Ikalabing-apat na Kabanata
Ibinaba ni Jehova ang Isang Mapagmataas na Lunsod
1. Gaano kalayo ang naaabot-tanaw ngayon ng aklat ng Isaias?
ANG makahulang aklat ng Isaias ay isinulat noong ikawalong siglo B.C.E. sa panahon ng pagsalakay ng Asirya sa Lupang Pangako. Gaya ng nakita na sa nakaraang mga kabanata ng kaniyang aklat, inihula ni Isaias nang may pambihirang katumpakan ang magaganap na mga pangyayari. Gayunman, ang aklat ay tumatanaw nang lampas pa sa panahon ng pangingibabaw ng Asirya. Inihula nito ang pagbabalik ng tipang bayan ni Jehova mula sa pagkatapon sa maraming lupain, lakip na sa Shinar, ang kinaroroonan ng Babilonya. (Isaias 11:11) Sa Isaias kabanata 13, masusumpungan natin ang kapansin-pansing hula na kapag natupad ay magbubukas ng daan para sa gayong pagbabalik. Ang hulang ito ay nagpasimula sa mga salitang ito: “Ang kapahayagan laban sa Babilonya na nakita ni Isaias na anak ni Amoz sa pangitain.”—Isaias 13:1.
‘Ang Kapalaluan ay Aking Ibababa’
2. (a) Paano nagkaroon ng kaugnayan si Hezekias sa Babilonya? (b) Ano ang ibabangong “hudyat”?
2 Ang Juda ay nagkaroon ng kaugnayan sa Babilonya noong kapanahunan ni Isaias. Si Haring Hezekias ay nagkasakit nang malubha at pagkatapos ay gumaling. Binati siya ng mga embahador mula sa Babilonya sa kaniyang paggaling, malamang ay dahil sa lihim na layuning gawing kakampi si Hezekias sa kanilang pakikipagdigma laban sa Asirya. May kamangmangan, ipinakita sa kanila ni Haring Hezekias ang lahat ng kaniyang kayamanan. Bilang resulta, sinabi ni Isaias kay Hezekias na pagkamatay ng hari, lahat ng mga kayamanang iyon ay dadalhin sa Babilonya. (Isaias 39:1-7) Ito’y natupad noong 607 B.C.E. nang mapuksa ang Jerusalem at ang bansa ay dinala sa pagkatapon. Gayunman, hindi mananatili sa Babilonya magpakailanman ang piniling bayan ng Diyos. Inihula ni Jehova kung paano niya bubuksan ang daan upang sila’y makauwing muli. Siya’y nagpasimula: “Sa ibabaw ng bundok ng mga hantad na bato ay magtaas kayo ng isang hudyat. Ilakas ninyo sa kanila ang tinig, ikaway ninyo ang kamay, upang pumasok sila sa mga pasukan ng mga taong mahal.” (Isaias 13:2) Ang “hudyat” ay isang bumabangong kapangyarihang pandaigdig na mag-aalis sa Babilonya mula sa katanyagan nito. Ito’y ibabangon “sa ibabaw ng bundok ng mga hantad na bato”—maliwanag na makikita mula sa malayo. Yamang tinawag upang salakayin ang Babilonya, ang bagong kapangyarihang pandaigdig na iyan ay sapilitang papasok sa “mga pasukan ng mga taong mahal,” sa mga pintuan ng dakilang lunsod na iyon, at sasakupin ito.
3. (a) Sino ang “mga pinabanal” na ibabangon ni Jehova? (b) Sa anong diwa “pinabanal” ang mga hukbong pagano?
3 Si Jehova ngayon ay nagsabi: “Ako ay nag-utos sa aking mga pinabanal. Tinawag ko rin ang aking mga makapangyarihan upang mailabas ang aking galit, ang aking mga lubhang nagbubunyi. Makinig kayo! Isang pulutong na nasa mga bundok, tulad ng isang malaking bayan! Makinig kayo! Ang kaguluhan ng mga kaharian, ng mga bansang natitipon! Pinipisan ni Jehova ng mga hukbo ang hukbong pandigma.” (Isaias 13:3, 4) Sino ang “mga pinabanal” na ito na inatasang magbababa sa palalong Babilonya? Sila ang magkasanib na pambansang mga hukbo, ang “mga bansang natitipon.” Sila’y lumusong laban sa Babilonya mula sa malayong bulubunduking rehiyon. “Dumarating sila mula sa lupain sa malayo, mula sa dulo ng langit.” (Isaias 13:5) Sa anong diwa sila pinabanal? Tiyak na hindi sa diwa ng pagiging banal. Sila’y mga hukbong pagano na walang interes sa paglilingkod kay Jehova. Gayunman, sa Hebreong Kasulatan, ang “pinabanal” ay nangangahulugan ng “itinalaga para gamitin ng Diyos.” Maaaring pabanalin ni Jehova ang mga hukbo ng mga bansa at gamitin ang kanilang sakim na mga ambisyon upang ipahayag ang kaniyang galit. Kaniyang ginamit ang Asirya sa ganitong paraan. Kaniyang gagamitin ang Babilonya sa gayunding paraan. (Isaias 10:5; Jeremias 25:9) At gagamitin niya ang iba pang mga bansa upang parusahan ang Babilonya.
4, 5. (a) Ano ang inihula ni Jehova para sa Babilonya? (b) Ano ang dapat harapin ng mga sumasalakay sa Babilonya?
4 Ang Babilonya ay hindi pa nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig. Subalit, sa paglalabas ng kapahayagan sa pamamagitan ni Isaias, nakini-kinita ni Jehova ang panahong siya ang nasa posisyong iyon, at kaniyang inihula ang kaniyang pagbagsak. Sinabi niya: “Magpalahaw kayo, sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na! Darating iyon na gaya ng pananamsam mula sa Makapangyarihan-sa-lahat.” (Isaias 13:6) Oo, ang paghahambog ng Babilonya ay mapapalitan ng pagpalahaw dulot ng paghihinagpis. Bakit? Dahilan sa “ang araw ni Jehova,” ang araw ng pagsasakatuparan ni Jehova ng kahatulan laban sa kaniya.
5 Subalit, paano magiging posible na masamsaman ang Babilonya? Kapag sumapit na ang panahon ni Jehova para rito, ang lunsod ay para bang tiwasay. Dapat munang harapin ng sumasalakay na hukbo ang likas na depensang dulot ng Ilog Eufrates, na umaagos sa gitna ng lunsod at pinadadaloy upang punuin ang isang pananggalang na bambang at upang maglaan sa lunsod ng tubig na maiinom. Pagkatapos ay naririyan din ang malalaki at matitibay na doblehang pader ng Babilonya, na waring hindi maigugupo. Bukod dito, napakaraming pagkain ang maiimbak sa lunsod. Ang aklat na Daily Bible Illustrations ay nagsasabi na si Nabonido—ang huling hari ng Babilonya—“ay gumawa ng napakalaking pagsisikap upang mag-imbak sa bayan ng mga kinakailangan, at ito’y tinataya na naglalaman ng sapat [na pagkain] upang matustusan ang mga naninirahan doon sa loob ng dalawampung taon.”
6. Ano ang di-inaasahang mangyayari kapag naganap ang inihulang pagsalakay sa Babilonya?
6 Gayunman, ang mga panlabas na anyo ay maaaring makadaya. Sinabi ni Isaias: “Iyan ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga kamay ay lalaylay, at ang buong puso ng taong mortal ay matutunaw. At naligalig ang bayan. Ang mga pangingisay at mga kirot ng panganganak ay nanaig; sila ay may mga kirot ng pagdaramdam na gaya ng babaing nanganganak. Nagtitinginan sila sa isa’t isa sa pagkamangha. Ang kanilang mga mukha ay nagniningas na mga mukha.” (Isaias 13:7, 8) Kapag ang nangungubkob na mga hukbo ay sumalakay sa lunsod, ang kaalwanan ng mga naninirahan dito ay mapapalitan ng bigla at matinding kirot tulad sa isang babaing nanganganak. Ang kanilang mga puso ay matutunaw sa takot. Dahil sa pagiging paralisado, ang kanilang mga kamay ay lalaylay, anupat hindi na makapagtatanggol pa. Ang kanilang mga mukha ay ‘magniningas’ sa takot at panggigipuspos. Sa panggigilalas sila’y magtitinginan sa isa’t isa, anupat hindi makapaniwalang babagsak ang kanilang dakilang lunsod.
7. Anong “araw ni Jehova” ang dumarating, at ano ang magiging resulta para sa Babilonya?
7 Gayunpaman, ito’y tiyak na babagsak. Kailangang harapin ng Babilonya ang isang araw ng pagsusulit, isang “araw ni Jehova,” na tunay na magiging makirot. Ang kataas-taasang Hukom ay magpapahayag ng kaniyang galit at maglalapat ng karapat-dapat na kahatulan sa makasalanang mga nananahanan sa Babilonya. Ang hula ay nagsasabi: “Narito! Ang araw ni Jehova ay dumarating, malupit kapuwa sa pagkapoot at sa pag-aapoy ng galit, upang ang lupain ay gawing isang bagay na panggigilalasan, at upang malipol nito mula roon ang mga makasalanan sa lupain.” (Isaias 13:9) Madilim ang kinabukasan ng Babilonya. Iyon ay para bang ang araw, buwan, at mga bituin ay pawang tumigil na sa pagbibigay ng liwanag. “Sapagkat ang mismong mga bituin sa langit at ang kanilang mga konstelasyon ng Kesil ay hindi magpapakislap ng kanilang liwanag; ang araw ay magdidilim nga sa pagsikat nito, at ang buwan ay hindi magpapasinag ng liwanag nito.”—Isaias 13:10.
8. Bakit iniutos ni Jehova ang pagbagsak ng Babilonya?
8 Bakit gayon ang kahihinatnan ng hambog na lunsod na ito? Sinabi ni Jehova: “Tiyak na ibabalik ko sa mabungang lupain ang sariling kasamaan nito, at sa mga balakyot ang kanilang sariling kamalian. At paglalahuin ko nga ang pagmamapuri ng mga pangahas, at ang kapalaluan ng mga maniniil ay aking ibababa.” (Isaias 13:11) Ang pagbubuhos ng galit ni Jehova ay magiging parusa dahil sa kalupitan ng Babilonya sa bayan ng Diyos. Ang buong lupain ay magdurusa dahil sa kasamaan ng mga taga-Babilonya. Hindi na lantarang hahamon pa kay Jehova ang mga hambog at malulupit na pinunong ito!
9. Ano ang naghihintay sa Babilonya sa araw ng paghatol ni Jehova?
9 Si Jehova ay nagsasabi: “Ang taong mortal ay gagawin kong higit na bihirang masumpungan kaysa sa dalisay na ginto, at ang makalupang tao kaysa sa ginto ng Opir.” (Isaias 13:12) Oo, mawawalan ng naninirahan ang lunsod at magiging tiwangwang. Si Jehova ay nagpapatuloy: “Iyan ang dahilan kung bakit ko liligaligin ang langit, at ang lupa ay mauuga mula sa kinaroroonan nito dahil sa poot ni Jehova ng mga hukbo at dahil sa araw ng kaniyang nag-aapoy na galit.” (Isaias 13:13) Ang “langit” ng Babilonya, ang karamihan ng kaniyang mga diyos at diyosa, ay liligaligin, hindi makatutulong sa lunsod sa panahon ng kaniyang pangangailangan. “Ang lupa,” ang Imperyo ng Babilonya, ay uugain mula sa kinaroroonan nito, magiging lipas na kasaysayan na lamang, gaya ng iba pang naglahong imperyo. “Mangyayari nga, tulad ng isang gasela na itinaboy at tulad ng kawan na hindi tinitipon ninuman, sila ay babaling, bawat isa sa kani-kaniyang bayan; at sila ay tatakas, bawat isa patungo sa kani-kaniyang lupain.” (Isaias 13:14) Ang lahat ng mga banyagang tagapagtaguyod ng Babilonya ay tatalikod sa kaniya at magsisitakas, sa pag-asang makapagtatatag ng panibagong kaugnayan sa nananakop na kapangyarihang pandaigdig. Sa wakas ay mararanasan ng Babilonya ang matinding paghihirap ng isang nasakop na lunsod, isang matinding paghihirap na kaniyang ipinalasap sa napakarami pang iba noong kaarawan ng kaniyang kaluwalhatian: “Ang lahat ng masusumpungan ay uulusin, at ang lahat ng mahuhuli ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang kanila mismong mga anak ay pagluluray-lurayin sa kanilang paningin. Ang kanilang mga bahay ay sasamsaman, at ang kanilang mga asawa ay gagahasain.”—Isaias 13:15, 16.
Ang Instrumento ng Diyos sa Pagpuksa
10. Sino ang gagamitin ni Jehova upang talunin ang Babilonya?
10 Aling kapangyarihan ang gagamitin ni Jehova upang ibagsak ang Babilonya? Mga 200 taon ang kaagahan, isiniwalat ni Jehova ang kasagutan: “Narito, pupukawin ko laban sa kanila ang mga Medo, na sa kanila ay walang kabuluhan ang pilak at ang ginto naman ay hindi nila kinalulugdan. At pagluluray-lurayin ng kanilang mga busog maging ang mga kabataang lalaki. At ang bunga ng tiyan ay hindi nila kahahabagan; ang mga anak ay hindi kaaawaan ng kanilang mata. At ang Babilonya, ang kagayakan ng mga kaharian, ang kagandahan ng pagmamapuri ng mga Caldeo, ay magiging gaya noong gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomorra.” (Isaias 13:17-19) Ang maringal na Babilonya ay babagsak, at ang instrumentong gagamitin ni Jehova upang magsagawa nito ay ang mga hukbo mula sa malayo, bulubunduking bansa ng Media.a Sa wakas, ang Babilonya ay matitiwangwang gaya ng labis na imoral na mga lunsod ng Sodoma at Gomorra.—Genesis 13:13; 19:13, 24.
11, 12. (a) Paano naging isang kapangyarihang pandaigdig ang Media? (b) Anong pambihirang kaugalian ang binabanggit ng hula hinggil sa mga hukbo ng Media?
11 Noong kaarawan ni Isaias, kapuwa ang Media at ang Babilonya ay nasa ilalim ng pamatok ng Asirya. Makaraan ang halos isang siglo, noong 632 B.C.E., ang Media at Babilonya ay nagsanib ng puwersa at iginupo ang Nineve, ang kabisera ng Asirya. Ito’y nagbukas ng daan upang maging nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig ang Babilonya. Hindi man lamang niya naisip ni kakatiting na humigit-kumulang sa 100 taon pagkatapos niyaon, siya’y pupuksain ng Media! Sino pa kundi ang Diyos na Jehova lamang ang maaaring gumawa ng gayong tahasang prediksiyon?
12 Sa pagpapakilala sa kaniyang piniling instrumento ng pagpuksa, sinabi ni Jehova na sa mga hukbo ng Media ay “walang kabuluhan ang pilak at ang ginto naman ay hindi nila kinalulugdan.” Tunay na isang pambihirang kaugalian ito para sa mga sundalong pinatapang ng digmaan! Ang iskolar ng Bibliya na si Albert Barnes ay nagsabi: “Sa katunayan, iilan lamang sa sumasalakay na mga hukbo ang hindi naimpluwensiyahan ng pag-asang manamsam.” Pinatunayan ba ng mga hukbo ng Media na tama si Jehova sa bagay na ito? Oo. Isaalang-alang ang komentong ito na masusumpungan sa The Bible-Work, na ginawa ni J. Glentworth Butler: “Di-tulad ng maraming bansa na nakikipagdigma, ang mga Medo, at lalo na ang mga Persiano, ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa pananakop at karangalan kaysa sa ginto.”b Dahilan dito, hindi kataka-taka na noong kaniyang palayain ang mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya, ibinalik sa kanila ng tagapamahalang Persiano na si Ciro ang libu-libong mga sisidlang ginto at pilak na kinulimbat ni Nabucodonosor mula sa templo ng Jerusalem.—Ezra 1:7-11.
13, 14. (a) Bagaman hindi interesado sa samsam, ano ang ambisyon ng mga mandirigmang Medo at Persiano? (b) Paano napagtagumpayan ni Ciro ang ipinangangalandakang depensa ng Babilonya?
13 Bagaman ang mga mandirigmang Mediano at Persiano ay hindi gaanong nagnanasa ng samsam, sila naman ay mga ambisyoso. Hindi nila gustong manatiling pangalawa lamang sa alinmang bansa sa tanghalan ng daigdig. Bukod dito, inilagay ni Jehova ang “pananamsam” sa kanilang mga puso. (Isaias 13:6) Kaya, sa pamamagitan ng kanilang busog na metal—na maaaring gamitin hindi lamang upang magpahilagpos ng palaso kundi upang hampasin at durugin ang mga kaaway na sundalo, ang mga supling ng mga inang taga-Babilonya—sila’y determinadong sakupin ang Babilonya.
14 Si Ciro, ang pinuno ng mga hukbo ng Medo-Persia, ay hindi nahadlangan ng mga tanggulan ng Babilonya. Noong gabi ng Oktubre 5/6, 539 B.C.E., kaniyang ipinag-utos na ilihis ang mga tubig ng Ilog Eufrates. Habang bumababa ang tubig, ang mga sumasalakay ay palihim na lumakad sa pinakasahig ng ilog, na hanggang hita ang lalim ng tubig, upang pumasok sa lunsod. Nasorpresa ang mga naninirahan sa Babilonya, at ang Babilonya ay bumagsak. (Daniel 5:30) Kinasihan ng Diyos na Jehova si Isaias na ihula ang mga pangyayaring ito, na walang-alinlangang nagpapatunay na Siya ang umuugit sa mga bagay-bagay.
15. Anong kinabukasan ang naghihintay sa Babilonya?
15 Gaano kalubos ang magiging pagkawasak ng Babilonya? Pakinggan ang kapahayagan ni Jehova: “Hindi siya kailanman tatahanan, ni mananahanan man siya sa sali’t salinlahi. At doon ay hindi magtatayo ng kaniyang tolda ang Arabe, at hindi pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang mga kawan. At doon ay tiyak na hihiga ang mga namamalagi sa mga pook na walang tubig, at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga kuwagong agila. At doon tatahan ang mga avestruz, at ang mga hugis-kambing na demonyo ay magpapaluksu-lukso roon. At ang mga chakal ay magpapalahaw sa kaniyang mga tirahang tore, at ang malaking ahas ay mapapasa mga palasyo ng masidhing kaluguran. At ang kapanahunan para sa kaniya ay malapit nang dumating, at ang kaniyang mga araw ay hindi magluluwat.” (Isaias 13:20-22) Lubos na pagkawasak ang kahihinatnan ng lunsod.
16. Ang kasalukuyang kalagayan ng Babilonya ay nagbibigay sa atin ng anong pagtitiwala?
16 Ito’y hindi karaka-rakang nangyari noong 539 B.C.E. Subalit, sa ngayon ay napakaliwanag na ang lahat ng mga inihula ni Isaias hinggil sa Babilonya ay nagkatotoo. Ang Babilonya “ngayon, at sa nakaraang ilang siglo, ay naging tanawin ng napakalawak na pagkatiwangwang, at naging isang bunton ng kagibaan,” sabi ng isang komentarista ng Bibliya. Pagkatapos ay kaniyang idinagdag: “Imposibleng tingnan ang tanawing ito nang hindi naaalaala ang eksaktong katuparan ng mga prediksiyon nina Isaias at Jeremias.” Maliwanag, walang tao noong kaarawan ni Isaias ang makahuhula sa pagbagsak ng Babilonya at sa pagkatiwangwang nito sa dakong huli. Kung tutuusin, ang pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at mga Persiano ay naganap mga 200 taon matapos na isulat ni Isaias ang kaniyang aklat! At ang kaniyang pangwakas na pagkatiwangwang ay sumapit mga ilang siglo pagkaraan nito. Hindi ba’t makapagpapalakas ito ng ating pananampalataya sa Bibliya bilang ang kinasihang Salita ng Diyos? (2 Timoteo 3:16) Bukod dito, yamang tinupad ni Jehova ang mga hula noong nakaraang mga panahon, tayo’y lubos na makapagtitiwala na ang mga hula ng Bibliya na hindi pa natutupad ay mangyayari sa takdang panahon ng Diyos.
“Kapahingahan Mula sa Iyong Kirot”
17, 18. Ang pagkatalo ng Babilonya ay mangangahulugan ng anong mga pagpapala sa Israel?
17 Ang pagbagsak ng Babilonya ay magiging kaginhawahan para sa Israel. Ito’y mangangahulugan ng paglaya mula sa pagkabihag at pagkakataon na makabalik sa Lupang Pangako. Kaya, si Isaias ngayon ay nagsabi: “Si Jehova ay magpapakita ng awa sa Jacob, at tiyak na pipiliin pa niya ang Israel; at bibigyan nga niya sila ng kapahingahan sa kanilang lupain, at ang naninirahang dayuhan ay makakasama nila, at ilalakip nila ang kanilang sarili sa sambahayan ni Jacob. At kukunin nga sila ng mga bayan at dadalhin sila sa kanilang sariling dako, at kukunin sila ng sambahayan ng Israel bilang kanilang pag-aari sa lupain ni Jehova bilang mga alilang lalaki at bilang mga alilang babae; at sila ang magiging mga mambibihag niyaong mga mayhawak sa kanila bilang bihag, at pamumunuan nila yaong mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila.” (Isaias 14:1, 2) Ang “Jacob” dito ay tumutukoy sa Israel sa kabuuan—lahat ng 12 tribo. Si Jehova ay magpapakita ng awa kay “Jacob” sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa bansa na makauwi. Makakasama nila ang libu-libong banyaga, na marami sa kanila ay maglilingkod sa mga Israelita bilang mga katulong sa templo. Ang ilang Israelita ay magkakaroon pa nga ng awtoridad sa dating mga bumihag sa kanila.c
18 Lipas na ang panggigipuspos ng pagiging tapon. Sa halip, si Jehova ay magbibigay sa kaniyang bayan ng “kapahingahan mula sa [kanilang] kirot at mula sa [kanilang] kaligaligan at mula sa mabigat na pagkaalipin na ipinang-alipin sa [kanila].” (Isaias 14:3) Yamang napalaya na mula sa pisikal na mga pasanin ng pagkaalipin, ang Israel ay hindi na kailanman daranas ng kirot at kaligaligan dahil sa pamumuhay na kasama ng mga mananamba ng huwad na mga diyos. (Ezra 3:1; Isaias 32:18) Sa pagkokomento rito, ang aklat na Lands and Peoples of the Bible ay nagsasabi: “Sa taga-Babilonya, ang kaniyang mga diyos ay nakakatulad ng kaniyang sarili, palibhasa’y taglay ng mga ito ang lahat ng pinakamasamang aspekto ng kaniyang pagkatao. Sila ay mga duwag, lasenggo at mga sintu-sinto.” Anong laking ginhawa na makaalpas mula sa gayong masamang relihiyosong kapaligiran!
19. Ano ang kinakailangan upang tamasahin ng Israel ang kapatawaran ni Jehova, at ano ang ating matututuhan dito?
19 Gayunpaman, ang awa ni Jehova ay may kondisyon. Ang kaniyang bayan ay dapat na magpahayag ng taos na pagsisisi dahil sa kanilang mga kabalakyutan, na siyang nag-udyok sa Diyos upang sila’y malubhang parusahan. (Jeremias 3:25) Ang kusa at taos-pusong pagtatapat ay magdudulot ng pagpapatawad ni Jehova. (Tingnan ang Nehemias 9:6-37; Daniel 9:5.) Ang ganito ring simulain ay totoo sa ngayon. Yamang “walang taong hindi nagkakasala,” tayong lahat ay nangangailangan ng awa ni Jehova. (2 Cronica 6:36) Si Jehova, ang maawaing Diyos, ay maibiging nag-aanyaya sa atin na ipagtapat ang ating mga kasalanan sa kaniya, magsisi, at tumigil sa anumang maling landasin, upang tayo’y gumaling. (Deuteronomio 4:31; Isaias 1:18; Santiago 5:16) Ito’y hindi lamang nakatutulong upang mapanumbalik ang kaniyang pagsang-ayon sa atin kundi nagdudulot din sa atin ng kaaliwan.—Awit 51:1; Kawikaan 28:13; 2 Corinto 2:7.
Isang “Kasabihan” Laban sa Babilonya
20, 21. Paanong nagalak ang mga nasa palibot ng Babilonya sa kaniyang pagbagsak?
20 Mahigit sa 100 taon bago bumangon ang Babilonya bilang ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig, inihula ni Isaias ang magiging reaksiyon ng daigdig sa pagbagsak nito. Sa makahulang paraan, ipinag-utos niya sa mga Israelita na pinalaya mula sa kaniyang pagkakabihag: “Ibabangon mo ang kasabihang ito laban sa hari ng Babilonya at sasabihin mo: ‘Ano’t siya na sapilitang nagpapatrabaho sa iba ay huminto, ang paniniil ay huminto! Binali ni Jehova ang tungkod ng mga balakyot, ang baston ng mga namamahala, siyang dahil sa poot ay walang-lubay na nananakit ng hampas sa mga bayan, siyang dahil sa matinding galit ay nanunupil ng mga bansa sa pag-uusig na walang pagpipigil.’” (Isaias 14:4-6) Ang Babilonya ay nagkaroon ng reputasyon bilang isang manlulupig, isang maniniil na nang-aalipin ng mga taong layâ. Angkop na angkop nga na ipagdiwang ang kaniyang pagbagsak taglay ang isang “kasabihan” na pangunahing ipinatutungkol sa dinastiya ng Babilonya—nagpapasimula kay Nabucodonosor at nagtatapos kina Nabonido at Belsasar—na siyang nangasiwa sa maluwalhating mga araw ng dakilang lunsod!
21 Kay laking pagbabago ang idudulot ng kaniyang pagbagsak! “Ang buong lupa ay sumapit sa kapahingahan, naging panatag. Ang mga tao ay nagsaya na may mga sigaw ng kagalakan. Maging ang mga puno ng enebro ay nagsaya rin dahil sa iyo, ang mga sedro ng Lebanon, na nagsasabi, ‘Magmula nang mabuwal ka, walang mamumutol ng kahoy ang sumasampa laban sa amin.’” (Isaias 14:7, 8) Ang mga hari ng mga bansa sa palibot ay parang mga punungkahoy sa mga tagapamahala ng Babilonya na maaaring putulin at gamitin sa kanilang pansariling mga layunin. Buweno, ang lahat ng mga iyon ay tapos na. Naputol na ng Babilonikong mamumutol ng kahoy ang kaniyang kahuli-hulihang punungkahoy!
22. Sa matulaing diwa, paanong ang Sheol ay naapektuhan ng pagbagsak ng dinastiya ng Babilonya?
22 Lubhang nakapagtataka ang pagbagsak ng Babilonya anupat ito’y nagkaroon ng epekto maging sa libingan mismo: “Maging ang Sheol sa ilalim ay naligalig dahil sa iyo upang salubungin ka sa pagpasok. Dahil sa iyo ay ginising nito yaong mga inutil sa kamatayan, ang lahat ng mga tulad-kambing na lider sa lupa. Pinatindig nito ang lahat ng hari ng mga bansa mula sa kanilang mga trono. Silang lahat ay nagsasalita at nagsasabi sa iyo, ‘Pinanghina ka rin bang tulad namin? Ginawa ka bang katulad namin? Sa Sheol ibinaba ang iyong pagmamapuri, ang ingay ng iyong mga panugtog na de-kuwerdas. Sa ilalim mo, ang mga uod ay nakalatag na gaya ng higaan; at mga uod ang iyong pantakip.’” (Isaias 14:9-11) Kay tindi at matulaing paglalarawan! Wari bang ginigising ng karaniwang libingan ng sangkatauhan ang lahat ng mga haring naunang namatay bago pa sa dinastiya ng Babilonya upang kanilang salubungin ang bagong dating. Kanilang tinutuya ang namamahalang kapangyarihan ng Babilonya, na ngayo’y walang magagawa, na nakahimlay sa isang higaan ng mga uod sa halip na sa isang mamahaling higaan, na natatakpan ng mga uod sa halip na ng mamahaling kubrekama.
“Gaya ng Bangkay na Niyurakan”
23, 24. Anong labis na kahambugan ang ipinakita ng mga hari ng Babilonya?
23 Si Isaias ay nagpatuloy sa kasabihan: “O ano’t nahulog ka mula sa langit, ikaw na nagniningning, anak ng bukang-liwayway! Ano’t ibinuwal ka sa lupa, ikaw na nagpapahina sa mga bansa!” (Isaias 14:12) Ang may kasakimang paghahambog ang nag-udyok sa mga hari ng Babilonya na iangat ang sarili sa ibabaw ng mga nakapalibot sa kanila. Gaya ng isang bituin na sumisikat nang maningning sa kalangitan sa pagbubukang-liwayway, sila’y may kapalaluang humawak ng kapangyarihan at awtoridad. Ang isang partikular na pinagmulan ng kahambugan ay ang pananakop ni Nabucodonosor sa Jerusalem, isang bagay na hindi nagawa ng Asirya. Ang binigkas na kasabihan ay naglalarawan sa hambog na dinastiya ng Babilonya na nagsasabing: “Sa langit ay sasampa ako. Sa itaas ng mga bituin ng Diyos ay itataas ko ang aking trono, at uupo ako sa ibabaw ng bundok ng kapisanan, sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga. Ako ay sasampa sa ibabaw ng matataas na dako ng mga ulap; gagawin kong kawangis ng Kataas-taasan ang aking sarili.” (Isaias 14:13, 14) May hihigit pa bang kapangahasan kaysa rito?
24 Sa Bibliya ang mga hari sa maharlikang linya ni David ay inihalintulad sa mga bituin. (Bilang 24:17) Mula kay David patuloy, ang mga “bituin” na ito ay namahala mula sa Bundok ng Sion. Pagkatapos itayo ni Solomon ang templo sa Jerusalem, ang pangalang Sion ay kumapit na sa buong lunsod. Sa ilalim ng tipang Kautusan, ang lahat ng mga lalaking Israelita ay obligadong maglakbay patungo sa Sion nang tatlong ulit sa isang taon. Kaya, ito’y naging ang “bundok ng kapisanan.” Sa pagiging determinadong lupigin ang mga haring taga-Judea at pagkatapos ay alisin ang mga ito mula sa bundok na iyon, ipinahahayag ni Nabucodonosor ang kaniyang balak na ilagay ang kaniyang sarili sa ibabaw ng mga “bituin” na iyon. Hindi niya ibinibigay kay Jehova ang kapurihan sa kaniyang pananagumpay sa kanila. Sa halip, waring may kahambugang inilalagay niya ang kaniyang sarili sa dako ni Jehova.
25, 26. Paano nakaranas ng isang kahiya-hiyang wakas ang dinastiya ng Babilonya?
25 Isang tunay na kabaligtaran ang naghihintay para sa hambog na dinastiya ng Babilonya! Ang Babilonya ay napakalayong mapaangat sa ibabaw ng mga bituin ng Diyos. Sa halip, sinabi ni Jehova: “Sa Sheol ka ibababa, sa kadulu-duluhang mga bahagi ng hukay. Yaong mga nakakakita sa iyo ay magmamasid sa iyo; maingat ka nilang susuriin, na sinasabi, ‘Ito ba ang lalaking lumiligalig sa lupa, na nagpapauga sa mga kaharian, na nagpangyaring ang mabungang lupain ay maging gaya ng ilang at gumiba ng mismong mga lunsod nito, na hindi nagbukas ng daang pauwi para sa kaniyang mga bilanggo?’” (Isaias 14:15-17) Ang ambisyosong dinastiya ay bababa sa Hades (Sheol), kagaya rin ng sinumang tao.
26 Nasaan, kung gayon, ang kapangyarihan na sumakop sa mga kaharian, sumira ng mabungang lupain, at lumupig sa di-mabilang na mga lunsod? Nasaan ang kapangyarihang pandaigdig na bumihag at hindi kailanman nagpahintulot sa kanila na umuwi? Aba, ang dinastiya ng Babilonya ay hindi man lamang magkakaroon ng isang marangal na libing! Sinabi ni Jehova: “Ang lahat ng iba pang hari ng mga bansa, oo, silang lahat, ay humiga na sa kaluwalhatian, bawat isa sa kani-kaniyang bahay. Ngunit ikaw naman, itinapon ka na walang dakong libingan para sa iyo, gaya ng isang kinasusuklamang sibol, nadaramtan ng mga taong pinatay na sinaksak ng tabak na bumababang patungo sa mga bato ng isang hukay, gaya ng bangkay na niyurakan. Hindi ka mapipisan sa kanila sa libingan, sapagkat sinira mo ang iyong sariling lupain, pinatay mo ang iyong sariling bayan. Hanggang sa panahong walang takda ay hindi panganganlan ang supling ng mga manggagawa ng kasamaan.” (Isaias 14:18-20) Sa sinaunang daigdig, itinuturing na isang kahihiyan para sa isang hari na pagkaitan ng isang marangal na libing. Kaya, kumusta naman ang maharlikang dinastiya ng Babilonya? Totoo na ang indibiduwal na mga hari ay inililibing marahil taglay ang karangalan, subalit ang imperyal na dinastiya ng mga hari na nagmula kay Nabucodonosor ay iwinawaksing “gaya ng isang kinasusuklamang sibol.” Iyo’y para bang ang dinastiya ay itinapon sa isang walang markang libingan—tulad lamang ng isang karaniwang sundalo na napatay sa digmaan. Anong laking kahihiyan!
27. Sa paanong paraan magdurusa dahil sa kamalian ng kanilang mga ninuno ang susunod na mga salinlahi ng mga taga-Babilonya?
27 Ang kasabihan ay nagtatapos sa pamamagitan ng pangwakas na utos sa manlulupig na mga Medo at mga Persiano: “Maghanda kayo ng sangkalan sa pagpatay para sa kaniyang sariling mga anak dahil sa kamalian ng kanilang mga ninuno, upang hindi sila tumindig at ariin nga ang lupa at punuin ng mga lunsod ang ibabaw ng mabungang lupain.” (Isaias 14:21) Ang pagbagsak ng Babilonya ay permanente. Ang dinastiya ng Babilonya ay bubunutin. Hindi na magkakaroon pa ng muling pagsilang. Ang panghinaharap na mga salinlahi ng mga taga-Babilonya ay magdurusa dahilan sa “kamalian ng kanilang mga ninuno.”
28. Ano ang ugat ng kasalanan ng mga hari ng Babilonya, at ano ang ating matututuhan dito?
28 Ang ipinahayag na kahatulan laban sa dinastiya ng Babilonya ay naglalaan ng isang mahalagang leksiyon para sa atin. Ang ugat ng kasalanan ng mga hari ng Babilonya ay ang kanilang walang katapusang ambisyon. (Daniel 5:23) Ang kanilang mga puso ay punô ng pagnanasa sa kapangyarihan. Nais nilang pangibabawan ang iba. (Isaias 47:5, 6) At sila’y matinding naghahangad ng kaluwalhatian mula sa mga tao, na nauukol lamang sa Diyos. (Apocalipsis 4:11) Ito’y isang babala sa sinumang nasa kapangyarihan—maging sa Kristiyanong kongregasyon. Ang ambisyon at sakim na paghahambog ay mga katangian na hindi pahihintulutan ni Jehova, maging sa mga indibiduwal o sa mga bansa.
29. Ang kahambugan at ambisyon ng mga tagapamahala ng Babilonya ay isang kapahayagan ng ano?
29 Ang paghahambog ng mga tagapamahala ng Babilonya ay isang kapahayagan ng espiritu ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo. (2 Corinto 4:4) Siya ay may matindi ring paghahangad sa kapangyarihan at nagnanais na maging mas mataas pa sa Diyos na Jehova. Gaya ng naging kaso ng hari ng Babilonya at ng mga taong nilupig nito, ang masamang ambisyon ni Satanas ay nagdulot ng paghihirap at pagdurusa sa buong sangkatauhan.
30. Anong iba pang Babilonya ang binabanggit sa Bibliya, at anong espiritu ang kaniyang ipinakikita?
30 Bukod dito, sa aklat ng Apocalipsis, ating mababasa ang isa pang Babilonya—ang “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 18:2) Ang organisasyong ito, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay nagpapakita rin ng isang mapaghambog, mapaniil, at malupit na espiritu. Bilang resulta, siya ay haharap din sa “araw ni Jehova” at mapupuksa sa takdang panahon ng Diyos. (Isaias 13:6) Mula noong 1919 ang mensahe ay pinaaalingawngaw na sa palibot ng lupa: “Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na!” (Apocalipsis 14:8) Nang hindi na niya mapigilan ang bayan ng Diyos sa pagkabihag, siya’y nakaranas ng pagbagsak. Malapit na siyang lubusang mapuksa. Hinggil sa sinaunang Babilonya, si Jehova ay nag-utos: “Gantihan ninyo siya ayon sa kaniyang ginagawa. Ang ayon sa lahat ng ginawa niya ay gawin ninyo sa kaniya. Sapagkat kumilos siya nang may kapangahasan laban kay Jehova, laban sa Banal ng Israel.” (Jeremias 50:29; Santiago 2:13) Ang Babilonyang Dakila ay tatanggap ng gayunding kahatulan.
31. Ano ang malapit nang mangyari sa Babilonyang Dakila?
31 Kaya, ang pangwakas na pananalita ni Jehova sa hulang ito sa aklat ng Isaias ay kumakapit hindi lamang sa sinaunang Babilonya kundi sa Babilonyang Dakila rin naman: “Titindig ako laban sa kanila . .v. At puputulin ko mula sa Babilonya ang pangalan at nalabi at supling at kaapu-apuhan . .v. At gagawin ko siyang pag-aari ng mga porcupino at mga matambong lawa ng tubig, at wawalisin ko siya ng walis ng pagkalipol.” (Isaias 14:22, 23) Ang tiwangwang na kagibaan ng sinaunang Babilonya ay nagpapakita kung ano ang malapit nang gawin ni Jehova sa Babilonyang Dakila. Anong laking kaaliwan para sa mga umiibig sa tunay na pagsamba! Anong laking pampatibay-loob para magsikap na huwag pahintulutan kailanman na tumubo sa atin ang mga satanikong asal ng kahambugan, kataasan, o kalupitan!
[Mga talababa]
a Ang mga Medo lamang ang binanggit ni Isaias sa pangalan, subalit may ilan pang bansa ang magkakampi-kampi laban sa Babilonya—ang Media, Persia, Elam, at iba pang mas maliliit na bansa. (Jeremias 50:9; 51:24, 27, 28) Ang mga kalapit na bansa ay tumukoy kapuwa sa mga Medo at Persiano bilang “ang Medo.” Karagdagan pa, noong kaarawan ni Isaias, ang Media ay ang nangingibabaw na kapangyarihan. Sa ilalim lamang ni Ciro nangibabaw ang Persia.
b Gayunman, lumilitaw na nang maglaon ang mga Medo at ang mga Persiano ay naging labis na mapaghangad sa luho.—Esther 1:1-7.
c Halimbawa, si Daniel ay inatasan bilang isang mataas na opisyal sa Babilonya sa ilalim ng mga Medo at mga Persiano. At mga 60 taon pagkaraan nito, si Esther ay naging reyna ni Haring Ahasuero ng Persia, at si Mardokeo ay naging punong ministro ng buong Imperyo ng Persia.
[Larawan sa pahina 178]
Ang bumagsak na Babilonya ay magiging pugad ng mga nilalang sa disyerto
[Mga larawan sa pahina 186]
Tulad ng sinaunang Babilonya, ang Babilonyang Dakila ay magiging isang bunton ng kagibaan