LEBANON
[Puti[ng Bundok]].
Sa kabuuan, ang mas kanluranin sa dalawang hanay ng mga bundok na bumubuo sa mga kabundukan ng Lebanon. Marahil ang pangalan nito ay hinalaw sa mapusyaw na kulay ng batong-apog na mga dalisdis at mga taluktok nito o sa mas matataas na dalisdis nito na nababalutan ng niyebe sa kalakhang bahagi ng taon. (Jer 18:14) Ang hanay ng mga bundok ng Lebanon na sumasaklaw mula HHS hanggang TTK sa distansiyang mga 160 km (100 mi) sa kahabaan ng Dagat Mediteraneo ay kahilera ng Kabundukan ng Anti-Lebanon sa distansiyang mga 100 km (60 mi). Ang dalawang kabundukan ay pinaghihiwalay ng isang mahaba at matabang libis, ang Beqaʽ (Coele-Sirya), na may lapad na 10 hanggang 16 na km (6 hanggang 10 mi). (Jos 11:17; 12:7) Sa libis na ito ay umaagos nang pahilaga ang Ilog Orontes, samantalang ang Litani (ang mababang bahagi nito ay tinatawag na Nahr el-Kasimiye) ay dumadaloy nang patimog at lumiligid sa palibot ng timugang dulo ng kabundukan ng Lebanon. Ang Nahr el-Kebir (Eleutherus) naman ay umaagos nang lampas pa sa hilagang dulo ng hanay ng mga bundok ng Lebanon.
Ang mga burol sa paanan ng Kabundukan ng Lebanon, maliban sa ilan, ay halos nasa tabi ng Dagat Mediteraneo, anupat makitid lamang ang baybaying kapatagan dito. Ang mga taluktok ng kabundukang ito ay may katamtamang taas na 1,800 hanggang 2,100 m (6,000 hanggang 7,000 piye), anupat dalawa sa mga ito ang may taas na mahigit pa sa 900 m (3,000 piye). Pawang matatarik ang silanganin at kanluraning mga dalisdis ng kabundukang ito.
Ang mga silanganing dalisdis nito ay tigang na tigang at halos walang malaki-laking batis. Ngunit ang mga kanluraning dalisdis na natutubigang mainam ay may mga batis at mga bangin. (Ihambing ang Sol 4:15.) Sa hagdan-hagdang mabababang dalisdis sa K panig ay may mga taniman ng butil, mga ubasan, at mga taniman ng prutas, gayundin ng mulberi, walnut, at olibo. (Ihambing ang Os 14:5-7.) Ang mga puno ng pino naman ay tumutubo nang sagana sa matabang lupa ng batong-buhangin nito, at sa mas matataas na dako ay may ilang maliliit na kakahuyan ng mariringal na sedro. Noong sinaunang panahon, nababalutan ng mga punungkahoy na ito ang kabundukan at ang kahoy ng mga ito ay ginagamit sa iba’t ibang paraan. (1Ha 6:9; Sol 3:9; Eze 27:5; tingnan ang SEDRO.) Ang mga puno ng fresno, sipres, at enebro ay katutubo rin sa Kabundukan ng Lebanon. (1Ha 5:6-8; 2Ha 19:23; Isa 60:13) Kabilang sa mga hayop na naninirahan sa rehiyong ito ang chakal, gasela, hayina, at lobo. Noong sinaunang panahon, mas maraming kagubatan at hayop-gubat dito; ang rehiyon ay pinamumugaran ng mga leon at mga leopardo. (Sol 4:8; Isa 40:16) Posibleng ang bango ng malalawak na kagubatan nito ang tinutukoy noon na “bango ng Lebanon.”—Sol 4:11.
Ang rehiyon ng Lebanon ay hindi nasakop ng mga Israelita sa pangunguna ni Josue, ngunit ito ang naging HK hanggahan ng lupain. (Deu 1:7; 3:25; 11:24; Jos 1:4; 9:1) Gayunman, ang mga paganong tumatahan sa lugar na iyon ay nagsilbing pagsubok sa katapatan ng Israel kay Jehova. (Huk 3:3, 4) Pagkaraan ng maraming siglo, nasakop ni Haring Solomon ang isang bahagi ng Lebanon at doon ay nagsagawa siya ng mga proyekto ng pagtatayo. (1Ha 9:17-19; 2Cr 8:5, 6) Posibleng kabilang dito ang “tore ng Lebanon, na nakatanaw sa Damasco.” (Sol 7:4; gayunman, ipinapalagay ng ilan na tumutukoy ito sa isa sa mga taluktok ng Lebanon.) Noong panahong iyon ay kontrolado ni Hiram na hari ng Tiro ang isa pang bahagi ng Lebanon, na mula roon ay pinaglaanan niya si Solomon ng mga tablang sedro at enebro.—1Ha 5:7-14.
Makatalinghagang Paggamit. Marami sa mga pagtukoy ng Kasulatan sa Lebanon ang may kaugnayan sa pagkamabunga nito (Aw 72:16; Isa 35:2) at sa mayayabong na kagubatan nito, partikular na sa mariringal na sedro nito. (Aw 29:5) Ang Lebanon ay madalas gamitin sa makasagisag na paraan. Sinasabing ito ay nalito, anupat nakikiramay sa lupain ng Juda na sinamsaman ng hukbong Asiryano. (Isa 33:1, 9) Gayunman, ang hukbong Asiryano mismo ay daranas ng kapahamakan, anupat ibubuwal na tulad ng mga punungkahoy ng Lebanon. (Isa 10:24-26, 33, 34) Ang kapaha-pahamak na mga epekto ng kahatulan ni Jehova ay inihahalintulad sa pagkalanta ng bulaklak ng Lebanon. (Na 1:4) Gayunman, ang pagbabago ng kagubatan ng Lebanon tungo sa isang mabungang taniman ay tinutukoy sa isang hula ng pagsasauli anupat ipinahihiwatig nito na lubusang mababaligtad ang mga kalagayan.—Isa 29:17, 18.
Sa pamamagitan ni Jeremias, “sinabi ni Jehova may kinalaman sa bahay ng hari ng Juda, ‘Ikaw ay gaya ng Gilead sa akin, ang ulo ng Lebanon.’” (Jer 22:6) Ang “bahay” ay waring tumutukoy sa kabuuan ng palasyo. (Jer 22:1, 5) Palibhasa’y nasa isang mataas na dako, ang lokasyon ng palasyo ay matayog at maringal, tulad ng Lebanon. Bukod diyan, maraming tablang sedro ang ginamit sa pagtatayo ng iba’t ibang maharlikang gusali roon. (1Ha 7:2-12) Si Haring Jehoiakim mismo, na nakarinig sa mga salitang nakaulat sa Jeremias 22:6, ay gumamit ng entrepanyong sedro para sa kaniyang marangyang palasyo. (Jer 22:13-15) Kaya naman ang lugar ng palasyo ay tulad ng isang kamangha-manghang kagubatan ng mga gusaling sedro at angkop na maihahalintulad sa Lebanon at sa Gilead na may makapal na kakahuyan. Binabalaan ni Jehova ang Juda na kung si Haring Jehoiakim, ang kaniyang mga lingkod, at ang bayan ay hindi maglalapat ng katarungan, ang ‘bahay na iyon ay magiging isang kagibaan lamang’ (Jer 22:1-5) at yaong mga nananahanan sa makasagisag na Lebanon (Jerusalem), “na namumugad sa mga sedro,” ay daranas ng kapahamakan.—Jer 22:23; tingnan din ang Eze 17:2, 3.
Sa katulad na paraan, ang pagnanasa ng Asiryanong si Haring Senakerib na ‘umakyat sa kaitaasan ng mga bulubunduking pook, ang pinakamalalayong bahagi ng Lebanon,’ at ‘putulin ang matatayog na sedro nito’ ay waring nagpapahiwatig ng kaniyang binabalak may kinalaman sa Jerusalem. (Isa 37:21-24) Ang makahulang mga salita hinggil sa karahasang ginawa sa Lebanon (Hab 2:17) ay maaaring tumutukoy sa kapahamakang sasapit sa Jerusalem. O ang mga ito ay maaaring unawain nang literal anupat nagpapahiwatig ng pagkakalbo ng mga kagubatan ng Lebanon dahil sa pananalanta ng digmaan.—Ihambing ang Isa 14:5-8.
Tinukoy ng hula ni Zacarias (10:10) ang panahon kapag ibabalik na ni Jehova ang kaniyang bayan sa lupain ng Gilead at Lebanon. Sa kasong ito, maaaring ang Lebanon ay tumutukoy sa teritoryo sa K ng Jordan, kung paanong ang Gilead ay tumutukoy naman sa lupain sa S ng Jordan.