Ang Pakikipag-alitan ni Jehova sa mga Bansa
“Ang ingay ay darating hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa, sapagkat si Jehova ay may pakikipag-alitan sa mga bansa.”—JEREMIAS 25:31.
1, 2. (a) Ano ang nangyari sa Juda pagkamatay ni Haring Josias? (b) Sino ang huling hari ng Juda, at papaano siya nagdusa dahil sa kaniyang kawalang-katapatan?
ANG lupain ng Juda ay napaharap sa mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan. Isang mabuting hari, si Josias, ang pansamantalang nakapigil sa matinding galit ni Jehova. Subalit ano ang nangyari nang si Josias ay mapatay noong 629 B.C.E.? Ang mga hari na humalili sa kaniya ay lumapastangan kay Jehova.
2 Ang huling hari ng Juda, si Zedekias, na ikaapat na anak ni Josias, ay nagpatuloy, gaya ng sinasabi sa 2 Hari 24:19, “na gawin ang masama sa paningin ni Jehova, ayon sa lahat ng ginawa ni Joachim [na kaniyang nakatatandang kapatid].” Ano ang resulta? Si Nabucodonosor ay lumusob sa Jerusalem, binihag si Zedekias, pinagpapatay ang kaniyang mga anak na lalaki sa harap niya, binulag siya, at dinala siya sa Babilonya. Gayundin, sinamsam ng mga taga-Babilonya ang mga sisidlan na ginamit sa pagsamba kay Jehova, anupat sinunog ang templo at ang lunsod. Ang mga nakaligtas ay itinapon sa Babilonya.
3. Anong yugto ng panahon ang nagsimula nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E, at ano ang nakatakdang mangyari sa katapusan ng yugtong iyan?
3 Ang taóng iyon, 607 B.C.E., ay palatandaan hindi lamang ng isang pangwakas na pagtitiwangwang ng Jerusalem, kundi ng pasimula rin ng ‘itinakdang panahon ng mga bansa,’ na tinutukoy sa Lucas 21:24. Ang 2,520-taóng yugto na ito ay natapos sa siglo natin, noong taóng 1914. Noon ay dumating ang panahon upang si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang iniluklok na Anak, si Jesu-Kristo, na lalong dakila kaysa kay Nabucodonosor, ay maggawad at magsagawa ng hatol sa masamang sanlibutan. Ang paghatol na ito ay nagsisimula sa modernong-panahong katumbas ng Juda, isang katumbas na nag-aangking kumakatawan sa Diyos at kay Kristo sa lupa.
4. Anong mga tanong ang ngayo’y ibinabangon may kaugnayan sa hula ni Jeremias?
4 May nakikita ba tayong pagkakatulad ng gulo na naganap noong mga huling taon ng Juda sa ilalim ng kaniyang mga hari—na ang kapaha-pahamak na mga pangyayari ay may epekto rin sa karatig na mga bansa—at ng gulo sa Sangkakristiyanuhan ngayon? Tunay na gayon nga! Kung gayon, ano ang ipinakikita ng hula ni Jeremias tungkol sa kung papaano haharapin ni Jehova ang mga bagay-bagay sa ngayon? Tingnan natin.
5, 6. (a) Mula noong 1914, papaanong ang kalagayan sa Sangkakristiyanuhan ay nakatulad ng sa Juda nang sandaling panahon bago ito pinuksa? (b) Anong mensahe ang taglay ng modernong Jeremias para sa Sangkakristiyanuhan?
5 Ang matematiko at pilosopong taga-Britanya na si Bertrand Russell ay nagkomento mga 40 taon na ngayon ang lumipas: “Magmula noong 1914, ang lahat ng palasuri sa takbo ng daigdig ay lubhang nabagabag dahil sa waring nakatadhana at patiuna-nang-ipinasiyang pagmamartsa tungo sa higit pang kapahamakan.” At ganito ang sabi ng estadistang Aleman na si Konrad Adenauer: “Ang katiwasayan at katahimikan ay naglaho sa buhay ng mga tao mula noong 1914.”
6 Sa ngayon, gaya rin noong kaarawan ni Jeremias, ang patuloy na lumalapit na wakas ng isang sistema ng mga bagay ay makikita sa pagdanak ng napakaraming dugo ng mga walang malay, lalung-lalo na sa dalawang digmaang pandaigdig ng siglong ito. Sa kalakhang bahagi, ang mga digmaang ito ay pinaglabanan ng mga bansa ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking sumasamba sa Diyos ng Bibliya. Anong laking pagpapaimbabaw! Hindi nga kataka-takang suguin ni Jehova sa kanila ang kaniyang mga Saksi, na nagsasabi, sa mga salita ng Jeremias 25:5, 6: “Pakisuyo, magsihiwalay bawat isa sa inyo sa kani-kaniyang masasamang lakad at sa kasamaan ng inyong mga gawa . . . At huwag kayong magsisunod sa ibang mga diyos upang maglingkod sa kanila at magsiyukod sa kanila, upang huwag ninyo akong mungkahiin sa galit sa gawa ng inyong mga kamay, at upang hindi ko kayo pasapitan ng kapahamakan.”
7. Ano ang patotoo na hindi pinakinggan ng Sangkakristiyanuhan ang mga babala ni Jehova?
7 Subalit, ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nagsihiwalay. Ito’y pinatunayan ng kanilang pinag-ibayong paghahain sa diyos ng digmaan sa Korea at Vietnam. At sila’y patuloy na tumutustos ng salapi sa mga tagapagbenta ng kamatayan, ang mga pabrikante ng mga armas. Ang mga lupain ng Sangkakristiyanuhan ang tumustos ng lalong malaking bahagi ng halos isang trilyong dolyar na ginugol sa mga armas bawat taon noong mga taon ng 1980. Mula noong 1951 hanggang 1991, ang gastos sa mga armas ng Estados Unidos lamang ay labis pa sa kabuuang tinubo ng lahat ng mga korporasyong Amerikano kung pagsasama-samahin. Sapol nang ipinangalandakang pagtatapos ng Malamig na Digmaan, gumawa ng mga pagbabawas sa lipas nang mga armas nuklear, subalit nananatili at patuloy na pinauunlad ang malalaking arsenal ng iba pang nakamamatay na mga armas. Baka balang araw ay gamitin ang mga ito.
Hatol Laban sa Kunsintidor na mga Sakop ng Sangkakristiyanuhan
8. Papaano matutupad sa Sangkakristiyanuhan ang mga salita ng Jeremias 25:8, 9?
8 Ang iba pang sinalita ni Jehova, na nasa Jeremias 25:8, 9, ay kumakapit ngayon nang higit sa Sangkakristiyanuhan, na nabigong mamuhay ayon sa Kristiyanong mga pamantayan ng katuwiran: “Kaya ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Sapagkat hindi kayo tumalima sa aking mga salita, aking susuguin at kukunin ang lahat ng angkan sa hilagaan,’ sabi ni Jehova, ‘at ako’y magsusugo kay Nabucodonosor na hari sa Babilonya, na aking lingkod, at aking dadalhin sila laban sa lupaing ito at laban sa mga nananahan dito at laban sa lahat ng bansang ito sa palibot; at aking lubos na lilipulin sila at gagawin kong sila’y pagtakhan at maging kasutsutan at maging mga dakong walang-hanggan ang kagibaan.’” Sa gayon, pasimula sa nag-aangking bayan ng Diyos, ang Sangkakristiyanuhan, magpapasimula ang malaking kapighatian, sa wakas ay magpapatuloy na lumaganap sa buong lupa, sa ‘lahat ng bansang nasa palibot.’
9. Sa anong mga paraan naging lalong malala sa panahon natin ang espirituwal na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan?
9 May panahon sa Sangkakristiyanuhan nang ang Bibliya ay iginagalang, nang ang pag-aasawa at pagpapamilya ay halos malaganap na itinuturing na pinagmumulan ng kaligayahan, nang ang mga tao ay gumigising nang maaga at nasisiyahan sa kanilang araw-araw na paggawa. Marami ang nagiginhawahan sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos sa liwanag ng isang lampara kung gabi. Subalit ngayon, ang kahalayan sa sekso, diborsiyo, pag-aabuso sa droga at paglalasing, pagkadelingkuwente, kasakiman, mga kinaugaliang katamaran sa trabaho, pagkasugapa sa TV, at iba pang mga bisyo ay nakapinsala sa buhay sa nakababahalang antas. Ito ay tuwirang mauuna sa pagwawasak na halos sisimulan na ng Diyos na Jehova sa kunsintidor na mga sakop ng Sangkakristiyanuhan.
10. Ilarawan ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan pagkatapos ipatupad ang mga hatol ni Jehova.
10 Si Jehova ay nagpapahayag, gaya ng mababasa natin sa Jeremias kabanata 25, mga talatang 10 at 11: “Aalisin ko sa kanila ang tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae, ang tunog ng batong gilingan at ang liwanag ng ilawan. At ang buong lupaing ito ay magiging isang dakong sira, isang bagay na pagtatakhan.” Tunay ngang pagtatakhan pagka ang malalaking templo at maluluhong palasyo ng Sangkakristiyanuhan ay magbagsakan tungo sa pagkagiba. Gaano kalawak ang kapuksaang ito? Noong panahon ni Jeremias, ang pagkagiba ng Juda at ng karatig na mga bansa ay tumagal ng 70 taon, na sa Awit 90:10 ay kumakatawan sa karaniwang haba ng buhay. Ang paghatol na gagawin ni Jehova ngayon ay lubus-lubusan, walang-hanggan.
Hatol Laban sa Babilonyang Dakila
11. Sino ang magiging instrumento sa pagpuksa sa Sangkakristiyanuhan? Bakit?
11 Gaya ng inihula sa Apocalipsis 17:12-17, darating ang panahon na pasisimulan ni Jehova ang kaniyang kataka-takang gawa sa pamamagitan ng paglalagay niyaon sa mga puso ng ‘sampung sungay’—ang sandatahang mga miyembro ng Nagkakaisang mga Bansa—“upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan” na wasakin ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Papaano magaganap ito? May maraming paraan na “ang sampung sungay” sa Apocalipsis kabanata 17, sa pananalita ng Apoc 17 talatang 16, ay “mapopoot sa patutot at . . . susunugin siya nang lubusan sa apoy.” Totoo, ang mga armas nuklear ay dumami at dumarami pa rin sa maraming mapanganib na mga dako sa lupa. Subalit tayo’y kailangang maghintay at malasin kung papaano ilalagay ni Jehova sa puso ng mga pinunong pulitiko na isagawa ang kaniyang paghihiganti.
12. (a) Ano ang nangyari sa Babilonya pagkatapos na puksain niya ang Jerusalem? (b) Ano ang mangyayari sa mga bansa pagkatapos na mapuksa ang Sangkakristiyanuhan?
12 Noong sinaunang panahon ay dumating ang pagkakataon upang maranasan ng Babilonya ang nag-aalab na galit ni Jehova. Kaya naman, pasimula sa Jeremias kabanata 25, talatang 12, ang mga bagay ay ipinakikita ng hula buhat sa isang nagbagong punto de vista nang bandang huli. Palibhasa’y hindi na gumaganap ng papel ng Tagapuksang hinirang ni Jehova, si Nabucodonosor at ang Babilonya ay kasali na ngayon sa pulutong ng lahat ng makasanlibutang mga bansa. Ito’y katulad ng kalagayan sa ngayon. “Ang sampung sungay” ng Apocalipsis kabanata 17 ang magwawasak sa huwad na relihiyon, ngunit sa bandang huli sila mismo ay mapupuksa kasama ng lahat ng iba pang “mga hari sa lupa,” ayon sa inilarawan sa Apocalipsis kabanata 19. Ang Jeremias 25:13, 14 ay naglalarawan kung papaanong ang Babilonya, kasama ang “lahat ng bansa” na nagsamantala sa bayan ni Jehova, ay hinahatulan. Ginamit ni Jehova si Nabucodonosor bilang tagapuksa sa pagpaparusa sa Juda. Subalit kapuwa siya at ang huling mga hari ng Babilonya ay may kahambugang nagmataas laban kay Jehova mismo, gaya ng ipinakikita, halimbawa, ng paglapastangan sa mga sisidlan sa templo ni Jehova. (Daniel 5:22, 23) At nang puksain ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem, ang kalapit na mga bansa ng Juda—ang Moab, Ammon, Tiro, Edom, at iba pa—ay nangatuwa at kumutya sa bayan ng Diyos. Sila rin ay kailangang tumanggap ng nauukol na parusa buhat kay Jehova.
Hatol Laban sa “Lahat ng Bansa”
13. Ano ang ibig sabihin ng “kopang ito ng alak ng poot,” at ano ang nangyayari sa mga umiinom sa kopa?
13 Kaya, si Jeremias ay nagpahayag, gaya ng nasusulat sa Jer kabanata 25, mga talatang 15 at 16: “Ganito ang sabi sa akin ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Ang kopang ito ng alak ng poot ay abutin mo sa aking kamay, at painumin mo ang lahat ng bansa na pagsusuguan ko sa iyo. At sila’y magsisiinom at magsisihapay na paroo’t parito at kikilos na gaya ng mga taong baliw dahil sa tabak na aking pasasapitin sa kanila.’” Bakit iyon isang ‘kopa ng alak ng poot ni Jehova’? Sa Mateo 26:39, 42 at Juan 18:11, si Jesus ay bumanggit ng isang “kopa” bilang sumasagisag sa kalooban ng Diyos para sa kaniya. Sa katulad na paraan, ang isang kopa ay ginagamit upang sumagisag sa kalooban ni Jehova sa mga bansa para tumikim ng kaniyang banal na paghihiganti. Sa Jeremias 25:17-26 ay natatala ang mga grupo ng mga bansang ito na lumalarawan sa mga bansa ngayon.
14. Sang-ayon sa hula ni Jeremias, sino ang kailangang uminom sa kopa ng alak ng poot ni Jehova, at ano ang isinasagisag nito para sa ating kaarawan?
14 Pagkatapos na ang Sangkakristiyanuhan, tulad ng Juda, ay maging “isang dakong sira, isang bagay na pagtatakhan, magiging kasutsutan at isang sumpa,” naghihintay ang kapuksaan sa natitirang bahagi ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Susunod, ang buong daigdig, na isinasagisag ng Ehipto, ay kailangang uminom buhat sa kopa ng alak ng kapusukan ni Jehova! Oo, “lahat ng hari sa hilaga na malapit at malayo, sunud-sunod, at lahat ng iba pang kaharian sa lupa na nasa ibabaw ng sangkalupaan” ay kailangang uminom. Sa katapus-tapusan, “ang hari ng Sesach mismo ay iinom pagkatapos nila.” At sino ba itong “hari ng Sesach”? Ang Sesach ay isang pangalang simboliko, isang cryptogram, o kodigo, para sa Babilonya. Kung papaanong si Satanas ang di-nakikitang hari sa Babilonya, siya rin ang “tagapamahala ng sanlibutan” hanggang sa araw na ito, gaya nang binanggit ni Jesus. (Juan 14:30) Sa gayon, ang Jeremias 25:17-26 ay nakakatulad ng Apocalipsis mga kabanata 18 hanggang 20 sa pagbibigay-linaw sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari samantalang pinagpapasa-pasa ang kopa ng galit ni Jehova. Una, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay kailangang puksain, susunod ay ang mga kapangyarihang pulitikal, at pagkatapos ay si Satanas mismo ang ibubulid sa kalaliman.—Apocalipsis 18:8; 19:19-21; 20:1-3.
15. Ano ang mangyayari pagka narinig na ang sigaw ng “kapayapaan at katiwasayan”?
15 Marami na ang usap-usapan tungkol sa kapayapaan at katiwasayan sapol nang ipinalalagay na katapusan ng Malamig na Digmaan, na iisa na lamang superpower ang natitira. Gaya ng sinabi sa Apocalipsis 17:10, ang superpower na iyon, na ikapitong ulo ng mabangis na hayop, ay kailangang “manatili nang maikling panahon.” Subalit ang “maikling panahon” na iyon ay malapit nang matapos. Hindi na magtatagal, lahat ng pagsigaw ng pulitikal na “kapayapaan at katiwasayan” ay susundan ng “biglang pagkapuksa [na] kagyat na mapapasa-kanila.” Ganiyan ang pagkasabi ni apostol Pablo.—1 Tesalonica 5:2, 3.
16, 17. (a) Kung susubukin ninuman na umiwas sa hatol ni Jehova, ano ang magiging resulta? (b) Sa anong mapamuksang paraan magaganap ang kalooban ni Jehova sa lupa sa pinakamadaling panahon?
16 Ang buong sistema ng sanlibutan ni Satanas, pasimula sa Sangkakristiyanuhan ay iinom buhat sa kopa ng paghihiganti ni Jehova. Ang karagdagan pa niyang utos kay Jeremias, na nasusulat sa Jer kabanata 25, mga talatang 27 hanggang 29, ang nagpapatunay nito: “Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Kayo’y magsiinom at mangagpakalasing at magsisuka at mangabuwal upang huwag na kayong magsibangon dahil sa tabak na aking pasasapitin sa inyo.”’ At mangyayari na kung tanggihan nilang abutin ang kopa sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo: “Kayo’y walang-pagsalang magsisiinom. Sapagkat, narito! ako’y nagpapasimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinawag sa aking pangalan, at kayo ba’y malilibre sa parusa?”’ ‘Kayo’y hindi malilibre sa parusa, sapagkat aking tatawagin ang isang tabak laban sa lahat ng nananahan sa lupa,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.”
17 Ang mga ito ay matitinding salita—oo, kakila-kilabot na mga salita, sapagkat sinalita ng Soberanong Panginoon ng buong uniberso, ang Diyos na Jehova. Sa loob ng libu-libong taon, siya’y matiyagang nagtiis ng mga pamumusong, pag-upasala, at pagkapoot na ibinunton sa kaniyang banal na pangalan. Subalit, ang panahon ay dumating na sa wakas, upang kaniyang sagutin ang panalangin na itinuro ng kaniyang sinisintang Anak, si Jesu-Kristo, sa kaniyang mga alagad nang narito pa siya sa lupa: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’” (Mateo 6:9, 10) Kalooban ni Jehova na kumilos si Jesus bilang Kaniyang tabak sa paghihiganti.
18, 19. (a) Sino ang mangangabayo upang manaig na taglay ang pangalan ni Jehova, at ano ang kaniyang hinihintay bago lubusin ang kaniyang pananaig? (b) Pagka pinawalan na ng mga anghel ang bagyo ng poot ni Jehova, anong kakila-kilabot na mga bagay ang mangyayari sa lupa?
18 Sa Apocalipsis kabanata 6, una nating mababasa ang tungkol sa pagsakay ni Jesus sa isang kabayong maputi ‘upang manaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.’ (Apoc 6 Talatang 2) Ito’y nagsimula nang siya’y iluklok bilang makalangit na Hari noong 1914. May iba pang mga kabayo at mga mangangabayo na kasunod niya, na lumalarawan sa lubus-lubusang digmaan, taggutom, at salot na sumasalanta sa ating lupa magmula noon. Subalit, kailan matatapos ang lahat ng gulong ito? Ang Apocalipsis kabanata 7 ay nagpapatalastas sa atin na apat na anghel ang humahawak nang mahigpit sa “apat na hangin ng lupa” hanggang sa ang espirituwal na Israel at isang malaking pulutong buhat sa lahat ng bansa ay matipon ukol sa kaligtasan. (Apo 7 Talatang 1) Kung magkagayon ay ano ang mangyayari?
19 Nagpapatuloy ang Jeremias kabanata 25, sa mga Jer 25 talatang 30 at 31: “‘Mula sa kaitaasan si Jehova mismo ay uungol, at ilalakas ang kaniyang tinig mula sa kaniyang banal na tahanan. Siya’y uungol nang malakas sa ibabaw ng kaniyang tahanang dako. Siya’y hihiyaw na gaya nila na nagsisiyapak sa pisaan ng ubas laban sa lahat ng nananahan sa lupa. Ang ingay ay malinaw na darating hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa, sapagkat si Jehova ay may pakikipag-alitan sa mga bansa. Siya mismo ay hahatol sa lahat ng tao. Tungkol sa mga balakyot, kaniyang ibibigay sila sa tabak,’ ang sabi ni Jehova.” Walang bansa na makaliligtas buhat sa gayong pag-inom sa saro ng kapusukan ni Jehova. Samakatuwid, lubhang napapanahon nang ihiwalay ng lahat ng taong may matuwid na puso ang kanilang sarili buhat sa kabalakyutan ng mga bansa bago pawalan ng apat na anghel ang hangin ng malakas na bagyo ng poot ni Jehova. Malakas na bagyo nga, sapagkat ang hula ni Jeremias ay nagpapatuloy sa mga Jer 25 talatang 32 at 33:
20. Anong tanawin ang nagdiriin sa kabagsikan ng hatol ni Jehova, subalit bakit kinakailangan ang ganitong pagkilos?
20 “Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Narito! Kasakunaan ay mangyayari sa bansa at bansa, at malakas na bagyo ay ibabangon mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa. At ang mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa. Sila ay hindi tataghuyan, o dadamputin man o ililibing man. Sila’y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa.’” Tunay na isang malagim na tanawin, subalit ang ganitong pagkilos ay kinakailangan upang linisin ang lupa buhat sa lahat ng kabalakyutan bago pangyarihin ang Paraisong ipinangako ng Diyos.
Ang mga Pastol ay Tatangis at Hihiyaw
21, 22. (a) Sa Jeremias 25:34-36, sino ang “mga pastol” ng Israel, at bakit sila napilitang tumangis? (b) Aling modernong mga pastol ang karapat-dapat pagbuhusan ng galit ni Jehova, at bakit lubusang nararapat iyon sa kanila?
21 Sa mga Jer 25 talatang 34 hanggang 36 ay patuloy na binabanggit ang hatol ni Jehova, na ang sabi: “Kayo’y magsitangis, kayong mga pastol, at magsihiyaw! At kayo’y magsigulong sa abo, kayong mga dakila sa kawan, sapagkat ang mga araw ng pagpatay at ng pagpapangalat sa inyo ay natupad na, at kayo’y babagsak na gaya ng isang kanais-nais na sisidlan! At ang mga pastol ay walang dakong matatakasan o makatatanan man ang mga pinakamaiinam sa kawan. Pakinggan! Ang hiyaw ng mga pastol, at ang pagtangis ng mga dakila sa kawan, sapagkat sinasamsam ni Jehova ang kanilang pastulan.”
22 Sino ang mga pastol na ito? Hindi sila ang mga lider ng relihiyon, na nakainom na ng galit ni Jehova. Sila yaong mga pastol ng militar, inilalarawan din sa Jeremias 6:3, na tumitipon sa kanilang mga hukbo sa malalaking grupo sa paglaban kay Jehova. Sila ang pulitikal na mga pinuno, na nagsiyaman sa ikapipinsala ng mga nasasakupan. Marami sa mga ito ang mga tusong mangangalakal, mga dalubhasa sa katiwalian. Sila’y naging mabagal sa pagtulong sa mga naapektuhan ng mga taggutom na sanhi ng pangangalat ng buu-buong mga bayan sa maralitang mga lupain. Pinayayaman nila “ang mga dakila sa kawan,” tulad halimbawa ng makapangyarihang mga mangangalakal ng mga armas at masasakim na nagpapahamak sa kapaligiran, samantalang tumatangging maglaan ng mga pantulong na gamot at nakapagpapalusog na pagkain na sa maliit lamang na halaga ay makapagliligtas ng angaw-angaw na mga batang namamatay.
23. Ilarawan ang kalagayan ng nasasakupan ni Satanas pagkatapos ng pamumuksa na gagawin ni Jehova.
23 Hindi nga kataka-taka na ang Jeremias kabanata 25 ay nagtatapos, sa mga Jer 25 talatang 37 at 38, sa pagsasabi tungkol sa mapag-imbot na mga humahanap ng kapayapaan para sa kanilang sarili lamang: “Ang mapayapang mga tahanan ay nasa walang-buhay na katahimikan dahil sa mabangis na galit ni Jehova. Kaniyang pinabayaan ang kaniyang kublihan na gaya ng isang batang leon, sapagkat ang kanilang lupain ay pagtatakhan dahilan sa pumipighating tabak at dahil sa kaniyang mabangis na galit.” Nakapagtataka nga! Subalit, ang mabangis na galit ni Jehova ay tiyak na ibubuhos sa pamamagitan ng Isa na tinutukoy sa Apocalipsis 19:15, 16 bilang ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” na nagpapastol sa mga bansa nang may panghampas na bakal. At ano ang kasunod?
24. Anong mga pagpapala ang idudulot sa matuwid na sangkatauhan ng pagkapuksa ng huwad na relihiyon at ng natitirang bahagi ng sanlibutan ni Satanas?
24 Naranasan mo na ba ang isang unos o isang bagyo? Iyon ay isang nakatatakot na karanasan. Subalit sa kinabukasan, bagaman makakakita ka ng mga nasira sa buong palibot, karaniwan nang malinis ang hangin at lubhang nakagiginhawa ang katahimikan anupat mapasasalamatan mo si Jehova para sa araw na iyon na may pambihirang kagandahan. Gayundin naman, habang humuhupa ang bagyo ng malaking kapighatian, makapagmamasid ka sa palibot ng lupa taglay ang pasasalamat na ikaw ay buháy at handang makibahagi sa patuloy na gawain ni Jehova na gawing isang maningning na paraiso ang isang nilinis na lupa. Ang pakikipag-alitan ni Jehova sa mga bansa ay sasapit sa dakilang katapusan nito, pinababanal ang kaniyang pangalan at inihahanda ang daan upang ang kaniyang kalooban ay maganap na sa lupa sa ilalim ng Sanlibong Taóng Paghahari ng Mesiyanikong Kaharian. Harinawang ang Kahariang iyan ay dumating sa pinakamadaling panahon!
Pagrerepaso ng mga parapo 5-24 ng artikulong ito
◻ Anong mapagpaimbabaw na mga lakad ng Sangkakristiyanuhan ang ngayo’y hinahatulan na?
◻ Anong pinalawak na pangmalas sa paghatol ang inilalarawan sa Jeremias 25:12-38?
◻ Anong kopa ng paghihiganti ang ipinapasa sa lahat ng bansa?
◻ Sino ang mga pastol na tumatangis at humihiyaw, at bakit sila naliligalig?
[Larawan sa pahina 18]
Pinili ni Jehova ang magiging instrumento sa pagpuksa sa Sangkakristiyanuhan
[Larawan sa pahina 23]
Pagkatapos ng bagyo ng malaking kapighatian, lilitaw ang isang nilinis na lupa