Ikaanim na Kabanata
Ang Isyu na Dapat Harapin Nating Lahat
1, 2. (a) Anong isyu ang ibinangon ni Satanas sa Eden? (b) Paano ipinahiwatig ang isyung iyon sa kaniyang sinabi?
NASASANGKOT ka sa pinakamahalagang isyu na napaharap kailanman sa sangkatauhan. Ang iyong walang-hanggang kinabukasan ay nakasalalay sa kung saan ka papanig. Bumangon ang isyung ito nang sumiklab ang paghihimagsik sa Eden. Noon ay itinanong ni Satanas kay Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Sumagot siya na tungkol sa isang punungkahoy ay sinabi ng Diyos: “Huwag kayong kakain mula roon . . . upang hindi kayo mamatay.” Pagkatapos ay tuwirang pinaratangan ni Satanas na sinungaling si Jehova, na sinasabing hindi nakasalalay ang buhay ni Eva ni ang buhay ni Adan sa pagsunod sa Diyos. Sinabi ni Satanas na ipinagkakait ng Diyos sa kaniyang mga nilalang ang isang bagay na mabuti—ang kakayahang magtakda ng kanilang sariling mga pamantayan sa buhay. Iginiit ni Satanas: “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”—Genesis 3:1-5.
2 Sa diwa, sinasabi ni Satanas na mas mapapabuti ang mga tao kung magpapasiya sila sa ganang sarili sa halip na susunod sa mga kautusan ng Diyos. Sa gayon ay hinamon niya ang paraan ng pamamahala ng Diyos. Ibinangon nito ang pinakamahalagang isyu tungkol sa pansansinukob na pagkasoberano ng Diyos, samakatuwid nga, ang kaniyang karapatang mamahala. Bumangon ang tanong: Alin ang mas makabubuti sa mga tao, ang paraan ng pamamahala ni Jehova o ang pamamahala na hiwalay sa kaniya? Sa pagkakataong iyon, maaari na sanang patayin kaagad ni Jehova sina Adan at Eva, ngunit hindi nito malulutas ang isyu ng pagkasoberano sa kasiya-siyang paraan. Sa pagpapahintulot na sumulong ang lipunan ng tao sa loob ng mahabang panahon, maipakikita ng Diyos kung ano mismo ang ibubunga ng paghiwalay sa kaniya at sa kaniyang mga kautusan.
3. Anong pangalawahing isyu ang ibinangon ni Satanas?
3 Ang pagtuligsa ni Satanas sa karapatang mamahala ni Jehova ay hindi huminto sa nangyaring iyon sa Eden. Kinuwestiyon niya ang katapatan ng iba kay Jehova. Ito ay naging pangalawahing isyu na may malapit na kaugnayan sa nauna. Ang kaniyang hamon ay nagsangkot kapuwa sa mga supling nina Adan at Eva at sa lahat ng mga espiritung anak ng Diyos, maging sa pinakamamahal na panganay na Anak ni Jehova. Halimbawa, noong mga araw ni Job, iginiit ni Satanas na yaong mga naglilingkod kay Jehova ay gumagawa ng gayon, hindi dahil sa mahal nila ang Diyos at ang kaniyang paraan ng pamamahala, kundi dahil sa sakim na mga dahilan. Ikinatuwiran niya na kapag nahirapan sila, silang lahat ay magpapadaig sa sakim na mga pagnanasa.—Job 2:1-6; Apocalipsis 12:10.
Kung Ano ang Pinatunayan ng Kasaysayan
4, 5. Ano ang pinatutunayan ng kasaysayan hinggil sa pagtutuwid ng tao sa kaniyang sariling mga hakbang?
4 Ang isang mahalagang punto sa isyu tungkol sa pagkasoberano ay ito: Hindi nilalang ng Diyos ang mga tao upang mabuhay nang hiwalay sa kaniyang pamamahala at maging matagumpay. Para sa kanilang kapakinabangan, nilikha niya sila na nakadepende sa kaniyang matuwid na mga kautusan. Inamin ng propetang si Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, O Jehova.” (Jeremias 10:23, 24) Kaya humihimok ang Salita ng Diyos: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.” (Kawikaan 3:5) Kung paanong nilikha ng Diyos ang sangkatauhan na nauugitan ng kaniyang pisikal na mga batas upang manatiling buháy, gumawa rin siya ng moral na mga batas, na kung susundin ay lilikha ng isang maayos na lipunan.
5 Maliwanag, alam ng Diyos na ang pamilya ng tao ay hindi kailanman magtatagumpay sa pag-ugit sa kaniyang sarili nang wala ang kaniyang pamamahala. Sa bigong pagsisikap na maging hiwalay sa pamamahala ng Diyos, ang mga tao ay nagtatag ng iba’t ibang sistema sa pulitika, kabuhayan, at relihiyon. Ang mga pagkakaibang ito ay pinagmumulan ng patuloy na alitan ng mga tao, na nagbubunga ng karahasan, digmaan, at kamatayan. “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Iyan mismo ang nangyayari sa buong kasaysayan ng tao. Gaya ng inihula sa Salita ng Diyos, ang mga taong balakyot at mga impostor ay ‘nagpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama.’ (2 Timoteo 3:13) At ang ika-20 siglo, na nakasaksi sa pagkakamit ng sangkatauhan ng malalaking tagumpay sa siyensiya at industriya, ay nakaranas ng pinakamalulubhang kapahamakan kailanman. Ang mga salita sa Jeremias 10:23 ay lubusang napatunayan—ang mga tao ay hindi nilikha upang ituwid ang kanilang sariling mga hakbang.
6. Paano lulutasin ng Diyos sa malapit na hinaharap ang paghiwalay ng tao sa kaniya?
6 Ang kalunus-lunos at pangmatagalang bunga ng paghiwalay sa Diyos ay lubusang nagpakita na hindi kailanman magtatagumpay ang pamamahala ng mga tao. Ang pamamahala ng Diyos ang tanging daan tungo sa kaligayahan, pagkakaisa, kalusugan, at buhay. At ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang pagpapahintulot ni Jehova sa hiwalay na pamamahala ng tao ay malapit nang magwakas. (Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5) Di-magtatagal, makikialam na siya sa mga gawain ng tao upang patunayan ang kaniyang kapamahalaan sa buong lupa. Sinasabi ng hula ng Bibliya: “Sa mga araw ng mga haring iyon [ang mga pamamahala ng tao na umiiral ngayon] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan [hindi na muling mamahala kailanman ang mga tao sa lupa]. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng [kasalukuyang] mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Pagkaligtas Tungo sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
7. Kapag winakasan na ng pamamahala ng Diyos ang pamamahala ng tao, sino ang maliligtas?
7 Kapag winakasan na ng pamamahala ng Diyos ang pamamahala ng tao, sino ang maliligtas? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ang mga matuwid [yaong mga nagtataguyod sa karapatan ng Diyos na mamahala] ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot [yaong mga hindi nagtataguyod sa karapatan ng Diyos na mamahala], lilipulin sila mula sa mismong lupa.” (Kawikaan 2:21, 22) Gayundin naman, sinabi ng salmista: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:10, 29.
8. Paano lubusang ipagbabangong-puri ng Diyos ang kaniyang pagkasoberano?
8 Pagkatapos puksain ang sistema ni Satanas, paiiralin na ng Diyos ang kaniyang bagong sanlibutan, na lubusang papawi sa kapaha-pahamak na karahasan, digmaan, karukhaan, pagdurusa, sakit, at kamatayan na umalipin sa sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Napakaganda ng paglalarawan ng Bibliya sa mga pagpapalang naghihintay sa masunuring sangkatauhan: “Papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Sa pamamagitan ng pamamahala ng kaniyang makalangit na Kaharian sa ilalim ni Kristo, lubusang ipagbabangong-puri (bibigyang-katarungan, o patutunayan) ng Diyos ang Kaniyang karapatan na maging Soberano natin, samakatuwid nga, ang Tagapamahala natin.—Roma 16:20; 2 Pedro 3:10-13; Apocalipsis 20:1-6.
Kung Paano Sila Tumugon sa Isyu
9. (a) Paano minalas ng mga nanatiling matapat kay Jehova ang kaniyang salita? (b) Paano pinatunayan ni Noe ang kaniyang pagkamatapat, at paano tayo makikinabang sa kaniyang halimbawa?
9 Sa lahat ng nagdaang kasaysayan, may mga tapat na lalaki at babae na nakapagpatunay na sila ay matapat kay Jehova bilang kanilang Soberano. Alam nila na ang kanilang buhay ay nakasalalay sa pakikinig at pagsunod sa kaniya. Gayong uri ng lalaki si Noe. Kaya sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap ko . . . Gumawa ka para sa iyo ng isang arka.” At si Noe ay sumunod sa patnubay ni Jehova. Sa kabila ng babalang ibinigay, ang ibang mga tao noong panahong iyon ay namuhay na para bang walang pambihirang bagay na mangyayari. Ngunit si Noe ay gumawa ng isang napakalaking arka at nanatiling abala sa pangangaral sa iba tungkol sa matuwid na mga daan ni Jehova. Sinasabi pa ng ulat: “Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.”—Genesis 6:13-22; Hebreo 11:7; 2 Pedro 2:5.
10. (a) Paano itinaguyod nina Abraham at Sara ang pagkasoberano ni Jehova? (b) Sa anong paraan tayo maaaring makinabang sa mga halimbawa nina Abraham at Sara?
10 Sina Abraham at Sara ay maiinam na halimbawa rin sa pagtataguyod sa pagkasoberano ni Jehova, anupat ginagawa ang anumang iniutos niya sa kanila. Nanirahan sila sa Ur ng mga Caldeo, isang maunlad na lunsod. Subalit nang sabihin ni Jehova kay Abraham na magtungo siya sa ibang lupain, isa na hindi niya alam, si Abraham ay “humayo gaya ng sinalita ni Jehova sa kaniya.” Walang alinlangan na maalwan noon ang paraan ng pamumuhay ni Sara—may tahanan, mga kaibigan, at mga kamag-anak. Gayunman, siya ay mapagpasakop kay Jehova at sa kaniyang asawa at nagtungo sa lupain ng Canaan, bagaman hindi niya alam kung anong mga kalagayan ang naghihintay sa kaniya roon.—Genesis 11:31–12:4; Gawa 7:2-4.
11. (a) Sa ilalim ng anong mga kalagayan itinaguyod ni Moises ang pagkasoberano ni Jehova? (b) Paano tayo maaaring makinabang sa halimbawa ni Moises?
11 Si Moises ay isa pang tao na nagtaguyod sa pagkasoberano ni Jehova. At ginawa niya ito sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan—sa harapang pakikipagtalo kay Paraon ng Ehipto. Hindi naman dahil sa labis ang tiwala ni Moises sa kaniyang sarili. Sa kabaligtaran, pinag-alinlanganan pa nga niya ang kaniyang kakayahang magsalita nang mahusay. Ngunit sinunod niya si Jehova. Sa tulong ni Jehova at sa pag-alalay ng kaniyang kapatid, si Aaron, paulit-ulit na inihatid ni Moises ang salita ni Jehova sa mapagmatigas na si Paraon. Maging ang ilan sa mga anak ni Israel ay may-kalupitang namintas kay Moises. Gayunman, matapat na ginawa ni Moises ang lahat ng iniutos sa kaniya ni Jehova, at sa pamamagitan niya, ang Israel ay pinalaya mula sa Ehipto.—Exodo 7:6; 12:50, 51; Hebreo 11:24-27.
12. (a) Ano ang nagpapakita na ang pagiging matapat kay Jehova ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa basta paggawa lamang sa ipinasulat ng Diyos? (b) Paanong ang pagkaunawa sa ganitong uri ng pagkamatapat ay maaaring tumulong sa atin na ikapit ang 1 Juan 2:15?
12 Ang mga matapat kay Jehova ay hindi nangatuwiran na ang kahilingan lamang ay sundin kung ano ang ipinasulat ng Diyos. Nang sikapin ng asawa ni Potipar na akitin si Jose upang mangalunya sa kaniya, walang nasusulat na kautusan mula sa Diyos na nagbabawal sa pangangalunya. Gayunman, alam ni Jose ang tungkol sa kaayusan sa pag-aasawa na itinatag ni Jehova sa Eden. Batid niya na ang pakikipagtalik sa asawa ng ibang lalaki ay magiging di-kalugud-lugod sa Diyos. Hindi interesado si Jose na subukan kung hanggang saan siya pahihintulutan ng Diyos na maging katulad ng mga Ehipsiyo. Itinaguyod niya ang mga daan ni Jehova sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan at pagkatapos ay buong-kataimtimang ikinakapit ang kaniyang naunawaan na kalooban ng Diyos.—Genesis 39:7-12; Awit 77:11, 12.
13. Paano napatunayang sinungaling ang Diyablo may kinalaman (a) kay Job? (b) sa tatlong Hebreo?
13 Kahit na dumanas pa ng matinding pagsubok, yaong mga tunay na nakakakilala kay Jehova ay hindi tumatalikod sa kaniya. Nagparatang si Satanas na kung mawawala kay Job ang kaniyang maraming pag-aari o ang kaniyang kalusugan, maging siya—na lubhang kinalulugdan ni Jehova—ay tatalikod sa Diyos. Ngunit pinatunayan ni Job na sinungaling ang Diyablo, bagaman hindi alam ni Job mismo kung bakit siya dumaranas ng napakaraming kapahamakan. (Job 2:9, 10) Pagkalipas ng maraming siglo, palibhasa’y sinisikap pa ring patunayan ang kaniyang punto, pinangyari ni Satanas na pagbantaan ng nagngangalit na hari ng Babilonya ang tatlong kabataang Hebreo na papatayin sila sa isang maapoy na hurno kung hindi sila yuyukod bilang pagsamba sa harap ng isang imahen na itinayo ng hari. Yamang pinilit na magpasiya kung susunod sa utos ng hari o susunod sa kautusan ni Jehova laban sa idolatriya, matatag na ipinahayag nila na sila ay naglilingkod kay Jehova at na siya ang kanilang Kataas-taasang Soberano. Ang katapatan sa Diyos ay mas mahalaga sa kanila kaysa sa kasalukuyang buhay nila!—Daniel 3:14-18.
14. Paanong posible para sa atin bilang di-sakdal na mga tao na patunayang talagang matapat tayo kay Jehova?
14 Dapat ba nating ipalagáy mula sa gayong mga halimbawa na upang maging matapat kay Jehova, ang isang tao ay dapat na maging sakdal o na ang isa na nagkamali ay ganap nang nabigo? Hinding-hindi! Sinasabi sa atin ng Bibliya na may mga pagkakataong nagkulang din si Moises. Bagaman hindi nalugod si Jehova, hindi niya itinakwil si Moises. Ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay mayroon ding mga kahinaan. Yamang isinasaalang-alang ang ating minanang di-kasakdalan, si Jehova ay nalulugod kung hindi natin sinasadyang ipagwalang-bahala ang kaniyang kalooban sa anumang paraan. Kung dahil sa kahinaan ay masangkot nga tayo sa paggawa ng kamalian, mahalaga na taimtim tayong magsisi at huwag mamihasa sa paggawa ng mali. Sa ganitong paraan ay ipinamamalas natin na talagang iniibig natin kung ano ang sinasabi ni Jehova na mabuti at kinapopootan naman kung ano ang ipinakikita niya na masama. Salig sa ating pananampalataya sa halaga ng pambayad-salang hain ni Jesus, maaari nating tamasahin ang isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos.—Amos 5:15; Gawa 3:19; Hebreo 9:14.
15. (a) Sino sa lahat ng mga tao ang nakapag-ingat ng sakdal na katapatan sa Diyos, at ano ang pinatunayan nito? (b) Paano tayo natutulungan ng ginawa ni Jesus?
15 Gayunpaman, ang sakdal na pagsunod nga ba sa pagkasoberano ni Jehova ay maliwanag na imposible para sa mga tao? Ang sagot dito ay gaya ng isang “sagradong lihim” sa loob ng mga 4,000 taon. (1 Timoteo 3:16) Si Adan, bagaman nilalang na sakdal, ay hindi nagpakita ng sakdal na halimbawa ng makadiyos na debosyon. Kaya sino ang makapagpapakita nito? Tiyak na walang sinuman sa kaniyang makasalanang mga supling. Ang tanging tao na makagagawa nang gayon ay si Jesu-Kristo. (Hebreo 4:15) Pinatunayan ng mga naisagawa ni Jesus na si Adan, na nasa mas kaayaayang kalagayan noon, ay nakapag-ingat sana ng sakdal na katapatan kung ginusto niya. Ang pagkakamali ay wala sa gawang paglalang ng Diyos. Kaya naman si Jesu-Kristo ang halimbawa na nais nating tularan sa pagpapamalas hindi lamang ng pagsunod sa kautusan ng Diyos kundi maging sa personal na debosyon kay Jehova, ang Pansansinukob na Soberano.—Deuteronomio 32:4, 5.
Ano ang Ating Personal na Sagot?
16. Bakit dapat tayong patuloy na maging mapagbantay sa ating saloobin hinggil sa pagkasoberano ni Jehova?
16 Kailangang harapin ng bawat isa sa atin ngayon ang isyu tungkol sa pansansinukob na pagkasoberano. Kung hayagan nating sinasabi na tayo ay nasa panig ni Jehova, pupuntiryahin tayo ni Satanas. Nanggigipit siya mula sa lahat ng direksiyon at patuloy niya itong gagawin hanggang sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Hindi tayo dapat magpabaya sa ating pagbabantay. (1 Pedro 5:8) Ipinakikita ng ating paggawi kung saan tayo nakatayo sa pinakadakilang isyu tungkol sa pagkasoberano ni Jehova at sa pangalawahing isyu ng katapatan sa Diyos sa ilalim ng pagsubok. Hindi natin dapat malasin na walang halaga ang di-matapat na paggawi dahil lamang sa pangkaraniwan na ito sa sanlibutan. Kahilingan sa pag-iingat ng katapatan ang pagsisikap na maikapit ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova sa lahat ng pitak ng buhay.
17. Anong bagay hinggil sa pinagmulan ng pagsisinungaling at pagnanakaw ang dapat na mag-udyok sa atin upang iwasan ang mga ito?
17 Halimbawa, hindi natin maaaring tularan si Satanas, na siyang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Dapat na maging tapat tayo sa lahat ng ating pakikitungo. Sa sistema ni Satanas, kadalasan nang hindi nagtatapat ang mga kabataan sa kanilang mga magulang. Ngunit iniiwasan ito ng mga kabataang Kristiyano, anupat pinatutunayan nila na di-totoo ang paratang ni Satanas na tatalikuran ng bayan ng Diyos ang kanilang katapatan sa ilalim ng pagsubok. (Job 1:9-11; Kawikaan 6:16-19) Nariyan din ang mga kaugalian sa pagnenegosyo na maaaring mag-ugnay sa isang tao sa “ama ng kasinungalingan” sa halip na sa Diyos ng katotohanan. Iniiwasan natin ang mga ito. (Mikas 6:11, 12) Gayundin naman, ang pagnanakaw ay hindi kailanman mabibigyang-katuwiran, kahit na ang isang tao ay nagigipit o kahit na ang pinagnakawan ay mayaman. (Kawikaan 6:30, 31; 1 Pedro 4:15) Bagaman pangkaraniwan na itong ginagawa sa ating lugar o kahit na maliit lamang ang kinuha, ang pagnanakaw ay salungat pa rin sa mga kautusan ng Diyos.—Lucas 16:10; Roma 12:2; Efeso 4:28.
18. (a) Sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, anong pagsubok ang sasapit sa lahat ng tao? (b) Anong kaugalian ang dapat nating linangin ngayon pa lamang?
18 Sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay mapapasakalaliman, anupat hindi na makaiimpluwensiya sa sangkatauhan. Tunay na magiging isang malaking kaginhawahan iyon! Ngunit pagkatapos ng sanlibong taon, pakakawalan sila sa loob ng maikling panahon. Gigipitin ni Satanas at ng kaniyang mga tagasunod yaong mga kabilang sa isinauling sangkatauhan na nag-iingat ng kanilang katapatan sa Diyos. (Apocalipsis 20:7-10) Kung makamtan natin ang pribilehiyong mabuhay sa panahong iyon, paano tayo tutugon hinggil sa isyu tungkol sa pansansinukob na pagkasoberano? Yamang ang buong sangkatauhan ay magiging sakdal na sa panahong iyon, anumang di-matapat na pagkilos ay magiging sinadya at magbubunga ng walang-hanggang pagkapuksa. Napakahalaga nga na linangin ngayon pa lamang ang kaugalian na tumugon nang positibo sa anumang tagubilin na ibinibigay ni Jehova sa atin, sa pamamagitan man ng kaniyang Salita o ng kaniyang organisasyon! Sa paggawa nito, ipinakikita natin ang ating tunay na debosyon sa kaniya bilang ang Pansansinukob na Soberano.
Talakayin Bilang Repaso
• Ano ang pinakadakilang isyu na dapat harapin nating lahat? Paano tayo nasangkot?
• Ano ang kapansin-pansin sa mga paraan kung paano pinatunayan ng mga lalaki at babae noong sinaunang panahon ang kanilang katapatan kay Jehova?
• Bakit mahalaga na maging maingat tayo upang maparangalan si Jehova sa pamamagitan ng ating paggawi sa bawat araw?