EMMANUEL
[Sumasaatin ang Diyos].
Isang pangalan na unang binanggit ng propetang si Isaias (7:14; 8:8) noong panahon ng paghahari ni Ahaz (761-746 B.C.E.). Sa Mateo 1:23, ang tanging iba pang paglitaw nito, ang Emmanuel ay isang pangalang-titulo na ikinapit kay Kristo na Mesiyas.
Dahil sa mga kalagayan noong ibigay ang hula, ang mga komentarista sa Bibliya ay naghahanap ng isang “Emmanuel” na nabuhay noong panahon ni Isaias, isa na noo’y angkop na nagsilbing tanda na ‘sumasakanila ang Diyos.’ Noong ikawalong siglo B.C.E., sina Peka at Rezin, na mga hari ng Israel at Sirya, ay determinadong ibagsak si Ahaz, ang hari ng Juda, upang mailuklok sa kaniyang trono ang anak ni Tabeel. (Isa 7:1-6) Ngunit inalaala ni Jehova ang kaniyang tipan kay David, na ninuno ni Ahaz, ukol sa kaharian at isinugo ang kaniyang propeta taglay ang nakaaaliw na mensaheng ito:
“Makinig kayo, pakisuyo, O sambahayan ni David. . . . Bibigyan kayo ni Jehova ng isang tanda: Narito! Ang dalaga mismo ay magdadalang-tao nga, at magsisilang siya ng isang anak na lalaki, at tatawagin nga niyang Emmanuel ang pangalan nito. Mantikilya at pulot-pukyutan ang kakainin niya kapag natutuhan na niyang itakwil ang masama at piliin ang mabuti. Sapagkat bago matutuhan ng bata na itakwil ang masama at piliin ang mabuti, ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo nang may panlulumo ay lubusang pababayaan.”—Isa 7:13-16.
Pagkatapos, pagkaraang banggitin ang tungkol sa kapanganakan ng ikalawang anak na lalaki ni Isaias, si Maher-salal-has-baz, inilarawan ng hula kung paano maaalis ang banta sa Juda. Gaya ng isang di-mahaharang na baha, lubusang aapawan ng mga Asiryano ang Sirya at ang hilagang kaharian ng Israel, anupat hindi sila hihinto hanggang sa sila’y makapangalat at maging banta sa lupain ng Juda, sa gayo’y “pupunuin [pa nga] ang lapad ng iyong lupain, O Emmanuel!” Pagkatapos, sa matulaing pananalita, binabalaan ng propetang si Isaias ang lahat ng sumasalansang kay Jehova: Kung magbibigkis kayo ng inyong sarili para sa pakikipagdigma, kung magpaplano kayo ng isang pakana, kung magsasalita kayo ng isang salita laban kay Jehova—“hindi iyon matatayo, sapagkat ang Diyos ay sumasaamin [Emmanuel]!”—Isa 8:5-10.
Iminumungkahi ng ilan na sa makahulang tipo, si “Emmanuel” ay ikatlong anak na lalaki ni Isaias, marahil ay sa isang dalagang Judio na naging ikalawang asawa ng propeta. Sinikap naman ng ilang Judiong komentarista na ikapit ang hula sa kapanganakan ng anak na lalaki ni Ahaz na si Hezekias. Ngunit tinututulan ito ng iba, sapagkat ang hula ay binigkas noong panahon ng paghahari ni Ahaz (Isa 7:1), anupat si Hezekias noon ay di-kukulangin sa siyam na taóng gulang.—2Ha 16:2; 18:1, 2.
Ang isa pang posibilidad ay ang ikalawang anak na lalaki ni Isaias na binanggit sa sumunod na kabanata, si Maher-salal-has-baz, na tungkol sa kaniya ay sinabi: “Bago matuto ang batang lalaki na tumawag ng, ‘Ama ko!’ at ‘Ina ko!’ may isang magdadala ng yaman ng Damasco at ng samsam mula sa Samaria sa harap ng hari ng Asirya.” (Isa 8:1-4) Maliwanag na may pagkakahawig ito sa sinabi tungkol kay Emmanuel: “Bago matutuhan ng bata na itakwil ang masama at piliin ang mabuti, ang lupain ng dalawang hari [ng Damasco at ng Samaria] na kinatatakutan mo nang may panlulumo ay lubusang pababayaan.” (Isa 7:16) Gayundin, ang kapanganakan ng ikalawang anak na lalaki ni Isaias ay inihaharap kaugnay ng karagdagan pang hula tungkol kay Emmanuel at, kung paanong si Emmanuel ay magiging isang “tanda,” sinabi rin ni Isaias: “Ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ni Jehova ay gaya ng mga tanda.”—Isa 7:14; 8:18.
Ang gayong pagtukoy sa ikalawang anak na lalaki ni Isaias bilang ang Emmanuel noong mga araw ni Ahaz ay tinututulan, pangunahin na dahil inilarawan ang asawa ni Isaias bilang “propetisa,” hindi bilang “dalaga,” at dahil din sa siya’y ina ng panganay ni Isaias, si Sear-jasub, anupat hindi na “dalaga.” (Isa 7:3; 8:3) Gayunman, mapapansin na dito, ang salitang Hebreo na isinaling “dalaga” ay hindi bethu·lahʹ, na espesipikong nangangahulugang “birhen,” kundi ʽal·mahʹ, na mas malawak na tumutukoy sa isang kabataang babae, na maaaring birheng dalaga o babaing kakakasal pa lamang. Ang ʽal·mahʹ ay lumilitaw rin bilang pangngalang pambalana sa anim na iba pang teksto, anupat ang ilan sa mga ito ay espesipikong tumutukoy sa mga birheng dalaga.—Gen 24:43 (ihambing ang tal 16); Exo 2:8; Aw 68:25; Kaw 30:19; Sol 1:3; 6:8.
Sabihin pa, ang ganap at buong pagkakakilanlan ng Emmanuel ay masusumpungan sa katungkulan at katauhan ng Panginoong Jesu-Kristo. Samakatuwid, ang paggamit ng salitang Hebreo na ʽal·mahʹ sa hula ay dapat lumapat kapuwa sa makahulang tipo (kung iyon ay isang kabataang asawang babae ni Ahaz o ni Isaias) at sa antitipikong katuparan (ang ikakasal at birhen pang si Maria). Sa kaso ni Maria, tiyak na isa siyang birhen nang siya ay ‘magdalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu,’ anupat itinala kapuwa nina Mateo at Lucas ang makasaysayang katotohanang ito. (Mat 1:18-25; Luc 1:30-35) “Ang lahat ng ito ay talagang nangyari upang matupad yaong sinalita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta,” ang sabi ni Mateo. Ito ay isang tanda na nagpapakilala sa matagal nang hinihintay na Mesiyas. Kaya kaayon ng mga katotohanang ito, ang Ebanghelyo ni Mateo (na sumipi sa Isa 7:14) ay gumagamit ng salitang Griego na par·theʹnos, nangangahulugang “dalaga” o “birhen,” upang isalin ang ʽal·mahʹ, anupat sinasabi: “Narito! Ang dalaga [par·theʹnos] ay magdadalang-tao at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin nilang Emmanuel ang pangalan nito.” (Mat 1:22, 23) Hindi ito isang mapangahas na pagbago o pagpilipit sa teksto. Mahigit isang siglo bago nito, ginamit din ng mga Judiong tagapagsalin ng Griegong Septuagint ang par·theʹnos sa pagsasalin ng Isaias 7:14.
Ang pagtukoy kay Jesu-Kristo bilang Emmanuel ay hindi nangangahulugan na nagkatawang-laman ang Diyos sa katauhan niya, ang ‘Diyos sa laman,’ na ayon sa mga nagtataguyod ng Trinidad ay ipinahihiwatig ng kahulugan ng Emmanuel, samakatuwid nga, “Sumasaatin ang Diyos.” Karaniwang kaugalian noon ng mga Judio na ilakip sa mga pangalang Hebreo ang salitang “Diyos,” at maging ang “Jehova.” Kahit sa ngayon, ang Emmanuel ay pantanging pangalan ng maraming tao, at tiyak na hindi nagkatawang-laman ang Diyos sa sinuman sa mga ito.
Kung wari mang may pagkakasalungatan ang tagubilin ng anghel kay Maria (“tatawagin mong Jesus ang pangalan nito”) at ang hula ni Isaias (“tatawagin nga niyang Emmanuel ang pangalan nito”), dapat tandaan na ang Mesiyas ay tatawagin din sa iba pang mga pangalan. (Luc 1:31; Isa 7:14) Halimbawa, sinasabi ng Isaias 9:6 tungkol sa isang iyon: “Ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” Gayunpaman, walang isa man sa mga ito ang ibinigay sa panganay ni Maria bilang personal na pangalan, kahit noong siya’y sanggol pa o noong simulan na niya ang kaniyang ministeryo. Sa halip, ang lahat ng ito ay makahulang mga titulong-pangalan na pagkakakilanlan ng Mesiyas. Namuhay si Jesus ayon sa kahulugan ng mga pangalang ito sa bawat aspekto, at iyan ang dahilan kung bakit ibinigay ang mga ito bilang hula, upang ipakita ang kaniyang mga katangian at ang mabubuting papel na gagampanan niya para sa lahat ng tumatanggap sa kaniya bilang Mesiyas. Gayundin naman kung tungkol sa kaniyang titulong Emmanuel. Namuhay siya ayon sa kahulugan nito at tinupad niya iyon.
Laging hangad ng mga mananamba ni Jehova na ang Diyos ay sumakanila, mapasakanilang panig, at tumulong sa kanila sa kanilang mga gawain, at kadalasan ay tinitiyak naman niya sa kanila na gayon nga ang kaniyang ginagawa, anupat kung minsan ay nagbibigay siya sa kanila ng nakikitang mga tanda ukol sa layuning ito. (Gen 28:10-20; Exo 3:12; Jos 1:5, 9; 5:13–6:2; Aw 46:5-7; Jer 1:19) Kung sa ngayon ay hindi pa rin matiyak kung sino ang Emmanuel noong mga araw ni Ahaz, maaaring kalooban iyon ni Jehova upang hindi nito maagaw ang pansin ng susunod na mga salinlahi mula sa Lalong Dakilang Emmanuel, kapag lumitaw na siya bilang isang tanda mula sa langit. Sa pagparito sa lupa ng kaniyang minamahal na Anak bilang ang ipinangakong Mesiyanikong “binhi” (Gen 3:15) at lehitimong tagapagmana ng trono ni David, inilaan ni Jehova ang pinakadakilang tanda na nagpapakitang hindi niya iniwan ang sangkatauhan o ang kaniyang tipan ukol sa Kaharian. Samakatuwid, ang titulong-pangalan na Emmanuel ay angkop na angkop kay Kristo, sapagkat ang kaniyang presensiya ay tunay ngang isang tanda mula sa langit. At dahil ang pangunahing kinatawang ito ni Jehova ay nasa gitna ng sangkatauhan, talaga ngang masasabi ni Mateo sa ilalim ng pagkasi, “Sumasaatin ang Diyos.”