Makikinabang Ka ba sa mga Tipan ng Diyos?
“‘Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ang lahat ng bansa.’ Kaya’t ang mga nananatili sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ng tapat na si Abraham.”—GALACIA 3:8, 9.
1. Ano ang ipinakikita ng kasaysayan tungkol sa epekto ng maraming pamamahala?
“ANG mapagkawanggawa [o, naliwanagan] na mga hari-harian” ang tawag sa mga ilang tagapamahalang Europeo ng ika-18 siglo. Sila’y ‘may layunin na pamahalaan ang mga mamamayan taglay ang makaamang kabaitan, subalit ang mga balak nila ay nasinsay at ang kanilang mga reporma ay nabigo.’a (The Encyclopedia Americana) Ito’y naging isang pangunahing sanhi ng mga rebolusyon na madaling lumaganap sa Europa.
2, 3. Papaanong si Jehova ay naiiba sa mga haring tao?
2 Anong laking pagkakaiba ni Jehova sa pabagu-bagong mga tagapamahalang tao. Agad nating nakikita ang lubhang pangangailangan ng sangkatauhan ng pagbabago na sa wakas ay magdudulot ng tunay na lunas sa pang-aapi at pagdurusa. Subalit huwag nating isipin na ang pagkilos ng Diyos upang maisagawa ito ay depende sa kapritso ninuman. Sa pinakamalaganap na aklat sa daigdig, ang kaniyang pangako na dulutan ng walang-hanggang mga pagpapala ang sumasampalatayang sangkatauhan ay kaniyang nilakipan ng katibayan. Ito’y gagawin niya anuman ang dating bansa, ang lahi, pinag-aralan, o katayuan sa lipunan ng mga tao. (Galacia 3:28) Subalit makapanghahawakan ka kaya rito?
3 Si apostol Pablo ay sumipi ng isang bahagi ng kasiguruhan na ibinigay ng Diyos kay Abraham: “Tiyak na sa pagpapala ikaw ay pagpapalain ko.” Isinusog ni Pablo na yamang “di-maaaring magsinungaling ang Diyos,” tayo’y “maaaring magkaroon ng matinding pampalakas-loob na manghawakan sa pag-asang iniharap sa atin.” (Hebreo 6:13-18) Ang ating pagtitiwala sa mga pagpapalang iyon ay higit pang mapatitibay sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa maayos na paraan ng paglalatag ng Diyos ng saligan para sa ikatutupad nito.
4. Paano gumamit ang Diyos ng sarisaring tipan upang matupad ang kaniyang layunin?
4 Nakita na natin na ang Diyos ay gumawa ng isang tipan kay Abraham tungkol sa isang binhi na gagamitin sa pagpapala sa “lahat ng bansa sa lupa.” (Genesis 22:17, 18) Ang mga Israelita ay naging isang makalamang binhi, subalit sa lalong mahalagang espirituwal na diwa, si Jesu-Kristo ang nagpatunay na siyang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham. Si Jesus ay siya ring Anak, o Binhi, ng Lalong-dakilang Abraham, si Jehova. Ang mga Kristiyano na nasa “kay Kristo” ang bumubuo ng pangalawang bahagi ng binhi ni Abraham. (Galacia 3:16, 29) Pagkatapos na buuin ang tipan kay Abraham, pansamantalang idinagdag ng Diyos ang tipang Kautusan sa bansang Israel. Pinatunayan nito na ang mga Israelita ay mga makasalanan na nangangailangan ng isang permanenteng saserdote at isang sakdal na hain. Iningatan nito ang angkan ng Binhi at tumulong upang siya’y makilala. Ipinakita rin ng tipang Kautusan na, sa paano man, ang Diyos ay makapagbabangon ng isang bansa ng mga haring-saserdote. Samantalang ang Kautusan ay umiiral pa, gumawa ang Diyos ng isang tipan kay David upang magkaroon ng isang dinastiya ng mga hari sa Israel. Ang tipan kay David sa Kaharian ay tumukoy rin sa isa na may namamalaging pamamahala sa lupa.
5. Anong mga tanong o mga suliranin ang nangangailangan pa ring lutasin?
5 Gayunman, may mga pitak o mga layunin ang mga tipang ito na waring di-kumpleto o nangangailangan ng pagpapaliwanag. Halimbawa, kung ang darating na Binhi ay magiging isang hari sa angkan ni David, paano siya maaaring maging isang permanenteng saserdote na higit pa ang gagawin kaysa nakalipas na mga saserdote? (Hebreo 5:1; 7:13, 14) Ang Hari kayang ito ay makapamamahala nang higit pa kaysa isang limitadong sakop sa lupa? Paanong ang pangalawang bahagi ng binhi ay magiging kuwalipikado upang maging bahagi ng pamilya ng Lalong-dakilang Abraham? At kahit na kung sila’y maging kuwalipikado, anong sakop ang ibibigay sa kanila, yamang karamihan sa mga miyembro ay hindi mga inapo ni David? Tingnan natin kung paanong gumawa ang Diyos ng legal na mga hakbang sa pamamagitan ng karagdagang mga tipan na lulutas sa mga suliraning ito, at magbubukas ng daan para sa ating walang-hanggang ikapagpapala.
Tipan Ukol sa Isang Makalangit na Saserdote
6, 7. (a) Sang-ayon sa Awit 110:4, anong karagdagang tipan ang itinatag ng Diyos? (b) Anong pangyayari ang tumutulong sa atin upang maunawaan itong karagdagang tipan?
6 Gaya ng ating nakita, sa loob ng saklaw ng tipang Kautusan, ang Diyos ay nakipagtipan kay David ukol sa isang inapo (isang binhi) na maghaharing palagian sa isang makalupang sakop. Subalit isiniwalat din ni Jehova kay David na isang mamamalaging saserdote ang darating. Sumulat si David: “Sumumpa si Jehova (at hindi niya panghihinayangan iyon): ‘Ikaw ay saserdote hanggang sa panahong walang takda ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec!’” (Awit 110:4) Ano ba ang nasa likod nitong sinumpaang salita ng Diyos na katumbas ng isang personal na tipanan ni Jehova at ng darating na Saserdote?
7 Si Melquisedec ay naging hari ng sinaunang Salem, na maliwanag na nasa lugar na kung saan nang malaunan ay doon itinayo ang siyudad ng Jerusalem (isang pangalan na kinapapalooban ng “Salem”). Ang kasaysayan ng mga pakikitungo ni Abraham sa kaniya ay nagtatampok sa bagay na siya’y isang hari na sumamba noon sa “Kataastaasang Diyos.” (Genesis 14:17-20) Gayunman, ang pangungusap ng Diyos sa Awit 110:4 ay nagpapakita na isa ring saserdote si Melquisedec, anupa’t siya’y isang natatanging tao. Siya’y kapuwa isang hari at isang saserdote, at siya’y naglingkod kung saan ang mga hari sa angkan ni David at ang mga saserdoteng Levitico ay gumanap nang malaunan ng kanilang isinaayos ng Diyos na mga tungkulin.
8. Sa kanino ginawa ang tipang ito ukol sa isang saserdote na katulad ni Melquisedec, at ano ang resulta?
8 Binibigyan tayo ni Pablo ng karagdagang mga detalye tungkol sa tipang ito ukol sa isang saserdoteng katulad ni Melquisedec. Halimbawa, kaniyang sinasabi na si Jesu-Kristo ang siyang “tinawag ng Diyos na isang mataas na saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.” (Hebreo 5:4-10; 6:20; 7:17, 21, 22) Bagaman maliwanag na si Melquisedec ay nagkaroon ng mga magulang na tao, walang record ang kaniyang talaangkanan. Kaya imbis na si Jesus ay magmana ng katungkulang pagkasaserdote sa pamamagitan ng isang nakatalang talaangkanan mula kay Melquisedec, siya’y hinirang na tuwiran ng Diyos. Ang pagkasaserdote ni Jesus ay hindi ililipat sa isang kahalili, sapagkat “siya’y nananatiling isang saserdoteng walang-hanggan.” Gayun nga, sapagkat ang mga mapapakinabang sa kaniyang paglilingkod bilang saserdote ay walang-hanggan. Tunay na tayo’y pinagpala sa pagkakaroon ng isang saserdote na “nakapagliligtas ding lubusan sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya” at makapagtuturo at makaaakay magpakailanman sa mga nananampalataya.—Hebreo 7:1-3, 15-17, 23-25.
9, 10. Paanong ang kaalaman sa ikalimang tipang ito ay nagpapalawak ng ating pagkaunawa sa kung paano matutupad ang layunin ng Diyos?
9 Ang isa pang mahalagang katotohanan ay yaong bagay na hindi lamang sa nasasakupang lupa ginaganap ni Jesus ang kaniyang tungkulin bilang Haring-Saserdote. Sa konteksto ring iyon na kung saan kaniyang binanggit ang tipang ito ukol sa isang saserdoteng katulad din ni Melquisedec, si David ay sumulat: “Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: ‘Umupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.’” Sa gayu’y makikita natin na si Jesus—ang Panginoon ni David—ay pinaglaanan na magkaroon ng isang dako sa langit kasama ni Jehova, at ito’y naganap nang siya’y umakyat na. Buhat sa langit, si Kristo ay makapaghahawak ng kapamahalaan kasama ng kaniyang Ama upang supilin ang mga kaaway at humatol.—Awit 110:1, 2; Gawa 2:33-36; Hebreo 1:3; 8:1; 12:2.
10 Kaya naman, sa pagkaalam tungkol sa ikalimang tipang ito, tayo’y may pinalawak na pagkaunawa sa maayos, lubus-lubusang paraan na ginagamit ni Jehova upang tuparin ang kaniyang layunin. Inihahayag din nito na ang pangunahing bahagi ng binhi ay magiging isang saserdote rin sa langit at na ang kaniyang kapamahalaan bilang Haring-Saserdote ay magiging pansansinukob.—1 Pedro 3:22.
Ang Bagong Tipan at ang Pangalawang Bahagi ng Binhi
11. Anong mga suliranin ang umiiral tungkol sa pangalawang bahagi ng binhi?
11 Nang sa dakong una’y isinaalang-alang natin ang tipang Abrahamiko, ating napansin na si Jesus ay naging pangunahing bahagi ng binhi sa pamamagitan ng likas na karapatan. Siya’y tuwirang inapo ng patriarkang si Abraham, at bilang isang sakdal na tao, siya’y isang tinanggap na Anak ng Lalong-dakilang Abraham. Subalit, kumusta naman ang mga taong may pribilehiyong maging ang pangalawang bahagi ng binhi ni Abraham, “mga tagapagmana tungkol sa isang pangako”? (Galacia 3:29) Palibhasa’y di-sakdal, bahagi ng pamilya ng makasalanang si Adan, sila’y di-kuwalipikado na maging nangasa pamilya ni Jehova, ang Lalong-dakilang Abraham. Paano nga mapagtatagumpayan ang humahadlang na di-kasakdalan? Iyan ay imposibleng magawa ng mga tao, subalit posibleng gawin ng Diyos.—Mateo 19:25, 26.
12, 13. (a) Paano humula ang Diyos tungkol sa isa pang tipan? (b) Anong pantanging bahagi ng tipang ito ang nararapat na ating bigyang-pansin?
12 Samantalang umiiral pa ang Kautusan, ang Diyos ay humula sa pamamagitan ng kaniyang propeta: “Ako’y makikipagtipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda na isang bagong tipan; hindi gaya ng tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga ninuno . . . ‘na ang aking tipang iyon ay kanilang sinira’ . . . aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso. At ako ay magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan. At sila’y hindi na magtuturo . . . ‘Iyong kilalanin si Jehova!’ sapagkat ako’y makikilala nilang lahat . . . Sapagkat aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.”—Jeremias 31:31-34.
13 Pansinin na ang isang bahagi ng bagong tipang ito ay ang pagpapatawad sa mga kasalanan, maliwanag na sa isang paraan na ‘di-tulad’ ng kaayusan tungkol sa mga handog na haing hayop sa ilalim ng Kautusan. Si Jesus ay nagbigay ng liwanag tungkol dito noong araw na siya’y mamatay. Pagkatapos na sumali sa kaniyang mga alagad sa pagdiriwang ng Paskwa tulad ng hinihiling ng Kautusan, itinatag ni Kristo ang Hapunan ng Panginoon. Sa taun-taóng pagdiriwang na ito ay may pinagpapasa-pasang kopa ng alak, na tungkol doo’y sinabi ni Jesus: “Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.”—Lucas 22:14-20.
14. Bakit ang bagong tipan ay mahalaga upang magkaroon ng pangalawang bahagi ng binhi?
14 Sa gayon, ang bagong tipan ay paiiralin sa pamamagitan ng bisa ng dugo ni Jesus. Salig sa gayung sakdal na hain, ang Diyos ay ‘makapagpapatawad ng pagkakamali at kasalanan’ nang minsan at magpakailanman. Isip-isipin kung ano ang ibubunga niyan! Palibhasa’y mapatatawad na lubusan ang mga kasalanan ng tapat na mga tao sa pamilya ni Adan, sila’y maaari nang ariin ng Diyos bilang walang kasalanan, sila’y maaaring maging mga anak sa espirituwal ng Lalung-dakilang Abraham, at pagkatapos ay pahiran sila ng banal na espiritu. (Roma 8:14-17) Samakatuwid, ang bagong tipan na binigyang-bisa ng haing inihandog ni Jesus ay nagpapangyaring maging pangalawang bahagi ng binhi ni Abraham ang kaniyang mga alagad. Si Pablo ay sumulat: “Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapupuksa [ni Jesus] ang isa na nagpapangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo; at mapalalaya [niya] ang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay nangaging alipin sa buong buhay nila. Sapagkat tunay na hindi niya tinutulungan ang mga anghel, kundi ang tinutulungan niya’y ang binhi ni Abraham.”—Hebreo 2:14-16; 9:14.
15. Sino ang dalawang panig na kasangkot sa bagong tipan?
15 Samantalang si Jesus ang Tagapamagitan at ang nagbibigay-bisang hain ng bagong tipan, sino ang dalawang panig na kasangkot sa tipan? Inihula ni Jeremias na ang Diyos ang gagawa ng tipang ito sa “sambahayan ni Israel.” Aling Israel? Hindi ang likas na Israel na tinuli sa ilalim ng Kautusan, sapagkat dahil sa bagong tipan ang dating tipang iyon ay naluma. (Hebreo 8:7, 13; tingnan ang pahina 31.) Ngayon ang Diyos ay makikitungo sa mga Judio at sa mga Gentil na sa pamamagitan ng pananampalataya ay makasagisag na ‘tinuli sa puso ng espiritu.’ Ito’y kasuwato ng kaniyang sinabi na yaong mga nasa bagong tipan ay ‘nakasulat sa kanilang mga isip at sa kanilang mga puso ang kaniyang mga kautusan.’ (Roma 2:28, 29; Hebreo 8:10) Ang gayung mga espirituwal na Judio ay tinawag ni Pablo na “ang Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; Santiago 1:1.
16. Paano ginaganap ng bagong tipan ang sinasabi sa Exodo 19:6?
16 Yamang ang Diyos ay nakikitungo na ngayon sa espirituwal na Israel, isang pintuan ng pagkakataon ang nabuksan. Nang itatag ng Diyos ang Kautusan, kaniyang binanggit ang mga anak ni Israel bilang sa kaniya’y magiging “isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.” (Exodo 19:6) Sa katunayan, ang likas na Israel ay hindi makapagiging isang bansa at hindi naging isang bansa na kung saan lahat sila roon ay mga haring-saserdote. Subalit ang mga Judio at mga Gentil na tinanggap bilang ang pangalawang bahagi ng binhi ni Abraham ay maaaring maging mga haring-saserdote.b Ito’y pinagtibay ni apostol Pedro, sa pagsasabi sa mga iyon: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang ihayag ninyo sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman.” Siya’y sumulat din na isang ‘walang kupas na mana ang nakalaan sa langit para sa kanila.’—1 Pedro 1:4; 2:9, 10.
17. Bakit ang bagong tipan ay “lalong mabuti” kaysa tipang Kautusan?
17 Kung gayon, ang bagong tipan ay umaandar na kaagapay ng dati nang umiiral na tipang Abrahamiko upang magkaroon ng pangalawang bahagi ng binhi. Ang bagong tipang ito sa pagitan ni Jehova at ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano ay nagpapahintulot ng pagkabuo ng isang makalangit na bansa ng mga haring-saserdote sa maharlikang pamilya ng Lalung-dakilang Abraham. Makikita natin, kung gayon, kung bakit sinabi ni Pablo na ito’y “isang katumbas na lalong mabuting tipan na pinagtibay ayon sa Kautusan salig sa lalong mabubuting pangako.” (Hebreo 8:6) Sa mga pangakong iyon ay kasali ang pagpapala na ang kautusan ng Diyos ay nasusulat sa mga puso ng mga tapat na ang mga kasalanan ay nilimot na, at ang lahat ay ‘nakakikilala kay Jehova, mula sa kaliit-liitan hanggang sa kadaki-dakilaan.’—Hebreo 8:11.
Ang Tipan ni Jesus Ukol sa Isang Kaharian
18. Sa anong diwa ang mga tipang ating tinalakay na ay hindi lubusang tumupad sa layunin ng Diyos?
18 Sa pagbubulay-bulay sa anim na tipan na ating tinalakay na, baka waring isinaayos na ni Jehova ayon sa kautusan ang lahat ng kinakailangan upang matupad ang kaniyang layunin. Subalit, naghaharap ang Bibliya ng isa pang tipan na nauugnay sa ating tinalakay na, isang tipan na lubusang nagbibigay-linaw sa karagdagang mga pitak ng mahalagang bagay na ito. Matuwid namang asahan ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na ‘sila’y ililigtas ng Panginoon buhat sa bawat masamang gawa at iingatan sila ukol sa kaniyang kaharian sa langit.’ (2 Timoteo 4:18) Sa langit, sila’y magiging isang bansa ng mga haring-saserdote, subalit ano ang kanilang masasakupan? Pagka sila’y iniakyat sa langit, si Kristo’y naroroon na bilang isang sakdal na mataas na saserdote. Siya ay nakaluklok na rin sa kapangyarihan bilang hari para gampanan ang pansansinukob na pamamahala. (Awit 2:6-9; Apocalipsis 11:15) Ano ang gagawin ng mga ibang haring-saserdote?
19. Kailan at paano ginawa ang ikapitong mahalagang tipan?
19 Noong Nisan 14, 33 C.E., nang gabing itatag ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon at banggitin “ang bagong tipan sa bisa ng [kaniyang] dugo,” siya’y bumanggit ng isa pang tipan, ang ikapito na tatalakayin. Sinabi niya sa kaniyang tapat na mga apostol: “Kayo yaong mga nagsipanatili sa akin sa mga pagsubok sa akin; at ako’y gumagawa ng isang tipan sa inyo, gaya ng aking Ama na gumawa ng isang tipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo’y magsikain at magsiinom sa aking mesa sa aking kaharian, at maupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Lucas 22:20, 28-30) Gaya ng Ama na gumawa ng tipan kay Jesus upang maging isang saserdote na katulad ni Melquisedec, sa ganoon ding paraan si Kristo ay gumawa ng isang personal na tipan sa kaniyang tapat na mga tagasunod.
20. Kanino ginawa ang tipan ukol sa Kaharian at bakit? (Daniel 7:18; 2 Timoteo 2:11-13)
20 Ang 11 apostol ay tunay na hindi humiwalay kay Jesus sa kaniyang kinasuungang mga pagsubok, at ipinakita ng tipan na sila’y luluklok sa mga trono. Isa pa, ang Apocalipsis 3:21 ay nagpapatunay na lahat ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na magpapatunay na tapat ay luluklok sa mga trono sa langit. Sa gayon, sa tipang ito ay kasali ang lahat ng 144,000 na binili sa dugo ni Jesus upang dalhin sa langit bilang mga saserdote at “upang kanilang pagharian ang lupa.” (Apocalipsis 1:4-6; 5:9, 10; 20:6) Ang tipan na ginagawa sa kanila ni Jesus ay naglalakip sa kanila sa kaniya upang makibahagi sa kaniyang paghahari sa kaniyang sakop. Sa isang diwa, para bang isang nobya buhat sa isang pamilya ng mga maharlika ang napakatnig sa isang nagpupunong hari sa pamamagitan ng pagpapakasal sa kaniya. Sa ganoon siya’y napapalagay sa katayuan na kung saan maaari siyang makibahagi sa pamamahala ng hari sa kaniyang kaharian.—Juan 3:29; 2 Corinto 11:2; Apocalipsis 19:7, 8.
21, 22. Anong pagpapala ang maaasahan dahilan sa nagagawa ng mga tipang ito?
21 Anong mga kapakinabangan ang bubuksan nito para sa masunuring sangkatauhan? Si Jesus ni ang 144,000 ay hindi maaaring maging katulad ng mapagkawanggawang mga hari-harian na “hindi makapaglaan ng mga tunay na kalutasan.” Bagkus, tinitiyak sa atin na si Jesus ay isang mataas na saserdote “na sinubok sa lahat ng paraan katulad natin, subalit walang kasalanan.” Samakatuwid ay mauunawaan natin kung bakit siya’y ‘maaaring makiramay’ sa mga tao sa kanilang mga kahinaan at kung bakit ang “mga ibang tupa,” kagaya ng pinahirang mga Kristiyano, ay maaari ring, sa pamamagitan ni Kristo, makalapit sa trono ng Diyos “nang may kalayaan ng pagsasalita.” Sa gayon, sila rin ay “maaaring magtamo ng habag at makasumpong ng di-sana nararapat na awa na tutulong sa tamang panahon.”—Hebreo 4:14-16; Juan 10:16.
22 Yaong mga nakipagtipan upang makasama ni Jesus bilang mga haring-saserdote ay nakikibahagi rin sa pagpapala sa sangkatauhan. Gaya ng sinaunang mga saserdoteng Levitico na pinakinabangan ng buong bansa ng Israel, yaong mga naglilingkod sa makalangit na mga trono kasama ni Jesus ay hahatol sa katuwiran sa lahat ng mga taong nabubuhay sa lupa. (Lucas 22:30) Ang mga haring-saserdoteng yaon ay minsang naging mga tao, kaya’t sila’y makikiramay sa sangkatauhan sa mga pangangailangan nito. Ang pangalawang bahagi ng binhi ay makikipagtulungan kay Jesus sa pagsisikap na “lahat ng bansa’y mapagpala.”—Galacia 3:8.
23. Paano kikilos ang mga tao kaisa ng mga tipang ito?
23 Lahat ng mga naghahangad na makibahagi sa pagpapalang iyan sa sangkatauhan, sa gayu’y nakikinabang buhat sa mga tipan ng Diyos, ay inaanyayahan ngayon na gawin iyan. (Apocalipsis 22:17) Ang isang mainam na hakbang ay ang dumalo sa selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon, na gaganapin pagkalubog ng araw sa Miyerkules, Marso 22, 1989. Pakisuyong gumawa na ng mga plano ngayon upang makadalo sa gayung pagtitipon sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Doon ay higit pa ang matututuhan ninyo tungkol sa mga banal na tipan ng Diyos at higit pa ninyong makikita kung paano kayo makikinabang sa mga ito.
[Mga talababa]
a “Kahit na ang pinakamapagsapalarang mga reporma ay nag-iwan ng isang naghihikahos na lipunan ng mga magbubukid, isang lipunan ng mga maharlika na nagpapasasa sa mga biyaya, at sinisingil ng pagkaliliit na buwis, isang pangkat ng mga nakaririwasa na bagaman kapos ay isinanib sa gobyerno at sa lipunan . . . Kailangang sabihin na samantalang ang pamamalakad ng naliwanagang mga hari-harian ay nagsimulang mapaharap sa mga suliranin na hindi na maaaring ipagwalang-bahala, ito’y hindi nakapagbigay ng tunay na mga kalutasan sa saklaw ng pulitikal at pangkabuhayang mga pangyayari noong panahong iyon.”—Western Civilization—Its Genesis and Destiny: The Modern Heritage.
b Si Jesus ay hindi isang panig sa bagong tipan. Siya ang Tagapamagitan nito at walang mga kasalanan na kailangang patawarin. Isa pa, hindi na kailangan para sa kaniya na maging isang haring-saserdote sa pamamagitan nito, sapagkat siya’y isang hari ayon sa tipan kay David at isang saserdote ring katulad ni Melquisedec.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ginawa ang tipang binanggit sa Awit 110:4, at ano ang nagawa nito?
◻ Sino ang mga nasa bagong tipan, at paano ito nakatulong upang magkaroon ng isang bansa ng mga haring-saserdote?
◻ Bakit si Jesus ay gumawa ng isang personal na pakikipagtipan sa kaniyang mga tagasunod?
◻ Ano yaong pitong tipan na ating tinalakay na?
[Dayagram sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tipan sa Eden Genesis 3:15
Tipan kay Abraham
Tipang Kautusan
Tipan kay David sa Kaharian
Tipan upang maging saserdoteng gaya ni Mequisedec
Pangunahing binhi
Pangalawang binhi
Walang-hanggang mga pagpapala
[Dayagram sa pahina 19]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tipan sa Eden Genesis 3:15
Tipan kay Abraham
Tipang Kautusan
Bagong tipan
Tipan kay David sa Kaharian
Tipan upang maging saserdoteng gaya ni Mequisedec
Pangunahing binhi
Tipan ukol sa makalangit na Kaharian
Pangalawang binhi
Walang-hanggang mga pagpapala