Ikalabingwalong Kabanata
Mga Leksiyon Hinggil sa Kawalan ng Katapatan
1. Ano kaya ang kalagayan sa loob ng isang sinaunang lunsod na kinukubkob?
GUNIGUNIHIN ang kalagayan kung ikaw ay nasa isang sinaunang lunsod na kinukubkob. Nasa labas ng mga pader ang kaaway—malakas at walang-habag. Nababatid mo na bumagsak na sa kaniya ang iba pang mga lunsod. Ngayo’y determinado siyang kubkubin at looban ang inyong lunsod at gahasain at patayin ang mga mamamayan nito. Ang mga hukbo ng kaaway ay lubhang makapangyarihan para sila’y tuwirang harapin sa labanan; umaasa ka na lamang na sana’y makayanan silang hadlangan ng mga pader ng lunsod. Habang dumudungaw ka sa ibabaw ng mga pader, nakikita mo ang mga toreng pangubkob na dala ng kaaway. Mayroon din silang mga kasangkapan sa pangungubkob na nakapaghahagis ng malalaking bato na dudurog sa iyong depensa. Nakikita mo rin ang kanilang malalaking trosong pambundol ng mga pader at ang kanilang mga hagdang pang-akyat, ang kanilang mga mámamanà at mga karo, ang kanilang napakalaking pulutong ng mga sundalo. Anong kasindak-sindak na tanawin!
2. Kailan nangyari ang pangungubkob na inilarawan sa Isaias kabanata 22?
2 Sa Isaias kabanata 22, ating mababasa ang tungkol sa gayong uri ng pangungubkob—isang pangungubkob laban sa Jerusalem. Kailan ito nangyari? Mahirap tukuyin ang anumang pangungubkob na doo’y naganap ang lahat ng binanggit na pangyayari. Maliwanag, mauunawaang mabuti ang hula bilang isang pangkalahatang paglalarawan ng iba’t ibang pangungubkob na mangyayari sa Jerusalem, isang pangkalahatang babala ng mangyayari sa hinaharap.
3. Paano tumutugon ang mga tumatahan sa Jerusalem sa pangungubkob na inilarawan ni Isaias?
3 Sa harap ng pangungubkob na inilarawan ni Isaias, ano ang ginagawa ng mga tumatahan sa Jerusalem? Bilang tipang bayan ng Diyos, sila ba’y nananawagan kay Jehova upang iligtas sila? Hindi, sila’y nagpapamalas ng isang napakamangmang na saloobin, gaya ng masusumpungan ngayon sa maraming nag-aangking sumasamba sa Diyos.
Isang Lunsod na Kinukubkob
4. (a) Ano ang “libis ng pangitain,” at bakit ito nagkaroon ng ganitong pangalan? (b) Ano ang espirituwal na kalagayan ng mga tumatahan sa Jerusalem?
4 Sa kabanata 21 ng Isaias, bawat isa sa tatlong mensahe ng kahatulan ay ipinakikilala sa pananalitang “Ang kapahayagan.” (Isaias 21:1, 11, 13) Ang Isa kabanata 22 ay nagsisimula sa gayunding paraan: “Ang kapahayagan tungkol sa libis ng pangitain: Ano nga ba ang nangyayari sa iyo anupat sumampa ka sa kabuuan sa mga bubong?” (Isaias 22:1) Ang “libis ng pangitain” ay tumutukoy sa Jerusalem. Ang lunsod ay tinatawag na libis sapagkat bagaman ito’y mataas, napalilibutan ito ng mas matataas na bundok. Ito’y iniugnay sa “pangitain” sapagkat maraming pangitain at mga kapahayagan mula sa Diyos ang ibinigay doon. Dahil dito, ang mga tumatahan sa lunsod ay dapat sanang makinig sa mga salita ni Jehova. Sa halip, kanilang ipinagwalang-bahala siya at lumihis tungo sa huwad na pagsamba. Ang kaaway na kumukubkob sa lunsod ay isang instrumento sa paghatol ng Diyos laban sa kaniyang suwail na bayan.—Deuteronomio 28:45, 49, 50, 52.
5. Bakit kaya sumampa ang mga tao sa kanilang bubungan?
5 Pansinin na ang mga tumatahan sa Jerusalem ay ‘sumampa sa kabuuan sa mga bubong’ ng kanilang mga bahay. Noong sinaunang panahon, ang bubungan ng mga tahanan ng mga Israelita ay patag at ang mga pamilya ay kadalasang nagtitipon doon. Hindi sinabi ni Isaias kung bakit nila ginawa iyon sa pagkakataong ito, gayunman ang kaniyang mga salita ay nagpapahiwatig ng di-pagsang-ayon. Kung gayon, malamang na sila’y nagtungo sa bubungan upang dumulog sa kanilang huwad na mga diyos. Ito ang kanilang kaugalian noong mga taon bago dumating ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.—Jeremias 19:13; Zefanias 1:5.
6. (a) Anong mga kalagayan ang umiiral sa loob ng Jerusalem? (b) Bakit ang iba ay nagsasaya, subalit ano ang mangyayari sa hinaharap?
6 Si Isaias ay nagpapatuloy: “Puspos ka ng kabagabagan, isang maingay na lunsod, isang nagbubunying bayan. Ang mga napatay sa iyo ay hindi yaong mga napatay ng tabak, ni yaong mga namatay sa pakikipagbaka.” (Isaias 22:2) Pulu-pulutong ang nagkalipumpon sa lunsod, at ito’y nasa kaguluhan. Ang mga tao sa lansangan ay nagkakaingay at nahihintakutan. Gayunman, ang ilan ay nagsasaya, marahil ay dahil sa pag-aakalang sila’y ligtas o kaya’y naniniwalang mawawala kaagad ang panganib.a Subalit, ang pagsasaya sa panahong ito ay kamangmangan. Marami sa lunsod ay mamamatay sa mas malupit pang paraan kaysa sa talim ng tabak. Ang isang lunsod na kinukubkob ay hindi na makakukuha ng pagkain mula sa labas. Mauubos ang mga nakaimbak sa lunsod. Ang gutóm na mga tao at ang pagsisiksikan ay nagiging sanhi ng epidemya. Marami sa Jerusalem kung gayon ang mamamatay sa pamamagitan ng taggutom at salot. Ito’y nangyari kapuwa noong 607 B.C.E. at noong 70 C.E.—2 Hari 25:3; Panaghoy 4:9, 10.b
7. Ano ang ginawa ng mga tagapamahala sa Jerusalem sa panahon ng pangungubkob, at ano ang nangyari sa kanila?
7 Sa ganitong krisis, anong klase ng pangunguna ang ginagawa ng mga tagapamahala sa Jerusalem? Si Isaias ay sumasagot: “Ang lahat ng iyong mga diktador ay tumanan nang minsanan. Walang kinailangang busog nang sila ay kuning bilanggo. Lahat niyaong sa iyo na nasumpungan ay magkakasamang kinuhang bilanggo. Tumakas sila sa malayo.” (Isaias 22:3) Ang mga tagapamahala at ang makapangyarihang mga lalaki ay nagsitakas at pagkatapos ay nahuli! Kahit na walang isa mang busog ang hinutok laban sa kanila, sila ay nahuli at nadalang bilanggo. Ito’y nangyari noong 607 B.C.E. Pagkatapos na mabutasan ang pader ng Jerusalem, si Haring Zedekias ay tumakas sa kinagabihan kasama ng kaniyang makapangyarihang mga lalaki. Nalaman ito ng mga kaaway, hinabol sila, at inabutan sila sa mga kapatagan ng Jerico. Nagsipangalat ang makapangyarihang mga lalaki. Si Zedekias ay sinunggaban, binulag, tinanikalaan ng tanso ang mga paa, at kinaladkad sa Babilonya. (2 Hari 25:2-7) Anong lungkot na pangyayari dahil sa kaniyang pagiging di-tapat!
Nabagabag Dahil sa Kalamidad
8. (a) Paano tumugon si Isaias sa hula hinggil sa mangyayaring kalamidad sa Jerusalem? (b) Ano ang magiging tanawin sa Jerusalem?
8 Ang hulang ito ay lubos na ikinalungkot ni Isaias. Sinabi niya: “Huwag na ninyo akong titigan. Ako ay magpapakita ng kapaitan sa pagtangis. Huwag kayong magpumilit na aliwin ako dahil sa pananamsam sa anak na babae ng aking bayan.” (Isaias 22:4) Nagdalamhati si Isaias dahil sa inihulang kahihinatnan ng Moab at ng Babilonya. (Isaias 16:11; 21:3) Ngayon ang kaniyang pagkabagabag at panaghoy ay lalo pang tumindi habang kaniyang binubulay-bulay ang sasapit na kapahamakan sa sarili niyang bayan. Hindi na siya maaliw pa. Bakit? “Sapagkat iyon ay araw ng kalituhan at ng pagyurak at ng panlilito ng Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, sa libis ng pangitain. Naroon ang tagapagbuwag ng pader, at ang sigaw sa bundok.” (Isaias 22:5) Ang Jerusalem ay mapupuno ng malaking kalituhan. Ang mga tao ay magpapagala-gala na lamang dahil sa takot, na hindi malaman kung ano ang gagawin. Habang ang kaaway ay lumulusot na sa mga pader ng lunsod, magkakaroon ng “sigaw sa bundok.” Ito ba’y nangangahulugan na ang mga tumatahan sa lunsod ay sisigaw sa Diyos sa kaniyang banal na templo sa Bundok Moria? Marahil. Gayunman, dahil sa kanilang pagiging di-tapat, malamang na ito’y nangangahulugan lamang na ang kanilang mga sigaw ng pangingilabot ay aalingawngaw sa nakapalibot na mga bundok.
9. Ilarawan ang hukbong nagbabanta sa Jerusalem.
9 Anong uri ng kaaway ang nagbabanta sa Jerusalem? Sinasabi sa atin ni Isaias: “Kinuha ng Elam ang talanga, sa pandigmang karo ng makalupang tao, na may mga kabayong pandigma; at inilantad ng Kir ang kalasag.” (Isaias 22:6) Ang mga kaaway ay nasasandatahang lubos. Sila’y may mga mámamanà na ang mga talanga ay puno ng mga palaso. Inihahanda ng mga mandirigma ang kanilang mga kalasag para sa pakikipagbaka. Naroroon ang mga karo at mga kabayong sinanay sa digmaan. Kasama sa hukbo ang mga sundalo mula sa Elam, na nasa hilaga ng tinatawag sa ngayon na Gulpo ng Persia, at mula sa Kir, na marahil ay naroon sa malapit sa Elam. Ang pagbanggit sa mga lupaing iyon ay nagpapakitang napakalayo ng pinagmulan ng mga mánanalakay. Ito’y nagpapakita rin na ang mga mámamanàng Elamita ay posibleng nakasama sa hukbong nagbabanta sa Jerusalem noong kaarawan ni Hezekias.
Mga Pagtatangkang Magtanggol
10. Anong pangyayari ang nagbabadya ng lagim para sa lunsod?
10 Inilalarawan ni Isaias ang nagaganap na situwasyon: “Mangyayari nga na ang pinakapili sa iyong mabababang kapatagan ay magiging punô ng mga karong pandigma, at ang mismong mga kabayong pandigma ay walang pagsalang lalagay sa may pintuang-daan, at aalisin ng isa ang pantabing ng Juda.” (Isaias 22:7, 8a) Dumagsa ang mga karo at mga kabayo sa kapatagan sa labas ng lunsod ng Jerusalem at sila’y pumuwesto upang salakayin ang mga pintuang-daan ng lunsod. Ano ang inalis na “pantabing ng Juda”? Malamang, ito’y isang pintuang-daan ng lunsod, na ang pagbagsak ay nagbabadya ng lagim para sa mga tagapagtanggol nito.c Kapag naalis ang nagsasanggalang na pantabing na ito, ang lunsod ay malalantad sa mga mánanalakay nito.
11, 12. Anong hakbangin ng pagtatanggol ang ginawa ng mga tumatahan sa Jerusalem?
11 Nagtuon ngayon ng pansin si Isaias sa mga pagtatangka ng bayan na ipagtanggol ang kanilang sarili. Ang una nilang iniisip—mga sandata! “Sa araw na iyon ay titingin ka tungo sa taguan ng mga armas ng bahay ng kagubatan, at tiyak na makikita ninyo ang mismong mga sira ng Lunsod ni David, sapagkat magiging marami nga. At titipunin ninyo ang tubig ng mababang tipunang-tubig.” (Isaias 22:8b, 9) Ang mga sandata ay nakaimbak sa taguan ng mga armas ng bahay ng kagubatan. Ang taguan ng mga armas na ito ay ipinagawa ni Solomon. Yamang ang ginamit sa pagtatayo nito ay mga sedro ng Lebanon, ito’y nakilala bilang ang “Bahay ng Kagubatan ng Lebanon.” (1 Hari 7:2-5) Ang mga butas sa pader ay sinuri. Ang tubig ay tinipon—isang mahalagang paraan ng pagtatanggol. Kailangan ng tao ang tubig upang mabuhay. Kung wala nito, hindi makatatayo ang isang lunsod. Gayunman, pansinin na hindi sinabi na sila’y umasa kay Jehova ukol sa kaligtasan. Sa halip, sila’y nanalig sa kanilang sariling mga kakayahan. Huwag sana tayong magkamali ng gayon kailanman!—Awit 127:1.
12 Ano ang magagawa sa gayong mga butas sa pader ng lunsod? “Ang mga bahay sa Jerusalem ay bibilangin nga ninyo. Gigibain din ninyo ang mga bahay upang hindi maabot ang pader.” (Isaias 22:10) Ang mga bahay ay sinusuri upang makita kung alin sa mga ito ang maaaring gibain para gamiting materyales sa pagkukumpuni ng mga butas. Ito’y isang pagsisikap upang mahadlangan ang kaaway sa pagkakaroon ng lubos na kontrol sa mga pader.
Isang Bayang Walang Pananampalataya
13. Paano sinikap ng mga tao na tiyakin ang suplay ng tubig, subalit sino ang kanilang nakalimutan?
13 “Magkakaroon ng sahuran na gagawin ninyo sa pagitan ng dalawang pader para sa tubig ng lumang tipunang-tubig. At hindi nga kayo titingin sa Dakilang Maylikha nito, at ang nag-anyo nito noong matagal nang panahon ay hindi nga ninyo makikita.” (Isaias 22:11) Ang mga pagsisikap na magtipon ng tubig, na inilarawan kapuwa dito at sa Isa 22 talatang 9, ay nagpapagunita sa atin sa ginawa ni Haring Hezekias upang ipagsanggalang ang lunsod laban sa sumasalakay na mga Asiryano. (2 Cronica 32:2-5) Gayunman, ang mga tao sa lunsod sa hulang ito ni Isaias ay ganap na walang pananampalataya. Habang sila’y gumagawa para ipagtanggol ang lunsod, hindi nila isinaalang-alang ang Maylalang, di-tulad ni Hezekias.
14. Sa kabila ng babalang mensahe ni Jehova, anong mangmang na saloobin ang taglay ng bayan?
14 Si Isaias ay nagpapatuloy: “Ang Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ay tatawag sa araw na iyon ukol sa pagtangis at ukol sa pagdadalamhati at ukol sa pagkakalbo at ukol sa pagbibigkis ng telang-sako. Ngunit, narito! pagbubunyi at pagsasaya, ang pagpatay ng mga baka at ang pagkatay ng mga tupa, ang pagkain ng karne at ang pag-inom ng alak, ‘Magkaroon ng kainan at inuman, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.’” (Isaias 22:12, 13) Ang mga tumatahan sa Jerusalem ay hindi nagpakita ng pagsisisi sa kanilang paghihimagsik laban kay Jehova. Sila’y hindi tumangis, nagpaputol ng kanilang buhok, o nagsuot ng telang-sako bilang tanda ng pagsisisi. Kung kanilang ginawa sana ang mga ito, malamang na ililigtas sila ni Jehova mula sa dumarating na mga kalagiman. Sa halip, sila’y bumaling sa kasiyahan ng laman. Ganito ring saloobin ang umiiral sa ngayon sa maraming hindi sumasampalataya sa Diyos. Dahil sa wala silang pag-asa—alinman sa pagkabuhay-muli mula sa mga patay o buhay sa Paraisong lupa sa hinaharap—kanilang itinataguyod ang buhay ng pagpapasasa sa sariling kasiyahan sa pagsasabing: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” (1 Corinto 15:32) Anong kitid na pangmalas! Kung maglalagak sana sila ng kanilang tiwala kay Jehova, sila’y magkakaroon ng namamalaging pag-asa!—Awit 4:6-8; Kawikaan 1:33.
15. (a) Ano ang mensahe ng kahatulan ni Jehova laban sa Jerusalem, at sino ang magsasakatuparan ng kaniyang mga kahatulan? (b) Bakit daranasin ng Sangkakristiyanuhan ang isang kahihinatnang kagaya ng sinapit ng Jerusalem?
15 Ang kinukubkob na mga tumatahan sa Jerusalem ay hindi makakikilala ng katiwasayan. Si Isaias ay nagsasabi: “Sa aking pandinig ay inihayag ni Jehova ng mga hukbo ang kaniyang sarili: ‘“Ang kamaliang ito ay hindi ipagbabayad-sala para sa inyo hanggang sa mamatay kayo,” ang sabi ng Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo.’” (Isaias 22:14) Dahil sa katigasan ng puso ng bayan, hindi magkakaroon ng kapatawaran. Walang pagsala, darating ang kamatayan. Ito’y isang katiyakan. Ang Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ang nagsabi nito. Bilang katuparan ng makahulang mga salita ni Isaias, dalawang ulit na dumating ang kalamidad sa di-tapat na Jerusalem. Ito’y winasak ng mga hukbo ng Babilonya at nang malaunan ay niyaong sa Roma. Gayundin naman, ang kalamidad ay sasapit sa di-tapat na Sangkakristiyanuhan, na ang mga miyembro nito ay nag-aangking sumasamba sa Diyos subalit ang totoo’y nagtatakwil sa kaniya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. (Tito 1:16) Ang mga kasalanan ng Sangkakristiyanuhan, lakip na yaong sa iba pang mga relihiyon sa daigdig na humahamak sa matutuwid na daan ng Diyos, ay “nagkapatung-patong hanggang sa langit.” Gaya ng kamalian ng apostatang Jerusalem, ang kanilang kamalian ay lubha nang malaki upang maipagbayad-sala pa.—Apocalipsis 18:5, 8, 21.
Isang Sakim na Katiwala
16, 17. (a) Sino ngayon ang tumatanggap ng isang babalang mensahe mula kay Jehova, at bakit? (b) Dahil sa kaniyang matatayog na pangarap, ano ang mangyayari kay Sebna?
16 Ibinaling ngayon ng propeta ang kaniyang pansin mula sa di-tapat na bayan tungo sa isang di-tapat na indibiduwal. Si Isaias ay sumulat: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo: ‘Yumaon ka, pasukin mo ang katiwalang ito, si Sebna, na namamahala sa bahay, “Ano ang karapatan mo rito, at kanino ka may karapatan dito, anupat umuka ka rito ng dakong libingan sa ganang iyo?” Sa mataas na dako ay umuuka siya ng kaniyang dakong libingan; sa isang malaking bato ay umuukit siya ng tahanan sa ganang kaniya.’”—Isaias 22:15, 16.
17 Si Sebna ay ‘katiwala ng bahay,’ marahil ay ng bahay ni Haring Hezekias. Sa gayong kalagayan, siya’y may maimpluwensiyang posisyon, na ikalawa lamang sa hari. Malaki ang inaasahan sa kaniya. (1 Corinto 4:2) Subalit, sa halip na bigyan niya ng pangunahing pansin ang kapakanan ng bansa, itinaguyod ni Sebna ang kaniyang sariling kaluwalhatian. Siya’y nagpagawa ng isang maluhong nitso—katulad ng sa isang hari—na iniukit para sa kaniya sa kaitaasan ng isang malaking bato. Sa pagkakita nito, si Isaias ay kinasihan ni Jehova upang babalaan ang di-tapat na katiwala: “Narito! Ibabagsak ka ni Jehova na may marahas na pagbabagsak, O matipunong lalaki, at susunggaban ka nang buong lakas. Walang pagsalang ibabalot ka niya nang mahigpit, na gaya ng bola para sa maluwang na lupain. Doon ka mamamatay, at doon magiging kasiraang-puri ng sambahayan ng iyong panginoon ang mga karo ng iyong kaluwalhatian. At itataboy kita mula sa iyong kinalalagyan; at mula sa iyong opisyal na katayuan ay may magbabagsak sa iyo.” (Isaias 22:17-19) Dahil sa kaniyang pagkamakasarili, si Sebna ay hindi magkakaroon ng kahit isang karaniwang nitso sa Jerusalem. Sa halip, siya’y ihahagis gaya ng isang bola, upang mamatay sa isang malayong lupain. Dito’y may babala para sa lahat ng mga pinagkatiwalaan ng awtoridad sa gitna ng bayan ng Diyos. Ang pag-abuso sa kapangyarihan ay hahantong sa pagkawala ng awtoridad na iyon at malamang ay sa lubos na pagkatakwil.
18. Sino ang papalit kay Sebna, at ano ang kahulugan ng pagtanggap ng isang ito ng opisyal na mga kasuutan ni Sebna at ng susi ng sambahayan ni David?
18 Subalit paano maaalis si Sebna sa kaniyang tungkulin? Sa pamamagitan ni Isaias, si Jehova ay nagpapaliwanag: “Mangyayari nga na sa araw na iyon ay tatawagin ko ang aking lingkod, na si Eliakim na anak ni Hilkias. At daramtan ko siya ng iyong mahabang damit, at ang iyong paha ay ibibigkis ko nang mahigpit sa kaniya, at ang iyong pamunuan ay ibibigay ko sa kaniyang kamay; at siya ay magiging ama ng tumatahan sa Jerusalem at ng sambahayan ni Juda. At iaatang ko ang susi ng sambahayan ni David sa kaniyang balikat, at siya ay magbubukas na hindi isasara ninuman, at siya ay magsasara na hindi bubuksan ninuman.” (Isaias 22:20-22) Bilang kapalit ni Sebna, si Eliakim ay bibigyan ng opisyal na mga kasuutan ng katiwala lakip na ng susi sa sambahayan ni David. Ang Bibliya ay gumagamit ng terminong “susi” bilang sagisag ng awtoridad, pamahalaan, o kapangyarihan. (Ihambing ang Mateo 16:19.) Noong sinaunang panahon, ang isang tagapayo ng hari, na pinagkatiwalaan ng mga susi, ay maaaring magkaroon ng pangkalahatang superbisyon sa mga maharlikang silid at makapipili pa nga ng mga kandidato para sa paglilingkuran sa hari. (Ihambing ang Apocalipsis 3:7, 8.) Kaya, ang tungkulin ng katiwala ay mahalaga, at malaki ang inaasahan sa sinumang naglilingkod dito. (Lucas 12:48) Maaaring may kakayahan nga si Sebna, subalit dahil sa siya’y di-tapat, papalitan siya ni Jehova.
Dalawang Makasagisag na Tulos
19, 20. (a) Paanong si Eliakim ay magiging isang pagpapala sa kaniyang bayan? (b) Ano ang mangyayari sa mga patuloy na umaasa kay Sebna?
19 Sa wakas, si Jehova ay gumamit ng makasagisag na pananalita upang ilarawan ang paglilipat ng kapangyarihan mula kay Sebna tungo kay Eliakim. Kaniyang sinabi: “‘Ibabaon ko siyang [si Eliakim] gaya ng tulos sa isang dakong namamalagi, at siya ay magiging gaya ng trono ng kaluwalhatian sa sambahayan ng kaniyang ama. At isasabit nila sa kaniya ang buong kaluwalhatian ng sambahayan ng kaniyang ama, ang mga inapo at ang mga supling, ang lahat ng maliliit na uri ng sisidlan, ang mga sisidlan na hugis-mangkok at gayundin ang lahat ng mga sisidlan na malalaking banga. Sa araw na iyon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘ang tulos [si Sebna] na nakabaon sa isang dakong namamalagi ay aalisin, at ito ay tutungkabin at malalaglag, at ang pasan na nakabitin dito ay mahihiwalay, sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito.’”—Isaias 22:23-25.
20 Sa mga talatang ito ang unang tulos ay si Eliakim. Siya’y magiging isang “trono ng kaluwalhatian” sa sambahayan ng kaniyang ama, si Hilkias. Di-tulad ni Sebna, hindi niya dudulutan ng kasiraang-puri ang sambahayan o reputasyon ng kaniyang ama. Si Eliakim ay magiging isang namamalaging suhay sa mga sisidlan sa sambahayan, alalaong baga, sa iba pa na nasa paglilingkuran sa hari. (2 Timoteo 2:20, 21) Kabaligtaran nito, ang ikalawang tulos ay tumutukoy kay Sebna. Bagaman siya’y waring tiwasay, siya’y aalisin. Ang sinumang umaasa pa sa kaniya ay babagsak.
21. Sa makabagong panahon, sino, gaya ni Sebna, ang pinalitan, bakit, at pinalitan nino?
21 Ang naging karanasan ni Sebna ay nagpapaalaala sa atin na sa gitna ng mga nag-aangking sumasamba sa Diyos, yaong mga tumatanggap ng mga pribilehiyo ng paglilingkod ay dapat gamitin ang mga iyon upang paglingkuran ang iba at dulutan ng kapurihan si Jehova. Sila’y hindi dapat mag-abuso sa kanilang katungkulan upang magpayaman sa sarili o magtamo ng personal na katanyagan. Halimbawa, matagal nang itinanghal ng Sangkakristiyanuhan ang kaniyang sarili bilang inatasang katiwala, ang makalupang kinatawan ni Jesu-Kristo. Gayunman, kung paano si Sebna ay nagdulot ng kasiraang-puri sa kaniyang ama sa pamamagitan ng paghanap ng sariling kaluwalhatian, ang mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan ay nagdulot ng kasiraang-puri sa Maylalang sa pamamagitan ng pagkakamal ng mga kayamanan at kapangyarihan para sa kanilang sarili. Kaya, nang sumapit ang panahon “upang ang paghatol ay pasimulan sa bahay ng Diyos” noong 1918, inalis ni Jehova ang Sangkakristiyanuhan. Isa pang katiwala ang nakilala—“ang tapat na katiwala, ang isa na maingat”—at inatasan sa makalupang sambahayan ni Jesus. (1 Pedro 4:17; Lucas 12:42-44) Ipinakikita ng kabuuang uring ito ang pagiging karapat-dapat nito na atangan ng maharlikang “susi” ng sambahayan ni David. Tulad ng mapagkakatiwalaang “tulos,” ito’y napatunayang isang maaasahang suhay para sa lahat ng iba’t ibang “mga sisidlan,” ang pinahirang mga Kristiyano na may iba’t ibang pananagutan na umaasa rito para sa espirituwal na pagkain. Ang “ibang mga tupa” rin naman, tulad ng ‘naninirahang dayuhan sa loob ng mga pintuang-daan’ ng sinaunang Jerusalem, ay umaasa sa “tulos” na ito, ang makabagong-panahong Eliakim.—Juan 10:16; Deuteronomio 5:14.
22. (a) Bakit napapanahon ang pagpapalit kay Sebna bilang katiwala? (b) Sa makabagong panahon, bakit napapanahon ang pag-aatas sa “tapat na katiwala, ang isa na maingat”?
22 Pinalitan ni Eliakim si Sebna noong pinagbabantaan ni Senakerib at ng kaniyang mga pulutong ang Jerusalem. Sa katulad na paraan, “ang tapat na katiwala, ang isa na maingat,” ay inatasan upang maglingkod sa panahon ng kawakasan, na magtatapos kapag si Satanas at ang kaniyang hukbo ay gumawa ng pangwakas na pagsalakay na iyan sa “Israel ng Diyos” at sa kanilang mga kasamahan na ibang tupa. (Galacia 6:16) Gaya noong kaarawan ni Hezekias, ang pagsalakay ay magwawakas sa pagkapuksa ng mga kaaway ng katuwiran. Yaong mga sumasandig sa “tulos sa isang dakong namamalagi,” ang tapat na katiwala, ay makaliligtas, kung paanong ang tapat na mga tumatahan sa Jerusalem ay nakaligtas sa pananalakay ng Asirya sa Juda. Isang katalinuhan nga, kung gayon, na huwag mangunyapit sa napabulaanang “tulos” ng Sangkakristiyanuhan!
23. Ano sa wakas ang nangyari kay Sebna, at ano ang matututuhan natin mula rito?
23 Ano ang nangyari kay Sebna? Wala tayong ulat kung paanong ang hula tungkol sa kaniya, na nakatala sa Isaias 22:18, ay natupad. Nang dakilain niya ang kaniyang sarili at pagkatapos ay napahiya, siya’y nakatulad ng Sangkakristiyanuhan, subalit malamang na siya’y natuto mula sa disiplina. Sa bagay na ito, siya’y ibang-ibang sa Sangkakristiyanuhan. Nang ipag-utos ng Asiryanong si Rabsases na sumuko ang Jerusalem, ang bagong katiwala ni Hezekias, si Eliakim, ang nanguna sa delegasyon na lumabas upang salubungin siya. Gayunman, si Sebna ay nasa tabi niya bilang kalihim ng hari. Maliwanag, si Sebna ay naglilingkod pa rin sa hari. (Isaias 36:2, 22) Anong inam na leksiyon para roon sa mga nawalan ng posisyon ng paglilingkod sa organisasyon ng Diyos! Sa halip na makadama ng kapaitan at sama-ng-loob, katalinuhan para sa kanila na patuloy na maglingkod kay Jehova sa anumang kapasidad na ipinahihintulot niya. (Hebreo 12:6) Sa paggawa nito, maiiwasan nila ang kapahamakang sasapit sa Sangkakristiyanuhan. Kanilang tatamasahin ang paglingap at pagpapala ng Diyos nang walang hanggan.
[Mga talababa]
a Noong 66 C.E., maraming Judio ang nagsaya nang umurong ang mga hukbong Romano na kumukubkob sa Jerusalem.
b Ayon sa unang-siglong istoryador na si Josephus, noong 70 C.E., napakatindi ng taggutom sa Jerusalem anupat ang mga tao ay kumain ng katad, damo, at dayami. Sa isang iniulat na pangyayari, inihaw at kinain ng isang ina ang kaniyang sariling anak na lalaki.
c Sa kabilang panig naman, “ang pantabing ng Juda” ay maaaring tumukoy sa iba pang bagay na nagsasanggalang sa lunsod, tulad ng mga tanggulan kung saan nakaimbak ang mga sandata at nakahimpil ang mga sundalo.
[Larawan sa pahina 231]
Nang si Zedekias ay tumakas, siya’y nahuli at binulag
[Larawan sa pahina 232, 233]
Ang kinabukasan ay madilim para sa mga Judio na nakulong sa Jerusalem
[Larawan sa pahina 239]
Si Eliakim ay ginawa ni Hezekias na isang “tulos sa isang dakong namamalagi”
[Larawan sa pahina 241]
Gaya ni Sebna, marami sa mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan ang nagdulot ng kasiraang-puri sa Maylalang sa pamamagitan ng pagkakamal ng mga kayamanan
[Mga larawan sa pahina 242]
Sa makabagong panahon isang tapat na uring katiwala ang inatasan sa sambahayan ni Jesus