Ikasiyam na Kabanata
Magtiwala kay Jehova sa Harap ng Kapighatian
1. Bakit makikinabang ang mga Kristiyano ngayon sa pagsusuri ng Isaias kabanata 7 at 8?
ANG Isaias kabanata 7 at 8 ay nagsisiwalat ng dalawang magkaibang reaksiyon. Sina Isaias at Ahaz ay kapuwa kabilang sa isang bansang nakaalay kay Jehova; kapuwa sila may bigay-Diyos na atas, ang isa bilang propeta, at ang isa bilang hari ng Juda; at kapuwa sila napaharap sa iisang pagbabanta—ang pagsalakay sa Juda ng mas malalakas na puwersa ng kaaway. Gayunman, hinarap ni Isaias ang banta taglay ang pagtitiwala kay Jehova, samantalang si Ahaz ay nagbigay-daan sa takot. Bakit magkaiba ang kanilang reaksiyon? Yamang ang mga Kristiyano sa ngayon ay napalilibutan din ng mga puwersa ng kaaway, makabubuting suriin nila ang dalawang kabanatang ito ng Isaias upang matuklasan kung anong mga leksiyon ang taglay ng mga ito.
Napaharap sa Isang Pasiya
2, 3. Anong sumaryo ang ibinigay ni Isaias sa kaniyang pambungad na mga pananalita?
2 Kagaya ng isang pintor na gumagawa ng isang bagong larawan sa pamamagitan ng pagguhit muna ng ilang pangkalahatang balangkas, pinasimulan ni Isaias ang kaniyang ulat sa pamamagitan ng ilang pangkalahatang pananalita na nagbibigay agad ng puno’t dulo ng mga pangyayaring kaniyang ilalahad: “Nangyari nga nang mga araw ni Ahaz na anak ni Jotam na anak ni Uzias, na hari ng Juda, na sina Rezin na hari ng Sirya at Peka na anak ni Remalias, na hari ng Israel, ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma laban dito, at hindi niya nakayanang makipagdigma laban dito.”—Isaias 7:1.
3 Noo’y ikawalong siglo B.C.E. nang humalili si Ahaz sa kaniyang amang si Jotam, bilang hari ng Juda. Si Rezin, na hari ng Sirya, at si Peka, na hari ng hilagang kaharian ng Israel, ay lumusob sa Juda, at matindi ang naging pagsalakay ng kanilang mga hukbo. Sa dakong huli, kanilang kukubkubin ang Jerusalem mismo. Gayunman, ang pangungubkob ay mabibigo. (2 Hari 16:5, 6; 2 Cronica 28:5-8) Bakit? Malalaman natin iyon sa dakong huli.
4. Bakit ang puso ni Ahaz at ng kaniyang bayan ay pinanaigan ng takot?
4 Sa pasimula ng digmaan, “isang ulat ang isinaysay sa sambahayan ni David, na nagsasabi: ‘Ang Sirya ay sumandig sa Efraim.’ At ang kaniyang puso at ang puso ng kaniyang bayan ay nagsimulang manginig, gaya ng panginginig ng mga punungkahoy sa kagubatan dahil sa hangin.” (Isaias 7:2) Oo, natakot si Ahaz at ang kaniyang bayan nang malamang nagsanib ng puwersa ang mga Siryano at ang mga Israelita at na ang mga hukbo ng mga ito sa mismong pagkakataong iyon ay nagkakampo na sa lupang pag-aari ng Efraim (Israel). Ang layo nila ay dalawa o tatlong araw lamang na pagmamartsa mula sa Jerusalem!
5. Sa paanong paraan nakakatulad ngayon ng bayan ng Diyos si Isaias?
5 Sinabi ni Jehova kay Isaias: “Lumabas ka, pakisuyo, upang salubungin si Ahaz, ikaw at si Sear-jasub na iyong anak, sa dulo ng padaluyan ng mataas na tipunang-tubig sa tabi ng lansangang-bayan sa parang ng tagapaglaba.” (Isaias 7:3) Isip-isipin na lamang! Sa panahong dapat na ang hari ang maghanap sa propeta ni Jehova upang humingi ng patnubay, ang propeta pa ang kailangang humayo at humanap sa hari! Magkagayon man, handa si Isaias na sumunod kay Jehova. Sa katulad na paraan, ang bayan ng Diyos sa ngayon ay handang humayo upang hanapin ang mga taong natatakot dahil sa mga panggigipit ng sanlibutang ito. (Mateo 24:6, 14) Anong laking kasiyahan na bawat taon ay daan-daang libo ang tumutugon sa mga pagdalaw ng mga mangangaral na ito ng mabuting balita at tumatangan sa mapagsanggalang na kamay ni Jehova!
6. (a) Anong nakapagpapatibay na mensahe ang inihatid ng propeta kay Haring Ahaz? (b) Anong kalagayan ang umiiral ngayon?
6 Si Ahaz ay nasumpungan ni Isaias sa labas ng mga pader ng Jerusalem, kung saan, bilang paghahanda sa inaasahang pagkubkob, ang hari ay nagsisiyasat sa suplay ng tubig sa lunsod. Inihatid sa kaniya ni Isaias ang mensahe ni Jehova: “Mag-ingat ka at pumanatag ka. Huwag kang matakot, at huwag manlupaypay ang iyong puso dahil sa dalawang dulo ng mga umuusok na kahoy na ito, dahil sa mainit na galit ni Rezin at ng Sirya at ng anak ni Remalias.” (Isaias 7:4) Nang unang wasakin ng mga sumasalakay ang Juda, ang kanilang galit ay kasing init ng mga liyab. Ngayon sila’y gaya na lamang ng ‘dalawang dulo ng mga umuusok na kahoy.’ Hindi na kailangang katakutan ni Ahaz si Haring Rezin ng Sirya o si Haring Peka ng Israel, ang anak ni Remalias. Gayundin sa ngayon. Sa nakaraang mga siglo, isinailalim ng mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan ang mga tunay na Kristiyano sa maapoy na pag-uusig. Subalit ngayon, ang Sangkakristiyanuhan ay nakakatulad na lamang ng isang kahoy na malapit nang matupok. Ang kaniyang mga araw ay bilang na.
7. Bakit ang pangalan ni Isaias at ng kaniyang anak ay nagbibigay ng pag-asa?
7 Noong kaarawan ni Ahaz, hindi lamang ang mensahe ni Isaias kundi ang kahulugan din ng pangalan ni Isaias at ng kaniyang anak ang nagbigay ng pag-asa sa mga nagtitiwala kay Jehova. Totoo, ang Juda ay nasa panganib, subalit ang pangalan ni Isaias, na nangangahulugang “Pagliligtas ni Jehova,” ay nagpapahiwatig na si Jehova ay maglalaan ng kaligtasan. Sinabi ni Jehova kay Isaias na ipagsama niya ang kaniyang anak na si Sear-jasub, na ang pangalan ay nangangahulugang “Isang Nalabi Lamang ang Babalik.” Kahit na bumagsak pa sa wakas ang kaharian ng Juda, may kaawaang ibabalik ng Diyos sa lupain ang isang nalabi.
Higit Pa Kaysa sa Digmaan Lamang sa Pagitan ng mga Bansa
8. Bakit ang pagsalakay sa Jerusalem ay higit pa kaysa sa digmaan lamang sa pagitan ng mga bansa?
8 Isiniwalat ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias ang estratehiya ng mga kaaway ng Juda. Ganito ang kanilang pinaplano: “Umahon tayo laban sa Juda at wasakin natin iyon at sa pamamagitan ng mga paglusob ay kunin natin iyon para sa atin; at ibang hari ang paghariin natin sa loob niyaon, ang anak ni Tabeel.” (Isaias 7:5, 6) Nagpakana ang liga ng Siryo-Israelita na lupigin ang Juda at palitan si Ahaz, isang anak ni David, ng kanilang sariling tauhan. Maliwanag ngayon, ang pagsalakay sa Jerusalem ay higit pa kaysa sa digmaan lamang sa pagitan ng mga bansa. Ito ay naging isang sagupaan sa pagitan ni Satanas at ni Jehova. Bakit? Sapagkat ang Diyos na Jehova ay gumawa ng isang tipan kay Haring David, anupat tinitiyak sa kaniya na ang kaniyang mga anak ay mamamahala sa bayan ni Jehova. (2 Samuel 7:11, 16) Kay laki ngang tagumpay para kay Satanas kung siya’y makapaglalagay ng iba pang maharlikang dinastiya sa trono sa Jerusalem! Maaari pa nga niyang biguin ang layunin ni Jehova para makapagluwal ang linya ni David ng isang permanenteng tagapagmana, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6, 7.
Mga Maibiging Kasiguruhan Mula kay Jehova
9. Anong mga kasiguruhan ang dapat na magbigay ng tibay-loob kay Ahaz at sa mga Kristiyano ngayon?
9 Ang pakana ba ng Sirya at ng Israel ay magtatagumpay? Hindi. Ipinahayag ni Jehova: “Hindi iyon matatayo, ni mangyayari man.” (Isaias 7:7) Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova na hindi lamang mabibigo ang pagkubkob sa Jerusalem kundi “sa loob lamang ng animnapu’t limang taon ay pagdudurug-durugin ang Efraim upang hindi na maging isang bayan.” (Isaias 7:8) Oo, sa loob ng 65 taon ang Israel ay hindi na iiral bilang isang bayan.a Ang kasiguruhang ito, na may espesipikong panahon, ay dapat magbigay ng tibay-loob kay Ahaz. Sa gayunding paraan, ang bayan ng Diyos sa ngayon ay napalalakas sa pagkaalam na ang panahong natitira para sa sanlibutan ni Satanas ay nauubos na.
10. (a) Paano matutularan ng mga tunay na Kristiyano ngayon si Jehova? (b) Ano ang inialok ni Jehova kay Ahaz?
10 Marahil ay nabanaag sa mukha ni Ahaz na hindi siya makapaniwala, yamang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Malibang manampalataya kayo ay hindi nga kayo mamamalagi.” Si Jehova, sa kaniyang pagbabata, “ay nagsalita pa kay Ahaz.” (Isaias 7:9, 10) Anong inam na halimbawa! Sa ngayon, bagaman hindi kaagad tumutugon ang marami sa mensahe ng Kaharian, makabubuting tularan natin si Jehova sa pamamagitan ng ‘pagsasalita pa nang higit’ habang tayo’y paulit-ulit na dumadalaw. Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Ahaz: “Humingi ka sa ganang iyo ng isang tanda mula kay Jehova na iyong Diyos, na pinalalalim iyon na gaya ng Sheol o pinatataas iyon na gaya ng matataas na pook.” (Isaias 7:11) Si Ahaz ay makahihingi ng isang tanda, at gagawin iyon ni Jehova bilang garantiya na ipagsasanggalang niya ang sambahayan ni David.
11. Anong katiyakan ang ibinibigay ng pananalita ni Jehova na “iyong Diyos”?
11 Pansinin na sinabi ni Jehova: ‘Humingi ka ng isang tanda mula sa iyong Diyos.’ Napakabait ni Jehova. Dati nang iniulat na si Ahaz ay sumasamba sa huwad na mga diyos at nagsasagawa ng kasuklam-suklam na mga paganong gawain. (2 Hari 16:3, 4) Sa kabila nito at sa kabila ng pagkatakot ni Ahaz, tinawag pa rin ni Jehova ang kaniyang sarili na Diyos ni Ahaz. Ito’y nagbibigay-katiyakan sa atin na hindi naman karaka-rakang itinatakwil ni Jehova ang mga tao. Siya’y handang tumulong sa mga nagkakasala o humihina ang pananampalataya. Ang ganito bang kasiguruhan ng pag-ibig ng Diyos ay mag-uudyok kay Ahaz upang tanggapin ang tulong na iniaalok ni Jehova?
Mula sa Pag-aalinlangan Tungo sa Pagsuway
12. (a) Anong mapagmataas na saloobin ang tinaglay ni Ahaz? (b) Sa halip na bumaling kay Jehova, kanino humingi ng tulong si Ahaz?
12 Si Ahaz ay sumagot nang may pagkasuwail: “Hindi ako hihingi, ni ilalagay ko man si Jehova sa pagsubok.” (Isaias 7:12) Hindi sinusunod dito ni Ahaz ang mga salita ng kautusan: “Huwag ninyong ilalagay sa pagsubok si Jehova na inyong Diyos.” (Deuteronomio 6:16) Pagkalipas ng ilang siglo, sinipi ni Jesus ang kautusan ding iyon nang siya’y tinutukso ni Satanas. (Mateo 4:7) Gayunman, sa kaso ni Ahaz, si Jehova ang nag-aanyaya sa kaniya na manumbalik sa tunay na pagsamba at nag-aalok na palalakasin ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang tanda. Datapuwat, mas gusto ni Ahaz na humanap ng proteksiyon sa iba. Posible na sa pagkakataong ito ay nagpadala ang hari ng malaking halaga ng salapi sa Asirya, na humihingi ng tulong laban sa kaniyang mga kaaway sa hilaga. (2 Hari 16:7, 8) Samantala, ang Jerusalem ay pinalibutan ng hukbo ng Siryo-Israelita at nagsisimula na ang pagkubkob.
13. Ano ang mapapansin nating pagbabago sa Isa 7 talatang 13, na nagpapakita ng ano?
13 Nasa isip ang kawalang-pananampalataya ng hari, si Isaias ay nagsabi: “Makinig kayo, pakisuyo, O sambahayan ni David. Napakaliit na bagay ba para sa inyo na pagurin ang mga tao, anupat papagurin din ninyo ang aking Diyos?” (Isaias 7:13) Oo, si Jehova ay maaaring mapagod sa patuloy sa pagkasuwail nila. Pansinin din ngayon na ang sinabi ng propeta ay “aking Diyos,” hindi “inyong Diyos.” Isang pagbabago na may masamang pahiwatig! Nang itakwil ni Ahaz si Jehova at bumaling sa Asirya, naiwala niya ang mainam na pagkakataon upang mapanumbalik ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. Huwag nawa nating isakripisyo kailanman ang ating kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso ng ating maka-Kasulatang mga paniniwala upang magtamo lamang ng panandaliang mga kapakinabangan.
Ang Tanda ni Emmanuel
14. Paano ipinakikita ni Jehova ang katapatan sa kaniyang tipan kay David?
14 Si Jehova ay nanatiling tapat sa kaniyang tipan kay David. Isang tanda ang inialok, isang tanda ang ibibigay! Si Isaias ay nagpatuloy: “Bibigyan kayo ni Jehova ng isang tanda: Narito! Ang dalaga mismo ay magdadalang-tao nga, at magsisilang siya ng isang anak na lalaki, at tatawagin nga niyang Emmanuel ang pangalan nito. Mantikilya at pulot-pukyutan ang kakainin niya kapag natutuhan na niyang itakwil ang masama at piliin ang mabuti. Sapagkat bago matutuhan ng bata na itakwil ang masama at piliin ang mabuti, ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo nang may panlulumo ay lubusang pababayaan.”—Isaias 7:14-16.
15. Anong dalawang tanong ang sinasagot ng hula tungkol kay Emmanuel?
15 Mabuting balita ito para sa sinumang natatakot na wawakasan ng mga manlulusob ang Davidikong linya ng mga hari. Ang “Emmanuel” ay nangangahulugang “Sumasaatin ang Diyos.” Ang Diyos ay sumasa-Juda at hindi niya pahihintulutang mawalang-saysay ang kaniyang tipan kay David. Karagdagan pa, hindi lamang sinabihan si Ahaz at ang kaniyang bayan kung ano ang gagawin ni Jehova kundi kung kailan din niya gagawin iyon. Bago pa sumapit sa sapat na gulang ang batang si Emmanuel upang makakilala ng mabuti at masama, ang kaaway na mga bansa ay mapupuksa. At ito’y napatunayang totoo!
16. Bakit marahil ay hindi tiniyak ni Jehova ang pagkakakilanlan kay Emmanuel noong kaarawan ni Ahaz?
16 Hindi isinisiwalat ng Bibliya kung kaninong anak si Emmanuel. Subalit yamang ang batang si Emmanuel ay magsisilbing isang tanda at pagkatapos ay sinabi ni Isaias na siya at ang kaniyang mga anak ay “gaya ng mga tanda,” si Emmanuel ay maaaring anak ng propeta. (Isaias 8:18) Marahil ay hindi tiniyak ni Jehova ang pagkakakilanlan kay Emmanuel noong kaarawan ni Ahaz upang hindi maalis ang pansin ng susunod na mga salinlahi sa Lalong Dakilang Emmanuel. Sino ito?
17. (a) Sino ang Lalong Dakilang Emmanuel, at tanda ng ano ang kaniyang pagsilang? (b) Bakit maaaring bumulalas ang bayan ng Diyos ngayon ng, “Sumasaatin ang Diyos”?
17 Bukod sa aklat ng Isaias, minsan lamang lumitaw ang pangalang Emmanuel sa Bibliya, sa Mateo 1:23. Kinasihan ni Jehova si Mateo na ikapit ang hula tungkol sa pagsilang ni Emmanuel sa pagsilang ni Jesus, ang may karapatang Tagapagmana sa trono ni David. (Mateo 1:18-23) Ang pagsilang ng unang Emmanuel ay isang tanda na hindi tinalikuran ng Diyos ang sambahayan ni David. Gayundin, ang pagsilang ni Jesus, ang Lalong Dakilang Emmanuel, ay isang tanda na hindi tinalikuran ng Diyos ang sangkatauhan o ang kaniyang tipan ng Kaharian sa sambahayan ni David. (Lucas 1:31-33) Yamang ang pangunahing kinatawan ni Jehova ay sumasa sangkatauhan ngayon, tunay na masasabi ni Mateo, ‘Sumasaatin ang Diyos.’ Sa ngayon, si Jesus ay namamahala bilang makalangit na Hari at siya’y sumasa kaniyang kongregasyon sa lupa. (Mateo 28:20) Tunay nga, ang bayan ng Diyos ay may ibayong dahilan upang bumulalas nang buong tapang: “Sumasaatin ang Diyos!”
Higit Pang Kahihinatnan ng Kataksilan
18. (a) Bakit nagdudulot ng lagim sa kaniyang mga tagapakinig ang sumunod na mga salita ni Isaias? (b) Anong pagbabago sa mga pangyayari ang malapit nang maganap?
18 Bagaman nakaaaliw ang pinakahuli niyang mga salita, ang sumusunod na pananalita ni Isaias ay nagdudulot ng lagim sa kaniyang mga tagapakinig: “Si Jehova ay magpapasapit laban sa iyo at laban sa iyong bayan at laban sa sambahayan ng iyong ama ng mga araw na hindi pa nangyayari mula nang araw na humiwalay ang Efraim mula sa tabi ng Juda, samakatuwid nga, ang hari ng Asirya.” (Isaias 7:17) Oo, darating ang kapahamakan, at ito’y sa kamay ng hari ng Asirya. Ang pagkaalam na sila’y sasakupin ng mga Asiryanong bantog sa kalupitan ay malamang na naging sanhi ng madalas na di-pagkatulog ni Ahaz at ng kaniyang bayan. Si Ahaz ay nangatuwiran na ang pakikipagkaibigan sa Asirya ang magliligtas sa kaniya mula sa Israel at sa Sirya. Totoo nga, ang hari ng Asirya ay makikinig sa pagsusumamo ni Ahaz sa pamamagitan ng pagsalakay sa Israel at Sirya sa dakong huli. (2 Hari 16:9) Malamang na ito ang dahilan kung bakit mapipilitan sina Peka at Rezin na itigil ang pagkubkob nila sa Jerusalem. Kaya, hindi makakayanan ng liga ng Siryo-Israelita na sakupin ang Jerusalem. (Isaias 7:1) Subalit, ngayon ay sinasabi ni Isaias sa kaniyang nabiglang mga tagapakinig na ang Asirya, ang kanilang inaasahang tagapagtanggol, ang siyang mang-aapi naman sa kanila!—Ihambing ang Kawikaan 29:25.
19. Anong babala ang taglay ng makasaysayang dramang ito para sa mga Kristiyano sa ngayon?
19 Para sa mga Kristiyano sa ngayon, ang tunay na ulat na ito ng kasaysayan ay nagtataglay ng isang babala. Kapag nasa ilalim ng panggigipit, maaari tayong matuksong ikompromiso ang mga Kristiyanong simulain, anupat tinatanggihan ang proteksiyon ni Jehova. Ito’y isang makitid na pananaw at pagsuong pa nga sa kamatayan, gaya ng makikita sa susunod pang mga salita ni Isaias. Nagpatuloy ang propeta sa paglalarawan sa mangyayari sa lupain at sa mamamayan nito dahil sa paglusob ng mga Asiryano.
20. Sino “ang mga langaw” at “ang mga bubuyog,” at ano ang kanilang gagawin?
20 Hinati-hati ni Isaias ang kaniyang mga kapahayagan sa apat na bahagi, bawat isa ay patiunang nagsasabi kung ano ang mangyayari “sa araw na iyon”—alalaong baga, sa araw ng pagsalakay ng Asirya sa Juda. “Mangyayari sa araw na iyon na sisipulan ni Jehova ang mga langaw na nasa dulo ng mga kanal ng Nilo ng Ehipto at ang mga bubuyog na nasa lupain ng Asirya, at sila ay tiyak na darating at dadapo, silang lahat, sa matatarik na agusang libis at sa mga awang ng malalaking bato at sa lahat ng mga palumpungan ng mga tinik at sa lahat ng mga dakong tubigan.” (Isaias 7:18, 19) Ang mga hukbo ng Ehipto at Asirya, gaya ng kulupon ng mga langaw at mga bubuyog, ay magtutuon ng kanilang pansin sa Lupang Pangako. Hindi ito isang panandaliang pagsalakay. “Ang mga langaw” at “ang mga bubuyog” ay dadapo, anupat pamumugaran ang lahat ng sulok at bitak ng lupain.
21. Sa anong paraan magiging gaya ng labaha ang hari ng Asirya?
21 Si Isaias ay nagpatuloy: “Sa araw na iyon, sa pamamagitan ng isang upahang labaha sa pook ng Ilog, sa pamamagitan nga ng hari ng Asirya, ay aahitan ni Jehova ang ulo at ang balahibo ng mga paa, at aalisin nito maging ang balbas.” (Isaias 7:20) Ngayo’y Asirya na lamang ang binanggit na pangunahing banta. Inupahan ni Ahaz ang hari ng Asirya upang ‘ahitan’ ang Sirya at Israel. Gayunman, ang ‘upahang labahang’ ito mula sa rehiyon ng Eufrates ay kikilos laban sa “ulo” ng Juda at aahitan iyon, at aalisin maging ang balbas niyaon!
22. Anong mga halimbawa ang ginamit ni Isaias upang ipakita kung ano ang magiging resulta ng napipintong paglusob ng Asirya?
22 Ano ang magiging resulta? “Mangyayari sa araw na iyon na iingatang buháy ng isang tao ang isang batang baka ng kawan at dalawang tupa. At mangyayari nga na dahil sa kasaganaan ng gatas na makukuha ay kakain siya ng mantikilya; sapagkat mantikilya at pulot-pukyutan ang kakainin ng lahat ng naiwan sa gitna ng lupain.” (Isaias 7:21, 22) Matapos ‘maahitan’ ng mga Asiryano ang lupain, iilang tao na lamang ang maiiwan anupat kakaunting hayop ang kakailanganin upang maglaan ng pagkain. “Mantikilya at pulot-pukyutan” ang kakanin—wala nang iba pa, walang alak, walang tinapay, walang ibang pangunahing pagkain. Waring sa layuning maidiin ang lawak ng pagkatiwangwang, tatlong ulit na sinabi ni Isaias na sa dating mahalaga at mabungang lupain ay magkakaroon ngayon ng mga tinik at mga dawag. Yaong mga nagbabakasakali sa labas ng bayan ay mangangailangan ng “mga palaso at busog” bilang pananggalang laban sa mababangis na hayop na nagkukubli sa mga palumpungan. Ang hinawan na mga bukirin ay magiging lugar na yuyurakan ng mga toro at mga tupa. (Isaias 7:23-25) Ang hulang ito ay nagpasimulang matupad noon mismong kaarawan ni Ahaz.—2 Cronica 28:20.
Mga Eksaktong Hula
23. (a) Ano ang ipinag-utos ngayon na gawin ni Isaias? (b) Paano pinagtibay ang tanda ng tapyas?
23 Binalikan ngayon ni Isaias ang nagaganap na pangyayari. Samantalang ang Jerusalem ay kasalukuyang kinukubkob pa rin ng magkasanib na Siryo-Israelita, si Isaias ay nag-ulat: “Sinabi ni Jehova sa akin: ‘Kumuha ka para sa iyo ng isang malaking tapyas at isulat mo roon sa pamamagitan ng panulat ng taong mortal, “Maher-salal-has-baz.” At bigyan mo ako ng katibayan para sa akin mula sa tapat na mga saksi, si Uria na saserdote at si Zacarias na anak ni Jeberekias.’” (Isaias 8:1, 2) Ang pangalang Maher-salal-has-baz ay nangangahulugang “Magmadali, O Samsam! Siya’y Dumating Kaagad sa Pandarambong.” Hiniling ni Isaias sa dalawang iginagalang na lalaki sa komunidad na saksihan ang pagsulat niya sa pangalang ito sa isang malaking tapyas, upang kanilang pagtibayin sa dakong huli ang pagiging kapani-paniwala ng dokumento. Gayunman ang tandang ito ay kailangang mapagtibay pa ng ikalawang tanda.
24. Ano ang dapat na maging epekto ng tanda ni Maher-salal-has-baz sa bayan ng Juda?
24 Sinabi ni Isaias: “Sa gayon ay lumapit ako sa propetisa, at siya ay nagdalang-tao at sa kalaunan ay nagsilang ng isang anak na lalaki. At si Jehova ay nagsabi sa akin: ‘Tawagin mong Maher-salal-has-baz ang kaniyang pangalan, sapagkat bago matuto ang batang lalaki na tumawag ng, “Ama ko!” at “Ina ko!” may isang magdadala ng yaman ng Damasco at ng samsam mula sa Samaria sa harap ng hari ng Asirya.’” (Isaias 8:3, 4) Kapuwa ang malaking tapyas at ang bagong silang na batang lalaki ay magsisilbing mga tanda na malapit nang dambungin ng Asirya ang mga mang-aapi sa Juda, ang Sirya at ang Israel. Gaano kalapit? Bago mabigkas ng bata ang unang mga salita na natututuhan ng karamihang sanggol—ang “Ama” at “Ina.” Ang gayong eksaktong hula ay dapat na magpatibay sa pagtitiwala ng bayan kay Jehova. O maaari rin namang maging dahilan ito upang kutyain ng ilan si Isaias at ang kaniyang mga anak. Anuman ang pangyayari, ang makahulang salita ni Isaias ay nagkatotoo.—2 Hari 17:1-6.
25. Ano ang pagkakatulad ng mga kaarawan ni Isaias sa kasalukuyang panahon?
25 Ang mga Kristiyano ay maaaring matuto mula sa paulit-ulit na babala ni Isaias. Isiniwalat ni apostol Pablo sa atin na sa makasaysayang dramang ito, ang inilalarawan ni Isaias ay si Jesu-Kristo at ang mga anak ni Isaias ay lumalarawan sa mga pinahirang alagad ni Jesus. (Hebreo 2:10-13) Si Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang pinahirang mga tagasunod sa lupa, ay patuloy na nagpapaalaala sa mga tunay na Kristiyano hinggil sa pangangailangang “manatiling gising” sa mapanganib na mga panahong ito. (Lucas 21:34-36) Samantala, ang di-nagsisising mga mananalansang ay binabalaan naman hinggil sa kanilang dumarating na pagkapuksa, bagaman ang gayong mga babala ay kadalasang tinutuya. (2 Pedro 3:3, 4) Ang katuparan ng mga hulang may kaugnayan sa panahon noong kaarawan ni Isaias ay isang garantiya na ang talaorasan ng Diyos para sa ating kaarawan ay ‘walang pagsalang magkakatotoo rin. Hindi iyon maaantala.’—Habacuc 2:3.
Mapangwasak na “Tubig”
26, 27. (a) Anong mga pangyayari ang inihula ni Isaias? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita ni Isaias para sa mga lingkod ni Jehova ngayon?
26 Si Isaias ay nagpatuloy sa kaniyang babala: “Sa dahilang itinakwil ng bayang ito ang tubig ng Siloa na umaagos nang banayad, at ipinagbubunyi si Rezin at ang anak ni Remalias; kaya naman, narito! isasampa ni Jehova laban sa kanila ang malakas at maraming tubig ng Ilog, ang hari ng Asirya at ang kaniyang buong kaluwalhatian. At siya ay tiyak na aahon sa lahat ng kaniyang mga batis at aapaw sa lahat ng kaniyang mga pampang at magdaraan sa Juda. Siya ay babaha nga at daraan. Hanggang sa leeg ay aabot siya. At pupunuin ng pagkakaunat ng kaniyang mga pakpak ang lapad ng iyong lupain, O Emmanuel!”—Isaias 8:5-8.
27 Ang “bayang ito,” ang hilagang kaharian ng Israel, ay nagtakwil sa tipan ni Jehova kay David. (2 Hari 17:16-18) Para sa kanila, ito’y waring kasinghina ng banayad na agos ng tubig ng Siloa, ang suplay ng tubig sa Jerusalem. Kanilang ipinangangalandakan ang kanilang pakikipagdigma laban sa Juda. Subalit ang ganitong pag-upasala ay hindi maaaring di-maparusahan. Pahihintulutan ni Jehova ang mga Asiryano na ‘bahain,’ o apawan, ang Sirya at Israel, kung paanong pahihintulutan ni Jehova na bahain ng kasalukuyang makapulitikang bahagi ng daigdig ang nasasakupan ng huwad na relihiyon sa malapit na hinaharap. (Apocalipsis 17:16; ihambing ang Daniel 9:26.) Pagkatapos, sabi ni Isaias, ang umaapaw na “tubig” ay “magdaraan sa Juda,” at aabot “hanggang sa leeg,” hanggang sa Jerusalem, kung saan nagpupuno ang pangulo (hari) ng Juda.b Sa ating kapanahunan ang inatasang makapulitikang mga tagapuksa sa huwad na relihiyon ay sasalakay rin sa mga lingkod ni Jehova, anupat pinalilibutan sila “hanggang sa leeg.” (Ezekiel 38:2, 10-16) Ano ang kalalabasan? Buweno, ano ang nangyari noong kaarawan ni Isaias? Ang mga Asiryano ba ay dumaluhong sa mga pader ng lunsod at tumangay sa bayan ng Diyos? Hindi. Ang Diyos ay sumasakanila.
Huwag Matakot—‘Ang Diyos ay Sumasaatin!’
28. Sa kabila ng mahigpit na pagtatangka ng kanilang mga kaaway, ano ang tiniyak ni Jehova sa Juda?
28 Si Isaias ay nagbabala: “Maging mapaminsala kayo, O kayong mga bayan [na salangsang sa tipang bayan ng Diyos], at magkadurug-durog; at makinig kayo, lahat kayong nasa malalayong bahagi ng lupa! Magbigkis kayo ng inyong sarili, at magkadurug-durog! Magbigkis kayo ng inyong sarili, at magkadurug-durog! Magplano kayo ng isang pakana, at iyon ay malalansag! Salitain ninyo ang anumang salita, at hindi iyon matatayo, sapagkat ang Diyos ay sumasaamin!” (Isaias 8:9, 10) Makaraan ang ilang taon, sa panahon ng paghahari ng tapat na anak ni Ahaz na si Hezekias, nagkatotoo ang mga salitang ito. Nang pagbantaan ng mga Asiryano ang Jerusalem, pinatay ng anghel ni Jehova ang 185,000 sa kanila. Maliwanag, ang Diyos ay sumasa kaniyang bayan at sa maharlikang linya ni David. (Isaias 37:33-37) Sa darating na digmaan ng Armagedon, susuguin din ni Jehova ang Lalong Dakilang Emmanuel hindi lamang upang pagdurug-durugin ang Kaniyang mga kaaway kundi upang iligtas din ang lahat ng mga nagtitiwala sa Kaniya.—Awit 2:2, 9, 12.
29. (a) Paano naiiba ang mga Judio noong kaarawan ni Ahaz kaysa noong kaarawan ni Hezekias? (b) Bakit umiiwas ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon na magkaroon ng makarelihiyoso at makapulitikang mga alyansa?
29 Di-tulad ng mga Judio noong kapanahunan ni Hezekias, ang mga kapanahon ni Ahaz ay nawalan ng pananampalataya sa proteksiyon ni Jehova. Pinili pa nila ang isang alyansa, o “sabuwatan,” sa mga Asiryano bilang isang proteksiyon sa liga ng Siryo-Israelita. Gayunman, ang “kamay” ni Jehova ay nag-udyok kay Isaias na magsalita laban sa “daan ng bayang ito,” o sa hilig ng karamihan. Siya’y nagbabala: “Ang kinatatakutan nila ay huwag ninyong katakutan, ni manginig man kayo dahil doon. Si Jehova ng mga hukbo—siya ang Isa na ituturing ninyong banal, at siya ang inyong katatakutan, at siya ang Isa na magiging sanhi ng inyong panginginig.” (Isaias 8:11-13) Taglay ito sa isipan, ang mga lingkod ni Jehova ngayon ay nag-iingat laban sa pakikipagsabuwatan o paglalagak ng kanilang tiwala sa mga konsilyong relihiyoso at mga ligang pampulitika. Ang mga lingkod ni Jehova ay may lubos na pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos na magbigay ng proteksiyon. Tutal, kung ‘si Jehova ay nasa panig natin, ano ang magagawa sa atin ng makalupang tao?’—Awit 118:6.
30. Ano ang kahahantungan ng mga hindi nagtitiwala kay Jehova?
30 Sa pagpapatuloy ay muling idiniin ni Isaias na si Jehova ay magiging “gaya ng isang sagradong dako,” isang proteksiyon, para doon sa nagtitiwala sa kaniya. Sa kabaligtaran, yaong nagtatakwil sa kaniya ay “tiyak na matitisod at mabubuwal at mababalian, at masisilo at mahuhuli”—limang matitingkad na pandiwa na tumitiyak sa kahahantungan niyaong mga hindi nagtitiwala kay Jehova. (Isaias 8:14, 15) Noong unang siglo, yaong mga nagtakwil kay Jesus ay natisod at nabuwal din. (Lucas 20:17, 18) Gayunding kahihinatnan ang naghihintay ngayon para sa mga nabigong mag-ukol ng katapatan sa nakaluklok na makalangit na Hari, si Jesus.—Awit 2:5-9.
31. Paano matutularan ng mga tunay na Kristiyano ngayon ang halimbawa ni Isaias at niyaong mga nakikinig sa kaniyang turo?
31 Noong kaarawan ni Isaias, hindi lahat ay natisod. Sinabi ni Isaias: “Ilulon ninyo ang katibayan, lagyan ninyo ng tatak ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad! At patuloy akong maghihintay kay Jehova, na nagkukubli ng kaniyang mukha mula sa sambahayan ni Jacob, at ako ay aasa sa kaniya.” (Isaias 8:16, 17) Ang Kautusan ng Diyos ay hindi tatalikuran ni Isaias at ng mga sumusunod sa kaniyang turo. Sila’y patuloy na nagtitiwala kay Jehova, kahit na tumatanggi ang kanilang suwail na mga kababayan kung kaya ikinukubli ni Jehova ang kaniyang mukha sa mga ito. Tularan nawa natin ang halimbawa niyaong mga nagtitiwala kay Jehova at magkaroon ng gayunding determinasyon na manghawakan sa tunay na pagsamba!—Daniel 12:4, 9; Mateo 24:45; ihambing ang Hebreo 6:11, 12.
“Mga Tanda” at “Mga Himala”
32. (a) Sino sa ngayon ang nagsisilbing ‘mga tanda at mga himala’? (b) Bakit dapat na maging litaw na litaw ang kaibahan ng mga Kristiyano sa sanlibutan?
32 Si Isaias ngayon ay nagpahayag: “Narito! Ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ni Jehova ay gaya ng mga tanda at gaya ng mga himala sa Israel mula kay Jehova ng mga hukbo, na tumatahan sa Bundok Sion.” (Isaias 8:18) Oo, sina Isaias, Sear-jasub, at Maher-salal-has-baz ay mga tanda ng layunin ni Jehova para sa Juda. Sa ngayon, si Jesus at ang kaniyang pinahirang mga kapatid ay nagsisilbi ring mga tanda. (Hebreo 2:11-13) At sila’y sinasamahan sa kanilang gawain ng “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” (Apocalipsis 7:9, 14; Juan 10:16) Sabihin pa, ang isang tanda ay mabisa lamang kung ito’y litaw na litaw mula sa iba pang mga pangyayari. Gayundin, natutupad ng mga Kristiyano ang kanilang atas bilang mga tanda kung litaw na litaw ang kanilang kaibahan sa sanlibutan, na naglalagak ng kanilang lubos na pagtitiwala kay Jehova at buong katapangang naghahayag ng kaniyang mga layunin.
33. (a) Ano ang determinadong gawin ng mga tunay na Kristiyano? (b) Bakit makapaninindigang matatag ang mga tunay na Kristiyano?
33 Kung gayon, sundin nating lahat ang mga pamantayan ng Diyos, hindi yaong sa sanlibutan. Patuloy na lumantad nang walang takot—bilang mga tanda—na nagsasagawa ng atas na ibinigay ng Lalong Dakilang Isaias, si Jesu-Kristo na: “Ihayag ang taon ng kabutihang-loob . . . at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” (Isaias 61:1, 2; Lucas 4:17-21) Tunay nga, kapag ang baha ng Asiryano ay dumaluyong sa buong lupa—kahit umabot man ito hanggang sa ating mga leeg—ang mga tunay na Kristiyano ay hindi maaanod. Tayo’y maninindigang matatag sapagkat ‘ang Diyos ay sumasaatin.’
[Mga talababa]
a Para sa higit pang detalye hinggil sa katuparan ng hulang ito, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 62 at 758, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ang Asirya ay inihalintulad din sa isang ibon na ang nakabukang mga pakpak ay ‘pupuno sa kalaparan ng lupain.’ Kaya, saanman umaabot ang lupain, ito ay sasakupin ng hukbo ng Asirya.
[Larawan sa pahina 103]
Ipinagsama ni Isaias si Sear-jasub nang ihatid niya kay Ahaz ang mensahe ni Jehova
[Larawan sa pahina 111]
Bakit isinulat ni Isaias ang “Maher-salal-has-baz” sa isang malaking tapyas?