Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Panaghoy
NAKITA ni propeta Jeremias ang katuparan ng mensahe ng paghatol na ipinahayag niya sa loob ng 40 taon. Ano kaya ang nadama ng propeta nang masaksihan niya mismo ang pagwasak sa kaniyang minamahal na lunsod? “Si Jeremias ay nakaupong tumatangis at nananaghoy ng panaghoy na ito dahil sa Jerusalem,” ang sabi ng Griegong Septuagint sa introduksiyon ng aklat ng Mga Panaghoy. Nakaaantig na ipinahahayag ng aklat ng Mga Panaghoy ang matinding panggigipuspos ni Jeremias yamang kinatha niya ito noong 607 B.C.E. habang sariwa pa sa alaala niya ang isa’t kalahating taóng pagkubkob sa Jerusalem na sinundan ng pagsunog dito. (Jeremias 52:3-5, 12-14) Walang ibang lunsod sa kasaysayan na tinaghuyan nang gayon na lamang anupat lubhang makabagbag-damdamin at makadurog-puso ang mga salitang ginamit upang ipahayag ito.
Ang aklat ng Mga Panaghoy ay binubuo ng limang madamdaming tula. Ang unang apat ay mga panaghoy, o panambitan; ang ikalima ay pagsusumamo, o panalangin. Ang unang apat na awit ay akrostik, o sunud-sunod na talatang nagsisimula sa iba’t ibang titik ayon sa pagkakasunud-sunod ng alpabetong Hebreo na may 22 titik. Bagaman ang ikalimang awit ay may 22 talata na katugma ng bilang ng mga titik ng alpabetong Hebreo, hindi ito isinulat ayon sa pagkakasunud-sunod ng alpabeto.
“ANG AKING MGA MATA AY NAGWAWAKAS DAHIL SA MGA LUHA”
“O ano’t nakaupo siyang mag-isa, ang lunsod na dating punô ng mga tao! Ano’t naging tulad siya ng isang babaing balo, siya na dating matao sa gitna ng mga bansa! Ano’t siya na isang prinsesa sa gitna ng mga nasasakupang distrito ay naging ukol sa puwersahang pagtatrabaho!” Sa gayon nagsimula ang pananaghoy ni propeta Jeremias dahil sa Jerusalem. Ganito ang sinabi ng propeta kung bakit sinapit ito ng bayan: “Si Jehova ang nagdulot sa kaniya ng pighati dahil sa dami ng kaniyang mga pagsalansang.”—Panaghoy 1:1, 5.
Ang Jerusalem, na inilarawan bilang isang balo na namatayan ng mga anak, ay nagtatanong: “May kirot bang tulad ng aking kirot?” Nanalangin siya sa Diyos tungkol sa kaniyang mga kaaway: “Dumating nawa sa harap mo ang lahat ng kanilang kasamaan, at makitungo ka sa kanila nang may kahigpitan, kung paanong nakitungo ka sa akin nang may kahigpitan dahil sa lahat ng aking mga pagsalansang. Sapagkat ang aking mga buntunghininga ay marami, at ang aking puso ay may sakit.”—Panaghoy 1:12, 22.
Lubhang napipighati si Jeremias anupat sinabi niya: “Sa init ng galit ay pinutol [ni Jehova] ang bawat sungay ng Israel. Iniurong niya ang kaniyang kanang kamay mula sa harap ng kaaway; at sa Jacob ay patuloy siyang nagniningas na parang nagliliyab na apoy na nanlalamon sa buong palibot.” Upang ilarawan ang kaniyang matinding kalungkutan, nanaghoy ang propeta: “Ang aking mga mata ay nagwawakas dahil sa mga luha. Ang aking mga bituka ay nababagabag. Ang aking atay ay nabuhos sa mismong lupa.” Maging ang mga nagdaraan ay natitigilan at nagsasabi: “Ito ba ang lunsod na sinasabi nila noon, ‘Iyon ang kasakdalan ng kariktan, isang pagbubunyi ng buong lupa’?”—Panaghoy 2:3, 11, 15.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:15—Sa anong paraan “niyurakan ni Jehova ang mismong pisaan ng ubas ng anak na dalaga ng Juda”? Nang wasakin ng Babilonya ang lunsod, na inilarawan bilang dalaga, napakaraming dumanak na dugo anupat maihahambing ito sa pagdurog ng ubas sa pisaan. Inihula ito ni Jehova at pinahintulutan niya itong mangyari, kaya masasabi na ‘niyurakan niya ang pisaan ng ubas.’
2:1—Sa anong paraan ‘inihagis sa lupa mula sa langit ang kagandahan ng Israel’? Yamang “ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa,” ang pagbababa ng matataas na bagay ay inilalarawan kung minsan ng ‘paghahagis sa lupa mula sa langit.’ “Ang kagandahan ng Israel”—ang kaluwalhatian at kapangyarihan nito noong pinagpapala ito ni Jehova—ay inihagis noong wasakin ang Jerusalem at itiwangwang ang Juda.—Isaias 55:9.
2:1, 6—Ano ang “tuntungan” at ang “kubol” ni Jehova? Umawit ang salmista: “Pumasok tayo sa kaniyang maringal na tabernakulo; yumukod tayo sa harap ng kaniyang tuntungan.” (Awit 132:7) Kaya ang “tuntungan” sa Panaghoy 2:1 ay tumutukoy sa bahay ng pagsamba kay Jehova, o ang templo niya. “Sinunog [ng Babilonya] ang bahay ni Jehova” na para bang kubol, o kubo lamang, sa hardin.—Jeremias 52:12, 13.
2:16, 17—Hindi ba dapat magsimula ang talata 16 sa Hebreong titik na ayin at ang talata 17 sa pe ayon sa pagkakasunud-sunod ng alpabetong Hebreo? Kadalasang sinusundan ng mga manunulat ng Bibliya ang pagkakasunud-sunod ng alpabeto kapag kumakatha sila ng mga tula gamit ang istilong akrostik. Pero hindi nila ito ginagawa kung ang kalalabasan naman ay pilit o di-natural. Mas mahalaga ang nilalaman kaysa sa pagsunod sa istilo ng pagsulat na pantulong lamang sa pagsasaulo. Binaligtad din ang dalawang titik na ito sa awit 3 at 4 ng Mga Panaghoy.—Panaghoy 3:46, 49; 4:16, 17.
2:17—Anong “pananalita” ang tinupad ni Jehova may kaugnayan sa Jerusalem? Malamang na ang tinutukoy rito ay ang Levitico 26:17, na nagsasabi: “Itatalaga ko nga ang aking mukha laban sa inyo, at tiyak na matatalo kayo sa harap ng inyong mga kaaway; at yuyurakan lamang kayo niyaong mga napopoot sa inyo, at talagang tatakas kayo nang wala namang tumutugis sa inyo.”
Mga Aral Para sa Atin:
1:1-9. Ang Jerusalem ay labis-labis na tumatangis kung gabi, at ang kaniyang mga luha ay nasa kaniyang mga pisngi. Ang kaniyang mga pintuang-daan ay natiwangwang, at ang kaniyang mga saserdote ay nagbubuntunghininga. Ang kaniyang mga dalaga ay lipos ng pamimighati, at siya naman ay may kapaitan. Bakit? Dahil mabigat ang kasalanan ng Jerusalem. Ang kaniyang karumihan ay nasa kaniyang laylayan. Ang bunga ng pagsalansang ay hindi kagalakan, kundi luha, buntung-hininga, pighati, at kapaitan.
1:18. Laging makatarungan at matuwid si Jehova kapag nagpaparusa sa mga sumasalansang.
2:20. Binabalaan ang mga Israelita na kapag hindi sila nakinig sa tinig ni Jehova, susumpain sila, kasama rito ang pagkain nila ‘sa laman ng kanilang mga anak na lalaki at ng kanilang mga anak na babae.’ (Deuteronomio 28:15, 45, 53) Kahangalan nga na sumuway sa Diyos!
“HUWAG MONG IKUBLI ANG IYONG PANDINIG SA AKING IKAGIGINHAWA”
Sa Panaghoy kabanata 3, ang bansang Israel ay inilarawan bilang “matipunong lalaki.” Sa kabila ng kapighatian, umawit ang lalaking ito: “Mabuti si Jehova doon sa umaasa sa kaniya, sa kaluluwang patuloy na humahanap sa kaniya.” Nanalangin siya sa tunay na Diyos: “Ang aking tinig ay dinggin mo. Huwag mong ikubli ang iyong pandinig sa aking ikagiginhawa, sa paghingi ko ng tulong.” Hiniling niya kay Jehova na ibaling ang Kaniyang pansin sa pandurusta ng kaaway: “Gagantihan mo sila ng pakikitungo, O Jehova, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.”—Panaghoy 3:1, 25, 56, 64.
Ibinulalas ni Jeremias ang kaniyang damdamin sa kalunus-lunos na epekto ng isa’t kalahating taóng pangungubkob sa Jerusalem at nanaghoy siya: “Ang kaparusahan sa kamalian ng anak na babae ng aking bayan ay mas malaki pa kaysa sa kaparusahan sa kasalanan ng Sodoma, na giniba na waring sa isang sandali, at hindi binalingan ng alinmang kamay upang tulungan.” Sinabi pa ni Jeremias: “Mas mabuti pa yaong mga napatay sa pamamagitan ng tabak kaysa sa mga napatay sa taggutom, sapagkat ang mga ito ay gumugulapay, inulos dahil sa kakapusan ng ani sa malawak na parang.”—Panaghoy 4:6, 9.
Sa ikalimang tula, inilalarawang nagsasalita ang mga naninirahan sa Jerusalem. Sinasabi nila: “Alalahanin mo, O Jehova, kung ano ang nangyari sa amin. Tingnan mo at masdan ang aming kadustaan.” Nagsusumamo sila habang sinasaysay nila ang kanilang kapighatian: “O Jehova, ikaw ay uupo hanggang sa panahong walang takda. Ang iyong trono ay sa sali’t salinlahi. Panumbalikin mo kami sa iyo, O Jehova, at kaagad kaming manunumbalik. Bigyan mo kami ng mga bagong araw gaya noong sinaunang panahon.”—Panaghoy 5:1, 19, 21.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
3:16—Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang: “Sa pamamagitan ng graba ay binabali niya ang aking mga ngipin”? Ganito ang sabi ng isang reperensiya: “Noong ipatapon ang mga Judio, napilitan silang lutuin ang kanilang tinapay sa mga hukay sa lupa, kaya nahaluan ng maliliit na bato ang kanilang tinapay.” Maaaring mabungi ang ngipin ng isang taong kumakain ng gayong tinapay.
4:3, 10—Bakit inihambing ni Jeremias ang “anak na babae ng [kaniyang] bayan” sa “mga avestruz sa ilang”? Ayon sa Job 39:16, “pinakikitunguhan [ng avestruz] nang walang pakundangan ang kaniyang mga anak, na para bang hindi sa kaniya.” Halimbawa, kapag napisa na ang mga itlog ng avestruz, iniiwan ito ng inahin at sumasama sa iba pang inahin samantalang ang lalaking ibon naman ang mag-aalaga sa mga inakáy. At ano ang ginagawa ng mga ito kapag may panganib? Inaabandona ng magkaparehang avestruz ang mga inakáy sa pugad. Noong kubkubin ng Babilonya ang Jerusalem, nagkaroon ng napakatinding taggutom kung kaya’t ang mga ina, na dapat sanang mahabag sa kanilang mga anak, ay naging malupit tulad ng mga avestruz sa ilang. Ibang-iba ito sa pangangalaga ng mga chakal sa kanilang mga anak.
5:7—Pinapanagot ba ni Jehova ang mga tao sa kasalanan ng kanilang mga ninuno? Hindi pinarurusahan ni Jehova ang mga tao dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno. “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili,” ang sabi ng Bibliya. (Roma 14:12) Pero ang epekto ng pagkakasala ay maaaring tumagal at maranasan ng susunod na mga henerasyon. Halimbawa, dahil bumaling sa idolatriya ang sinaunang Israel, nahirapang manatili sa landas ng katuwiran maging ang sumunod na henerasyon ng tapat na mga Israelita.—Exodo 20:5.
Mga Aral Para sa Atin:
3:8, 43, 44. Noong sumapit ang kasakunaan sa Jerusalem, hindi dininig ni Jehova ang paghingi ng tulong ng mga naninirahan sa lunsod. Bakit? Sapagkat naging masuwayin ang mga tao roon, at hindi sila nagsisi. Kung nais nating pakinggan ni Jehova ang ating mga panalangin, dapat tayong maging masunurin sa kaniya.—Kawikaan 28:9.
3:20. Yamang si Jehova “ang Kataas-taasan sa buong lupa,” nagpapakababa siya “upang tumingin sa langit at lupa.” (Awit 83:18; 113:6) Pero alam ni Jeremias na handa ang Makapangyarihan-sa-lahat na yumuko sa mga tao, samakatuwid nga, magpakababa hanggang sa kanilang kalagayan upang patibayin sila. Nakatutuwa nga na ang tunay na Diyos ay hindi lamang pinakamakapangyarihan at pinakamarunong sa lahat kundi mapagpakumbaba rin naman!
3:21-26, 28-33. Paano natin mababata kahit ang pinakamatinding pagdurusa? Sinasabi sa atin ni Jeremias kung paano. Hindi natin dapat kaligtaan na si Jehova ay sagana sa mga gawa ng maibiging-kabaitan at sa kaawaan. Dapat din nating tandaan na habang may buhay tayo, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at sa halip, kailangan tayong magtiis at maghintay nang tahimik, o walang reklamo, sa pagliligtas ni Jehova. Bukod dito, dapat nating ‘ilagay ang ating bibig sa mismong alabok,’ samakatuwid nga, dapat na mapagpakumbaba nating tanggapin ang mga pagsubok, at magtiwala tayo na may mabuting dahilan ang Diyos kung bakit niya pinahihintulutang mangyari ang mga ito.
3:27. Sa panahon ng kabataan, ang pagharap sa mga pagsubok sa pananampalataya ay maaaring mangahulugan ng pagbabata ng paghihirap at panunuya. Pero “mabuti sa isang matipunong lalaki ang magpasan ng pamatok sa panahon ng kaniyang kabataan.” Bakit? Sapagkat kapag natutong magpasan ng pamatok ng pagdurusa ang isa habang bata pa siya, magiging handa siyang harapin ang mga problema sa hinaharap.
3:39-42. Kapag nagdurusa tayo dahil sa ating mga kasalanan, hindi nga katalinuhan na ‘magreklamo.’ Sa halip na magreklamo tayo habang inaani ang bunga ng masasamang gawa, “suriin natin ang ating mga lakad at siyasatin ang mga iyon, at manumbalik nga tayo kay Jehova.” Katalinuhan nga kung magsisisi tayo at itutuwid natin ang ating landas.
Magtiwala kay Jehova
Isinisiwalat ng aklat ng Bibliya na Mga Panaghoy kung ano ang tingin ni Jehova sa Jerusalem at sa lupain ng Juda matapos sunugin ng Babilonya ang lunsod at itiwangwang ang lupain. Maliwanag na mula sa pag-amin ng kasalanan na nakaulat doon, sa pananaw ni Jehova, sumapit sa kanila ang kasakunaan dahil sa kasalanan ng bayan. May mga pananalita rin ang mga awit ng kinasihang aklat na ito na nagpapahayag ng pag-asa kay Jehova at ng pagnanais na lumakad sa tamang landas. Bagaman hindi ito ang damdamin ng karamihan noong panahon ni Jeremias, kumakatawan ito sa nadama ni Jeremias at ng nagsisising mga nalabi.
May dalawang mahahalagang aral na itinuturo sa atin ang naging pananaw ni Jehova sa kalagayan ng Jerusalem gaya ng nakasaad sa aklat ng Mga Panaghoy. Una, ang pagwasak sa Jerusalem at pagtiwangwang sa Juda ay nag-uudyok sa atin na sumunod kay Jehova, at nagsisilbi itong babala na huwag nating balewalain ang kalooban ng Diyos. (1 Corinto 10:11) Ang ikalawang aral ay mula sa halimbawa ni Jeremias. (Roma 15:4) Kahit sa kalagayang waring wala nang pag-asa, ang lubhang napipighating propeta ay umasa pa rin kay Jehova para sa kaligtasan. Napakahalaga ngang lubos tayong magtiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita!—Hebreo 4:12.
[Larawan sa pahina 9]
Nakita ni propeta Jeremias ang katuparan ng mensahe ng paghatol na ipinahayag niya
[Larawan sa pahina 10]
Sa pananatiling neutral, napagtagumpayan ng mga kabataang Saksi na ito sa Korea ang pagsubok sa kanilang pananampalataya