DAMO
Alinman sa mga halaman na mula sa pamilyang Gramineae, ang mga damo, na kinabibilangan ng mga binutil, mga halaman sa parang at pastulan, tubó, at kawayan. Gayunman, maging sa ngayon, sa karaniwang paggamit, ang siyentipikong klasipikasyong ito ay hindi mahigpit na sinusunod, at sa gayon, malamang na ang sinaunang mga Hebreo ay wala ring kinilalang kaibahan sa pagitan ng tunay na mga damo at ng tulad-damong mga halaman.
Ang mga damo ay pinasibol noong ikatlong araw ng paglalang (Gen 1:11-13), ang mga ito ay nagsilbing tuwiran at di-tuwirang pinagmumulan ng pagkain ng tao at mga hayop. Gayundin, kasama ng iba pang mga halaman, kapag nasisikatan sila ng araw ay gumaganap sila ng mahalagang papel sa paglinis sa hangin, anupat sumasagap ng sapat na carbon dioxide at naglalabas naman ng sapat na oksiheno upang balansehin ang normal na mga pangangailangan ng mga tao at mga hayop. Ang malawak na sistema ng ugat ng mga damo ay nagsisilbing pamigil sa erosyon ng lupa. Angkop naman, ang damo ay tinukoy bilang isa sa mga paglalaan ni Jehova, gaya rin ng sikat ng araw at ng ulan na napakahalaga sa paglago ng damo.—Aw 104:14; 147:8; Zac 10:1; 2Sa 23:3, 4; Job 38:25-27; Mat 5:45.
Pamilyar na pamilyar ang mga Israelita sa pagkalanta ng damo sa ilalim ng matinding init ng araw kapag panahon ng tag-init. Kaya naman ang kaiklian ng buhay ng tao ay angkop na inihahalintulad sa kaiklian ng buhay ng damo at ipinakikita ang kaibahan nito sa pagkawalang-hanggan ni Jehova at ng kaniyang “salita” o “pananalita.” (Aw 90:4-6; 103:15-17; Isa 40:6-8; 51:12; 1Pe 1:24, 25) Ang mga manggagawa ng kasamaan ay inihahambing din sa damo na madaling malanta. (Aw 37:1, 2) Ang mga napopoot sa Sion, gayundin ang mga tao na malapit nang malupig sa digmaan, ay inihahalintulad sa damo na mababaw ang pagkakaugat at tumutubo sa mga bubong na lupa, damo na nalalanta bago pa man bunutin o na nasusunog sa paghihip ng hanging silangan.—Aw 129:5, 6; 2Ha 19:25, 26; Isa 37:26, 27.
Isang hula ng pagsasauli ang patiunang nagsabi na ang mga buto ng mga lingkod ng Diyos ay “sisibol na gaya ng murang damo,” samakatuwid nga, mabibigyan ng panibagong lakas.—Isa 66:14; ihambing ang Isa 58:9-11.