Kabanata 9
Mga Hula na Nagkatotoo
Ang tao ay hindi makahuhula nang may katiyakan sa hinaharap. Ang paulit-ulit niyang pagsisikap na humula ay laging nauuwi sa kabiguan. Kaya dapat makatawag-pansin ang isang aklat ng mga hula na nagkatotoo. Ang aklat na ito ay ang Bibliya.
1. (Ilakip ang pambungad.) Ano ang pinatutunayan ng bagay na ang Bibliya ay nag-uulat ng mga hula na nagkatotoo?
MARAMING hula sa Bibliya ang detalyadong natupad anupa’t inisip ng mga kritiko na ito’y nasulat pagkatapos mangyari. Hindi totoo ang mga pag-aangking ito. Palibhasa’y makapangyarihan-sa-lahat, ang Diyos ay may lubos na kakayahang humula. (Isaias 41:21-26; 42:8, 9; 46:8-10) Ang mga natupad na hula ng Bibliya ay katibayan ng banal na pagkasi, hindi ng atrasadong pagkaakda. Atin ngayong susuriin ang ilang namumukod-tanging hula na nagkatotoo—bilang dagdag pang patotoo na ang Bibliya’y Salita ng Diyos, hindi ng tao.
Ang Pagkabihag sa Babilonya
2, 3. Ano ang umakay kay Haring Hezekias upang ipagparangalan sa mga sugo ng Babilonya ang lahat ng kayamanan ng kaniyang sambahayan at kaharian?
2 Si Hezekias ay hari sa Jerusalem sa loob ng 30 taon. Noong 740 B.C.E., nasaksihan niya ang pagkawasak ng kahangga niya sa hilaga, ang Israel, sa kamay ng Asirya. Noong 732 B.C.E., naranasan niya ang pagliligtas ng Diyos, nang mabigo ang pagsisikap ng Asirya na lupigin ang Jerusalem, sa kapahamakan ng mga manlulupig na ito.—Isaias 37:33-38.
3 Ngayon, tumanggap si Hezekias ng mga sugo mula sa hari ng Babilonya, si Merodach-baladan. Pabalat-bunga nilang binati si Hezekias sa paggaling niya mula sa malubhang karamdaman. Malamang na itinuring ni Merodach-baladan si Hezekias na posibleng alyado laban sa pandaigdig na kapangyarihan ng Asirya. Ang palagay na ito ay lalong pinatibay ni Hezekias nang ipakita niya sa mga taga-Babilonya ang buong kayamanan ng kaniyang sambahayan at kaharian. Kailangan din niya siguro ng alyado laban sa posibleng pagbabalik ng mga Asiryano.—Isaias 39:1, 2.
4. Anong masaklap na bunga ng pagkakamali ni Hezekias ang inihula ni Isaias?
4 Si Isaias ang pangunahing propeta noon, at nahalata niya agad ang kawalang-ingat ni Hezekias. Alam niya na si Jehova ang tanging sanggalang ni Hezekias, hindi ang Babilonya, at sinabi niya rito na ang pagpaparangalan ng kayamanan sa mga taga-Babilonya ay aakay sa kapahamakan. “Darating ang araw,” sabi ni Isaias, “na ang lahat ng nasa iyong bahay at naimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa mga araw na ito ay dadalhin sa Babilonya.” Ipinasiya ni Jehova: “Walang matitira.”—Isaias 39:5, 6.
5, 6. (a) Ano ang sinabi ni Jeremias bilang pagtiyak sa hula ni Isaias? (b) Papaano natupad ang ilan sa mga hula nina Isaias at Jeremias?
5 Noong ikawalong siglo B.C.E., tila malabong matupad ang hulang ito. Subali’t makaraan ang isandaang taon, nagbago ang sitwasyon. Hinalinhan ng Babilonya ang Asirya bilang pandaigdig na kapangyarihan, samantalang nagpakasamâ naman ang Juda, sa diwang relihiyoso, kung kaya’t iniurong ni Jehova ang kaniyang pagpapala. Ngayon, isa pang propeta, si Jeremias, ay kinasihan upang ulitin ang babala ni Isaias. Inihayag ni Jeremias: “Aking dadalhin [ang mga taga-Babilonya] laban sa lupaing ito at laban sa lahat ng mga nananahan dito . . . At ang buong lupaing ito ay magiging wasak, isang sanhi ng pagtataka, at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon.”—Jeremias 25:9, 11.
6 Mga apat na taon matapos bigkasin ni Jeremias ang hulang ito, ang Juda ay idinagdag ng mga taga-Babilonya sa kanilang imperyo. Tatlong taon pagkaraan nito, dinala nilang bihag sa Babilonya ang ilang Judio, at bahagi ng kayamanan ng templo sa Jerusalem. Pagkalipas pa ng walong taon, nag-aklas ang Juda at ito ay muling sinalakay ni Nabukodonosor, hari ng Babilonya. Ngayon, ang lunsod at ang templo nito ay winasak. Lahat ng kayamanan, at pati na ang mga Judio, ay dinalang bihag sa malayong Babilonya, gaya ng inihula nina Isaias at Jeremias.—2 Cronica 36:6, 7, 12, 13, 17-21.
7. Papaano nagpapatotoo ang arkeolohiya sa katuparan ng mga hula nina Isaias at Jeremias hinggil sa Jerusalem?
7 Sinasabi ng The Archaeological Encyclopedia of the Holy Land na pagkatapos ng mabangis na pagsalakay, “lubuslubusan ang naging pagkawasak ng lunsod [ng Jerusalem].”1 Sinabi ng arkeologong si W. F. Albright: “Pinatunayan ng pagdudukal at ng panggagalugad sa Juda na ang mga kabayanan ng Juda ay hindi lamang lubusang winasak ng mga Caldeo sa dalawa nilang pagsalakay, kundi ang mga ito ay hindi na muling tinirahan sa loob ng maraming salinglahi—at baka hindi na kailanman.”2 Kaya, sinusuhayan ng arkeolohiya ang nakagigitlang katuparan ng hulang ito.
Ang Tadhana ng Tiro
8, 9. Anong hula ang binigkas ni Ezekiel laban sa Tiro?
8 Si Ezekiel ay isa pang propeta na sumulat ng mga hulang kinasihan ng Diyos. Nanghula siya mula sa pagtatapos ng ikapitong siglo B.C.E. hanggang sa ikaanim—alalaong baga, noong mga taon na humantong sa pagkawasak ng Jerusalem at noong unang mga dekada ng pagkakatapon ng mga Judio sa Babilonya. Sumasang-ayon din ang ilang makabagong kritiko na ang aklat ay isinulat humigit-kumulang sa panahong ito.
9 Iniulat ni Ezekiel ang isang kapansinpansing hula hinggil sa pagkawasak ng kalapit-bayan ng Israel sa hilaga, ang Tiro, dating kaibigan ng bayan ng Diyos subali’t nang malauna’y naging kaaway. (1 Hari 5:1-9; Awit 83:2-8) Sumulat siya: “Ganito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Narito ako’y laban sa iyo, Oh Tiro, at aking pasasampahin ang maraming bansa laban sa iyo, gaya ng pagpapasampa ng dagat sa alon. At tiyak na gigibain nila ang mga kuta ng Tiro upang ibagsak ang kaniyang mga moog, at aking papalisin ang kaniyang alabok at gagawin ko siyang hubad na bato. . . . At ilalagay nila ang iyong mga bato at ang iyong kahoy at ang iyong alabok sa gitna ng tubig.’ ”—Ezekiel 26:3, 4, 12.
10-12. Kailan lubusang natupad ang hula ni Ezekiel, at papaano?
10 Talaga bang nangyari ito? Ilang taon matapos bigkasin ni Ezekiel ang hula, ang Tiro ay kinubkob ni Nabukodonosor, hari ng Babilonya. (Ezekiel 29:17, 18) Hindi naging magaang ang pagkubkob na ito. Ang isang bahagi ng Tiro ay nasa kontinente (ang bahaging tinawag na Matandang Tiro). Nguni’t ang bahagi ng lunsod ay nasa isang pulo mga 800 metro mula sa baybayin. Ang pulo ay 13 taong kinubkob ni Nabukodonosor bago ito sumuko sa kaniya.
11 Gayumpaman, noong 332 B.C.E. lubusang natupad ang hula ni Ezekiel sa lahat ng detalye nito. Si Alejandrong Dakila, mananakop mula sa Macedonya, ang sumasalakay noon sa Asya. Palibhasa’y panatag bilang isang pulo, ang Tiro ay nanindigan laban sa kaniya. Ayaw ni Alejandro na iwan ang isang potensiyal na kaaway, at ayaw din niyang mag-aksaya ng maraming taon sa pagkubkob sa Tiro, gaya ng ginawa ni Nabukodonosor.
12 Papaano niya nilutas ang problemang militar na ito? Gumawa siya ng tulay na lupa, o pier, tungo sa pulo, upang makatawid ang mga kawal niya at masalakay ang pulong-lunsod. Pansinin kung ano ang ginamit niya sa paglikha ng pier. Nag-uulat ang The Encyclopedia Americana: “Sa pamamagitan ng mga labí ng lunsod sa kontinente na winasak niya, siya ay nagtayo ng isang malaking pier noong 332 upang ang pulo ay maging kakabit ng kontinente.” Pagkaraan lamang ng maikling pagkubkob, ay nawasak ang pulong-lunsod. Bukod dito, ang hula ni Ezekiel ay natupad sa kaliitliitang detalye. Maging ang ‘mga bato at kahoy at alabok’ ng Matandang Tiro ay ‘nalagay sa gitna ng tubig.’
13. Papaano inilarawan ng isang ika-19 na siglong manlalakbay ang dako ng sinaunang Tiro?
13 Isang ika-19 na siglong manlalakbay ang nagsabi kung ano ang natira sa sinaunang Tiro noong kaarawan niya: “Walang bakas na naiwan sa orihinal na Tiro na nakilala ni Solomon at ng mga propeta ng Israel, maliban sa mga libingang nakaukit sa bato, at mga patibayan ng pader . . . Ang pulo, na naging lungos nang kubkubin ni Alejandrong Dakila ang lunsod sa pamamagitan ng pagtambak sa tubig na namagitan dito at ng kontinente, ay wala ring maliwanag na relikya mula sa mga yugto na mas maaga kaysa sa mga Krusada. Ang makabagong kabayanan, na bagung-bago sa kabuuan, ay sumasakop sa hilagang bahagi ng dating pulo, at halos lahat ng nalalabing lupa ay natatakpan ng mga kagibaan.”3
Turno Naman ng Babilonya
14, 15. Anong mga hula ang iniulat nina Isaias at Jeremias laban sa Babilonya?
14 Noong ikawalong siglo B.C.E., si Isaias, ang propeta na nagbabala sa mga Judio tungkol sa napipintong pagsakop sa kanila ng Babilonya, ay humula rin ng isang bagay na kagilagilalas: ang ganap na pagkalipol ng Babilonya mismo. Matingkad ang mga detalye ng hula niya: “Narito aking hihikayatin ang mga Medo laban sa kanila . . . At ang Babilonya, na kaluwalhatian ng mga kaharian, na ganda ng kapalaluan ng mga Caldeo, ay magiging gaya nang gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomorra. Hindi siya tatahanan kailanman, ni mananatili pa siya sa sali’t-saling lahi.”—Isaias 13:17-20.
15 Ang pagbagsak ng Babilonya ay inihula rin ni propeta Jeremias, maraming taon bago ito maganap. Isang kapansinpansing detalye ang inilakip niya: “Ang pagkawasak ay nasa kaniyang tubig, at ang mga ito’y mangatutuyo. . . . Ang mga makapangyarihan sa Babilonya ay umurong sa pakikibaka. Nakaupo sila sa kanilang matitibay na dako. Ang kanilang kalakasan ay natuyo.”—Jeremias 50:38; 51:30.
16. Kailan nasakop ang Babilonya, at sa pamamagitan nino?
16 Noong 539 B.C.E., nagwakas ang pamamahala ng Babilonya bilang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig nang ang masigasig na pinunong Persyano, si Ciro, ay sumalakay sa lunsod sa tulong ng hukbo ng Medya. Gayumpaman, natuklasan ni Ciro na ito’y napakatibay. Ang Babilonya ay napaliligiran ng malalaking pader na waring hindi kayang pasukin. Isa pa, ang malaking ilog Euprates ay bumabagtas sa lunsod at naging mahalagang tulong sa pagtatanggol nito.
17, 18. (a) Papaano nagkaroon ng “pagkawasak sa mga tubig [ng Babilonya]”? (b) Bakit ‘umurong sa pakikipaglaban ang mga makapangyarihan’ ng Babilonya?
17 Inilalarawan ng Griyegong mananalaysaysay na si Herodotus kung papaano hinarap ni Ciro ang problema: “Inilagay niya ang bahagi ng kaniyang hukbo sa dako ng lunsod na pinapasukan ng ilog, at isa pang bahagi sa dakong nilalabasan nito, at nag-utos na sila ay pumasok sa lunsod sa pamamagitan ng ilog, kapag bumabaw na ang tubig . . . Sa pamamagitan ng isang kanal ay pinalihis niya ang Euprates tungo sa isang lunas [artipisyal na lawa na unang hinukay ng isang dating pinuno ng Babilonya], na noo’y isa nang latian, anupa’t ang ilog ay kumati hanggang sa malakaran na ang ilalim nito. Kaya ang mga Persyano na sadyang nakahimpil sa tabing ilog, na ngayo’y kasintaas na lamang ng hita ng tao, ay nakalakad sa ilog at tuluy-tuloy nang pumasok sa lunsod.”4
18 Sa ganitong paraan bumagsak ang lunsod, gaya ng babala nina Isaias at Jeremias. Subali’t pansinin ang detalyadong katuparan ng hula. Naging literal ang ‘pagkawasak sa kaniyang tubig, at ang mga ito ay natuyo.’ Ang pagkati ng tubig sa Euprates ay nagpahintulot kay Ciro na makapasok sa lunsod. Ang ‘mga makapangyarihan sa Babilonya ay umurong ba sa pakikibaka’ gaya ng babala ni Jeremias? Ang Bibliya—at maging ang mga Griyegong mananalaysaysay na sina Herodotus at Xenopon—ay nag-uulat na ang mga taga-Babilonya ay nagkakainan nang salakayin ng mga Persyano.5 Sinasabi ng Nabonidus Chronicle, isang opisyal na inskripsiyon sa cuneiform, na ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang “walang pakikihamok,” marahil ay nangahulugan na walang totohanang paglalaban.6 Maliwanag na ang Babilonya ay hindi naipagtanggol ng mga kawal niya.
19. Natupad ba ang hula na ang Babilonya ay “hindi matatahanan kailanman”? Ipaliwanag.
19 Kumusta ang hula na “hindi siya tatahanan kailanman”? Hindi ito agad natupad noong 539 B.C.E. Subali’t natupad ang hula nang walang mintis. Matapos bumagsak, ang Babilonya ay naging sentro ng mga himagsikan, hanggang 478 B.C.E. nang ito ay wasakin ni Xerxes. Noong katapusan ng ikaapat na siglo, binalak ni Alejandrong Dakila na itayong-muli ito, nguni’t namatay siya nang ito’y sinisimulan pa lamang. Mula noon, ang lunsod ay unti-unting humina. May nakatira pa rin doon noong unang siglo ng Kasalukuyang Panahon, nguni’t sa ngayon ang tanging nalalabi sa sinaunang Babilonya ay isang bunton ng mga kagibaan sa Iraq. Kahit bahagya pang maitayo ang mga ito, ang Babilonya ay magiging tanawin lamang para sa mga turista, hindi isang buháy, abalang lunsod. Ang wasak na dako nito ay patotoo ng pangwakas na katuparan ng kinasihang mga hula laban sa Babilonya.
Pagkakasunud-sunod ng mga Kapangyarihang Pandaigdig
20, 21. Saang hula nakita ni Daniel ang pagkakasunudsunod ng mga pandaigdig na kapangyarihan, at papaano ito natupad?
20 Noong ikaanim na siglo B.C.E., nang ang mga Judio ay bihag sa Babilonya, isa pang propeta, si Daniel, ay kinasihan upang iulat ang ilang mahalagang pangitain na humuhula sa hinaharap na takbo ng mga pangyayari sa daigdig. Sa isa nito, inilalarawan ni Daniel ang mga makasagisag na hayop na nagkasunudsunod sa tanawin ng daigdig. Ipinaliwanag ng anghel na ang mga hayop ay lumalarawan sa mga kapangyarihang pandaigdig na nagkasunudsunod mula nang panahong yaon. Hinggil sa huling dalawang hayop, ay sinabi niya: “Ang lalaking tupa, na iyong nakita, na may dalawang sungay, ay ang mga hari ng Medya at Persya. Ang mabalahibong lalaking kambing ay ang hari ng Gresya; at ang malaking sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata, ito ang unang hari. At ang isang nabali, na hinalinhan ng apat pa, ay apat na kaharian na babangon mula sa bansang yaon, nguni’t hindi sa kaniyang kapangyarihan.”—Daniel 8:20-22.
21 Tamang-tama ang pagkakatupad ng makahulang tanawing ito. Ang Imperyo ng Babilonya ay ibinagsak ng Medo-Persya na nagbigay daan sa Griyegong kapangyarihang pandaigdig pagkaraan ng 200 taon. Ang Imperyo ng Gresya ay pinangunahan ni Alejandrong Dakila, “ang malaking sungay.” Nguni’t, pagkamatay ni Alejandro, ang kaniyang mga heneral ay nag-awayaway, at sa wakas ang malawak na imperyo ay nahati sa apat na mas maliliit na imperyo, “apat na kaharian.”
22. Sa kaugnay na hula hinggil sa sunudsunod na mga pandaigdig na kapangyarihan, anong karagdagang kapangyarihan ang inihula?
22 Sa Daniel kabanata 7, isang kahawig na pangitain ang humula rin sa malayong hinaharap. Ang kapangyarihang pandaigdig ng Babilonya ay inilarawan ng isang leon, ang Persyano ay ng oso, at ang Griyego ng leopardo na may apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Pagkatapos, nakakita si Daniel ng isa pang mabangis na hayop, “kakilakilabot at makapangyarihan at totoong malakas . . . at ito’y may sampung sungay.” (Daniel 7:2-7) Ang ikaapat ay lumarawan sa makapangyarihang Imperyo ng Roma, na nagsimulang lumago tatlong siglo pagkatapos iulat ni Daniel ang hulang ito.
23. Papaanong ang ikaapat na mabangis na hayop sa hula ni Daniel ay “kakaiba sa lahat ng kaharian”?
23 Humula ang anghel tungkol sa Roma: “Ang ikaapat na hayop ay magiging ikaapat na kaharian sa lupa, at magiging kaiba sa lahat; sasakmalin nito ang buong lupa at yuyurakan at pagluluraylurayin ito.” (Daniel 7:23) Sinabi ni H. G. Wells, sa aklat niyang A Pocket History of the World: “Ang bagong kapangyarihang ito ng Roma na nangibabaw sa kanluraning daigdig noong ikalawa at unang siglo B.C. ay ibang-iba sa malalaking imperyo na nagsilitaw sa sibilisadong daigdig.”7 Nagsimula ito bilang isang republika at naging isang monarkiya. Di gaya ng naunang mga imperyo, hindi ito nilikha ng iisang mananakop kundi lumago nang walang pagbabawa sa loob ng mga dantaon. Mas tumagal ito at sumupil ng mas malawak na teritoryo kaysa alinmang naunang imperyo.
24, 25. (a) Papaano lumitaw ang sampung sungay ng mabangis na hayop? (b) Anong paligsahan sa pagitan ng mga sungay ng mabangis na hayop ang inihula ni Daniel?
24 Kumusta ang sampung sungay ng dambuhalang hayop na ito? Sinabi ng anghel: “At tungkol sa sampung sungay, mula sa kahariang ito ay sampung hari ang babangon; at isa pa ang babangon kasunod nila, at magiging kaiba siya sa mga nauna, at kaniyang ibabagsak ang tatlong hari.” (Daniel 7:24) Papaano natupad ito?
25 Nang humina ang Imperyo ng Roma noong ikalimang siglo C.E., hindi agad ito hinalinhan ng iba. Sa halip, ito’y unti-unting nabahagi sa maraming kaharian, “sampung hari.” Sa wakas, tinalo ng Imperyo ng Britanya ang tatlong karibal na imperyo ng Espanya, Pransya, at ng Holandya upang maging pangunahing kapangyarihang pandaigdig. Ganito ibinagsak ng bagitong ‘sungay’ ang “tatlong hari.”
Mga Hula ni Daniel—Pagkatapos Maganap?
26. Ayon sa mga kritiko kailan isinulat ang Daniel, at bakit?
26 Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang aklat ni Daniel ay nasulat noong ikaanim na siglo B.C.E. Subali’t eksaktong-eksakto ang katuparan ng mga hula nito kung kaya inangkin ng mga kritiko na malamang na ito’y nasulat noong 165 B.C.E., nang maganap na ang marami sa mga hula.8 Bagaman ang tanging tunay na dahilan sa pag-aangking ito ay ang pagkatupad ng mga hula ni Daniel, ang atrasadong petsang ito ng pagsulat ni Daniel ay inihaharap bilang isang tiyak na katotohanan sa maraming mga reperensiya.
27, 28. Ano ang ilan sa mga katotohanan na nagpapatotoo na ang Daniel ay hindi isinulat noong 165 B.C.E.?
27 Ang mga sumusunod na katotohanan ay dapat munang ihambing sa teoriyang ito. Una, ang aklat ay tinukoy ng mga kasulatang Judio na inilathala noong ikalawang siglo B.C.E., gaya ng unang aklat ng mga Macabeo. Isa pa, kalakip ito sa salin na Griyegong Septuagint, ang salin na pinasimulan noong ikatlong siglo B.C.E.9 Ikatlo, ang mga bahagi ng Daniel ay kabilang sa mas nahuling tuklas na Dead Sea Scrolls—at ang mga ito ay pinaniniwalaang nagmula noong 100 B.C.E.10 Maliwanag na, hindi nagtagal pagkatapos ng sinasabing petsa ng pagkasulat sa Daniel, ito’y laganap-na-laganap na at iginagalang: matibay na ebidensiya na ito’y nasulat matagal na panahon pa bago ang petsang inaangkin ng mga kritiko.
28 Bukod dito, ang Daniel ay naglalaman ng makasaysayang detalye na hindi alam ng isang pangalawang-siglong manunulat. Namumukod-tangi ang halimbawa ni Belsasar, hari ng Babilonya na napatay nang ito ay bumagsak noong 539 B.C.E. Bukod sa Bibliya, ang mga pangunahing reperensiya hinggil sa pagbagsak ng Babilonya ay sina Herodotus (ikalimang siglo), Xenopon (ikalima at ikaapat na siglo), at Berossus (ikatlong siglo). Isa man sa kanila ay hindi nakarinig kay Belsasar.11 Lalong mahirap para sa isang pangalawang siglong manunulat na magkamit ng impormasyon na hindi nakuha ng naunang mga manunulat na ito! Ang ulat hinggil kay Belsasar sa Daniel kabanata 5 ay matibay na katuwiran na si Daniel ang sumulat ng kaniyang aklat noong hindi pa man naisusulat ng iba ang sa kanila.a
29. Bakit imposibleng mapasulat ang aklat ni Daniel pagkatapos na matupad ang mga hulang nilalaman nito?
29 Bilang pangwakas, maraming hula sa Daniel ang natupad matagal pa makaraan ang 165 B.C.E. Isa rito ay ang hula hinggil sa Imperyo ng Roma, na binabanggit sa pasimula. Ang isa pa ay ang kapansinpansing hula hinggil sa pagdating ni Jesus, ang Mesiyas.
Ang Pagdating ng Pinahiran
30, 31. (a) Anong hula ni Daniel ang bumanggit sa panahon ng paglitaw ng Mesiyas? (b) Salig sa hula ni Daniel, papaano natin tatantiyahin ang taon ng takdang paglitaw ng Mesiyas?
30 Ang hulang ito ay nakasulat sa Daniel, kabanata 9, at ganito ang mababasa: “Pitumpung linggo [ng mga taon, o apat na raan at siyamnapung taon] ang ipinasiya sa iyong mga tao at sa iyong banal na lunsod.”b (Daniel 9:24, The Amplified Bible) Ano ang magaganap sa 490 taong ito? Mababasa natin: “Mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem hanggang sa [pagdating ng] pinahiran, isang prinsipe, ay magiging pitong linggo [ng mga taon], at animnapu’t dalawang linggo [ng mga taon].” (Daniel 9:25, AB) Hula ito hinggil sa pagdating ng “pinahiran,” ang Mesiyas. Papaano ito natupad?
31 Ang utos na isauli at itayo ang Jerusalem ay ‘lumabas’ noong “ikadalawampung taon ni Ahasuero na hari” ng Persya, o noong 455 B.C.E. (Nehemias 2:1-9) Sa katapusan ng 49 taon (7 linggo ng mga taon), naisauli na ang malaking bahagi ng kaluwalhatian ng Jerusalem. At kung tutuusin ang buong 483 taon (7 at 62 linggo ng mga taon) mula 455 B.C.E., darating tayo sa 29 C.E. Ang totoo, ito ang “ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar,” taon nang si Jesus ay bautismuhan ni Juan na Tagapagbautismo. (Lucas 3:1) Noon, si Jesus ay ipinakilala bilang Anak ng Diyos at pinasimulan niya ang pangangaral ng mabuting balita sa mga Judio. (Mateo 3:13-17; 4:23) Kaya, siya ay naging “pinahiran,” o Mesiyas.
32. Ayon sa hula ni Daniel, gaano ang itatagal ng makalupang ministeryo ni Jesus, at ano ang magaganap sa katapusan nito?
32 Dagdag pa ng hula: “At pagkatapos ng animnapu’t dalawang linggo [ng mga taon] ay mahihiwalay ang pinahiran.” Sinasabi rin nito: “At papasok siya sa matibay at matatag na pakikipagtipan sa marami sa loob ng isang linggo [pitong taon]; at sa kalagitnaan ng linggo ay kaniyang ipatitigil ang hain at ang alay.” (Daniel 9:26, 27, AB) Kasuwato nito, si Jesus ay naparoon lamang “sa marami,” sa likas na mga Judio. Manakanaka, nangaral din siya sa mga Samaritano, na naniwala sa ilang bahagi ng mga Kasulatan subali’t bumuo ng sekta na hiwalay sa Judaismo. Ngayon, “sa kalagitnaan ng linggo,” pagkaraan ng tatlo at kalahating taon ng pangangaral, inihandog niya ang kaniyang buhay bilang hain at siya ay ‘nahiwalay.’ Ito ay nangahulugan ng pagtatapos ng Batas Mosaiko lakip na ang mga hain at handog nito. (Galacia 3:13, 24, 25) Kaya, dahil sa kamatayan niya, pinangyari ni Jesus na “itigil ang hain at ang alay.”
33. Gaano katagal bukod-tanging makikitungo si Jehova sa mga Judio, at ano ang magtatakda sa katapusan ng yugtong ito?
33 Gayumpaman, sa sumunod pang tatlo at kalahating taon ang bagong silang na kongregasyong Kristiyano ay nagpatotoo lamang sa mga Judio at, nang maglaon, sa mga kamag-anak na Samaritano. Nguni’t noong 36 C.E., sa katapusan ng 70 linggo ng mga taon, inakay si apostol Pedro upang mangaral sa isang Gentil, si Cornelio. (Gawa 10:1-48) Kaya, ang “pakikipagtipan sa marami” ay hindi na limitado sa mga Judio. Ang kaligtasan ay ipinangaral na rin sa di-tuling mga Gentil.
34. Kasuwato ng hula ni Daniel, ano ang nangyari sa likas na Israel dahilan sa pagtanggi nila sa Mesiyas?
34 Sapagka’t ang mga Judio ay tumanggi kay Jesus at nagsabwatan upang ipapatay siya, sila ay hindi ipinagtanggol ni Jehova nang dumating at wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 C.E. Kaya, natupad ang karagdagang mga salita ni Daniel: “Gigibain ng mga tauhan ng darating na prinsipe ang lunsod at santuwaryo. Darating ang wakas sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa katapusan ay magdidigmaan.” (Daniel 9:26b, AB) Ang ikalawang “prinsipe” ay si Tito, ang Romanong heneral na nagwasak sa Jerusalem noong 70 C.E.
Isang Hula na Kinasihan
35. Ano pang karagdagang hula tungkol kay Jesus ang nagkatotoo?
35 Sa paraang ito, ang hula ni Daniel hinggil sa 70 linggo ay natupad nang eksaktong-eksakto. Oo, marami sa mga hulang nakaulat sa Hebreong Kasulatan ang natupad noong unang siglo, at marami rito ay may kinalaman kay Jesus. Ang dakong sinilangan ni Jesus, ang sigasig niya ukol sa bahay ng Diyos, ang kaniyang pangangaral, ang pagkakanulo sa kaniya kapalit ng 30 pirasong pilak, ang paraan ng pagkamatay niya, at ang pagpupustahan para sa kaniyang damit—lahat ng mga detalyeng ito ay inihula sa Hebreong Kasulatan. Ang katuparan nito ay walang pagsalang nagpatunay na si Jesus ang Mesiyas, at muli nitong itinanghal na ang mga hula ay kinasihan.—Mikas 5:2; Lucas 2:1-7; Zacarias 11:12; 12:10; Mateo 26:15; 27:35; Awit 22:18; 34:20; Juan 19:33-37.
36, 37. Ano ang matututuhan natin sa katuparan ng mga hula ng Bibliya, at anong pagtitiwala ang ibinibigay ng kaalamang ito?
36 Sa katunayan, lahat ng mga hula sa Bibliya na nakatakdang matupad ay pawang nagkatotoo. Lahat ay nangyari sa eksaktong paraan na sinabi ng Bibliya. Ito ay matibay na patotoo na ang Bibliya ay Salita nga ng Diyos. Tiyak na higit pa kaysa karunungan lamang ng tao ang nasa likod ng mga hulang ito kung kaya’t ang mga ito ay hindi kailanman sumala.
37 Nguni’t may iba pang mga hula sa Bibliya na hindi natupad noong mga panahong nakalipas. Bakit? Sapagka’t ang mga ito’y nakatakdang matupad sa ating sariling kaarawan, at sa atin ding hinaharap. Ang pagkamaaasahan ng sinaunang mga hulang yaon ay nagbibigay tiwala sa atin na ang iba pang mga hulang ito ay walang pagsalang matutupad. At gaya ng makikita natin sa susunod na kabanata, totoo nga ito.
[Mga talababa]
a Tignan ang Kabanata 4, “Gaano Katapat ang ‘Matandang Tipan’?” parapo 16 at 17.
b Sa saling ito, ang mga salitang nakapaloob sa panaklong ay idinagdag ng tagapagsalin upang liwanagin ang kahulugan.
[Blurb sa pahina 133]
Nagkatotoo ang lahat ng mga hula na nakatakdang matupad. Lahat ay nangyari nang eksakto ayon sa pagkakasabi ng Bibliya.
[Larawan sa pahina 118]
Natuklasan ng mga arkeologo na naging lubuslubusan ang pagwasak ni Nabukodonosor sa Jerusalem
[Larawan sa pahina 121]
Litrato ng makabagong Tiro. Halos walang naiwang bakas ang Tiro na nakilala ng mga propeta sa Israel
[Larawan sa pahina 123]
Ang mga turistang dumadalaw sa dako ng sinaunang Babilonya ay mga saksi sa katuparan ng mga hula laban sa lunsod na yaon
[Mga larawan sa pahina 126]
Eksaktong-eksakto ang pagkatupad ng mga hula ni Daniel sa pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig kung kaya inakala ng mga kritiko na ito ay nasulat pagkaraang matupad
BABILONYA
PERSYA
GRESYA
ROMA
BRITANYA
[Larawan sa pahina 130]
Inihula ni Daniel ang eksaktong panahon ng paglitaw ng Mesiyas sa Israel