Sino ang Humuhubog ng Iyong Kaisipan?
“HINDI ko kailangan ang sinuman para sabihin sa akin ang dapat kong isipin! At hindi ko kailangan ang sinuman para sabihin sa akin ang dapat kong gawin!” Ang mariing pagsasabi ng mga salitang iyan ay kadalasang nangangahulugan na mayroon kang malaking tiwala sa iyong sarili at sa iyong pagpapasiya. Ganiyan ba ang nadarama mo? Siyempre pa, walang iba na dapat magpasiya para sa iyo. Subalit matalino ba ang agad na tumanggi sa maaaring maging isang mabuting payo? Wala nga kayang makatutulong sa iyo kailanman sa paggawa ng matatalinong pasiya? Gayunman, talaga bang natitiyak mo na walang sinuman, sa totoo, ang humuhubog ng iyong kaisipan, nang hindi mo pa nga namamalayan?
Halimbawa, bago ang ikalawang digmaang pandaigdig, ang industriya ng pelikula sa Alemanya ay kinontrol ni Joseph Goebbels, ang ministro ni Hitler sa propaganda. Bakit? Sapagkat natanto niya na ito’y magbibigay sa kaniya ng napakabisang instrumento na magagamit niya upang “impluwensiyahan ang mga paniniwala ng mga tao at sa gayo’y ang kanilang paggawi.” (Propaganda and the German Cinema 1933-1945) Batid mo marahil ang mabisa ngunit nakapanlulumong paggamit niya nito at ng iba pang pamamaraan upang maimpluwensiyahan ang ordinaryong mga tao—normal at makatuwirang mga tao—upang bulag na itaguyod ang pilosopiyang Nazi.
Ang totoo, ang paraan ng iyong pag-iisip, at pati na kung gayon ang paraan ng iyong paggawi, ay laging naiimpluwensiyahan sa paano man ng mga damdamin at pangmalas niyaong mga pinakikinggan mo. Sabihin pa, hindi naman ito masama. Kung ito’y mga taong totoong nagmamalasakit sa iyong kapakanan—tulad ng mga guro, kaibigan, o mga magulang—kung gayo’y makikinabang ka nang lubos mula sa kanilang payo at tagubilin. Subalit kung ito’y mga taong ang iniisip lamang ay ang kanilang sariling kapakanan at sila mismo’y naligaw o may masamang kaisipan, “mga manlilinlang ng isipan,” gaya ng pagkalarawan ni apostol Pablo sa kanila, kung gayo’y dapat kang mag-ingat!—Tito 1:10; Deuteronomio 13:6-8.
Kaya, huwag maging kampante at mag-isip na walang sinuman ang makaiimpluwensiya sa iyo. (Ihambing ang 1 Corinto 10:12.) Malamang ay nangyayari na nga ito—mas madalas kaysa sa inaakala mo—nang hindi mo pa nga namamalayan. Isaalang-alang ang simpleng halimbawa ng kung anong produkto ang naipapasiya mong bilhin kapag namimili ka. Iyon ba’y laging personal at makatuwirang desisyon? O ang ibang tao, madalas ay di-nakikita, ang may-katusuhan subalit malakas na nakaaapekto sa iyong pagpili? Ang mapagsiyasat na peryodistang si Eric Clark ay nag-iisip na gayon nga. “Habang lalo tayong pinauulanan ng pag-aanunsiyo,” sabi niya, “lalo namang hindi natin ito napapansin, gayunman, halos tiyak, na lalo tayong naaapektuhan.” Iniulat din niya na kapag tinatanong ang opinyon ng mga tao kung gaano kahusay ang pag-aanunsiyo, “karamihan ay sumasang-ayon na ito’y mabisa, subalit hindi sa kanila.” May hilig ang mga tao na makadamang ang lahat ng iba pa ay madaling mapadala, subalit sila ay hindi gayon. “Waring sila lamang ang hindi naaapektuhan.”—The Want Makers.
Nahubog ni Satanas?
Bagaman naiimpluwensiyahan ka ng pag-aanunsiyo sa araw-araw, maaaring wala naman itong malubhang epekto. Gayunman, may isa pang impluwensiya na mas mapanganib. Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na si Satanas ang punong manunulsol. (Apocalipsis 12:9) Ang pilosopiya niya ay halos katulad ng kaisipan ng isang ahente sa pag-aanunsiyo na nagsabing may dalawang paraan para maimpluwensiyahan ang mga mamimili—“sa pamamagitan ng pag-akit sa kanila o paghubog sa kanila.” Kung ang mga propagandista at tagapag-anunsiyo ay makagagamit ng gayong tusong mga pamamaraan para mahubog ang iyong kaisipan, lalo nang mahusay si Satanas sa paggamit ng gayunding mga taktika!—Juan 8:44.
Batid ito ni apostol Pablo. Nababahala siya na ang ilan sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay baka maglubay sa pagbabantay at maging mga biktima ng pandaraya ni Satanas. Isinulat niya: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga isipan ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2 Corinto 11:3) Pakadibdibin ang babalang iyan. Kung hindi, magiging tulad kayo niyaong mga taong naniniwala na ang propaganda at panghuhubog ay mabisa—“subalit hindi sa kanila.” Ang patotoo na talagang mabisa ang propaganda ni Satanas ay kitang-kita sa paligid natin dahil sa kalupitan, kasamaan, at pagpapaimbabaw na kapansin-pansin sa lahing ito.
Kaya naman, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na “huwag . . . magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.” (Roma 12:2) Ganito naman ang pagkakasabi ng isang tagapagsalin ng Bibliya sa mga salita ni Pablo: “Huwag pahintulutang hubugin ka ng sanlibutang nakapalibot sa iyo.” (Roma 12:2, Phillips) Gagamitin ni Satanas ang lahat ng bagay upang mahubog ka ayon sa gusto niya, gaya ng magpapalayok noon na puwersahang inilalagay ang luwad sa bukás na molde para maihulma ang mga marka at katangiang nais niyang mapalitaw rito. Inihanda ni Satanas ang pulitika, komersiyo, relihiyon, at libangan sa sanlibutan upang gawin iyan. Gaano ba kalawak ang kaniyang impluwensiya? Ito’y kasinlaganap noong kapanahunan ni apostol Juan. “Ang buong sanlibutan,” sabi ni Juan, “ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19; tingnan din ang 2 Corinto 4:4.) Kung nag-aalinlangan kayo hinggil sa kakayahan ni Satanas na hikayatin ang mga tao at pasamain ang kanilang kaisipan, tandaan kung gaano kabisa niyang nagawa ito sa mga mamamayan ng isang buong bansa, ang Israel, na nakaalay sa Diyos. (1 Corinto 10:6-12) Mangyari rin kaya iyan sa iyo? Maaari, kung hahayaan mong bukás ang iyong kaisipan sa mapanghikayat na impluwensiya ni Satanas.
Alamin ang Nangyayari
Karaniwan na, ang gayong tusong mga puwersa ay makaiimpluwensiya sa iyong kaisipan tangi lamang kung pahihintulutan mo ang mga ito. Sa kaniyang aklat na The Hidden Persuaders, ipinakita ni Vance Packard ang puntong ito: “Mayroon pa tayong matibay na pananggalang laban sa gayong [nakatagong] mga manghihikayat: magagawa nating hindi mahikayat. Sa halos lahat ng kalagayan ay mayroon pa tayong mapagpipilian, at hindi tayo lubhang masusulsulan kung ating nalalaman ang nangyayari.” Totoo rin iyan sa propaganda at panlilinlang.
Mangyari pa, upang ‘malaman ang nangyayari,’ dapat na laging bukás ang iyong pag-iisip at handang tumanggap ng mabubuting impluwensiya. Ang isang malusog na pag-iisip, gaya ng isang malusog na pangangatawan, ay dapat na pinakakain nang husto upang gumana nang wasto. (Kawikaan 5:1, 2) Ang kawalan ng impormasyon ay nakapipinsala rin na gaya ng pagkaalam ng maling impormasyon. Kaya, bagaman totoo na kailangan mong ipagsanggalang ang iyong pag-iisip mula sa nakaliligáw na mga ideya at pilosopiya, sikaping huwag malinang ang pagkamuhi o mapang-uyam na pangmalas sa lahat ng payo o impormasyon na ibinibigay sa iyo.—1 Juan 4:1.
Ang tapat na panghihikayat ay hindi tulad ng mapandayang propaganda. Tiyak na nagbabala si apostol Pablo sa kabataang si Timoteo na mag-ingat sa “mga taong balakyot at mga impostor [na] susulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanliligáw at naililigaw.” Subalit idinagdag ni Pablo: “Gayunman, magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan, yamang nakikilala mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito.” (2 Timoteo 3:13, 14) Yamang ang lahat ng ipinapasok mo sa iyong pag-iisip ay makaiimpluwensiya sa iyo sa paano man, ang susi ay ang ‘pagkilala kung kaninong mga tao mo natutuhan ang mga ito,’ upang matiyak na sila ay mga taong tunay na nagmamalasakit sa iyong kapakanan, hindi sa kanilang sarili.
Nasa iyo ang pagpili. Maaari mong piliing “magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay” kung hahayaan mong pangibabawan ng mga pilosopiya at simulain ng sanlibutan ang iyong kaisipan. (Roma 12:2) Subalit hindi nagmamalasakit sa iyong kapakanan ang sanlibutang ito. “Maging mapagbantay,” kung gayon, ang babala ni apostol Pablo, “baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao.” (Colosas 2:8) Napakadali lamang na mahubog ni Satanas sa paraang ito, o ‘matangay bilang kaniyang nasila.’ Katulad ito ng paglanghap ng usok ng sigarilyo. Maaari kang maapektuhan sa pamamagitan lamang ng paglanghap ng maruming hangin.
Gayunman, maiiwasan mong hindi malanghap ang “hangin” na iyon. (Efeso 2:2) Sa halip, sundin ang payo ni Pablo: “Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Kailangan ang pagsisikap sa bagay na ito. (Kawikaan 2:1-5) Tandaan, si Jehova ay hindi manunulsol. Inihahanda niya ang lahat ng kinakailangang impormasyon, subalit upang makinabang dito, dapat kang makinig dito at hayaang maapektuhan nito ang iyong kaisipan. (Isaias 30:20, 21; 1 Tesalonica 2:13) Dapat na handa kang punuin ang iyong pag-iisip ng mga katotohanan na nasa “banal na mga kasulatan,” ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya.—2 Timoteo 3:15-17.
Tumugon sa Paghubog ni Jehova
Ang pangangailangan para sa isang handa at masunuring pagtugon sa iyong bahagi upang makinabang mula sa humuhubog na impluwensiya ni Jehova ay buong puwersang inilarawan nang sabihin ni Jehova kay propeta Jeremias na dalawin ang pagawaan ng isang magpapalayok. Nakita ni Jeremias na nagbago ang pag-iisip ng magpapalayok tungkol sa kung ano ang gagawin sa isang sisidlan nang ang produkto na sinisikap niyang gawin ay “nasira ng kamay ng magpapalayok.” Pagkatapos ay sinabi ni Jehova: “Hindi ko ba magagawa sa inyo ang tulad ng ginawa ng magpapalayok na ito, O sambahayan ng Israel? . . . Narito! Gaya ng luwad sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa aking kamay, O sambahayan ng Israel.” (Jeremias 18:1-6) Nangangahulugan ba iyan na ang mga tao sa Israel ay katulad lamang ng mga tigkal ng walang-buhay na luwad sa mga kamay ni Jehova anupat basta na lamang niya hinuhubog ito para maging isang uri ng sisidlan ayon sa kaniyang sariling kagustuhan?
Kailanma’y hindi ginagamit ni Jehova ang kaniyang pinakamakapangyarihang lakas upang udyukan ang mga tao na gumawa ng mga bagay na labag sa kanilang kalooban; ni siya man ang dapat sisihin sa mga may-depektong sisidlan, gaya ng maaaring mangyari sa isang magpapalayok na tao. (Deuteronomio 32:4) Nagkakaroon ng mga depekto kapag ang mga tao na pinagsisikapang hubugin ni Jehova sa isang positibong paraan ay lumalaban sa kaniyang direksiyon. Iyan ang isang malaking pagkakaiba sa pagitan mo at ng isang tigkal ng walang-buhay na luwad. Mayroon kang malayang kalooban. Sa paggamit nito, maaari mong piliin na tumugon sa humuhubog na impluwensiya ni Jehova o kusang tumanggi rito.
Napakahalaga ngang aral nito! Kay inam ngang makinig kay Jehova sa halip na may-pagmamalaking sabihin na, “hindi ko kailangan ang sinuman para magsabi sa akin ng dapat kong gawin!” Lahat tayo ay nangangailangan ng pumapatnubay na impluwensiya ni Jehova. (Juan 17:3) Tularan ang salmistang si David, na nanalangin: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.” (Awit 25:4) Tandaan ang sinabi ni Haring Solomon: “Ang marunong na tao ay makikinig at kukuha ng higit pang turo.” (Kawikaan 1:5) Makikinig ka ba? Kung oo, ang “kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo.”—Kawikaan 2:11.