“Ito ang Araw ng Lahat ng mga Araw”
“Kinasihan ako na masaksihan ang araw ng Panginoon.”—APOCALIPSIS 1:10.
1. Sa anong “araw” tayo nabubuhay, at bakit ang bagay na ito ay lubhang nakapagpapaligaya?
“ITO ang araw ng lahat ng mga araw. Narito, nagpupuno na ang Hari!” Ang dramatikong mga pananalitang ito na binigkas ng pangalawang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society noong 1922 ay nakapagpapaligaya pa rin sa atin ngayon. Ang mga ito ay patuloy na nagpapagunita sa atin na tayo ay nabubuhay sa pinakanakapagpapaligayang panahon sa buong kasaysayan, ang panahong tinatawag sa Bibliya na “ang araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Ito nga “ang araw ng lahat ng mga araw,” sapagkat ito ang panahon na si Jehova, sa pamamagitan ng Kaharian ni Kristo, ay tutupad ng lahat ng Kaniyang dakilang mga layunin at pakababanalin ang Kaniyang banal na pangalan sa harap ng lahat ng nilalang.
2, 3. (a) Anong panahon ba ang sakop ng araw ng Panginoon? (b) Saan natin makikita ang tungkol sa araw na ito?
2 Ang araw na ito ay nagsimula noong 1914 nang si Jesus ay iluklok bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. At ito’y magpapatuloy hanggang mismo sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, pagka ‘ang kaharian ay ibinigay na [ni Jesus] sa kaniyang Diyos at Ama.’ (1 Corinto 15:24) Daan-daang taon nang ang araw ng Panginoon ay inasam-asam ng tapat na mga Kristiyano. Ngayon, ito sa wakas ay naririto na! Ano ba ang kahulugan nitong “araw ng lahat ng mga araw” para sa bayan ng Diyos at para sa sanlibutan sa pangkalahatan?
3 Ang aklat ng Bibliya na may pinakamaraming sinasabi sa atin tungkol sa araw ng Panginoon ay ang Apocalipsis. Halos lahat ng mga hula na nasa aklat na ito ay natutupad sa panahon ng araw ng Panginoon. Subalit ang Apocalipsis ay pinakasukdulan lamang ng sunud-sunod na makahulang mga aklat na nagsasabi sa atin tungkol sa araw na iyon. Sina Isaias, Jeremias, Ezekiel, at Daniel, na kabilang sa mga iba pa, ay nagsasabi rin sa atin tungkol dito. Malimit, ang kanilang sinasabi ay tumutulong sa atin na maunawaan nang lalong mainam ang mga hula sa Apocalipsis. Tingnan natin kung paano ngang ang aklat ni Ezekiel lalung-lalo na ang magsasabog ng liwanag sa katuparan ng Apocalipsis sa araw ng Panginoon.
Ang Apat na Mangangabayo
4. Ayon sa Apocalipsis kabanata 6, ano ang nangyari sa pasimula ng araw ng Panginoon?
4 Halimbawa, sa ikaanim na kabanata ng Apocalipsis, inilalarawan ni apostol Juan ang isang dramatikong pangitain: “Tumingin ako, at, narito! ang isang kabayong maputi; at yaong nakasakay dito ay may isang busog; at binigyan siya ng isang korona, at siya’y yumaong nananakop at upang lubusin ang kaniyang pananakop.” (Apocalipsis 6:2) Sino ba ang nagtatagumpay na mangangabayong ito? Walang iba kundi si Jesu-Kristo, na iniluklok bilang Hari ng Kaharian ng Diyos at nangangabayo patungo sa pagtatagumpay sa kaniyang mga kaaway. (Awit 45:3-6; 110:2) Ang mapagtagumpay na pangangabayo ni Jesus ay nagsimula noon pang 1914, sa mismong pasimula ng araw ng Panginoon. (Awit 2:6) Ang kaniyang unang-unang pagtatagumpay ay nang ibulusok niya sa lupa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Ano ba ang resulta para sa sangkatauhan? “Sa aba ng lupa at ng dagat.”—Apocalipsis 12:7-12.
5. Anong kalagim-lagim na mga larawan ang kasunod ng Sakay ng kabayong maputi, at anong kapangyarihan ang taglay ng bawat kasunod na ito?
5 Sa pangitain ay kasunod nito ang tatlong kalagim-lagim na larawan: isang kabayong mapula na sumasagisag sa digmaan, isang kabayong maitim na sumasagisag sa taggutom, at isang kabayong maputla na ang sakay ay may pangalang “Kamatayan.” Tungkol sa kabayong ito, ating mababasa: “At tumingin ako, at, narito! isang kabayong maputla; at yaong nakasakay rito ay may pangalan na Kamatayan. At kabuntot niya ang Hades. At binigyan sila ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa, upang pumatay sa pamamagitan ng mahabang tabak at ng taggutom at ng nakamamatay na salot at ng mababangis na hayop sa lupa.”—Apocalipsis 6:3-8; Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:10, 11.
6. Ano ang naging epekto sa lupa nitong tatlong nakatatakot na mga kabayo at mga mangangabayo?
6 Bilang katuparan ng hula, ang sangkatauhan ay dumanas ng kakila-kilabot na kakapusan buhat sa digmaan, taggutom, at sakit sapol noong 1914. Subalit ang ikaapat na mangangabayo ay pumapatay rin sa pamamagitan ng “mababangis na hayop sa lupa.” Ito ba ay kapuna-puna sapol noong 1914? Ang pagsasaalang-alang ng isang nahahawig na hula na sinalita ni Ezekiel ang tumutulong upang lalong magliwanag ang bahaging ito ng hula.
7. (a) Anong hula ang sinalita ni Ezekiel tungkol sa Jerusalem? (b) Paano natupad ang hulang ito?
7 Sa isinulat marahil limang taon bago naganap ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., si Ezekiel ay humula ng isang kakila-kilabot na pagpaparusa sa mga Judio dahilan sa kanilang di-katapatan. Siya’y kinasihang sumulat: “Kaya, gayundin ang mangyayari pagka pinasapit ang aking apat na mahihigpit na kahatulan—ang tabak at taggutom at namiminsalang mababangis na hayop at salot—na aktuwal na pasasapitin ko sa Jerusalem upang ihiwalay doon ang makalupang tao at ang alagang hayop.” (Ezekiel 14:21; 5:17) Ito ba ay natupad nang literal noon? Walang alinlangan na ang Jerusalem ay dumanas ng taggutom at digmaan habang palapit ang wakas noon. At karaniwan nang sakit ang dala ng taggutom. (2 Cronica 36:1-3, 6, 13, 17-21; Jeremias 52:4-7; Panaghoy 4:9, 10) Nagkaroon ba rin ng isang literal na salot ng mababangis na hayop nang panahong iyon? Malamang na mayroong mga taong tinangay o marahil pinatay pa nga ng mga hayop, yamang inihula rin ito ni Jeremias.—Levitico 26:22-33; Jeremias 15:2, 3.
8. Anong bahagi ang ginampanan na ng mababangis na hayop sa panahon ng araw ng Panginoon?
8 Kumusta naman sa ngayon? Sa mauunlad nang mga lupain, ang maiilap na hayop ay hindi siyang mapanganib na suliranin na gaya noong una. Subalit, sa mga ibang bansa ang maiilap na hayop ang patuloy na may mga binibiktima, lalo na kung isasali natin ang mga ahas at mga buwaya sa “mababangis na hayop sa lupa.” Ang ganiyang kalunus-lunos na mga kamatayan ay bihirang iniulat sa mga pahayagang pandaigdig, subalit ang mga iyan ay kapuna-puna. Ang aklat na Planet Earth—Flood ay bumabanggit na marami sa India at Pakistan ang “nangamatay matapos dumanas ng matinding paghihirap buhat sa tuklaw ng makamandag na mga ahas” samantalang nagsisikap na lumikas dahil sa baha. Iniulat ng India Today na sa isang nayon sa Kanlurang Bengal ay tinatayang 60 babae ang nangawalan ng kani-kanilang asawa dahilan sa mga pag-atake ng tigre. Ang ganiyang mga kapahamakan ay baka maging lalong palasak sa hinaharap pagka gumuho na ang lipunan ng tao at lalong lumubha ang taggutom.
9. Ano pang ibang uri ng “hayop” ang sanhi ng kapinsalaan at pagdurusa ng sangkatauhan sa loob ng siglong ito?
9 Subalit si Ezekiel ay may ipinahiwatig na isa pang uri ng “hayop” nang kaniyang sabihin: “May pagsasabuwatan ang kaniyang mga propeta sa gitna niya, gaya ng leong umuungal, na nagluluray-luray sa kaniyang biktima. Isang kaluluwa ang aktuwal na sinasakmal nila. . . Ang kaniyang mga prinsipe sa gitna niya ay gaya ng mga lobo na nananakmal ng biktima.” (Ezekiel 22:25, 27) Samakatuwid ang mga tao ay naaaring kumilos na gaya ng mga hayop din naman, at anong laki ng pagdurusang dinaranas ng sangkatauhan sa ganiyang mga maninila sa panahon ng siglong ito! Marami ang nangamatay sa kamay ng makahayop na mga kriminal at mga terorista. Oo, sa maraming paraan ang kamatayan ay umaani ng maraming biktima ng “mababangis na hayop sa lupa.”
10. Ano ang tinutulungan tayo na makita sa pagbanggit ni Juan ng digmaan, taggutom, sakit, at mababangis na hayop bilang mga sanhi ng kamatayan?
10 Ang pagbanggit ng digmaan, taggutom, sakit, at mababangis na hayop sa pangitain ni Juan ay tumutulong sa atin na makita na ang matinding hirap na tiniis ng Jerusalem noong 607 B.C.E. ay kahalintulad ng marami ring ganoong kahirapan sa kaarawan natin. Sa gayon ang araw ng Panginoon ay nagdulot na nga ng paghihirap para sa daigdig, sa kalakhang bahagi dahilan sa tumanggi ang mga pinuno ng sangkatauhan na pailalim sa unang Mangangabayo, ang nakaluklok na Hari, si Jesu-Kristo. (Awit 2:1-3) Bueno, kumusta naman ang bayan ng Diyos? Ano ang kahulugan para sa kanila ng araw ng Panginoon?
Pagsukat sa Templo
11. Sa Apocalipsis 11:1, ano ang iniutos kay Juan na gawin, at dito’y aling templo ang tinutukoy?
11 Sa Apocalipsis 11:1, sinasabi ni apostol Juan: “Binigyan ako ng isang tambo na katulad ng isang panukat at kaniyang sinabi: ‘Magtindig ka at sukatin mo ang templo na santuwaryo ng Diyos at ang dambana at ang mga sumasamba roon.’” Ang nakita sa pangitain na pagsukat na ito sa templo ay lubhang makahulugan para sa bayan ng Diyos. Alin bang santuwaryo ng templo ang sinukat ni Juan? Hindi ang literal na templong Judio na kung saan sumasamba si Juan bago siya naging isang Kristiyano. Ang templong iyon ay tinanggihan ni Jehova, at napuksa iyon noong 70 C.E. (Mateo 23:37–24:2) Bagkus, iyon ay ang kaayusan ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Sa makasagisag na templong ito, ang pinahirang mga Kristiyano ay naglilingkod bilang katulong na mga saserdote sa makalupang looban.—Hebreo 9:11, 12, 24; 10:19-22; Apocalipsis 5:10.
12. Kailan nagsimulang umiral ang templong iyon, at anong mga pangyayari ang naganap may kaugnayan dito noong unang siglo?
12 Noong 29 C.E. nagsimulang umiral ang templong iyon nang si Jesus ay pahiran bilang isang mataas na saserdote. (Hebreo 3:1; 10:5) Ito’y itinakdang magkaroon ng 144,000 mga katulong na saserdote, at noong unang siglo marami sa mga ito ang pinili, tinatakan, at pagkatapos ay nangamatay na tapat. (Apocalipsis 7:4; 14:1) Subalit nang ang unang-siglong mga Kristiyanong iyon ay mangamatay, sila’y nangatulog sa libingan, sapagkat hindi sila kaagad binuhay mag-uli sa langit. (1 Tesalonica 4:15) Isa pa, pagkatapos ng unang siglo nagsimula ang isang malawak na apostasya, at ang makasaserdoteng pinahirang mga Kristiyano ay napalibutan ng umuunlad na “mga damong pansira,” na mga apostata. (Mateo 13:24-30) Sa lumakad na mga siglo sapol noon, marahil ay maitatanong: ‘Lahat ba ng 144,000 mga katulong na saserdote ay matatatakan pa?’ ‘Iyon bang mga nangamatay na tapat ay bubuhayin pa upang maglingkod sa makalangit na santuwaryo?’ Ipinakita ng pangitain tungkol sa pagsukat sa templo na ang sagot sa bawat isa sa mga tanong na ito ay oo. Bakit?
13. Garantiya ng ano ang pagsukat ni Juan sa templong santuwaryo, at ano ang nangyari nang may pasimula ng araw ng Panginoon?
13 Sapagkat sa hula sa Bibliya ang pagsukat sa isang bagay ay karaniwan nang nagpapakita na tiyak na lubusang matutupad ang layunin ni Jehova para sa bagay na iyon. (2 Hari 21:13; Jeremias 31:39; Panaghoy 2:8) Samakatuwid, ang pangitain ni Juan tungkol sa pagsukat sa templong santuwaryo ay isang garantiya na sa panahon ng araw ng Panginoon, lahat ng mga layunin ni Jehova tungkol sa templo ay matutupad. Kasuwato nito at ayon sa lahat ng ebidensiya, lahat ng mga pinahiran na nangamatay na tapat ay pinasimulang buhaying mag-uli sa kanilang ipinangakong dako sa makalangit na santuwaryo pasimula noong 1918. (1 Tesalonica 4:16; Apocalipsis 6:9-11) Subalit kumusta naman ang natitirang bahagi ng 144,000?
14. Ano ang nangyari sa pinahirang mga Kristiyano bago at sa panahon ng unang digmaang pandaigdig?
14 Kahit na noong bago magsimula ang araw ng Panginoon, ang pinahirang mga Kristiyano na nagsilabas sa apostatang Sangkakristiyanuhan ay nagsimulang magtipun-tipon sa isang hiwalay na organisasyon. Sila’y nakapagtatag ng isang mainam na rekord ng katapatan sa pagbabalita ng kahalagahan ng taóng 1914, subalit sa makasaysayang taóng iyon, samantalang nasa kaganapan ang unang digmaang pandaigdig, sila’y nagsimulang dumanas ng paniniil, ‘niyuyurakan.’ Ito’y umabot sa sukdulan noong 1918 nang ang mga direktor ng Samahang Watch Tower ay ibinilanggo, at ang organisadong gawaing pangangaral ay halos napahinto. Nang panahong iyon, sila ay halos ‘patay na.’ (Apocalipsis 11:2-7) Ano ba ang kahulugan ng pagsukat sa templong santuwaryo para sa mga Kristiyanong ito?
15. Ano ang kahulugan para sa bayan ng Diyos noong kaarawan ni Ezekiel ng pagsukat sa templo na nakita sa pangitain?
15 Noong taóng 593 B.C.E., 14 na taon pagkatapos na ang templo ni Jehova sa Jerusalem ay mapuksa, si Ezekiel ay nakakita ng isang pangitain tungkol sa bahay ni Jehova. Siya’y inilibot sa lahat ng bahagi ng templong ito at siya’y nagmasid habang ang bawat bahagi nito ay maingat na sinusukat. (Ezekiel, kabanata 40-42) Ano ba ang kahulugan nito? Si Jehova mismo ang nagpaliwanag: Ang pagsukat sa templo ay nagpahiwatig ng isang pagsubok para sa bayan ni Ezekiel. Kung sila’y magpapakumbaba, magsisisi sa kanilang mga pagkakamali, at susunod sa mga kautusan ni Jehova, sa kanila’y sasabihin ang mga sukat ng templo. Ito’y malinaw na magpapatibay-loob sa kanila sa pag-asang balang araw ang bayan ni Jehova ay palalayain buhat sa Babilonya at minsan pang sasamba kay Jehova sa kaniyang literal na templo.—Ezekiel 43:10, 11.
16. (a) Ang pagsukat ni Juan sa templong santuwaryo sa pangitain ay nagbigay ng anong katiyakan para sa bayan ng Diyos noong 1918? (b) Paano natupad ang katiyakang ito?
16 Sa katulad na paraan, kung ang nasiraan ng loob na mga Kristiyanong iyon noong 1918 ay magpapakumbaba at magsisisi sa anumang mga pagkakamali na kanilang nagawa, sila’y palalayain upang magkamit ng pagpapala ni Jehova at gaganap ng buong bahagi sa kaniyang kaayusan sa templo. At ito nga ang nangyari. Ayon sa Apocalipsis 11:11, sila’y ‘nagsitindig,’ o kung sa salitang makasagisag ay binuhay-muli. Isang kaugnay na pangitain ng pagkabuhay-muli sa Ezekiel ang lumarawan sa isang panunumbalik ng mga Judio sa kanilang sariling lupain. (Ezekiel 37:1-14) Ang modernong ‘pagkabuhay-muling’ ito ay lumabas na isang pagsasauli sa dati nang bayan ng Diyos buhat sa kanilang kalagayang pinanghinaan ng loob, na halos hindi na kumikilos, tungo sa isang buháy, at masiglang kalagayan na kung saan gaganap sila ng isang buong bahagi sa paglilingkod kay Jehova. Ang gayong ‘pagkabuhay-muli’ ay naganap noong 1919.
Ang Maliit na Balumbon ng Aklat
17. (a) Ilarawan ang pangitain ni Juan sa Apocalipsis 10:1. (b) Sino ang anghel na nakita ni Juan, at sa anong araw nauukol na matupad ang pangitain?
17 Sa Apocalipsis 10:1, si Juan ay nakakita ng isang “malakas na anghel na bumababa buhat sa langit, na nabibihisan ng isang alapaap, at isang bahaghari ang nasa kaniyang ulo, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy.” Ito’y medyo nahahawig sa mga pangitain tungkol kay Jehova na nakita na ni Ezekiel at ni Juan mismo. (Ezekiel 8:2; Apocalipsis 4:3) Subalit ang nakita ni Juan dito ay isang anghel, hindi si Jehova. Kung gayon, iyon ay walang iba kundi ang dakilang anghel na Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, na “larawan ng di-nakikitang Diyos.” (Colosas 1:15) Isa pa, sa Apocalipsis 10:2 ay inilalarawan si Jesus bilang nakatayo sa isang posisyon na may malaking kapangyarihan, na “ang kaniyang kanang paa ay nakatuntong sa dagat, ngunit ang kaniyang kaliwa ay sa lupa.” Samakatuwid ang anghel ay kumakatawan kay Jesus sa araw ng Panginoon.—Tingnan ang Awit 8:4-8; Hebreo 2:5-9.
18. (a) Ano ang iniutos kay Juan na kainin? (b) Sa isang nakakatulad na pangitain, ano ang iniutos kay Ezekiel na kainin, at ano ang epekto?
18 Si Jesus, sa isang anyo niya sa maningning na pangitaing ito, ay may hawak sa kaniyang kamay na maliit na balumbon ng aklat, at si Juan ay pinagsabihan na kunin ang balumbon at kainin iyon. (Apocalipsis 10:8, 9) Sa ganitong paraan, si Juan ay nagkaroon ng karanasan na kagayang-kagaya ng kay Ezekiel, na pinagsabihan din na kainin ang isang balumbon na nasa pangitain. Sa kaso ni Ezekiel, si Jehova mismo ang nagbigay ng balumbon sa propeta, at nakita ni Ezekiel na “yaon ay may nakasulat na mga panaghoy at pagdaing at pananangis.” (Ezekiel 2:8-10) Si Ezekiel ay nag-uulat: “Nang magkagayon ay kinain ko yaon, at sa aking bibig ay naging parang pulut-pukyutan dahilan sa katamisan.” (Ezekiel 3:3) Ano ba ang ipinahiwatig para kay Ezekiel ng pagkain sa balumbon?
19. (a) Ano ang isinagisag ng pagkain ni Ezekiel ng balumbon? (b) Sino noon ang tatanggap ng mapapait na mensahe na iniutos kay Ezekiel na ipangaral?
19 Malinaw, ang balumbon ay may kinasihang makahulang impormasyon. Nang kainin ni Ezekiel ang balumbon, kaniyang tinanggap ang utos na ipahayag ang impormasyong ito hanggang sa sukdulan na ito’y maging bahagi na niya. (Ihambing ang Jeremias 15:16.) Subalit ang nilalaman ng balumbon ay hindi matamis kung para sa iba. Ang balumbon ay punô ng “mga panaghoy at pagdaing at pananangis.” Para kanino kaya ang mapait na mensaheng ito? Unang-una, kay Ezekiel ay sinabi: “Anak ng tao, yumaon ka, pumaroon ka sa sambahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.” (Ezekiel 3:4) Nang magtagal, ang mensahe ni Ezekiel ay pinalawak pa upang makasali ang mga bansang pagano sa palibot.—Ezekiel, kabanata 25-32.
20. Ano ang nangyari nang kainin ni Juan ang maliit na balumbon, at ano ang resulta ng paggawa niya ng gayon?
20 Sa kaso ni Juan, ang mga resulta ng kaniyang pagkain ng balumbon ay nakakatulad. Ganito ang kaniyang pag-uulat: “Kinuha ko ang maliit na balumbon sa kamay ng anghel at kinain ko, at sa aking bibig iyon ay matamis na gaya ng pulut-pukyutan; subalit nang aking makain ay pumait ang aking tiyan.” (Apocalipsis 10:10) Ang pagkain sa balumbon ay naging matamis din para kay Juan. Totoong nakagagalak na ang salita ni Jehova ay maging isang bahagi niya. Gayunman ang mensahe ay may taglay na kapaitan din. Kapaitan para kanino? Kay Juan ay sinabi: “Kailangang manghula ka uli tungkol sa mga bayan at mga bansa at mga wika at maraming mga hari.”—Apocalipsis 10:11.
21. (a) Ano ang ginawa ng pinahirang mga Kristiyano noong 1919 na katumbas ng pagkain ni Juan ng maliit na balumbon, at ano ang epekto? (b) Ano ang naging resulta para sa Sangkakristiyanuhan at sa daigdig sa pangkalahatan?
21 Paanong lahat ng ito ay natupad sa panahon ng araw ng Panginoon? Sang-ayon sa makasaysayang mga pangyayari, noong 1919 tinupad ng tapat na mga Kristiyano ang pribilehiyo na lubusang paglilingkod kay Jehova na anupa’t iyon ay naging bahagi nila, at tunay na matamis ito. Subalit ang kanilang kinamit na pagpapala at pribilehiyo ay naging mapait sa iba—lalo na sa klero ng Sangkakristiyanuhan. Bakit? Sapagkat ang tapat na pinahirang mga Kristiyanong ito ay lakas-loob na nagpahayag ng lahat ng mensahe ni Jehova para sa sangkatauhan. Sila’y hindi lamang nangaral ng “mabuting balita ng kaharian” kundi kanila ring ibinunyag ang patay sa espirituwal na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan at ng daigdig sa pangkalahatan.—Mateo 24:14; Apocalipsis 8:1–9:21; 16:1-21.
22. (a) Sa anong kasiya-siyang paraan nagamit na ni Jehova sa panahon ng araw ng Panginoon ang mga pinahiran? (b) Ano ang idinulot na ng araw ng Panginoon para sa sanlibutan ni Satanas at para sa bayan ng Diyos?
22 Ang tapat na pangkat na ito ng mga Kristiyano ay ginamit ni Jehova upang tipunin ang mga huling bahagi ng 144,000 na tatatakan, at sila’y nanguna sa pagtitipon sa malaking pulutong, na may makalupang pag-asa. (Apocalipsis 7:1-4, 9, 10) Ang malaking pulutong na ito ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa mga layunin ni Jehova tungkol sa lupang ito, at ang paglitaw nito ay lumikha ng malaking kagalakan kapuwa sa langit at sa lupa. (Apocalipsis 7:11-17; Ezekiel 9:1-7) Sa gayon, itong “araw ng lahat ng mga araw” ay nagdulot nga ng paghihirap para sa sanlibutan ni Satanas ngunit masaganang mga pagpapala naman sa bayan ni Jehova. Tingnan natin, ngayon, kung paanong ito ay magpapatuloy na matupad habang nagpapatuloy ang araw ng Panginoon.
Maipaliliwanag Mo Ba?
□ Ano ba ang araw ng Panginoon?
□ Anong kapinsalaan ang idinulot na ng “mababangis na hayop sa lupa” sa panahon ng araw ng Panginoon?
□ Anong katiyakan ang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng pagsukat ni Juan sa templong santuwaryo?
□ Ang pagkain ni Juan sa munting balumbon ay nagdulot ng ano para sa pinahirang nalabi noong 1919?
□ Hanggang sa ngayon, ano ba ang idinulot ng araw ng Panginoon sa bayan ng Diyos at sa daigdig sa pangkalahatan?
[Larawan sa pahina 13]
Ang pagsukat ni Juan sa templo ay nagbigay ng matibay na garantiya sa mga pinahiran sa araw ng Panginoon