DARAS
Ito ang salin ng salitang Hebreo na ma·ʽatsadh (sa Ingles, billhook), tumutukoy sa isang kasangkapan na ginagamit noon bilang panghubog ng kahoy, at kahit ng bakal. (Jer 10:3; Isa 44:12) Ang salitang-ugat na itinuturing na pinaghanguan ng terminong Hebreong ito ay iniuugnay sa mga salita sa kaugnay na mga wika na nangangahulugang “gapasin,” “putulin.” Dahil dito, binibigyang-katuturan nina Koehler at Baumgartner ang ma·ʽatsadhʹ bilang “daras.” (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 550) Ang makabagong daras ay binubuo ng isang hawakan at ng isang talim na hugis-pangawit ang dulo. Gayunman, ipinapalagay ng iba na ang ma·ʽatsadhʹ ay tumutukoy sa isang uri ng palakol, yamang ganito ang kahulugan nito sa Hebreo nitong bandang huli, at iminumungkahi nila na maaaring tumutukoy ito sa isang adz.