Maging Malapít sa Diyos
“Ang mga Dating Bagay ay Hindi Aalalahanin”
NAPAKASARAP sariwain ang magagandang alaala. Sumisigla tayo kapag sinasariwa natin ang masasayang panahon sa piling ng ating mga mahal sa buhay. Pero may mga alaala na mistulang bangungot. Pinahihirapan ka ba ng masasakit na alaala? Kung oo, baka maitanong mo, ‘Mabubura pa kaya sa isip ko ang malulungkot na alaalang ito?’ Mapapatibay tayo ng sagot mula sa pananalitang iniulat ni propeta Isaias.—Basahin ang Isaias 65:17.
Layunin ni Jehova na alisin ang ugat ng masasakit na alaala. Paano? Aalisin niya ang napakasamang sanlibutang ito pati na ang lahat ng pagdurusang dinaranas dito, at papalitan ng bago. Sa pamamagitan ni Isaias, ipinangako ni Jehova: “Narito, lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa.” Kung mauunawaan natin ang pangakong ito, mapupunô ng pag-asa ang ating puso.
Ano ba ang mga bagong langit? Makatutulong sa atin ang iba pang sinasabi ng Bibliya. Una, ang ideya tungkol sa mga bagong langit ay binanggit ng dalawa pang manunulat ng Bibliya, at sa bawat pagbanggit, ang pananalita ay iniuugnay sa malalaking pagbabago sa lupang ito. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4) Ikalawa, sa Bibliya ang terminong “mga langit” ay maaaring sumagisag sa pamamahala, o gobyerno. (Isaias 14:4, 12; Daniel 4:25, 26) Kung gayon, ang mga bagong langit ay isang bagong gobyerno, na makapagtatatag ng matuwid na kalagayan sa lupa. Mayroon lang isang pamamahala na makagagawa ng lahat ng iyan—ang Kaharian ng Diyos, ang gobyerno sa langit na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin. Pangyayarihin ng Kahariang iyan na maganap sa buong lupa ang matuwid na kalooban ng Diyos.—Mateo 6:9, 10.
Ano naman ang bagong lupa? Matutulungan tayo ng dalawang impormasyon mula sa Kasulatan para sa tamang konklusyon. Una, sa Bibliya, ang terminong “lupa” ay tumutukoy kung minsan sa mga tao, hindi sa globo. (Genesis 11:1; Awit 96:1) Ikalawa, inihula ng Bibliya na sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, ang tapat na mga tao ay matututo ng katuwiran, na lalaganap sa buong lupa. (Isaias 26:9) Kung gayon, ang bagong lupa ay tumutukoy sa isang lipunan ng mga tao na magpapasakop sa pamamahala ng Diyos at mamumuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan.
Nakikita mo na ba kung paano aalisin ni Jehova ang ugat ng masasakit na alaala? Malapit nang lubusang tuparin ni Jehova ang kaniyang ipinangakong mga bagong langit at isang bagong lupa, anupat iiral ang isang matuwid na bagong sanlibutan.a Sa bagong sanlibutang iyan, ang ugat ng masasakit na alaala—pisikal, mental, at emosyonal na pagdurusa—ay malilimutan na. Ang tapat na mga tao ay lubos na masisiyahan sa buhay, at magkakaroon ng magagandang alaala sa bawat araw.
Pero paano naman ang kirot na nadarama natin ngayon? Ipinangako rin ni Jehova: “Ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” Unti-unti nating malilimutan ang kirot na dinanas natin sa matandang sanlibutang ito. Natutuwa ka ba sa pangakong iyan? Kung oo, bakit hindi mo alamin kung paano ka higit na mápapalapít sa Diyos na nangako ng ganiyang magandang kinabukasan?
Pagbabasa ng Bibliya para sa Marso:
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung ano ang malapit na nitong gawin, tingnan ang kabanata 3, 8, at 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 19]
Layunin ni Jehova na alisin ang ugat ng masasakit na alaala