ASO
[sa Heb., keʹlev; sa Gr., kyʹon; ky·naʹri·on, ‘maliit na aso’ (Mat 15:26)].
Sa mga Israelita, ang hayop na ito ay marumi sa seremonyal na paraan, kaya malamang na hindi man lamang nila naisip na magsanay ng mga aso. (Lev 11:27; Isa 66:3) Bagaman madalas banggitin sa Bibliya ang mga tupa at mga pastol, tanging si Job, na isang di-Israelita, ang bumanggit sa “mga aso sa aking kawan.”—Job 30:1.
Ang mga aso (Canis familiaris), gaya ng mga ibong kumakain ng bangkay, ay kumakain ng mga nabubulok, partikular na sa mga lunsod. Itinagubilin ng Kautusan na ihagis sa mga aso ang karne na nilapa ng mabangis na hayop. (Exo 22:31) Kung minsan, ang hatol ni Jehova sa kaniyang mga kaaway ay ipakain ang kanilang mga bangkay o ipahimod ang kanilang dugo sa mga asong ligáw. Dahil sa matinding kawalang-katapatan ng mga haring sina Jeroboam, Baasa, at Ahab, sinumang kabilang sa kani-kanilang sambahayan na mamamatay sa lunsod ay lalamunin ng mga aso. (1Ha 14:11; 16:4; 21:24) Bilang katuparan ng salita ni Jehova, hinimod ng mga aso ang dugo ni Ahab, at kinain ng mga aso ang laman ng asawa niyang si Jezebel. (1Ha 21:19; 22:38; 21:23; 2Ha 9:10, 35, 36) Bilang pahiwatig na hihimurin ng mga aso ang dugo ng mga kalaban ng bayan ni Jehova, isinulat ng salmista: “Upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi nito mula sa mga kaaway.” (Aw 68:23) Inihulang may bahaging gagampanan ang mga aso sa paglipol na sasapit sa di-tapat na Jerusalem at Juda. Kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay, anupat sila ay manluluray, manlalamon, at hihimod ng dugo.—Jer 15:3.
Makatalinghagang Paggamit. Ginamit ang nakapandidiring ugali ng aso na muling kainin ang iniluwa nito upang ilarawan ang landasin niyaong mga umaalis sa daan ng katuwiran at bumabalik sa dati nilang marungis na kalagayan. (2Pe 2:20-22; Kaw 26:11) Tinatawag na mga aso ang mga taong marumi sa moral. Ang kautusan ng Diyos sa Israel ay nagsabi: “Huwag mong dadalhin ang upa sa isang patutot o ang bayad sa isang aso [“lalaking patutot,” AT; “malamang ay isang pederast; isa na nagsasagawa ng anal intercourse, lalo na sa isang batang lalaki,” tlb sa Rbi8] sa bahay ni Jehova na iyong Diyos para sa anumang panata, sapagkat ang mga iyon ay karima-rimarim kay Jehova na iyong Diyos, ang dalawang iyon nga.” (Deu 23:18) Ang lahat niyaong tulad ng mga asong ligáw sa mga lansangan at nagsasagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay, gaya ng sodomiya, lesbianismo, kabangisan, at kalupitan, ay pinagbabawalang pumasok sa Bagong Jerusalem.—Apo 22:15; tingnan din ang Fil 3:2.
Ang paghamak sa mababangis na asong ligáw ay ipinahihiwatig din ng sumusunod na mga halimbawa: “Ako ba ay aso?” ang bulyaw ni Goliat kay David, dahil pumaroon ito sa kaniya na may dalang baston. (1Sa 17:43) “Sino ang hinahabol mo? Isang asong patay?” ang tanong ni David kay Haring Saul, anupat ipinakikitang wala siyang kabuluhan at hindi makapamiminsala kay Saul gaya ng asong patay. (1Sa 24:14) Gayundin, nang magsalita ang anak ni Jonatan na si Mepiboset kay Haring David, tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “asong patay,” ang pinakamababang kalagayan na maaaring sapitin ng tao. (2Sa 9:8; tingnan din ang 2Sa 3:8; 16:9; 2Ha 8:13.) Ang nag-aangking espirituwal na mga bantay ng Diyos ay inihambing ng propetang si Isaias sa pipi at umiidlip na mga aso na punô ng pagnanasa ng kaluluwa, anupat talagang walang silbi kapag may panganib. (Isa 56:10, 11) Itinulad sa mga aso ang mga kaaway ng mga lingkod ni Jehova, gayundin ang mga Gentil. (Aw 22:16, 20; 59:6, 14; Mat 15:26, 27; tingnan ang SIROFENISA.) Inihambing ni Jesu-Kristo sa mga aso ang mga taong walang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, na sinasabi: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal.”—Mat 7:6.
Dahil ginagamit ang aso upang sumagisag sa di-kaayaayang mga bagay, ang napakababang kalagayan ni Lazaro sa ilustrasyon ni Jesus ay maliwanag na makikita sa mga salitang, “Lumalapit . . . ang mga aso at hinihimod ang kaniyang mga sugat.” (Luc 16:21) Gayunman, maging ang kinasusuklamang aso ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon, sapagkat ang buháy na aso ay may kabatiran sa mga bagay-bagay, gayong ang patay na leon, ang maringal na hayop, ay walang anumang kabatiran.—Ec 9:4, 5.
Ang paghimod ng aso sa tubig habang nakamasid ito sa kaniyang kapaligiran ay tinukoy nang magtakda ang Diyos ng isang pagsubok para sa mga boluntaryo sa hukbo ni Gideon. Yaon lamang mga mapagbantay, na humihimod ng tubig mula sa kanilang mga kamay, “gaya ng paghimod ng aso,” ang pipiliin upang makipaglaban sa Midian.—Huk 7:5.