Resibo na Sumusuporta sa Rekord ng Bibliya
◼ Isang 5.5-sentimetrong tapyas na luwad ang nahukay noong dekada ng 1870 malapit sa Baghdad, Iraq. Noong 2007, ang tapyas na iyon ay nakita ni Michael Jursa, propesor sa University of Vienna, Austria, habang nagsasaliksik siya sa British Museum. Nakilala ni Jursa ang pangalang Nebo-sarsekim (Nabu-sharrussu-ukin, sa wikang Babilonyo), isang opisyal ng Babilonya na binabanggit sa Bibliya sa Jeremias 39:3.a
Si Nebo-sarsekim ay isa sa mga kumandante ni Haring Nabucodonosor nang wasakin ang Jerusalem noong 607 B.C.E. at, ayon sa tapyas, tinatawag siyang “ang punong bating.” Isa lamang ang may titulong punong bating sa isang partikular na panahon, kaya isa itong matibay na ebidensiya na ang Sarsekim na nasa tapyas ang siya ring Sarsekim na tinutukoy sa Bibliya.
Nakarekord sa tapyas ang tungkol sa gintong dinala ni Nebo-sarsekim sa templo ng pangunahing diyos ng Babilonya na si Marduk, o Merodac, na binabanggit din sa Bibliya. (Jeremias 50:2) Ang resibo ay may petsang ika-10 taon, ika-11 buwan, at ika-18 araw ng paghahari ni Nabucodonosor. Pero ang gintong ito ay walang kaugnayan sa pananamsam sa Jerusalem, na naganap makalipas pa ang ilang taon. (2 Hari 25:8-10, 13-15) Gayunpaman, “talagang pambihirang makatuklas ng tapyas na gaya nito, na may rekord tungkol sa isang taong binabanggit sa Bibliya na nagdadala ng regular na bayad sa templo sa Babilonya at nagsasaad pa nga ng eksaktong petsa,” ang sabi ni Propesor Jursa. Ang tapyas na ito, na kinikilalang pinakamahalagang tuklas sa ngayon ng arkeolohiya na may kinalaman sa Bibliya, ay “patunay na ang makasaysayang mga aklat ng Lumang Tipan ay ulat ng tunay na mga pangyayari,” ang sabi ng pahayagang Telegraph ng Britanya.
Pero hindi arkeolohiya ang tanging patunay na totoo ang Bibliya. Mas matibay na ebidensiya ang mismong Bibliya, lalo na ang mga hula rito. (2 Pedro 1:21) Halimbawa, mahigit 100 taon patiuna, inihula ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias na lahat ng kayamanan ng Jerusalem ay ‘dadalhin sa Babilonya.’ (Isaias 39:6, 7) Inihula rin ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Jeremias: “Ibibigay ko ang lahat ng nakaimbak na bagay ng lunsod na ito [Jerusalem] . . . sa kamay ng kanilang mga kaaway. At ang mga iyon ay tiyak na darambungin nila at . . . dadalhin nila sa Babilonya.”—Jeremias 20:4, 5.
Isa si Nebo-sarsekim sa mga kaaway na iyon kaya nasaksihan din niya ang katuparan ng hula ng Bibliya. Sa katunayan, alam man niya o hindi, may bahagi siya sa katuparan nito.
[Talababa]
a Sa Bagong Sanlibutang Salin, mababasa sa Jeremias 39:3: “Samgar-nebo, Sarsekim, Rabsaris,” batay sa mga bantas ng Hebreong tekstong Masoretiko. Pero ang tekstong Hebreo na puro katinig lamang ay maaaring isalin: “Samgar, Nebo-sarsekim ang Rabsaris [o, ang Punong Opisyal ng Korte],” na katugma ng nasa tapyas na cuneiform.
[Picture Credit Line sa pahina 11]
Copyright The Trustees of the British Museum