Pagtutuwid sa mga Bagay-bagay sa Pagitan Ninyo ng Diyos
“Bagaman ang inyong mga kasalanan ay mapatunayang matingkad na pula, yao’y magiging maputi na parang niyebe.”—ISAIAS 1:18.
1, 2. (a) Ano kaya ang maguguniguni mo kung mayroong magsabi sa iyo: “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan”? (b) Bakit hindi natin dapat asahan na tayo’y maaaring makipagkatuwiranan sa Diyos?
KUNG, dahilan sa isang nakalipas na pagkakamali o pangit na pakikitungo, ikaw at ang sinuman ay may hindi magandang relasyon, paano ka tutugon sa mga salitang ito: “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan”? Iyan ay maaaring isang paanyaya na umupo upang magkatuwiranan, na ang dalawa’y nagbibigayan at nakikipagkompromiso sa isa’t isa. Bawa’t isa sa kanila’y maghaharap ng kaniyang punto-de-vista, at aaminin ng isa’t isa ang kaniyang pagkakamali o maling pagkaunawa.
2 Subalit maguguniguni mo kaya na ang Maylikha sang-ayon sa ganiyang diwa ay makikiusap, “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan,” gaya ng mababasa sa Isaias 1:18 sa maraming Bibliya? Hindi nga. Wala sa atin ang umaasa na tayo’y maaaring “makipagtalo” (The New English Bible) o makipagkatuwiranan kay Jehova, na para bang kailangang aminin niya na siya’y nagkamali at dapat makipagkompromiso. Subalit, kung ibig natin na makipagpayapaan sa Diyos, ano ang hinihiling ng Isaias 1:18?
3. Ano ang wastong diwa ng salitang Hebreo na kung minsa’y isinasalin na “magkatuwiranan” sa Isaias 1:18?
3 Ang saligang kahulugan ng salitang Hebreo na isinaling “magkatuwiranan,” ay “magpasiya, humatol, patunayan.” Ito’y may legal na katangian, na nagpapahiwatig nang higit kaysa dalawang tao na basta nagkakatuwiranan. Isang pasiya ang kasangkot doon.a (Genesis 31:37, 42; Job 9:33; Awit 50:21; Isaias 2:4) Ang ibinibigay na kahulugan ng Wilson’s Old Testament Word Studies ay “maging tama; mangatuwiran, magtanghal ng kung ano ang tama at totoo.” Ang Diyos ay nag-utos: “Magsiparito kayo, iwasto natin ang mga bagay.” (The New American Bible) o, “Ituwid natin ang mga bagay-bagay.”
4-6. Sino ba si Isaias, at kailan siya naglingkod bilang isang propeta?
4 Ginamit ng Diyos na Jehova si propeta Isaias upang maghatid ng matinding pabalitang ito. Sino ba si Isaias, at bakit ang kaniyang pabalita ay angkop sa panahon niya? Isa pa, paano tayo makikinabang doon?
5 Sa pagbanggit ng tungkol sa “propeta,” marami sa ngayon ang baka ang maguniguni ay isang nagpipinitensiyang binata na nagbabalita ng kaniyang baluktot na pagkakilala sa mga bagay na totoo. Baka ang sumaisip naman ng iba ay isang matandang kakatwa na nagpapanggap na isang hukom ng umiiral na mga kalagayan. Anong laking kaibahan sa gayong mga tao ang timbang at may katuwirang tao na si Isaias, na ginamit ng Diyos na Jehova upang sumulat ng aklat ng Bibliya na may taglay ng kaniyang pangalan!
6 “Si Isaias na anak ni Amoz” ay doon tumira sa Juda at aktibong naglingkod kay Jehova “noong mga kaarawan ni Uzzias, Jotham, Ahaz at Hezekias, mga hari ng Juda”—sa loob ng mahigit na 40 taon. Sa kahinhinan, si Isaias ay hindi nagbigay ng maraming impormasyon tungkol sa kaniyang sarili. Sang-ayon sa tradisyon ang maharlikang pamilya ng Juda ay kaniyang kamag-anakan. Natitiyak natin na siya’y isang taong de-pamilya na nagkaanak ng dalawang lalaki sa kaniyang asawa. Siya’y baka muling nag-asawa nang mamatay ang kaniyang asawa, at siya’y nagkaanak ng isa pang lalaki, na inihulang panganganlang Emmanuel.—Isaias 1:1; 7:3, 14; 8:3, 18.
7. Bakit tayo dapat maging interesado sa hula ni Isaias?
7 Mayroong mga pagkakatulad ang panahon ni Isaias at ang panahon natin. Inyong nasasaksihan na tayo’y namumuhay sa isang panahon ng igtingan ng mga bansa, ng mga digmaan o mga pagbabanta ng digmaan. Samantalang ang relihiyoso at pulitikal na mga pinuno na nag-aangking sumasamba sa Diyos ay nagpapakilala ng kanilang sarili bilang mga halimbawa na dapat tularan, tayo’y palagiang nakakakita sa mga pahayagan ng balita tungkol sa kanilang mga iskandalo sa larangan ng pananalapi at moral. Paano nga ba ang pangmalas ng Diyos sa ganiyang mga pinuno, lalo na yaong mga kaugnay ng Sangkakristiyanuhan? Ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap at sa mga tagasunod nila? Sa aklat ng Isaias, masusumpungan natin ang mga banal na pamumuna na may lubhang kaugnayan sa kasalukuyang mga pangyayari. Masusumpungan din natin dito ang mga aral para sa bawat isa sa atin samantalang personal na nagsisikap tayo na maglingkod sa Diyos.
Propeta sa Isang Makasalanang Bansa
8. Ano ang nilalaman ng aklat ni Isaias, at sa anong istilo ito isinulat?
8 Kung babasahin mo ang aklat ng Isaias, makakasumpong ka rito ng mga mensahe tungkol sa pagkakasala ng Juda at ng Jerusalem, ng makasaysayang mga detalye ng paglusob ng mga kaaway, ng mga pagpapahayag ng kagibaan para sa nakapalibot na mga bansa, at nagpapatibay-loob na mga hula tungkol sa muling pagbabalik at sa kaligtasan ng Israel. Ito’y nasusulat sa isang istilong malinaw at makapigil-hininga. Si Dr. I. Slotki ay nagsasabi: “Ang mga iskolar ay buong pusong nag-uukol ng papuri sa kahusayan ni Isaias na gumuniguni at sa kaniyang mayaman at buháy na buháy na paglalarawan, sa kaniyang bihasang paggamit ng mabibisang metapora, alliteration, assonance, at ang mainam na pagkakatimbang-timbang at may ritmong kaayusan ng kaniyang mga pangungusap.” Suriin natin bilang natatangi ang pambungad na mensahe ng Isaias—na nasa Isa kabanata 1.
9. Ano ang alam natin tungkol sa mga panahon at mga kalagayan nang isulat ang Isaias kabanata 1?
9 Hindi eksaktong sinasabi ng propeta kung kailan niya isinulat ang kabanatang ito. Ang Isaias 6:1-13 ay may petsang mula noong taon na mamatay si Haring Uzzias. Samakatuwid kung mas maaga isinulat ni Isaias ang kaniyang pambungad na mga kabanata, maaaring mabanaag sa mga ito ang situwasyon na umiiral na hindi sa lantaran noong panahon ng paghahari ni Uzzias. Ang lalong mahalaga, si Uzzias (829-777 B.C.E.) ay “patuloy na gumawa ng matuwid sa paningin ni Jehova,” kaya naman pinagpala ng Diyos ang kaniyang paghahari at naging maunlad iyon. Subalit, batid natin na hindi lahat ay nasa ayos, sapagkat “ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa matataas na dako” bago pinadapuan ng Diyos si Uzzias (o, Azarias) ng ketong dahilan sa mapangahas na paghahandog ng kamangyan sa templo. (2 Cronica 26:1-5, 16-23; 2 Hari 15:1-5) Ang umiiral na kasamaan noong panahon ni Uzzias ang marahil pinagmulan ng ibinungang kabalakyutan na mababasa natin na kaugnay ng kaniyang apong si Haring Ahaz (762-745 B.C.E.), na maaari rin naman na siyang inilalarawan ni Isaias. Subalit lalong mahalaga kaysa isang espisipikong petsa para sa Isa kabanata 1 ang nag-udyok sa Diyos na magsabi: “Ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin.”
10. Noong naghahari si Haring Ahaz, anong kalagayan ang umiral sa Juda, lalo na sa gitna ng mga pinuno?
10 Tahasang nagpahayag si Isaias: “Sa aba ng makasalanang bansa, bayang nagpapasan ng mabigat na kasalanan, lahi ng mga manggagawa ng kasamaan, mga anak na pahamak! Iniwan nila si Jehova, nilapastangan nila ang Banal ng Israel, sila’y nagsitalikod. . . . Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay mahina. Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo ay walang anumang magaling na bahagi.” (Isaias 1:4-6) Ang 16-na-taóng paghahari ni Haring Ahaz ay lipos ng labis-labis na idolatriya. Kaniyang sinunog “ang kaniyang mga anak [bilang mga hain] sa apoy, sang-ayon sa kasuklam-suklam na mga bagay ng mga bansa . . . At siya’y palagiang . . . nagsunog ng kamangyan sa matataas na dako at sa mga burol at sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy.” (2 Cronica 28:1-4; 2 Hari 16:3, 4) Ang paniniil, mga suhol, at imoralidad ay laganap sa mga prinsipe, na lalong angkop na maging mga pinuno sa sinaunang Sodoma. (Isaias 1:10, 21-23; Genesis 18:20, 21) Tunay, hindi sasang-ayunan sila ng Diyos. At sa gayong mga lider, ano ang mangyayari sa mga mamamayan?
11. Paano natin dapat unawain ang Isaias 1:29, 30?
11 Ipinaghalimbawa ni propeta Isaias ang nakalulungkot na kalagayan ng bayan sa pamamagitan ng pagbanggit sa sagradong mga punungkahoy at mga halamanan na kung saan sila’y naghahandog ng mga hain sa mga idolo at nagsusunog ng kamangyan sa paganong mga diyos. Ang “matataas na mga punungkahoy” na ito ay kanilang ikahihiya. (Isaias 1:29; 65:3) Pagkatapos na ang paglalarawan ay ilipat sa idolatrosong mga tao, si Isaias ay sumulat: “Kayo’y magiging parang isang malaking punungkahoy na ang mga dahon ay nalalanta, at gaya ng isang halamanan na walang tubig.” (Isaias 1:30) Oo, ang mga taong umaalis kay Jehova ay “darating sa kanilang wakas.” Sila’y magiging parang taling estopa (nasusunog na mga piraso ng lino), at ang kanilang mga idolo ay magiging isang alipato—na kapuwa susunugin.—Isaias 1:28, 31.
12, 13. Anong pagkakatulad ang masasabi tungkol sa panahon natin at sa panahon ni Isaias?
12 Ngayon ay ihambing iyan sa situwasyon sa panahong ito. Hindi lumipas ang isang buwan ang mga pahayagan sa Estados Unidos ay nag-ulat: Isang pangunahing kandidato sa pagkapangulo ang umurong dahilan sa isang iskandalo tungkol sa mga pag-uulat ng kaniyang “pambababae”; isang prominenteng klerigo ang hinalinhan pagkatapos na aminin na siya’y nangangalunya at akusahan ng pagkahomoseksuwal, pakikipagpalitan ng asawa, at maling paggamit sa mga pondo upang magsilbing salapi para pagtakpan ang mga gawang tiwali. (Siya “ayon sa ulat ay tumanggap ng lubhang kataka-takang halagang $4.6 na milyon bilang kompensasyon sapol noong 1984.” Time, Mayo 11, 1987) Sa Austria noong nakaraang taon, ang Abbot ng Rein ay ‘sinisante at binintangan ng panglulustay sa $6 na milyon sa isang tirahan sa pangangaso sa bundok at sa mga handa-handaan para sa mga miyembro ng dating nagpupunong pamilya at para sa mga kabataang babae na hindi gaanong nasa mataas na pagkadugong-mahal.’ Marahil ay makapagbibigay ka ng mga iba pang halimbawa ng gayong mga lider. Ano sa palagay mo ang pangmalas sa kanila ng Diyos?
13 Kung tungkol sa mga tao sa pangkalahatan, patuloy na lumalago ang dalawang sukdulang panig sa relihiyon. Ang iba’y nasusuklam o nawawalan ng interes sa relihiyon. Halimbawa, 3 porsiyento lamang ng populasyon ng Inglatera ang nagsisimba sa mga tatag na simbahan. Sa kabilang dulo, makikita natin ang sukdulang pagkarelihiyoso. Ito’y mahahalata sa dumaraming simbahang karismatiko, at ang kanilang inaantig na emosyon ay yaong may kinalaman sa pagiging “ligtas,” pagsasalita sa mga wika, o pagkakitang “napagaling” ang mga may sakit. Ang lubhang karamihan ng mga tao ay dumadagsa sa mga bahay-sambahan sa pag-asang sila’y makasasaksi ng mga himala. Ang mga iba naman ay nagsasakripisyo bilang mga gawa ng “pananampalataya,” tulad halimbawa ng paglakad nang paluhod sa nagdurugong mga tuhod upang makita ang Birhen ng Guadalupe [Mexico City]. Isang pahayag ang nagsabi: “Samantalang sa mga tagalabas ang kaniyang pag-iral at ang sigasig ng mga sumasamba sa kaniya ay maaaring waring tahasang paghahalo ng Kristiyanismo at ng paganismo, ang Birhen ay nasa kalagayan na maaaring pagtalunan bilang pinakamahalang pigura sa Katolisismo ng Mexico.”
Paano Mo Makakamit ang Kaniyang Pagsang-ayon?
14. Sa pamamagitan ni Isaias, paano niliwanag ni Jehova na hindi Niya tinatanggap ang lahat na nag-aangking sumasamba sa Kaniya?
14 Ang Diyos na Jehova ay hindi nag-iiwan nang bahagya mang pagkalito kung tungkol sa kaniyang pangmalas sa mga nag-aangking nasa kaniyang panig ngunit hindi “sumasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Kung ang isang bansa, isang grupong relihiyoso, o isang tao ay hindi kumikilos na kasuwato ng isiniwalat na mga pamantayan ng Diyos, walang kabuluhan ang anumang gawa ng pagkarelihiyoso. Halimbawa, ang relihiyosong mga kapistahan at mga paghahandog ng hain ay isang kahilingan ng tunay na pagsamba sa sinaunang Israel. (Levitico, kabanata 1-7, 23) Subalit inihayag ni Isaias ang pangmalas ng Diyos—ang hindi pagkalugod sa di-tapat na mga Judio na gumaganap ng mga kapistahang iyon. Sinabi ng Diyos: “Pagka inyong inilaladlad ang iyong mga palad, aking ikukubli sa inyo ang aking mga mata. Kahit na kayo manalangin nang napakarami, hindi ko kayo pakikinggan.” (Isaias 1:11-15) Iyan ay totoong-totoo sa ngayon. Imbis na hamak na mga seremonyang relihiyoso o memoryadong mga kredo at mga panalangin, ang ibig ng Diyos ay mga panalangin at matuwid na mga gawa na nagmumula sa puso.
15. Bakit ang Isaias 1:18 ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang umasa, at ano ang ibig sabihin ng mga salitang, ‘Halikayo at ituwid natin ang mga bagay-bagay’?
15 Ang ating pagkaalam niyan ang nagbibigay ng saligan ng pag-asa. Ang mga tao’y maaaring magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Sa paano? Ganito ang payo ni Isaias: “Maghugas kayo; maglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; huminto kayo ng paggawa ng masama. Matuto kayong gumawa ng mabuti; hanapin ninyo ang katarungan.” Sa puntong ito iniharap ni Isaias ang utos ng Diyos: “Magsiparito kayo ngayon, kayong mga tao, at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin.” Samakatuwid si Jehova ay hindi humihingi ng pagdaraos ng isang sesyon sa pagitan ng mga magkakapantay na uupo para magkatuwiranan. Alam ng Diyos kung ano ang tama, o matuwid. Ang kaniyang hatol ay: Anumang mga pagbabago na kinakailangan ay kailangang manggaling sa mga tao, na kailangang sumunod sa kaniyang makatuwiran at matuwid na mga pamantayan. Ganiyan din ang nararapat sa ngayon. Ang pagbabago ay maaaring gawin, at ang resulta nito’y pagsang-ayon. Kahit na ang isang tao na ang pamumuhay ay naging di mapag-aalinlanganan na masama ay maaaring magbago. Si Isaias ay sumulat: “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay mapatunayang matingkad na pula, iyon ay magiging maputi na parang niyebe.”—Isaias 1:16-18.
16. Paano tumutugon ang iba sa salig-sa-Bibliyang payo tungkol sa pagkakasala?
16 Gayunman, may tendensiya na pakinggan ang ganiyang payo, ngunit isipin ng isa na ito’y kumakapit sa iba. Maliwanag na marami noong kaarawan ni Isaias ang gumawa nang gayon. Ang totoo, bawat indibiduwal ay dapat magsuri ng kaniyang sarili. Kung ang isang Kristiyano ay nagkasala ng isang malubhang pagkakasala, maging iyon man ay pagsisinungaling, pandaraya, seksuwal na imoralidad, o iba pang malulubhang pagkakamali, kailangan ang pagsisisi at ang mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi. (Gawa 26:20) Kapuri-puri, ang ginawa ng iba ay kumilos upang ‘ituwid ang mga bagay-bagay sa pagitan nila at ni Jehova.’ Halimbawa, Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1985, ay tumalakay ng tungkol sa pagtutuwid sa mga pagkakasala na maaaring lihim sa mga tagalabas ngunit nakikita ng Diyos. (Mateo 6:6; Filipos 4:13) Tatlong pitak na dapat bigyang-pansin ang binanggit: lihim na pagpapasalin ng dugo, masturbasyon, at pag-aabuso sa alak. Pagkatapos na talakayin ang materyal na iyan, marami-rami ring mga mambabasa ang sumulat ng mga liham ng pagpapasalamat; kanilang inamin na nagkasala sila ng gayong mga pagkakasala, subalit sila’y napakilos na magsisi at magbago.
17. Kahit na kung tayo’y hindi gumagawa ng malulubhang pagkakasala, paano maikakapit sa atin at makatutulong sa atin ang Isaias 1:18?
17 Kung sa bagay, karamihan ng mga Kristiyano na tumatalakay sa bagay na ito ay hindi naman gumagawa ng malulubhang pagkakasala. Gayumpaman, ang mensahe ni Isaias ay nararapat din na magpakilos sa atin sa taos-pusong pagsusuri sa ating sarili. Kailangan kayang ituwid natin ang mga ilang bagay-bagay sa pagitan natin at ng Diyos? Ang isang mahalagang bahagi ng mensahe ni Isaias ay ang tamang motibo ng puso. Tungkol sa panalangin, maaaring itanong ng isang tao: ‘Ang akin kayang mga panalangin ay nanggagaling sa aking puso, at sa pinakamagaling na magagawa ko, ang aking kayang mga kilos ay katugma ng aking mga panalangin?’ Ang mga iba na gumagawa ng ganiyang pagsusuri ay nakakita ng puwang para pahusayin pa ang kanilang ginagawa. Sila’y nagsisipanalangin para sa karagdagang kaalaman sa kalooban ng Diyos, subalit sila’y gumugugol nang bahagyang panahon lamang sa pag-aaral ng Bibliya at mga lathalaing Kristiyano. Ang mga iba naman ay nananalangin na sila’y magkaroon nang lalong malaking bahagi sa ministeryo, subalit ang sinusunod nila ay isang istilo ng pamumuhay na hindi nagpapahintulot na mabawasan ang kanilang kita sa pamamagitan ng pagbabawas ng oras sa kanilang paghahanapbuhay. O ikaw ba’y nananalangin na pagpalain sana ng Diyos ang iyong paggawa ng mga alagad? Sa bagay na iyan, kung gayon, sinisikap mo bang ikaw ay maging isang epektibong tagapagturo? Ikaw ba ay naging masipag sa pagpaparami ng iyong ginagawang mga pagdalaw muli at handa ka namang magbigay ng panahon sa pagdaraos sa iba ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya? Ang pagpapagal kasuwato ng iyong mga panalangin ay magpapakitang ibig mong pakinggan ka ng Diyos.
18. Bakit dapat nating bigyang-pansin ang pagtutuwid sa mga bagay-bagay sa pagitan natin at ng Diyos?
18 Talagang nararapat naman na magsumikap ang bawat isa sa atin na lahat ng pitak ng ating buhay ay ‘maituwid’ sa ating pakikitungo sa Diyos, ang ating Maylikha. Pansinin kung paanong si Isaias ay nangatuwiran tungkol dito: “Nakikilala ng baka ang kaniyang panginoon, at ng asno ang pasabsaban ng may-ari sa kaniya; ngunit ang Israel ay hindi nakakakilala, ang bayan ko ay hindi kumilos na may unawa.” (Isaias 1:3) Walang sinuman sa atin ang may ibig na ilarawan tayo na mas mabuti pa sa atin ang isang baka o isang asno. Subalit, ang paglalarawang iyan ay kakapit sa atin kung inaakala natin na hindi na kailangang tayo’y magsikap na makilala ang ating Tagapagbigay-Buhay at ang kaniyang mga kahilingan at kung magkagayo’y puspusang magsikap na mamuhay ayon doon.
19. Anong magandang pag-asa ang binalangkas ni Isaias para doon sa mga nagtutuwid ng mga bagay-bagay sa pagitan nila at ng Diyos, at ano ang kahulugan nito para sa atin?
19 Si Isaias ay naghandog sa kaniyang mga kababayan ng dahilan para sa magandang pag-asa. Sinabi niya na ang kanilang katayuan sa harap ni Jehova ay maaaring baguhin upang maging dalisay. Iyon ay maaaring mapatulad sa isang matingkad na pulang tela na magiging kasingputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe na bumabalot sa taluktok ng Bundok Hermon. (Isaias 1:18; Awit 51:7; Daniel 7:9; Apocalipsis 19:8) Kahit na kung ang karamihan ay hindi tumugon, at sa gayo’y ibinigay sa tabak ang bansa at sa pagkabihag, isang tapat na nalabi ang magsisibalik. Gayundin naman, makakamit natin ang pagsang-ayon ni Jehova, marahil sa tulong ng masisipag na mga tagapangasiwa, na naglilingkod sa kongregasyon bilang mapagmahal na ‘mga hukom at mga tagapayo.’ (Isaias 1:20, 24-27; 1 Pedro 5:2-4; Galacia 6:1, 2) Tiyak iyan, maitutuwid mo ang mga bagay-bagay sa pagitan ninyo ng Diyos. O kaya, kung taglay mo na ang pagsang-ayon ng Diyos, mapatitibay mo ang iyong relasyon sa kaniya. Tunay na sulit iyan sa lahat ng pagsisikap.
[Talababa]
a Ganito ang paliwanag ni Dr. E. H. Plumptre: “Ang [pagkasalin na nasa King James Version] ay nagpapahiwatig ng tungkol sa isang talakayan sa pagitan ng mga magkakapantay. Ang Hebreo naman ay nagpapahiwatig ng diwa ng isa na nagbibigay ng ultimatum nang may awtoridad, gaya ng nanggagaling sa isang hukom tungo sa isang akusado.”
Mga Punto sa Repaso
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng utos na ‘magsiparito kayo at ituwid ang mga bagay-bagay’ sa pakikitungo sa Diyos?
◻ Paanong ang panahon ni Isaias ay nakakatulad ng panahon natin?
◻ Ano ang ipinakita ni Isaias na kailangan upang kamtin ng mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?
◻ Bukod sa malalaking pagkakasala, sa anong mga larangan marahil nangangailangan tayo na ituwid ang mga bagay-bagay sa pagitan natin at ng Diyos?
[Larawan sa pahina 10]
Ang nababalot-niyebeng mga tagiliran ng Bundok Hermon, kung tatanawin patimog-kanluran sa kabilang ibayo ng gawing itaas ng libis ng Jordan hanggang sa mga burol ng Galilea
[Credit Line]
Photos, pages 10, 31: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 13]
Sinabi ni Isaias na ‘nakikilala ng isang asno ang pasabsaban ng may-ari sa kaniya.’ Anong aral ang maibibigay nito sa atin?