Disiplina—Katunayan ng Pag-ibig ng Diyos
“Ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya.”—HEB. 12:6.
1. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa disiplina?
KAPAG narinig mo ang salitang “disiplina,” ano ang naiisip mo? Baka parusa agad ang naiisip mo, pero hindi lang iyan ang ibig sabihin nito. Maganda ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa disiplina, at binabanggit ito kasama ng kaalaman, karunungan, pag-ibig, at buhay. (Kaw. 1:2-7; 4:11-13) Bakit? Dahil ang disiplina ng Diyos ay kapahayagan ng kaniyang pag-ibig sa atin at ng kagustuhan niyang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. (Heb. 12:6) Kung minsan, ang disiplina ay may kasamang parusa, pero hindi ito mapang-abuso o malupit. Ang totoo, ang kahulugan ng “disiplina” ay pangunahin nang nauugnay sa pagtuturo, gaya ng pagtuturo sa isang minamahal na anak.
2, 3. Paano nauugnay sa disiplina ang pagtuturo at pagpaparusa? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
2 Pag-isipan ang halimbawang ito: Isang maliit na bata, si Johnny, ang naglalaro ng bola sa loob ng bahay. Sabi ng nanay niya, “Johnny, huwag kang maglaro ng bola sa loob ng bahay, baka makabasag ka!” Pero hindi siya nakinig at nakabasag nga. Paano siya didisiplinahin ng nanay niya? May kasama itong pagtuturo at parusa. Tuturuan siya ng nanay niya at sasabihin sa kaniya kung bakit mali ang ginawa niya. Ipaliliwanag nito kung bakit may makatuwirang mga utos at pagbabawal ang kaniyang mga magulang at kung bakit mahalagang sundin ang mga ito. At para mas maunawaan ng bata ang sinasabi ng nanay, baka bigyan siya ng angkop na parusa. Halimbawa, baka kunin muna nito ang bola ni Johnny para maintindihan niya na may masasamang resulta ang pagsuway.
3 Dahil tayo ay miyembro ng kongregasyong Kristiyano, bahagi tayo ng sambahayan ng Diyos. (1 Tim. 3:15) Kaya iginagalang natin ang karapatan ni Jehova na magtakda ng mga pamantayan at magbigay ng maibiging disiplina kapag nilabag natin ang mga ito. At kung masama ang resulta ng ginawa natin, ang disiplina niya ay magpapaalaala sa atin kung gaano kaimportante na makinig sa ating makalangit na Ama. (Gal. 6:7) Mahal na mahal tayo ng Diyos at ayaw niya tayong mapahamak.—1 Ped. 5:6, 7.
4. (a) Anong uri ng pagsasanay ang pinagpapala ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
4 Sa pamamagitan ng disiplinang batay sa Kasulatan, matutulungan natin ang ating anak o Bible study na maabot ang tunguhin na maging tagasunod ni Kristo. Ang Salita ng Diyos, na pangunahing ginagamit natin sa pagsasanay, ay makatutulong sa “pagdidisiplina sa katuwiran.” Dahil dito, mauunawaan at matutupad ng ating anak o Bible study ang “lahat ng mga bagay na iniutos” sa atin ni Jesus. (2 Tim. 3:16; Mat. 28:19, 20) Pinagpapala ni Jehova ang ganitong pagsasanay dahil tinuturuan nito ang iba na gumawa rin ng mga alagad ni Kristo. (Basahin ang Tito 2:11-14.) Talakayin natin ngayon ang tatlong mahahalagang tanong: (1) Paano masasalamin ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang pagdidisiplina? (2) Ano ang matututuhan natin sa mga dinisiplina ng Diyos noon? (3) Kapag nagdidisiplina tayo, paano natin matutularan si Jehova at ang kaniyang Anak?
ANG DISIPLINA NG DIYOS—SALIG SA PAG-IBIG
5. Paano masasalamin ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang pagdidisiplina?
5 Dahil mahal tayo ni Jehova, itinutuwid, tinuturuan, at sinasanay niya tayo para manatili tayo sa kaniyang pag-ibig at sa daan ng buhay. (1 Juan 4:16) Hindi niya tayo hinahamak o iniinsulto, at hindi niya ipinapadamang wala tayong halaga. (Kaw. 12:18) Sa halip, binibigyang-dangal niya tayo. Nagtitiwala siya na gusto nating gawin ang tama at nirerespeto niya ang ating kalayaang magpasiya. Ganiyan ba ang pananaw mo sa pagdidisiplina ng Diyos, ito man ay mula sa kaniyang Salita, sa ating mga publikasyon, sa Kristiyanong mga magulang, o sa mga elder? Kapag nakagawa tayo ng “maling hakbang” nang di-namamalayan, ang mahinahon at maibiging pagsisikap ng mga elder na maibalik tayo sa ayos ay kapahayagan ng pag-ibig sa atin ni Jehova.—Gal. 6:1.
6. Bakit masasalamin pa rin ang pag-ibig ng Diyos kahit ang disiplina ay may kasamang mga restriksiyon?
6 Pero kung minsan, ang disiplina ay hindi lang payo o pagtutuwid. Kung nakagawa ng malubhang kasalanan ang isa, baka mawala sa kaniya ang mga pribilehiyo niya sa kongregasyon. Pero katunayan pa rin ito ng pag-ibig ng Diyos. Halimbawa, kapag inalisan ng pribilehiyo ang isa, baka makita niya kung gaano kahalaga ang personal na pag-aaral ng Bibliya, pagbubulay-bulay, at pananalangin. Kung gagawin niya ang mga ito, titibay ang kaniyang espirituwalidad. (Awit 19:7) Sa kalaunan, baka muli siyang mabigyan ng mga pribilehiyo. Kahit ang pagtitiwalag ay katunayan din ng pag-ibig ni Jehova, dahil pinoprotektahan nito ang kongregasyon mula sa masasamang impluwensiya. (1 Cor. 5:6, 7, 11) At dahil nagdidisiplina ang Diyos sa tamang antas, maipauunawa ng pagtitiwalag sa isang nagkasala kung gaano kaseryoso ang kasalanan niya, para magsisi siya.—Gawa 3:19.
NAKINABANG SIYA SA DISIPLINA NI JEHOVA
7. Sino si Sebna, at anong masamang pag-uugali ang tumubo sa kaniya?
7 Para makita ang kahalagahan ng disiplina, tingnan natin ang dalawang indibiduwal na dinisiplina ni Jehova: si Sebna, na nabuhay noong panahon ni Haring Hezekias, at si Graham, isang brother sa panahon natin. Bilang katiwalang “namamahala sa bahay”—malamang na sa sambahayan ni Hezekias—si Sebna ay may malaking awtoridad. (Isa. 22:15) Pero nakalulungkot, naging mapagmataas siya at naghangad ng sariling kaluwalhatian. Nagpagawa pa nga siya ng marangyang libingan para sa kaniyang sarili, at sumasakay siya sa maluwalhating mga karo!—Isa. 22:16-18.
8. Paano dinisiplina ni Jehova si Sebna, at ano ang resulta?
8 Dahil naghangad si Sebna ng sariling kaluwalhatian, ‘ibinagsak siya ng Diyos mula sa kaniyang opisyal na katayuan’ at ipinalit sa kaniya si Eliakim. (Isa. 22:19-21) Nangyari ito noong nagbabalak si Haring Senakerib ng Asirya na salakayin ang Jerusalem. Nang maglaon, nagpadala ang haring iyon ng matataas na opisyal sa Jerusalem, kasama ang isang malaking hukbo, para pahinain ang loob ng mga Judio at takutin si Hezekias na sumuko. (2 Hari 18:17-25) Isinugo si Eliakim para kausapin ang mga opisyal, pero may kasama siyang dalawa. Isa rito si Sebna, na naglilingkod ngayon bilang kalihim. Ipinahihiwatig nito na hindi naghinanakit si Sebna kundi mapagpakumbaba niyang tinanggap ang mas mababang posisyon. May tatlong aral tayong matututuhan sa ulat na ito.
9-11. (a) Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin sa karanasan ni Sebna? (b) Paano ka napatibay sa pakikitungo ni Jehova kay Sebna?
9 Una, inalis si Sebna sa kaniyang posisyon. Nagkatotoo sa kaniya ang babala na “ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” (Kaw. 16:18) Kung may mga pribilehiyo ka sa kongregasyon, at baka prominente pa nga, mananatili ka bang mapagpakumbaba? Ibibigay mo ba kay Jehova ang kapurihan sa mga naisagawa mo o sa anumang kakayahang taglay mo? (1 Cor. 4:7) Isinulat ni apostol Pablo: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.”—Roma 12:3.
10 Ikalawa, sa matinding pagsaway niya kay Sebna, ipinakita ni Jehova na naniniwala siyang magbabago pa si Sebna. (Kaw. 3:11, 12) Magandang aral ito para sa mga nawalan ng pribilehiyo sa kongregasyon! Sa halip na magalit at maghinanakit, patuloy sana nilang gawin ang lahat ng makakaya nila para paglingkuran ang Diyos sa kanilang bagong sitwasyon, at ituring ang disiplina bilang katibayan ng pag-ibig ni Jehova. Tandaan, para sa ating Ama, may pag-asa pa rin tayo kung magpapakumbaba tayo sa harap niya. (Basahin ang 1 Pedro 5:6, 7.) Ang maibiging disiplina ay isang paraan ng Diyos para hubugin tayo, kaya manatili tayong gaya ng malambot na luwad sa kaniyang mga kamay.
11 Ikatlo, sa pakikitungo ni Jehova kay Sebna, nagpakita siya ng magandang halimbawa para sa mga awtorisadong magbigay ng disiplina, gaya ng mga magulang at mga tagapangasiwang Kristiyano. Paano? Masasalamin sa pagdidisiplina ni Jehova ang kaniyang pagkapoot sa kasalanan, pero makikita rin dito ang pagmamalasakit niya sa nagkasala. Kung kailangan mong magbigay ng disiplina bilang isang magulang o tagapangasiwa, tutularan mo ba si Jehova? Kapopootan mo ba ang pagkakamali pero titingnan pa rin ang mabubuting katangian ng iyong anak o kapananampalataya?—Jud. 22, 23.
12-14. (a) Paano tumutugon ang ilan sa disiplina ng Diyos? (b) Paano binago ng Salita ng Diyos ang saloobin ng isang brother, at ano ang resulta?
12 Nakalulungkot, may ilan na masyadong nasasaktan sa disiplina at lumalayo pa nga sa Diyos at sa kaniyang bayan. (Heb. 3:12, 13) Pero wala na ba silang pag-asang magbago? Tingnan ang halimbawa ni Graham, na natiwalag. Nang maglaon, nakabalik siya pero naging di-aktibo. Pagkaraan ng ilang taon, nagpa-Bible study siya sa isang elder na nakipagkaibigan sa kaniya.
13 Naalaala ng elder: “Ma-pride si Graham. Pinupuna niya ang mga elder na humawak sa kaso niya. Kaya sa sumunod na mga pag-aaral namin, tinalakay namin ang mga teksto tungkol sa pride at sa masasamang epekto nito. Malinaw na nakita ni Graham ang kaniyang sarili sa tulong ng salamin ng Salita ng Diyos, at nadismaya siya! Maganda ang resulta nito. Inamin niya na binulag siya ng ‘tahilan’ sa mata niya—ang kaniyang pride—at na ang talagang problema niya ay ang pagiging mapamuna. Regular siyang dumalo sa mga pulong, masikap na pinag-aralan ang Bibliya, at nagsimulang manalangin araw-araw. Binalikat na rin niya ang kaniyang espirituwal na mga pananagutan bilang ulo ng pamilya, kaya tuwang-tuwa ang asawa’t mga anak niya.”—Luc. 6:41, 42; Sant. 1:23-25.
14 Sinabi pa ng elder: “Isang araw, may sinabi si Graham na nakaantig sa puso ko. ‘Matagal ko nang alam ang katotohanan,’ ang sabi niya, ‘at payunir pa nga ako noon. Pero ngayon ko lang talaga masasabi na mahal ko si Jehova.’ Di-nagtagal, inatasan siyang mag-abot ng mikropono sa Kingdom Hall—isang pribilehiyong pinahalagahan niya. Natutuhan ko sa halimbawa niya na kung magpapakumbaba ang isa sa harap ng Diyos at tatanggap ng disiplina, bubuhos ang mga pagpapala!”
KAPAG NAGDIDISIPLINA, TULARAN ANG DIYOS AT SI KRISTO
15. Para tumagos sa puso ang ibinibigay nating disiplina, ano ang dapat nating gawin?
15 Para maging mahusay na guro, kailangan muna nating maging mahusay na estudyante. (1 Tim. 4:15, 16) Kaya ang mga binigyan ni Jehova ng awtoridad na magdisiplina sa iba ay dapat na handang magpasakop sa kaniyang patnubay. Kung magiging mapagpakumbaba sila, igagalang sila ng iba. Magkakaroon din sila ng kalayaan sa pagsasalita kapag sinasanay nila o itinutuwid ang iba. Tingnan ang halimbawa ni Jesus.
16. Anong mga aral tungkol sa angkop na disiplina at epektibong pagtuturo ang matututuhan natin kay Jesus?
16 Laging nakikinig at sumusunod si Jesus sa kaniyang Ama kahit may panahong napakahirap itong gawin. (Mat. 26:39) Sinabi niya na sa kaniyang Ama nagmula ang kaniyang mga turo at karunungan. (Juan 5:19, 30) Dahil mapagpakumbaba at masunurin si Jesus, magaan ang loob ng tapat-pusong mga tao sa kaniya at naging mapagmalasakit siyang guro. (Basahin ang Mateo 11:29.) Pinatibay ng mababait niyang salita ang mga tao na parang bugbog na tambo o aandap-andap na mitsa ng lampara. (Mat. 12:20) Kahit nasusubok ang kaniyang pasensiya, mabait at maibigin pa rin si Jesus. Kitang-kita ito nang ituwid niya ang kaniyang mga apostol dahil naging makasarili at ambisyoso ang mga ito.—Mar. 9:33-37; Luc. 22:24-27.
17. Anong magagandang katangian ang tutulong sa mga elder na maging mahuhusay na pastol ng kawan ng Diyos?
17 Kaya dapat tularan ng mga elder ang halimbawa ni Kristo. Sa gayon, maipakikita nila na gusto nilang magpahubog sa Diyos at sa kaniyang Anak. Isinulat ni apostol Pedro: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.” (1 Ped. 5:2-4) Kung ang mga tagapangasiwa ay masayang magpapasakop sa Diyos at kay Kristo, na ulo ng kongregasyon, makikinabang sila at ang mga nasa pangangalaga nila.—Isa. 32:1, 2, 17, 18.
18. (a) Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga magulang? (b) Paano tinutulungan ng Diyos ang mga magulang na magampanan ang kanilang pananagutan?
18 Ang mga simulaing ito ay kapit din sa loob ng pamilya. Sinasabihan ang mga ulo ng pamilya: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Gaano kaseryoso ang bagay na ito? Ayon sa Kawikaan 19:18: “Parusahan [o disiplinahin] mo ang iyong anak habang may pag-asa pa.” Mananagot kay Jehova ang Kristiyanong mga magulang kung hindi nila ibibigay ang nararapat na disiplina sa kanilang anak dahil buhay ang nasasangkot. (1 Sam. 3:12-14) Pero bibigyan ni Jehova ng karunungan at lakas ang mga magulang kung mapagpakumbaba silang mananalangin at aasa sa patnubay ng kaniyang Salita at banal na espiritu.—Basahin ang Santiago 1:5.
MAGHANDANG MABUHAY NANG PAYAPA MAGPAKAILANMAN
19, 20. (a) Ano ang mga pagpapala ng pagtanggap sa disiplina ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
19 Napakaraming pagpapala ang ibibigay ng Diyos kung tatanggapin natin ang kaniyang disiplina at tutularan natin siya at si Jesus sa pagdidisiplina sa iba. Magiging payapa at tiwasay ang mga pamilya at kongregasyon. Makadarama ng kapanatagan ang bawat miyembro, na minamahal sila at pinahahalagahan—isang patikim ng mga pagpapala sa hinaharap. (Awit 72:7) Oo, hindi kalabisang sabihin na ang disiplina ni Jehova ay nagtuturo sa atin kung paano mabuhay nang payapa at nagkakaisa bilang isang pamilya sa pagkalinga ng ating Ama. (Basahin ang Isaias 11:9.) Kung tatandaan natin ito, mas pahahalagahan natin ang disiplina ng Diyos dahil katibayan ito ng kaniyang di-mapapantayang pag-ibig para sa atin.
20 Sa susunod na artikulo, higit pa nating tatalakayin ang tungkol sa disiplina sa loob ng pamilya at ng kongregasyon. Tatalakayin din natin ang tungkol sa disiplina sa sarili. At malalaman natin kung paano iiwasan ang isang bagay na mas masakit kaysa sa pansamantalang sakit na dulot ng disiplina.