ZOAR
[Kaliitan].
Isang lunsod ng “Distrito.” Maliwanag na ito ay dating nasa gilid ng isang matabang kapatagan. (Gen 13:10-12; tingnan ang DISTRITO NG JORDAN.) Lumilitaw na Bela ang mas naunang pangalan ng Zoar. Noong panahon ni Abraham, pinamahalaan ito ng isang hari na naghimagsik, kasama ng apat na iba pang hari mula sa Distrito, pagkatapos ng 12-taóng pamumuno sa kanila ni Kedorlaomer. Ngunit natalo ang mga ito ng monarka ng Elam at ng kaniyang tatlong kaalyado. (Gen 14:1-11) Noong pupuksain na ni Jehova ang Sodoma, si Lot ay humiling at pinahintulutang tumakas patungong Zoar. Kaya naman ang lunsod na ito ay naligtas. (Gen 19:18-25) Nang maglaon, dahil sa takot, si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae ay umalis sa Zoar at nanirahan sa isang yungib sa kalapit na bulubunduking pook.—Gen 19:30.
Ayon sa hula, kapag sumapit ang kasakunaan sa Moab, ang mga takas nito ay lilikas patungong Zoar at ang sigaw dahil sa pagkawasak ng bansa ay maririnig “mula sa Zoar hanggang sa Horonaim, sa Eglat-selisiya.” Ipinahihiwatig nito marahil na ang Zoar ay isang Moabitang lunsod. (Isa 15:5; Jer 48:34) Binabanggit ng Griegong Septuagint at ng ilang makabagong salin (AT, JB, NE, RS) ang Zoar (Zogora) sa Jeremias 48:4 (31:4, LXX, Bagster). Ngunit ang mababasa sa Hebreong tekstong Masoretiko ay “ang kaniyang maliliit na bata.” (NW, JP, Le, Ro) Nang tanawin ni Moises ang Lupang Pangako mula sa Bundok Nebo, Zoar ang nakita niyang pinakadulong dako sa T. (Deu 34:1-3) Lumilitaw na ang lunsod na ito ay nasa Moab o kaya’y malapit doon, anupat matatagpuan di-kalayuan sa bulubunduking pook ng Moab at nasa bandang TS ng Dagat na Patay. (Ihambing ang Gen 19:17-22, 30, 37.) Sinasabi ng ilang iskolar na ang Zoar ay nasa H ng Dagat na Patay, sinasabi naman ng iba na ito ay nasa Peninsula ng el-Lisan, o nasa gawing K o T lamang ng dulong T ng dagat. Iniuugnay ito ni Yohanan Aharoni sa es-Safi, na nasa delta ng agusang libis ng Zered (Wadi el-Hasaʼ). Noong Edad Medya, ang pangalang Zoar ay iniugnay sa isang mahalagang lugar na nasa pagitan ng Jerusalem at Elat. Gayunman, naniniwala ang ilang iskolar na ang orihinal na Zoar at ang iba pang “mga lunsod ng Distrito” ay nasa ilalim ng Dagat na Patay sa T na bahagi nito.—Gen 13:12.