Ikadalawampu’t Anim na Kabanata
“Magalak Magpakailanman sa Aking Nilalalang”
1. Anong nakapagpapatibay na mga salita ang isinulat ni apostol Pedro, at anong tanong ang bumabangon?
MAKIKITA pa kaya natin ang wakas ng kawalang-katarungan at pagdurusa? Mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas, isinulat ni apostol Pedro ang nakapagpapatibay na mga salitang ito: ‘May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa pangako ng Diyos, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.’ (2 Pedro 3:13) Si Pedro, kasama ang maraming iba pang tapat na mga lingkod ng Diyos sa loob ng maraming siglo, ay umasam sa pagdating ng dakilang araw kung saan wala nang katampalasanan, paniniil, at karahasan at ang mananaig ay katuwiran. Makatitiyak kaya tayo na matutupad ang pangakong ito?
2. Sinong propeta ang bumanggit ng “mga bagong langit at isang bagong lupa,” at nagkaroon ng anong mga katuparan ang sinaunang hulang iyan?
2 Oo, makatitiyak tayo! Nang banggitin ni Pedro ang “mga bagong langit at isang bagong lupa,” hindi siya naghaharap ng isang bagong ideya. Mga 800 taon bago nito, binigkas ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias ang kahawig na mga salita. Ang naunang pangakong iyon ay nagkaroon ng isang maliit na katuparan noong 537 B.C.E. nang palayain ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya, anupat nakabalik sila sa kanilang bayang tinubuan. Subalit ang hula ni Isaias ay may isang malaking katuparan sa ngayon, at inaasam natin ang higit pang kapana-panabik na katuparan nito sa dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos. Tunay ngang mababanaag sa nakapagpapasiglang hula na ibinigay sa pamamagitan ni Isaias ang mga pagpapalang inilalaan ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.
Namanhik si Jehova sa “Isang Sutil na Bayan”
3. Anong tanong ang sinasagot sa atin sa Isaias kabanata 65?
3 Alalahanin na ang Isaias 63:15–64:12 ay naglalaman ng makahulang panalangin ni Isaias alang-alang sa mga Judiong tapon sa Babilonya. Gaya ng niliwanag ng mga salita ni Isaias, maraming Judio ang hindi sumasamba kay Jehova nang buong kaluluwa, subalit ang ilan ay nagsisi at nanumbalik sa kaniya. Isasauli kaya ngayon ni Jehova ang bansa alang-alang sa mga nalabing iyon na nagsisi? Masusumpungan natin ang sagot sa Isaias kabanata 65. Subalit bago bigkasin ang isang pangako ng kaligtasan para sa iilang tapat, inilarawan muna ni Jehova ang kahatulang naghihintay sa marami na walang pananampalataya.
4. (a) Kabaligtaran ng kaniyang mapaghimagsik na bayan, sino ang hahanap kay Jehova? (b) Paano ikinapit ni apostol Pablo ang Isaias 65:1, 2?
4 Pinagtiisan ni Jehova ang paulit-ulit na paghihimagsik ng kaniyang bayan. Subalit darating ang panahon na pababayaan niya sila sa kanilang mga kaaway at buong-kabaitan namang tatanggapin ang iba tungo sa kaniyang paglingap. Sa pamamagitan ni Isaias ay sinabi ni Jehova: “Hinayaan kong hanapin ako niyaong mga hindi nagtanong tungkol sa akin. Hinayaan kong masumpungan ako niyaong mga hindi humanap sa akin. Sinabi ko, ‘Narito ako, narito ako!’ sa isang bansa na hindi tumatawag sa aking pangalan.” (Isaias 65:1) Isa itong nakalulungkot na obserbasyon sa tipang bayan ni Jehova na yaong kabilang sa mga bansa ay lalapit kay Jehova samantalang ang sutil na Juda naman sa kabuuan ay tatanggi sa paggawa nito. Hindi lamang si Isaias ang propetang humula na sa wakas ay pipili ang Diyos ng isang bayan na dati’y hindi kinikilala. (Oseas 1:10; 2:23) Sinipi ni apostol Pablo ang Isaias 65:1, 2 mula sa Septuagint upang patunayan na ang mga tao ng mga bansa ay magtatamo ng “katuwiran na resulta ng pananampalataya” kahit na ang likas na mga Judio ay tumanggi sa paggawa nito.—Roma 9:30; 10:20, 21.
5, 6. (a) Anong marubdob na hangarin ang ipinamalas ni Jehova, subalit ano ang itinugon ng kaniyang bayan? (b) Ano ang ating matututuhan sa pakikitungo ni Jehova sa Juda?
5 Ipinaliwanag ni Jehova kung bakit niya pababayaang dumanas ng kapahamakan ang kaniyang sariling bayan: “Iniunat ko ang aking mga kamay nang buong araw sa isang sutil na bayan, yaong mga lumalakad sa daang hindi mabuti, ayon sa kanilang mga kaisipan.” (Isaias 65:2) Ang pag-uunat ng mga kamay ay nagpapahiwatig ng paanyaya o pamamanhik. Iniunat ni Jehova ang kaniyang mga kamay, hindi sa loob lamang ng ilang sandali, kundi buong araw. Taos sa puso ang kaniyang hangarin na manumbalik sa kaniya ang Juda. Subalit hindi tumugon ang sutil na bayang ito.
6 Isa nga itong nakapagpapasiglang aral na matututuhan natin sa mga salita ni Jehova! Nais niyang lumapit tayo sa kaniya sapagkat siya’y isang Diyos na madaling lapitan. (Santiago 4:8) Ipinakikita rin sa atin ng mga salitang ito na si Jehova ay mapagpakumbaba. (Awit 113:5, 6) Kung tutuusin, patuloy niyang iniuunat ang kaniyang mga kamay sa makasagisag na paraan, anupat namamanhik sa kaniyang bayan na manumbalik bagaman sa katunayan ay ‘nagdaramdam’ siya dahil sa kanilang kasutilan. (Awit 78:40, 41) Saka lamang niya sila pinabayaan sa kanilang mga kaaway matapos ang maraming siglo ng pagsusumamo sa kanila. Magkagayunman, hindi pa rin niya pinagsasarhan ng pinto ang mapagpakumbabang mga indibiduwal sa gitna nila.
7, 8. Sa anong mga paraan ginalit si Jehova ng kaniyang sutil na bayan?
7 Paulit-ulit na ginagalit ng sutil na mga Judio si Jehova sa pamamagitan ng kanilang kahiya-hiyang paggawi. Inilarawan ni Jehova ang kanilang nakagagalit na mga kilos: “Ang bayan na binubuo niyaong mga palaging gumagalit sa akin nang mukhaan, naghahain sa mga hardin at gumagawa ng haing usok sa ibabaw ng mga laryo, umuupo sa gitna ng mga dakong libingan, na nagpapalipas din ng gabi sa mga kubong bantayan, kumakain ng karne ng baboy, at maging ang sabaw ng maruruming bagay ay nasa kanilang mga sisidlan; yaong mga nagsasabi, ‘Diyan ka lamang. Huwag mo akong lapitan, sapagkat tiyak na mahahawahan kita ng kabanalan.’ Ang mga ito ay usok sa mga butas ng aking ilong, isang apoy na nagniningas sa buong araw.” (Isaias 65:3-5) Ang mga nagbabanal-banalang ito ay gumalit kay Jehova “nang mukhaan”—isang pananalita na maaaring magpahiwatig ng kalapastanganan at kawalang-galang. Hindi man lamang nila sinikap na ikubli ang kanilang kasuklam-suklam na mga gawa. Hindi ba lalo nang masama ang magkasala sa harap mismo ng Isa na dapat sana ay igalang at sundin?
8 Sa diwa, sinasabi ng mapagmatuwid-sa-sariling mga makasalanang ito sa ibang mga Judio: ‘Lumayo ka, sapagkat mas banal ako kaysa sa iyo.’ Kay laking pagpapaimbabaw! Ang mga “nagbabanal-banalang” ito ay naghahandog ng mga hain at nagsusunog ng insenso para sa mga diyus-diyosan, na hinahatulan ng Kautusan ng Diyos. (Exodo 20:2-6) Sila’y nakaupo sa mga dakong libingan, na siyang nagpaparumi sa kanila ayon sa Kautusan. (Bilang 19:14-16) Kinakain nila ang karne ng baboy na isang maruming pagkain.a (Levitico 11:7) Subalit pakiramdam nila’y mas banal sila kaysa sa ibang mga Judio dahil sa kanilang relihiyosong mga gawain, at pinalalayo nila ang ibang tao upang ang mga ito’y hindi mapabanal, wika nga, o mapalinis, sa pamamagitan ng basta pakikipagsamahan lamang. Subalit hindi ganiyan ang pangmalas ng Diyos na humihiling ng “bukod-tanging debosyon”!—Deuteronomio 4:24.
9. Paano minalas ni Jehova ang mapagmatuwid-sa-sariling mga makasalanan?
9 Sa halip na ituring na banal ang mga mapagmatuwid na ito sa sarili, sinabi ni Jehova: “Ang mga ito ay usok sa mga butas ng aking ilong.” Ang Hebreong salita para sa “ilong” o “butas ng ilong” ay madalas na ginagamit upang sumagisag sa galit. Ang usok ay iniuugnay rin sa nag-aapoy na galit ni Jehova. (Deuteronomio 29:20) Ang kasuklam-suklam na idolatriya na kinasadlakan ng kaniyang bayan ay nagpasiklab sa nag-aapoy na galit ni Jehova.
10. Paano gagantihan ni Jehova yaong mga nasa Juda dahil sa kanilang mga kasalanan?
10 Dahil sa kaniyang katarungan, hindi maaaring pabayaan ni Jehova na di-maparusahan ang mga kusang nagkasalang ito. Sumulat si Isaias: “ ‘Narito! Nakasulat iyon sa harap ko. Hindi ako titigil, kundi maggagawad ako ng kagantihan; igagawad ko nga ang kagantihan sa kanilang dibdib, dahil sa kanilang sariling mga kamalian at dahil din naman sa mga kamalian ng kanilang mga ninuno,’ ang sabi ni Jehova. ‘Sa dahilang gumawa sila ng haing usok sa ibabaw ng mga bundok, at sa ibabaw ng mga burol ay dinusta nila ako, susukatin ko rin muna sa kanilang dibdib ang kanilang kabayaran.’ ” (Isaias 65:6, 7) Sa pakikisangkot sa huwad na pagsamba, dinusta ng mga Judiong ito si Jehova. Pinalitaw nila na ang pagsamba sa tunay na Diyos ay walang ipinagkaiba sa pagsamba ng mga bansa sa palibot nila. “Dahil sa kanilang sariling mga kamalian,” lakip na ang idolatriya at espiritismo, gagantihan sila ni Jehova “sa kanilang dibdib.” Ang pananalitang “dibdib” ay maliwanag na tumutukoy sa binungkos na tupi ng pang-itaas na kasuutan na mistulang bulsa na doon maaaring ibuhos ng mga nagtitinda ang sinukat na dami ng ani. (Lucas 6:38) Para sa apostatang mga Judio, maliwanag ang ibig sabihin—susukatin ni Jehova ang kanilang “kagantihan,” o kaparusahan. Maniningil ang Diyos ng katarungan. (Awit 79:12; Jeremias 32:18) Yamang si Jehova ay hindi nagbabago, makapagtitiwala tayo na sa kaniyang takdang panahon, susukatin din niya sa katulad na paraan ang kaparusahan sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay.—Malakias 3:6.
“Alang-alang sa Aking mga Lingkod”
11. Paano ipinahiwatig ni Jehova na ililigtas niya ang isang tapat na nalabi?
11 Kaaawaan kaya ni Jehova ang mga tapat na kabilang sa kaniyang bayan? Nagpaliwanag si Isaias: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Kung paanong ang bagong alak ay masusumpungan sa kumpol at may magsasabi, “Huwag mong sirain iyon, sapagkat may pagpapala roon,” gayon ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod upang hindi ko ipahamak ang lahat. At ilalabas ko mula sa Jacob ang isang supling at mula sa Juda ang tagapagmanang magmamay-ari ng aking mga bundok; at aariin iyon ng aking mga pinili, at ang aking mga lingkod ay tatahan doon.’ ” (Isaias 65:8, 9) Sa paghahalintulad sa kaniyang bayan sa isang kumpol ng ubas, gumamit si Jehova ng isang ilustrasyon na madali nilang maunawaan. Maraming ubas sa lupain, at ang alak na gawa sa ubas ay isang pagpapala sa sangkatauhan. (Awit 104:15) Ang larawang inihaharap ay maaaring yaong sa isang kumpol na ang ilan sa mga ubas nito ay magandang uri, bagaman hindi lahat. O maaaring ang ideya ay na magandang uri ang isang kumpol, samantalang ang ibang mga kumpol naman ay hilaw pa o bulok na. Alinman dito, hindi pipinsalain ng tagapag-alaga ng ubasan ang magagandang uri ng ubas. Sa gayon ay tinitiyak ni Jehova sa kaniyang bayan na hindi niya lubusang wawasakin ang bansa kundi ititira niya ang isang tapat na nalabi. Sinabi niya na ang nilingap na nalabing ito ang magmamana ng kaniyang “mga bundok,” samakatuwid nga, ang Jerusalem at ang lupain ng Juda, ang maburol na lalawigan na inangkin ni Jehova bilang kaniyang pag-aari.
12. Anong mga pagpapala ang naghihintay sa tapat na nalabi?
12 Anong mga pagpapala ang naghihintay sa tapat na nalabing ito? Nagpaliwanag si Jehova: “Ang Saron ay magiging pastulan para sa mga tupa at ang mababang kapatagan ng Acor naman ay pahingahang-dako para sa mga baka, para sa aking bayan na hahanap sa akin.” (Isaias 65:10) Ang mga kawan ay gumaganap ng mahalagang papel sa buhay ng maraming Judio, at nakatutulong ang malawak na lupaing panginginainan upang magkaroon ng kasaganaan sa panahon ng kapayapaan. Tinukoy ni Jehova ang dalawang dulo ng lupain upang iguhit ang isang larawan ng kapayapaan at kasaganaan. Sa gawing kanluran, ang Kapatagan ng Saron, na kilala sa kagandahan at pagkamabunga nito, ay nasa kahabaan ng Baybayin ng Mediteraneo. Ang Libis ng Acor ay nasa bahagi ng hangganan ng lupain sa hilagang-silangan. (Josue 15:7) Sa darating na pagkatapon, ang mga dakong ito’y matitiwangwang, kasabay ng natitira pang bahagi ng lupain. Subalit nangako si Jehova na matapos ang pagkatapon, ang mga ito’y magiging magagandang pastulan para sa magbabalik na nalabi.—Isaias 35:2; Oseas 2:15.
Pagtitiwala sa “Diyos ng Suwerte”
13, 14. Anong mga gawain ang nagpapakita na ang Diyos ay iniwan ng kaniyang bayan, at ano ang nangyari sa kanila bilang resulta nito?
13 Muling bumaling ngayon ang hula ni Isaias sa mga umiwan kay Jehova at nanghawakan sa idolatriya. Sinabi nito: “Kayo yaong mga umiiwan kay Jehova, yaong mga lumilimot sa aking banal na bundok, yaong mga nag-aayos ng mesa para sa diyos ng Suwerte at yaong mga nagbubuhos ng hinaluang alak para sa diyos ng Tadhana.” (Isaias 65:11) Sa paglalagay ng mesa na may pagkain at inumin sa harap ng “diyos ng Suwerte” at “diyos ng Tadhana,” ang muling-nagkasalang mga Judiong ito ay nahulog sa idolatrosong mga gawain ng paganong mga bansa.b Ano kaya ang mangyayari sa sinuman na may kamangmangang nagtitiwala sa mga diyos na ito?
14 Tahasang nagbabala si Jehova sa kanila: “Itatalaga ko kayo sa tabak, at kayong lahat ay yuyukod upang patayin; sa dahilang tumawag ako, ngunit hindi kayo sumagot; nagsalita ako, ngunit hindi kayo nakinig; at patuloy ninyong ginawa ang masama sa aking paningin, at ang bagay na hindi ko kinalugdan ay pinili ninyo.” (Isaias 65:12) Bilang pasaring sa pangalan ng diyos ng Tadhana sa orihinal na wikang Hebreo, sinabi ni Jehova na yaong mga sumasamba sa diyus-diyosang ito ay ‘itatalaga (o itatadhana) sa tabak,’ samakatuwid nga, sa pagkapuksa. Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, paulit-ulit na nanawagan si Jehova sa mga taong ito na magsisi na, subalit hindi nila siya pinansin at buong-kasutilan nilang piniling gawin ang alam nilang masama sa kaniyang paningin. Kay tindi ng paglapastangan nila sa Diyos! Bilang katuparan ng babala ng Diyos, ang bansa ay dumanas ng isang napakalaking kasakunaan noong 607 B.C.E. nang ipahintulot ni Jehova na wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at ang templo nito. Nang panahong iyon, nabigo ang “diyos ng Suwerte” na ipagsanggalang ang kaniyang mga deboto sa Juda at Jerusalem.—2 Cronica 36:17.
15. Sa anong paraan pinakikinggan ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon ang babalang masusumpungan sa Isaias 65:11, 12?
15 Sa ngayon, nakikinig ang tunay na mga Kristiyano sa babalang masusumpungan sa Isaias 65:11, 12. Hindi sila naniniwala sa “Suwerte,” na para bang ito’y isang uri ng makahimalang puwersa na nakapagbibigay ng mga pakinabang. Sa dahilang ayaw nilang sayangin ang kanilang materyal na mga tinatangkilik upang sikaping payapain ang “diyos ng Suwerte,” umiiwas sila sa lahat ng uri ng pagsusugal. Kumbinsido sila na yaong mga nag-uukol ng kanilang mga sarili sa diyos na ito ay mawawalan ng lahat ng kanilang pag-aari, sapagkat sa mga ito ay sinabi ni Jehova: “Itatalaga ko kayo sa tabak.”
“Narito! Ang Aking mga Lingkod ay Magsasaya”
16. Sa anong mga paraan pagpapalain ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod, subalit ano naman ang mangyayari sa mga umiwan sa kaniya?
16 Bilang pagsaway sa mga umiwan kay Jehova, inilarawan ng hula ang magkaibang kahihinatnan niyaong mga taimtim na sumasamba sa Diyos at niyaong mga gumagawa nito sa mapagpaimbabaw na paraan: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Narito! Ang aking mga lingkod ay kakain, ngunit kayo ay magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay iinom, ngunit kayo ay mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsasaya, ngunit kayo ay mapapahiya. Narito! Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso, ngunit kayo ay daraing dahil sa kirot ng puso at magpapalahaw kayo dahil sa lubusang pagkabagbag ng espiritu.’ ” (Isaias 65:13, 14) Pagpapalain ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod. Dahil nag-uumapaw ang kanilang mga puso sa kagalakan, sila’y magsisihiyaw sa katuwaan. Ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya ay mga terminong nagpapahiwatig na saganang sasapatan ni Jehova ang mga pangangailangan ng kaniyang mga mananamba. Sa kabaligtaran naman, yaong mga pumili na iwanan si Jehova ay magugutom at mauuhaw sa espirituwal. Hindi sasapatan ang kanilang mga pangangailangan. Sila’y daraing at magpapalahaw dahil sa panggigipuspos at kabagabagang sasapit sa kanila.
17. Bakit may mabuting dahilan ang bayan ng Diyos sa ngayon upang humiyaw sa kagalakan?
17 Inilarawang mabuti ng mga salita ni Jehova ang espirituwal na kalagayan sa ngayon niyaong mga nag-aangkin lamang na naglilingkod sa Diyos. Habang milyun-milyon sa Sangkakristiyanuhan ang dumaranas ng panlulumo ng espiritu, ang mga mananamba naman ni Jehova ay humihiyaw sa kagalakan. At mayroon silang mabuting dahilan para magsaya. Sila’y busog na busog sa espirituwal. Pinaglalaanan sila ni Jehova ng saganang suplay ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng mga publikasyong salig sa Bibliya at ng mga pagtitipong Kristiyano. Totoo, ang nakapagpapatibay na mga katotohanan at ang nakaaaliw na mga pangako ng Salita ng Diyos ay nagbibigay nga sa atin ng isang “mabuting kalagayan ng puso”!
18. Ano ang matitira sa mga umiwan kay Jehova, at ano ang maaaring ipahiwatig ng paggamit sa kanilang pangalan sa pananata?
18 Patuloy pang kinausap ni Jehova yaong mga umiwan sa kaniya: “Tiyak na ihaharap ninyo ang inyong pangalan para sa isang sumpa ng aking mga pinili, at papatayin kayong isa-isa ng Soberanong Panginoong Jehova, ngunit ang kaniyang mga lingkod ay tatawagin niya sa ibang pangalan; anupat kung pagpapalain ng sinuman sa lupa ang kaniyang sarili ay pagpapalain niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng Diyos ng pananampalataya, at ang sinumang nanunumpa sa lupa ay susumpa sa pamamagitan ng Diyos ng pananampalataya; sapagkat ang mga dating kabagabagan ay malilimutan at sapagkat ang mga iyon ay makukubli mula sa aking mga mata.” (Isaias 65:15, 16) Ang tanging matitira sa mga umiwan kay Jehova ay ang kanilang pangalan, na gagamitin lamang sa pananata, o panunumpa. Maaari itong mangahulugan na yaong mga nagnanais na taimtim na italaga ang kanilang sarili sa pamamagitan ng isang panata, sa diwa, ay magsasabi: ‘Kung hindi ko tutuparin ang pangakong ito, danasin ko na sana ang parusang tinanggap ng mga apostatang iyon.’ Maaari pa nga itong mangahulugan na ang kanilang pangalan ay gagamitin sa pagbibigay ng ilustrasyon, gaya ng Sodoma at Gomorra, bilang isang sagisag ng parusa ng Diyos sa mga balakyot.
19. Paanong ang mga lingkod ng Diyos ay tatawagin sa ibang pangalan, at bakit sila makapagtitiwala sa Diyos ng katapatan? (Tingnan din ang talababa.)
19 Ibang-iba naman ang kahihinatnan ng sariling mga lingkod ng Diyos! Sila’y tatawagin sa ibang pangalan. Nangangahulugan iyan ng pinagpalang kalagayan at ng karangalang tatamasahin nila sa kanilang bayang tinubuan. Hindi sila maghahangad ng pagpapala mula sa alinmang huwad na diyos o manunumpa sa alinmang walang-buhay na idolo. Sa halip, kapag pinagpapala nila ang kanilang sarili o kaya’y nanunumpa, gagawin nila ito sa pamamagitan ng Diyos ng katapatan. (Isaias 65:16, talababa sa Ingles) Ang mga naninirahan sa lupain ay magkakaroon ng dahilan upang lubusang magtiwala sa Diyos, sapagkat patutunayan niyang siya’y tapat sa kaniyang mga pangako.c Kapag sila’y ligtas na sa kanilang bayang tinubuan, di-magtatagal at malilimutan na ng mga Judio ang dating mga kabagabagan.
“Lumalalang Ako ng mga Bagong Langit at ng Isang Bagong Lupa”
20. Paanong ang pangako ni Jehova na ‘mga bagong langit at isang bagong lupa’ ay natupad noong 537 B.C.E.?
20 Pinalawak ngayon ni Jehova ang kaniyang pangako na isasauli ang nagsisising nalabi pagkabalik nila mula sa pagkatapon sa Babilonya. Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova: “Narito, lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isaias 65:17) Ang pangako ni Jehova ng pagsasauli ay tiyak na matutupad, kaya tinukoy niya ang panghinaharap na pagsasauling iyon na para bang ito’y nagaganap na. Ang hulang ito ay unang natupad noong 537 B.C.E. nang isauli sa Jerusalem ang mga nalabing Judio. Ano ang bumuo ng “mga bagong langit” noong panahong iyon? Ang pagkagobernador ni Zerubabel na suportado ng Mataas na Saserdoteng si Josue at nakasentro sa Jerusalem. Ang isinauling mga nalabing Judio naman ang bumuo ng “isang bagong lupa,” isang nilinis na lipunan na nagpasakop sa pamamahalang iyon at tumulong na muling maitatag ang dalisay na pagsamba sa lupain. (Ezra 5:1, 2) Natakpan ng kagalakan ng pagsasauling iyon ang lahat ng nakaraang pagdurusa; ang dating mga kabagabagan ay hindi man lamang naalaala.—Awit 126:1, 2.
21. Anong mga bagong langit ang umiral noong 1914?
21 Gayunman, alalahanin na inulit ni Pedro ang hula ni Isaias at ipinakitang ito’y may katuparan pa rin sa hinaharap. Sumulat ang apostol: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Noong 1914, umiral ang pinakahihintay na mga bagong langit. Ang Mesiyanikong Kaharian na isinilang noong taóng iyon ay namamahala mula sa langit mismo, at binigyan ito ni Jehova ng awtoridad sa buong lupa. (Awit 2:6-8) Ang pamahalaang ito ng Kaharian, sa ilalim ni Kristo at ng kaniyang 144,000 na mga kasamang tagapamahala, ang siyang mga bagong langit.—Apocalipsis 14:1.
22. Sino ang bubuo ng bagong lupa, at paanong ngayon pa lamang ay inihahanda na ang mga tao upang maging pinakapundasyon ng kaayusang iyon?
22 Ano naman ang tungkol sa bagong lupa? Gaya ng nangyari sa sinaunang katuparan, ang bagong lupa ay bubuuin ng mga taong malugod na nagpapasakop sa pamamahala ng bagong makalangit na pamahalaan. Ngayon pa lamang, milyun-milyon nang indibiduwal na may wastong saloobin ang nagpapasakop sa pamahalaang ito at nagsisikap na makasunod sa mga kautusan nito gaya ng masusumpungan sa Bibliya. Ang mga ito’y mula sa lahat ng nasyonalidad, wika, at lahi, at sila’y sama-samang gumagawa upang paglingkuran ang namamahalang Hari na si Jesu-Kristo. (Mikas 4:1-4) Kapag wala na ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay, ang grupong ito ang siyang magiging pinakapundasyon ng isang bagong lupa na sa dakong huli ay magiging isang pangglobong lipunan ng mga taong may takot sa Diyos na magmamana ng makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 25:34.
23. Anong impormasyon ang masusumpungan natin sa aklat ng Apocalipsis may kinalaman sa “isang bagong langit at isang bagong lupa,” at paano matutupad ang hulang ito?
23 Ang aklat ng Apocalipsis ay naglalarawan ng isang pangitain na nakita ni apostol Juan tungkol sa dumarating na araw ni Jehova, na doo’y papawiin na ang sistemang ito ng mga bagay. Pagkatapos niyan, si Satanas ay ibubulid sa kalaliman. (Apocalipsis 19:11–20:3) Pagkatapos ng paglalarawang iyan, inulit ni Juan ang makahulang mga salita ni Isaias, na isinulat: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa.” Ang kasunod na mga talata ng ulat ng maluwalhating pangitaing ito ay bumabanggit hinggil sa panahon na gagawa ang Diyos na Jehova ng malaking pagbabago sa mga kalagayan sa lupang ito ukol sa ikabubuti. (Apocalipsis 21:1, 3-5) Maliwanag, ang pangako ni Isaias na ‘mga bagong langit at isang bagong lupa’ ay magkakaroon ng kahanga-hangang katuparan sa bagong sanlibutan ng Diyos! Sa ilalim ng bagong tagapamahalang mga langit, isang bagong makalupang lipunan ang magtatamasa ng isang paraiso na kapuwa espirituwal at pisikal. Tunay ngang nakaaaliw ang pangako na “ang mga dating bagay [sakit, pagdurusa, at marami pang ibang kaabahan na kinakaharap ng mga tao] ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” Anumang bagay na maalaala natin sa panahong iyon ay hindi magdudulot sa atin ng matinding sakit, o kirot, na ngayo’y nagpapabigat sa puso ng marami.
24. Bakit magsasaya si Jehova sa pagsasauli ng Jerusalem, at ano ang hindi na maririnig pa sa mga lansangan ng lunsod na iyon?
24 Nagpatuloy ang hula ni Isaias: “Magbunyi kayo at magalak magpakailanman sa aking nilalalang. Sapagkat narito, nilalalang ko ang Jerusalem bilang sanhi ng kagalakan at ang kaniyang bayan bilang sanhi ng pagbubunyi. At ako ay magagalak sa Jerusalem at magbubunyi sa aking bayan; at hindi na maririnig pa sa kaniya ang tinig ng pagtangis o ang tinig ng malungkot na hiyaw.” (Isaias 65:18, 19) Hindi lamang ang mga Judio ang magsasaya dahil sa sila’y isinauli na sa kanilang lupang tinubuan kundi ang Diyos mismo ay magsasaya, dahil pagagandahin niya ang Jerusalem—na muling naging sentro ng tunay na pagsamba sa lupa. Ang tinig ng pagtangis dahil sa kapahamakan, na narinig sa mga lansangan ng lunsod na iyon mga ilang dekada bago nito, ay hindi na maririnig pa.
25, 26. (a) Sa ating kapanahunan, paano ginagawa ni Jehova ang Jerusalem “bilang sanhi ng kagalakan”? (b) Paano gagamitin ni Jehova ang Bagong Jerusalem, at bakit tayo maaaring magbunyi sa ngayon?
25 Ginagawa rin naman ngayon ni Jehova ang Jerusalem “bilang sanhi ng kagalakan.” Paano? Gaya ng nakita na natin, sa dakong huli ay ilalakip sa mga bagong langit na umiral noong 1914 ang 144,000 na mga kasamang tagapamahala, na makikibahagi sa makalangit na pamahalaan. Ang mga ito’y makahulang inilarawan bilang ang “Bagong Jerusalem.” (Apocalipsis 21:2) May kinalaman sa Bagong Jerusalem ay sinabi ng Diyos: “Narito, nilalalang ko ang Jerusalem bilang sanhi ng kagalakan at ang kaniyang bayan bilang sanhi ng pagbubunyi.” Ang Bagong Jerusalem ay gagamitin ng Diyos upang magpaulan ng di-masayod na mga pagpapala sa masunuring sangkatauhan. Hindi na maririnig pa ang tinig ng pagtangis o ng malungkot na hiyaw, sapagkat sasapatan ni Jehova “ang mga kahilingan ng [ating] puso.”—Awit 37:3, 4.
26 Tunay ngang napakaraming dahilan upang tayo’y magbunyi sa ngayon! Malapit nang pakabanalin ni Jehova ang kaniyang maningning na pangalan sa pamamagitan ng pagpuksa sa lahat ng sumasalansang. (Awit 83:17, 18) Pagkatapos ay lubusan nang mangangasiwa ang mga bagong langit. Tunay ngang napakainam na mga dahilan ito upang magbunyi at magalak magpakailanman sa nilalalang ng Diyos!
Ang Ipinangakong Matiwasay na Kinabukasan
27. Sa anong paraan inilarawan ni Isaias ang katiwasayang tatamasahin ng magbabalik na mga Judio sa kanilang lupang-tinubuan?
27 Sa unang katuparan, ano ang magiging buhay ng nagbalik na mga Judio sa ilalim ng mga bagong langit? Sinabi ni Jehova: “Hindi na magkakaroon ng pasusuhin na iilang araw ang gulang mula sa dakong iyon, ni ng matanda man na hindi nakalulubos ng kaniyang mga araw; sapagkat ang isa ay mamamatay na isang bata pa, bagaman isang daang taon ang gulang; at kung tungkol sa makasalanan, bagaman isang daang taon ang gulang ay susumpain siya.” (Isaias 65:20) Kay gandang larawan ng katiwasayang tatamasahin ng magbabalik na mga tapon sa kanilang isinauling lupang tinubuan! Hindi daranas ng di-napapanahong kamatayan ang isang bagong-silang, na iilang araw lamang ang edad. Hindi rin kukunin ng gayong kamatayan ang isang matandang lalaki na hindi pa umaabot sa hustong haba ng buhay.d Tunay ngang nakapagpapatibay ang mga salita ni Isaias para sa mga Judio na magbabalik sa Juda! Yamang ligtas na sa kanilang lupain, hindi na sila mababahala na tatangayin ng mga kaaway ang kanilang mga sanggol o papatayin ang kanilang mga kalalakihan.
28. Ano ang matututuhan natin sa mga salita ni Jehova tungkol sa buhay sa bagong sanlibutan sa ilalim ng kaniyang Kaharian?
28 Ano ang sinasabi sa atin ng mga salita ni Jehova tungkol sa buhay sa dumarating na bagong sanlibutan? Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, bawat bata ay may pag-asang magkaroon ng isang matiwasay na kinabukasan. Hindi kailanman daranas ng kamatayan ang isang taong may takot sa Diyos na nasa kasariwaan ng kaniyang buhay. Sa kabaligtaran, ang masunuring sangkatauhan ay magiging ligtas, tiwasay, at masisiyahan sa buhay. Paano naman kung may sinumang maghimagsik laban sa Diyos? Maiwawala ng mga ito ang pribilehiyong mabuhay. Kahit na ang makasalanang rebelde ay “isang daang taon ang gulang,” siya’y mamamatay. Kung magkagayon, siya’y “isang bata pa” kung ihahambing sa magiging kalagayan niya sana—isang ganap na taong nabubuhay nang walang hanggan.
29. (a) Ang masunuring bayan ng Diyos ay magkakaroon ng anong mga kagalakan sa isinauling lupain ng Juda? (b) Bakit ang mga punungkahoy ay isang angkop na paglalarawan ng mahabang buhay? (Tingnan ang talababa.)
29 Nagpatuloy si Jehova sa kaniyang paglalarawan sa mga kalagayang iiral sa isinauling lupain ng Juda: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:21, 22) Pagbalik sa tiwangwang at tiyak na walang kabahayan at walang ubasan na lupain ng Juda, ang masunuring bayan ng Diyos ay magagalak sa paninirahan sa kanilang sariling mga tahanan at sa pagkain ng bunga ng kanilang sariling mga ubasan. Pagpapalain ng Diyos ang kanilang gawain, at magkakaroon sila ng mahabang buhay—gaya ng mga araw ng isang punungkahoy—upang masiyahan sa mga bunga ng kanilang pagpapagal.e
30. Anong maligayang kalagayan ang tinatamasa ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon, at ano ang tatamasahin nila sa bagong sanlibutan?
30 Sa ating kapanahunan, nagkaroon ng katuparan ang hulang ito. Ang bayan ni Jehova ay lumabas mula sa espirituwal na pagkatapon noong 1919 at pinasimulan nilang isauli ang kanilang “lupain,” o larangan ng gawain at pagsamba. Nagtayo sila ng mga kongregasyon at naglinang ng espirituwal na pagkamabunga. Bilang resulta, ngayon pa lamang ay nagtatamasa na ang bayan ni Jehova ng isang espirituwal na paraiso at bigay-Diyos na kapayapaan. Makatitiyak tayo na ang gayong kapayapaan ay magpapatuloy hanggang sa pisikal na Paraiso. Ni hindi natin kayang gunigunihin ang isasagawa ni Jehova sa pamamagitan ng masunuring puso at mga kamay ng kaniyang mga mananamba sa bagong sanlibutan. Tunay ngang isang kagalakan na magtayo ng iyong sariling bahay at pagkatapos ay tumira rito! Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, hindi magkakaroon ng kakapusan sa nakasisiyang gawain. Tunay ngang nakalulugod na palaging “magtamasa ng kabutihan” sa mga bunga ng iyong sariling mga pagpapagal! (Eclesiastes 3:13) Magkakaroon kaya tayo ng sapat na panahon upang masiyahang lubos sa gawa ng ating mga kamay? Oo, tiyak iyan! Ang walang-katapusang buhay ng tapat na mga tao ay magiging “gaya ng mga araw ng punungkahoy”—libu-libong taon, at higit pa!
31, 32. (a) Anong mga pagpapala ang tatamasahin ng magbabalik na mga tapon? (b) Sa bagong sanlibutan, anong pag-asa ang tataglayin ng tapat na mga tao?
31 Inilarawan ni Jehova ang higit pang mga pagpapala na naghihintay sa magbabalik na mga tapon: “Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan, ni manganganak man sila ukol sa kabagabagan; sapagkat sila ang supling na binubuo ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga inapo na kasama nila.” (Isaias 65:23) Pagpapalain ni Jehova ang isinauling mga Judiong iyon, kaya hindi masasayang ang kanilang pagpapagal. Hindi magkakaanak ang mga magulang upang ang mga ito’y dumanas lamang ng maagang kamatayan. Hindi mag-iisa ang dating mga tapon sa pagtatamasa ng mga pagpapalang dulot ng pagsasauli; makakasama nila ang kanilang mga supling. Sabik na sabik ang Diyos na sapatan ang mga pangangailangan ng kaniyang bayan anupat nangako siya: “Mangyayari nga na bago sila tumawag ay sasagot ako; samantalang sila ay nagsasalita pa, aking diringgin.”—Isaias 65:24.
32 Paano tutuparin ni Jehova ang mga pangakong ito sa dumarating na bagong sanlibutan? Kailangang maghintay tayo upang makita natin. Hindi ibinigay ni Jehova ang lahat ng detalye, subalit makatitiyak tayo na ang tapat na mga tao ay hinding-hindi na “magpapagal nang walang kabuluhan.” Ang malaking pulutong na makaliligtas sa Armagedon at sinumang bata na isisilang sa kanila ay magkakaroon ng pag-asang magtamasa ng isang napakahaba at kasiya-siyang buhay—buhay na walang hanggan! Yaong mga bubuhaying-muli at magpapasiyang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos ay makasusumpong din ng kagalakan sa bagong sanlibutan. Diringgin at tutugunin ni Jehova ang kanilang mga pangangailangan, anupat uunahan pa nga ang mga ito. Sa katunayan, bubuksan ni Jehova ang kaniyang kamay at sasapatan ang wastong “nasa ng bawat bagay na may buhay.”—Awit 145:16.
33. Kapag nakabalik na ang mga Judio sa kanilang lupang-tinubuan, sa anong diwa magiging payapa ang mga hayop?
33 Magiging gaano kalawak kaya ang ipinangakong kapayapaan at katiwasayan? Ganito tinapos ni Jehova ang bahaging ito ng hula: “ ‘Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro; at kung tungkol sa serpiyente, ang magiging pagkain niya ay alabok. Hindi sila mananakit ni maninira man sa aking buong banal na bundok,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 65:25) Kapag nakabalik na ang tapat na mga nalabing Judio sa kanilang lupang-tinubuan, sila’y sasailalim sa pangangalaga ni Jehova. Sa diwa, ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro, sapagkat ang leon ay hindi na mananakit sa mga Judio o sa kanilang mga alagang hayop. Tiyak ang pangakong ito, sapagkat nagtapos ito sa mga salitang, “ang sabi ni Jehova.” At ang kaniyang salita ay palaging nagkakatotoo!—Isaias 55:10, 11.
34. Ano ang kapana-panabik na katuparan ng mga salita ni Jehova sa ngayon at sa bagong sanlibutan?
34 Kapana-panabik ang katuparan ng mga salita ni Jehova sa gitna ng mga tunay na mananamba sa ngayon. Mula noong 1919, pinagpala na ng Diyos ang espirituwal na lupain ng kaniyang bayan, anupat ginagawa itong isang espirituwal na paraiso. Yaong mga pumapasok sa espirituwal na paraisong ito ay gumagawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay. (Efeso 4:22-24) Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ang mga indibiduwal na dati’y may makahayop na mga personalidad—marahil ay nagsamantala o kaya’y bumiktima sa kanilang kapuwa—ay sumusulong sa pagsupil sa di-kanais-nais na mga ugali. Bilang resulta, nagtatamasa sila ng kapayapaan at pagkakaisa sa pagsamba kasama ng mga kapananampalataya. Ang mga pagpapalang tinatamasa ngayon ng bayan ni Jehova sa kanilang espirituwal na paraiso ay aabot hanggang sa pisikal na Paraiso, kung saan ang kapayapaang namamayani sa mga tao ay may katambal na pakikipagpayapaan sa mga hayop. Makatitiyak tayo na sa takdang panahon ng Diyos, ang kaniyang orihinal na atas sa sangkatauhan ay wastong maisasagawa: “Supilin [ang lupa], at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 1:28.
35. Bakit taglay natin ang lahat ng dahilan upang “magalak magpakailanman”?
35 Laking pasasalamat natin na nangako si Jehova na lalalang siya ng “mga bagong langit at ng isang bagong lupa”! Ang pangakong iyan ay natupad noong 537 B.C.E. at natutupad pa rin sa ngayon. Itinuturo ng dalawang katuparang ito ang daan tungo sa isang maluwalhating kinabukasan para sa masunuring sangkatauhan. Buong kagandahang-loob na ipinahintulot ni Jehova, sa pamamagitan ng hula ni Isaias, na masulyapan natin ang mga ilalaan niya sa mga umiibig sa kaniya. Tunay ngang taglay natin ang lahat ng dahilan upang makinig sa mga salita ni Jehova: “Magalak magpakailanman sa aking nilalalang”!—Isaias 65:18.
[Mga talababa]
a Ipinalalagay ng marami na ang mga makasalanang ito ay nasa mga dakong libingan upang tangkaing makipag-usap sa mga patay. Ang pagkain nila ng karne ng baboy ay maaaring may kaugnayan sa pagsamba sa idolo.
b Bilang komento sa talatang ito, binanggit ng tagapagsalin ng Bibliya na si Jerome (ipinanganak noong ikaapat na siglo C.E.) ang tungkol sa isang sinaunang kaugalian na sinusunod ng mga mananamba sa idolo tuwing huling araw ng katapusang buwan ng kanilang taon. Sumulat siya: “Naglalagay sila ng isang mesa na punô ng iba’t ibang uri ng pagkain at isang kopa na may halong matamis na alak upang matiyak ang suwerte para sa pagiging mabunga ng nagdaang taon o ng darating na taon.”
c Ayon sa Isaias 65:16 sa tekstong Hebreo Masoretiko, si Jehova ang “Diyos ng Amen.” Ang “Amen” ay nangangahulugang “mangyari nawa,” o “tiyak,” at isang pagpapatibay o garantiya na ang isang bagay ay totoo o nakatakdang magkatotoo. Sa pagsasakatuparan ng lahat ng kaniyang ipinangako, ipinakikita ni Jehova na anumang sabihin niya ay totoo.
d Ganito ang salin ng The Jerusalem Bible sa Isaias 65:20: “Wala nang masusumpungang sanggol na nabuhay nang iilang araw lamang, o matanda na hindi nabuhay hanggang sa kawakasan ng kaniyang mga araw.”
e Ang mga punungkahoy ay isang angkop na paglalarawan ng mahabang buhay, sapagkat ang mga ito ay kabilang sa mga bagay na kilalang may pinakamatagal na buhay. Halimbawa, ang isang punong olibo ay namumunga sa loob ng daan-daang taon at maaaring mabuhay nang hanggang isang libong taon.
[Larawan sa pahina 389]
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, magkakaroon tayo ng sapat na panahon upang masiyahan sa gawa ng ating mga kamay