-
Si Baruc—Ang Tapat na Kalihim ni JeremiasAng Bantayan—2006 | Agosto 15
-
-
Huwag Maghanap ng “mga Dakilang Bagay”
Habang isinusulat ang unang balumbon, nakaranas si Baruc ng isang yugto ng kapighatian. Ibinulalas niya: “Sa aba ko ngayon, sapagkat dinagdagan ni Jehova ng pamimighati ang aking kirot! Nanghimagod ako dahil sa aking pagbubuntunghininga, at wala akong nasumpungang pahingahang-dako.” Ano ang dahilan ng pamimighating ito?—Jeremias 45:1-3.
Walang ibinigay na tuwirang sagot dito. Pero subukan mong ilarawan sa isipan ang situwasyon ni Baruc. Ang pagsasalaysay sa 23 taóng pagbababala sa bayan ng Israel at Juda ay malinaw na naghantad ng kanilang apostasya at pagtatakwil kay Jehova. Ang pasiya ni Jehova na lipulin ang Jerusalem at Juda at gawing tapon sa Babilonya ang bansa sa loob ng 70 taon—mga impormasyong isiniwalat ni Jehova nang taon ding iyon at marahil ay kalakip sa balumbon—ay malamang na nakagitla kay Baruc. (Jeremias 25:1-11) Karagdagan pa, nariyan ang panganib na maiwala niya ang kaniyang katungkulan at propesyon dahil sa matatag niyang pagsuporta kay Jeremias sa napakahalagang panahong ito.
Anuman ang naging kalagayan, si Jehova mismo ang kumilos upang tulungan si Baruc na isaisip ang dumarating na kahatulan. “Ang itinayo ko ay aking gigibain, at ang itinanim ko ay aking bubunutin, ang buong lupain nga,” ang sabi ni Jehova. Pagkatapos ay pinayuhan niya si Baruc: “Ngunit kung tungkol sa iyo, patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap.”—Jeremias 45:4, 5.
Hindi sinabi ni Jehova kung anu-ano ang “mga dakilang bagay” na ito, pero tiyak na alam ni Baruc kung ang mga ito ba ay sakim na mga ambisyon, pagiging prominente, o materyal na kasaganaan. Pinayuhan siya ni Jehova na maging makatotohanan at tandaan kung ano ang magaganap: “Narito, magpapasapit ako ng kapahamakan sa lahat ng laman, . . . at ibibigay ko sa iyo ang iyong kaluluwa bilang samsam sa lahat ng dako na iyong paroroonan.” Ang pinakamahalagang pag-aari ni Baruc, ang kaniyang buhay, ay iingatan saanman siya magpunta.—Jeremias 45:5.
-
-
Si Baruc—Ang Tapat na Kalihim ni JeremiasAng Bantayan—2006 | Agosto 15
-
-
Nang paalalahanan si Baruc na wala nang panahon para sa personal na “mga dakilang bagay” noong mga huling araw ng Juda, maliwanag na sumunod siya, dahil nakaligtas siya. Makatuwiran lamang na ikapit natin ang payong ito, yamang nabubuhay rin tayo sa mga huling araw ng isang sistema ng mga bagay. Gayundin ang pangako sa atin ni Jehova—ililigtas niya tayo. Kaya ba nating sumunod sa gayong mga paalaala katulad ng ginawa ni Baruc?
-