Ikadalawampung Kabanata
Si Jehova ay Hari
1, 2. (a) Sino ang makararanas ng poot ni Jehova? (b) Makalilibre ba ang Juda sa parusa, at paano natin nalalaman?
ANG Babilonya, Filistia, Moab, Sirya, Etiopia, Ehipto, Edom, Tiro, Asirya—lahat ay pawang makararanas ng poot ni Jehova. Inihula ni Isaias ang mga kalamidad na sasapit sa mga kaaway na bansa at lunsod na ito. Kumusta naman ang Juda? Ang mga tumatahan ba sa Juda ay makalilibre sa parusa sa kanilang makasalanang landasin? Ang ulat ng kasaysayan ay may umaalingawngaw na sagot na hindi!
2 Isaalang-alang kung ano ang nangyari sa Samaria, ang kabisera ng sampung-tribong kaharian ng Israel. Hindi iningatan ng bansang iyon ang kaniyang pakikipagtipan sa Diyos. Hindi ito humiwalay sa mahahalay na gawain ng mga bansang nakapalibot dito. Sa halip, ang mga tumatahan sa Samaria ay ‘patuloy na gumagawa ng masasamang bagay upang galitin si Jehova . . . Dahil dito ay lubhang nagalit si Jehova laban sa Israel, kung kaya inalis niya sila mula sa kaniyang paningin.’ Dahil sa sapilitang napaalis sa lupain nito, “ang Israel ay yumaon mula sa sarili nitong lupa sa pagkatapon sa Asirya.” (2 Hari 17:9-12, 16-18, 23; Oseas 4:12-14) Ang nangyari sa Israel ay nagbabadya ng masamang pangitain para sa kaniyang kapatid na kaharian, ang Juda.
Inihula ni Isaias ang Pagkatiwangwang ng Juda
3. (a) Bakit tinalikuran ni Jehova ang dalawang-tribong kaharian ng Juda? (b) Ano ang determinadong gawin ni Jehova?
3 Ang ilang hari ng Juda ay mga tapat, subalit ang karamihan ay hindi. Kahit na sa ilalim ng isang tapat na hari, tulad ni Jotam, ang bayan ay hindi lubusang humiwalay sa huwad na pagsamba. (2 Hari 15:32-35) Umabot sa kasukdulan ang kabalakyutan ng Juda sa panahon ng paghahari ng uhaw sa dugong si Haring Manases, na ayon sa pinaniniwalaan ng mga Judio, ay siyang pumaslang sa tapat na propetang si Isaias sa pamamagitan ng pag-uutos na siya’y lagariin. (Ihambing ang Hebreo 11:37.) “Patuloy na inililigaw [ng balakyot na haring ito] ang Juda at ang mga tumatahan sa Jerusalem upang gumawa ng mas masama kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova mula sa harap ng mga anak ni Israel.” (2 Cronica 33:9) Sa ilalim ng pamamahala ni Manases ang lupain ay naging higit na marumi kaysa sa noong ito’y nasa kontrol ng mga Canaanita. Kaya, si Jehova ay nagpahayag: “Narito, magdadala ako ng kapahamakan sa Jerusalem at sa Juda, na ang sinumang makarinig nito ay mangingilabot ang kaniyang dalawang tainga. . . . Talagang pupunasan ko ang Jerusalem upang luminis kung paanong pinupunasan ng isa ang mangkok na walang hawakan, na pinupunasan at itinataob. At pababayaan ko nga ang nalabi ng aking mana at ibibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sila ay totoong magiging mga samsam at mga kinamkam sa lahat ng kanilang mga kaaway, sa dahilang ginawa nila ang masama sa aking paningin at patuluyang ginagalit ako.”—2 Hari 21:11-15.
4. Ano ang gagawin ni Jehova sa Juda, at paano natupad ang hulang ito?
4 Katulad ng isang mangkok na itinaob, anupat hinahayaang tumapon ang lahat ng laman nito, ang lupain ay aalisan ng mga taong tumatahan dito. Ang dumarating na pagkatiwangwang na ito ng Juda at Jerusalem ay siya muling paksa ng hula ni Isaias. Siya’y nagpasimula: “Narito! Inaalisan ni Jehova ng laman ang lupain at iginuguho ito, at kaniyang pinilipit ang mukha nito at pinangalat ang mga tumatahan doon.” (Isaias 24:1) Ang hulang ito ay natupad nang wasakin ang Jerusalem at ang templo nito ng nangungubkob na hukbo ng Babilonya sa ilalim ni Haring Nabucodonosor at nang puksain ang mga tumatahan sa Juda sa pamamagitan ng tabak, taggutom, at salot. Ang karamihan sa mga nakaligtas na Judio ay dinalang bihag sa Babilonya, at iilan lamang ang naiwan upang tumakas sa Ehipto. Kaya ang lupain ng Juda ay nawasak at ganap na nawalan ng mamamayan. Wala man lamang natirang alagang mga hayop. Ang pinabayaang lupain ay naging isang iláng na may mapanglaw na kagibaan na tinirahan na lamang ng mababangis na hayop at mga ibon.
5. Mayroon bang sinuman na hindi tatanggap ng hatol ni Jehova? Ipaliwanag.
5 Mayroon bang sinuman sa Juda na pakikitunguhan ng pantangi sa dumarating na paghatol? Si Isaias ay sumagot: “Ang sa bayan ay magiging gaya ng sa saserdote; ang sa lingkod ay gaya ng sa kaniyang panginoon; ang sa alilang babae ay gaya ng sa kaniyang among babae; ang sa bumibili ay gaya ng sa nagtitinda; ang sa nagpapahiram ay gaya ng sa nanghihiram; ang sa nagpapatubo ay gaya ng sa nagbabayad ng patubo. Walang pagsalang aalisan ng laman ang lupain, at walang pagsalang darambungin ito, sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita ng salitang ito.” (Isaias 24:2, 3) Walang itatangi dahil sa kayamanan at mga pribilehiyo ng paglilingkod sa templo. Walang gagawing mga eksepsiyon. Ang lupain ay napakasama anupat ang bawat makaliligtas—mga saserdote, mga tagapaglingkod at mga panginoon, mga bumibili at mga nagtitinda—ay dapat na maging tapon.
6. Bakit inalis ni Jehova ang kaniyang pagpapala sa lupain?
6 Upang hindi magkaroon ng maling pagkaunawa, inilarawan ni Isaias ang pagiging lubusan ng dumarating na kapahamakang ito at ipinaliwanag ang dahilan nito: “Ang lupain ay nagdadalamhati, naglalaho. Ang mabungang lupain ay nalalanta, naglalaho. Ang matataas na tao sa lupain ay nalalanta. At ang mismong lupain ay narumhan sa ilalim ng mga tumatahan dito, sapagkat kinaligtaan nila ang mga kautusan, binago ang tuntunin, sinira ang tipang namamalagi nang walang takda. Iyan ang dahilan kung bakit nilamon ng sumpa ang lupain, at ang mga tumatahan doon ay itinuturing na may-sala. Iyan ang dahilan kung bakit bumaba ang bilang ng mga tumatahan sa lupain, at kaunting-kaunting taong mortal ang natira.” (Isaias 24:4-6) Nang ibigay sa mga Israelita ang lupain ng Canaan, nasumpungan nila itong “isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Deuteronomio 27:3) Gayunman, sila’y patuloy na umasa sa pagpapala ni Jehova. Kung matapat nilang iingatan ang kaniyang mga batas at mga utos, “ibibigay [nga ng lupain] ang kaniyang ani,” subalit kung ipagwawalang-bahala nila ang kaniyang mga kautusan at mga utos, ang kanilang mga pagsisikap na linangin ang lupain ay magiging “walang kabuluhan” at ang lupa ay “hindi magbibigay ng kaniyang ani.” (Levitico 26:3-5, 14, 15, 20) Ang sumpa ni Jehova ang ‘lalamon sa lupain.’ (Deuteronomio 28:15-20, 38-42, 62, 63) Dapat asahan ngayon ng Juda na maranasan ang sumpang iyon.
7. Paano magiging isang pagpapala ang tipang Kautusan para sa mga Israelita?
7 Mga 800 taon bago ang kaarawan ni Isaias, ang mga Israelita ay kusang-loob na nakipagtipan kay Jehova at sumang-ayong susundin iyon. (Exodo 24:3-8) Itinakda ng tipang Kautusang iyon na kung sila’y susunod sa mga utos ni Jehova, sila’y magtatamo ng kaniyang mayamang pagpapala subalit kung kanilang susuwayin ang tipan, maiwawala nila ang kaniyang pagpapala at dadalhin silang bihag ng kanilang mga kaaway. (Exodo 19:5, 6; Deuteronomio 28:1-68) Ang tipang Kautusang ito, na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ay mananatiling may bisa nang di-tiyak kung hanggang kailan. Ito’y magsasanggalang sa mga Israelita hanggang sa paglitaw ng Mesiyas.—Galacia 3:19, 24.
8. (a) Paano ‘kinaligtaan ng mga tao ang kautusan’ at “binago ang tuntunin”? (b) Sa paanong paraan ang “matataas na tao” ang unang ‘malalanta’?
8 Subalit “sinira [ng bayan] ang tipang namamalagi nang walang takda.” Kanilang kinaligtaan ang mga kautusang bigay ng Diyos at winalang-bahala ang mga iyon. Kanilang “binago ang tuntunin,” anupat sinunod ang legal na kaayusan na naiiba kaysa roon sa ibinigay ni Jehova. (Exodo 22:25; Ezekiel 22:12) Kaya, ang bayan ay aalisin mula sa lupain. Hindi magpapakita ng awa sa dumarating na paghatol. Kabilang sa unang ‘malalanta’ dahil sa pag-aalis ni Jehova ng kaniyang proteksiyon at pagsang-ayon ay ang “matataas na tao,” ang mga maharlika. Bilang katuparan nito, habang lumalapit ang pagkawasak ng Jerusalem, ang mga hari ng Judea ay ginawang basalyo, una ng mga taga-Ehipto at pagkatapos ay ng mga taga-Babilonya. Pagkaraan, si Haring Jehoiakin at ang iba pang miyembro ng maharlikang pamilya ay kabilang sa mga unang dinalang bihag sa Babilonya.—2 Cronica 36:4, 9, 10.
Naglaho ang Pagsasaya sa Lupain
9, 10. (a) Anong papel ang ginagampanan ng agrikultura sa Israel? (b) Ano ang kahalagahan ng ‘pag-upo ng bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at punong igos’?
9 Ang bansang Israel ay isang agrikultural na lipunan. Mula nang panahong ang mga Israelita’y pumasok sa Lupang Pangako, sila ay namuhay sa pamamagitan ng paglilinang ng mga pananim at pag-aalaga ng mga hayop. Kaya, may mahalagang dako ang agrikultura sa batas na ibinigay sa Israel. Ipinag-utos ang sapilitang pamamahinga para sa lupain kung sabbath sa tuwing ikapitong taon upang maibalik ang katabaan sa lupa. (Exodo 23:10, 11; Levitico 25:3-7) Ang tatlong taunang kapistahan na ipinag-utos na ipagdiwang ng bansa ay itinaon sa mga panahong pang-agrikultura.—Exodo 23:14-16.
10 Ang mga ubasan ay karaniwan na sa buong lupain. Itinala ng Kasulatan ang alak, isang produkto ng ubas, bilang isang kaloob mula sa Diyos na “nagpapasaya sa puso ng taong mortal.” (Awit 104:15) Ang bawat isa na ‘nakaupo sa ilalim ng kaniyang punong ubas at punong igos,’ ay nagpapakita ng kasaganaan, kapayapaan, at katiwasayan sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Diyos. (1 Hari 4:25; Mikas 4:4) Ang isang matagumpay na panahon ng ubas ay itinuturing na isang pagpapala at isang sanhi ng pag-aawitan at pagsasaya. (Hukom 9:27; Jeremias 25:30) Ang kabaligtaran nito ay totoo rin. Kapag ang ubasan ay natuyo o hindi nagluwal ng ubas at ang ubasan ay naging tiwangwang na tinikan, ito’y katunayan na inalis na ni Jehova ang kaniyang pagpapala—isang panahon ng malaking kalungkutan.
11, 12. (a) Paano inilarawan ni Isaias ang mga kalagayan na idudulot ng paghatol ni Jehova? (b) Anong madilim na kinabukasan ang inilalarawan ni Isaias?
11 Angkop, kung gayon, na gamitin ni Isaias ang ubasan at ang mga produkto nito upang ilarawan ang mga kalagayang dulot ng pag-aalis ni Jehova ng kaniyang pagpapala sa lupain: “Ang bagong alak ay nagdadalamhati, ang punong ubas ay nalalanta, ang lahat ng may pusong natutuwa ay nagbubuntunghininga. Ang pagbubunyi ng mga tamburin ay tumigil, ang ingay ng mga lubhang nagagalak ay huminto, ang pagbubunyi ng alpa ay tumigil. Walang awit habang umiinom sila ng alak; ang nakalalangong inumin ay mapait sa mga umiinom nito. Ang pinabayaang bayan ay nagiba; bawat bahay ay sinarhan upang walang makapasok. May pagdaing sa mga lansangan dahil sa kakapusan ng alak. Ang lahat ng pagsasaya ay lumipas; ang pagbubunyi ng lupain ay naglaho. Sa lunsod ay naiwan ang isang nakapanggigilalas na kalagayan; ang pintuang-daan ay nadurog at naging isa lamang bunton ng kaguhuan.”—Isaias 24:7-12.
12 Ang tamburin at ang alpa ay kalugud-lugod na mga instrumento na ginagamit sa pagpuri kay Jehova at sa pagpapahayag ng kagalakan. (2 Cronica 29:25; Awit 81:2) Ang kanilang musika ay hindi maririnig sa panahong ito ng pagpaparusa ng Diyos. Hindi magkakaroon ng nakagagalak na mga pag-aani ng ubas. Hindi magkakaroon ng maliligayang tunog sa tiwangwang na mga kagibaan ng Jerusalem, na ang pintuang-daan nito ay “nadurog at naging isa lamang bunton ng kaguhuan” at ang mga bahay nito ay “sinarhan,” upang walang sinumang makapasok. Anong dilim na kinabukasan para sa mga tumatahan sa lupain na talagang likas na napakataba!
Isang Nalabi ang ‘Hihiyaw Nang May Kagalakan’
13, 14. (a) Ano ang mga kautusan ni Jehova hinggil sa pag-aani? (b) Paano ginamit ni Isaias ang mga kautusan sa pag-aani upang ilarawan na ang ilan ay makaliligtas sa paghatol ni Jehova? (c) Bagaman may dumarating na madidilim na panahon ng pagsubok, sa ano makatitiyak ang tapat na mga taga-Judea?
13 Upang makapag-ani ng mga olibo, hinahampas ng mga Israelita ng pamalo ang mga punungkahoy upang malaglag ang bunga nito. Ayon sa Kautusan ng Diyos, sila’y pinagbawalang bumalik sa mga sanga ng mga punungkahoy upang pitasin ang nalalabing mga olibo. Ni kailangan nilang tipunin ang natitirang mga ubas pagkatapos ng pag-aani sa kanilang mga ubasan. Ang mga nalalabi ng ani ay dapat iwan para sa dukha—“para sa naninirahang dayuhan, para sa batang lalaking walang ama at para sa babaing balo”—upang maghimalay. (Deuteronomio 24:19-21) Mula sa kilalang mga kautusang ito, inilarawan ni Isaias ang nakaaaliw na bagay na may makaliligtas sa dumarating na paghatol ni Jehova: “Sapagkat gayon ang mangyayari sa gitna ng lupain, sa gitna ng mga bayan, gaya ng paghampas sa punong olibo, gaya ng paghihimalay kapag ang pamimitas ng ubas ay nagwakas na. Sila ay maglalakas ng kanilang tinig, hihiyaw sila nang may kagalakan. Sa kadakilaan ni Jehova ay tiyak na hihiyaw sila nang malakas mula sa dagat. Iyan ang dahilan kung bakit sa pook ng liwanag ay luluwalhatiin nila si Jehova, sa mga pulo ng dagat ay ang pangalan ni Jehova, na Diyos ng Israel. Mula sa dulo ng lupain ay may mga awitin kaming narinig: ‘Kagayakan ukol sa Matuwid!’”—Isaias 24:13-16a.
14 Kung paanong may ilang prutas na naiiwan sa punungkahoy o sa baging pagkatapos na mag-ani, mayroon ding maiiwan pagkatapos na isagawa ang paghatol ni Jehova—ang “paghihimalay kapag ang pamimitas ng ubas ay nagwakas na.” Gaya ng nakaulat sa Isa 24 talatang 6, ang mga ito ay nabanggit na ng propeta, sa pagsasabing “kaunting-kaunting taong mortal ang natira.” Gayunman, bagaman iilan lamang sila, may makaliligtas sa pagkawasak ng Jerusalem at Juda, at pagkatapos ay isang nalabi ang babalik mula sa pagkabihag upang muling kalatan ang lupain. (Isaias 4:2, 3; 14:1-5) Bagaman ang mga taong may matuwid na puso ay makararanas ng malulungkot na panahon ng pagsubok, sila’y makatitiyak na may pagliligtas at pagsasaya sa hinaharap. Makikita ng mga makaliligtas na matutupad ang makahulang salita ni Jehova at matatanto na si Isaias ay naging isang tunay na propeta ng Diyos. Sila’y mapupuspos ng kagalakan habang kanilang nasasaksihan ang katuparan ng mga hula sa pagsasauli. Saanman sila nagsipangalat—maging iyon ma’y sa mga isla ng Mediteraneo sa Kanluran, sa Babilonya sa “pook ng liwanag” (ang sikatan ng araw, o ang Silangan), o sa alinmang iba pang malalayong lugar—sila’y pupuri sa Diyos sapagkat sila’y iningatan, at sila’y aawit: “Kagayakan ukol sa Matuwid!”
Walang Makatatakas sa Paghatol ni Jehova
15, 16. (a) Ano ang nadarama ni Isaias hinggil sa mangyayari sa kaniyang bayan? (b) Ano ang sasapit sa di-tapat na mga tumatahan sa lupain?
15 Samantala, ang pagsasaya ngayon ay hindi pa napapanahon. Dinala ni Isaias ang kaniyang mga kapanahon pabalik sa kasalukuyan, sa pagsasabing: “Ngunit ang sabi ko: ‘Sa ganang akin ay may pangangayayat, sa ganang akin ay may pangangayayat! Sa aba ko! Ang mga taksil makitungo ay nakikitungo nang may kataksilan. May kataksilan nga na ang mga taksil makitungo ay nakikitungo nang may kataksilan.’ Ang panghihilakbot at ang hukay at ang bitag ay sumasaiyo, ikaw na tumatahan sa lupain. At mangyayari nga na ang tumatakas mula sa ingay ng pinanghihilakbutang bagay ay mahuhulog sa hukay, at ang umaahon mula sa loob ng hukay ay mahuhuli sa bitag. Sapagkat ang mismong mga pintuan ng tubig sa kaitaasan ay bubuksan nga, at ang mga pundasyon ng lupain ay uuga. Ang lupain ay talagang sumambulat, ang lupain ay talagang nayanig, ang lupain ay talagang pinagiray-giray. Ang lupain ay talagang sumusuray-suray na gaya ng taong lasing, at ito ay gumigiwang-giwang sa magkabi-kabila gaya ng kubong bantayan. At ang pagsalansang nito ay bumigat sa ibabaw nito, at ito ay babagsak, anupat hindi na muling babangon.”—Isaias 24:16b-20.
16 Si Isaias ay sakbibi ng kalungkutan dahil sa sasapit sa kaniyang bayan. Ang kalagayan ng mga bagay-bagay sa palibot niya ay naging sanhi upang makadama ng panghihina at kaabahan. Naglipana ang mga taksil at nagdulot ito ng sindak sa mga tumatahan sa lupain. Kapag inalis ni Jehova ang kaniyang proteksiyon, ang di-tapat na mga tumatahan sa Juda ay daranas ng malaking takot kapuwa sa araw at sa gabi. Sila’y hindi makatitiyak sa kanilang mga buhay. Walang makatatakas sa kapahamakang sasapit sa kanila dahil sa pagtalikod sa mga utos ni Jehova at pagwawalang-bahala sa makadiyos na karunungan. (Kawikaan 1:24-27) Ang kalamidad ay sasapit bagaman ang mga taksil sa lupain, sa pagsisikap na kumbinsihin sila na magiging maayos ang lahat, ay gumagamit ng kasinungalingan at pandaraya upang akayin sila sa isang landasin tungo sa pagkapuksa. (Jeremias 27:9-15) Ang mga kaaway mula sa labas ay papasok at darambungin sila at dadalhin silang bihag. Ang lahat ng ito ay lubhang nakababagabag kay Isaias.
17. (a) Bakit hindi posible ang pagtakas? (b) Kapag ang kapangyarihan ng paghatol ni Jehova ay inilabas mula sa langit, ano ang mangyayari sa lupain?
17 Gayunman, kailangang ipahayag ng propeta na walang makatatakas. Saanman sikapin ng mga taong tumakas, sila’y mahuhuli. Ang ilan ay maaaring makatakas sa isang kalamidad, subalit sila’y mahuhuli sa ibang pagkakataon—hindi magkakaroon ng katiwasayan. Ito’y gaya ng isang tinutugis na hayop na hindi nahulog sa hukay upang mahuli lamang sa isang bitag. (Ihambing ang Amos 5:18, 19.) Ang kapangyarihan ng paghatol ni Jehova ay lalabas mula sa langit at yayanigin ang bawat pundasyon ng lupain. Kagaya ng isang taong lasing, ang lupain ay magpapahapay-hapay at babagsak sa bigat ng kasalanan at hindi na makababangon pang muli. (Amos 5:2) Ang kahatulan ni Jehova ay pangwakas. Ganap na pagkapuksa at pagkagiba ang sasapit sa lupain.
Maghahari si Jehova sa Kaluwalhatian
18, 19. (a) Sa ano tumutukoy ang “hukbo ng kaitaasan,” at paanong ang mga ito ay tinitipon “sa bartolina”? (b) Malamang, paanong ang “hukbo ng kaitaasan” ay bibigyan ng pansin “pagkatapos ng maraming araw”? (c) Paano binibigyang-pansin ni Jehova ang “mga hari sa lupa”?
18 Ang hula ni Isaias ngayon ay mas lumawak, na tumutukoy sa pangwakas na katuparan ng layunin ni Jehova: “Mangyayari nga na sa araw na iyon ay ibabaling ni Jehova ang kaniyang pansin sa hukbo ng kaitaasan na nasa kaitaasan, at sa mga hari sa lupa na nasa ibabaw ng lupa. At sila ay tiyak na titipunin kung paanong ang mga bilanggo ay tinitipon sa hukay, at ikukulong sa bartolina; at pagkatapos ng maraming araw ay pagtutuunan sila ng pansin. At ang buwan na nasa kabilugan ay nalito, at ang sumisinag na araw ay napahiya, sapagkat si Jehova ng mga hukbo ay naging hari sa Bundok Sion at sa Jerusalem at sa harap ng kaniyang matatandang lalaki taglay ang kaluwalhatian.”—Isaias 24:21-23.
19 Ang “hukbo ng kaitaasan” ay maaaring tumukoy sa makademonyong “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, . . . [ang] balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Ang mga ito ay nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa mga kapangyarihang pandaigdig. (Daniel 10:13, 20; 1 Juan 5:19) Ang kanilang tunguhin ay ang ilayo ang mga tao mula kay Jehova at sa kaniyang dalisay na pagsamba. Gayon na lamang ang tagumpay nila sa paghikayat sa Israel upang sumunod sa tiwaling mga gawain ng mga bansang nakapalibot sa kanila para maging karapat-dapat sa banal na paghatol ng Diyos! Subalit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay kailangang managot sa Diyos kapag ibinaling na niya sa wakas ang kaniyang pansin sa kanila at sa mga tagapamahala sa lupa, ang “mga hari sa lupa na nasa ibabaw ng lupa,” na kanilang naimpluwensiyahan upang lumaban sa Diyos at lumabag sa kaniyang mga kautusan. (Apocalipsis 16:13, 14) Sa makasagisag na pananalita, sinabi ni Isaias na sila’y titipunin at “ikukulong sa bartolina.” “Pagkatapos ng maraming araw,” marahil kapag si Satanas at ang kaniyang mga demonyo (subalit hindi ang “mga hari sa lupa na nasa ibabaw ng lupa”) ay pansamantalang pinalaya sa katapusan ng Sanlibong Taon ng Paghahari ni Jesu-Kristo, igagawad sa kanila ng Diyos ang pangwakas na kaparusahan na karapat-dapat sa kanila.—Apocalipsis 20:3, 7-10.
20. Sa kapuwa sinauna at makabagong panahon, paano at kailan “naging hari” si Jehova?
20 Ang bahaging ito ng hula ni Isaias ay nagbigay sa mga Judio ng isang kamangha-manghang katiyakan. Sa takdang panahon ni Jehova, pangyayarihin niya ang pagbagsak ng sinaunang Babilonya at pababalikin ang mga Judio sa kanilang lupang tinubuan. Sa taóng 537 B.C.E., kapag itinanghal na niya ang kaniyang kapangyarihan at soberanya sa ganitong paraan alang-alang sa kaniyang bayan, tunay na masasabi sa kanila: ‘Ang inyong Diyos ay naging hari!’ (Isaias 52:7) Sa makabagong mga panahon, si Jehova ay “naging hari” noong 1914 nang kaniyang ilagay si Jesu-Kristo bilang Hari sa Kaniyang makalangit na Kaharian. (Awit 96:10) Siya rin ay “naging hari” noong 1919 nang kaniyang itanghal ang kapangyarihan ng kaniyang pagiging hari sa pamamagitan ng pagpapalaya sa espirituwal na Israel mula sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila.
21. (a) Paanong ‘ang buwan na nasa kabilugan ay nalito at ang sumisinag na araw ay napahiya’? (b) Anong umaalingawngaw na panawagan ang magkakaroon ng pinakadakilang katuparan nito?
21 Si Jehova ay muling ‘magiging hari’ kapag winakasan na niya ang Babilonyang Dakila at ang natitira pa sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Zacarias 14:9; Apocalipsis 19:1, 2, 19-21) Pagkatapos, ang pamamahala ng Kaharian ni Jehova ay magiging napakaringal anupat hindi mapapantayan ang kaluwalhatian nito ng ningning ng kabilugan ng buwan sa gabi ni ng sumisinag na araw sa katanghaliang tapat. (Ihambing ang Apocalipsis 22:5.) Ang mga ito ay mapapahiya, wika nga, na ihambing ang kanilang sarili sa kaluwalhatian ni Jehova ng mga hukbo. Si Jehova ay mangingibabaw. Ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at kaluwalhatian ay mahahayag sa lahat. (Apocalipsis 4:8-11; 5:13, 14) Anong kamangha-manghang pag-asa! Sa panahong iyon, ang panawagan sa Awit 97:1 ay aalingawngaw sa buong lupa sa pinakadakilang katuparan nito: “Si Jehova mismo ay naging hari! Magalak ang lupa. Magsaya ang maraming pulo.”
[Larawan sa pahina 262]
Ang musika at ang pagsasaya ay hindi na maririnig pa sa lupain
[Larawan sa pahina 265]
Ang ilan ay makaliligtas sa paghatol ni Jehova, kung paanong may bunga na naiiwan sa puno pagkatapos ng pag-aani
[Larawan sa pahina 267]
Si Isaias ay sakbibi ng kalungkutan dahil sa sasapit sa kaniyang bayan
[Larawan sa pahina 269]
Maging ang araw ni ang buwan man ay hindi makapapantay sa kaluwalhatian ni Jehova