LATAK
Mga partikula na humihiwalay at naiipon sa ilalim kapag pinatining ang alak. Limang beses na lumilitaw sa Kasulatan ang terminong ito, anupat laging nasa anyong pangmaramihan (sa Heb., shema·rimʹ). Kapag ang mainam na alak ay “pinanatili sa latak” nang mahabang panahon upang maging laon, ito ay lumilinaw, tumatapang, at nagiging suwabe. (Isa 25:6) Sa kabilang dako naman, kapag hinayaang mamuo sa latak ang alak na sa simula pa lamang ay hindi na maganda dahil sa mababang kalidad ng ubas, ang lasa o amoy nito ay hindi bumubuti. Ang mga bagay na ito ay binabanggit ng mga propeta sa mga ilustrasyon. (Jer 48:11; Zef 1:12) Gayundin, sa makasagisag na pananalita, sinasabi ng salmista na mapipilitan ang “lahat ng balakyot sa lupa” na sairin ang kopa ng galit ni Jehova, anupat iinumin nila pati ang latak nito, hanggang sa kahuli-hulihang mapait na patak.—Aw 75:8; ihambing ang Eze 23:32-34; tingnan ang ALAK AT MATAPANG NA INUMIN.