Anong Kinabukasan Para sa Ating Lupa?
“Wala nang iba pang siglong napaulat ang makapapantay sa ika-20 hinggil sa di-sibilisadong karahasan ng mga mamamayan, sa bilang ng naganap na mga alitan, sa dami ng mga ibinungang nagsilikas, sa milyun-milyong taong namatay sa mga digmaan, at sa napakalaking gastos para sa ‘depensa,’ ” sabi ng World Military and Social Expenditures 1996. Magbabago pa kaya ang situwasyong ito?
Ipinaalaala ni apostol Pedro sa mga Kristiyano ang isang pangako na ginawa ng Diyos ilang siglo bago nito: “Subalit may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang mga salitang ito ay orihinal na bahagi ng hula ni Isaias. (Isaias 65:17; 66:22) Naranasan ng sinaunang Israel ang isang panimulang katuparan nito nang ibalik ang bansa sa lupang pangako pagkatapos na mabihag sa Babilonya sa loob ng 70 taon. Sa pamamagitan ng pag-uulit sa pangako ng “mga bagong langit at isang bagong lupa,” ipinakita ni Pedro na matutupad pa ang hula sa isang mas malawak na antas—sa buong daigdig!
Kalooban ng Diyos na umiral ang matuwid na mga kalagayan sa buong lupa, at pangyayarihin ito ng kaniyang makalangit na Kaharian na doo’y si Kristo ang Hari. “Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:4) Ang gayong ganap na kapayapaan at katiwasayan sa lupa ang siyang itinuro ni Jesus na asahan at ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod sa karaniwang tinatawag na Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon, na nagsasabi: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Masisiyahan ka kayang mamuhay sa isang daigdig ng katuwiran na kagaya ng sa langit? Iyan ang pag-asang inihaharap ng Bibliya sa lahat ng buong-pusong nagsisikap na makilala ang Diyos at mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga daan.