BALAKANG, MGA
Bahagi ng katawan ng tao sa ibaba ng baywang at sumasaklaw sa luwang ng dalawang pigi. Ginagamit ng Bibliya ang mga salitang Hebreo na chala·tsaʹyim at moth·naʹyim upang tumukoy sa dakong ito. (Isa 5:27; 2Ha 4:29) Ginagamit din ang Griegong o·sphysʹ sa pangkaraniwang diwa nang ilarawan si Juan na Tagapagbautismo bilang nadaramtan ng pamigkis na katad sa kaniyang mga balakang.—Mat 3:4.
Ang mga sangkap sa pag-aanak ay nasa bahagi ng katawan na tinatawag na “mga balakang”; dahil dito, ang mga supling ay sinasabing ‘lumalabas mula sa mga balakang.’ (Gen 35:11; 1Ha 8:19; Gaw 2:30) Tinukoy ni Pablo ang bagay na ito nang ipakita niya na ang pagkasaserdote ni Jesus ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec ay nakahihigit sa pagkasaserdote ni Aaron, dahil ang ninuno ni Aaron na si Levi ay nasa mga balakang noon ni Abraham, at sa gayon ay nagbayad ito ng mga ikapu kay Melquisedec. (Heb 7:5-10; Gen 14:18-20) Ganito rin ang pangangatuwiran ni Pablo sa Roma 7:9 nang sabihin niya: “Ako [si Pablo na Judio, na nasa mga balakang ng kaniyang mga ninuno bago ibinigay ang Kautusan] ay dating buháy nang hiwalay sa kautusan; ngunit nang dumating ang utos, ang kasalanan ay muling nabuhay, ngunit ako ay namatay.”
Kadalasan ay sa mga balakang isinusuot ang sinturon, lalo na ng mga kawal, na nagsusuksok sa sinturon ng isang tabak o sundang na nasa kaluban o kaya’y itinatali nila rito ang kaluban ng tabak. (2Sa 20:8; Ne 4:18) Isinusuksok ng kalihim ang kaniyang tintero sa sinturon o paha na nasa may balakang. (Eze 9:2) Isinusuot naman ang telang sako sa palibot ng mga balakang bilang tanda ng pagdadalamhati.—Gen 37:34; Am 8:10.
Bago simulan ang anumang uri ng mabigat na gawain, ang isang tao ay ‘nagbibigkis ng kaniyang mga balakang,’ at kadalasan ay itinataas niya ang laylayan ng kaniyang maluwang at mahabang kasuutan sa pagitan ng kaniyang mga binti at isinusuksok iyon sa kaniyang paha. Kinain ng mga Israelita sa Ehipto ang Paskuwa habang may bigkis ang kanilang mga balakang, anupat nakahanda silang lumabas ng lupain. Si Elias ay nakahanda rin sa gayong paraan noong unahan niya ang karo ni Ahab.—Exo 12:11; 1Ha 18:46.
Ang salitang Hebreo na keʹsel (mga balakang) ay lumilitaw nang ilang ulit sa Levitico 3:4-15, anupat tumutukoy sa mga haing pansalu-salo. Ginagamit din ito sa Job 15:27 at Awit 38:7. Isinalin ito bilang “mga tagiliran” at “mga balakang” sa King James Version.
Makasagisag na Paggamit. Ang mga kalamnan sa may balakang ay ginagamit nang husto kapag nagbubuhat at nagdadala ng mabibigat na pasan; kaya naman angkop ang pananalita sa Awit 66:11, “Pinabigatan mo ang aming mga balakang.” Ang pagpapalakas ng mga balakang ay tumutukoy naman sa paghahandang gumamit ng lakas, gaya sa pakikipaglaban. (Na 2:1) Sinasabi na ang mabuting asawang babae ay nagbibigkis ng lakas sa kaniyang mga balakang at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig upang maisagawa ang marami niyang gawain para sa kapakanan ng kaniyang sambahayan. (Kaw 31:17) Sa kabaligtaran naman, sinasabing yaong mga nanghihina dahil sa takot, kabagabagan, o pagkatalo ay may nangangatog o nanginginig na mga balakang. (Aw 69:23; Eze 21:6; 29:7) Ang pag-aalis ng bigkis sa mga balakang ng mga hari ay nangangahulugan ng pag-aalis ng kanilang lakas.—Isa 45:1.
Ang “pagbibigkis sa mga balakang” ay nangangahulugan ng pagsusuksok sa paha ng laylayan ng mahahabang damit para mapadali ang pisikal na gawain at nang maglaon ay ginamit ito upang tumukoy sa paghahanda para sa puspusang mental o espirituwal na gawain, at kung minsan ay nangangahulugan ito ng pagpapatibay.—Luc 12:35; ihambing ang 1Pe 1:13, “Bigkisan ninyo ang inyong mga pag-iisip [sa literal, “Bigkisan ninyo ang mga balakang ng inyong pag-iisip”] ukol sa gawain.”
Sa Efeso 6:14, sinasabihan ang mga Kristiyano na ‘bigkisan ng katotohanan ang kanilang mga balakang,’ samakatuwid nga, patibayin sa pamamagitan ng katotohanan ng Salita ng Diyos bilang isang mahalagang suporta, kung paanong ang mahigpit na bigkis sa literal na mga balakang ay nagsasanggalang sa mga ito laban sa pinsalang dulot ng labis na kaigtingan.
Inihula ni Jehova ang kirot at kabagabagan ng Jerusalem sa pamamagitan ng paglalarawang “bawat matipunong lalaki na ang kaniyang mga kamay ay nasa kaniyang mga balakang na tila babaing nanganganak.”—Jer 30:6.
Binanggit ni Jehova na ang mga sambahayan ng Israel at ng Juda ay naging gaya ng isang sinturon sa kaniyang mga balakang, anupat inilapit niya sila nang husto sa kaniyang sarili upang sila ay maging kapurihan at isang bagay na maganda sa kaniya. (Jer 13:11) Si Jesu-Kristo ay inilarawan sa hula na naghahari taglay ang katuwiran bilang sinturon ng kaniyang baywang at ang katapatan bilang sinturon ng kaniyang mga balakang. Maaaring tumutukoy ito sa panghahawakan ni Jesu-Kristo sa katuwiran at katapatan gamit ang kaniyang buong aktibong kapangyarihan. Tulad ng isang sinturon na naglalaan ng suporta, pinatitibay siya ng moral na katangian ng katuwiran sa pagganap bilang Hukom na inatasan ni Jehova.—Isa 11:1, 5.