) Ang mga bundok na nababalot ng malalagong kagubatan ay isang kahanga-hangang tanawin. Kaya ang napakalalagong punungkahoy ay angkop na mga sagisag ng kagandahan at pagkamabunga ng mga mananamba ni Jehova.—Isaias 41:19; 55:13.
4. Ano ang “santuwaryo” at ang ‘dako ng mga paa’ ni Jehova, at paano pinagaganda ang mga ito?
4 Ano ba ang “santuwaryo” at ang ‘dako ng mga paa’ ni Jehova na binabanggit sa Isaias 60:13? Ang mga terminong ito ay tumutukoy sa mga looban ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova, na siyang kaayusan ng paglapit sa kaniya sa pagsamba sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Hebreo 8:1-5; 9:2-10, 23) Binanggit ni Jehova ang kaniyang layunin na luwalhatiin ang espirituwal na templong ito sa pamamagitan ng pag-akay sa mga tao mula sa lahat ng mga bansa na pumaroon at sumamba roon. (Hagai 2:7) Nakita mismo ni Isaias noon ang mga pulutong mula sa lahat ng mga bansa na humuhugos sa mataas na bundok ni Jehova ng pagsamba. (Isaias 2:1-4) Makalipas ang daan-daang taon, nakita ni apostol Juan sa pangitain ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Ang mga ito’y nakatayo sa “harap ng trono ng Diyos . . . , [na] nag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.” (Apocalipsis 7:9, 15) Habang natutupad ang mga hulang ito sa ating kapanahunan, nakikita natin mismo na ang bahay ni Jehova ay pinagaganda.
5. Anong malaking pagsulong ang tinamasa ng mga anak ng Sion?
5 Kaylaking pagsulong ang dulot ng lahat ng ito para sa Sion! Sabi ni Jehova: “Sa halip na ikaw ay maging isa na pinabayaan nang lubusan at kinapootan, na hindi dinaraanan ninuman, gagawin pa man din kitang isang bagay na ipagmamapuri hanggang sa panahong walang takda, isang pagbubunyi sa sali’t salinlahi.” (Isaias 60:15) Sa pagtatapos ng unang digmaang pandaigdig, ang “Israel ng Diyos” ay dumanas nga ng isang panahon ng pagkatiwangwang. (Galacia 6:16) Talagang nadama niyang siya’y “pinabayaan nang lubusan,” sapagkat hindi naunawaang mabuti ng kaniyang mga anak sa lupa ang kalooban ng Diyos para sa kanila. Subalit noong 1919, muling pinasigla ni Jehova ang kaniyang pinahirang mga lingkod, at mula noon ay kaniya nang pinagpala sila ng kamangha-manghang espirituwal na kasaganaan. Bukod diyan, hindi ba’t nakapagpapasaya ang pangako sa talatang ito? Ang Sion ay mamalasin ni Jehova bilang “isang bagay na ipagmamapuri.” Oo, ipagmamapuri ng mga anak ng Sion, at ni Jehova mismo, ang Sion. Siya ay magiging “isang pagbubunyi,” isang dahilan ng di-masayod na kagalakan. At iyan ay hindi lamang sa isang maikling panahon. Ang sinang-ayunang kalagayan ng Sion, na kinakatawan ng kaniyang makalupang mga anak, ay magpapatuloy sa “sali’t salinlahi.” Hindi ito magwawakas kailanman.
6. Paano ginagamit ng tunay na mga Kristiyano ang yaman ng mga bansa?
6 Pakinggan naman ngayon ang isa pang pangako ng Diyos. Kausap ang Sion, sinabi ni Jehova: “Sususuhin mo ang gatas ng mga bansa, at ang suso ng mga hari ay sususuhan mo; at tiyak na makikilala mo na ako, si Jehova, ay iyong Tagapagligtas, at ang Makapangyarihan ng Jacob ay iyong Manunubos.” (Isaias 60:16) Paano iinumin ng Sion “ang gatas ng mga bansa” at sususuhan “ang suso ng mga hari”? Sa pamamagitan ng paggamit ng pinahirang mga Kristiyano at ng kanilang kasamahang “ibang mga tupa” sa mahahalagang yaman ng mga bansa ukol sa ikasusulong ng dalisay na pagsamba. (Juan 10:16) Ang kusang-loob na pinansiyal na mga abuloy ay tumutulong upang maisagawa ang isang malaking pang-internasyonal na gawaing pangangaral at pagtuturo. Dahil sa matalinong paggamit sa modernong teknolohiya, napadadali ang paglalathala ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa daan-daang wika. Sa ngayon, ang katotohanan sa Bibliya ay nakaaabot na sa mas maraming tao nang higit kailanman sa kasaysayan. Natututuhan ng mga mamamayan ng napakaraming bansa na si Jehova, ang isa na tumubos sa kaniyang pinahirang mga lingkod mula sa espirituwal na pagkabihag, ay siya ngang Tagapagligtas.
Pagsulong sa Kaayusan ng Organisasyon
7. Anong pambihirang pagsulong ang tinatamasa ng mga anak ng Sion?
7 Pinagaganda ni Jehova ang kaniyang bayan sa iba pang paraan. Kaniyang pinagpapala sila sa pamamagitan ng pagsulong sa kaayusan ng organisasyon. Mababasa natin sa Isaias 60:17: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” Ang paghalili ng ginto sa tanso ay isang pagsulong, at totoo rin ito sa iba pang mga materyales na binanggit. Kasuwato nito, ang Israel ng Diyos ay nagtatamasa ng patuloy na pagsulong sa kaayusan ng organisasyon sa mga huling araw. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
8-10. Ilarawan ang ilang pagsulong sa kaayusan ng organisasyon na naganap mula 1919.
8 Bago ang 1919, ang mga kongregasyon ng bayan ng Diyos ay pinangangasiwaan ng matatanda at mga diyakono na pawang inihalal ng mga miyembro ng kongregasyon sa demokratikong paraan. Mula nang taóng iyon, “ang tapat at maingat na alipin” ay humirang ng isang service director sa bawat kongregasyon upang pangasiwaan ang paglilingkod sa larangan. (Mateo 24:45-47) Gayunman, hindi gaanong epektibo ang kaayusang ito sa maraming kongregasyon sapagkat ang ilang nahalal na matatanda ay hindi lubusang nakipagtulungan sa pag-eebanghelyo. Kaya, noong 1932, tinagubilinan ang mga kongregasyon na huwag nang maghalal ng matatanda at mga diyakono. Sa halip, sila’y maghahalal ng mga lalaking maglilingkod bilang service committee kasama ng service director. Gaya nga iyon ng “tanso” na kahalili ng “kahoy”—napakalaking pagsulong!
9 Noong 1938, ipinasiya ng mga kongregasyon sa buong daigdig na tanggapin ang isang pinagbuting kaayusan, isa na mas kasuwato ng maka-Kasulatang saligan. Ang pangangasiwa sa kongregasyon ay ipinagkatiwala sa isang company servant at iba pang mga lingkod na pawang hinirang sa ilalim ng pangangasiwa ng uring tapat at maingat na alipin. Wala nang halalan! Sa gayon ay naging teokratiko na ang paraan ng mga paghirang sa kongregasyon. Gaya nga iyon ng “bakal” na kahalili ng “mga bato” o “ginto” na kahalili ng “tanso.”
10 Mula noon, nagpatuloy na ang pagsulong. Halimbawa, noong 1972, nakita na ang pangangasiwa sa mga kongregasyon sa pamamagitan ng nagtutulungang lupon ng matatanda na hinirang sa teokratikong paraan, anupat walang iisang matanda ang may awtoridad sa iba, ay mas nakakatulad ng paraan ng pangangasiwa sa unang-siglong mga kongregasyong Kristiyano. Bukod diyan, nitong nakalipas na dalawang taon, nagkaroon ng isa na namang pagsulong. Nagkaroon ng pagbabago sa mga direktor ng ilang legal na korporasyon, anupat pinangyari nito na lubusang makapag-ukol ng pansin ang Lupong Tagapamahala sa espirituwal na mga kapakanan ng bayan ng Diyos sa halip na maabala ng araw-araw na pag-aasikaso sa mga bagay na hinihiling ng batas.
11. Sino ang nasa likod ng mga pagbabago sa organisasyon ng bayan ni Jehova, at ano ang ibinubunga ng mga pagbabagong ito?
11 Sino kaya ang nasa likod ng pasulong na mga pagbabagong ito? Walang iba kundi ang Diyos na Jehova. Siya ang isa na nagsasabi: “Magdadala ako ng ginto.” At siya ang isa na patuloy na nagsasabi: “Aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” Oo, si Jehova ang may pananagutan sa pangangasiwa sa kaniyang bayan. Ang inihulang pagsulong sa kaayusan ng organisasyon ay isa pang paraan ng pagpapaganda niya sa kaniyang bayan. At bunga nito, pinagpapala ang mga Saksi ni Jehova sa maraming paraan. Mababasa natin sa Isaias 60:18: “Ang karahasan ay hindi na maririnig pa sa iyong lupain, ang pananamsam o ang kagibaan sa loob ng iyong mga hangganan. At ang iyong mga pader ay tiyak na tatawagin mong Kaligtasan at ang iyong mga pintuang-daan ay Kapurihan.” Napakaganda ng mga salitang ito! Subalit paano ba natupad ang mga ito?
12. Paano naghahari ang kapayapaan sa gitna ng tunay na mga Kristiyano?
12 Ang tunay na mga Kristiyano ay nakatinging mabuti kay Jehova para sa tagubilin at patnubay, at ang resulta ay gaya ng inihula ni Isaias: “Lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana.” (Isaias 54:13) Bukod diyan, ang espiritu ni Jehova ay kumikilos sa kaniyang bayan, at ang bahagi ng mga bunga ng espiritung iyan ay kapayapaan. (Galacia 5:22, 23) Ang mapagpayapang katangian na nalilikha nito sa bayan ni Jehova ay nagpapangyari sa kanila na maging isang nakagiginhawang kublihan sa marahas na sanlibutan. Ang kanilang mapayapang kalagayan, na nakasalig sa pag-ibig ng tunay na mga Kristiyano sa isa’t isa, ay isang patikim sa magiging buhay sa bagong sanlibutan. (Juan 15:17; Colosas 3:14) Tiyak na tayong lahat ay nananabik na magtamasa at magtaguyod ng kapayapaang iyan, na nagdudulot ng kapurihan at karangalan sa ating Diyos at isang pangunahing bahagi ng ating espirituwal na paraiso!—Isaias 11:9.
Patuloy na Sisikat ang Liwanag ni Jehova
13. Bakit tayo makatitiyak na hindi kailanman titigil sa pagsikat ang liwanag ni Jehova sa kaniyang bayan?
13 Patuloy kayang sisikat ang liwanag ni Jehova sa kaniyang bayan? Oo! Mababasa natin sa Isaias 60:19, 20: “Sa iyo ay hindi na magiging liwanag ang araw kapag araw, at ang buwan ay hindi na magbibigay sa iyo ng ningning ng liwanag. At si Jehova ay magiging liwanag na namamalagi nang walang takda para sa iyo, at ang iyong Diyos ang magiging iyong kagandahan. Hindi na lulubog ang iyong araw, ni liliit man ang iyong buwan; sapagkat si Jehova ay magiging liwanag na namamalagi nang walang takda para sa iyo, at ang mga araw ng iyong pagdadalamhati ay matatapos na.” Nang matapos ang “pagdadalamhati” ng espirituwal na mga tapon noong 1919, ang liwanag ni Jehova ay nagsimula nang sumikat sa kanila. Pagkalipas ng mahigit na 80 taon, tinatamasa pa rin nila ang lingap ni Jehova sa patuloy na pagsikat ng kaniyang liwanag. At hindi ito titigil. May kinalaman sa kaniyang mga lingkod, ang ating Diyos ay hindi “lulubog” na gaya ng araw o “liliit” na gaya ng buwan. Sa halip, magpapasikat siya ng liwanag sa kanila magpakailanman. Isa nga itong napakagandang katiyakan para sa atin na nabubuhay sa mga huling araw ng sanlibutang ito na nasa gitna ng karimlan!
14, 15. (a) Sa anong paraan “matuwid” ang lahat ng kabilang sa bayan ng Diyos? (b) Hinggil sa Isaias 60:21, sa anong mahalagang katuparan nananabik ang ibang mga tupa?
14 Pakinggan naman ngayon ang isa pang pangakong binitiwan ni Jehova hinggil sa makalupang kinatawan ng Sion, ang Israel ng Diyos. Ang Isaias 60:21 ay nagsasabi: “Kung tungkol sa iyong bayan, silang lahat ay magiging matuwid; hanggang sa panahong walang takda ay aariin nila ang lupain, ang sibol ng aking taniman, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako ay mapaganda.” Nang muling sumigla sa gawain ang pinahirang mga Kristiyano noong 1919, sila ay isang naiibang grupo ng mga tao. Sa isang napakasamang daigdig, sila’y “ipinahahayag na matuwid” salig sa kanilang di-natitinag na pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo Jesus. (Roma 3:24; 5:1) Pagkatapos, gaya ng mga Israelitang pinalaya mula sa pagkabihag sa Babilonya, inari nila ang isang “lupain,” isang espirituwal na lupain, o larangan ng gawain, na doo’y tatamasahin nila ang isang espirituwal na paraiso. (Isaias 66:8) Ang malaparaisong kagandahan ng lupaing ito ay hinding-hindi kukupas sapagkat, di-gaya ng sinaunang Israel, ang Israel ng Diyos bilang isang bansa ay hindi magtataksil. Ang kanilang pananampalataya, ang kanilang pagbabata, at ang kanilang sigasig ay hindi kailanman titigil sa pagdudulot ng karangalan sa pangalan ng Diyos.
15 Lahat ng miyembro ng espirituwal na bansang ito ay kasali sa bagong tipan. Nakasulat sa puso nilang lahat ang batas ni Jehova, at pinatawad na ni Jehova ang kanilang mga kasalanan salig sa haing pantubos ni Jesus. (Jeremias 31:31-34) Kaniyang inihahayag na sila’y matuwid bilang “mga anak” at pinakikitunguhan sila na para bang sila’y mga sakdal. (Roma 8:15, 16, 29, 30) Salig sa haing pantubos ni Jesus, pinatawad na rin ang mga kasalanan ng kanilang mga kasamahang ibang mga tupa at, gaya ni Abraham, ang mga ito’y inihahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. “Nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” At ang mga kasamahang ito na ibang mga tupa ay nananabik sa isa pang pambihirang pagpapala. Pagkatapos na makaligtas sa “dakilang kapighatian” o pagkatapos na buhaying-muli, makikita nila ang pisikal na katuparan ng mga salita sa Isaias 60:21 na doo’y magiging isang paraiso ang buong lupa. (Apocalipsis 7:14; Roma 4:1-3) Sa panahong iyon, “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11, 29.
Patuloy ang Pagdami
16. Anong kamangha-manghang pangako ang sinabi ni Jehova, at paano ito natutupad?
16 Sa katapusang talata ng Isaias 60, mababasa natin ang huling pangako ni Jehova sa kabanatang ito. Ang sabi niya sa Sion: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” (Isaias 60:22) Sa ating kapanahunan, tinupad ni Jehova ang kaniyang salita. Nang muling mapasigla sa gawain ang pinahirang mga Kristiyano noong 1919, sila’y iilan lamang—tunay ngang isang “munti.” Dumami sila habang isinasama ang karagdagang espirituwal na mga Israelita. At pagkatapos ay nagsimula nang dumagsa sa kanila ang parami nang paraming ibang mga tupa. Ang mapayapang kalagayan ng bayan ng Diyos, ang espirituwal na paraisong umiiral sa kanilang “lupain,” ay nakaakit sa napakaraming tapat-pusong tao anupat “ang maliit” ay tunay ngang naging isang “makapangyarihang bansa.” Sa kasalukuyan, ang ‘bansang’ ito—ang Israel ng Diyos at ang mahigit na anim na milyong nakaalay na “mga banyaga”—ay may mas malaking populasyon kaysa sa maraming nagsasariling estado ng daigdig. (Isaias 60:10) Lahat ng mamamayan nito ay nakikibahagi sa pagpapasikat ng liwanag ni Jehova, at ito ang nagpapaganda sa kanilang lahat sa kaniyang paningin.
17. Paano ka naapektuhan ng pagtalakay na ito sa Isaias kabanata 60?
17 Oo, nakapagpapatibay ng pananampalataya ang pagsasaalang-alang sa mga pangunahing punto ng Isaias 60. Nakaaaliw na maunawaan na noon pa man, batid na antimano ni Jehova na ang kaniyang bayan ay daranas ng espirituwal na pagkatapon at pagkatapos ay isasauli. Namamangha tayo na noon pa man, nakita na antimano ni Jehova ang malaking pagsulong sa bilang ng tunay na mga mananamba sa ating kapanahunan. Bukod diyan, tunay ngang nakaaaliw na alalahaning hindi tayo iiwan ni Jehova! Tunay ngang napakamaibigin ng katiyakang ibinigay na ang mga pintuang-daan ng “lunsod” ay mananatiling bukás upang malugod na tanggapin ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan”! (Gawa 13:48) Si Jehova ay patuloy na sisikat sa kaniyang bayan. Ang Sion ay patuloy na ipagmamapuri habang paliwanag nang paliwanag na pinasisikat ng kaniyang mga anak ang kanilang liwanag. (Mateo 5:16) Tiyak na mas determinado tayo higit kailanman na manatiling malapít sa Israel ng Diyos at magpahalaga sa ating pribilehiyo ng pagpapasikat ng liwanag ni Jehova!
Maipaliliwanag Mo Ba?
• May kaugnayan sa pagsalansang, sa ano tayo makatitiyak?
• Paano ‘sinususo ng mga anak ng Sion ang gatas ng mga bansa’?
• Sa anu-anong paraan ‘nagdadala si Jehova ng tanso kahalili ng kahoy’?
• Anong dalawang katangian ang itinatampok sa Isaias 60:17, 21?
• Paanong “ang maliit” ay naging isang “makapangyarihang bansa”?
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 18]
HULA NI ISAIAS—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan
Ang diwa ng materyal sa mga artikulong ito ay ipinahayag sa isang diskurso noong 2001/02 “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon. Sa pagtatapos ng pahayag, sa karamihan ng lugar ng kombensiyon ay inilabas ng tagapagsalita ang isang bagong publikasyon na pinamagatang Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan, Tomo Dos. Noong nakaraang taon, inilabas ang Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan, Tomo Uno. Sa paglalabas ng bagong publikasyong ito, makukuha na ngayon ang napapanahong pagtalakay sa halos bawat talata ng aklat ng Isaias. Ang mga tomong ito ay tunay na isang mainam na tulong sa pagpapalalim ng ating unawa at pagpapahalaga sa nakapagpapasigla-ng-pananampalatayang makahulang aklat ng Isaias.
[Mga larawan sa pahina 15]
Sa harap ng marahas na pagsalansang, ‘pinagaganda ni Jehova ng kaligtasan ang kaniyang bayan’
[Mga larawan sa pahina 16]
Ginagamit ng bayan ng Diyos ang mahahalagang yaman ng mga bansa sa ikasusulong ng dalisay na pagsamba
[Larawan sa pahina 17]
Pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagsulong sa kaayusan ng organisasyon at kapayapaan