Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Pagsusugal ba’y Para sa mga Kristiyano?
ANG PAGSUSUGAL AY ISANG MAGASTOS NA BISYO. KADALASANG INUUBOS NITO ANG KALAHATI NG KITA NG ISA AT MAAARING HUMANTONG SA PAGKALAKI-LAKING UTANG. MAAARING SIRAIN NG BISYONG ITO ANG MGA PAG-AASAWA AT MGA KARERA AT MAAARI PA NGANG ITULAK NITO ANG ILAN NA MASANGKOT SA KRIMEN. ANG MGA BIKTIMA NITO AY NAGUGUMON AT MAAARING DUMANAS NG HINDI KANAIS-NAIS NA MGA REAKSIYON SA PAGHINTO SA PAGSUSUGAL TULAD NG NAKIKITA SA IBA PANG MGA SUGAPA.
ANG pagsusugal ay napakapalasak anupat itinuturing ito ng ilang bansa na isang “pambansang libangan.” Gayunman, ano nga ba ang pagsusugal? Ang pagsusugal ay “pagpusta sa kalalabasan ng isang pangyayari sa hinaharap,” sabi ng The World Book Encyclopedia. “Ang mga sugarol ay karaniwang pumupusta ng salapi o ibang bagay na mahalaga bilang isang tayâ sa resulta na kanilang hinuhulaan. Kapag napagpasiyahan na ang resulta, kinokolekta ng nanalo ang mga tayâ ng mga talunan.”
Ang pagsusugal ay hindi isang bagong bagay. Ang sinaunang Maya ng Sentral Amerika ay dating naglaro ng isang popular na larong bola na tinatawag na poktatok—kilala ng mga Aztec bilang tlachtli—“kung saan ang ilan, dahil sa naiwala ang kanilang kayamanan dahil sa pagsusugal, ay itinatayâ ang kanila mismong mga buhay,” sabi ng magasing Américas. Ang mga sinaunang taong ito ay naging sugapa sa pagtayâ, kung minsa’y “isinasapanganib ang buhay ng pagkaalipin sa pabagu-bagong talbog ng bolang goma.”
Bakit ba nasilo ang marami sa masidhing kasiyahan ng pagsusugal? Ayon kay Duane Burke, pangulo ng Public Gaming Research Institute sa Estados Unidos, “parami nang paraming tao ang itinuturing ang pagsusugal bilang isang kanais-nais na anyo ng libangan.” Sinasang-ayunan pa nga ng ilang relihiyosong organisasyon ang pagsusugal bilang isang paraan ng pangingilak ng salapi.
Bagaman ang pagsusugal ay popular at may matagal nang kasaysayan, ito ba’y isa lamang hindi masamang libangan para sa mga Kristiyano? O higit pa ba ang nasasangkot diyan?
Bakit Nagsusugal ang mga Tao?
Sa maikli, upang manalo. Para sa mga sugarol, ang pagsusugal ay waring isang mabilis, nakatutuwang paraan upang kumita ng salapi nang walang pagod at disiplinang nasasangkot sa pagtatrabaho sa isang sekular na trabaho. Maraming panahon ang ginugugol sa pagguniguni tungkol sa “malaking panalo” at kung ano ang maaaring dalhin sa kanila na katanyagan at ari-arian ng premyong iyon.
Subalit ang tsansa laban sa sugarol ay kapansin-pansin. Halimbawa, sinasabi ng dalubhasa sa estadistika na si Ralf Lisch na sa Alemanya “ikaw ay apat na ulit na mas malamang na tamaan ng kidlat sa isang taon kaysa [manalo] sa [loteryang Aleman na] mga pusta.” Kung iyan ay tila hindi nakakukumbinsi, idinagdag niya ang sumusunod na paghahambing: “Kung ikaw ay isang lalaki, ang tsansa mong makaabot [sa edad na] 100 ay 7,000 ulit na nakahihigit kaysa [manalo sa loterya].” Balintuna nga, maaaring nalalaman ito ng sugarol. Kaya, ano ang nagpapangyari sa kaniya na patuloy na magsugal?
Ayon kay Dr. Robert Custer, sa kaniyang aklat na When Luck Runs Out, para sa ilan na nagsusugal, “ang pinansiyal na pakinabang ay isa lamang sa aspekto ng pagwawagi. . . . Para sa kanila ang mahalagang bagay ay ang inggit, paggalang, paghanga, labis na papuri na maaaring hilingin sa pagwawagi ng salapi.” Sinabi pa niya na para sa mga taong ito, ito ang “katuwaan na ipagparangalan ang salapi o basta masabing, ‘Malaki ang aking napanalunan’ at masiyahan sa kaluwalhatian.”
Sa kabilang panig naman, ang pagwawagi—at ang katuwaan na kaagapay nito—ay hindi pa rin sapat para sa maraming sugarol. Ang udyok na magsugal ay maaaring tumindi nang husto anupat sila’y nagiging pusakal na mga sugarol. Sa isang pagsusuri na isinagawa ni Dr. Custer sa mga miyembro ng Gamblers Anonymous, 75 porsiyento niyaong mga tinanong ang nagsabi na ipinagmamalaki nila ang tungkol sa pagwawagi kahit na sila ay natatalo! Oo, ang pagsusugal ay maaaring maging isang pagkasugapang kasintindi at mapangwasak na gaya ng pagkasugapa sa alkohol o sa iba pang droga. Ilang sugarol ang di-sinasadyang nagumon sa pagsusugal mula lamang sa pagsusugal bilang libangan? Ilan ang naging gayon at hindi pa nga nalalaman ito?
Ang Pangmalas ng Diyos
Hindi tinatalakay ng Bibliya ang pagsusugal nang detalyado. Gayunpaman, ito’y nagbibigay sa atin ng mga simulain na tutulong sa atin upang matiyak kung paano minamalas ng Diyos ang pagsusugal.
Ipinakikita ng karanasan na ang pagsusugal ay nagpapabanaag ng kasakiman. Matinding hinahatulan ng Bibliya ang kasakiman, nagbababala na ‘walang taong masakim ang magmamana ng kaharian ng Diyos.’ (Efeso 5:5) Ang kasakiman ay nakikita kahit na kapag natatalo ang mga sugarol. Ayon sa isang awtoridad, ang sugarol “ay nagsisikap na mabawi ang kaniyang nawala—hinahanap ang ‘malaking panalo.’ Kung nananalo siya, mas malaki ang kaniyang pusta, at sa wakas nawawala niya ang kaniyang ‘malaking panalo.’ ” Oo, ang kasakiman ay tiyak na isang bahagi ng pagsusugal.
Ang pagsusugal ay ginamit ng ilan bilang isang paraan upang gatungan ang kanilang pagmamataas. Ipinakita ng isang surbey na isinagawa sa pusakal na mga sugarol na itinuring ng 94 na porsiyento ang pagsusugal bilang isang “gawain na nakatutulong sa iyong pagkamaka-ako,” at 92 porsiyento ang nagsabi na inaakala nilang sila’y “isang importanteng tao” kapag sila’y nagsusugal. Gayunman, sabi ng Diyos: “Ang pagdakila sa sarili at pagmamataas . . . ay aking kinapopootan.” Kaya, ang mga Kristiyano ay pinapayuhang linangin ang kahinhinan at pagpapakumbaba.—Kawikaan 8:13; 22:4; Mikas 6:8.
Ang pagsusugal ay maaari ring gumanyak ng katamaran, yamang para bang ito ang madaling paraan upang magkapera nang walang pagod na nasasangkot sa pagtatrabaho. Subalit maliwanag na hinihimok ng Salita ng Diyos ang mga Kristiyano sa masigasig, puspusang paggawa.—Efeso 4:28.
Higit pa riyan, ang tinatawag nilang suwerte ay napakahalaga sa ilang sugarol anupat ito na lamang ang laman ng kanilang isip, ginagawa ito na kanilang diyos. Katulad ito ng ulat ng Bibliya tungkol sa mga lalaking “naghahanda ng hapag para sa diyos ng Mabuting Kapalaran.” Dahil sa kanilang idolatrosong gawi, sila’y ibinigay “sa tabak.”—Isaias 65:11, 12.
Kumusta naman kung ang isang tao ay inalok ng isang libreng tiket ng loterya o libreng salapi upang gamitin sa pagsusugal? Sa alinmang kaso, ang pagtanggap ng gayong alok ay pagsuporta pa rin sa pagpapalakad ng pagsusugal—isang pagpapalakad na hindi kasuwato ng maka-Diyos na mga simulain.
Hindi, ang pagsusugal ay hindi para sa mga Kristiyano. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang editor ng isang magasin, ‘ang pagsusugal ay hindi lamang masama kundi hindi rin ito matalinong gawin.’
[Picture Credit Line sa pahina 14]
Valentin/The Cheaters, Giraudon/Art Resource