May Empatiya Ba ang Diyos?
ANG ITINUTURO SA ATIN NG PAGLALANG
Ang empatiya ay binigyang-kahulugan bilang ang “kakayahang maunawaan ang damdamin at nararanasan ng iba sa pamamagitan ng paglalagay ng sarili sa kalagayan ng taong iyon.” Sinabi ni Dr. Rick Hanson, isang eksperto sa kalusugan ng pag-iisip, na ang empatiya ay nasa dugo na natin.
PAG-ISIPAN ITO: Bakit tayo may empatiya, isang katangiang wala sa ibang nilalang? Sinasabi ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang mga tao ayon sa kaniyang larawan. (Genesis 1:26) Ginawa tayo ayon sa larawan ng Diyos kaya maipapakita natin ang kaniyang personalidad at ilang katangian niya. Kaya kapag tinutulungan ng iba ang kanilang kapuwa dahil sa empatiya, ipinakikita nila ang empatiya ng kanilang mahabaging Maylikha, ang Diyos na Jehova.—Kawikaan 14:31.
ANG ITINUTURO NG BIBLIYA TUNGKOL SA EMPATIYA NG DIYOS
May empatiya ang Diyos sa atin at ayaw na ayaw niya tayong magdusa. Ang sinaunang bayan ng Israel ay dumanas ng pang-aalipin sa Ehipto, na sinundan ng 40 mahihirap na taon sa ilang. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa kanila: “Sa lahat ng paghihirap nila ay nahihirapan siya.” (Isaias 63:9) Pansinin na hindi lang alam ng Diyos ang kanilang pinagdaraanan. Ramdam din niya ito. “Alam na alam ko ang hirap na dinaranas nila,” ang sabi niya. (Exodo 3:7) “Sinumang humihipo sa inyo,” ang sabi ng Diyos, “ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zacarias 2:8) Kapag sinasaktan tayo ng iba, nasasaktan din siya.
Kahit pakiramdam natin ay napakasama natin at hindi karapat-dapat sa empatiya ng Diyos, tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.” (1 Juan 3:19, 20) Mas kilala tayo ng Diyos kaysa sa ating sarili. Alam na alam niya ang ating sitwasyon, iniisip, at nadarama. May empatiya siya sa atin.
Makaaasa tayo sa Diyos para sa kaaliwan, karunungan, at tulong, dahil dinadamayan niya ang mga napipighati
Tinitiyak sa atin ng Kasulatan
“Tatawag ka, at sasagot si Jehova; hihingi ka ng tulong, at sasabihin niya, ‘Narito ako!’”—ISAIAS 58:9.
“‘Dahil alam na alam ko ang gusto kong gawin para sa inyo,’ ang sabi ni Jehova. ‘Bibigyan ko kayo ng kapayapaan, at hindi ng kapahamakan, para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan at pag-asa. At tatawag kayo at lalapit at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo.’”—JEREMIAS 29:11, 12.
“Ipunin mo ang mga luha ko sa iyong sisidlang balat. Hindi ba nakasulat ang mga iyon sa aklat mo?”—AWIT 56:8.
NAPAPANSIN AT NAUUNAWAAN TAYO NG DIYOS AT NAGMAMALASAKIT SIYA SA ATIN
Kung alam nating may empatiya ang Diyos sa atin, matutulungan ba tayo nito na harapin ang mga problema? Tingnan natin ang karanasan ni Maria:
“Napakasakit nang mamatay ang 18-anyos kong anak pagkatapos ng dalawang-taóng pakikipaglaban sa cancer. Napakahirap no’n para sa akin at hindi iyon makatarungan. Nagalit ako kay Jehova dahil hindi niya pinagaling ang anak ko!
“Pagkaraan ng anim na taon, nakausap ko ang isang maibiging kaibigan sa kongregasyon. Sinabi ko sa kaniya na parang hindi ako mahal ni Jehova. Ilang oras siyang nakinig sa akin nang hindi sumasabad. Pagkatapos, binanggit niya ang isang teksto na nakaantig sa akin—ang 1 Juan 3:19, 20, na nagsasabing: ‘Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.’ Ipinaliwanag niya na nauunawaan ni Jehova ang pinagdaraanan natin.
“Pero galít pa rin ako! Saka ko binasa ang Awit 94:19, na nagsasabi: ‘Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.’ Pakiramdam ko, isinulat para sa akin ang mga tekstong iyon! Nang maglaon, nagawa ko ring sabihin kay Jehova ang mga nadarama ko, at naginhawahan ako dahil alam kong nakikinig siya at nauunawaan niya ako.”
Talagang nakagagaan ng loob na malamang nauunawaan tayo ng Diyos at nakikiramay siya sa atin! Pero bakit laganap ang pagdurusa? Pinarurusahan ba tayo ng Diyos dahil sa masasamang ginawa natin? Kikilos ba ang Diyos para wakasan ang lahat ng pagdurusa? Tatalakayin ang mga ito sa sumusunod na mga artikulo.