Ikadalawampu’t Walong Kabanata
Isang Liwanag Para sa mga Bansa
1, 2. Bakit mahalaga ang liwanag, at anong uri ng kadiliman ang tumatakip sa lupa sa ngayon?
SI Jehova ang Pinagmumulan ng liwanag, “ang Tagapagbigay ng araw bilang liwanag kung araw, ng mga batas ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag kung gabi.” (Jeremias 31:35) Batay pa lamang dito, siya’y dapat nang kilalanin bilang ang Bukal ng buhay, yamang ang liwanag ay nangangahulugan ng buhay. Kung ang lupa ay hindi palaging masisikatan ng init at liwanag ng araw, ang buhay na gaya ng tinatamasa natin ay magiging imposible. Ang ating planeta ay hindi na maaaring panirahan.
2 Kaya naman, labis nating ikinababahala na si Jehova, habang nakatanaw sa ating kapanahunan, ay humula ng isang panahon ng kadiliman, hindi ng liwanag. Sa ilalim ng pagkasi, sumulat si Isaias: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa.” (Isaias 60:2) Mangyari pa, ang mga salitang ito ay tumutukoy sa kadiliman sa espirituwal, hindi sa pisikal, subalit ang kaselangan nito ay hindi dapat maliitin. Sa kalaunan ay magiging imposible ang mabuhay para sa mga walang espirituwal na liwanag, gaya ng nangyayari sa mga pinagkakaitan ng liwanag na nagmumula sa araw.
3. Sa madilim na panahong ito, saan tayo maaaring bumaling para sa liwanag?
3 Sa madilim na panahong ito, hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang espirituwal na liwanag na ibinibigay sa atin ni Jehova. Mahalaga na umasa tayo sa Salita ng Diyos upang tumanglaw sa ating landas, anupat binabasa ang Bibliya araw-araw hangga’t maaari. (Awit 119:105) Ang mga Kristiyanong pagpupulong ay naglalaan ng mga pagkakataon upang mapatibay-loob natin ang isa’t isa na manatili sa “landas ng mga matuwid.” (Kawikaan 4:18; Hebreo 10:23-25) Ang lakas na nakukuha natin sa masikap na pag-aaral ng Bibliya at mabuting pagsasamahang Kristiyano ay tumutulong sa atin upang hindi tayo malukuban ng kadiliman ng “mga huling araw” na ito, na magtatapos sa dakilang “araw ng galit ni Jehova.” (2 Timoteo 3:1; Zefanias 2:3) Ang araw na iyon ay mabilis na dumarating! Tiyak na darating iyon kung paanong ang isang nakakatulad na araw ay dumating sa mga naninirahan sa sinaunang Jerusalem.
Si Jehova ay “Makikipagtalo”
4, 5. (a) Sa anong paraan darating si Jehova laban sa Jerusalem? (b) Bakit maaari nating isipin na kakaunti lamang ang makaliligtas sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.? (Tingnan ang talababa.)
4 Sa pangwakas na mga talata ng kapana-panabik na hula ni Isaias, maliwanag na inilarawan ni Jehova ang mga pangyayaring hahantong sa araw ng kaniyang galit. Mababasa natin: “Si Jehova ay dumarating na parang apoy, at ang kaniyang mga karo ay gaya ng bagyong hangin, upang iganti ang kaniyang galit na may matinding pagngangalit at ang kaniyang pagsaway na may mga liyab ng apoy. Sapagkat gaya ng apoy si Jehova ay talagang makikipagtalo, oo, taglay ang kaniyang tabak, laban sa lahat ng laman; at ang mapapatay ni Jehova ay tiyak na marami.”—Isaias 66:15, 16.
5 Ang mga salitang iyan ay dapat na tumulong sa mga kapanahon ni Isaias na mapag-isip-isip ang kaselangan ng kanilang kalagayan. Nalalapit na ang panahon na ang mga taga-Babilonya, bilang mga tagapuksa ni Jehova, ay darating laban sa Jerusalem, anupat ang kanilang mga karo ay magpapaalimbukay ng makapal na alikabok na parang isang bagyong hangin. Tunay ngang isang kakila-kilabot na tanawin iyan! Gagamitin ni Jehova ang mga sumasalakay upang isakatuparan ang kaniyang maaapoy na kahatulan laban sa lahat ng “laman” ng di-tapat na mga Judio. Para bang si Jehova mismo ang makikipaglaban sa kaniyang bayan. Ang kaniyang “matinding pagngangalit” ay hindi iuurong. Maraming Judio ang babagsak bilang mga “mapapatay ni Jehova.” Noong 607 B.C.E., natupad ang hulang ito.a
6. Anong nakagagalit na mga gawa ang nagaganap sa Juda?
6 May katuwiran ba si Jehova na ‘makipagtalo’ sa kaniyang bayan? Mayroon! Maraming ulit sa ating pagtalakay sa aklat ng Isaias, nakita natin na ang mga Judio, na dapat sana’y nakaalay kay Jehova, ay nalulong sa huwad na pagsamba—at si Jehova ay hindi naging bulag sa kanilang mga gawa. Muli natin itong makikita sa sumunod na mga salita ng hula: “ ‘Yaong mga nagpapabanal ng kanilang sarili at naglilinis ng kanilang sarili para sa mga hardin sa likuran ng isa na nasa gitna, na kumakain ng karne ng baboy at ng karima-rimarim na bagay, maging ng lumuluksong daga, silang lahat ay magkakasamang sasapit sa kanilang kawakasan,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 66:17) Ang mga Judio bang iyon ay “nagpapabanal ng kanilang sarili at naglilinis ng kanilang sarili” upang ihanda ang kanilang sarili para sa dalisay na pagsamba? Maliwanag na hindi. Sa halip, sila’y nagsasagawa ng mga seremonya para sa paganong pagdadalisay sa pasadyang mga hardin. Pagkaraan, buong-kasakiman nilang nilalamon ang karne ng baboy at ng ibang kinapal na itinuturing na marumi sa ilalim ng Kautusang Mosaiko.—Levitico 11:7, 21-23.
7. Paanong ang Sangkakristiyanuhan ay nakakatulad ng idolatrosong Juda?
7 Tunay na isang kasuklam-suklam na kalagayan para sa isang bansang may pakikipagtipan sa tanging tunay na Diyos! Subalit pag-isipan ito: Isang katulad na kasuklam-suklam na kalagayan ang umiiral ngayon sa gitna ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Inaangkin din ng mga ito na sila’y naglilingkod sa Diyos, at marami sa kanilang mga lider ang nagbabanal-banalan. Gayunman, dinurumhan nila ang kanilang sarili ng paganong mga turo at tradisyon, anupat pinatutunayan na sila’y nasa espirituwal na kadiliman. Kay tindi nga ng kadilimang iyon!—Mateo 6:23; Juan 3:19, 20.
“Makikita Nila ang Aking Kaluwalhatian”
8. (a) Ano ang mangyayari kapuwa sa Juda at sa Sangkakristiyanuhan? (b) Sa anong diwa ‘makikita [ng mga bansa] ang kaluwalhatian ni Jehova’?
8 Napapansin kaya ni Jehova ang masasamang gawa at mga maling turo ng Sangkakristiyanuhan? Basahin ang sumusunod na mga salita ni Jehova, gaya ng iniulat ni Isaias, at tingnan kung ano ang isasaisip mo: “May kinalaman sa kanilang mga gawa at sa kanilang mga kaisipan, ako ay darating upang tipunin ang lahat ng mga bansa at mga wika; at paririto nga sila at makikita nila ang aking kaluwalhatian.” (Isaias 66:18) Batid at handang hatulan ni Jehova hindi lamang ang mga gawa kundi maging ang mga kaisipan niyaong mga nag-aangking mga lingkod niya. Sinasabi ng Juda na siya’y naniniwala kay Jehova, subalit pinabubulaanan ng kaniyang idolatrosong mga gawa at paganong mga kaugalian ang pag-aangking ito. Walang kabuluhan na “dalisayin” ng kaniyang mga mamamayan ang kanilang sarili ayon sa mga paganong seremonya. Ang bansa ay wawasakin, at kapag naganap iyan, ito’y malinaw na makikita ng kaniyang sumasamba-sa-idolong mga kalapit na bansa. ‘Makikita [ng mga ito] ang kaluwalhatian ni Jehova’ anupat masasaksihan nila ang mga pangyayari at mapipilitan silang kilalanin na ang salita ni Jehova ay nagkatotoo. Paano kumakapit ang lahat ng ito sa Sangkakristiyanuhan? Kapag sumapit na ang kaniyang wakas, marami sa kaniyang dating mga kaibigan at kasamahan sa negosyo ang mapipilitang lumagay sa isang tabi at magmasid na lamang habang natutupad ang salita ni Jehova.—Jeremias 25:31-33; Apocalipsis 17:15-18; 18:9-19.
9. Anong mabuting balita ang ipinahayag ni Jehova?
9 Ang pagkawasak ba ng Jerusalem noong 607 B.C.E. ay nangangahulugang mawawalan na si Jehova ng mga saksi sa lupa? Hindi. Ang namumukod-tanging mga tagapag-ingat ng katapatan, gaya ni Daniel at ng kaniyang tatlong kasama, ay patuloy na maglilingkod kay Jehova kahit na bilang mga tapon sa Babilonya. (Daniel 1:6, 7) Oo, hindi mapuputol ang kawing ng tapat na mga saksi ni Jehova, at sa pagwawakas ng 70 taon, aalis ang tapat na mga lalaki at babae sa Babilonya at magbabalik sa Juda upang isauli roon ang dalisay na pagsamba. Iyan ang sumunod na tinukoy ni Jehova: “Maglalagay ako sa gitna nila ng isang tanda, at ang iba roon sa mga nakatakas ay isusugo ko sa mga bansa, sa Tarsis, Pul, at Lud, yaong mga humahawak ng busog, Tubal at Javan, ang malalayong pulo, na hindi pa nakaririnig ng ulat tungkol sa akin o nakakakita ng aking kaluwalhatian; at tiyak na ipahahayag nila ang tungkol sa aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa.”—Isaias 66:19.
10. (a) Sa anong diwa magsisilbing isang tanda ang tapat na mga Judio na pinalaya mula sa Babilonya? (b) Sino sa ngayon ang nagsisilbing isang tanda?
10 Ang maraming tapat na mga lalaki at babae na nagbalik sa Jerusalem noong 537 B.C.E. ay magsisilbing isang nakapanggigilalas na tanda, katibayan na iniligtas na ni Jehova ang kaniyang bayan. Sino ang mag-aakalang isang araw ay makalalaya ang bihag na mga Judio upang magtaguyod ng dalisay na pagsamba sa templo ni Jehova? Sa kahawig na paraan noong unang siglo, yaong mga nagsisilbing “gaya ng mga tanda at gaya ng mga himala” ay ang pinahirang mga Kristiyano, na sa kanila’y dumaragsa ang maaamo na nagnanais maglingkod kay Jehova. (Isaias 8:18; Hebreo 2:13) Sa ngayon, ang pinahirang mga Kristiyano, na umuunlad sa kanilang isinauling lupain, ay nagsisilbing isang nakapanggigilalas na tanda sa lupa. (Isaias 66:8) Sila’y buháy na katibayan ng kapangyarihan ng espiritu ni Jehova, na umaakit sa maaamo na inuudyukan ng kanilang puso na maglingkod kay Jehova.
11. (a) Matapos ang pagsasauli, paano malalaman ng mga nagmula sa mga bansa ang tungkol kay Jehova? (b) Paano unang natupad ang Zacarias 8:23?
11 Kung gayon, matapos ang pagsasauli noong 537 B.C.E., paano kaya makikilala si Jehova ng mga tao ng mga bansa na hindi pa nakaririnig ng ulat tungkol sa kaniya? Buweno, hindi lahat ng tapat na mga Judio ay magbabalik sa Jerusalem sa pagwawakas ng pagkabihag sa Babilonya. Ang ilan, gaya ni Daniel, ay mananatili sa Babilonya. Ang iba naman ay mangangalat sa apat na sulok ng lupa. Pagsapit ng ikalimang siglo B.C.E., mayroon nang mga Judio na naninirahan sa buong Imperyo ng Persia. (Esther 1:1; 3:8) Walang-pagsalang sinabihan ng ilan sa kanila ang kanilang paganong mga kalapit na bansa ng tungkol kay Jehova, sapagkat maraming nagmula sa mga bansang iyon ang naging mga proselitang Judio. Maliwanag na iyan ang nangyari sa bating na Etiope na pinangaralan ng Kristiyanong alagad na si Felipe noong unang siglo. (Gawa 8:26-40) Lahat ng ito ay naganap bilang unang katuparan ng mga salita ni propeta Zacarias: “Mangyayari sa mga araw na iyon na sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio, na sinasabi: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’ ” (Zacarias 8:23) Tunay ngang nagsugo si Jehova ng liwanag sa mga bansa!—Awit 43:3.
Pagdadala ng “Kaloob kay Jehova”
12, 13. Sa anong paraan dadalhin sa Jerusalem ang “mga kapatid” mula noong 537 B.C.E.?
12 Matapos maitayong-muli ang Jerusalem, ang mga Judiong nakapangalat nang malayo sa kanilang lupang-tinubuan ay babaling sa lunsod pati na sa isinauling pagkasaserdote nito bilang sentro ng dalisay na pagsamba. Marami sa kanila ang maglalakbay mula sa malayo upang dumalo sa taunang mga kapistahan doon. Sa ilalim ng pagkasi, sumulat si Isaias: “ ‘Dadalhin nga nila ang lahat ng inyong mga kapatid mula sa lahat ng mga bansa bilang kaloob kay Jehova, na sakay ng mga kabayo at ng mga karo at ng mga may-takip na karwahe at ng mga mula at ng mga matuling kamelyong babae, hanggang sa aking banal na bundok, ang Jerusalem,’ ang sabi ni Jehova, ‘gaya noon nang ang kaloob na nasa malinis na sisidlan ay dinadala ng mga anak ni Israel sa bahay ni Jehova. At mula rin sa kanila ay kukuha ako ng ilan para sa mga saserdote, para sa mga Levita.’ ”—Isaias 66:20, 21.
13 Ang ilan sa “mga kapatid [na iyon] mula sa lahat ng mga bansa” ay naroroon noong araw ng Pentecostes nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad ni Jesus. Ang ulat ay kababasahan: “Sa Jerusalem nga ay may tumatahang mga Judio, mga lalaking mapagpitagan, mula sa bawat bansa na nasa silong ng langit.” (Gawa 2:5) Sila’y nagtungo sa Jerusalem upang sumamba ayon sa kaugalian ng mga Judio, subalit nang marinig nila ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, marami ang sumampalataya sa kaniya at nabautismuhan.
14, 15. (a) Paanong mas marami pang espirituwal na “mga kapatid” nila ang tinipon ng pinahirang mga Kristiyano matapos ang Digmaang Pandaigdig I, at paano dinala ang mga ito kay Jehova bilang “kaloob na nasa malinis na sisidlan”? (b) Sa anong paraan ‘kumuha [si Jehova] ng ilan para sa mga saserdote’? (c) Sino ang ilang pinahirang Kristiyano na nakibahagi sa pagtitipon sa kanilang espirituwal na mga kapatid? (Tingnan ang kahon sa pahinang ito.)
14 May makabagong-panahong katuparan ba ang hulang ito? Oo, mayroon nga. Kasunod ng Digmaang Pandaigdig I, napag-unawa ng pinahirang mga lingkod ni Jehova mula sa Kasulatan na naitatag na ang Kaharian ng Diyos sa langit noong 1914. Dahil sa maingat na pag-aaral ng Bibliya, natutuhan nila na higit pang mga tagapagmana ng Kaharian, o “mga kapatid,” ang titipunin. Ang walang-takot na mga ministro ay naglakbay sa “pinakamalayong bahagi ng lupa,” na ginagamit ang lahat ng uri ng transportasyon, sa paghahanap ng mga posibleng maging miyembro ng pinahirang nalabi, na karamihan sa kanila’y galing sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Nang masumpungan ang mga ito, sila’y dinala bilang kaloob kay Jehova.—Gawa 1:8.
15 Hindi inaasahan ng mga pinahiran na natipon noong unang mga taon na tatanggapin sila ni Jehova sa kanilang dating kalagayan bago nakaalam ng katotohanan sa Bibliya. Sila’y gumawa ng mga hakbang upang linisin ang kanilang sarili mula sa espirituwal at moral na karumihan upang sila’y maiharap bilang “kaloob na nasa malinis na sisidlan,” o gaya ng sinabi ni apostol Pablo, “isang malinis na birhen sa Kristo.” (2 Corinto 11:2) Bukod pa sa pagtatakwil sa maling doktrina, kinailangang matutuhan ng mga pinahiran kung paano mananatiling ganap na neutral sa makapulitikang mga gawain ng sanlibutang ito. Noong 1931, nang nasa isang tamang antas na ang kalinisan ng kaniyang mga lingkod, buong kagandahang-loob na iginawad ni Jehova sa kanila ang pribilehiyo na dalhin ang kaniyang pangalan bilang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Ngunit, sa anong paraan ‘kumuha [si Jehova] ng ilan para sa mga saserdote’? Bilang isang grupo, ang mga pinahirang ito ay naging bahagi ng “isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa,” na naghahandog ng mga hain ng papuri sa Diyos.—1 Pedro 2:9; Isaias 54:1; Hebreo 13:15.
Nagpatuloy ang Pagtitipon
16, 17. Sino ang mga “supling ninyo” matapos ang Digmaang Pandaigdig I?
16 Ang kabuuang bilang ng “maharlikang pagkasaserdote[ng]” iyan ay 144,000, at nang maglaon, ang pagtitipon sa kanila ay natapos. (Apocalipsis 7:1-8; 14:1) Iyan na ba ang katapusan ng gawaing pagtitipon? Hindi. Nagpatuloy ang hula ni Isaias: “ ‘Kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa na aking ginagawa ay nananatili sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘gayon patuloy na mananatili ang supling ninyo at ang pangalan ninyo.’ ” (Isaias 66:22) Sa unang katuparan ng mga salitang iyan, ang mga Judiong nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonya ay magsisimulang magpalaki ng mga anak. Sa gayon, ang isinauling mga nalabing Judio, “ang bagong lupa,” sa ilalim ng bagong administrasyong Judio, “ang mga bagong langit,” ay matibay na matatatag. Gayunman, ang hula ay nagkaroon ng katangi-tanging katuparan sa ating kapanahunan.
17 Ang mga “supling” na iniluluwal ng bansa ng espirituwal na mga kapatid ay ang “malaking pulutong,” na may pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa. Sila’y lumabas “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” at sila’y nakatayo “sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” “Nilabhan [ng mga ito] ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9-14; 22:17) Sa ngayon ay bumabaling ang “malaking pulutong” mula sa espirituwal na kadiliman tungo sa liwanag na inilalaan ni Jehova. Nananampalataya sila kay Jesu-Kristo, at tulad ng kanilang pinahirang mga kapatid, sila’y nagsisikap na manatiling malinis sa espirituwal at sa moral. Sila’y patuloy na naglilingkod bilang isang grupo sa ilalim ng patnubay ni Kristo at sila’y “patuloy na mananatili” magpakailanman!—Awit 37:11, 29.
18. (a) Paano kumikilos ang mga kabilang sa malaking pulutong na gaya ng kanilang pinahirang mga kapatid? (b) Paanong ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasama ay sumasamba kay Jehova “mula sa bagong buwan hanggang sa bagong buwan at mula sa sabbath hanggang sa sabbath”?
18 Ang masisipag na mga lalaki at mga babaing ito na may makalupang pag-asa ay nakababatid na bagaman mahalagang manatiling malinis sa moral at sa espirituwal, higit pa riyan ang nasasangkot upang mapalugdan si Jehova. Nasa kasagsagan ang gawaing pagtitipon, at nais nilang makibahagi rito. Ganito ang inihula ng aklat ng Apocalipsis tungkol sa kanila: “Sila [ay] nasa harap ng trono ng Diyos; at nag-uukol sila sa kaniya ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.” (Apocalipsis 7:15) Ang mga salitang iyan ay nagpapaalaala sa atin ng ikalawa-sa-huling talata ng hula ni Isaias: “ ‘Tiyak na mangyayari na mula sa bagong buwan hanggang sa bagong buwan at mula sa sabbath hanggang sa sabbath ay paroroon ang lahat ng laman upang yumukod sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 66:23) Ito’y nagaganap ngayon. “Mula sa bagong buwan hanggang sa bagong buwan at mula sa sabbath hanggang sa sabbath”—samakatuwid nga, regular, linggu-linggo sa bawat buwan—ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang mga kasama, ang malaking pulutong, ay nagsasama-sama upang sumamba kay Jehova. Ginagawa nila ito, bukod sa iba pang mga bagay, sa pamamagitan ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at pagsasagawa ng pangmadlang ministeryo. Isa ka ba sa mga regular na ‘pumaparoon at yumuyukod sa harap ni Jehova’? Ang bayan ni Jehova ay nakasusumpong ng malaking kagalakan sa paggawa nito, at ang mga kabilang sa malaking pulutong ay nasasabik sa pagdating ng panahon na “lahat ng laman”—lahat ng mga taong nabubuhay—ay maglilingkod kay Jehova “mula sa bagong buwan hanggang sa bagong buwan at mula sa sabbath hanggang sa sabbath” magpakailanman.
Ang Huling Wakas ng mga Kaaway ng Diyos
19, 20. Sa anong layunin ginamit ang Gehenna noong panahon ng Bibliya, at ano ang isinasagisag nito?
19 Isa pang talata ang natitira sa ating pag-aaral ng hula ni Isaias. Nagwakas ang aklat sa mga salitang ito: “Sila ay yayaon at titingin sa mga bangkay ng mga taong sumalansang laban sa akin; sapagkat ang mismong mga uod na nasa kanila ay hindi mamamatay at ang kanilang apoy ay hindi papatayin, at sila ay magiging bagay na nakapandidiri sa lahat ng laman.” (Isaias 66:24) Malamang na ang hulang ito ang nasa isip ni Jesu-Kristo nang himukin niya ang kaniyang mga alagad na gawing simple ang kanilang buhay at unahin ang mga kapakanan ng Kaharian. Sinabi niya: “Kung ang iyong mata ay nagpapatisod sa iyo, itapon mo ito; mas mainam pa sa iyo na pumasok na iisa ang mata sa kaharian ng Diyos kaysa may dalawang mata kang mapahagis sa Gehenna, kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi naaapula.”—Marcos 9:47, 48; Mateo 5:29, 30; 6:33.
20 Ano ang dakong ito na tinatawag na Gehenna? Maraming siglo na ang nakalipas, sumulat ang iskolar na Judio na si David Kimhi: “Ito’y isang dako . . . na karatig ng Jerusalem, at ito’y isang nakapandidiring dako, at itinatapon nila roon ang maruruming bagay at mga bangkay. Walang tigil din ang apoy roon upang sunugin ang maruruming bagay at ang mga buto ng mga bangkay. Kaya naman, ang hatol sa mga balakyot ay matalinghagang tinatawag na Gehinnom.” Kung ang Gehenna, gaya ng ipinahihiwatig ng iskolar na Judiong ito, ay ginamit na tapunan ng basura at ng mga bangkay niyaong mga itinuturing na hindi karapat-dapat ilibing, ang apoy ay isa ngang tamang paraan ng pagliligpit ng gayong basura. Ang hindi naubos ng apoy ay uubusin ng mga uod. Angkop na angkop ngang paglalarawan ito ng huling wakas ng lahat ng mga kaaway ng Diyos!b
21. Ang aklat ng Isaias ay nagtatapos sa isang positibong wakas para kanino, at bakit?
21 Sa gayong pagtukoy sa mga bangkay, apoy, at mga uod, hindi nga ba totoo na ang nakapananabik na hula ni Isaias ay nagtatapos sa isang nakaririmarim na wakas? Tiyak na iyan nga ang iisipin ng mga tahasang kaaway ng Diyos. Subalit para sa mga kaibigan ng Diyos, ang paglalarawan ni Isaias sa walang-hanggang pagkapuksa ng mga balakyot ay tunay na nakapagpapasigla. Kailangan ng bayan ni Jehova ang katiyakang ito na hindi na kailanman muling mananaig ang kanilang mga kaaway. Ang mga kaaway na iyon, na lubhang nagpahirap sa mga mananamba ng Diyos at nagdulot ng napakalaking kadustaan sa kaniyang pangalan, ay pupuksain magpakailanman. Pagkatapos, “ang kabagabagan ay hindi babangon sa ikalawang pagkakataon.”—Nahum 1:9.
22, 23. (a) Ipaliwanag ang ilan sa mga paraan na doo’y nakinabang ka sa iyong pag-aaral sa aklat ng Isaias. (b) Matapos pag-aralan ang aklat ng Isaias, ano ang iyong pasiya, at ano ang iyong pag-asa?
22 Sa pagtatapos ng ating pag-aaral sa aklat ng Isaias, tiyak na naunawaan natin na ang aklat na ito ng Bibliya ay hindi isang patay na kasaysayan. Sa kabaligtaran, may mensahe ito para sa atin ngayon. Kung aalalahanin natin ang panahon ng kadiliman na pinamuhayan ni Isaias, makikita natin ang pagkakatulad ng panahong iyon at ng ating kapanahunan. Ang panahon ni Isaias ay kinakitaan ng kaguluhan sa pulitika, pagpapaimbabaw ng relihiyon, katiwalian sa sistema ng hustisya, at paniniil sa mga tapat at mahihirap, at ganiyan din ang panahon natin sa ngayon. Tiyak na laking pasasalamat ng tapat na mga Judio noong ikaanim na siglo B.C.E. sa hula ni Isaias, at tayo sa ngayon ay naaaliw habang pinag-aaralan natin ito.
23 Sa mapanganib na panahong ito na ngayo’y natatakpan ng kadiliman ang lupa at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa, tayong lahat ay labis na nagpapasalamat na si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ay naglaan ng liwanag para sa buong sangkatauhan! Ang espirituwal na liwanag na iyan ay aktuwal na nangangahulugan ng walang-hanggang buhay para sa lahat ng mga buong-pusong tatanggap dito, anuman ang kanilang bansang pinanggalingan o lahing pinagmulan. (Gawa 10:34, 35) Kung gayon, patuloy nawa tayong lumakad sa liwanag ng Salita ng Diyos, anupat binabasa ito araw-araw, binubulay-bulay ito, at pinahahalagahan ang mensahe nito. Ito’y para sa atin mismong pagtatamo ng walang-hanggang pagpapala at sa ikapupuri ng banal na pangalan ni Jehova!
[Mga talababa]
a Hinggil sa naging kalagayan matapos bumagsak ang Jerusalem sa mga taga-Babilonya, binanggit ng Jeremias 52:15 ang tungkol sa “ilan sa mga maralita sa bayan at ang iba pa sa bayan na naiwan sa lunsod.” Bilang komento tungkol dito, sinabi ng Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 415: “Ang pananalitang ‘na naiwan sa lunsod’ ay malamang na nagpapahiwatig na napakaraming namatay dahil sa taggutom, sakit, o sunog, o kaya ay napatay sila sa digmaan.”
b Yamang mga bangkay, hindi mga taong buháy, ang tinutupok sa Gehenna, ang dakong ito ay hindi sumasagisag sa walang-hanggang pagpapahirap.
[Kahon sa pahina 409]
Pinahirang mga Kaloob Para kay Jehova Mula sa Lahat ng Bansa
Noong 1920, umalis si Juan Muñiz sa Estados Unidos patungong Espanya at pagkatapos ay nagtungo sa Argentina, kung saan nag-organisa siya ng mga kongregasyon ng mga pinahiran. Mula noong 1923, sumikat ang liwanag ng katotohanan sa mga tapat-puso sa Kanlurang Aprika nang pasimulan ng misyonerong si William R. Brown (madalas na tawaging Bible Brown) ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa mga lugar na gaya ng Sierra Leone, Ghana, Liberia, The Gambia, at Nigeria. Nang taon ding iyon, ang taga-Canada na si George Young ay nagtungo sa Brazil at pagkatapos ay naglakbay patungong Argentina, Costa Rica, Panama, Venezuela, at maging sa Unyong Sobyet. Halos nang panahon ding iyon, naglayag si Edwin Skinner mula sa Inglatera patungong India, kung saan nagpagal siya sa loob ng maraming taon sa gawaing pag-aani.
[Larawan sa pahina 411]
Ang ilan sa mga Judio noong Pentecostes ay ‘mga kapatid na dinala mula sa lahat ng mga bansa’
[Buong-pahinang larawan sa pahina 413]