NAGNININGNING, ISA NA
Isang katawagang naglalarawan na ikinapit sa “hari ng Babilonya.” (Isa 14:4, 12) Ang pananalitang Hebreo na isinalin nang gayon (NW, Ro, Yg) ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang ‘pasikatin.’ (Job 29:3) Ang saling “Lucifer” (KJ, Da) ay hinalaw sa Latin na Vulgate.
Ang isa na “nagniningning” ay inilalarawan na nagsasabi sa kaniyang puso: “Sa itaas ng mga bituin ng Diyos ay itataas ko ang aking trono, at uupo ako sa ibabaw ng bundok ng kapisanan.” (Isa 14:13) Tinutukoy ng katibayan sa Bibliya ang Bundok Sion bilang ang “bundok ng kapisanan.” (Tingnan ang BUNDOK NG KAPISANAN.) Kaya nga, yamang ang mga bituin ay maaaring tumukoy sa mga hari (Bil 24:17; Apo 22:16), malamang na “ang mga bituin ng Diyos” ay ang mga hari ng Davidikong linya na namahala mula sa Bundok Sion. Ang “hari ng Babilonya” (ang dinastiya ng mga Babilonyong hari), na nagpamalas ng saloobin ni Satanas na diyos ng sistemang ito ng mga bagay, ay nagpahiwatig ng kaniyang ambisyon na itaas ang kaniyang trono “sa itaas ng mga bituin ng Diyos” sa pamamagitan ng paghahangad na gawing mga basalyo lamang ang mga hari sa linya ni David at sa dakong huli ay alisin ang mga ito sa trono. Tulad ng mga bituin na nagpapasinag ng liwanag, ang “hari ng Babilonya” ay sumikat nang maliwanag sa gitna ng sinaunang sanlibutan at maaaring tukuying isa na “nagniningning.”