Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso
Nang narito si Jesus sa lupa, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod na idalanging dumating na sana ang Kaharian ng Diyos: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Laging binabanggit din niya ang tungkol sa “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 4:23) Oo, higit ang binanggit niya tungkol sa Kaharian kaysa anupaman. Bakit? Sapagkat ang Kaharian ang gagamitin ng Diyos upang lutasin ang mga problema na lubhang nagpapahirap sa buhay ngayon. Sa pamamagitan ng Kaharian, malapit nang tapusin ng Diyos ang lahat ng digmaan, gutom, sakit, at krimen, at kaniyang pangyayarihin ang pagkakaisa at kapayapaan.
Ibig mo bang mabuhay sa ganiyang daigdig? Kung gayon, basahin mo ang pulyetong ito. Dito’y malalaman mo na ang Kaharian ay isang pamahalaan, subalit mas mabuti kaysa ano mang pamahalaan na nagpuno sa tao. Malalaman mo rin kung paano baytang-baytang na ipinaliwanag ng Diyos sa kaniyang mga lingkod ang mga layunin niya tungkol sa Kaharian. At, makikita mo kung paano matutulungan ka ng Kaharian kahit na ngayon pa.
Oo, maaari kang maging sakop ng Kaharian ng Diyos ngayon din. Ngunit bago mo magawa ito, marami pa ang dapat mong maalaman. Kayat ipakisuri mo ang pulyetong ito. Kuha sa Bibliya ang lahat ng sinasabi nito tungkol sa Kaharian.
Unang-una, tingnan natin kung bakit totoong kailangan natin ang Kaharian ng Diyos.
Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, sakdal ang pagkagawa ng Diyos sa tao at siya’y inilagay sa isang paraiso. Noon ay hindi pa kinakailangan ang Kaharian.
Subalit, ang ating unang magulang, sina Adan at Eva, ay nakinig kay Satanas, na isang anghel na naghimagsik. Mga kabulaanan ang kaniyang sinabi sa kanila tungkol sa Diyos at hinila rin sila na maghimagsik sa Diyos. Kayat sila’y nararapat mamatay, sapagkat “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.”—Roma 6:23.
Ang di-sakdal at makasalanang tao ay hindi makapag-aanak ng sakdal. Kayat lahat ng anak ni Adan ay mga di-sakdal, makasalanan, at namamatay.—Roma 5:12.
Mula noon, kinailangan na ng mga tao ang Kaharian ng Diyos upang sila’y tulungan na makalaya buhat sa kasalanan at kamatayan. Ang Kaharian ang mag-aalis din ng mga kabulaanan na ibinunton ni Satanas sa pangalan ng Diyos.
Ang Diyos na Jehova ay nangako ng isang pantanging “binhi” (o supling) na isisilang upang magligtas sa sangkatauhan sa kasalanan. (Genesis 3:15) Ang ‘binhing’ ito ang magiging Hari ng Kaharian ng Diyos.
Sino kaya iyon?
Nakalipas ang mga 2,000 taon pagkatapos magkasala si Adan, may taong nabuhay na ang pangala’y Abraham at totoong malaki ang kaniyang pananampalataya. Sinabihan ni Jehova si Abraham na umalis sa kaniyang sariling lunsod at mamuhay sa mga tolda sa lupain ng Palestina.
Ginawang lahat ni Abraham ang ipinagawa sa kaniya ni Jehova, kasali na ang isang napakahirap na gawin. Sinabi sa kaniya ni Jehova na ihandog na hain sa dambana ang kaniyang anak na si Isaac.
Hindi talaga gusto ni Jehova ang ganoong paghahandog ng hain na tao. Ngunit ibig niyang malaman kung gaanong kalaki ang pag-ibig sa kaniya ni Abraham. Sa aktong papatayin na ni Abraham si Isaac siya’y pinigil ni Jehova.
Dahilan sa malaking pananampalataya ni Abraham, ipinangako ni Jehova na ang lupain ng Palestina ay ibibigay sa kaniyang magiging mga anak at inapo at ang pangakong Binhi ay manggagaling sa kaniyang angkan, at angkan ng kaniyang anak na si Isaac.—Genesis 22:17, 18; 26:4, 5.
Si Isaac ay nagkaanak ng kambal, si Esau at si Jacob. Sinabi ni Jehova na sa angkan ni Jacob manggagaling ang Binhing pangako.—Genesis 28:13-15.
Si Jacob, na pinanganlan din ng Israel ni Jehova, ay may 12 anak na lalaki, na pawang nagkaanak din. Kayat dumami ang mga anak ni Abraham. —Genesis 46:8-27.
Nang may mahigpit na taggutom sa kanilang lugar, si Jacob at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa Ehipto nang anyayahan ni Faraon, ang hari ng Ehipto.—Genesis 45:16-20.
Sa Ehipto ay nahayag na ang Binhing pangako’y magiging inapo ng anak ni Jacob na si Juda.—Genesis 49:10.
Sa wakas si Jacob ay namatay, at dumami ang kaniyang mga supling hanggang sa sila’y gaya na ng isang bansa. Ang mga Ehipsiyo ay natakot kayat ginawa nila silang mga alipin.—Exodo 1:7-14.
Sa wakas sinugo ni Jehova si Moises, isang taong malaki ang pananampalataya, upang humarap kay Faraon at hilingin na palayain ang mga anak ni Israel.—Exodo 6:10, 11.
Tumanggi si Faraon, kayat si Jehova ay nagpasapit ng sampung salot sa mga Ehipsiyo. Bilang huling salot, kaniyang sinugo ang anghel ng kamatayan upang patayin ang lahat ng mga panganay na anak na lalaki ng Ehipto.—Exodo, kabanata 7 hanggang 12.
Sinabi ng Diyos sa mga Israelita na kung sila’y magpapatay ng kordero para kainin sa hapunan at ang dugo nito’y iwiwisik sa mga poste ng kanilang pintuan, ang kanilang mga bahay ay lalampasan ng anghel ng kamatayan. Kayat ang mga panganay ng mga Israelita ay nangaligtas.—Exodo 12:1-35.
Kaya naman iniutos ni Faraon na ang mga Israelita ay magsialis na sa Ehipto. Pero binago rin niya ang kaniyang isip at hinabol sila upang sila’y ibalik sa pagkaalipin.
Si Jehova ay nagbukas ng daan upang ang mga Israelita ay makatakas sa pamamagitan ng pagtawid sa Mapulang Dagat. At nang habulin sila ni Faraon at ng kaniyang mga kawal, ang mga nagsihabol na ito ay nangalunod.—Exodo 15:5-21.
Ang mga anak ni Israel ay inakay ni Jehova sa isang bundok sa disyerto na ang pangala’y Sinai. Doon ay ibinigay niya sa kanila ang kaniyang Kautusan at sinabi niyang kung kanilang susundin iyon, sila’y magiging isang kaharian ng mga saserdote at isang bansang banal. Kayat, sa kalaunan, ang mga Israelita ay may pagkakataon noon na maging mahalagang bahagi ng Kaharian ng Diyos.—Exodo 19:6; 24:3-8.
Mga isang taon na naroon sa Bundok Sinai ang mga Israelita, at pagkatapos ay inakay sila ni Jehova patungo sa Palestina, ang lupain na kaniyang ipinangako kay Abraham na kanilang ninuno.
Sa Palestina, sa wakas ay pinayagan ng Diyos na ang mga Israelita’y mapasa-ilalim ng mga hari. Noon, ang Diyos ay may kaharian sa lupa.
Ang ikalawang hari ng Israel ay si David, na inapo ni Juda. Dinaig ni David ang lahat ng kaaway ng Israel, at ang Jerusalem ay ginawa niyang kabiserang lunsod ng bansa.
Ipinakikita ng mga pangyayari noong naghahari si David na pagka suportado ni Jehova ang isang hari ay hindi ito madadaig ng sino mang hari sa lupa.
Sinabi ni Jehova na ang Binhing pangako ay isa sa mga inapo ni David.—1 Cronica 17:7, 11, 14.
Si Solomon, na anak ni David, ang humalili sa kaniya. Isa siyang matalinong hari, at umunlad ang Israel sa ilalim ng kaniyang paghahari.
Si Jehova’y ipinagtayo rin ni Solomon ng isang magandang templo sa Jerusalem. Ang mga kalagayan sa Israel noong naghahari si Solomon ay nagpapakita sa atin ng ilan sa mga pagpapala sa sangkatauhan ng darating na Kaharian ng Diyos.—1 Hari 4:24, 25.
Subalit, naging totoong masuwayin ang marami sa mga hari na humalili kay Solomon.
Nang ang mga inapo ni David ay naghahari pa sa Jerusalem, ang kaniyang propetang si Isaias ay pinanghula ni Jehova tungkol sa Anak ni David na maghahari sa buong lupa nang may kabutihan. Ito ang ipinangakong Binhi.—Isaias 9:6, 7.
Ang Kaniyang paghahari ay magiging lalong dakila kaysa kay Solomon ayon sa hula ni propeta Isaias.—Isaias, kabanata 11 at 65.
Ngayon, higit kaysa kailanman, nasasabik ang mga lingkod ng Diyos na malaman kung sino ang Binhi na ito.
Ngunit, bago dumating ang Binhi, ang mga hari ng Israel ay naging totoong napakasama kaya noong 607 B.C.E. ay pinayagan ni Jehova ang mga taga-Babilonya na sakupin ang bansa, at karamihan ng mga tao ay dinalang bihag sa Babilonya. Pero hindi nakakalimutan ng Diyos ang kaniyang pangako. Ang Binhi ay sa angkan pa rin ni David manggagaling.—Ezekiel 21:25-27.
Pinatutunayan ng nangyari sa Israel na bagaman ang isang matalino at tapat na haring tao ay nakapagdudulot ng kabutihan, ito’y limitado. Maging ang mga taong tapat ay namamatay at baka hindi kasingtapat ang mga kahalili nila. Ano ang lunas? Ang Binhing pangako.
Sa wakas, pagkaraan ng libu-libong taon ng paghihintay, dumating din ang Binhi. Sino iyon?
Isang anghel ng Diyos ang naghatid ng sagot sa isang dalagang Israelita na Maria ang pangalan. Kaniyang sinabi na ito’y magkakaanak ng lalaki na ang magiging pangalan ay Jesus. Ganito ang sabi ng anghel:
“Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya’y maghahari.”—Lucas 1:32, 33.
Si Jesus nga ang pinangakong Binhi at magiging Hari ng Kaharian ng Diyos. Ngunit bakit naiiba si Jesus sa tapat na mga taong nauna sa kaniya?
Si Jesus ay makahimalang isinilang. Ang kaniyang ina ay isang dalaga, at hindi isang tao ang ama niya. Dati nang nabubuhay si Jesus sa langit at sa pamamagitan ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, ang buhay ni Jesus sa langit ay inilipat sa bahaybata ni Maria. Kaya, hindi siya nagmana ng kasalanan kay Adan. Sa buong buhay niya, si Jesus ay hindi nagkasala.—1 Pedro 2:22.
Nang 30 anyos si Jesus, siya’y binautismuhan.
Siya’y nagbalita sa mga tao ng tungkol sa Kaharian ng Diyos at pagkatapos ay ipinakilala niya na siya ang Hari ng Kahariang iyon.—Mateo 4:23; 21:4-11.
Siya’y gumawa rin ng maraming himala.
Siya’y nagpagaling ng mga maysakit.—Mateo 9:35.
Makahimalang pinakain niya ang mga nagugutom.—Mateo 14:14-22.
Binuhay pa niya ang mga patay.—Juan 11:38-44.
Ipinakikita ng mga himalang ito kung ano ang gagawin ni Jesus para sa sangkatauhan pagka siya’y Hari na ng Kaharian ng Diyos.
Natatandaan mo ba kung paanong ang Jerusalem ay ginawa ni Haring David na kabiserang lunsod ng kaniyang kaharian? Ipinaliwanag ni Jesus na ang Kaharian ng Diyos ay hindi rito sa lupa, kundi sa langit. (Juan 18:36) Kaya ang Kaharian ay tinatawag na “Jerusalem sa kalangitan.”—Hebreo 12:22, 28.
Binanggit ni Jesus ang mga batas na dapat sundin ng mga ibig maging sakop ng Kaharian. Ang mga batas na ito ay nasa Bibliya na ngayon. Ang pinakamahalaga rito ay na dapat ibigin ng mga tao ang Diyos at sila’y mag-ibigan sa isa’t-isa.—Mateo 22:37-39.
Ibinunyag din ni Jesus na mayroon siyang mga kasama sa paghahari sa kaniyang Kaharian. May mga taong pipiliin upang magtungo sa langit at maghari roon na kasama niya. (Lucas 12:32; Juan 14:3) Ilan ito? Ang sagot ng Apocalipsis 14:1: 144,000.
Kung 144,000 lamang ang magtutungo sa langit upang magharing kasama ni Jesus, ano ang maaasahan ng mga hindi bahagi niyan?
Sinasabi ng Bibliya: “Ang matuwid ang magmamana ng lupa, at sila’y tatahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29.
Ang mga mabubuhay nang walang hanggan dito sa lupa ay tinatawag na “mga ibang tupa.”—Juan 10:16.
Samakatuwid ay may dalawang pag-asa. May 144,000 na inanyayahan ng Diyos na Jehova na magtungo sa langit upang magharing kasama ni Jesu-Kristo. Subalit milyun-milyong iba ang may tiyak na pag-asang mabuhay nang walang-hanggan sa lupa bilang mga sakop ng kaniyang Kaharian.—Apocalipsis 5:10.
Si Satanas ay napoot kay Jesus at sumalansang sa kaniya. Nang makapangaral na si Jesus nang tatlo at kalahating taon, pinangyari ni Satanas na ito’y maaresto at mapatay sa pamamagitan ng pagpapako sa kaniya sa isang tulos. Bakit pinayagan iyan ng Diyos?
Tandaan, dahilan sa mga inapo tayo ni Adan, lahat tayo’y nagkakasala at karapat-dapat mamatay.—Roma 6:23.
Tandaan, din, na dahilan sa kahima-himalang paraan ng pagkapanganak kay Jesus, siya’y sakdal at hindi karapat-dapat mamatay. Gayunman, pinayagan ng Diyos si Satanas na ‘sugatan si Jesus sa sakong,’ patayin siya. Subalit siya’y muling binuhay ng Diyos bilang isang walang-kamatayang espiritu. Yamang mayroon pa rin siyang karapatan sa sakdal na buhay-tao, magagamit na ngayon niya ito upang ang mga tao’y tubusin buhat sa kasalanan.—Genesis 3:15; Roma 5:12, 21; Mateo 20:28.
Upang tulungan tayo na lubusang maunawaan kung ano ang kahulugan ng inihandog na hain ni Jesus, ito’y ipinaliliwanag ng Bibliya sa pamamagitan ng mga hulang dula.
Halimbawa, natatandaan mo ba kung paano sinabihan ni Jehova si Abraham na ihandog na hain ang kaniyang anak, bilang pagsubok sa kaniyang pag-ibig?
Ito ay isang hulang dula ng paghahandog ni Jesus ng hain. Ipinakikita nito ang napakalaking pag-ibig ni Jehova sa tao kaya pinayagan niyang ang kaniyang Anak, na si Jesus, ay mamatay alang-alang sa atin upang tayo’y mabuhay.—Juan 3:16.
Natatandaan mo ba kung paano ang mga Israelita’y iniligtas ni Jehova sa Ehipto at ang kanilang mga panganay ay naligtas dahilan sa sila’y nilampasan ng anghel ng kamatayan?—Exodo 12:12, 13.
Ito’y isang hulang dula. Kung paanong ang dugo ng kordero ay nagligtas ng buhay ng mga panganay ng mga Israelita, ang itinigis na dugo ni Jesus ay nagliligtas din ng buhay ng mga sumasampalataya sa kaniya. At kung paano ang mga pangyayari nang gabing iyon ang nagbukas ng daan para sa paglaya ng mga Israelita, ang kamatayan ni Jesus ang nagbubukas ng daan para makalaya ang tao sa kasalanan at kamatayan.
Kaya si Jesus “ang Kordero ng Diyos na umaalis sa kasalanan ng sanlibutan.”—Juan 1:29.
Nang narito si Jesus sa lupa siya’y nagtipon ng mga alagad at sinanay sila na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian, kahit pagkatapos ng kaniyang kamatayan.—Mateo 10:5; Lucas 10:1.
Ito ang mga tao na unang pinili ng Diyos upang magharing kasama ni Jesus sa kaniyang Kaharian.—Lucas 12:32.
Natatandaan mo ba ang pangako ng Diyos sa mga Judio na kung kanilang susundin ang Kautusan, sila’y magiging “isang kaharian ng mga saserdote”? Ngayon ay may pagkakataon sila na maging bahagi ng Kaharian ng Diyos at maglingkod bilang mga saserdote sa langit kung kanilang tatanggapin si Jesus. Ngunit karamihan sa kanila ay tumanggi kay Jesus.
Kaya mula noon, ang mga Judio ay hindi na ang piniling bansa ng Diyos; ang Palestina ay hindi na ang Lupang Pangako.—Mateo 21:43; 23:37, 38.
Mula noong kaarawan ni Jesus hangga ngayon, tinitipon ni Jehova ang mga maghaharing kasama ni Jesus sa langit. Mayroon pang mga ilang libo na lamang sa kanila na buháy sa lupa ngayon. Pinahirang nalabi ang tawag natin sa kanila.—Apocalipsis 12:17.
Ngayon, nakikita mo na kung ano ang Kaharian ng Diyos. Ito’y isang pamahalaan sa langit, ang Hari nito’y si Jesu-Kristo, at may kasama siyang 144,000 dati’y mga tao rito sa lupa. Ito’y maghahari sa tapat na mga tao dito sa lupa at magdadala ito ng kapayapaan sa lupa.
Pagkamatay niya, si Jesus ay binuhay-muli at nagtungo sa langit. Doon, hinintay niya na sabihin sa kaniya ng Diyos kung kailan siya magsisimulang maghari sa Kaharian ng Diyos. (Awit 110:1) Kailan nga ba iyon?
Kung minsan ang mga tao’y pinananaginip ni Jehova upang sabihin sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang Kaharian.
Noong kaarawan ni Daniel, pinanaginip ni Jehova si Nabucodonosor, na hari ng Babilonya. Ang panaginip ay tungkol sa isang napakalaking punungkahoy.—Daniel 4:10-37.
Ang punungkahoy ay pinutol at pitong taon na pinamalaging may bigkis ang katawan niyaon.
Ang punungkahoy ay kumakatawan kay Nabucodonosor. Kung paanong ang katawan niyaon ay pitong taon na may bigkis, si Nabucodonosor naman ay nabaliw nang pitong taon. Pagkatapos ay nagsauli ang kaniyang katinuan.
Lahat na ito ay isang hulang dula. Si Nabucodonosor ay lumarawan sa pambuong-daigdig na paghahari ni Jehova. Sa simula, ito’y isinasagawa noon sa pamamagitan ng mga inapo ni Haring David sa Jerusalem. Nang sakupin ng Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ang angkang iyan ng mga hari ay naputol pansamantala. Hindi na maaaring magkaroon ng hari sa angkan ni David hangga’t hindi “dumarating ang isa na may legal na karapatan” doon. (Ezekiel 21:27) Iyon ay si Jesu-Kristo.
Gaanong katagal mula noong 607 B.C.E. hanggang sa pagsisimula ni Jesus ng paghahari? Pitong makahulang mga taon. Ibig sabihin, 2,520 taon. (Apocalipsis 12:6, 14) At ang 2,520 taon mula noong 607 B.C.E. ay papatak sa 1914 C.E.
Samakatuwid si Jesus ay nagsimulang naghari sa langit noong 1914. Ano ang ibig sabihin niyan?
Ipinaliliwanag iyan ng Bibliya sa pamamagitan ng isang pangitain na nakita ni apostol Juan.
Siya’y nakakita ng isang babae sa langit na nanganganak ng isang sanggol na lalaki.—Apocalipsis 12:1-12.
Ang babae ay lumarawan sa makalangit na organisasyon ng Diyos, na binubuo ng lahat ng mga anghel na lingkod ng Diyos sa langit. Ang sanggol na lalaki ay lumalarawan sa Kaharian ng Diyos. Ito’y “isinilang” noong 1914.
Ano ang susunod na nangyari? Ang unang ginawa ni Jesus bilang Hari ay tinipon niya sa langit si Satanas, at pati mga anghel na kasamang naghimagsik, at ibinulusok sila dito sa lupa.—Apocalipsis 12:9.
Ganito ang sabi ng Bibliya na resulta niyaon: “Mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Apocalipsis 12:12.
Kaya nang si Jesus ay magsimulang maghari sa langit, ang kaniyang mga kaaway ay naging totoong mapusok sa lupa. Gaya ng inihula ng Bibliya, siya’y nagsimulang naghari sa gitna ng kaniyang mga kaaway.—Awit 110:1, 2.
Ano ang kahulugan nito para sa sangkatauhan?
Sinabi sa atin ni Jesus: mga digmaan, kakapusan sa pagkain, sakit, at mga lindol.—Mateo 24:7, 8; Lucas 21:10, 11.
Nakita natin na nangyayari ang mga bagay na ito sapol noong 1914, na isa pang dahilan kung bakit alam natin na nagsimula na ngang naghari noon ang Kaharian.
Magkakaroon din ng ‘panggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon . . . samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahilan sa takot.’ (Lucas 21:25, 26) Nasasaksihan na rin natin iyan sapol noong 1914.
Sinabi pa ni apostol Pablo na ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, . . . masuwayin sa mga magulang, . . . di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili.”—2 Timoteo 3:1-5.
Ngayon ay alam mo na kung bakit kayhirap-hirap ng buhay ngayon. Masigasig sa pagkilos si Satanas. Ngunit ganiyan din ang Kaharian ng Diyos.
Di-nagtagal pagkatapos ng 1914, ang nalabi ng mga taong umaasang makakasama ni Jesus sa langit sa paghahari ay nagsimulang nangaral ng mabuting balita na ang Kaharia’y natatag na. Ang gawaing ito ay laganap na ngayon sa buong lupa, gaya ng sinabi ni Jesus.—Mateo 24:14.
Ano ang layunin ng pangangaral na ito?
Una, upang ibalita sa mga tao ang Kaharian ng Diyos.
Ikalawa, upang tulungan ang mga tao na magpasiya kung sila baga’y ibig nilang maging mga sakop ng Kaharian.
Sinabi ni Jesus na sa ating kaarawan lahat ng tao ay pagbubukdin-bukdin bilang tulad-tupa at tulad-kambing na mga tao.—Mateo 25:31-46.
Ang “mga tupa” ay yaong umiibig sa kaniya at sa kaniyang mga kapatid. Ang “mga kambing” ay yaong hindi umiibig sa kaniya.
Ang “mga tupa” ay bibigyan ng buhay na walang hanggan ngunit ang “mga kambing” ay hindi.
Ang pagbubukud-bukod na ito ay nagaganap sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.
Narito ang isang hula ni propeta Isaias.
“At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at huhugos doon ang lahat ng bansa.”—Isaias 2:2.
Ang sangkatauhan ay nakaharap ngayon sa “huling bahagi ng mga araw.”
Ang “bahay” ng pagsamba kay Jehova ay ‘nakataas’ na sa ibabaw ng mga huwad na relihiyon.
“At maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’”—Isaias 2:3.
Samakatuwid, maraming tao sa lahat ng bansa ang sasamba kay Jehova at ang iba’y aanyayahan pa nila na sumama sa kanila. Sila’y natututo kung paano kikilos sa paraan na ibig ni Jehova.
“At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Ang mga taong sumasamba kay Jehova ay nagkakaisa at mapayapa.
Bilang bunga ng ganitong pagkilos ng Kaharian ng Diyos, ngayon ay mayroon nang maraming milyun-milyong tao sa buong daigdig na mga sakop ng Kaharian.
Sila’y natitipon sa palibot ng nalabi, ang natitirang bahagi ng mga taong ang pag-asa’y mapapunta sa langit at magharing kasama ni Kristo.
Sila’y tumatanggap ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng organisasyon ng Diyos.—Mateo 24:45-47.
Sila’y isang pandaigdig na pagkakapatiran ng mga Kristiyano na talagang nag-iibigan sa isa’t-isa.—Juan 13:35.
Sila’y may kapayapaan ng isip, may pag-asa sa hinaharap.—Filipos 4:7.
Hindi magtatagal, matatapos ang pangangaral ng mabuting balita. Pagka nagkagayo’y natipon na ang “mga tupa.” Ano ngayon ang gagawin ng Kaharian?
Natatandaan mo ba na pinagtagumpayan ng tapat na si Haring David ang lahat ng kaaway ng bayan ng Diyos? Bueno, ganiyan din ang gagawin ni Haring Jesus.
Nang minsan si Haring Nabucodonosor ay nanaginip ng isang pagkalaki-laking larawan na sagisag ng lahat ng kaharian sa sanlibutan mula noong kaniyang kaarawan hanggang sa ngayon.
Pagkatapos ay may nakita siyang isang bato na natibag sa bundok, at pinagdurug-durog niyaon ang larawan. Ang bato ay kumakatawan sa Kaharian ng Diyos.
Ito’y nangangahulugan ng pagkapuksa ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.—Daniel 2:44.
Narito ang ilan sa mga bagay na pangyayarihin ng Kaharian.
Mawawala na ang huwad na relihiyon, gaya ng isang gilingang bato na inihagis sa dagat.—Apocalipsis 18:21.
Kaya lahat ng umiibig sa Diyos ay pinapayuhan na magsilabas sa huwad na relihiyon NGAYON.—Apocalipsis 18:4.
Pagkatapos ay “hahampasin [ni Haring Jesus] ang mga bansa . . . at kaniyang paghaharian sila ng tungkod na bakal.”—Apocalipsis 19:15.
Kaya naman, bagaman ang mga Saksi ni Jehova’y nagbabayad ng buwis at sumusunod sa mga batas ng lupain, sila’y hindi sumasali sa politika.
Sa katapus-tapusan, si Satanas mismo, na dakilang “dragon,” ay inihahagis sa kalaliman.—Apocalipsis 20:2, 3.
Tanging ang “mga tupa” lamang na napasasakop kay Jesus na Hari, ang makakaligtas sa kapighatiang ito.—Mateo 25:31-34, 41, 46.
Nakita ni apostol Juan ang pangitain tungkol sa “mga tupa” na nakaligtas sa kapighatian.
“Tumingin ako, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sino mang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nangakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nangakadamit ng mga puting kasuotan; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.”—Apocalipsis 7:9.
Ang “malaking pulutong” ay binubuo ng lahat ng mga taong tumutugon sa ipinangangaral na mabuting balita.
Sila’y “lumalabas buhat sa malaking kapighatian.”—Apocalipsis 7:14.
Ang “mga sanga ng palma” ay nagpapatunay na kanilang tinatanggap si Jesus bilang kanilang Hari.
Ang kanilang pagdadamit ng “mga puting kasuotan” ay nagpapatunay na sila’y sumasampalataya sa inihandog na hain ni Jesus.
Ang “Kordero” ay si Jesu-Kristo.
Anong mga pagpapala ang tinatamasa nila pagkatapos? Natatandaan mo ba ang umiiral na kaligayahan sa Israel nang naghahari ang tapat na si Haring Solomon? Sa maliit na paraan ay inilarawan nito ang kaligayahang iiral sa lupa sa paghahari ni Jesus.
Tunay na kapayapaan ang iiral sa sangkatauhan at sa pagitan ng mga tao at ng mga hayop, gaya ng inihula ni Isaias.—Awit 46:9; Isaias 11:6-9.
Kung paano pinagaling ni Jesus ang mga maysakit nang narito siya sa lupa, ganoon niya aalisin ang sakit sa lahat ng tao.—Isaias 33:24.
Kung paano niya pinakain ang lubhang maraming tao, ganoon niya aalisin ang kakapusan ng pagkain sa buong sangkatauhan.—Awit 72:16.
Kung paanong binuhay niya ang mga patay, ganoon niya bubuhayin ang mga namatay na hindi nagkaroon ng lubos na pagkakataong pasakop sa Kaharian ng Diyos.—Juan 5:28, 29.
Unti-unting ang sangkatauhan ay ibabalik niya sa kasakdalan na iniwala ni Adan.
Hindi ba isang kahanga-hangang kinabukasan iyan? Ibig mo bang masaksihan iyan? Kung gayon, kumilos ka na upang pasakop ngayon sa Kaharian ng Diyos at ikaw ay maging isa sa “mga tupa.”
Mag-aral ka ng Bibliya upang makilala mo ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo.—Juan 17:3.
Makisama ka sa mga iba pa na mga sakop din ng Kaharian.—Hebreo 10:25.
Alamin mo ang mga kautusan ng Kaharian at sundin mo.—Isaias 2:3, 4.
Ialay ang iyong buhay upang maglingkod kay Jehova, at pabautismo ka.—Mateo 28:19, 20.
Iwasan mo ang masasamang bagay, gaya ng pagnanakaw, pagsisinungaling, imoralidad, at paglalasing, na hindi nakalulugod sa Diyos na Jehova.—1 Corinto 6:9-11.
Makibahagi ka sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:14.
At sa tulong ng Diyos, makikita mo ang Paraiso na iniwala ni Adan para sa kaniyang mga inapo pagka ito’y ibinalik na, at ang katuparan ng pangakong ito: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos naman ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.’”—Apocalipsis 21:3, 4.
[Chart sa pahina 20]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
607 B.C.E. 1914 C.E.
B.C.E. | C.E.
500 1,000 1,500 2,000 2,520
[Mga larawan sa pahina 11]
Abraham
Isaac
Jacob
Juda
David
[Larawan sa pahina 14]
144,000
[Mga larawan sa pahina 16]
Si Adan
Si Jesus