Ang Bagong Sanlibutan—Naroroon Ka Kaya?
“Walang mas mabuti sa kanila kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”—ECLESIASTES 3:12, 13.
1. Bakit maaari tayong maging positibo hinggil sa kinabukasan?
MARAMING tao ang nagpapalagay na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay istrikto at malupit. Gayunman, ang teksto sa itaas ay isang katotohanan na masusumpungan mo sa kaniyang kinasihang Salita. Kasuwato ito ng kaniyang pagiging “maligayang Diyos” at ng paglalagay niya sa ating unang mga magulang sa isang paraiso sa lupa. (1 Timoteo 1:11; Genesis 2:7-9) Sa paghahanap ng kaunawaan hinggil sa kinabukasang ipinangako ng Diyos sa kaniyang bayan, hindi tayo dapat magulat na malaman ang mga kalagayang magdudulot sa atin ng namamalaging kasiyahan.
2. Anu-ano ang ilang bagay na inaasam-asam mo?
2 Sa nakaraang artikulo, sinuri natin ang tatlo sa apat na pagkakataon na doo’y inihula ng Bibliya ang “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (Isaias 65:17) Isa sa mapananaligang prediksiyong iyon ay nakaulat sa Apocalipsis 21:1. Ang kasunod na mga talata ay nagsasabi ng hinggil sa panahon na lubusang babaguhin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang mga kalagayan sa lupa ukol sa ikabubuti. Papahirin niya ang mga luha ng pamimighati. Hindi na mamamatay ang mga tao dahil sa katandaan, sakit, o mga aksidente. Mawawala na ang pagdadalamhati, paghiyaw, at kirot. Isa ngang nakalulugod na pag-asa! Subalit makatitiyak kaya tayo na ito nga’y darating, at anong epekto mayroon ang pag-asang ito sa atin ngayon?
Mga Dahilan Upang Magtiwala
3. Bakit tayo makapagtitiwala sa mga pangako ng Bibliya hinggil sa kinabukasan?
3 Pansinin kung paano nagpapatuloy ang Apocalipsis 21:5. Sinisipi nito ang pahayag ng Diyos na nakaupo sa kaniyang makalangit na trono: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Ang pangakong iyan ng Diyos ay mas mabuti kaysa sa alinmang pambansang paghahayag ng kasarinlan, sa alinmang kasalukuyang katipunan ng mga karapatan, o alinmang pangarap ng tao sa hinaharap. Ito’y isang lubos na mapananaligang kapahayagan ng Isa na sinasabi ng Bibliya na “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Mauunawaan naman, baka isipin mong puwede na tayong huminto rito, habang ninanamnam ang napakagandang pag-asang ito at pinagtitiwalaan ang Diyos. Subalit hindi tayo dapat huminto. Mayroon pa tayong dapat matutuhan hinggil sa ating kinabukasan.
4, 5. Anong mga naisaalang-alang nang hula sa Bibliya ang makapagpapatibay sa ating pagtitiwala hinggil sa mangyayari sa hinaharap?
4 Bulay-bulayin ang tiniyak ng nakaraang artikulo may kinalaman sa mga pangako ng Bibliya tungkol sa mga bagong langit at isang bagong lupa. Inihula ni Isaias ang isang bagong sistemang iyon, at ang kaniyang hula ay nagkaroon ng katuparan nang magbalik ang mga Judio sa kanilang lupang tinubuan at muling-magtatag ng tunay na pagsamba. (Ezra 1:1-3; 2:1, 2; 3:12, 13) Ngunit, iyon ba lamang ang tinutukoy ng hula ni Isaias? Hinding-hindi! Ang mga bagay na kaniyang inihula ay matutupad sa isang mas malawak na antas sa malayo pang hinaharap. Bakit natin nasabi ang konklusyong iyan? Dahil sa mababasa natin sa 2 Pedro 3:13 at Apocalipsis 21:1-5. Ang mga tekstong iyan ay tumutukoy sa mga bagong langit at isang bagong lupa na magdudulot ng kapakinabangan sa mga Kristiyano sa isang pangglobong antas.
5 Gaya ng nabanggit na, apat na ulit na ginagamit ng Bibliya ang pariralang “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Naisaalang-alang na natin ang tatlo sa mga ito at narating na ang nakapagpapasiglang mga konklusyon. Sa tuwiran, ang Bibliya ay humuhula na papawiin ng Diyos ang kabalakyutan at ang iba pang dahilan ng pagdurusa at na pagkatapos nito ay pagpapalain niya ang sangkatauhan sa kaniyang ipinangakong bagong sistema.
6. Ano ang patiunang sinasabi ng ikaapat na hula na bumabanggit sa “mga bagong langit at isang bagong lupa”?
6 Suriin naman natin ngayon ang natitira pang pagbanggit sa pananalitang “mga bagong langit at isang bagong lupa,” sa Isaias 66:22-24: “ ‘Kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa na aking ginagawa ay nananatili sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘gayon patuloy na mananatili ang supling ninyo at ang pangalan ninyo. At tiyak na mangyayari na mula sa bagong buwan hanggang sa bagong buwan at mula sa sabbath hanggang sa sabbath ang lahat ng laman ay paroroon upang yumukod sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova. ‘At sila ay yayaon nga at titingin sa mga bangkay ng mga taong sumalansang laban sa akin; sapagkat ang mismong mga uod na nasa kanila ay hindi mamamatay at ang kanilang apoy ay hindi papatayin, at sila ay magiging bagay na nakapandidiri sa lahat ng laman.’ ”
7. Bakit natin masasabi na ang Isaias 66:22-24 ay magkakaroon ng katuparan sa darating pang mga araw?
7 Ang hulang ito ay kumapit sa mga Judio na muling nanirahan sa kanilang lupain, ngunit mayroon pa itong ibang katuparan. Iyan ay sa paglakad pa ng panahon mula nang isulat ang ikalawang liham ni Pedro at ang aklat ng Apocalipsis, yamang ang mga ito’y tumukoy sa isang panghinaharap na ‘bagong langit at lupa.’ Makikita natin ang dakila at lubos na katuparang iyan sa bagong sistema. Isaalang-alang ang ilang kalagayan na maaari nating tamasahin.
8, 9. (a) Sa anong diwa “patuloy na mananatili” ang bayan ng Diyos? (b) Ano ang kahulugan ng hula na ang mga lingkod ni Jehova ay sasamba “mula sa bagong buwan hanggang sa bagong buwan at mula sa sabbath hanggang sa sabbath”?
8 Sinasabi sa Apocalipsis 21:4 na hindi na magkakaroon ng kamatayan. Kasuwato iyan ng binabanggit sa Isaias kabanata 66. Makikita natin sa talatang 22 na alam ni Jehova na ang mga bagong langit at ang bagong lupa ay hindi pansamantala lamang, anupat limitado ang itatagal. Isa pa, ang kaniyang bayan ay mamamalagi; sila’y “patuloy na mananatili” sa harap niya. Ang nagawa na ng Diyos para sa kaniyang piniling bayan ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang magtiwala. Ang mga tunay na Kristiyano ay napaharap na sa malulupit na pag-uusig, sa mga nabubulagang pagtatangka pa nga na lipulin sila. (Juan 16:2; Gawa 8:1) Gayunman, hindi nagawang puksain maging ng napakamakapangyarihang mga kaaway ng bayan ng Diyos, gaya ng Romanong Emperador na si Nero at si Adolf Hitler, ang mga nagtatapat sa Diyos, na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Iningatan ni Jehova ang kongregasyon ng kaniyang bayan, at makatitiyak tayong patuloy niya itong pananatilihin magpakailanman.
9 Sa kahawig na paraan, bawat isa sa mga tapat sa Diyos bilang bahagi ng bagong lupa, ang lipunan ng tunay na mga mananamba sa bagong sanlibutan, ay patuloy na mananatili sapagkat sila’y mag-uukol ng dalisay na pagsamba sa Maylalang ng lahat ng bagay. Iyan ay hindi magiging manaka-naka o nagbabakasakaling pagsamba lamang. Ang Kautusan ng Diyos, na inilaan sa Israel sa pamamagitan ni Moises, ay humiling ng tiyak na mga gawang pagsamba bawat buwan, na itinatakda sa bagong buwan, at bawat linggo, na itinatakda naman sa araw ng Sabbath. (Levitico 24:5-9; Bilang 10:10; 28:9, 10; 2 Cronica 2:4) Kaya ang Isaias 66:23 ay tumutukoy sa regular at patuluyang pagsamba sa Diyos, linggu-linggo at buwan-buwan. Ang ateismo at relihiyosong pagpapaimbabaw ay hindi na iiral doon. “Ang lahat ng laman ay paroroon upang yumukod sa harap” ni Jehova.
10. Bakit ka makapagtitiwala na ang bagong sanlibutan ay hindi permanenteng masisira ng mga balakyot?
10 Tinitiyak sa atin ng Isaias 66:24 na hindi kailanman mapapasapanganib ang kapayapaan at katuwiran ng bagong lupa. Hindi ito sisirain ng mga taong balakyot. Tandaan na sinasabi sa 2 Pedro 3:7 na nasa hinaharap natin ang “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-maka-Diyos.” Ang pupuksain ay yaong mga di-makadiyos. Walang masasaktan na mga inosente, na di-gaya ng madalas na nangyayari sa mga digmaan ng tao, kung saan mas marami pa ang namamatay na sibilyan kaysa sa mga sundalo. Ginagarantiyahan sa atin ng Dakilang Hukom na ang kaniyang araw ay magiging isang pagpuksa sa mga di-makadiyos.
11. Ano ang ipinakikita ni Isaias na magiging kinabukasan ng sinumang bumabaling laban sa Diyos at sa pagsamba sa kaniya?
11 Makikita ng mga matuwid na makaliligtas na totoo nga pala ang makahulang salita ng Diyos. Inihuhula ng talatang 24 na ang “mga bangkay ng mga taong sumalansang laban” kay Jehova ay magiging patotoo ng kaniyang kahatulan. Ang matingkad na pananalita na ginamit ni Isaias ay maaaring waring nakapangingilabot. Ngunit, ito’y kasang-ayon lamang ng tunay na kasaysayan. Sa labas ng pader ng sinaunang Jerusalem ay may mga tapunan ng basura at, paminsan-minsan, ng mga bangkay ng binitay na mga kriminal na hinatulang di-karapat-dapat sa isang disenteng libing.a Madaling uubusin ng mga uod at ng tumutupok na apoy roon ang basura at mga bangkay na iyon. Maliwanag, inilalarawan ng imahinasyon ni Isaias ang pangwakas na kahatulan ni Jehova sa mga nagkakasala.
Ang Kaniyang Ipinangako
12. Ano pang mga pahiwatig ang ibinibigay ni Isaias hinggil sa buhay sa bagong sanlibutan?
12 Sinasabi sa atin sa Apocalipsis 21:4 ang ilang bagay na hindi iiral sa darating na bagong sistema. Gayunman, ano kaya ang iiral sa panahong iyon? Ano kaya ang magiging buhay roon? May makukuha ba tayong anumang mapananaligang mga pahiwatig? Oo. Makahulang inilalarawan ng Isaias kabanata 65 ang mga kalagayan na ating tatamasahin kung sasang-ayunan tayo ni Jehova na mabuhay kapag nilikha na niya, sa sukdulang diwa, ang mga bagong langit at bagong lupang ito. Yaong mga pinagpala na mabigyan ng namamalaging dako sa bagong lupa ay hindi na tatanda at mamamatay sa dakong huli. Tinitiyak sa atin ng Isaias 65:20: “Hindi na magkakaroon ng pasusuhin na iilang araw ang gulang mula sa dakong iyon, ni ng matanda man na hindi nakalulubos ng kaniyang mga araw; sapagkat ang isa ay mamamatay na isang bata pa, bagaman isang daang taon ang edad; at kung tungkol sa makasalanan, bagaman isang daang taon ang edad ay susumpain siya.”
13. Paano tinitiyak sa atin ng Isaias 65:20 na magtatamasa ng katiwasayan ang bayan ng Diyos?
13 Nang una itong matupad sa bayan ni Isaias, nangahulugan ito na ang mga sanggol sa lupain ay ligtas. Walang lumulusob na mga kaaway, gaya ng minsang ginawa ng mga taga-Babilonya noon, upang tangayin ang mga pasusuhin o upang kitlin ang buhay ng mga lalaking nasa kanilang kalakasan pa. (2 Cronica 36:17, 20) Sa darating na bagong sanlibutan, ang mga tao’y magiging ligtas, tiwasay, nasisiyahan sa buhay. Kung pipiliin ng isang tao na maghimagsik sa Diyos, hindi siya pahihintulutang mabuhay nang patuluyan. Aalisin siya ng Diyos. Kumusta naman kung ang rebeldeng makasalanan ay isandaang taon na? Siya’y mamamatay “na isang bata pa” kung ihahambing sa walang-katapusang buhay.—1 Timoteo 1:19, 20; 2 Timoteo 2:16-19.
14, 15. Batay sa Isaias 65:21, 22, anong kapaki-pakinabang na mga gawain ang maaari mong asamin?
14 Sa halip na pagtuunan ng pansin kung paano aalisin ang kusang nagkakasala, inilalarawan ni Isaias ang mga kalagayan sa buhay na iiral sa bagong sanlibutan. Subukin mong gunigunihin na ikaw ay naroroon sa eksena. Maaaring ang una mong mailalarawan sa iyong isip ay yaong mga bagay na doo’y interesado ka. Tinatalakay iyan ni Isaias sa mga talatang 21 at 22: “Sila ay tiyak na magtatayo ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at sila ay tiyak na magtatanim ng mga ubasan at kakain ng bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”
15 Kung wala ka pang karanasan sa pagtatayo o sa paghahalaman, ipinahihiwatig ng hula ni Isaias na may edukasyong naghihintay sa iyo. Subalit, handa ka bang matuto sa tulong ng may-kakayahang mga tagapagturo, marahil yaong mababait mong kapitbahay na malugod na tutulong sa iyo? Hindi sinabi ni Isaias kung ang iyong bahay ay magkakaroon ng malalaki at di-nasasalaminang bintana na may pantabing, upang masiyahan ka sa tropikal na simoy ng hangin, o kaya’y magkakaroon ito ng saradong mga bintanang may salamin na doo’y matatanaw mo ang pagbabagu-bago ng panahon. Ididisenyo mo ba ang isang bahay na may nakahilig na bubong upang umagos ang ulan at niyebe? O mas angkop kaya na gawing patag ang bubong dahil sa lokal na klima—gaya niyaong isa sa mga nasa Gitnang Silangan—isang bubungan na maaari ninyong pagtipunan bilang isang pamilya para sa kasiya-siyang mga kainan at pagkukuwentuhan?—Deuteronomio 22:8; Nehemias 8:16.
16. Bakit ka makaaasa na magiging kasiya-siya ang bagong sanlibutan magpakailanman?
16 Ang higit na mahalaga kaysa sa pag-alam sa gayong mga detalye ay ang bagay na magkakaroon ka ng sarili mong tirahan. Ito’y magiging sa iyo—hindi gaya ngayon na baka hirap na hirap kang magtayo ngunit ibang tao naman ang nakikinabang. Sinasabi rin sa Isaias 65:21 na ikaw ay magtatanim at kakain ng bunga niyaon. Maliwanag, binubuod niyan ang pangkalahatang kalagayan. Matatamasa mo ang lubos na kasiyahan mula sa iyong mga pagsisikap, ang mga bunga ng iyong sariling pagpapagal. Magagawa mo iyan sa loob ng mahabang buhay—“gaya ng mga araw ng punungkahoy.” Tiyak na tamang-tama iyan sa paglalarawang “bago ang lahat ng bagay”!—Awit 92:12-14.
17. Masusumpungan ng mga magulang na lalo nang nakapagpapatibay ang anong pangako?
17 Kung ikaw ay isang magulang, maaantig ang puso mo sa pananalitang ito: “Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan, ni manganganak man sila ukol sa kabagabagan; sapagkat sila ang supling na binubuo ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga inapo na kasama nila. At mangyayari nga na bago sila tumawag ay sasagot ako; samantalang sila ay nagsasalita pa, aking diringgin.” (Isaias 65:23, 24) Naranasan mo na ba ang kirot ng ‘panganganak ukol sa kabagabagan’? Hindi na natin kailangan pang itala ang dami ng problemang maaaring taglayin ng mga anak na nagdudulot ng kabagabagan sa mga magulang at sa iba pa. May kaugnayan diyan, tayong lahat ay nakakakita ng mga magulang na abalang-abala sa kanilang sariling mga karera, gawain, o mga libangan kung kaya kakaunti na lamang ang kanilang nagugugol na panahon sa kanilang mga anak. Sa kabaligtaran, tinitiyak sa atin ni Jehova na kaniyang diringgin at tutugunin ang ating mga pangangailangan, anupat inaagapan pa nga ang mga iyon.
18. Bakit ka makaaasa na masisiyahan ka sa mga hayop sa bagong sanlibutan?
18 Habang iniisip mo kung ano ang iyong ikatutuwa sa bagong sanlibutan, ilarawan ang tanawing inihahanda ng makahulang salita ng Diyos: “ ‘Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro; at kung tungkol sa serpiyente, ang magiging pagkain niya ay alabok. Hindi sila mananakit ni maninira man sa aking buong banal na bundok,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 65:25) Sinikap na ng mga taong pintor na maiguhit ang tanawing iyan, subalit ito’y hindi isang kathang-isip na larawan lamang na sariling likha ng isang pintor. Ito’y magkakatotoo. Mamamayani ang kapayapaan sa gitna ng mga tao at mapapantayan ito ng pakikipagpayapaan sa mga hayop. Maraming biyologo at mahihilig sa hayop ang gumugugol ng maiinam na bahagi ng kanilang buhay upang matuto hinggil sa ilang klase ng hayop o kaya’y sa isang uri lamang o lahi nito. Sa kabaligtaran, isipin na lamang ang maaari mong matutuhan kapag ang mga hayop ay hindi na pinangingibabawan ng takot sa tao. Sa panahong iyon ay malalapitan mo na kahit ang mga ibon at maliliit na mga kinapal na nakatira sa kagubatan o kasukalan—oo, pagmasdan, matuto, at masiyahan sa mga ito. (Job 12:7-9) Magagawa mo ito nang ligtas at walang panganib mula sa tao o hayop. Sabi ni Jehova: “Hindi sila mananakit ni maninira man sa aking buong banal na bundok.” Kay laki ng pagkakaiba nito sa ating nakikita at nararanasan sa ngayon!
19, 20. Bakit ibang-iba ang bayan ng Diyos sa karamihan ng mga tao sa ngayon?
19 Gaya ng nabanggit noon, walang kakayahan ang mga tao na patiunang masabi ang kinabukasan nang may kawastuan, sa kabila ng lumalaganap na pagkabalisa may kinalaman sa bagong milenyo. Marami tuloy ang nasisiphayo, nalilito, o nawawalan ng pag-asa. Sumulat si Peter Emberley, direktor sa isang unibersidad sa Canada: “Maraming [adulto] ang sa dakong huli ay napapaharap sa pangunahing mga katanungan ng pag-iral. Sino ako? Ano ba talaga ang aking pinagsisikapan? Anong pamana ang aking iiwan sa susunod na henerasyon? Sila’y nagsisikap sa panahon ng kanilang katanghaliang-gulang upang makamit ang kaayusan at kahulugan ng kanilang buhay.”
20 Mauunawaan mo kung bakit totoo ito sa marami. Maaaring naghahanap sila ng kasiyahan sa buhay mula sa mga libangan o kapana-panabik na mga uri ng dibersiyon. Ngunit, hindi nila alam ang mangyayari sa hinaharap, kaya maaaring ang buhay ay nawawalan ng halaga, kaayusan, o tunay na kahulugan. Ihambing mo naman ito ngayon sa iyong pangmalas sa buhay, batay sa naisaalang-alang na natin. Alam mong sa ipinangako ni Jehova na mga bagong langit at bagong lupa, mapagmamasdan natin ang kapaligiran at masasabi mula sa ating puso, ‘Totoo, ginawa nang bago ng Diyos ang lahat ng bagay!’ Tiyak na ikasisiya natin iyan!
21. Anong magkatulad na salik ang masusumpungan natin sa Isaias 65:25 at Isaias 11:9?
21 Hindi isang kapangahasan na gunigunihin ang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. Inaanyayahan niya tayo, hinihimok pa nga, na sambahin siya sa katotohanan ngayon at maging karapat-dapat sa buhay kapag ‘hindi na sila mananakit ni maninira man sa aking buong banal na bundok.’ (Isaias 65:25) Subalit, alam mo bang bago pa ito ay ganito na rin ang sinabi ni Isaias noon at na may isinama pa siyang isang salik na kailangang-kailangan upang tunay na matamasa natin ang bagong sanlibutan? Sabi sa Isaias 11:9: “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”
22. Ang ating pagsasaalang-alang sa apat na hula ng Bibliya ay dapat magpatibay sa ating determinasyon na gawin ang ano?
22 “Ang kaalaman ni Jehova.” Kapag ginawa nang bago ng Diyos ang lahat ng bagay, ang mga maninirahan sa lupa ay magkakaroon ng tumpak na kaalaman sa kaniya at sa kaniyang kalooban. Magsasangkot ito nang higit pa kaysa sa pagkatuto lamang mula sa mga nilalang na hayop. May kaugnayan dito ang kaniyang kinasihang Salita. Halimbawa, bulay-bulayin ang nakita na natin mula sa pagsusuri sa apat lamang na hula na bumabanggit sa “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (Isaias 65:17; 66:22; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1) May maganda kang dahilan upang basahin ang Bibliya araw-araw. Bahagi ba iyan ng iyong rutin? Kung hindi, anong mga pagbabago ang magagawa mo upang sa bawat araw ay mabasa mo ang ilan sa mga sinasabi ng Diyos? Masusumpungan mo na bukod sa pananabik na matamasa ang bagong sanlibutan, makatatanggap ka pa ng ibayong kasiyahan ngayon, na gaya nga ng nadama ng salmista.—Awit 1:1, 2.
[Talababa]
a Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 906, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit natin masasabi na ang inihuhula ng Isaias 66:22-24 ay mangyayari pa sa hinaharap?
• Ano ang lalo nang inaasam-asam mo sa mga bagay na binabanggit sa mga hula sa Isaias 66:22-24 at Isaias 65:20-25?
• Anong mga dahilan ang taglay mo sa pagtitiwala hinggil sa iyong kinabukasan?
[Mga larawan sa pahina 15]
Inihula nina Isaias, Pedro, at Juan ang mga aspekto ng “mga bagong langit at isang bagong lupa”