ARAW NI JEHOVA
Ang natatanging yugto ng panahon, na hindi 24 na oras lamang, kung kailan kikilos si Jehova laban sa kaniyang mga kaaway at alang-alang sa kaniyang bayan. Sa “araw” na iyon, magtatagumpay si Jehova laban sa mga sumasalansang sa kaniya sa pamamagitan ng paglalapat ng kahatulan laban sa mga balakyot. Iyon ay isa ring panahon ng kaligtasan at katubusan para sa mga matuwid, ang araw kung kailan lubhang mátataás si Jehova bilang ang Kadaki-dakilaan. Kaya sa doblihang paraan, ang dakilang araw ni Jehova ay isang araw na pantanging nauukol sa kaniya.
Detalyadong inilalarawan sa Kasulatan ang araw na iyon bilang isang panahon ng pagbabaka, isang dakila at kakila-kilabot na araw ng kadiliman at nag-aapoy na galit, isang araw ng poot, kabagabagan, panggigipuspos, pagkatiwangwang, at pangamba. Sa pamamagitan ng propetang si Amos, tinanong ng Diyos ang suwail na Israel: “Ano nga ang magiging kahulugan sa inyo ng araw ni Jehova?” Bilang sagot ay sinabi niya: “Iyon ay magiging kadiliman, at walang liwanag, gaya ng pagtakas ng isang tao dahil sa leon, at nakasalubong niya ang oso; at gaya ng pagpasok niya sa bahay at itinukod niya sa pader ang kaniyang kamay, at kinagat siya ng serpiyente.” (Am 5:18-20) Sinabi ng Diyos kay Isaias: “Narito! Ang araw ni Jehova ay dumarating, malupit kapuwa sa pagkapoot at sa pag-aapoy ng galit.” (Isa 13:9) “Ang araw na iyon ay araw ng poot, araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos, araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, araw ng kadiliman at ng karimlan, araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan.” (Zef 1:15) Sa gayong panahon ng kaligaligan, walang anumang kabuluhan ang salapi ng isang tao. “Sa mga lansangan ay itatapon nila ang kanilang pilak . . . Maging ang kanilang pilak man o ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ni Jehova.”—Eze 7:19; Zef 1:18.
Ipinakita ng mga propeta ang pagkaapurahan ng araw ni Jehova, anupat paulit-ulit silang nagbabala tungkol sa pagkanalalapit nito. “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zef 1:14) “Sa aba ng araw na iyon; sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na.” “Maligalig ang lahat ng tumatahan sa lupain; sapagkat ang araw ni Jehova ay dumarating, sapagkat iyon ay malapit na!”—Joe 1:15; 2:1, 2.
Mga Panahon ng Pagpuksa Bilang Hatol. Batay sa ilang bahagi ng mga hula at sa mga pangyayaring kasunod ng mga ito, lumilitaw na ang pananalitang “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa iba’t ibang panahon ng pagpuksa bilang hatol na naganap noong sinaunang panahon sa mga kamay ng Kataas-taasan, bagaman sa maliit na paraan lamang. Halimbawa, nakita ni Isaias sa pangitain kung ano ang sasapit sa di-tapat na Juda at Jerusalem sa “araw na nauukol kay Jehova ng mga hukbo,” na darating sa “lahat ng palalo at matayog” sa gitna nila. (Isa 2:11-17) Nagsalita si Ezekiel sa di-tapat na mga propeta ng Israel at binabalaan sila na hindi nila mapatitibay ang kanilang mga lunsod upang ang mga iyon ay “makatayo sa pagbabaka sa araw ni Jehova.” (Eze 13:5) Sa pamamagitan ng propetang si Zefanias, inihula ni Jehova na iuunat niya ang kaniyang kamay laban sa Juda at Jerusalem at pagtutuunan niya ang mga ito ng pantanging pansin upang hindi makatakas maging ang mga prinsipe o ang mga anak ng hari. (Zef 1:4-8) Gaya ng ipinakikita ng mga pangyayari, ang araw na iyon ni Jehova ay dumating sa mga tumatahan sa Jerusalem noong 607 B.C.E.
Noong panahong iyon ng kabagabagan sa Juda at Jerusalem, ang karatig na mga bansang gaya ng Edom ay nagpakita ng pagkapoot kay Jehova at sa kaniyang bayan, kung kaya humula ang propetang si Obadias (tal 1, 15) laban sa kanila: “Sapagkat ang araw ni Jehova laban sa lahat ng mga bansa ay malapit na. Kung paano mo ginawa, gayon ang gagawin sa iyo.” Sa katulad na paraan, “ang araw ni Jehova” at ang lahat ng maapoy na pagkapuksa na ipinahiwatig ng pananalitang iyon ay sumapit sa Babilonya at Ehipto gaya ng inihula.—Isa 13:1, 6; Jer 46:1, 2, 10.
Nang maglaon, sa pamamagitan ng propetang si Malakias, isa pang “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova” ang inihula, at sinabing bago iyon sumapit ay darating muna si “Elias na propeta.” (Mal 4:5, 6) Ang orihinal na Elias ay nabuhay mga 500 taon bago bigkasin ang hulang iyon, ngunit noong unang siglo C.E., tuwirang sinabi ni Jesus na si Juan na Tagapagbautismo ang inihulang katumbas ni Elias. (Mat 11:12-14; Mar 9:11-13) Kaya nang panahong iyon ay nalalapit na ang isang “araw ni Jehova.” Noong Pentecostes ng 33 C.E., ipinaliwanag ni Pedro na ang nagaganap noon ay katuparan ng hula ni Joel (Joe 2:28-32) may kinalaman sa pagbubuhos ng espiritu ng Diyos at na iyon ay nakatakda ring mangyari bago dumating “ang dakila at maningning na araw ni Jehova.” (Gaw 2:16-21) Ang araw na iyon ni Jehova ay sumapit noong 70 C.E. nang matupad ang kaniyang Salita at pangyarihin niyang ilapat ng mga hukbo ng Roma ang kaniyang hatol sa bansang nagtakwil sa Anak ng Diyos at tahasang sumigaw: “Wala kaming hari kundi si Cesar.”—Ju 19:15; Dan 9:24-27.
Gayunman, ang Kasulatan ay may tinutukoy na isa pang “araw ni Jehova” sa hinaharap. Pagkaraang maisauli sa Jerusalem ang mga Judio pagkatapos ng kanilang pagkatapon sa Babilonya, inutusan ni Jehova ang propetang si Zacarias (14:1-3) na humula tungkol sa isang “araw . . . na nauukol kay Jehova” kung kailan titipunin niya, hindi lamang ang isang bansa, kundi “ang lahat ng mga bansa laban sa Jerusalem,” anupat sa kasukdulan ng araw na iyon “si Jehova ay tiyak na lalabas at makikipagdigma laban sa mga bansang iyon” upang lipulin sila. Sa ilalim ng pagkasi, iniugnay ng apostol na si Pablo ang pagdating ng “araw ni Jehova” sa pagkanaririto ni Kristo. (2Te 2:1, 2) At binanggit iyon ni Pedro may kaugnayan sa pagtatatag ng ‘mga bagong langit at isang bagong lupa na tatahanan ng katuwiran.’—2Pe 3:10-13.
Dapat ikabahala ng bawat isa ang kaniyang kaligtasan sa panahon ng dakilang araw ni Jehova. Matapos iharap ang tanong na, “Sino ang makatatagal dito?” sinabi ni Joel, “Si Jehova ay magiging kanlungan para sa kaniyang bayan.” (Joe 2:11; 3:16) Ang paanyaya ay malugod na ipinaaabot sa lahat, ngunit iilan lamang ang tumatanggap sa paglalaang ito ng kanlungan sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni Zefanias, na nagsasabi: “Bago ang batas ay magsilang ng anuman, bago ang araw ay dumaang gaya ng ipa, bago dumating sa inyo ang nag-aapoy na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zef 2:2, 3.