Mga Aral Mula sa mga Ibon
“Tanungin mo, pakisuyo, . . . ang mga may-pakpak na nilalang sa langit, at sasabihin nila sa iyo. Sino sa lahat ng mga ito ang hindi lubos na nakaaalam na ang kamay ni Jehova ang gumawa nito?” —Job 12:7, 9.
MAHIGIT 3,000 taon na ang nakararaan, nakita ng patriyarkang si Job na marami tayong matututuhan sa mga gawang-kamay ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga ibon. At dahil sa katangian ng mga ibon, ginagamit din ang mga ito sa ilustrasyon at metapora. Ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga ibon ay nagtuturo sa atin ng mahahalagang aral sa buhay at kung paano magkakaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
ANG PUGAD NG LANGAY-LANGAYAN
Pamilyar ang mga taga-Jerusalem sa langay-langayan. Karaniwan nang gumagawa ang mga ito ng kanilang pugad sa dulo ng bubong ng isang gusali. Ang ilang pugad ay matatagpuan sa templong itinayo ni Solomon. Malamang na namumugad dito ang mga langay-langayan taon-taon dahil ligtas na lugar ito para alagaan ang kanilang mga inakáy.
Ang mga pugad na iyon ay napansin ng kumatha ng Awit 84—isa sa mga anak ni Kora, na naglilingkod sa templo sa loob ng isang linggo kada anim na buwan. Hinangad niyang maging gaya ng langay-langayan na may permanenteng tirahan sa bahay ni Jehova. “Kay ganda ng iyong maringal na tabernakulo, O Jehova ng mga hukbo! Ninanasa at minimithi rin ng aking kaluluwa ang mga looban ni Jehova,” ang sabi niya. “Maging ang ibon man ay nakasumpong ng bahay, at ang langay-langayan ng pugad para sa kaniyang sarili, kung saan niya inilalagay ang kaniyang mga inakáy—ang iyong maringal na altar, O Jehova ng mga hukbo, aking Hari at aking Diyos!” (Awit 84:1-3) Nasasabik din ba tayo, pati na ang ating mga anak, na regular na makasama sa mga pagtitipon ang ating mga kapananampalataya?—Awit 26:8, 12.
ALAM NG SIGUANA ANG PANAHON
“Ang siguana sa langit—nalalaman nitong lubos ang kaniyang mga takdang panahon,” ang isinulat ni propeta Jeremias. Pamilyar siya sa mga nandarayuhang siguana na dumaraan sa Lupang Pangako. Sa panahon ng tagsibol, mahigit 300,000 puting siguana ang nandarayuhan mula Aprika papuntang Hilagang Europa, na dumaraan sa Libis ng Jordan. Alam ng mga ibong ito ang tamang panahon ng paglalakbay para makabalik sila sa lugar kung saan sila nagpaparami sa panahon ng tag-araw. Gaya ng iba pang nandarayuhang ibon, “sinusunod nilang mabuti ang panahon ng kani-kaniyang pagdating.”—Jeremias 8:7.
“Ang talagang kahanga-hanga sa pandarayuhan ay ang pagiging likas nito,” ang sabi ng Collins Atlas of Bird Migration. Binigyan ng Diyos na Jehova ang mga ibon ng likas na kakayahang malaman ang panahon kung kailan sila mandarayuhan, pero ang tao ay binigyan niya ng kakayahang unawain ang panahon at kapanahunan. (Lucas 12:54-56) Di-gaya ng likas na kakayahan ng mga siguana, ang kaalamang mula sa Diyos ang pangunahing paraan para maunawaan ng mga tao ang kahulugan ng mga nangyayari sa panahon natin. Binale-wala ng mga Israelita noong panahon ni Jeremias ang mga palatandaang iyon. Ipinaliwanag ng Diyos ang dahilan ng problema sa pagsasabi: “Itinakwil nila ang mismong salita ni Jehova, at anong karunungan ang taglay nila?”—Jeremias 8:9.
Sa ngayon, maraming katibayan na nabubuhay na tayo sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Tutularan mo ba ang mga siguana at magbibigay-pansin sa ‘kapanahunan’?
NATATANAW NG AGILA ANG MALALAYONG DISTANSIYA
Maraming beses na binabanggit sa Bibliya ang mga agila. Karaniwang tanawin sa Lupang Pangako ang lumilipad na mga agila, at kahit nasa malayo ay kapansin-pansin ang mga ito. Mula sa pugad nito na nasa gilid ng matatarik na bangin, nagagawa ng agila na “maghanap ng pagkain; doon sa malayo ay tumitingin ang mga mata nito.” (Job 39:27-29) Napakatalas ng paningin ng agila. Sinasabing kaya nitong makita ang isang rabit na nasa layong isang kilometro.
Kung paanong natatanaw ng agila ang malalayong distansiya, kaya ring makita ni Jehova ang isang bagay kahit matagal pa bago ito mangyari. Kung tungkol sa kaniya, sinasabi ng Bibliya: “Ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” (Isaias 46:10) Kung susundin natin ang mga payo ni Jehova, makikinabang tayo sa kaniyang karunungan at kakayahang makita ang hinaharap.—Isaias 48:17, 18.
Inihahambing din ng Bibliya sa agila ang mga taong nagtitiwala sa Diyos: “Yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila.” (Isaias 40:31) Nakalilipad ang agila sa tulong ng thermal—ang tumataas na mga daloy ng mainit na hangin. Kapag nakahanap ang agila ng thermal, ibubuka nito ang kaniyang mga pakpak, sasalimbay rito at papaitaas. Hindi dumedepende ang agila sa sarili nitong lakas para makalipad at maglakbay sa malalayong lugar. Sa katulad na paraan, makatitiyak din ang mga nagtitiwala kay Jehova na kaya niyang magbigay ng “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Corinto 4:7, 8.
“KUNG PAANONG TINITIPON NG INAHING MANOK ANG KANIYANG MGA SISIW”
Bago mamatay si Jesus, huminto siya para tingnan ang kabiserang lunsod ng mga Judio. “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya,” ang sabi niya. “Kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig.”—Mateo 23:37.
Ang isa sa pinakamagandang katangian ng mga ibon ay ang paraan ng pagprotekta nito sa kanilang mga inakáy. Ang mga ibong namumugad sa lupa, gaya ng inahing manok, ay dapat na maging alerto sa panganib. Kapag napansin nitong may umaaligid na lawin, puputak ito nang malakas para babalaan ang mga sisiw, na agad namang tatakbo sa ilalim ng mga pakpak nito. Ang mga pakpak ng inahing manok ay nagsisilbi ring silong sa mga inakáy kapag mainit o malakas ang ulan. Hinangad din ni Jesus na paglaanan ng espirituwal na kanlungan at proteksiyon ang mga taga-Jerusalem. Sa ngayon, inaanyayahan tayo ni Jesus na lumapit sa kaniya para maginhawahan tayo at maprotektahan mula sa mga pasanin at alalahanín sa buhay.—Mateo 11:28, 29.
Talagang marami tayong matututuhan sa mga ibon. Habang pinagmamasdan mo ang katangian ng mga ito, alalahanin kung paano sila inilarawan sa Bibliya. Makatulong sana sa iyo ang langay-langayan para pahalagahan ang bahay ng pagsamba kay Jehova. Humingi ka ng lakas sa Diyos para maging gaya ka ng isang lumilipad na agila. Lumapit ka kay Jesus para malaman ang katotohanang poprotekta sa iyo gaya ng ginagawa ng inahing manok sa kaniyang mga inákay. At magsilbi sanang paalaala sa iyo ang siguana na manatiling alerto sa kahulugan ng mga nangyayari ngayon sa daigdig.