‘Ano Ngang Uri ng Pagkatao ang Nararapat sa Iyo!’
“Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon!”—2 PED. 3:11.
1. Bakit napapanahon ang ikalawang liham ni Pedro sa mga Kristiyano noon?
NANG isulat ni apostol Pedro ang kaniyang ikalawang liham, napakarami nang pag-uusig ang dinanas ng kongregasyong Kristiyano, pero hindi ito nakabawas sa sigasig ni nakahadlang man sa pagsulong nito. Kaya naman gumamit ang Diyablo ng ibang taktika na napatunayan nang epektibo. Gaya ng isiniwalat ni Pedro, tinangka ni Satanas na parumihin ang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng mga bulaang guro na may “mga matang punô ng pangangalunya” at “pusong sinanay sa kaimbutan.” (2 Ped. 2:1-3, 14; Jud. 4) Kaya ang ikalawang liham ni Pedro ay isang dibdibang payo sa pagiging tapat.
2. Saan nakatuon ang 2 Pedro kabanata 3? Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
2 Sumulat si Pedro: “Itinuturing kong matuwid, hangga’t ako ay nasa tabernakulong ito, na gisingin kayo sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa inyo, yamang nalalaman ko na ang pag-aalis ng aking tabernakulo ay malapit na . . . Kaya gagawin ko rin ang aking buong makakaya sa bawat pagkakataon upang, pagkatapos kong lumisan, mabanggit ninyo sa ganang inyo ang mga bagay na ito.” (2 Ped. 1:13-15) Oo, alam ni Pedro na malapit na siyang mamatay, pero gusto niyang manatili ang kaniyang mga paalaala. At nagkagayon nga, dahil naging bahagi ito ng Bibliya at nababasa natin sa ngayon. Interesado tayo sa kabanata 3 ng ikalawang liham ni Pedro dahil nakatuon ito sa “mga huling araw” ng kasalukuyang sistema ng mga bagay at sa pagkawasak ng makasagisag na mga langit at lupa. (2 Ped. 3:3, 7, 10) Ano nga ba ang payo sa atin ni Pedro? Paano ito makakatulong sa atin para makamit ang pagsang-ayon ni Jehova?
3, 4. (a) Ano ang idiniin ni Pedro? Anong babala ang ibinigay niya? (b) Anong tatlong punto ang tatalakayin natin?
3 Matapos banggitin ang pagpugnaw sa sanlibutan ni Satanas, sinabi ni Pedro: “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon!” (2 Ped. 3:11, 12) Sa tekstong ito, hindi siya nagtatanong kundi mayroon siyang idiniriin. Alam ni Pedro na tanging ang mga gumagawa lang ng kalooban ni Jehova at gumagawi nang nakalulugod sa Kaniya ang makaliligtas sa “araw ng paghihiganti.” (Isa. 61:2) Kaya idinagdag niya: “Mga minamahal, yamang taglay ninyo ang patiunang kaalamang ito, maging mapagbantay upang hindi kayo mailayong kasama nila [mga bulaang guro] sa pamamagitan ng kamalian ng mga taong sumasalansang sa batas at mahulog mula sa inyong sariling katatagan.”—2 Ped. 3:17.
4 Palibhasa’y may ‘patiunang kaalaman,’ alam ni Pedro na sa mga huling araw, ang mga Kristiyano ay lalo nang dapat na maging mapagbantay para makapanatiling tapat. Nang maglaon, ipinaliwanag ni apostol Juan kung bakit. Nakita niya sa pangitain ang pagpapalayas kay Satanas sa langit at ang “malaking galit” nito sa mga “tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apoc. 12:9, 12, 17) Magtatagumpay ang tapat na mga pinahirang lingkod ng Diyos at ang kasama nilang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Pero kumusta naman tayo bilang mga indibiduwal? Mananatili ba tayong tapat? Magagawa natin ito kung sisikapin nating (1) maglinang ng makadiyos na mga katangian, (2) manatiling walang batik at walang dungis sa moral at espirituwal, at (3) magkaroon ng tamang pangmalas sa mga pagsubok. Talakayin natin ang mga puntong ito.
Maglinang ng Makadiyos na mga Katangian
5, 6. Anong mga katangian ang dapat nating linangin? Bakit kailangan dito ang “marubdob na pagsisikap”?
5 Sa pasimula ng kaniyang ikalawang liham, sumulat si Pedro: “Sa pamamagitan ng inyong pagdaragdag ng lahat ng marubdob na pagsisikap, idagdag sa inyong pananampalataya ang kagalingan, sa inyong kagalingan ang kaalaman, sa inyong kaalaman ang pagpipigil sa sarili, sa inyong pagpipigil sa sarili ang pagbabata, sa inyong pagbabata ang makadiyos na debosyon, sa inyong makadiyos na debosyon ang pagmamahal na pangkapatid, sa inyong pagmamahal na pangkapatid ang pag-ibig. Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at nag-uumapaw, pipigilan kayo ng mga ito sa pagiging alinman sa di-aktibo o di-mabunga may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”—2 Ped. 1:5-8.
6 Oo, kailangan ang “marubdob na pagsisikap” na makibahagi sa mga gawaing makakatulong sa paglilinang ng makadiyos na mga katangian. Halimbawa, kailangan ang pagsisikap para madaluhan ang lahat ng pulong, mabasa ang Bibliya araw-araw, at mapanatili ang isang makabuluhang personal na pag-aaral. At baka pagsisikap din at mahusay na pagpaplano ang kailangan para magkaroon ng regular, kasiya-siya, at kapaki-pakinabang na Pampamilyang Pagsamba. Pero kapag nakasanayan na, nagiging madali na ito—lalo na kapag nakikita na natin ang mga pakinabang.
7, 8. (a) Ano ang komento ng ilan tungkol sa Pampamilyang Pagsamba? (b) Nakikinabang ka ba sa inyong Pampamilyang Pagsamba?
7 Tungkol sa Pampamilyang Pagsamba, isinulat ng isang sister: “Napakarami naming natututuhan.” Sinabi naman ng isa pa: “Sa totoo lang, ayoko sanang mawala ang pag-aaral sa aklat. Paborito ko kasi ’yun. Pero ngayong may Pampamilyang Pagsamba na kami, napag-isip-isip kong alam talaga ni Jehova ang kailangan namin at kung kailan namin iyon kailangan.” Sinabi ng isang asawang lalaki: “Napakalaking tulong sa aming mag-asawa ang Pampamilyang Pagsamba! Napag-uusapan namin ang mga dapat naming pasulungin. Mas naipapakita namin ang mga bunga ng banal na espiritu, at mas maligaya kami ngayon sa aming ministeryo.” Sinabi naman ng isang ama: “Ang mga bata mismo ang nagre-research at marami silang natututuhan—gustung-gusto nila iyon. Dahil sa kaayusang ito, lalo kaming nagtiwala na talagang alam ni Jehova ang aming mga problema at sinasagot niya ang aming panalangin.” Ganito rin ba ang pangmalas mo sa napakagandang probisyong ito?
8 Huwag hayaang may makahadlang sa inyong Pampamilyang Pagsamba. Sinabi ng isang mag-asawa: “Nitong huling apat na Huwebes, laging may nangyayari. Muntik-muntikan na tuloy kaming hindi makapag-aral, pero sige pa rin kami.” Siyempre pa, hindi naman maiiwasang baguhin ang iskedyul ninyo paminsan-minsan. Pero tiyaking hindi ninyo kakanselahin ang inyong Pampamilyang Pagsamba—kahit pa sabihing isang linggo lang!
9. Anong tulong ang ibinigay ni Jehova kay Jeremias? Ano ang matututuhan natin sa kaniyang halimbawa?
9 Isang magandang halimbawa sa atin si propeta Jeremias. Binigyan siya ni Jehova ng espirituwal na tulong na kailangan niya at lubos niya itong pinasalamatan. Kaya naman nakapagbata siya sa pangangaral sa mga taong walang interes. ‘Ang salita ni Jehova ay naging gaya ng nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto,’ ang sabi niya. (Jer. 20:8, 9) Nakayanan din niya ang mga paghihirap noong malapit nang mawasak ang Jerusalem. Sa ngayon, mayroon tayong kumpletong Bibliya. Kung pag-aaralan natin itong mabuti at tutularan ang kaisipan ng Diyos, magiging gaya tayo ni Jeremias na maligayang nakapagbata sa ministeryo, nakapanatiling tapat sa gitna ng mga pagsubok, at patuloy na naging malinis sa moral at espirituwal.—Sant. 5:10.
Manatiling “Walang Batik at Walang Dungis”
10, 11. Bakit dapat nating gawin ang ating buong makakaya para makapanatiling “walang batik at walang dungis”? Paano natin ito magagawa?
10 Bilang mga Kristiyano, alam nating nasa panahon na tayo ng kawakasan. Kaya hindi na tayo nagtataka kung bakit wala nang ibang iniisip ang tao kundi ang mga bagay na kinamumuhian ni Jehova, gaya ng kasakiman, kahalayan, at karahasan. Ito ang estratehiya ni Satanas: ‘Kung hindi sila kayang takutin, baka puwede silang parumihin.’ (Apoc. 2:13, 14) Kung gayon, dapat nating pakadibdibin ang maibiging payo ni Pedro: “Gawin ninyo ang inyong buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan [kayo ng Diyos na] walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.”—2 Ped. 3:14.
11 Ang pananalita ni Pedro na “gawin ninyo ang inyong buong makakaya” ay katulad ng nauna niyang payo na gawin ang “lahat ng marubdob na pagsisikap.” Maliwanag na alam ni Jehova—ang nagpasulat nito kay Pedro—na kailangan natin ang pagsisikap para makapanatiling “walang batik at walang dungis,” walang bahid ng maruming sanlibutang ito. Kasali sa pagsisikap na ito ang pag-iingat sa ating puso mula sa masasamang pagnanasa. (Basahin ang Kawikaan 4:23; Santiago 1:14, 15.) Kasali rin dito ang pananatiling matatag kahit may mga taong nagtataka sa ating pamumuhay bilang Kristiyano at “patuloy na nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa [atin].”—1 Ped. 4:4.
12. Ano ang tinitiyak sa atin sa Lucas 11:13?
12 Dahil hindi tayo sakdal, napakahirap gawin ang tama. (Roma 7:21-25) Magtatagumpay lang tayo kung aasa kay Jehova, na saganang nagbibigay ng banal na espiritu sa mga taimtim na humihiling nito. (Luc. 11:13) Ang espiritung ito naman ang maglilinang ng mga katangiang sinasang-ayunan ng Diyos na tutulong sa atin na makayanan, hindi lang ang mga tukso sa buhay kundi pati na ang mga pagsubok na posibleng tumindi pa habang papalapit ang araw ni Jehova.
Mapatibay ng mga Pagsubok
13. Kapag may mga pagsubok, ano ang tutulong sa atin na makapagbata?
13 Habang nabubuhay tayo sa sistemang ito, hindi maiiwasan ang mga pagsubok. Pero sa halip na masiraan ng loob, isipin mong pagkakataon ito para patunayan ang iyong pag-ibig sa Diyos at mapatibay ang iyong pananampalataya sa kaniya at sa kaniyang Salita. Sumulat si Santiago: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag napaharap kayo sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata.” (Sant. 1:2-4) Tandaan din na “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”—2 Ped. 2:9.
14. Paano ka napatibay ng halimbawa ni Jose?
14 Tingnan ang halimbawa ng anak ni Jacob na si Jose, na ipinagbili ng mga kapatid niya para gawing alipin. (Gen. 37:23-28; 42:21) Humina ba ang pananampalataya ni Jose dahil sa kalupitang iyon? Sumamâ ba ang loob niya sa Diyos dahil pinahintulutan itong mangyari sa kaniya? Hindi! Nang maglaon, inakusahan naman siya ng tangkang panghahalay at nabilanggo. Pero hindi pa rin nawala ang debosyon niya sa Diyos. (Gen. 39:9-21) Sa halip, hinayaan niyang mapatibay siya ng mga pagsubok, at lubos siyang ginantimpalaan.
15. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Noemi?
15 Oo, nalulungkot tayo o nadedepres pa nga kapag may mga pagsubok. Malamang na naramdaman din ito ni Jose at ng iba pang tapat na lingkod ng Diyos. Kuning halimbawa si Noemi, na namatayan ng asawa at dalawang anak. “Huwag ninyo akong tawaging Noemi,” ang sabi niya. “Tawagin ninyo akong Mara [nangangahulugang “Mapait”], sapagkat lubha akong pinapait ng Makapangyarihan-sa-lahat.” (Ruth 1:20, 21, tlb. sa Reference Bible) Natural lang naman ang naging reaksiyon ni Noemi. Pero gaya ni Jose, hindi rin siya nagdamdam sa Diyos ni humina man ang kaniyang pananampalataya. Dahil dito, ginantimpalaan ni Jehova ang kapuri-puring babaing ito. (Ruth 4:13-17, 22) Hindi lang iyan. Sa darating na Paraiso sa lupa, aalisin niya ang lahat ng pinsalang idinulot ni Satanas at ng masamang sanlibutan nito. “Ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.”—Isa. 65:17.
16. Ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa panalangin, at bakit?
16 Anumang pagsubok ang dumating, makakayanan natin iyon dahil alam nating mahal tayo ng Diyos. (Basahin ang Roma 8:35-39.) Bagaman pursigido si Satanas na pahinain tayo, mabibigo siya kung mananatili tayong “matino sa pag-iisip” at “mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.” (1 Ped. 4:7) Sinabi ni Jesus: “Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Luc. 21:36) Pansinin ang paggamit ni Jesus ng salitang ‘pagsusumamo,’ na isang marubdob na paraan ng pananalangin. Idiniriin dito ni Jesus na dapat nating seryosohin ang ating katayuan sa harap niya at ng kaniyang Ama. Tanging ang mga may sinang-ayunang katayuan lang ang makaliligtas sa araw ni Jehova.
Manatiling Aktibo sa Paglilingkod kay Jehova
17. Kung mahirap mangaral sa inyong teritoryo, paano ka matutulungan ng halimbawa ng mga propeta?
17 Ang mga salita ni Pedro na “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon!” ay nagpapaalalang mahalaga ang pakikibahagi sa nakagiginhawang espirituwal na mga gawain, o “mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Ped. 3:11) Pangunahin dito ang paghahayag ng mabuting balita. (Mat. 24:14) Totoo, ang mga tao sa ilang teritoryo ay mahirap pangaralan, maaaring dahil sa kanilang kawalan ng interes o pagsalansang o dahil masyado lang silang abala. Naranasan ito ng mga lingkod ni Jehova noon. Pero hindi sila sumuko kundi “paulit-ulit” na ipinangaral ang mensahe ng Diyos. (Basahin ang 2 Cronica 36:15, 16; Jer. 7:24-26) Bakit sila nakapagbata? Dahil tiningnan nila ang kanilang atas ayon sa pangmalas ni Jehova, hindi ayon sa sanlibutan. At napakalaking karangalan para sa kanila na tawagin sa pangalan ng Diyos.—Jer. 15:16.
18. Gaano kahalaga ang pangangaral sa magaganap na pagdakila sa pangalan ng Diyos?
18 Pribilehiyo rin nating ihayag ang pangalan at layunin ni Jehova. Isipin ito: Pagdating ng dakilang araw ng Diyos, hindi maidadahilan ng kaniyang mga kaaway na hindi sila napangaralan. Oo, gaya ni Paraon, malalaman nilang si Jehova ang nakikipaglaban sa kanila. (Ex. 8:1, 20; 14:25) Kasabay nito, pararangalan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod dahil malinaw niyang ipapakitang sila nga ang kaniyang mga kinatawan.—Basahin ang Ezekiel 2:5; 33:33.
19. Paano natin maipapakitang sinasamantala nating mabuti ang pagtitiis ni Jehova?
19 Sa pagtatapos ng kaniyang ikalawang liham, isinulat ni Pedro: “Ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.” (2 Ped. 3:15) Oo, samantalahin nating mabuti ang pagtitiis ni Jehova. Paano? Maglinang ng mga katangiang nakalulugod sa kaniya, manatiling “walang batik at walang dungis,” at magkaroon ng tamang saloobin tungkol sa mga pagsubok. Bukod diyan, maging abala rin tayo sa paglilingkuran. Sa paggawa nito, mapapabilang tayo sa mga magtatamasa ng walang-hanggang pagpapalang ilalaan ng “mga bagong langit at isang bagong lupa.”—2 Ped. 3:13.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano tayo makapaglilinang ng makadiyos na mga katangian?
• Paano tayo makapananatiling “walang batik at walang dungis”?
• Ano ang matututuhan natin kina Jose at Noemi?
• Bakit isang malaking pribilehiyo na makibahagi sa pangangaral?
[Larawan sa pahina 9]
Bilang asawang lalaki, ano ang tutulong sa iyo para malinang mo at ng iyong pamilya ang makadiyos na mga katangian?
[Mga larawan sa pahina 10]
Ano ang matututuhan natin sa pagharap ni Jose sa mga pagsubok?