PAMIGKIS SA DIBDIB
Isang paha o pamigkis na isinusuot ng kasintahang babae sa araw ng kaniyang kasal. Ito ay nagsisilbing palatandaan ng katayuan niya bilang isang babaing may asawa. Inilalarawan ni Jehova, bilang “asawang lalaki” ng Israel, ang pagkakasala at sukdulang pagwawalang-bahala sa kaniya ng Israel, sa pagsasabing: “Malilimutan ba ng dalaga ang kaniyang mga palamuti, ng kasintahang babae ang kaniyang mga pamigkis sa dibdib? Gayunma’y ang aking sariling bayan—nilimot nila ako sa mga araw na walang bilang.” Ang Diyos ng Israel sana ang naging pinakamagandang palamuti niya, ngunit iniwan niya Siya para sa ibang mga diyos.—Jer 2:32; Isa 3:20; ihambing ang Isa 49:18.