Si Jeremias—Di-popular na Propeta ng mga Kahatulan ng Diyos
Lingguhang pagbabasa sa Bibliya buhat sa aklat ng Jeremias ang nakaiskedyul para sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro mula Abril 18 tuluy-tuloy hanggang Agosto 28. Ang tatlong artikulong ito na pag-aaralan ay magsisilbing mainam na saligan para sa pag-unawa sa mga isinulat ng propeta.
“Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita . . . Ginawa kitang propeta sa mga bansa.”—JEREMIAS 1:5.
1. (a) Sa pagbabalik-alaala, ano ang pagkakilala ng iba kay Jeremias? (b) Ano naman ang opinyon niya sa kaniyang sarili?
“MAGING kung kasama ng mga ibang propeta, si Jeremias ay nangingibabaw na parang higante.” Ang ganiyang komento ng isang iskolar ng Bibliya ay kabaligtaran naman ng opinyon ni Jeremias sa kaniyang sarili nang unang tanggapin niya ang utos sa kaniya ni Jehova na maglingkod bilang isang propeta sa Juda at sa mga bansa. Ang kaniyang sagot ay: “Inakupo, Oh Soberanong Panginoong Jehova! Narito’t talagang hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako’y isang bata lamang.” Maliwanag noon na damang-dama ni Jeremias ang kaniyang kabataan, at ang hamon ng pagharap sa napopoot na mga bansa ay waring hindi niya kaya. Kabaligtaran ang iniisip ni Jehova.—Jeremias 1:6.
2. Paano pinangyari ni Jehova na tumibay ang pagtitiwala ni Jeremias?
2 Sa pakikipag-usap ni Jehova sa may kabataang si Jeremias, maliwanag na isa siya sa mga ilang lalaki na ang kapanganakan ay tinanggap ni Jehova bilang kaniyang pananagutan. At bakit siya nagkaroon ng tiyak na interes kay Jeremias mula pa nang ito’y ipaglihi? Sapagkat nasa isip na noon ni Jehova na suguin siya sa isang natatanging gawain. Kaya naman, kaniyang nasabi: “Bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinaging-banal kita.” (Jeremias 1:5) Pagkatapos ay iniutos niya sa kabataan: “Huwag mong sabihin, ‘Ako’y isang bata lamang.’ Sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka; at anumang iutos ko sa iyo ay sasalitain mo. Huwag kang matakot dahil sa kanila, sapagkat ‘Ako ay sumasa-iyo upang iligtas ka,’ ang sabi ni Jehova.” Walang dako rito para sa isang malahiningang pagsasagawa ng iniutos sa kaniya. Sa halip, kailangan ang lakas ng loob at pagtitiwala kay Jehova.—Jeremias 1:7, 8.
3. Bakit ang utos kay Jeremias ay isang malaking hamon?
3 Kaylaki ng naging epekto at pagkaantig ng damdamin ng binatang ito sa pagtanggap ng gayong tuwirang utos buhat sa Diyos! At anong pambihirang pagkasugo iyon! “Tingnan mo, aking sinugo ka sa araw na ito upang magpunò sa mga bansa at sa mga kaharian, upang bumuwag at magbagsak at magwasak at maggiba, upang magtayo at magtanim.” Tunay, ang kapaligiran ng mga pananalitang iyan sa Juda noong humigit-kumulang kalagitnaan ng ikapitong siglo B.C.E. ay nag-atang ng malaking pananagutan sa bagong sumisibol na propetang ito. Siya’y kailangang humarap noon sa isang mapagmataas, kampanteng bansa na ang pagtitiwala’y nasa kaniyang banal na siyudad, ang Jerusalem, at sa templo niyaon, tulad ng isang anting-anting. Samantalang tinatapos niya ang kaniyang 40-taóng ministeryo ng panghuhula sa Jerusalem, ang kaniyang mensahe ay kailangang iharap niya noong panahon ng paghahari ng limang iba’t ibang hari (sina Josias, Jehoahaz, Jehoiakim, Jehoiachin, at Zedekias). Kailangan noon na salitain niya ang di-popular na mga kahatulan ng pagpuksa sa mga bansang Judio at Babiloniko.—Jeremias 1:10; 51:41-64.
Bakit Dapat Tayong Maging Interesado kay Jeremias?
4, 5. (a) Bakit may kinalaman sa atin ang mga pangyayari noong kaarawan ni Jeremias? (Roma 15:4) (b) Sa anong lalong higit na katuparan interesado tayo?
4 Subalit baka itanong natin, Ano ang kinalaman ng lumipas na mga pangyayaring iyan sa atin, na nabubuhay malapit na sa katapusan ng ika-20 siglo? Si apostol Pablo ang nagbibigay ng sagot nang nirerepaso ang ilang bahagi ng kasaysayan ng Israel sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Corinto. Siya’y sumulat: “Ngayon ang mga bagay na ito ay naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong maging mga tao na nagnanasa ng nakapipinsalang mga bagay kagaya ng pagnanasa nila . . . at nasulat upang maging babala sa atin na dinatnan ng mga katapusan ng mga sistema ng mga bagay.”—1 Corinto 10:6, 11.
5 Ang mga pangyayaring naganap sa Israel at Juda ay nagsisilbing isang babalang halimbawa sa tunay na kongregasyong Kristiyano sa panahong ito ng kawakasan. Makikita rin naman natin ang mga kahalintulad at mga tipo na nagpapaaninaw ng mga hinaharap na pangyayari. (Ihambing ang Jeremias 51:6-8 at Apocalipsis 18:2, 4.) Samakatuwid, ang ministeryo ni Jeremias bilang isang propeta at ang mga pangyayari na sumapit sa Jerusalem ay may matinding kahulugan para sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon, lalo na tungkol sa kanilang gawain sa lugar na nasasakupan ng Sangkakristiyanuhan, gaya ng makikita natin sa sumusunod na mga artikulo.
Ang Walang-Takot na Paghahayag ni Jeremias ng mga Kahatulan ng Diyos
6. Ano ang dahilan ng pagiging lalong mahirap ng atas kay Jeremias, gayunman anong pampatibay-loob ang ibinigay sa kaniya?
6 Upang palakasin si Jeremias para sa kaniyang napakalaking responsabilidad, si Jehova ay nagbigay pa ng ganitong katiyakan sa kaniya: “Bumangon ka at salitain mo sa kanila ang lahat na iniutos ko sa iyo. Huwag kang mangilabot dahil sa kanila . . . Narito ginawa kita sa araw na ito na isang nakukutaang lunsod . . . laban sa buong lupain, sa mga hari sa Juda, sa kaniyang mga prinsipe, sa kaniyang mga saserdote at sa mga mamamayan ng lupain.” Tiyak iyan, si Jeremias ay kailangang maging gaya ng isang nakukutaang lunsod upang makaharap sa mga pangulo at mga saserdote ng Juda. At ang paghaharap ng isang di-popular at naghahamong mensahe sa mga tao ay isang gawain na hindi madali.—Jeremias 1:17, 18.
7. Bakit ang mga pangulong Judio ay lumalaban kay Jeremias?
7 “At sila’y tiyak na lalaban sa iyo,” ang babala ni Jehova, “ngunit sila’y hindi mananaig laban sa iyo.” (Jeremias 1:19) Ngayon, bakit nais ng mga Judio at ng kanilang mga pangulo na lumaban sa propetang ito? Sapagkat ang kaniyang mensahe ay umaatake sa kanilang pagkakampante at sa kanilang pormalistikong anyo ng pagsamba. Hindi nilubayan ni Jeremias ang kaniyang pag-atake: “Narito! Ang salita ni Jehova ay naging kadustaan sa kanila, na salitang hindi nakalulugod sa kanila. Sapagkat mula sa kaliit-liitan hanggang sa kalaki-lakihan nila, bawat isa ay gumagawa para sa kaniyang sarili ng sakim na pakinabang; at mula sa propeta hanggang sa saserdote [na sila ang dapat sanang maging tagapag-ingat ng mga pamantayang moral at espirituwal], bawat isa ay gumagawang may kasinungalingan.”—Jeremias 6:10, 13.
8. Paano nililinlang ng mga saserdote at mga propeta ang mga tao?
8 Totoo, sila ang nangunguna sa bansa sa paghahandog ng mga hain. Ang kanilang mga kilos ay para ngang nagtataguyod ng tunay na pagsamba, ngunit ang kanilang mga puso ay wala roon. Mas matimbang sa kanila ang ritwal kaysa tamang asal. Kasabay nito, ang bansa ay nililibang ng mga lider ng relihiyong Judio upang maniwala na sila’y may katiwasayan, at nagsasabi, “May Kapayapaan! May kapayapaan!” gayong walang kapayapaan. (Jeremias 6:14; 8:11) Oo, kanilang nililinlang ang mga tao upang maniwala na sila ay may pakikipagpayapaan sa Diyos. Kanilang inaakala na wala nang dapat ikabahala tungkol doon, sapagkat sila’y isang bayan na iniligtas ni Jehova, mayroon silang banal na lunsod at ng templo niyaon. Subalit ganiyan nga ba ang pagkakilala ni Jehova sa gayong kalagayan?
9. Tungkol sa kanilang templo anong babala ang ibinigay ni Jeremias sa mga mananamba?
9 Iniutos ni Jehova kay Jeremias na doon sa isang lugar sa pintuang bayan ng templo ay pumuwesto siya nang kitang-kita ng mga nagdaraan at salitain niya ang Kaniyang mensahe sa mga mananamba na pumapasok doon. Kinailangan na sabihin niya sa kanila: “Huwag kayong magsitiwala sa mga kabulaanang salita, na nagsasabi, ‘Ang templo ni Jehova, ang templo ni Jehova, ang templo ni Jehova sila!’ . . . Tunay na walang kabuluhan ang lahat na iyan.” Ang mga Judio ay lumalakad ayon sa paningin, hindi ayon sa pananampalataya, sapagkat kanilang ipinangangalandakan ang kanilang templo. Kanilang nakalimutan na ang paalaala ni Jehova: “Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay tuntungan ng aking mga paa. Nasaan, kung gayon, ang bahay na maitatayo ninyo para sa akin?” Si Jehova, ang Soberanong Panginoon ng malawak na sansinukob na ito, ay tunay na hindi magkakasiya sa loob ng kanilang templo, gaano man kaningning iyon!—Jeremias 7:1-8; Isaias 66:1.
10, 11. Ano ang espirituwal na kalagayan ng bansa na tinuligsa ni Jeremias, at ang kalagayan ba sa Sangkakristiyanuhan ay naiiba? (2 Timoteo 3:5)
10 Ipinagpatuloy ni Jeremias ang kaniyang nandudurong pangmadlang panunuligsa: “Kayo ba’y magnanakaw, magsisipatay at mangangalunya at manunumpa ng kabulaanan at magsusunog ng handog na kamangyan kay Baal at magsisisunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakikilala, . . . at sasabihin ninyo, ‘Tunay na kami’y maliligtas,’ sa kabila ng paggawa ninyo ng lahat ng kasuklam-suklam na ito?” Inakala ng mga Judio, bilang ang “hinirang na bayan” ng Diyos, na papayagan niya ang anumang uri ng asal, habang sila’y nagdadala ng kanilang mga handog na hain sa templo. Subalit, kung kanilang iniisip na siya’y isang sentimental na ama na nagpapalayaw sa isang anak sa layaw at bugtong na anak, sila’y biglang magugulantang.—Jeremias 7:9, 10; Exodo 19:5, 6.
11 Ang pagsamba ng Juda ay napauwi sa isang napakababang kalagayan sa mga paningin ni Jehova na anupa’t maitatanong ang ganitong nagbubunyag na katanungan: “Ang bahay bang ito na tinawag sa aking pangalan ay naging yungib lamang ng mga tulisan sa harap ng inyong mga mata?” Halos 700 taon ang nakalipas ang kalagayan ay hindi pa rin bumubuti, nang gamitin ni Jesus, isang propeta na lalong dakila kaysa kay Jeremias, ang mismong mga salitang ito na humahatol sa pagsasamantala at komersiyalismo na nagaganap sa muling itinayong templo noong kaniyang kapanahunan. At ang kalagayan sa ngayon sa Sangkakristiyanuhan ay walang ipinagkakaiba.—Jeremias 7:11; Mateo 16:14; Marcos 11:15-17.
Hindi Pinansin ang mga Bantay, Inihula ang Kapahamakan
12. Ano ang ikinilos ng mga Judio sa pakikitungo sa mga propeta na sinugo sa kanila ni Jehova?
12 Sa anumang paraan ay hindi si Jeremias ang unang propeta na ginamit ng Diyos upang magbigay-babala sa Israel at sa Juda ng kanilang maling hakbangin. Noong nakalipas na daan-daang taon o higit pa bago noon, ang mga propetang si Isaias, Mikas, Oseas, at Oded ay sinugo bilang mga bantay na magbababala sa bansa. (Isaias 1:1; Mikas 1:1; Oseas 1:1; 2 Cronica 28:6-9) Paano ang naging kilos ng karamihan? “Ako’y naglagay sa inyo ng mga bantay, ‘Inyong pakinggan ang tunog ng pakakak!’ Ngunit kanilang laging sinasabi: ‘Hindi kami makikinig.’” (Jeremias 6:17; 7:13, 25, 26) Sila’y tumangging magbigay ng pansin kay Jeremias. Sa halip, kanilang pinag-usig siya at sinikap na patahimikin siya. Kaya ipinasiya ni Jehova na kanilang pagbayaran ang kanilang kapalaluan at kawalang pananampalataya.—Jeremias 20:1, 2; 26:8, 11; 37:15; 38:6.
13. Ano ang batayan ng paghatol ng Diyos sa bansa?
13 Bilang reaksiyon sa pagtanggi ng bansa sa kaniyang mga mensahero, si Jehova ay nanawagan, wika nga, sa mga bansa sa lupa, na nagsasabi: “Inyong pakinggan, Oh lupa! Narito ako’y magdadala ng kapahamakan sa bayang ito bilang bunga ng kanilang mga pag-iisip, sapagkat hindi nila binigyan ng pansin ang mismong mga salita ko; at ang aking kautusan—kanila ring patuloy na itinakwil.” Bakit nga daranas ng kapahamakan ang bansa? Dahilan sa kanilang maling mga kilos na nakasalig sa kanilang maling mga kaisipan. Kanilang itinakwil ang mga salita at Batas ni Jehova at sinunod ang kanilang sariling mapag-imbot, makalamang mga hilig.—Jeremias 6:18, 19; Isaias 55:8, 9; 59:7.
14. Sa anong pagmamalabis humantong ang kanilang huwad na pagsamba? (Ihambing ang 2 Cronica 33:1-9.)
14 At para sa mga nasa Juda, ano ba ang kanilang ginagawa na pumukaw ng galit ni Jehova? Sila’y gumagawa ng handog na mga tinapay sa “Reyna ng Langit.” Sila’y nagbubuhos ng mga inuming handog sa mga ibang diyos upang kusang pagalitin si Jehova. Kaya naman, ang tanong ni Jehova ay: “Ako ba ang kanilang pinupukaw na magalit? . . . Hindi ba ang kanila ring sarili ang pinipinsala nila, sa kanilang sariling kahihiyan?” (Jeremias 7:18, 19, New International Version) Gayunman, ang kanilang mga pamumusong ay lalo pa manding naging imbi—sila’y naglagay ng nakasusuklam na mga idolo sa bahay na may taglay ng pangalan ni Jehova. Sila’y nagtayo ng mga dambana sa labas ng Jerusalem, sa libis ng Hinnom, “upang doon sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae .” Ano ang halagang kanilang ibabayad sa lahat ng kanilang pag-aglahi sa tunay na pagsamba?—Jeremias 7:30, 31.
Ang Juda ay Nagbayad ng Utang
15. Anong masamang balita ang taglay ni Jeremias para sa Juda?
15 Nang sumapit ang humigit-kumulang 632 B.C.E., ang Asiria ay bumagsak na sa mga Caldeo at sa mga Medo, at ang Ehipto ay nauwi na lamang na isang minor na kapangyarihan sa timog ng Juda. Ang talagang banta sa Juda ay manggagaling sa rutang daraanan ng mga manlulusob sa gawing hilaga. Sa gayon, kinailangang magbigay si Jeremias sa kaniyang mga kapuwa Judio ng masamang balita! “Narito! Isang bayan ang nagmumula sa lupain sa hilaga . . . Sila’y mabagsik at walang habag. . . . Bawat isa ay humaharap na parang isang lalaki sa pakikipagbaka laban sa iyo, Oh anak na babae ng Sion.” Ang sumisikat na kapangyarihan ng daigdig noon ay ang Babilonya. Ito ang gagamitin ng Diyos na instrumento para sa pagpaparusa sa walang pananampalatayang Juda.—Jeremias 6:22, 23; 25:8, 9.
16. Bakit walang kabuluhan na mamagitan si Jeremias alang-alang sa bansa?
16 May kabuluhan ba na subukin ni Jeremias na mamagitan alang-alang sa kaniyang mga kababayan? Maaari kayang ikompromiso ang tunay na pagsamba? Tatanggapin kaya ni Jehova ang bahagyang paglilingkod at patatawarin ang kaniyang bayan? Ang posisyon ni Jehova ay malinaw. Kaniyang iniutos kay Jeremias sa di-kukulanging tatlong pagkakataon: “Huwag mong idalangin ang bayang ito, . . . sapagkat hindi kita pakikinggan.” Sa katumbas na katuparan, ang malagim na babalang ito ay salagimsim ng kapahamakan para sa Sangkakristiyanuhan.—Jeremias 7:16; 11:14; 14:11.
17, 18. Sa wakas paano isinagawa ang kahatulan ng Diyos laban sa Juda?
17 Ano ba ang kinalabasan ng mga bagay para sa Juda? Kagayang-kagaya ng inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias. Noong panahon ng paghahari ni Haring Jehoiakim, ang Juda ay naging isang basalyong bansa sa ilalim ng makapangyarihang Babilonya. Makalipas ang tatlong taon ay naghimagsik si Jehoiakim. Ang may kamangmangang kilos na ito ay humantong sa lalo pang malaking pagkaaba buhat sa kamay ng mga Babiloniko, na kumubkob sa lunsod ng Jerusalem. Nang panahong ito ay namatay na si Jehoiakim at siya’y hinalinhan ng kaniyang anak na si Jehoiachin. Sa pamamagitan ng pagkubkob na ito ng mga Babiloniko ay nagapi ang Juda, at si Jehoiachin at lahat ng nasa sambahayan ng hari, kasali na ang mga nasa matataas na lipunang Judio, ay dinalang bihag sa Babilonya.—2 Hari 24:5-17.
18 Ano ang nangyari sa sagradong templo at sa lahat ng mahalagang banal na mga kagamitan doon? Tunay na ang mga iyon ay hindi nagsilbing isang masuwerteng galíng para sa Juda. “Dinala [ni Nabucodonosor] mula roon ang lahat ng kayamanan ng bahay ni Jehova at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at pinagputul-putol ang lahat ng kasangkapang ginto na ginawa ni Solomon na hari ng Israel sa templo ni Jehova.” (2 Hari 24:13) Sa wakas, ang inilagay ng Babilonya na hari, si Zedekias, na naiwan doon upang magpunò sa mga natitira pa roon sa Jerusalem, ay naghimagsik din laban sa kaniyang mga panginoon na nakasasakop sa kaniya. Iyon ang pinakasukdulan para kay Nabucodonosor. Ang siyudad ng Jerusalem ay muli na namang kinubkob, at noong 607 B.C.E. iyon ay nasakop ni Nebuzaradan at lubusang nawasak.—Jeremias 34:1, 21, 22; 52:5-11.
19, 20. Ano ang malaking pagkakaiba ng pakikitungo ng Juda at ni Jeremias tungkol sa inihulang kapahamakan, at ano ang naging resulta?
19 Anong laking kapahamakan para sa ‘piniling bayan’! Subalit anong linaw na ipinakita niyaon na ang mga paghahayag ni Jeremias ng mga kahatulan ay naipagbangong-puri. Samantalang ang mga Judio’y namumuhay sa isang daigdigan ng guniguni, naniniwalang walang darating sa kanila na kapahamakan, ang “tagapagpalahaw ng kapahamakan” na si Jeremias ay sa totoo naging isang tagapagtaguyod ng katotohanan, at hindi isang talunang mangángaráp. (Jeremias 38:4; pansinin na ang salitang “kapahamakan” ay lumilitaw ng 64 na ulit sa aklat ng Jeremias.) Tamang-tama nga ang naging kahatulan ni Jehova: “At iyong sasabihin sa kanila, ‘Ito ang bansang ang mga mamamayan ay hindi nakinig sa tinig ni Jehova na kanilang Diyos, at hindi tumanggap sa disiplina. Katotohana’y nawala, at nahiwalay sa kanilang bibig.’ At aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng kagalakan, . . . sapagkat ang lupain ay walang kauuwian kundi isang dakong giba”!—Jeremias 7:28, 34.
20 Sa ganitong malungkot na paraan, sa palalo, at kampante na mga Judio ay ipinakilala na ang kanilang pagtawag sa Diyos at ang kanilang pagkakaroon ng pantanging kaugnayan sa kaniya ay hindi nakagarantiya sa kanilang kaligtasan. Gaya ng sinabi ng hula: “Kami’y naghihintay ng kapayapaan, ngunit walang dumating na mabuti; at ng panahon ng kagalingan, ngunit, narito! malaking takot! Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na; ngunit sa ganang amin, kami’y hindi nakaligtas”! (Jeremias 8:15, 20) Para sa Juda ay isa ngayong panahon iyon ng pagtutuos. Subalit ang may tibay-loob na propetang si Jeremias ay iniligtas sa buong panahon ng kaniyang panghuhula at pinayagan na tapusin ang ibinigay na atas sa kaniya. Tinapos niya ang mga araw ng pagpapatapon sa kaniya, hindi sa Babilonya na kasama ng dinustang bansa, kundi sa Ehipto. Sa loob ng mahigit na 65 taon, walang-takot at buong katapatan na ipinahayag niya ang mga kahatulan ng Diyos.
21. Sa ano pang mga tanong interesado tayo?
21 Subalit ngayon tayo ay interesado na malaman ang katuparan ng buhay at ministeryong ito ni Jeremias sa ating panahon. Sino ang katulad ni Jeremias sa ika-20 siglong ito? At ng Juda at ng Jerusalem? At ano ang katumbas ng banta na nanggagaling sa hilaga? Ang ating sumusunod na mga artikulo ang susuri sa mga tanong na iyan.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang reaksiyon ni Jeremias sa pagkasugo sa kaniya, at ano ang sagot ni Jehova?
◻ Bakit tayo interesado sa mga pangyayari noong kaarawan ni Jeremias?
◻ Anong kalagayan sa relihiyon ang ibinunyag ni Jeremias, at sa ano nagtitiwala noon ang mga Judio?
◻ Ano sa wakas ang naging resulta para sa Jerusalem at sa Juda?
[Blurb sa pahina 12]
Walang-takot na inihayag ni Jeremias ang mga kahatulan ng Diyos sa mga pinuno at sa mga mamamayan na Judio
[Larawan sa pahina 13]
Ang mga babae ay gumawa ng mga tinapay sa “Reyna ng Langit”