Malapit Na ang Isang Daigdig na Walang Digmaan
TINGNAN mong muli ang hula ng Bibliya sa Isaias na nagsasabing: “Kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Pansinin mula sa konteksto na yaong pupukpok sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod ay “maraming bayan” na lumalakad sa mga daan ng Diyos. (Isaias 2:2-4, King James Version) Ito’y nangangahulugan na ang mga taong ito ay sumasamba sa Diyos na Jehova at sumusunod sa kaniyang mga batas. Sino sila?
Sila’y dapat na isang multinasyonal na bayan na hindi lamang tumanggi sa mga sandata ng digmaan kundi rin naman lubusang nag-alis sa kanilang isipan at puso ng mga saloobin at mga disposisyon na humahantong sa alitan at labanan. (Roma 12:2) Sa halip na patayin ang kanilang kapuwa, iniibig nila sila. (Mateo 22:36-39) Nabalitaan mo na ba ang isang bayan na gaya niyan?
Marahil ay nabalitaan mo nang ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng internasyonal na kapatiran at itinakwil ang paghawak ng mga sandata upang patayin ang iba. Pag-isipan ito: Kung ang lahat sa lupa ay may gayong pangmalas, hindi ba’t ang planetang ito ay isang dako na ng kapayapaan at katiwasayan?
Mangyari pa, hindi lahat ay may ganiyang pangmalas. Ito’y gaya ng isinulat ni Haring Solomon halos 3,000 taon na ang nakalipas: “Nang magkagayo’y pumihit ako upang aking makita ang lahat ng mga gawa ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha niyaong mga siniil, subalit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng naniniil sa kanila ay may kapangyarihan.”—Eclesiastes 4:1.
Panawagan sa mga Umiibig sa Kapayapaan
Magkakaroon ba kailanman ng isang daigdig na walang digmaan? Oo. Ito ba’y darating sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao? Hindi. Ito ba’y darating sa pamamagitan ng lansakang pagkumberte ng mga tao sa tunay na relihiyon? Hindi. Ang aklat ng Bibliya na Awit ay sumasagot: “Halikayo, kayong mga tao, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova . . . Kaniyang pinatitigil ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Awit 46:8, 9.
Paano gagawin iyan ng Diyos na Jehova? Ang aklat ng Kawikaan ay sumasagot: “Sapagkat ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Kung tungkol sa mga balakyot [yaong nagwawalang-bahala sa mga batas ng Diyos], sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”—Kawikaan 2:21, 22.
Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi kumilos ang Diyos noon ay ito: Binibigyan niya ng pagkakataon ang mga tao na matuto tungkol sa kaniyang mga daan upang sila’y makalakad sa kaniyang mga landas. Ang apostol Pedro ay sumulat: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, na gaya ng itinuturing ng ilang mga tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Kaya, ang bayan ng Diyos ay walang pag-iimbot na tumutulong sa iba na matuto tungkol kay Jehova. Gaya ng pagkakasabi rito ni Isaias, sila’y mananawagan: “Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, . . . at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan.”—Isaias 2:3.
“Ang Huling Bahagi ng mga Araw”
Inihula rin ng kasulatan sa Isaias na ang pagtuturo sa mga tao sa mga daan ng kapayapaan ay mangyayari “sa huling bahagi ng mga araw.” (Isaias 2:2) Tayo’y nabubuhay sa panahong iyan sa ngayon. Balintuna nga, ang mga digmaan ng siglong ito ay nagpapahiwatig na tayo’y nabubuhay sa huling bahagi ng mga araw.
Nang ang mga alagad ni Jesus ay magtanong sa kaniya kung ano ang magiging tanda ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay, inihula niya ang “malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay mga salot at mga kakapusan sa pagkain.” (Lucas 21:11; Mateo 24:3) Sinabi rin niya: “ ‘Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong masindak. Sapagkat ang mga bagay na ito ay kailangan munang maganap, ngunit ang wakas ay hindi pa magaganap kaagad-agad.’ Pagkatapos ay patuloy niyang sinabi sa kanila: ‘Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian.’ ”—Lucas 21:9, 10.
Bagaman nagkaroon ng mga digmaan sa loob ng libu-libong taon, ang siglong ito lamang ang nakasaksi sa dalawang digmaang pandaigdig, ayon sa ilang kalkulasyon, literal na daan-daan na maliliit na digmaan. Ang bagay na sampu-sampung milyong tao ang napatay sa mga digmaan sa siglong ito ay kakila-kilabot. Ayon sa magasing World Watch, mga 2,000 taon bago ang ika-20 siglo, sa katamtaman ay nangailangan ng 50 taon upang ang bilang ng tao na namatay sa digmaan ay umabot ng isang milyon. Sa siglong ito, sa katamtaman, ang haba ng panahon na kinailangan upang maabot ang isang milyong taong namatay sa digmaan ay isang taon.
Isang Daigdig na Walang Digmaan
Ang kakila-kilabot na mga digmaan ng ating siglo, pati na ang marami pang mga pangyayari na inihula sa Bibliya, ay nagpapakita na tayo ay nasa pintuan na ng isang bagong sanlibutan na pangyayarihin ng Diyos. Ang matandang sanlibutan ay papalisin at hahalinhan ng isang “bagong lupa,” kung saan iiral ang kapayapaan at katuwiran. (2 Pedro 3:13) Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong umaasa kay Jehova ang magmamay-ari sa lupa. Ngunit ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:9, 11.
Sa buong lupa ngayon, di-mabilang na milyun-milyon ang nananabik sa isang daigdig na walang digmaan. Ipinakikita na tiyak na tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangako na lumikha ng gayong daigdig, malaon nang isinulat ng isang propeta ng Diyos: “Ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa pagkatapos, at hindi magbubulaan. Bagaman nagluluwat, ay patuloy na hintayin mo; sapagkat walang pagsalang darating. Hindi magtatagal.”—Habacuc 2:3.
Matalino, kung gayon, na ilagak ang iyong tiwala sa Diyos at tamasahin ang katuparan ng kaniyang pangako: “Ang Diyos mismo ay [sasakaniyang bayan]. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 9, 10]
Ang Ipinapangako ng Bibliya sa Bagong Sanlibutang Iyon:
Walang Krimen, Karahasan, o Kabalakyutan
“Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Awit 46:9.
“Ang mga manggagawa mismo ng kasamaan ay lilipulin . . . At sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.”—Awit 37:9,10.
Lahat ng Tao ay Mapayapa
“Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7.
Paraiso ang Buong Lupa
Sinabi ni Jesus: “Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:43.
“Ang matuwid mismo ay magmamay-ari sa lupa, at sila’y tatahan doon magpakailanman.”—Awit 37:29.
Isang Maibiging Pandaigdig na Kapatiran
“Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” —Gawa 10:34, 35.
Pagkabuhay-muli ng Patay na mga Minamahal
“Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas.”—Juan 5:28, 29.
Wala Nang Sakit, Pagtanda, o Kamatayan
“Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.