Paglilingkod kay Jehova Nang May Kagalakan
“Maglingkod kayo kay Jehova nang may kagalakan. Magsilapit kayo sa kaniyang harapan nang may masayang awitan.”—AWIT 100:2.
1, 2. (a) Papaanong ang pagmamalaki ng lahi ay itinampok sa Berlin, Alemanya, subalit ano ang nangyari sa krusada para sa “Sanlibong-Taóng Reich”? (b) Kabaligtaran ng pangyayari noong 1936, ano ang napansin sa Olympia Stadium noong Hulyo 1990, at sa ano nakasalig ang kagalakan ng internasyonal na grupong nagtipon doon?
ANG eksena ay ang Olympia Stadium, Berlin. May limampu’t apat na taon na ang nakalipas, ang magandang stadium na ito ay naging isang sentro ng alitan nang iulat na hinamak ng diktador na Nazing si Adolf Hitler ang isang itim na mananakbong Amerikano na nanalo ng apat na medalyang ginto. Tunay na isang dagok ito sa ipinamamarali ni Hitler na pagiging “superyor ng Aryano”!a Ngunit ngayon, noong Hulyo 26, 1990, mga itim, puti, dilaw—isang nagkakaisang bayan buhat sa 64 na grupo ng mga bansa, 44,532 lahat-lahat—ay nagkakatipon dito sa “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Anong laking kagalakan ang nag-umapaw noong hapon na iyon ng Huwebes! Pagkatapos ng pahayag sa bautismo, 1,018 kandidato ang sumagot nang malakas na “Ja!” at muli, “Ja!” sa pagpapatunay ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova, upang gawin ang kaniyang kalooban.
2 Gumugol ng 19 na minuto upang ang mga bagong Saksing ito ay makapila at makalabas sa stadium patungo sa pool na pagbabautismuhan. At sa loob ng panahong iyan, naghuhumugong na palakpakan ang maririnig sa buong malawak na dulaang iyan. Ang mga nagtagumpay sa Laro ng Olimpiyada ay hindi kailanman nakaranas ng gayong palakpakan na gaya ng nasasaksihan ngayon na pagtanggap sa daan-daang mga taong ito, buhat sa maraming grupo ng mga bansa, na nagtatanghal ng pananampalataya na nananaig sa sanlibutan. (1 Juan 5:3, 4) Ang kanilang kagalakan ay matatag na nakasalig sa pagtitiwalang ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay tiyak na magdadala ng sanlibong taóng maluwalhating mga pagpapala sa sangkatauhan.—Hebreo 6:17, 18; Apocalipsis 20:6; 21:4, 5.
3. Anong katotohanan ang idiniriin ng pagtitiwala ng mga kombensiyonista, at papaano?
3 Walang panlahi o pambansang pagkakapootan dito, sapagkat lahat ay nagsasalita ng dalisay na wika ng Salita ng Diyos, sa gayo’y idiniriin ang katotohanan ng mga salita ni Pedro: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35; Zefanias 3:9.
4. Sa ilalim ng anong mga kalagayan naging mga mananampalataya ang karamihan ng mga kombensiyonista, at papaano sinagot ang kanilang mga panalangin?
4 Ang malaking bahagi ng mga kombensiyonistang ito sa Berlin ay naging mga mananampalataya sa mahahabang taon ng paniniil, sumasaklaw sa kapanahunang Nazi (1933-45) at ng kapanahunang sosyalista na kasunod sa Silangang Alemanya, nang ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova ay legal na inalis kamakailan lamang noong Marso 14, 1990. Dahilan dito, marami sa kanila ang “tumanggap sa salita sa ilalim ng malaking kapighatian taglay ang kagalakan sa banal na espiritu.” (1 Tesalonica 1:6) Sila ngayon ay may lalong malaking kalayaan na maglingkod kay Jehova, at ang kanilang kagalakan ay walang-hanggan.—Ihambing ang Isaias 51:11.
Mga Pagkakataon Para Magalak
5. Papaano ipinagdiwang ng Israel ang pagliligtas sa kanila ni Jehova sa Mapulang Dagat?
5 Ang paglaya ng ating mga kapatid sa Silangang Europa, at sa kasalukuyan sa mga panig ng Aprika at Asia, ay nagpapagunita sa atin ng pagliligtas ni Jehova noong nakalipas na mga panahon. Ating nagugunita ang makapangyarihang gawa ni Jehova sa Mapulang Dagat, at kung papaanong ang awit ng Israel na pasasalamat ay umabot sa tugatog sa mga salitang: “Sino sa mga diyos ang gaya mo, Oh Jehova? Sino ang gaya mo na nagpapatunay sa iyong sarili na dakila sa kabanalan? Ang Isang kasindak-sindak na inaawitan ng mga papuri, ang Isang gumagawa ng mga kababalaghan.” (Exodo 15:11) Sa ngayon, hindi ba tayo’y nagpapatuloy na magalak sa kagila-gilalas na mga bagay na ginagawa ni Jehova para sa kaniyang bayan? Tunay na tayo’y nagagalak nga!
6. Ano ang maaaring matutuhan natin buhat sa paghiyaw ng Israel sa kagalakan noong 537 B.C.E.?
6 Nag-umapaw ang kagalakan noong 537 B.C.E. nang ibalik ang Israel sa kaniyang lupain pagkatapos ng pagkabilanggo sa Babilonya. Ang bansa ni Jehova ay maaari na ngayong magpahayag, gaya ng inihula ni Isaias: “Narito! ang Diyos ay aking kaligtasan. Ako ay magtitiwala at hindi matatakot; sapagkat si Jah Jehova ang aking lakas at aking kalakasan, at siya ang naging aking kaligtasan.” Anong laking kasayahan! At papaano ipahahayag ng bansa ang kagalakang iyan? Si Isaias ay nagpapatuloy pa: “Sa araw na iyon ay tiyak na sasabihin ninyo: ‘Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao! Kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan. Itanyag ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa. Sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay dakila. Magsiawit kayo kay Jehova, sapagkat siya’y gumawa ng higit na maririlag na mga bagay.’ ” Sila ngayon ay “hihiyaw sa kagalakan” samantalang ang kaniyang makapangyarihang mga gawa ay “itinatanyag sa buong lupa,” gaya ng ginagawa sa ngayon ng pinalayang mga lingkod ni Jehova.—Isaias 12:1-6.
Kagalakan sa mga Gawa ni Jehova
7. Anong mga pagpapalaya ang karapat-dapat ipagsaya noong 1919?
7 Sa modernong panahon ang mga lingkod ni Jehova ay nagsimulang humiyaw sa kagalakan nang kaniyang bigyan sila ng isang kagila-gilalas na pagpapalaya noong 1919. Noong Marso 26 ng taon na iyan, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay pinalaya buhat sa bilangguan ng Estados Unidos na kung saan sila’y ikinulong nang may siyam na buwan sa maling paratang na sedisyon. Anong sayáng selebrasyon ang naganap nang sila’y muling tanggapin sa Brooklyn Bethel! Isa pa, lahat ng pinahirang nalabi ay maaari na ngayong magalak sa kanilang espirituwal na paglaya buhat sa Babilonyang Dakila, ang sistema ng relihiyon na pinagsadlakan ni Satanas sa buong sanlibutan.—Apocalipsis 17:3-6; 18:2-5.
8. Anong sorpresang lathalain ang inilabas sa Cedar Point Convention noong 1919, at anong panawagan sa pagkilos ang ibinigay?
8 Ang makasaysayang mga pangyayari noong 1919 ay tinampukan ng kombensiyon ng bayan ng Diyos na ginanap sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., Setyembre 1-8. Nang ikalimang araw ng asambleang iyan, “Araw ng mga Magkakamanggagawa,” ang pangulo ng Watch Tower Society, si J. F. Rutherford, ay nagpahayag sa 6,000 sa isang nakapupukaw na pahayag na pinamagatang “Paghahayag sa Kaharian.” Pagkatapos talakayin ang Apocalipsis 15:2 at Isaias 52:7, sinabi niya sa kaniyang mga tagapakinig na isang bagong magasin, The Golden Age (kilala ngayon bilang Gumising!), ang ilalathala tuwing dalawang linggo, lalo na para ipamahagi sa larangan. Sa pagtatapos ay sinabi niya: “Ang mga lubusang nakatalaga sa Panginoon; ang mga walang takot, ang mga taong dalisay ang puso, na umiibig sa Diyos at sa Panginoong Jesus nang kanilang buong-isip, lakas, kaluluwa at pagkatao, kalooban, ayon sa ibinibigay ng pagkakataon, ay magagalak na makibahagi sa gawaing ito. Hingin sa Panginoon ang kaniyang patnubay at pag-akay upang kaniyang gawin ka na isang tunay, tapat, at isang mahusay na embahador. Pagkatapos, taglay ang awit ng kagalakan sa iyong puso, humayo ka upang maglingkod sa kaniya.”
9, 10. Papaano pinaunlad ni Jehova ang paglalathala ng mga magasing Bantayan at Gumising!?
9 Ang “awit ng kagalakan” na iyan ay naririnig sa buong lupa! Walang alinlangan, marami sa aming mga mambabasa ang may bahagi sa pagpapalaki sa sirkulasyon ng magasing Gumising! sa kasalukuyang 12,980,000 kopya ng bawat labas sa 64 na wika. Bilang isang mabisang instrumento sa pag-akay sa mga taong interesado sa katotohanan, ang Gumising! ay nagsisilbing kasama ng Ang Bantayan. Sa isang bansang Silangan, isang sister na payunir, na gumagawa sa regular na ruta ng magasin, ay nagtaka nang masumpungan niya na tuwing maghahatid siya ng pinakabagong mga magasin, ang maybahay ay nag-aabuloy ng perang katumbas ng $7 (U.S.) sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova—tiyak na nagpapakita ng mainam na pagpapahalaga sa gawaing pang-Kaharian!
10 Ngayon sa pasimula ng kaniyang ika-112 taon ng publikasyon, ang magasing Bantayan ay may sirkulasyon na 15,290,000 sa 111 wika, 59 ng mga edisyong ito ay sabay-sabay na inilalathala sa buong daigdig taglay ang pare-parehong mga nilalaman. Bilang isang tapat na katiwala, ang pinahirang nalabi ay nagpapatuloy ng pagbibigay sa nagpapahalagang mga mambabasa ng “kanilang bahagi ng [espirituwal] na pagkain sa wastong panahon.” (Lucas 12:42) Sa taóng 1990, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-ulat na nakakuha ng 2,968,309 na bagong suskripsiyon sa dalawang magasin, isang 22.7-porsiyentong pagsulong higit kaysa noong 1989.
Nananagana ang Kagalakan
11. (a) Ano ang panawagan sa bayan ng Diyos sa Cedar Point noong 1922? (b) Papaano pinalawak ang sigaw ng kagalakan?
11 Nanagana rin ang kagalakan samantalang ang bayan ng Diyos, ngayo’y 10,000 na ang bilang, ay nagkatipon para sa ikalawang kombensiyon sa Cedar Point, noong Setyembre 1922, na may 361 ang nabautismuhan doon. Sa kaniyang pahayag na “Ang Kaharian ng Langit Ay Malapit Na,” batay sa Mateo 4:17, sumapit na si Brother Rutherford sa nakapupukaw na tugatog: “Kailangang makilala ng sanlibutan na si Jehova ay Diyos at si Jesu-Kristo ay Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng lahat ng mga araw. Narito, nagpupunò na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapaglathala. Kung gayon, ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Ang bilang ng mga nagsigawan sa kagalakan sa kombensiyon na iyon ay lumaki anupa’t hangga noong 1989 mahigit na 6,600,000 ang nagtipon sa 1,210 kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, na kung saan 123,688 ang nangabautismuhan.
12. (a) Sa anong walang-katumbas na kagalakan nakikibahagi sa ngayon ang bayan ng Diyos? (b) Papaano natin tinitimbangan ang ating paglilingkod kay Jehova ng pagsunod sa “nakatataas na mga autoridad”?
12 Ang kanilang kalayaan ay pinakamamahal ng mga Saksi ni Jehova. Higit sa lahat, sila’y nagagalak sa modernong-panahong katuparan ng mga salita ni Jesus: “Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” Anong laking kagalakan ang ikaw ay makalaya sa mga hiwaga at mga pamahiin ng huwad na relihiyon! Anong laking kagalakang walang katumbas na makilala si Jehova at ang kaniyang Anak at maging kamanggagawa nila, taglay ang pag-asang buhay na walang-hanggan! (Juan 8:32; 17:3; 1 Corinto 3:9-11) Pinahahalagahan din ng mga lingkod ng Diyos pagka ang “nakatataas na mga autoridad” ng sanlibutang ito, na nakasasakop sa kanila, ay kumikilala sa kanilang kalayaan na magbalita ng maningning na pag-asa sa Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo. Sila’y nalulugod na “ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,” samantalang kasabay nito ay ibinibigay naman “sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Roma 13:1-7; Lucas 20:25.
13. Papaano ipinahayag ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kagalakan sa kanilang pagkalaya buhat sa paniniil?
13 Gayunman, kung sakaling sinusubok ng mga taong autoridad na hadlangan ang obligasyong ito sa Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay sumasagot na gaya ng mga apostol: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinunò bago sa mga tao.” Nang pagkakataong iyan, pagkatapos na pawalan ng mga pinunò ang mga apostol, ang mga ito ay “nagsialis . . . na nangagagalak.” Papaano nila ipinahayag ang kagalakang iyan? “Sa araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang-lubay sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:27-32, 41, 42) Katulad din nila, ang modernong-panahong mga Saksi ni Jehova ay nangagagalak pagka sila’y nagkamit ng lalong malaking kalayaan upang maipagpatuloy ang kanilang ministeryo. Sa maraming lupain na kung saan binuksan ni Jehova ang daan, sila’y nagpapahayag ng matinding kagalakan sa pamamagitan ng pagbibigay ng lubusang pagpapatotoo sa pangalan at dumarating na Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo Jesus.—Ihambing ang Gawa 20:20, 21, 24; 23:11; 28:16, 23.
Pagtitiis Nang May Kagalakan
14. Papaanong ang kagalakang ito na bunga ng espiritu ay nakahihigit sa kahulugan na ibinibigay ng isang diksiyunaryo?
14 Ano ba itong matinding kagalakan na nararanasan ng mga tunay na Kristiyano? Ito ay mas malalim at higit na namamalagi kaysa pansamantalang kagalakan ng isang taong nanalo sa mga Laro sa Olimpiyada. Ito ay isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos, na ibinibigay ng Diyos sa mga ‘tumatalima sa kaniya bilang pinunò.’ (Gawa 5:32) Ang kahulugang ibinibigay ng diksiyunaryong Webster’s sa kagalakan ay pagiging ‘mas malalim ang pagkakaugat kaysa kaluguran, lalong maliwanag o hayag kaysa katuwaan.’ Sa Kristiyano, ang kagalakan ay may mas lalong malalim na kahulugan. Palibhasa’y nakasalig sa ating pananampalataya, ito ay isang makapangyarihan, nagpapatibay na katangian. “Ang kagalakan ni Jehova’y inyong kalakasan.” (Nehemias 8:10) Ang kagalakan ni Jehova, na pinagyayaman ng bayan ng Diyos, ay lubhang nakahihigit kaysa pang-ibabaw na kaluguran na nakakamit ng mga tao buhat sa makalaman, makasanlibutang mga kalayawan.—Galacia 5:19-23.
15. (a) Sa karanasan ng tapat na mga Kristiyano, papaanong ang pagtitiis ay nakasama ng kagalakan? (b) Bumanggit ng ilang kasulatan na nagbibigay ng nagpapatibay na katiyakan tungkol sa pagpapanatili ng kagalakan.
15 Isaalang-alang ang ating mga kapatid sa Ukraine. Nang libu-libo sa mga ito ay ipatapon ng ‘nakatataas na autoridad’ sa Siberia noong maagang mga taon ng dekada ng 1950, sila’y dumanas ng malaking kahirapan. Nang bandang huli, nabigyan sila ng amnestiya, sila’y nagpasalamat, ngunit hindi lahat sa kanila ay bumalik sa kanilang sariling bayan. Bakit? Ang kanilang mga gawain sa Silangan ay nagpaalaala sa kanila ng Santiago 1:2-4: “Mga kapatid ko, ariin ninyong buong-kagalakan, kung kayo’y mapaharap sa sarisaring pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subók na uring ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.” Nais nilang magpatuloy ng pagtitiis sa may kagalakang pag-aaning iyon, at anong laking kagalakan ang nasaksihan sa kamakailang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Polandya sa pagtanggap sa lahat ng mga Saksi na nagbuhat pa sa malayong silangan sa mga pamayanan sa baybaying Pacifico. Ang pagtitiis at kagalakan ang nagkasama upang magsibol ng ganitong bunga. Tunay nga, lahat tayo na nagtitiis nang may kagalakan sa paglilingkod kay Jehova ay makapagsasabi: “Kung para sa akin, ako ay magpapakasaya kay Jehova; ako ay magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan. Si Jehova na Soberanong Panginoon ay aking mahalagang lakas.”—Habacuc 3:18, 19; Mateo 5:11, 12.
16. Papaanong ang maiinam na halimbawa ni Jeremias at ni Job ay dapat magpatibay-loob sa atin sa ating gawain sa larangan?
16 Papaano, kung gayon, mapananatili natin ang ating kagalakan pagka tayo’y nagpapatotoo sa gitna ng matitigas na mga mananalansang? Tandaan na ang mga propeta ng Diyos ay nanatiling may kagalakan sa nakakatulad na mga kalagayan. Sinabi ni Jeremias nang siya’y nasa ilalim ng pagsubok: “Ang iyong mga salita ay nangasumpungan, at aking kinain; at ang iyong salita sa ganang akin ay katuwaan at kagalakan ng aking puso; sapagkat ako’y tinawag sa iyong pangalan, Oh Jehovang Diyos ng mga hukbo.” (Jeremias 15:16) Anong laking pribilehiyo na matawag sa pangalan ni Jehova at magpatotoo sa pangalang iyan! Ang ating masigasig na personal na pag-aaral at lubusang pakikibahagi sa mga pulong-Kristiyano ay magpapatibay sa atin na magpatuloy na magalak sa katotohanan. Ang ating kagalakan ay makikita sa ating paggawi sa larangan at sa ating ngiting pang-Kaharian. Kahit na sa ilalim ng mapait na pagsubok, nasabi ni Job tungkol sa kaniyang mga kaaway: “Ako’y ngumingiti sa kanila—hindi nila mapaniwalaan ito—at sa saya ng aking mukha sila’y hindi nasisiraan ng loob.” (Job 29:24) Gaya ng tapat na si Job, tayo’y hindi kailangang masiraan ng loob pagka tayo’y tinutuya ng mga mananalansang. Palaging ngumiti! Sa ating mukha ay mababanaag ang ating kagalakan at sa gayo’y magkakaroon tayo ng mga tagapakinig.
17. Papaano maaaring magbunga ang pagtitiis nang may kagalakan?
17 Habang tayo’y gumagawa sa teritoryo nang paulit-ulit, ang ating pagtitiis at kagalakan ay maaaring makapukaw sa mga taong may hilig sa katuwiran at sila’y patibaying-loob na suriin ang maningning na pag-asang taglay natin. Anong laking kagalakan na palagiang makapagdaos sa kanila ng pag-aaral sa Bibliya! At habang isinasapuso nila ang mahahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos, anong laking kagalakan ang ating nadarama pagka sa wakas sila’y naging ating mga kasama sa paglilingkod kay Jehova! Kung magkagayo’y masasabi natin, gaya ng sinabi ni apostol Pablo sa mga bagong kapananampalataya noong kaniyang kaarawan: “Sapagkat ano ang aming pag-asa o kagalakan o putong na ipinagmamapuri—aba, hindi nga ba kayo?—sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kaniyang pagkanaririto? Kayo nga ang aming kaluwalhatian at kagalakan.” (1 Tesalonica 2:19, 20) Tunay, may nakasisiyang kagalakan ang pag-akay sa mga baguhan sa katotohanan ng Salita ng Diyos at pagtulong sa kanila na maging naaalay, bautismadong mga Saksi.
Kagalakan na Nagbibigay-Lakas
18. Ano ang tutulong sa atin upang madaig ang sarisaring modernong-panahong mga pagsubok?
18 Sa ating araw-araw na pamumuhay, maraming kalagayan ang marahil ay humihiling ng pagtitis. Ang pisikal na sakit, panlulumo, at kahirapan sa kabuhayan ay mga ilan lamang. Papaano mapananatili ng Kristiyano ang kaniyang kagalakan upang madaig ang gayong mga pagsubok? Ito’y magagawa sa pamamagitan ng pagbaling sa Salita ng Diyos ukol sa kaaliwan at patnubay. Ang pagbabasa o pakikinig sa pagbabasa ng mga awit ay makapagdudulot ng malaking kaginhawahan kung panahon ng pagsubok. At pansinin ang matalinong payo ni David: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.” (Awit 55:22) Tunay na si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
19. Tulad ni David at ni Pablo, tayo’y makapagkakaroon ng anong pagtitiwala?
19 Ang organisasyon ni Jehova, sa pamamagitan ng taglay nitong mga publikasyon at mga matatanda sa kongregasyon, ang laging handa na tumulong sa atin, bagaman tayo’y mga taong mahihina, upang makapanaig sa ating mga suliranin. May kasiglahang nagpapayo si David: “Ihabilin mo kay Jehova ang iyong lakad, at tumiwala ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” Naari rin niyang sabihin: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.” Sa ating pakikisama sa kongregasyong Kristiyano, ating matatalos na “ang kaligtasan ng matuwid ay nanggagaling kay Jehova; siya ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.” (Awit 37:5, 25, 39) Sa tuwina’y sundin natin ang payo ni Pablo: “Kaya naman hindi kami sumusuko, . . . samantalang aming ipinapako ang aming mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang-hanggan.”—2 Corinto 4:16-18.
20. Ano ang ating nakikita sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya, at ito’y nag-uudyok sa atin na tupdin ang ano?
20 Sa pamamagitan ng ating mga mata ng pananampalataya, ating nakikita ang bagong sistema ni Jehova na nasa harap na natin. Walang katulad na kagalakan at mga pagpapala ang iiral doon! (Awit 37:34; 72:1, 7; 145:16) Bilang paghahanda para sa maluwalhating panahong iyan, tupdin natin ang mga salita ng Awit 100:2: “Maglingkod kayo kay Jehova nang may kagalakan. Magsilapit kayo sa kaniyang harapan nang may masayang awitan.”
[Talababa]
a Tungkol sa pagiging “superyor ng Aryano,” sinipi ng The New York Times ng Pebrero 17, 1940, ang isang Katolikong rehente ng Georgetown University sa pagsasabing “narinig niyang sinabi ni Adolf Hitler na ang Banal na Imperyong Romano, na isang imperyong Aleman, ay kailangang muling-itatag.” Ngunit inilarawan ng historyador na si William L. Shirer ang kinahinatnan: “Ang Ikatlong Reich na isinilang noong Enero 30, 1933, ang pagmamalaki pa ni Hitler, ay tatagal nang isang libong taon, at sa pananalitang Nazi ay kalimitang tinutukoy ito na ang ‘Sanlibong-Taóng Reich.’ Ito’y tumagal nang labindalawang taon at apat na buwan.”
Bilang Repaso:
◻ Anong may kagalakang pananaig sa pagmamalaki ng lahi ang nakikita sa ngayon?
◻ Ano ang pangyayari na nag-udyok sa sinaunang bayan ng Diyos na umawit at humiyaw sa kagalakan?
◻ Sa modernong panahon, papaanong ang tunay na kagalakan ay lumawak nang higit pa?
◻ Papaanong ang pagtitiis at kagalakan ay laging magkasama?
◻ Sa anong paraan mapananatili natin ang ating kagalakan?