Isang Mayabong na Punong Olibo sa Bahay ng Diyos
SA LUPAIN ng Israel, may isang punungkahoy na tumutubo na halos hindi namamatay. Kahit na ito’y putulin, ang tuod ng ugat nito ay agad na naglalabas ng bagong mga supang. At kapag naani na ang mga prutas nito, ginagantimpalaan nito ang may-ari nito ng saganang langis na magagamit sa pagluluto, sa ilawan, sa paglilinis, at sa mga kosmetik.
Ayon sa isang sinaunang talinghaga na nakatala sa aklat ng Bibliya na Mga Hukom, “noong unang panahon ay humayo ang mga punungkahoy upang pahiran ang isang hari sa kanila.” Aling punungkahoy sa gubat ang kanilang unang pinili? Walang iba kundi ang matibay at mayabong na punong olibo.—Hukom 9:8.
Mahigit na 3,500 taon na ang nakalipas, inilarawan ni propeta Moises ang Israel bilang ‘isang mabuting lupain, isang lupain ng mga olibo.’ (Deuteronomio 8:7, 8) Kahit na sa ngayon, napakaraming taniman ng olibo na nakakalat sa tanawin mula sa paanan ng Bundok Hermon sa hilaga hanggang sa mga hangganan ng Beersheba sa timog. Pinagaganda pa rin ng mga ito ang baybaying Kapatagan ng Sharon, ang mabatong mga gilid ng burol ng Samaria, at ang matabang lupa na mga libis ng Galilea.
Madalas gamitin ng mga manunulat ng Bibliya ang punong olibo sa makasagisag na diwa. Ang mga bahagi ng punungkahoy na ito ay ginamit upang ilarawan ang awa ng Diyos, ang pangako ng pagkabuhay-muli, at ang maligayang buhay pampamilya. Ang malapitang pagsusuri sa olibo ay tutulong sa atin na maunawaan ang mga pagtukoy na ito ng Kasulatan at magpapalalim sa ating pagpapahalaga sa pambihirang punungkahoy na ito na sumasama sa iba pang nilalang sa pagpuri sa Maygawa nito.—Awit 148:7, 9.
Ang Matatag na Puno ng Olibo
Ang isang puno ng olibo ay hindi partikular na kahanga-hanga sa unang tingin. Hindi ito abot-langit na gaya ng ilang matatayog na sedro ng Lebanon. Ang troso nito ay hindi kasinghalaga ng enebro, at ang mga bulaklak nito ay hindi kalugud-lugod sa paningin na gaya niyaong sa puno ng almendras. (Awit ni Solomon 1:17; Amos 2:9) Ang pinakamahalagang bahagi ng puno ng olibo ay hindi nakikita—nasa ilalim ng lupa. Ang malaganap na mga ugat nito, na maaaring umabot nang anim na metro sa ilalim ng lupa at mas malayo pa ang nararating nang pahalang, ang susi sa pagiging mayabong at mahaba ng buhay nito.
Ang mga ugat na ito ang nagpapangyari na manatiling buháy ang mga punong olibo sa mabatong mga gilid ng burol sa panahon ng tagtuyot kapag ang mga punungkahoy sa libis sa ibaba ay namatay na dahil sa uhaw. Ang mga ugat ang nagpapangyari ritong patuloy na mamunga ng mga olibo sa loob ng mga dantaon, kahit na ang mabukóng katawan nito ay maaaring magtinging angkop lamang para sa panggatong. Ang kailangan lamang ng matatag na punungkahoy na ito ay lugar upang lumaki at buhaghag na lupa upang ito’y makahinga, na walang mga panirang-damo o iba pang pananim na maaaring pinamumugaran ng nakapipinsalang mga insekto. Kapag natugunan ang simpleng mga kahilingang ito, ang isang punungkahoy ay makapaglalaan ng hanggang 57 litro ng langis sa isang taon.
Walang alinlangang ang olibo ay mahal ng mga Israelita dahil sa mahalagang langis nito. Ang mga lamparang may mitsa na sumisipsip ng langis ng olibo ang tumatanglaw sa kani-kanilang tahanan. (Levitico 24:2) Ang langis ng olibo ay mahalaga sa pagluluto. Ipinagsasanggalang nito ang balat mula sa araw, at naglalaan ito sa mga Israelita ng sabon para sa paglalaba. Ang binutil, alak, at mga olibo ay mahahalagang pananim ng lupain. Mangangahulugan ng kahirapan para sa isang pamilyang Israelita kapag hindi sila nakapag-ani ng olibo.—Deuteronomio 7:13; Habakuk 3:17.
Gayunman, karaniwang sagana ang langis ng olibo. Malamang na tinukoy ni Moises ang Lupang Pangako bilang ‘isang lupain ng mga olibo’ sapagkat ang olibo ang pinakakaraniwang itinatanim na puno sa dakong iyon. Inilarawan ng isang naturalista noong ikalabinsiyam na siglo na si H. B. Tristram ang olibo bilang “ang isang pagkakakilanlang punungkahoy ng bansa.” Dahil sa kahalagahan at kasaganaan nito, ang langis ng olibo ay nagsilbi pa ngang mahalagang pandaigdig na salapi sa buong rehiyon ng Mediteraneo. Binanggit mismo ni Jesu-Kristo ang isang pagkakautang na kinalkula na “isang daang sukat na bath ng langis ng olibo.”—Lucas 16:5, 6.
“Tulad ng mga Pasanga ng mga Punong Olibo”
Ang kapaki-pakinabang na puno ng olibo ay angkop na lumalarawan sa mga pagpapala ng Diyos. Paano ba gagantimpalaan ang isang taong may takot sa Diyos? “Ang iyong asawa ay magiging tulad ng punong ubas na namumunga sa mga kaloob-loobang bahagi ng iyong bahay,” ang awit ng salmista. “Ang iyong mga anak ay magiging tulad ng mga pasanga ng mga punong olibo sa buong palibot ng iyong mesa.” (Awit 128:3) Ano ba itong “mga pasanga ng mga punong olibo,” at bakit inihahambing ng salmista ang mga ito sa mga anak?
Ang punong olibo ay pambihira sa bagay na ang bagong mga supang ay patuloy na sumisibol mula sa pinakapuno ng katawan nito.a Kapag, dahil sa katandaan, ang malaking puno ay hindi na namumunga na gaya ng dati, maaaring pahintulutan ng mga tagapag-alaga nito ang ilang pasanga, o mga bagong supang, na lumaki hanggang sa maging isang mahalagang bahagi na ito ng puno. Pagkaraan ng ilang panahon, ang dating puno ay magkakaroon ng tatlo o apat na bago at malalakas na puno na nakapaligid dito, parang mga anak sa palibot ng mesa. Ang mga pasangang ito ay may iisang tuod ng ugat, at nakikibahagi sila sa pamumunga ng magandang ani ng mga olibo.
Ang katangiang ito ng punong olibo ay angkop na lumalarawan sa kung paano maaaring lumaking matatag sa pananampalataya ang mga anak na lalaki at babae, dahil sa matibay na espirituwal na mga ugat ng kanilang mga magulang. Habang tumatanda ang mga anak, sila rin ay nakikibahagi sa pamumunga at sa pagsuporta sa kanilang mga magulang, na naliligayahang makita ang kanilang mga anak na naglilingkod kay Jehova na kasama nila.—Kawikaan 15:20.
“May Pag-asa Maging Para sa Isang Punungkahoy”
Ang isang may edad nang ama na naglilingkod kay Jehova ay nalulugod sa kaniyang makadiyos na mga anak. Subalit ang mga anak ding ito ay nagdadalamhati kapag sa wakas ang kanilang ama ay ‘yumaon na sa buong lupa.’ (1 Hari 2:2) Upang tulungan tayong maharap ang gayong trahedya sa pamilya, ang Bibliya ay tumitiyak sa atin na magkakaroon ng pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29; 11:25.
Alam na alam ni Job, ang ama ng maraming anak, na maikli ang buhay ng tao. Inihambing niya ito sa isang bulaklak na agad na nalalanta. (Job 1:2; 14:1, 2) Hinangad ni Job ang kamatayan bilang isang paraan upang takasan ang kaniyang labis na paghihirap, anupat minalas niya ang libingan bilang isang kublihang dako na mula roon siya ay makababalik. “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” ang tanong ni Job. Pagkatapos ay may pagtitiwalang sumagot siya: “Sa lahat ng araw ng aking sapilitang pagpapagal ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking kaginhawahan. Ikaw [Jehova] ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.”—Job 14:13-15.
Paano inilarawan ni Job ang kaniyang pananalig na tatawagin siya ng Diyos mula sa libingan? Sa pamamagitan ng isang punungkahoy, malamang na ang tinutukoy niya ay ang olibo sa paglalarawang ito. “May pag-asa maging para sa isang punungkahoy,” ang sabi ni Job. “Kung ito ay puputulin, sisibol pa itong muli.” (Job 14:7) Ang isang puno ng olibo ay maaaring putulin, subalit hindi ito mamamatay. Tanging kung bubunutin ang punungkahoy ay saka ito mamamatay. Kung mananatili ang mga ugat, muling sisibol ang puno taglay ang panibagong lakas.
Kahit na lubhang malanta ang isang matandang puno ng olibo dahil sa mahabang tagtuyot, ang nanguluntoy na tuod ay maaaring manariwa. “Kung ang ugat nito ay tumanda na sa lupa at sa alabok ay mamatay ang tuod nito, sa amoy ng tubig ay sisibol ito at ito ay magkakaroon nga ng sanga na tulad ng bagong tanim.” (Job 14:8, 9) Si Job ay nakatira sa isang lupaing tigang at maalabok kung saan malamang na napagmasdan niya ang maraming matandang tuod ng olibo na mukhang tuyot at patay na. Gayunman, pagdating ng ulan, ang gayong “patay” na punungkahoy ay nabubuhay na muli at isang bagong puno ang lumilitaw mula sa mga ugat nito na parang isang “bagong tanim.” Ang kahanga-hangang kakayahan nitong makabawi ay umakay sa isang maghahalaman mula sa Tunisia na magsabi: “Masasabi mong ang mga puno ng olibo ay walang kamatayan.”
Kung paanong nananabik ang isang magsasaka na makitang muling sumisibol ang kaniyang nalantang mga puno ng olibo, nananabik din si Jehova na buhaying-muli ang kaniyang tapat na mga lingkod. Tumitingin siya sa hinaharap na panahon kapag ang tapat na mga indibiduwal na gaya nina Abraham at Sara, Isaac at Rebeka, at marami pang iba ay bubuhaying muli. (Mateo 22:31, 32) Tunay na kahanga-hangang salubungin ang mga patay at makita silang muli na namumuhay nang ganap at may mabungang buhay!
Ang Makasagisag na Puno ng Olibo
Ang awa ng Diyos ay nakikita sa kaniyang hindi pagtatangi gayundin sa kaniyang paglalaan para sa pagkabuhay-muli. Ginamit ni apostol Pablo ang punong olibo upang ilarawan kung paanong ang awa ni Jehova ay ipinaaabot sa mga tao anuman ang kanilang lahi o pinagmulan. Sa loob ng mga dantaon ay ipinagmalaki ng mga Judio ang kanilang pagiging piniling bayan ng Diyos, ‘ang mga supling ni Abraham.’—Juan 8:33; Lucas 3:8.
Ang pagiging inianak sa bansang Judio sa ganang sarili ay hindi isang kahilingan para magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Gayunman, ang unang mga alagad ni Jesus ay pawang mga Judio, at nagkapribilehiyo sila na maging ang unang mga taong pinili ng Diyos na bubuo sa ipinangakong binhi ni Abraham. (Genesis 22:18; Galacia 3:29) Inihalintulad ni Pablo ang mga Judiong alagad na ito sa mga sanga ng isang makasagisag na punong olibo.
Itinakwil ng karamihan sa likas na mga Judio si Jesus, anupat sila’y hindi naging karapat-dapat bilang mga miyembro ng “munting kawan,” o ng “Israel ng Diyos” sa hinaharap. (Lucas 12:32; Galacia 6:16) Kaya, sila’y naging tulad ng makasagisag na mga sanga ng olibo na pinutol. Sino ang hahalili sa kanila? Noong taóng 36 C.E., ang mga Gentil ay pinili upang maging bahagi ng binhi ni Abraham. Parang inihugpong ni Jehova ang mga sanga ng ligáw na olibo sa punong olibo sa halamanan. Makakasama sa mga bubuo ng ipinangakong binhi ni Abraham ang mga tao ng mga bansa. Ang mga Kristiyanong Gentil ay maaari na ngayong maging ‘mga kabahagi sa ugat ng katabaan ng olibo.’—Roma 11:17.
Para sa isang magsasaka, hindi kanais-nais at “salungat sa kalikasan” ang paghuhugpong ng isang sanga ng ligáw na olibo sa punong olibo sa halamanan. (Roma 11:24) “Ihugpong mo ang mabuti sa ligáw, at, gaya ng sinasabi ng mga Arabe, dadaigin nito ang ligáw,” paliwanag ng akdang The Land and the Book, “subalit hindi mo mababaligtad ang proseso at gayunma’y magtagumpay.” Namangha rin ang mga Kristiyanong Judio nang si Jehova “sa unang pagkakataon ay nagbaling ng kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 10:44-48; 15:14) Gayunman, ito’y maliwanag na isang tanda na ang pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos ay hindi depende sa alinmang bansa. Hindi, sapagkat “sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:35.
Ipinahiwatig ni Pablo na yamang pinutol ang di-tapat na mga Judio na “mga sanga” ng punong olibo, maaari rin itong mangyari sa sinuman na dahil sa pagmamataas at pagsuway ay hindi mananatili sa pagsang-ayon ni Jehova. (Roma 11:19, 20) Tiyak na inilalarawan nito na kailanman ay hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.—2 Corinto 6:1.
Pagpapahid ng Langis
Ang Kasulatan ay tumutukoy kapuwa sa literal at makasagisag na gamit ng langis ng olibo. Noong unang panahon, ang mga sugat at mga pasâ ay ‘pinalalambot sa pamamagitan ng langis’ upang gumaling. (Isaias 1:6) Ayon sa isa sa mga ilustrasyon ni Jesus, ang mabait na Samaritano ay nagbuhos ng langis ng olibo at alak sa mga sugat ng lalaking natagpuan niya sa daan patungong Jerico.—Lucas 10:34.
Ang pagpapahid ng langis ng olibo sa ulo ng isa ay nakarerepresko at nakagiginhawa. (Awit 141:5) At sa paghahawak ng mga kaso ng espirituwal na sakit, maaaring ‘langisan [ng Kristiyanong matatanda] ang isang miyembro ng kongregasyon ng langis sa pangalan ni Jehova.’ (Santiago 5:14) Ang maibiging maka-Kasulatang payo at taos-pusong mga panalangin ng matatanda alang-alang sa kanilang mga kapananampalatayang maysakit sa espirituwal ay inihahambing sa nakagiginhawang langis ng olibo. Kapansin-pansin, sa idyomatikong Hebreo ang isang mabuting tao ay inilalarawan kung minsan bilang “dalisay na langis ng olibo.”
Isang “Mayabong na Punong Olibo sa Bahay ng Diyos”
Dahil sa nabanggit na mga punto, hindi kataka-taka na ang mga lingkod ng Diyos ay maihahalintulad sa mga punong olibo. Hinangad ni David na maging tulad ng isang “mayabong na punong olibo sa bahay ng Diyos.” (Awit 52:8) Kung paanong ang mga pamilyang Israelita ay kadalasang may mga punong olibo sa paligid ng kanilang mga bahay, gayon hiniling ni David na maging malapit kay Jehova at maging mabunga ukol sa kapurihan ng Diyos.—Awit 52:9.
Habang tapat kay Jehova, ang dalawang-tribong kaharian ng Juda ay gaya ng isang “mayabong na punong olibo, maganda ang bunga at ang anyo.” (Jeremias 11:15, 16) Subalit naiwala ng bayan ng Juda ang magandang katayuang ito nang ‘tumanggi silang sumunod sa mga salita ni Jehova at sumunod sila sa ibang mga diyos.’—Jeremias 11:10.
Upang maging isang mayabong na punong olibo sa bahay ng Diyos, dapat tayong sumunod kay Jehova at maging handang tumanggap ng disiplina na sa pamamagitan nito ay “pinupungusan” niya tayo upang tayo’y mamunga nang higit pang mga bungang Kristiyano. (Hebreo 12:5, 6) Bukod pa riyan, kung paanong ang likas na punong olibo ay nangangailangan ng malaganap na mga ugat upang mabuhay sa panahon ng tagtuyot, kailangan nating patibayin ang ating espirituwal na mga ugat upang mabata natin ang mga pagsubok at pag-uusig.—Mateo 13:21; Colosas 2:6, 7.
Mainam na isinasagisag ng punong olibo ang tapat na Kristiyano, na maaaring hindi kilala sa sanlibutan subalit kilala ng Diyos. Kung ang gayong tao ay mamatay sa sistemang ito, mabubuhay siyang muli sa darating na bagong sanlibutan.—2 Corinto 6:9; 2 Pedro 3:13.
Ang halos hindi namamatay na punong olibo na patuloy na namumunga taun-taon ay nagpapagunita sa atin ng pangako ng Diyos: “Magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:22) Ang makahulang pangakong ito ay matutupad sa bagong sanlibutan ng Diyos.—2 Pedro 3:13.
[Talababa]
a Karaniwang ang mga bagong supang na ito ay pinupungos taun-taon upang hindi nito masaid ang lakas mula sa malaking puno.
[Larawan sa pahina 25]
Isang matanda na at mabukóng katawan ng puno na nasumpungan sa Jávea, Lalawigan ng Alicante, Espanya
[Mga larawan sa pahina 26]
Mga taniman ng olibo sa Lalawigan ng Granada, Espanya
[Larawan sa pahina 26]
Isang matanda nang punong olibo sa labas ng mga pader ng Jerusalem
[Larawan sa pahina 26]
Binabanggit ng Bibliya ang paghuhugpong ng mga sanga sa isang punong olibo
[Larawan sa pahina 26]
Ang matandang puno ng olibong ito ay napalilibutan ng mga pasanga ng mga bagong sanga