“Mga Pansamantalang Naninirahan” na Nagkakaisa sa Tunay na Pagsamba
“Ang mga banyaga ay magiging inyong mga magsasaka at inyong mga tagapag-alaga ng ubasan. At kung tungkol sa inyo, tatawagin kayong mga saserdote ni Jehova.”—ISA. 61:5, 6.
1. Ano ang pangmalas ng ilang tao sa mga banyaga? Bakit hindi ito tama?
GAYA ng ipinakita sa naunang artikulo, may mga taong humahamak sa mga banyaga, o dayuhan. Pero kawalang-galang na isiping nakabababa sa atin ang mga tao mula sa ibang bansa. Nagpapahiwatig din iyan ng kawalang-alam. Ganito ang sabi ng publikasyong The Races of Mankind: “Ang mga lahi ng sangkatauhan ay gaya ng sabi ng Bibliya—magkakapatid.” Karaniwan nang magkakaiba ang magkakapatid, pero magkakapatid pa rin sila.
2, 3. Ano ang pangmalas ni Jehova sa mga banyaga?
2 Saanmang bansa tayo nakatira, may mga banyaga. Ganiyan din noong panahon ng sinaunang mga Israelita, na naging pantanging bayan ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng tipang Kautusan. Bagaman limitado lang ang karapatan ng mga di-Israelita, ang mga Israelita ay obligadong makitungo sa kanila nang patas at may paggalang. Napakagandang halimbawa nito para sa atin! Hindi dapat magpakita ng diskriminasyon o pagtatangi ang mga tunay na Kristiyano. Bakit? Sinabi ni apostol Pedro: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
3 Ang mga banyaga sa sinaunang Israel ay nakinabang sa pakikisama sa likas na mga Israelita. Iyan ang kalooban ni Jehova, gaya ng ipinahiwatig ni apostol Pablo nang maglaon: “Siya ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba gayundin siya sa mga tao ng mga bansa? Oo, sa mga tao rin ng mga bansa.”—Roma 3:29; Joel 2:32.
4. Bakit masasabing walang banyaga sa “Israel ng Diyos”?
4 Nang itatag ng Diyos ang bagong tipan, ang likas na bansang Israel ay hinalinhan ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano bilang pantanging bayan niya. Kaya naman tinatawag itong “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Ipinaliwanag ni Pablo na sa bagong bansang ito, “walang Griego ni Judio, pagtutuli ni di-pagtutuli, banyaga, Scita, alipin, taong laya, kundi si Kristo ang lahat ng bagay at nasa lahat.” (Col. 3:11) Sa diwang iyan, walang maituturing na banyaga sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano.
5, 6. (a) Anong tanong ang maaaring bumangon hinggil sa Isaias 61:5, 6? (b) Sino ang “mga saserdote ni Jehova” at ang “mga banyaga” na binanggit ni Isaias? (c) Ano ang pagkakatulad ng dalawang grupong ito?
5 Pero baka sumagi sa isip ng iba ang kabanata 61 ng Isaias, na naglalaman ng isang hulang natutupad sa kongregasyong Kristiyano. Binabanggit sa talata 6 ng kabanatang iyon ang mga maglilingkod bilang “mga saserdote ni Jehova.” Pero sinasabi sa talata 5 na may “mga banyaga” na makikipagtulungan at gagawang kasama ng “mga saserdote” na iyon. Paano natin ito dapat unawain?
6 Ang “mga saserdote ni Jehova” ay ang mga pinahirang Kristiyano na may bahagi “sa unang pagkabuhay-muli” at “magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala . . . bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apoc. 20:6) Maraming ibang tapat na Kristiyano ang may makalupang pag-asa. Bagaman gumagawa silang kasama ng mga maglilingkod sa langit at may malapít na pakikipagsamahan sa mga ito, sila ay gaya ng mga banyaga. Maligaya silang sumusuporta at gumagawang kasama ng “mga saserdote ni Jehova,” anupat naglilingkod bilang makasagisag na “mga magsasaka” at “mga tagapag-alaga ng ubasan.” Tinutulungan nila ang mga pinahiran sa espirituwal na pag-aaning nagbibigay-karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng pangangaral at pagtuturo ng katotohanan sa iba. Oo, kapuwa ang mga pinahiran at ang “ibang mga tupa” ay naghahanap ng tapat-pusong mga tao at tinutulungan ang mga ito na maglingkod sa Diyos magpakailanman.—Juan 10:16.
“MGA PANSAMANTALANG NANINIRAHAN” GAYA NI ABRAHAM
7. Bakit natin masasabi na ang mga Kristiyano sa ngayon ay katulad ni Abraham at ng iba pang tapat na mga lalaki noong una?
7 Ipinakita sa naunang artikulo na ang mga tunay na Kristiyano ay gaya ng mga banyaga, o mga pansamantalang naninirahan, sa napakasamang sanlibutan ni Satanas. Tulad sila ng tapat na mga lalaki noong una—gaya ni Abraham—na inilarawan bilang “mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.” (Heb. 11:13) Anuman ang ating pag-asa, maaari tayong magkaroon ng pantanging kaugnayan kay Jehova gaya ni Abraham. Ganito ang paliwanag ni Santiago: “ ‘Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova, at ibinilang itong katuwiran sa kaniya,’ at siya ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’ ”—Sant. 2:23.
8. Ano ang ipinangako ni Jehova kay Abraham? Ano ang pangmalas ni Abraham sa pangakong ito?
8 Nangako ang Diyos na sa pamamagitan ni Abraham at ng kaniyang mga inapo, ang lahat ng pamilya sa lupa—hindi lang iisang bansa—ay pagpapalain. (Basahin ang Genesis 22:15-18.) Bagaman napakalayo pa ng katuparan ng pangakong ito, nagtiwala si Abraham na matutupad ito. Sa mahigit kalahati ng kaniyang buhay, si Abraham at ang kaniyang pamilya ay namuhay nang pagala-gala. Iningatan din niya ang kaniyang pakikipagkaibigan kay Jehova.
9, 10. (a) Sa anong mga paraan natin matutularan ang halimbawa ni Abraham? (b) Anong paanyaya ang maaari nating ipaabot sa iba?
9 Bagaman hindi alam ni Abraham kung gaano katagal siya maghihintay bago matupad ang inaasahan niya, hindi nanlamig ang pag-ibig at debosyon niya kay Jehova. Nagpokus siya sa pangako ni Jehova sa halip na permanenteng manirahan sa isang bansa. (Heb. 11:14, 15) Isang katalinuhan na tularan ang halimbawa ni Abraham sa pamamagitan ng pamumuhay nang simple at hindi labis na nababahala sa materyal na mga bagay, katayuan sa lipunan, o sekular na karera. Bakit tayo magsisikap na magkaroon ng diumano’y normal na buhay sa sistemang ito na malapit nang magwakas? Bakit natin iibigin ang sanlibutan gayong lilipas din ito? Gaya ni Abraham, ang pag-asa natin ay di-hamak na nakahihigit sa sanlibutang ito. Handa tayong magtiis at maghintay hanggang sa matupad ang ating inaasahan.—Basahin ang Roma 8:25.
10 Patuloy pa ring inaanyayahan ni Jehova ang mga tao ng lahat ng bansa na pagpalain ang kanilang sarili sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. Ang pinahirang “mga saserdote ni Jehova” at “mga banyaga,” o ibang mga tupa, ay nagpapaabot ng paanyayang ito sa mga tao sa buong daigdig sa mahigit 600 wika.
IBIGIN ANG MGA TAO NG LAHAT NG BANSA
11. Ano ang ipinahiwatig ni Solomon hinggil sa mga tao ng mga bansa?
11 Sa pag-aalay ng templo noong 1026 B.C.E., kasuwato ng pangako ni Jehova kay Abraham, nakita ni Solomon na ang mga tao ng lahat ng bansa ay sasama sa pagpuri kay Jehova. Marubdob siyang nanalangin: “Gayundin sa banyaga, na hindi bahagi ng iyong bayang Israel at nagmula nga sa malayong lupain dahil sa iyong pangalan (sapagkat maririnig nila ang tungkol sa iyong dakilang pangalan at ang tungkol sa iyong malakas na kamay at ang tungkol sa iyong unat na bisig), at siya ay talagang dumating at manalangin tungo sa bahay na ito, makinig ka nawa mula sa langit, sa iyong tatag na dakong tinatahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng ipinananawagan sa iyo ng banyaga; upang makilala ng lahat ng bayan sa lupa ang iyong pangalan upang matakot sila sa iyo gaya ng iyong bayang Israel.”—1 Hari 8:41-43.
12. Bakit maihahalintulad sa mga banyaga ang mga Saksi ni Jehova?
12 Ang isang banyaga ay isang tao na dumayo o nakatira sa ibang bansa. Masasabing ganiyan ang mga Saksi ni Jehova. Bagaman nakatira sila sa iba’t ibang bansa, ang katapatan nila ay para lang sa makalangit na Kaharian ng Diyos at sa Hari nito, si Kristo. Kaya nananatili silang neutral sa pulitika, kahit mapaiba sila sa lipunan.
13. (a) Paano natin mababago ang ating pangmalas sa salitang “banyaga”? (b) Ano ang gusto ng Diyos na maging pangmalas ng mga tao sa isa’t isa?
13 Kung minsan, makikilala ang isang banyaga dahil iba ang kaniyang paraan ng pagsasalita, kaugalian, hitsura, o pananamit. Pero mas mahalagang tingnan ang pagkakatulad, hindi ang pagkakaiba, ng mga tao ng lahat ng mga bansa. Kung aalisin natin sa isip ang mga pagkakaibang ito, malamang na hindi na natin ituturing na banyaga ang isang tao. Kung ang lahat ng tao sa lupa ay nasa ilalim ng iisang gobyerno, walang sinuman ang maituturing na banyaga. Sa katunayan, orihinal na layunin ni Jehova na ang lahat ng tao ay magkaisa bilang iisang pamilya sa ilalim ng iisang pamamahala—ang kaniyang pamamahala. Posible bang magbago ang pangmalas ng mga tao ng lahat ng bansa sa ngayon para hindi na nila ituring ang iba bilang banyaga?
14, 15. Ano ang nagawa ng mga Saksi ni Jehova bilang isang grupo?
14 Nabubuhay tayo sa isang sanlibutan kung saan marami ang makasarili at nasyonalistiko. Pero nakatutuwa na may mga indibiduwal na umiibig sa mga tao ng lahat ng bansa. Siyempre pa, hindi madaling baguhin ang pangmalas natin sa ibang tao. Ganito ang komento ni Ted Turner, tagapagtatag ng television network na CNN, tungkol sa mahuhusay na taong nakatrabaho niya mula sa iba’t ibang bansa: “Napakagandang karanasan na makilala ang mga taong ito. Natutuhan kong ituring ang mga tagaibang bansa hindi bilang mga ‘banyaga’ kundi mga kapuwa mamamayan ng planetang ito. Para sa akin, ang salitang ‘banyaga’ ay mapanghamak kung kaya ginawa kong patakaran sa CNN na hindi dapat gamitin ang salitang ito sa pagbobrodkast o sa pag-uusap sa loob ng opisina. Sa halip, ang salitang ‘internasyonal’ ang dapat gamitin.”
15 Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang tanging grupo sa daigdig na talagang tumutulad sa kaisipan ng Diyos tungkol sa mga tao ng lahat ng bansa. Kaya naman nagbago ang kanilang opinyon at damdamin sa iba. Hindi nila pinagsususpetsahan ang mga taong nagmula sa ibang bansa ni kinapopootan man ang mga ito. Natutuwa silang makita ang iba’t ibang uri ng tao na may iba’t ibang abilidad. Pinahahalagahan mo ba ang nagawang ito ng mga Saksi ni Jehova at ang magagandang epekto nito sa pakikitungo mo sa iba?
ISANG DAIGDIG NA WALANG BANYAGA
16, 17. Paano ka makikinabang sa katuparan ng Apocalipsis 16:16 at Daniel 2:44?
16 Malapit nang makipagbaka ang lahat ng bansa laban kay Jesu-Kristo at sa kaniyang makalangit na mga hukbo sa pangwakas na digmaan na “sa Hebreo ay tinatawag na Har–Magedon.” (Apoc. 16:14, 16; 19:11-16) Mahigit 2,500 taon na ang nakalilipas, kinasihan si propeta Daniel na ihula ang kahihinatnan ng mga gobyerno ng tao na salungat sa pamamahala ng Diyos: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Dan. 2:44.
17 Isip-isipin ang magiging kahulugan nito para sa iyo. Sa ngayon, ang lahat ng tao ay maituturing na banyaga dahil may kani-kaniyang hangganan ang iba’t ibang bansa. Pero pagkatapos ng Armagedon, mawawala na ang mga hangganang iyan. At bagaman magkakaiba pa rin ang hitsura at katangian ng mga tao sa panahong iyon, ipakikita lang nito ang kamangha-manghang pagkakasari-sari ng paglalang ng Diyos. Ang kapana-panabik na pag-asang ito ay dapat magpakilos sa ating lahat na patuloy na purihin at parangalan ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, sa abot ng ating makakaya.
Inaasam-asam mo ba ang panahon kung kailan wala nang hangganan ang mga bansa at wala nang “banyaga”?
18. Anong halimbawa ang nagpapakita na wala nang itinuturing na mga banyaga sa gitna ng mga Saksi ni Jehova?
18 Pangarap lang ba ang pagbabagong iyan sa buong daigdig? Hinding-hindi. Makapagtitiwala tayong mangyayari ito. Ngayon pa lang, wala nang itinuturing na mga banyaga sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, kamakailan, pinagsanib ang ilang maliliit na tanggapang pansangay para mapasimple ang pangangasiwa at mapahusay ang mga kaayusan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mat. 24:14) Hangga’t ipinahihintulot ng batas, hindi hinayaang makasagabal ang hangganan ng mga bansa sa ginawang mga desisyon. Patotoo ito na ginigiba na ni Jesu-Kristo—ang itinalagang Hari ng Kaharian ng Diyos—ang mga hangganan ng mga bansa. Malapit na rin niyang “lubusin ang kaniyang pananaig”!—Apoc. 6:2.
19. Ano ang naging posible dahil sa dalisay na wika?
19 Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay nagmula sa maraming bansa at nagsasalita ng iba’t ibang wika, itinataguyod nila ang dalisay na wika ng katotohanan. Kaya naman nagkakaisa sila at hindi kailanman magkakawatak-watak. (Basahin ang Zefanias 3:9.) Sila ay isang internasyonal na pamilya na namumuhay sa napakasamang sanlibutan pero hindi bahagi nito. Ang pagkakaisa ng pamilyang ito ay patikim lang ng magiging kalagayan ng daigdig sa hinaharap—isang daigdig na wala nang banyaga. Sa panahong iyon, buong-pusong kikilalanin ng lahat ang sinipi sa simula ng artikulong ito: “Ang mga lahi ng sangkatauhan ay gaya ng sabi ng Bibliya—magkakapatid.”—The Races of Mankind.