TRIGO
Isang importanteng pananim na binutil na matagal nang naglalaan sa tao ng mahalagang pagkain at may mga panahon, nitong nakaraang mga taon gaya rin noong sinauna, na ipinagbili ito sa halaga na doble o triple ng halaga ng sebada. (Ihambing ang 2Ha 7:1, 16, 18; Apo 6:6.) Ang trigo (sa Heb., chit·tahʹ; sa Gr., siʹtos), ito lamang o inihahalo sa ibang mga butil, ay karaniwang ginagawang tinapay. (Exo 29:2; Eze 4:9) Maaari ring kainin nang hilaw ang binutil na ito (Mat 12:1) at ginagawa ring mga ligis sa pamamagitan ng pagdurog sa mga buto nito. Ang mga luntiang uhay ng trigo partikular na ay iniihaw. (Lev 2:14; 2Sa 17:28) Noon, ipinapataw ang trigo bilang tributo mula sa natalong mga tribo o mga bansa (2Cr 27:5), at tinukoy ito sa mga paghahandog para kay Jehova.—1Cr 23:29; Ezr 6:9, 10.
Ang halaman mismo, kapag murà pa, ay kahawig ng damo at matingkad na luntian. Gayunman, ang magulang nang trigo ay maaaring tumaas nang mula sa 0.6 hanggang 1.5 m (2 hanggang 5 piye) at ginintuang kayumanggi naman. Ang mga dahon nito ay mahaba at payat, at sa pinakadulo ng panggitnang tangkay nito ay may isang uhay ng mga butil. Ang isang uri ng trigo (Triticum compositum) na itinatanim sa sinaunang Ehipto, at matatagpuan pa rin doon, ay may ilang uhay bawat tangkay. (Ihambing ang Gen 41:22, 23.) Ang mga uri ng trigo na karaniwang itinatanim sa Palestina nitong nakaraang mga taon lamang, at malamang na noon ding panahon ng Bibliya, ay may “balbas,” samakatuwid nga, ang mga ito ay may magaspang at nakatutusok na mga buhok sa talupak ng mga butil.
Gaya nga ng ipinangako ng Diyos, nasumpungan ng mga Israelita na ang Palestina ay isang lupain ng trigo at sebada. (Deu 8:8; 32:14; Aw 81:16; 147:14) Hindi lamang sila nagkaroon ng sapat para sa kanilang sarili kundi nakapagluwas din sila ng mga butil. (2Cr 2:8-10, 15) Noong panahon ni Ezekiel, ang mga paninda mula sa Juda at Israel, kabilang na ang “trigo ng Minit,” ay ikinakalakal sa Tiro.—Eze 27:17.
Sa Palestina, ang trigo ay inihahasik halos sa panahon din ng paghahasik ng sebada, sa buwan ng Bul (Oktubre-Nobyembre), pagkatapos na mapalambot nang husto ng maagang ulan ng taglagas ang lupa para sa pag-aararo. (Isa 28:24, 25) Ang pag-aani ng trigo ay kasunod ng pag-aani ng sebada (Ru 2:23; ihambing ang Exo 9:31, 32) at malapitang iniuugnay sa Kapistahan ng mga Sanlinggo, o Pentecostes, kapag buwan ng Sivan (Mayo-Hunyo), na sa panahong iyon ay dalawang tinapay na may lebadura at gawa sa harina ng trigo ang inihahandog kay Jehova bilang handog na ikinakaway. (Exo 34:22; Lev 23:17) Pagkatapos na ang trigo ay giikin, tahipin, at salain, kadalasan ay iniimbak ito sa mga hukay sa ilalim ng lupa, isang kaugalian na marahil ay tinukoy sa Jeremias 41:8.
Tinukoy rin ng Bibliya ang trigo sa makatalinghagang paraan. Ginagamit ito upang kumatawan sa mga taong kaayaaya kay Jehova, “ang mga anak ng kaharian.” (Mat 3:12; 13:24-30, 37, 38; Luc 3:17) Kapuwa si Jesus at ang apostol na si Pablo ay bumanggit ng trigo nang inilalarawan nila ang pagkabuhay-muli. (Ju 12:24; 1Co 15:35-38) At inihalintulad ni Jesus sa pagsala sa trigo ang pagsubok na sasapit sa kaniyang mga alagad, bilang resulta ng mga pagsubok na malapit na niyang danasin.—Luc 22:31.