Kabanata 18
Mga Lindol sa Araw ng Panginoon
1, 2. (a) Ano ang nararanasan ng isa kapag may malakas na lindol? (b) Ano ang inilarawan ni Juan nang buksan ang ikaanim na tatak?
NAKARANAS ka na ba ng isang malakas na lindol? Hindi ito kaayaayang karanasan. Maaaring magsimula sa nakahihilong paggiwang kasabay ng malakas na hugong ang malakas na pagyanig. Puwedeng lumakas ang sunud-sunod na pagyanig samantalang kumakaripas ka ng takbo upang manganlong—marahil sa ilalim ng mesa. O baka mangyari ito nang biglaan, na may malakas na pag-uga, at pagbabagsakan ng mga kagamitang babasagin, mga kasangkapan, at mga gusali pa nga. Maaaring kapaha-pahamak ang maging pinsala, at nadaragdagan pa ng kasunod na mga pagyanig ang pinsala at paghihirap.
2 Habang isinasaisip ito, isaalang-alang natin ang paglalarawan ni Juan sa pagbubukas ng ikaanim na tatak: “At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak, at isang malakas na lindol ang naganap.” (Apocalipsis 6:12a) Malamang na kasabay ito ng panahon ng pagbubukas ng iba pang tatak. Kailan ba talaga sa araw ng Panginoon nagaganap ang lindol na ito, at anong uri ito ng pagyanig?—Apocalipsis 1:10.
3. (a) Anu-anong pangyayari ang binanggit ni Jesus sa hula hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto? (b) Ano ang kaugnayan ng literal na mga lindol sa makasagisag na malakas na lindol ng Apocalipsis 6:12?
3 Ilang ulit na bumabanggit ang Bibliya hinggil sa literal at makasagisag na mga pagyanig ng lupa. Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian, inihula ni Jesus na magkakaroon ng “mga lindol sa iba’t ibang dako.” Magiging bahagi ito ng “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” Mula noong 1914, habang dumarami ang populasyon sa lupa tungo sa bilyun-bilyon, lubhang nakaragdag sa kabagabagan sa ating panahon ang literal na mga pagyanig. (Mateo 24:3, 7, 8) Bagaman katuparan ng hula ang mga ito, ang gayong mga lindol ay pawang likas na mga kasakunaan. Panimula lamang ang mga ito ng makasagisag na malakas na lindol ng Apocalipsis 6:12. Tunay ngang darating ito bilang mapamuksang kasukdulan ng sunud-sunod na patiunang pagyanig na uuga sa pinakapundasyon ng makalupang sistema ng mga bagay ni Satanas.a
Mga Pagyanig sa Lipunan ng Tao
4. (a) Kailan pa nalaman ng bayan ni Jehova na magsisimula ang kapaha-pahamak na mga pangyayari sa taóng 1914? (b) Katapusan ng anong yugto ng panahon ang 1914?
4 Mula pa noong kalagitnaan ng dekada ng 1870, alam na ng bayan ni Jehova na magsisimula ang kapaha-pahamak na mga pangyayari sa taóng 1914 at na magiging tanda ito ng katapusan ng Panahong Gentil. Ito ang yugto ng “pitong panahon” (2,520 taon) na nagsimula noong 607 B.C.E. nang bumagsak ang Davidikong kaharian sa Jerusalem hanggang sa pagluklok ni Jesus sa makalangit na Jerusalem noong 1914 C.E.—Daniel 4:24, 25; Lucas 21:24, King James Version.b
5. (a) Ano ang ipinatalastas ni C. T. Russell noong Oktubre 2, 1914? (b) Anu-anong kaligaligan sa pulitika ang naganap mula noong 1914?
5 Kaya sa pang-umagang pagsamba kasama ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, New York, noong Oktubre 2, 1914, ganito ang kapana-panabik na patalastas ni C. T. Russell: “Nagwakas na ang Panahong Gentil; tapos na ang maliligayang araw ng kanilang mga hari.” Oo, napakalawak ng saklaw ng pandaigdig na kaligaligan na nagsimula noong 1914 anupat maraming monarkiya na matagal nang umiiral ang naglaho. Ang pagbagsak ng pamumuno ng mga czar noong himagsikang Bolshevik ng 1917 ay humantong sa mahabang-panahong pagbabanggaan ng Marxismo at kapitalismo. Ang lipunan ng tao sa buong daigdig ay patuloy na nililigalig ng mga pagyanig ng pagbabago sa pulitika. Sa ngayon, maraming pamahalaan ang hindi man lamang umaabot nang mahigit isa o dalawang taon. Ang kawalang-katatagan sa larangan ng pulitika ay ipinakikita ng nangyari sa Italya, kung saan 47 pamahalaan ang naghali-halili sa loob lamang ng 42 taon, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Subalit ang ganitong patiunang pagyanig ay panimula lamang ng isang sukdulang pagbabago sa pamahalaan. Ang magiging resulta? Ang Kaharian ng Diyos ang hahalili at tanging mamamahala sa lupa.—Isaias 9:6, 7.
6. (a) Paano inilarawan ni H. G. Wells ang bago at napakahalagang yugto ng panahon? (b) Ano ang isinulat ng isang pilosopo at ng isang estadista tungkol sa yugto ng panahon mula noong 1914?
6 Tinukoy ng mga istoryador, pilosopo, at pulitikal na mga lider ang taóng 1914 bilang pasimula ng isang bago at napakahalagang yugto ng panahon. Labimpitong taon mula nang magsimula ang yugtong ito, nagkomento ang istoryador na si H. G. Wells: “Magagalak sana ang propeta na humula ng kaayaayang mga bagay. Subalit tungkulin niyang sabihin kung ano ang kaniyang nakikita. Ang daigdig na nakikita niya ay kontroladong-kontrolado pa rin ng mga sundalo, mga makabayan, usurero, mga mapagsapalaran sa negosyo; isang daigdig na nasadlak sa paghihinala at poot, na mabilis na nawawalan ng kalayaan para sa bawat isa, nasasangkot sa walang-katuturan at malulupit na mga alitan ng mga pangkat, at naghahanda para sa panibagong mga digmaan.” Noong 1953, sumulat ang pilosopong si Bertrand Russell: “Mula noong 1914, lubhang nabagabag ang lahat ng palaisip sa takbo ng daigdig dahil sa wari’y nakatadhana at patiunang-itinalagang pagmamartsa tungo sa higit pang kapahamakan. . . . Sa pananaw nila, ang lahi ng tao ay kagaya ng bayani sa isang dulang trahedya ng mga Griego, na minamaniobra ng galít na mga diyos at walang magawa sa kaniyang sariling kahihinatnan.” Habang binubulay-bulay ang mapayapang pasimula ng ika-20 siglo, ganito ang sinabi ng estadistang si Harold Macmillan noong 1980: “Pabuti nang pabuti ang lahat. Ito ang daigdig na kinagisnan ko. . . . Walang anu-ano at di-inaasahan, biglang nagwakas ang lahat isang umaga noong 1914.”
7-9. (a) Anu-anong kaligaligan ang yumanig sa lipunan ng tao mula noong 1914? (b) Ano pang kaligaligan ang mararanasan ng lipunan ng tao sa kalaunan sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus?
7 Nagdulot ng panibagong daluyong ng kaligaligan ang Digmaang Pandaigdig II. At ang lupa ay patuloy na niyayanig ng mas maliliit na digmaan at internasyonal na terorismo. Maraming tao ang nababahala dahil sa kasindak-sindak na banta ng mga terorista o ng mga estado na gumagamit ng mga sandata para sa lansakang paglipol.
8 Gayunman, marami pang bagay bukod sa mga digmaan ang yumanig sa pinakapundasyon ng lipunan ng tao mula noong 1914. Ang isa sa pinakamasaklap na kaligaligan ay resulta ng pagbagsak ng merkado ng Estados Unidos noong Oktubre 29, 1929. Humantong ito sa Great Depression, na nakaapekto sa lahat ng bansang kapitalista. Nagsimulang makabawi ang ekonomiya sa pagitan ng 1932 at 1934, subalit nararamdaman pa rin natin ang mga epekto nito. Mula noong 1929, ang mahinang ekonomiya ng daigdig na ito ay niremedyuhan na lamang ng pansamantalang mga solusyon. Ang mga pamahalaan ay nahihirati sa utang. Dahil sa krisis sa langis noong 1973 at sa paghina ng merkado noong 1987, lalong lumakas ang mga pagyanig sa larangan ng ekonomiya. Samantala, milyun-milyong tao ang nabubuhay sa utang. Napakaraming nabibiktima ng mga gimik para magkapera, pyramid scheme, at mga loterya at iba pang tusong anyo ng pagsusugal, na marami sa mga ito ay itinataguyod ng mga pamahalaan na dapat sanang nagsasanggalang sa mga mamamayan. Maging ang mga ebanghelisador sa telebisyon ng Sangkakristiyanuhan ay naghahangad ding kumita nang milyun-milyong dolyar!—Ihambing ang Jeremias 5:26-31.
9 Nauna pa rito, sinamantala nina Mussolini at Hitler ang mga problema sa ekonomiya upang makapang-agaw ng kapangyarihan. Hindi nag-aksaya ng panahon ang Babilonyang Dakila upang manuyo sa kanila, at ang Vatican ay lumagda ng mga kasunduan sa Italya noong 1929 at sa Alemanya naman noong 1933. (Apocalipsis 17:5) Ang malalagim na araw na sumunod dito ay tiyak na bahagi ng katuparan ng hula ni Jesus tungkol sa kaniyang pagkanaririto, kasali na ang “panggigipuspos ng mga bansa, na hindi malaman ang gagawin . . . samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:7-9, 25-31)c Oo, ang mga lindol na yumanig sa lipunan ng tao noong 1914 ay nagpapatuloy pa, na may malalakas na kasunod na pagyanig.
Gumagawa ng Ilang Pagyanig si Jehova
10. (a) Bakit napakaraming pagyanig sa buhay ng tao? (b) Ano ang ginagawa ni Jehova, at bilang paghahanda sa ano?
10 Ang mga pagyanig na ito sa buhay ng tao ay resulta ng kaniyang kawalang-kakayahan na magtuwid ng kaniyang sariling landas. (Jeremias 10:23) Bukod dito, nagdudulot ng mga kaabahan ang matandang serpiyenteng iyon, si Satanas, “na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa,” dahil desperado siyang italikod ang buong sangkatauhan mula sa pagsamba kay Jehova. Dahil sa makabagong teknolohiya, lumiit na ang lupang ito na wari’y isa na lamang komunidad, kung saan niyayanig ng pagkakapootan ng mga bansa at mga lahi ang pinakapundasyon ng lipunan ng tao, at walang masumpungang mabisang lunas ang tinatawag nilang Nagkakaisang mga Bansa. Higit kailanman, sinusupil ng tao ang tao sa kaniyang ikapipinsala. (Apocalipsis 12:9, 12; Eclesiastes 8:9) Gayunman, ang Soberanong Panginoong Jehova, ang Maylikha ng langit at ng lupa, ay gumagawa rin ng kaniyang sariling mga pagyanig sa loob ng halos 90 taon, bilang paghahanda sa paglutas sa mga suliranin ng lupang ito minsan at magpakailanman. Paano?
11. (a) Anong pag-uga ang inilalarawan sa Hagai 2:6, 7? (b) Paano natutupad ang hula ni Hagai?
11 Sa Hagai 2:6, 7, mababasa natin: “Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—kaunting panahon na lamang—at uugain ko ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupa. At uugain ko ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” Partikular na mula noong taóng 1919, pinakilos ni Jehova ang kaniyang mga saksi na ihayag ang kaniyang mga kahatulan sa lahat ng bahagi ng lipunan ng tao sa lupa. Nabigyan na ng ganitong pangglobong babala ang makasanlibutang sistema ni Satanas.d Habang tumitindi ang babala, ang mga taong may takot sa Diyos, “ang mga kanais-nais na bagay,” ay pinakilos na humiwalay sa mga bansa. Hindi sila niyugyog palabas ng pagyanig sa organisasyon ni Satanas. Sa halip, kusa silang nagpasiya na makibahagi sa mga pinahirang uring Juan upang punuin ng kaluwalhatian ang bahay ng pagsamba kay Jehova, yamang naunawaan nila ang kahulugan ng mga pangyayari. Paano naisasagawa ito? Sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mabuting balita ng naitatag nang Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Ang Kahariang ito, na binubuo ni Jesus at ng kaniyang pinahirang mga tagasunod, ay mananatili magpakailanman bilang “isang kaharian na hindi mayayanig” sa ikaluluwalhati ni Jehova.—Hebreo 12:26-29.
12. Kung tumugon ka na sa pangangaral na inihula sa Mateo 24:14, ano ang dapat mong gawin bago sumapit ang malakas na lindol ng Apocalipsis 6:12?
12 Tumugon ka na ba sa pangangaral na iyon? Kabilang ka ba sa milyun-milyong nagsidalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus sa nakalipas na mga taon? Kung gayon, patuloy kang sumulong sa iyong pag-aaral ng katotohanan sa Bibliya. (2 Timoteo 2:15; 3:16, 17) Lubusang talikuran ang tiwaling istilo ng pamumuhay ng nahatulan nang makalupang lipunan ni Satanas! Pumasok sa bagong sanlibutang lipunan ng mga Kristiyano at lubusang makibahagi sa gawain nito bago durugin ng pangwakas na kapaha-pahamak na “lindol” ang buong sanlibutan ni Satanas. Subalit ano ang malakas na lindol na ito? Tingnan natin.
Ang Malakas na Lindol!
13. Sa anong paraan hindi pa nararanasan ng tao ang malakas na lindol?
13 Oo, ang mapanganib na mga huling araw na ito ay naging panahon ng mga lindol—literal at makasagisag. (2 Timoteo 3:1) Subalit hindi pa ito ang pangwakas at malakas na lindol na nakita ni Juan nang buksan ang ikaanim na tatak. Natapos na ang panahon ukol sa patiunang mga pagyanig. Dumarating ngayon ang isang malakas na lindol na hindi pa nararanasan ng tao. Napakalakas ng lindol na ito anupat ang mga kaligaligan at pagyanig na dulot nito ay hindi kayang sukatin ng Richter scale o ng anupamang panukat na gawa ng tao. Hindi lamang ito pagyanig sa iisang lugar kundi isang kapaha-pahamak na pagyanig na wawasak sa buong “lupa,” samakatuwid nga, sa buong ubod-samang lipunan ng tao.
14. (a) Anong hula ang bumabanggit tungkol sa isang malakas na lindol at sa mga resulta nito? (b) Sa ano malamang na tumutukoy ang hula ni Joel at ng Apocalipsis 6:12, 13?
14 Ang iba pang mga propeta ni Jehova ay humula rin tungkol sa lindol na ito at sa kapaha-pahamak na resulta nito. Halimbawa, noong mga 820 B.C.E., binanggit ni Joel ang ‘pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,’ at sinabi niya na sa panahong iyon, “ang araw mismo ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo.” Sa dakong huli, idinaragdag niya ang mga salitang ito: “Mga pulutong, mga pulutong ang nasa mababang kapatagan ng pasiya, sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na sa mababang kapatagan ng pasiya. Ang araw at ang buwan ay tiyak na magdidilim, at ang mismong mga bituin ay magkakait ng kanilang liwanag. At mula sa Sion ay uungal si Jehova, at mula sa Jerusalem ay ilalakas niya ang kaniyang tinig. At ang langit at ang lupa ay tiyak na uuga; ngunit si Jehova ay magiging kanlungan para sa kaniyang bayan, at tanggulan para sa mga anak ni Israel.” (Joel 2:31; 3:14-16) Maaari lamang tumukoy ang pag-ugang ito sa paglalapat ni Jehova ng kaniyang hatol sa panahon ng malaking kapighatian. (Mateo 24:21) Kaya makatuwiran lamang na magkaroon din ng ganitong pagkakapit ang nakakatulad na ulat sa Apocalipsis 6:12, 13.—Tingnan din ang Jeremias 10:10; Zefanias 1:14, 15.
15. Anong napakalakas na pagyanig ang inihula ni propeta Habakuk?
15 Mga 200 taon pagkaraan ng panahon ni Joel, sinabi naman ni propeta Habakuk sa panalangin sa kaniyang Diyos: “O Jehova, narinig ko ang ulat tungkol sa iyo. Natakot ako, O Jehova, sa iyong gawa. Sa gitna ng mga taon O buhayin mo nawa iyon! Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo nawa iyon. Sa panahon ng kaligaligan, ang pagpapakita ng awa ay iyo nawang maalaala.” Ano kaya ang “kaligaligan” na iyon? Nagpapatuloy si Habakuk sa detalyadong paglalarawan hinggil sa malaking kapighatian, na sinasabi tungkol kay Jehova: “Tumigil siya, upang mayanig niya ang lupa. Tumingin siya, at napalukso ang mga bansa. . . . Humayo ka sa lupa taglay ang pagtuligsa. Sa galit ay giniik mo ang mga bansa. Gayunman, sa ganang akin, magbubunyi ako kay Jehova; magagalak ako sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Habakuk 3:1, 2, 6, 12, 18) Kaylakas na pagyanig ang gagawin ni Jehova sa buong lupa kapag giniik na niya ang mga bansa!
16. (a) Ano ang inihula ni propeta Ezekiel tungkol sa panahon ng pangwakas na pagsalakay ni Satanas sa bayan ng Diyos? (b) Ano ang idudulot ng malakas na lindol na binabanggit sa Apocalipsis 6:12?
16 Inihula rin ni Ezekiel na kapag isinagawa na ni Gog ng Magog (si Satanas sa kaniyang ibinabang kalagayan) ang kaniyang pangwakas na pagsalakay sa bayan ng Diyos, magpapasapit si Jehova ng isang “matinding pagyanig sa lupa ng Israel.” (Ezekiel 38:18, 19) Bagaman maaaring sangkot ang literal na mga lindol, dapat nating tandaan na ang Apocalipsis ay inihaharap sa pamamagitan ng mga tanda. Ang hulang ito at ang iba pang hula na ating sinipi ay lubha rin namang makasagisag. Kaya ang pagbubukas sa ikaanim na tatak ay waring nagsisiwalat sa kahihinatnan ng lahat ng pagyanig sa makalupang sistemang ito ng mga bagay—ang malakas na lindol na pupuksa sa lahat ng taong sumasalungat sa pagkasoberano ng Diyos na Jehova.
Isang Panahon ng Kadiliman
17. Paano maaapektuhan ng malakas na lindol ang araw, buwan, at mga bituin?
17 Gaya ng patuloy na ipinakikita ni Juan, ang malakas na lindol ay may kasabay na kakila-kilabot na mga pangyayaring nasasangkot pati ang langit. Sinasabi niya: “At ang araw ay naging itim na gaya ng telang-sako na balahibo, at ang buong buwan ay naging gaya ng dugo, at ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na naglalaglag ng mga hilaw na igos nito kapag inuuga ng malakas na hangin.” (Apocalipsis 6:12b, 13) Isa ngang kababalaghan! Naguguniguni mo ba ang nakapangingilabot na kadiliman na ibubunga nito kung literal na matutupad ang hula? Mawawala ang mainit at nakapagpapasiglang sikat ng araw! Mawawala na ang banayad at pinilakang sinag ng buwan kung gabi! At hindi na makikita ang laksa-laksang bituin na kumikislap sa tulad-pelus na telon ng langit. Sa halip, pawang malamig at pusikit na kadiliman lamang.—Ihambing ang Mateo 24:29.
18. Paano ‘dumilim ang langit’ para sa Jerusalem noong 607 B.C.E.?
18 Sa espirituwal na diwa, ang ganitong kadiliman ay inihulang magaganap sa sinaunang Israel. Nagbabala si Jeremias: “Magiging tiwangwang na kaguhuan ang buong lupain, at hindi ba ako magsasagawa ng lubos na paglipol? Dahil dito ay magdadalamhati ang lupain, at ang langit sa itaas ay tiyak na magdidilim.” (Jeremias 4:27, 28) Para sa bayan ni Jehova, tunay ngang napakadilim ng mga bagay-bagay nang matupad ang hulang ito noong 607 B.C.E. Nahulog sa kamay ng mga Babilonyo ang kanilang kabisera, ang Jerusalem. Nawasak ang kanilang templo at naging tiwangwang ang kanilang lupain. Para sa kanila ay walang nakagiginhawang liwanag mula sa langit. Sa halip, nangyari ang may-pagdadalamhating sinabi ni Jeremias kay Jehova: “Pumatay ka; hindi ka nahabag. Hinarangan mo ng kaulapan ang lumalapit sa iyo, upang ang panalangin ay hindi makaraan.” (Panaghoy 3:43, 44) Para sa Jerusalem, ang kadilimang iyon sa langit ay nangahulugan ng kamatayan at pagkalipol.
19. (a) Paano inilalarawan ng propeta ng Diyos na si Isaias ang kadiliman sa langit may kinalaman sa sinaunang Babilonya? (b) Kailan at paano natupad ang hula ni Isaias?
19 Nang dakong huli, ang ganito ring kadiliman sa langit ay nangahulugan ng kapahamakan para sa sinaunang Babilonya. Tungkol dito, kinasihang sumulat ang propeta ng Diyos: “Narito! Ang araw ni Jehova ay dumarating, malupit kapuwa sa pagkapoot at sa pag-aapoy ng galit, upang ang lupain ay gawing isang bagay na panggigilalasan, at upang malipol nito mula roon ang mga makasalanan sa lupain. Sapagkat ang mismong mga bituin sa langit at ang kanilang mga konstelasyon ng Kesil ay hindi magpapakislap ng kanilang liwanag; ang araw ay magdidilim nga sa pagsikat nito, at ang buwan ay hindi magpapasinag ng liwanag nito. At tiyak na ibabalik ko sa mabungang lupain ang sariling kasamaan nito, at sa mga balakyot ang kanilang sariling kamalian.” (Isaias 13:9-11) Ang hulang ito ay natupad noong 539 B.C.E. nang mahulog ang Babilonya sa kamay ng mga Medo at Persiano. Angkop na angkop ang paglalarawan nito sa kadiliman, kawalang-pag-asa, at kawalan ng nakagiginhawang liwanag para sa Babilonya nang tuluyan itong mapatalsik sa kaniyang posisyon bilang nangungunang kapangyarihang pandaigdig.
20. Anong nakapangingilabot na hinaharap ang naghihintay sa sistemang ito ng mga bagay kapag biglang sumapit ang malakas na lindol?
20 Sa ganito ring paraan, kapag biglang sumapit ang malakas na lindol, ang buong sistema ng sanlibutan ay malilipos ng kawalang-pag-asa sa pusikit na kadiliman. Ang maliwanag at nagniningning na mga tanglaw ng makalupang sistema ni Satanas ay hindi makapaglalaan ng anumang sinag ng pag-asa. Ngayon pa lamang, bantog na sa katiwalian, pagsisinungaling, at imoral na pamumuhay ang pulitikal na mga lider sa lupa, lalo na sa Sangkakristiyanuhan. (Isaias 28:14-19) Hindi na sila mapagkakatiwalaan pa. Tuluyang mamamatay ang kanilang aandap-andap na liwanag kapag inilapat ni Jehova ang kaniyang hatol. Ang kanilang tulad-buwan na impluwensiya sa mga gawain sa lupang ito ay mabubunyag na tigmak ng dugo at nakamamatay. Ang prominenteng mga tao sa sanlibutang ito ay maglalahong gaya ng bumubulusok na mga bulalakaw at mangangalat na gaya ng hilaw na mga igos sa gitna ng isang humuhugong na bagyo. Mayayanig ang ating buong globo dahil sa “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Anong kakila-kilabot na hinaharap!
Nahawi “ang Langit”
21. Sa kaniyang pangitain, ano ang nakikita ni Juan tungkol sa “langit” at ‘bawat bundok at bawat pulo’?
21 Nagpapatuloy ang pangitain ni Juan: “At ang langit ay nahawi gaya ng isang balumbon na inilululon, at ang bawat bundok at ang bawat pulo ay naalis mula sa kanilang mga dako.” (Apocalipsis 6:14) Maliwanag, hindi literal na langit o literal na mga bundok at mga pulo ang mga ito. Ano kung gayon ang isinasagisag ng mga ito?
22. Sa Edom, anong uri ng “langit” ang ‘inilulon na parang balumbon ng aklat’?
22 Mauunawaan natin kung ano ang “langit” na ito sa tulong ng isang nakakatulad na hula na bumabanggit hinggil sa galit ni Jehova laban sa lahat ng bansa: “At ang lahat ng nasa hukbo ng langit ay mabubulok. At ang langit ay ilululon, na parang balumbon ng aklat.” (Isaias 34:4) Dapat magdusa partikular na ang Edom. Paano? Nilupig siya ng mga Babilonyo di-natagalan pagkatapos mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Nang panahong iyon, walang iniulat na namumukod-tanging mga pangyayari na naganap sa literal na langit. Subalit may nangyaring kapahamakan sa “langit” ng Edom.e Ang kaniyang makapangyarihang mga tagapamahalang tao ay ibinagsak mula sa kanilang matayog at tulad-langit na katayuan. (Isaias 34:5) ‘Inilulon’ sila at isinaisantabi, wika nga, gaya ng isang lumang balumbon na hindi na mapakikinabangan ninuman.
23. Anong “langit” ang ‘mahahawi gaya ng isang balumbon,’ at paano tinitiyak ng mga salita ni Pedro na tama ang pagkaunawang ito?
23 Kaya ang “langit” na “nahawi gaya ng isang balumbon” ay tumutukoy sa mga gobyernong laban sa Diyos na namamahala sa lupang ito. Ang mga ito ay aalisin magpakailanman ng nananaig na Sakay ng kabayong puti. (Apocalipsis 19:11-16, 19-21) Tinitiyak ito ng sinabi ni apostol Pedro nang asamin niya ang mga pangyayaring tinutukoy sa pagbubukas ng ikaanim na tatak: “Ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Pedro 3:7) Subalit kumusta naman ang pananalitang “ang bawat bundok at ang bawat pulo ay naalis mula sa kanilang mga dako”?
24. (a) Sa hula ng Bibliya, kailan sinasabing nauuga o nawawalan ng katatagan ang mga bundok at mga pulo? (b) Paano ‘umuga ang mga bundok’ nang bumagsak ang Nineve?
24 Sa hula ng Bibliya, ang mga bundok at mga pulo ay sinasabing nauuga o nawawalan ng katatagan sa mga panahon ng malulubhang pulitikal na kaligaligan. Halimbawa, nang inihuhula ang mga kahatulan ni Jehova laban sa Nineve, isinulat ni propeta Nahum: “Ang mga bundok ay umuga dahil sa kaniya, at ang mismong mga burol ay natunaw. At ang lupa ay mayayanig dahil sa kaniyang mukha.” (Nahum 1:5) Walang iniulat na pagguho ng literal na mga bundok nang aktuwal na magiba ang Nineve noong 632 B.C.E. Subalit bigla ngayong bumagsak ang isang kapangyarihang pandaigdig na dati’y waring kasintatag ng bundok.—Ihambing ang Jeremias 4:24.
25. Sa dumarating na katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, paano maaalis sa kanilang kinaroroonan ang “bawat bundok at ang bawat pulo”?
25 Samakatuwid, ang “bawat bundok at ang bawat pulo” na binabanggit sa pagbubukas ng ikaanim na tatak ay makatuwiran lamang na tumukoy sa pulitikal na mga pamahalaan at mga kaugnay na organisasyon ng sanlibutang ito na sa tingin ng marami sa sangkatauhan ay napakatatag. Uugain ang mga ito hanggang sa maalis sa kinalalagyan, anupat magigitla at magigimbal ang mga dating nagtitiwala sa kanila. Gaya ng patuloy na isinasalaysay ng hula, walang-alinlangang ang dakilang araw ng poot ni Jehova at ng kaniyang Anak—ang pangkatapusang pagyanig na mag-aalis sa buong organisasyon ni Satanas—ay sasapit nang buong kabagsikan!
“Mahulog Kayo sa Amin at Itago Ninyo Kami”
26. Ano ang gagawin ng mga taong sumasalansang sa pagkasoberano ng Diyos dahil sa kanilang pagkasindak, at ano ang sasabihin nila bunga ng kanilang panghihilakbot?
26 Nagpatuloy ang mga salita ni Juan: “At ang mga hari sa lupa at ang matataas ang katungkulan at ang mga kumandante ng militar at ang mayayaman at ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malayang tao ay nagtago sa mga yungib at sa mga batong-limpak ng mga bundok. At patuloy nilang sinasabi sa mga bundok at sa mga batong-limpak: ‘Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng Isa na nakaupo sa trono at mula sa poot ng Kordero, sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kanilang poot, at sino ang makatatayo?’”—Apocalipsis 6:15-17.
27. Ano ang isinigaw ng di-tapat na mga Israelita sa Samaria, at paano natupad ang mga salitang iyon?
27 Noong ipinahahayag ni Oseas ang hatol ni Jehova sa Samaria, ang kabisera ng hilagang kaharian ng Israel, sinabi niya: “Ang matataas na dako ng Bet-aven, ang kasalanan ng Israel, ay wawasakin. Mga tinik at mga dawag ang sisibol sa ibabaw ng kanilang mga altar. At sasabihin nga ng mga tao sa mga bundok, ‘Takpan ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Mahulog kayo sa amin!’” (Oseas 10:8) Paano natupad ang mga salitang ito? Buweno, nang mahulog ang Samaria sa kamay ng malulupit na Asiryano noong 740 B.C.E., wala nang matakbuhan ang mga Israelita. Ipinahahayag ng mga salita ni Oseas ang kawalang-pag-asa, kahabag-habag na panghihilakbot, at pangungulila na nadama ng bayang nagapi. Maging ang literal na mga burol ni ang tulad-bundok na mga institusyon ng Samaria ay hindi makapagsanggalang sa kanila, bagaman waring napakatatag ng mga ito noon.
28. (a) Ano ang babala ni Jesus sa mga babae sa Jerusalem? (b) Paano natupad ang babala ni Jesus?
28 Sa ganito ring paraan, nang dinadala na si Jesus ng mga sundalong Romano upang patayin, sinabi niya sa mga babae sa Jerusalem: “Dumarating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Maligaya ang mga babaing baog, at ang mga bahay-bata na hindi nanganak at ang mga dibdib na hindi nagpasuso!’ Kung magkagayon ay pasisimulan nilang sabihin sa mga bundok, ‘Mahulog kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami!’” (Lucas 23:29, 30) Ang pagwasak ng mga Romano sa Jerusalem noong 70 C.E. ay detalyadong iniulat, at ang kahulugan ng mga salita ni Jesus ay maliwanag na katulad niyaong sa hula ni Oseas. Walang mapagtaguan noon ang mga Judio na nanatili sa Judea. Saanman sila magtago sa Jerusalem, o kahit na tumakas sila patungo sa kuta ng Masada sa taluktok ng bundok, hindi sila nakaligtas mula sa marahas na kapahayagan ng kahatulan ni Jehova.
29. (a) Pagdating ng araw ng poot ni Jehova, ano ang sasapitin ng mga pursigidong tagasuporta ng sistemang ito ng mga bagay? (b) Anong hula ni Jesus ang matutupad kapag ipinahayag na ni Jehova ang Kaniyang poot?
29 Ngayon, ipinakita ng pagbubukas ng ikaanim na tatak na isang katulad na pangyayari ang magaganap pagdating ng araw ng poot ni Jehova. Sa pangkatapusang pag-uga sa makalupang sistemang ito ng mga bagay, ang mga pursigidong tagasuporta nito ay pilit na maghahanap ng mapagtataguan, subalit wala silang masusumpungan. Dumanas na sila ng masaklap na kabiguan mula sa huwad na relihiyon, ang Babilonyang Dakila. Ang mga yungib sa literal na mga bundok ni ang makasagisag at tulad-bundok na pulitikal at komersiyal na mga organisasyon ay hindi makapaglalaan ng pinansiyal na kasiguruhan o anupamang ibang tulong. Walang makapagsasanggalang sa kanila mula sa poot ni Jehova. Malinaw na inilarawan ni Jesus ang kanilang pagkasindak: “Kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay dadagukan ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.”—Mateo 24:30.
30. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng tanong na: “Sino ang makatatayo?” (b) May makatatayo ba sa panahon ng paghatol ni Jehova?
30 Oo, ang lahat ng tumatangging kumilala sa awtoridad ng matagumpay na Sakay ng kabayong puti ay mapipilitang umamin sa kanilang pagkakamali. Kapag lumipas na ang sanlibutang ito ni Satanas, mapupuksa ang mga tao na kusang naging bahagi ng binhi ng serpiyente. (Genesis 3:15; 1 Juan 2:17) Gayon na lamang ang magiging situwasyon ng daigdig sa panahong iyon anupat marami ang wari’y magtatanong: “Sino ang makatatayo?” Maliwanag na iisipin nilang walang isa man ang makatatayo nang may pagsang-ayon sa harap ni Jehova sa araw na iyon ng kaniyang paghatol. Subalit magkakamali sila, gaya ng patuloy na ipakikita ng aklat ng Apocalipsis.
[Mga talababa]
a Bago literal na lumindol, kadalasang may sismikong mga pagyanig muna na nagiging sanhi ng pagtatahulan ng mga aso o ng pagiging maligalig ng mga ito at pati na rin ng iba pang hayop at isda, bagaman ang mga tao ay nananatiling walang kamalay-malay hanggang sa aktuwal na lumindol.—Tingnan ang Awake!, Hulyo 8, 1982, pahina 14.
b Para sa detalyadong paliwanag, tingnan ang mga pahina 22, 24.
c Sa loob ng mahigit 35 taon, mula noong 1895 hanggang 1931, ang mga salita sa Lucas 21:25, 28, 31 ay sinipi sa pabalat ng magasing Bantayan na may nakalarawang parola na nagbibigay-liwanag sa maunos na kalangitan at nagngangalit na karagatan.
d Halimbawa, sa isang pantanging kampanya noong 1931, libu-libong kopya ng buklet na The Kingdom, the Hope of the World ang personal na inihatid ng mga Saksi ni Jehova sa mga klerigo, pulitiko, at mga negosyante sa buong lupa.
e Sa nakakahawig na paggamit ng salitang “mga langit,” ang hula tungkol sa “mga bagong langit” sa Isaias 65:17, 18 ay nagkaroon ng unang katuparan sa bagong sistema ng pamahalaan, na nagsasangkot kay Gobernador Zerubabel at sa mataas na saserdoteng si Jesua, na itinatag sa Lupang Pangako nang makabalik ang mga Judio mula sa kanilang pagkatapon sa Babilonya.—2 Cronica 36:23; Ezra 5:1, 2; Isaias 44:28.
[Kahon/Larawan sa pahina 105]
Patiunang Nabatid ang 1914
“Noo’y B.C. 606 nang magwakas ang kaharian ng Diyos, inalis ang diadema, at ang buong lupa ay ibinigay sa mga Gentil. Ang pagbilang ng 2520 taon mula sa B.C. 606 ay papatak sa A.D. 1914.”f—The Three Worlds, inilathala noong 1877, pahina 83.
“Ang ebidensiya ng Bibliya ay maliwanag at matibay na ang ‘Panahon ng mga Gentil’ ay isang yugto na 2520 taon, mula noong taóng B.C. 606 hanggang sa at saklaw ang A.D. 1914.”—Studies in the Scriptures, Tomo 2, isinulat ni C. T. Russell at inilathala noong 1889, pahina 79.
Naunawaan ni Charles Taze Russell at ng kaniyang mga kapuwa estudyante ng Bibliya maraming dekada patiuna na ang 1914 ang itinakdang katapusan ng Panahong Gentil, o takdang panahon ng mga bansa. (Lucas 21:24) Bagaman hindi nila lubusang naunawaan kung ano ang magiging kahulugan nito noong panahong iyon, kumbinsido sila na magiging napakahalagang petsa sa kasaysayan ng daigdig ang 1914, at tama nga sila. Pansinin ang sumusunod na pagsipi mula sa pahayagan:
“Ang nakapangingilabot na pagsiklab ng digmaan sa Europa ay katuparan ng isang di-pangkaraniwang hula. Sa nakalipas na dalawampu’t limang taon, sa pamamagitan ng mga mangangaral at palimbagan, ang ‘International Bible Students,’ na lalong kilala bilang ‘Millennial Dawners,’ ay nagpapahayag sa buong daigdig na magbubukang-liwayway sa [taóng] 1914 ang Araw ng Poot na inihula sa Bibliya. ‘Abangan ang 1914!’ ang sigaw ng daan-daang naglalakbay na mga ebanghelista.”—The World, isang pahayagan sa New York, Agosto 30, 1914.
[Talababa]
f Nagkataon naman na hindi nauunawaan noon ng mga Estudyante ng Bibliya na walang taóng zero sa pagitan ng “B.C.” at “A.D.” Nang maglaon, nang ipakita ng pananaliksik na kailangang ituwid ang B.C. 606 at gawing 607 B.C.E., ang taóng zero ay inalis din, kaya hindi nagbago ang prediksiyon hinggil sa “A.D. 1914.”—Tingnan “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo,” na inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 1943, pahina 239.
[Kahon sa pahina 106]
1914—Isang Yugto ng Malaking Pagbabago
Ang akdang Politikens Verdenshistorie—Historiens Magt og Mening (Pandaigdig na Kasaysayan ng Politiken—Ang Kapangyarihan at Kahulugan ng Kasaysayan), na inilathala noong 1987 sa Copenhagen, ay nagbigay ng ganitong obserbasyon sa pahina 40:
“Ang pagtitiwala sa pag-unlad noong ika-19 na siglo ay lubusang naglaho noong 1914. Noong taon bago sumiklab ang digmaan, ganito ang positibong isinulat ng istoryador at pulitikong si Peter Munch ng Denmark: ‘Ipinakikita ng lahat ng ebidensiya na imposibleng magdigmaan ang makapangyarihang mga bansa sa Europa. Maglalaho rin sa hinaharap “ang panganib ng digmaan,” gaya ng paulit-ulit na nangyari mula noong 1871.’
“Kabaligtaran nito, ganito ang mababasa natin sa kaniyang talambuhay nang maglaon: ‘Ang pagsiklab ng digmaan noong 1914 ay nagdulot ng napakalaking pagbabago sa kasaysayan ng sangkatauhan. Mula sa masayang panahon ng pagsulong, kung saan maaaring abutin ang mga mithiin sa gitna ng masasabing tiwasay na mga kalagayan, pumasok tayo sa panahon ng kapahamakan, lagim, at pagkakapootan, at walang kapanatagan saanman. Walang makapagsabi, at hanggang ngayo’y wala pa ring makapagsasabi, kung ang karimlan na naranasan natin nang panahong iyon ay hahantong sa tuluyang pagguho ng buong istraktura ng kulturang ginawa ng tao para sa kaniyang sarili sa loob ng libu-libong taon.’”
[Larawan sa pahina 110]
‘Bawat bundok ay naalis mula sa kanilang dako’
[Larawan sa pahina 111]
Nagtago sila sa mga yungib