KAMELYO
[sa Heb., ga·malʹ; beʹkher, “batang kamelyong lalaki” (Isa 60:6); bikh·rahʹ, “batang kamelyong babae” (Jer 2:23); kir·ka·rohthʹ, “mga matuling kamelyong babae” (Isa 66:20); sa Gr., kaʹme·los].
Isang hayop na noon pa ma’y ginagamit na ng tao bilang hayop na pantrabaho at isang uri ng transportasyon, lalo na sa mga disyertong rehiyon. May dalawang uri ng kamelyo, ang Bactrian at ang Arabian. Ang Bactrian (Camelus bactrianus) ay may dalawang umbok sa likod nito, mas malakas kaysa sa Arabian, at nakapagdadala ng mas mabibigat na pasan; samantala, iisa lamang ang umbok ng Arabian (Camelus dromedarius), ang kamelyo na ipinapalagay na karaniwang tinutukoy sa Bibliya.
Ang kamelyo ay bagay na bagay sa buhay sa disyerto, kung saan ginagawa nito ang mga trabaho na sa ibang mga lupain ay kadalasang ginagawa ng kabayo o buriko. Ang makapal na balahibo ng kamelyo ay pananggalang nito sa init ng disyerto. Kung kinakailangan, ang mahahaba at makikitid na butas ng ilong nito ay naisasara, anupat mahusay na panlaban sa nagliliparang buhangin. Ang makakapal na talukap ng mata at mahahabang pilikmata nito ay proteksiyon naman sa malalakas na bagyo ng buhangin. Ang talampakan ng kamelyo ay may matigas na balat at parang may kutson, anupat ang hugis ay angkop na angkop sa paglakad sa malambot at buhaghag na buhangin. Ang makakapal na sapin sa dibdib at mga tuhod nito ay nagsisilbing proteksiyon kapag ito’y nakaupo. Taglay na nila ang mga saping ito noong sila’y ipanganak. Dahil sa matitibay na ngipin ng kamelyo, halos lahat ng bagay ay kaya nitong nguyain. Hindi gaanong kumakain ng binutil ang hayop na ito at mabubuhay ito sa karaniwang mga halaman sa disyerto, anupat napakatipid alagaan ang hayop na ito.
Ang umbok ng kamelyo ay nagsisilbing taguan nito ng pagkain. Dito nakaimbak bilang taba ang karamihan sa reserbang pagkain nito. Kapag ang kamelyo ay matagal-tagal nang kumukuha ng sustansiya mula sa nakaimbak na suplay nito, ang balat ng umbok, sa halip na nakatayo, ay lumalaylay at lumalawit sa tagiliran ng pinakagulugod nito gaya ng supot na walang laman. Noong sinaunang panahon, gaya rin sa ngayon, sa mga umbok ng mga kamelyo ipinapatong ang mga pasan. (Isa 30:6) Binabanggit din sa Kasulatan ang “pambabaing pansiyang basket ng kamelyo,” na tiyak na sa umbok ng kamelyo inilalagay.—Gen 31:34.
Bagaman sinasabing ang kamelyo ay nag-iimbak ng tubig sa umbok nito, hindi ito totoo. Karaniwang ipinapalagay na mabubuhay ang kamelyo kahit hindi ito uminom ng tubig sa loob ng mahabang panahon dahil sa kakayahan nitong tipirin ang karamihan sa tubig na iniinom nito. Ang isa pang dahilan ay ang disenyo ng ilong nito, anupat nakasasagap ito ng singaw ng tubig kapag humihinga nang palabas. Makatatagal ang kamelyo kahit mawalan ito ng tubig nang hanggang 25 porsiyento ng timbang nito, samantalang 12 porsiyento lamang ang makakayanan ng tao. Hindi ito pawising gaya ng ibang mga hayop, dahil ang temperatura ng katawan nito ay maaaring magbago nang 6° C. (11° F.) nang walang malaking epekto. Kakaiba ang dugo nito sapagkat kaunting fluido lamang ang nababawas dito kahit kakaunti ang suplay ng tubig nito sa loob ng ilang araw. Nababawi rin ng kamelyo ang naiwala nitong timbang sa pamamagitan ng pag-inom nang hanggang 135 L (35 gal) sa loob ng sampung minuto.
May mga kamelyong mabibilis tumakbo. Sa 1 Samuel 30:17, mahihiwatigan ang bilis ng mga kamelyo. Yaon lamang 400 kabataang lalaki na sumakay sa mga kamelyo ang nakatakas nang pabagsakin ni David ang mga manlulusob na Amalekita.
Ayon sa Kautusan, ang kamelyo ay maruming hayop kung kaya hindi ito kinakain ng mga Israelita. (Lev 11:4; Deu 14:7) Gayunman, ang balahibo ng kamelyo ay hinahabi upang maging tela. Nagsuot si Juan na Tagapagbautismo ng kasuutang yari sa materyal na ito. (Mat 3:4; Mar 1:6) Sa ngayon, ang telang yari sa balahibo ng kamelyo ay ginagamit pa rin sa paggawa ng iba’t ibang uri ng pananamit.
Ginamit Noong Unang mga Panahon. Unang binanggit ng Bibliya ang kamelyo may kinalaman sa pansamantalang paninirahan ni Abraham sa Ehipto, kung saan niya nakuha ang marami sa mga hayop na pantrabahong ito. (Gen 12:16) Nang isugo sa Mesopotamia ang tapat na lingkod ni Abraham upang ikuha ng mapapangasawa si Isaac, kasama niya ang isang pangkat ng sampung kamelyo, na may iba’t ibang uri ng kaloob. (Gen 24:10) Sa isang pulutong naman ng mga Ismaelitang nakasakay sa kamelyo patungong Ehipto ipinagbili si Jose ng kaniyang mga kapatid sa ama.—Gen 37:25-28.
Si Job ay ipinakilala bilang “ang pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan.” Kabilang sa kaniyang mga materyal na pag-aari ang 3,000 kamelyo, at pagkatapos subukin ang kaniyang katapatan, pinagpala ni Jehova si Job nang labis-labis anupat nagkaroon siya ng 6,000 kamelyo at pagkarami-raming iba pang alagang hayop.—Job 1:3; 42:12.
Gaya ng iba pang mga alagang hayop sa Ehipto, ang mga kamelyo ay napinsala ng mga salot na pinasapit ng Diyos sa nasasakupan ni Paraon. (Exo 9:3, 10, 25; 12:29) Hindi binanggit sa rekord ng Bibliya kung may mga kamelyo ang mga Israelita nang maglakbay sila sa ilang, ngunit malamang na gayon nga.
Ang unang pagtukoy sa mga kamelyo nang mamayan na ang Israel sa Lupang Pangako ay may kaugnayan sa paggamit ng mga mananalakay sa mga ito. Nang mangalat sa lupain ang mga pulutong ng mga Midianita at ang kanilang ‘mga kamelyo na walang bilang’ at salantain ito, ang Israel na bayan ng Diyos ay napaharap sa isang mapanganib na kalagayan. (Huk 6:5; 7:12) Kung minsan, sa tulong ni Jehova, natatalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway at nakabibihag sila ng napakaraming kamelyo, anupat noong isang pagkakataon ay 50,000.—1Cr 5:21; 2Cr 14:15.
Habang nagtatago siya mula kay Saul, si David at ang kaniyang mga tauhan ay nakipagdigma laban sa mga Gesurita, mga Girzita, at mga Amalekita, anupat pinatay nila ang lahat ng mga lalaki at mga babae ngunit kinuha nila ang mga alagang hayop, pati na ang mga kamelyo, bilang samsam. (1Sa 27:8, 9) Noong panahon ng paghahari ni David, isang pantanging opisyal, si Obil, ang nangasiwa sa kaniyang mga kamelyo. (1Cr 27:30) Nagdala ang reyna ng Sheba ng mga kaloob kay Haring Solomon sa pamamagitan ng isang pangkat ng mga kamelyo, at nagpadala si Ben-hadad II ng Sirya sa propetang si Eliseo ng mga kaloob na nakapasan sa 40 kamelyo.—1Ha 10:1, 2; 2Ha 8:9.
Nang ihula niya ang pagbagsak ng Babilonya, makasagisag na tinukoy ng propetang si Isaias ang nanlulupig na mga hukbo bilang “isang karong pandigma na may mga kamelyo.” (Isa 21:7) Ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus (I, 80), talagang gumamit si Ciro ng mga kamelyo sa kaniyang mga kampanyang pangmilitar. Nang ilarawan ang kapahamakang sasapit sa Raba, na kabiserang lunsod ng mga Ammonita, sinabi ng Ezekiel 25:5 na ang lunsod ay magiging “pastulan ng mga kamelyo.” Ang walang-pananampalatayang sambahayan ng Israel, na mapangalunya at nagsasagawa ng bawal na pakikipag-ugnayan sa mga bansang pagano sa palibot, ay itinulad din sa batang kamelyong babae na nangangandi, anupat tumatakbong paroo’t parito nang walang patutunguhan.—Jer 2:23, 24.
Nang ihula ni Zacarias ang isang salot na sasapit sa mga kamelyo at iba pang mga alagang hayop ng mga bansang lumalaban sa bayan ni Jehova sa lupa, waring ipinagugunita niya ang mga salot na sumapit sa mga alagang hayop ng Ehipto. (Zac 14:12, 15) Pagkatapos silang maisauli mula sa pagkatapon, ang bayan ng Diyos ay inilarawang natatakpan ng isang “dumadaluyong na karamihan ng mga kamelyo,” na pawang may dalang tributo. Kasama rin ang mga kamelyo sa mga hayop na pantrabahong magdadala sa mga kapatid ng mga lingkod ng Diyos patungong Jerusalem mula sa lahat ng mga bansa “bilang kaloob kay Jehova.” (Isa 60:6; 66:20) Kapansin-pansin na sa unang katuparan ng hula ni Isaias ng pagsasauli, may 435 kamelyo na kasama sa mga alagang hayop ng mga Judiong bumalik mula sa Babilonya noong 537 B.C.E.—Ezr 2:67; Ne 7:69.
Makatalinghagang Paggamit. Tinukoy ni Jesus ang kamelyo sa makatalinghagang paraan. Minsan ay itinawag-pansin niya na magiging mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa Kaharian. (Mat 19:24; Mar 10:25; Luc 18:25) May mga nagtatanong kung hindi kaya mas tamang isalin ang “kamelyo” bilang “lubid” sa kasong ito. Sa katunayan, “lubid” ang salitang ginamit sa mismong teksto ng salin ni George M. Lamsa, at isang talababa sa Mateo 19:24 ang kababasahan: “Ang salitang Aramaiko na gamla ay nangangahulugang lubid at kamelyo.” Karagdagan pa, ang mga salitang Griego para sa lubid (kaʹmi·los) at kamelyo (kaʹme·los) ay magkahawig na magkahawig, at ipinapalagay na napagpalit ang mga salitang Griegong ito. Gayunman, kapansin-pansin na binibigyang-katuturan ng A Greek-English Lexicon (nina Liddell at Scott, nirebisa ni Jones, Oxford, 1968, p. 872) ang kaʹmi·los bilang “lubid” ngunit idinaragdag nito na marahil ay inimbento lamang iyon upang iwasto ang pariralang, “Mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng isang karayom kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos,” sa gayo’y ipinahihiwatig na kaʹme·los, sa halip na kaʹmi·los, ang lumilitaw sa orihinal na tekstong Griego.
Sa pinakamatatandang umiiral na manuskritong Griego ng Ebanghelyo ni Mateo (ang Sinaitic, ang Vatican No. 1209, at ang Alexandrine), ang salitang kaʹme·los ang lumilitaw. Sa wikang Hebreo unang isinulat ni Mateo ang kaniyang ulat tungkol sa buhay ni Jesus at pagkatapos ay maaaring siya mismo ang nagsalin nito sa Griego. Samakatuwid ay alam niya kung ano talaga ang sinabi at tinukoy ni Jesus. Kaya alam niya kung ano ang tamang salita, at ang salitang ginamit sa pinakamatatandang umiiral na manuskritong Griego ay kaʹme·los. Kung gayon, may mabuting dahilan upang maniwala na ang tamang salin ay “kamelyo.”
Sa pamamagitan ng ilustrasyong ito, na hindi naman nilayong unawain nang literal, itinatawag-pansin ni Jesus na kung paanong hindi posible para sa isang literal na kamelyo na makalusot sa butas ng literal na karayom, lalong hindi posible para sa isang taong mayaman, habang patuloy na nangungunyapit sa kaniyang kayamanan, na pumasok sa Kaharian ng Diyos.—Tingnan ang KARAYOM, BUTAS NG.
Nang hatulan niya ang mapagpaimbabaw na mga Pariseo, sinabi ni Jesus na kanilang ‘sinasala ang niknik ngunit nilululon ang kamelyo.’ Sinasala ng mga taong iyon ang niknik mula sa kanilang alak, hindi lamang dahil ito’y isang insekto, kundi dahil marumi ito sa seremonyal na paraan; gayunma’y makasagisag nilang nilululon ang mga kamelyo na marurumi rin. Habang iginigiit nila ang pagsunod sa pinakamaliliit na kahilingan ng Kautusan, lubusan naman nilang winawalang-halaga ang mas mabibigat na bagay—katarungan, awa, at katapatan.—Mat 23:23, 24.
[Larawan sa pahina 1389]
Ang “Arabian camel,” na bagay na bagay sa buhay sa disyerto