Makinig Ka—Nagsasalita ang Bantay ni Jehova!
“Ginawa kitang bantay sa sambahayan ni Israel, . . . at babalaan mo sila ng galing sa akin.”—EZEKIEL 3:17.
1. Bakit kailangang makinig pagka nagsasalita ang “bantay” ni Jehova?
ANG “bantay” ni Jehova ay nagsasalita ng mensahe ng Diyos sa mismong sandaling ito. Ikaw ba’y nakikinig? Ang mismong buhay mo ay depende sa iyong pagtugon sa mensaheng iyan nang may pagpapahalaga at pagkilos. Di magtatagal, ‘makikilala ng mga bansa si Jehova’ pagka kaniyang ipinagbangong-puri ang kaniyang banal na pangalan sa pamamagitan ng paglipol sa balakyot na sistemang ito at sa pagliligtas sa kaniyang bayan. Ikaw ba’y umaasa na makakabilang ka sa kanila? (Ezekiel 36:23; 39:7; 2 Pedro 3:8-13) Baka nga makaligtas ka, subalit tangi lamang kung ikaw ay nakikinig pagka nagsasalita ang “bantay” ni Jehova.
2. Ang hindi pakikinig sa mga propeta ng Diyos ay nagbunga ng ano para sa kaharian ng Juda?
2 Ang hindi pakikinig sa mga propeta ng Diyos ay nagbunga ng kapahamakan sa kaharian ng Juda noong 607 B.C.E. Ikinatuwa ng mga kaaway na bansa ang kapahamakang iyon sa kamay ng mga taga-Babilonya. Subalit anong laking kaluwalhatian ang naidulot sa pangalan ni Jehova nang kaniyang maneobrahin ang pagbabalik ng tapat na mga Judio sa kanilang sariling lupain noong 537 B.C.E.!
3. Ano ang nilalaman ng aklat ni Ezekiel?
3 Kapuwa ang kapahamakang iyon at ang muling pagsasauli ay inihula ng bantay ni Jehova, si Ezekiel. Ang aklat ng Bibliya na mayroon ng kaniyang pangalan at natapos niya sa Babilonya noong humigit-kumulang 591 B.C.E. ay naglalaman ng (1) pagkasugo kay Ezekiel; (2) makahulang mga kaganapan; (3) mga mensahe laban sa Israel; (4) mga hula tungkol sa kahatulan sa Jerusalem; (5) mga hula laban sa mga ibang bansa; (6) mga pangako ng muling pagbabalik; (7) isang hula laban kay Gog ng Magog; at (8) isang pangitain ng santuwaryo ng Diyos. Aming inaanyayahan ka na basahin ang aklat habang ating pinag-aaralan iyon. Sa ganoo’y makikita mo kung paano tayo apektado sa ngayon at ikaw ay makikinig habang nagsasalita ang “bantay” ni Jehova.a
Sinugo ng Diyos ang Bantay
4. (a) Ano ang nakita ni Ezekiel sa pangitain? (b) Sino ang “mga nilalang na buháy,” at anong mga katangian ang taglay nila?
4 Noong Tammuz 5, 613 B.C.E. (noong ikalimang taon ng pagkapatapon sa Babilonya ng hari ng Juda na si Jehoiachin), ang 30-anyos na saserdoteng si Ezekiel ay kabilang sa mga Judiong bihag na naroon sa pampang ng “ilog Chebar,” isang kilalang kanal ng ilog Eufrates. Sa pangitain, kaniyang nakita ang karo ni Jehova, na inaasistihan ng “apat na mga nilalang na buháy.” (Basahin ang Ezekiel 1:4-10.) Bawat “nilalang na buháy,” o may pakpak na kerubin, ay may apat na mukha. (Ezekiel 10:1-20; 11:22) Ipinakikita nito na ang mga kerubin ay may taglay na bigay-Diyos na pag-ibig (ang tao), katarungan (ang leon), kapangyarihan (ang toro), at karunungan (ang agila). Bawat kerubin ay nakatayo sa tabi ng isang malaking ‘gulong sa loob ng isang gulong,’ at ang espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa, ang nagpapakilos sa kanila para pumunta sa anumang direksiyon.—Ezekiel 1:1-21.
5. Sa ano kumakatawan ang makalangit na karo, at paano dapat maapektuhan ang bayan ni Jehova ng ganitong pagkakita roon?
5 Ang Sakay ng karo ay isang maningning na kumakatawan kay Jehova. (Basahin ang Ezekiel 1:22-28.) Ang karo ay buong husay na kumakatawan sa espiritung organisasyon ng Diyos na binubuo ng mga anghel! (Awit 18:10; 103:20, 21; Daniel 7:9, 10) Sakay nito si Jehova sa diwa na dominado niya ang mga nilikhang ito at kaniyang ginagamit ayon sa kaniyang layunin. Ang Sakay ay kalmado, katulad ng kasamang bahaghari, ngunit si Ezekiel ay tinubuan ng pagkasindak. Tunay, ang nakasisindak na pagkakitang ito sa kaluwalhatian at kapangyarihan ni Jehova bilang Kataas-taasang Organisador ng kaniyang makalangit na hukbo ay dapat humila sa atin na maging mapagpakumbabang magpasalamat sa pribilehiyo ng paglilingkod sa kaniya bilang bahagi ng kaniyang makalupang organisasyon.
6. (a) Anong atas ang tinanggap ni Ezekiel, at ano ang pagkamalas niya sa paglilingkod sa Diyos? (b) Sa gitna ng anong uring mga tao sinugo si Ezekiel na manghula, at ano ang pakinabang sa pagkaalam sa kung paano nakitungo sa kaniya ang Diyos?
6 Bagama’t ipinaalaala sa kaniya na siya’y nagmula sa tao at ang kaniyang mababang katayuan dahil sa tawag sa kaniya na “anak ng tao,” si Ezekiel ay inatasan na maging propeta ni Jehova. (Basahin ang Ezekiel 2:1-5.) Si Ezekiel ay pupunta sa “mapaghimagsik na mga bansa,” ang kaharian ng Israel at ng Juda. Una, dahil sa utos na mula sa Diyos ay kumain siya ng isang balumbon na mayroong mga panaghoy, subalit ang lasa niyaon ay mistulang pulot-pukyutan sapagkat siya’y napapasalamat na maging isang propeta ng Diyos. Sa katulad na paraan, ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang kapuwa lingkod ay natatamisan na maging mga saksi ni Jehova. Si Ezekiel ay inutusan na manghula sa gitna ng mapagmatigas na puso at may matigas na ulong mga tao, subalit ang kaniyang mukha ay gagawin ng Diyos na kasintigas ng kanilang mga mukha, ang kaniyang noo ay gagawing kasintigas ng isang diamante. Siya’y manghuhula nang buong tapang makinig man sila o hindi. Nakagagalak malaman na kung paano inalalayan ng Diyos si Ezekiel sa mahihirap na kalagayan, tayo man ay tutulungan Niya na magpatotoo nang may lakas-loob saanmang teritoryo.—Ezekiel 2:6–3:11.
7. Kasali sa pagkasugo kay Ezekiel ang anong pananagutan?
7 Ang pagkain ng balumbon ay lumikha kay Ezekiel ng ‘pag-iinit ng kalooban’ na angkop sa mensahe niyaon. Sa Tel-abib siya’y naupong ‘natitigilan ng pitong araw’ na pinag-iisipan ang mensahe. (Ezekiel 3:12-15) Tayo man ay kailangang magbulaybulay at mag-aral nang buong sigasig upang maintindihan ang malalalim na espirituwal na mga bagay. Palibhasa’y may mensaheng dapat ibalita, si Ezekiel ay sinugo bilang bantay ng Diyos. (Basahin ang Ezekiel 3:16-21.) Ang bagong kaaatas na bantay ay kailangang magbigay-babala sa lumalabag sa kautusang mga Israelita na sila’y napapaharap sa paglipol na gagawin ng Diyos.
8. Sino ang naglilingkod bilang “bantay” ni Jehova sa ngayon, at sino ang kasama nila?
8 Kung sakaling bigo si Ezekiel bilang isang bantay, siya ang pananagutin ni Jehova sa pagkamatay ng mga biktima. Bagaman yaong mga ayaw na siya’y magsalita ng pagsaway ay maglalagay sa kaniya ng makasagisag na mga lubid upang igapos siya, buong tapang na ihahayag niya ang mensahe ng Diyos. (Ezekiel 3:22-27) Sa panahon natin, ang Sangkakristiyanuhan ay tumatangging makinig at nagsisikap na pigilin ang pinahirang mga Kristiyanong ito. Subalit sapol noong 1919 sila’y naglilingkod bilang “bantay” ni Jehova, lakas-loob na inihahayag ang kaniyang mensahe para sa “panahon ng kawakasan” ng sistemang ito. (Daniel 12:4) Kasama nila sa gawaing ito ang dumaraming “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Jesus. (Apocalipsis 7:9, 10; Juan 10:16) Yamang ang uring “bantay” ay patuloy na nagsasalita ng mensahe ng Diyos, tiyak na bawat isa sa pinahiran at sa “malaking pulutong” ay nagnanais na ihayag ito bilang isang regular na mamamahayag.
Kaganapan ng mga Hula
9. (a) Paano nagsilbing isang halimbawa para sa atin si Ezekiel? (b) Ano ang ginawa ni Ezekiel upang ilarawan ang pagkubkob na ginawa ng mga Babiloniko sa Jerusalem, at sa ano tumutukoy ang 390 araw at ang 40 araw?
9 Pagkatapos ay gumanap si Ezekiel ng mga makahulang pantomima nang may kapakumbabaan at katapangan, na anupa’t nagsisilbing halimbawa na dapat magpakilos sa atin na gawin ang bigay-Diyos na mga atas nang may kapakumbabaan at lakas ng loob. Upang ilarawan ang pagkubkob na gagawin ng mga Babiloniko, siya ay hihiga nang nakaharap sa isang ladrilyo na kung saan iniukit niya ang larawan ng Jerusalem. Si Ezekiel ay hihiga nang patagilid sa kaniyang kaliwa sa loob ng 390 araw upang danasin ang kasamaan ng sampung-tribong kaharian ng Israel, at pagkatapos ay nang patagilid naman sa kaniyang kanan sa loob ng 40 araw upang danasin ang kasalanan ng dalawang-tribong Juda. Bawat araw ay katumbas ng isang taon. Kaya’t ang 390 taon ay tumutukoy sa panahon mula nang itatag ang Israel noong 997 B.C.E. hanggang sa pagkapuksa ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Ang 40 taon ng Juda ay mula nang atasan si Jeremias bilang propeta ng Diyos noong 647 B.C.E. hanggang sa pagkawasak ng Juda noong 607 B.C.E.—Ezekiel 4:1-8; Jeremias 1:1-3.
10. Paano ipinakita ni Ezekiel ang kaganapan ng mga epekto ng pagkubkob, at anong aral ang matututuhan natin buhat sa katotohanan na inalalayan siya ng Diyos?
10 Ang susunod na kaganapan na ipinakita ni Ezekiel ay ang mga epekto ng pagkubkob. Upang ilarawan ang taggutom, siya’y nagkasiya na lamang sa mahigit na dalawang daang gramo ng pagkain at mga kalahating litrong tubig bawat araw. Ang kaniyang tinapay (na yaong ibinabawal na paghahalo ng trigo, sebada, habitsuelas, lentehas, batád, at espelta na niluto sa dumi ng tao) ay marungis. (Levitico 19:19) Ang ganitong pagkilos ay nagpapakita na ang mga tao sa Jerusalem ay magdaranas ng matinding kahirapan. Subalit anong laking pampatibay-loob na malaman na kung paanong inalalayan ni Jehova si Ezekiel sa ilalim ng mahihirap na mga kalagayan, tayo rin naman ay tutulungan ng Diyos upang manatiling tapat at matupad natin ang ating pagkasugong mangaral sa harap ng lahat ng kahirapan!—Ezekiel 4:9-17.
11. (a) Anong mga kaganapan ang binabanggit sa Ezekiel 5:1-4, at ano ang kahulugan nito? (b) Yamang tinupad ng Diyos ang mga kaganapang ginawa ni Ezekiel ano ang dapat na maging epekto nito sa atin?
11 Sa pamamagitan ng isang tabak, ang sumunod na ginawa ni Ezekiel ay inahit ang kaniyang buhok at balbas. (Basahin ang Ezekiel 5:1-4.) Yaong mga namamatay sa taggutom at salot ay magiging katulad ng ikatlong bahagi ng buhok ng propeta na kaniyang sinunog sa gitna ng Jerusalem. Ang mga namatay sa digmaan ang magiging katulad ng ikatlong bahagi na pinatay ng tabak. Ang mga makaliligtas ay magsisipangalat sa gitna ng mga bansa katulad ng ikatlong bahagi ng kaniyang buhok na ikinalat ng hangin. Subalit ang mga ibang bihag ay magiging katulad ng mga ilang buhok na kinuha sa nagsipangalat na bahagi at binalot sa kasuotan ni Ezekiel upang ipakita na sila’y magsasagawa ng tunay na pagsamba sa Juda pagkaraan ng 70-taóng pagkagiba. (Ezekiel 5:5-17) Yamang tinupad ito ni Jehova at pati ang iba pang makahulang mga kaganapan dapat na pakilusin tayo nito na magtiwala sa kaniya bilang ang Tagatupad ng hula.—Isaias 42:9; 55:11.
Napipinto ang Pagkapuksa!
12. (a) Sa Ezekiel 6:1-7 ay ipinakikita na ang mga manlulusob ay gagawa ng ano? (b) Sang-ayon sa hula ni Ezekiel, ano ba ang antitipikong Jerusalem, at ano ang mangyayari sa kaniya?
12 Noong 613 B.C.E., ipinabatid ni Ezekiel sa lupain ang mangyayari sa idolatrosong mga tao sa Juda. (Basahin ang Ezekiel 6:1-7.) Mga manlulusob ang magwawasak sa matataas na mga dako, mga pinagsusunugan ng insenso, at mga dambana na ginagamit sa huwad na pagsamba. Ang isipin lamang ang kapinsalaang lilikhain ng taggutom, salot, at digmaan ay aakay nga sa isa upang bumulalas “Inakupo!” at idiriin nito sa pamamagitan ng pagpalakpak ng mga kamay at pagpapadyak ng mga paa. Mga bangkay ng espirituwal na mga mapakiapid ang makikitang naghambalang sa matataas na dako. Pagka ang Sangkakristiyanuhan, ang antitipikong Jerusalem, ay dumanas ng nakakatulad na pagkapuksa, kaniyang mababatid na galing kay Jehova ang kaniyang kapahamakan.—Ezekiel 6:8-14.
13. Ano “ang pamalo” na nasa kamay ni Jehova, at ano ang magiging resulta ng paggamit nito?
13 ‘Ang wakas ay dumarating sa apat na sulok ng lupain,’ ang taksil na pamamalakad relihiyoso ng Juda. Isang “korona” ng nagpapahamak na mga bagay ang ipapatong sa ulo ng mananamba sa idolo pagka “ang pamalo” na nasa kamay ng Diyos—si Nabucodonosor at ang kaniyang hukbong Babiloniko—ay kumilos laban sa bayan ni Jehova at sa kaniyang templo. Yaong mga kabilang sa “pulutong” ng Juda ng mga mamimili at nagbibili ay papatayin o dili kaya’y dadalhing bihag sa ibang bayan, at ang mga kamay ng sinuman at mangyayaring manatiling buhay ay manlulupaypay. Sa pagbagsak ng kanilang sistema ng huwad na relihiyon kanilang, wika nga, kakalbuhin ang kanilang mga ulo sa pamimighati.—Ezekiel 7:1-18.
14. Para sa Jerusalem ano ang hindi nagawa ng pagsuhol? at ano ang ipinakikita niyan para sa Sangkakristiyanuhan?
14 Si Jehova at ang kaniyang mga tagapuksa ay hindi maaaring suhulan. (Basahin ang Ezekiel 7:19.) Ang pagsuhol ay hindi nagligtas sa “lihim na dako,” ang Kabanal-banalan, sa pagkalapastangan ng mga Chaldeong “tulisan” na tumangay sa sagradong mga kagamitan at iniwanang giba ang templo. Pinapangyari ni Jehova na ‘sumuko ang ipinagmamalaki ng mga makapangyarihan’ nang si Haring Zedekias ay mabihag at ang mga pangunahing saserdoteng Levitico ay mapaslang. (2 Hari 25:4-7, 18-21) Hindi, ang mga makasalanan sa kinubkob na Jerusalem ay hindi nakaligtas sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng suhol ng ‘hatulan sila’ ng Diyos bilang mga maninira ng tipan. Gayundin naman, sa panahon ng napipintong paglapastangan sa mga bagay na itinuturing na banal ng Sangkakristiyanuhan, siya ay hindi makasusuhol upang huwag maparamay sa parusang magmumula sa Diyos. Kung magkagayon ay magiging totoong huli na para makinig sa “bantay” ni Jehova.—Ezekiel 7:20-27.
Pagbubuntong-Hininga sa Kasuklam-suklam na mga Bagay
15. Ano ang nakita ni Ezekiel sa Jerusalem, at ano ang dapat na maging epekto nito sa atin?
15 Nang makita ni Ezekiel sa maningning na pangitain ang Diyos noong Elul 5, 612 B.C.E., ‘ang anyo ng isang kamay ang humawak sa buhok ng kaniyang ulo’ at dinala siya sa Jerusalem sa pamamagitan ng espiritu ng pagkasi. Ang makalangit na karo ay lumipat din doon. Ang nakita ni Ezekiel pagkatapos ay dapat magpaatras sa atin kahit na lamang sa mismong kaisipan ng pakikinig sa mga apostata. (Kawikaan 11:9) Sa templo, ang mga apostatang Israelita ay sumasamba sa isang idolatrosong simbolo (marahil isang sagradong tikin) na pumukaw sa Diyos upang manibugho. (Exodo 20:2-6) Nang siya’y makapasok sa looban sa may loob, anong daming kasuklam-suklam na mga bagay ang nakita ni Ezekiel! (Basahin ang Ezekiel 8:10, 11.) Lubhang kahiya-hiya na 70 matatandang Israelita ang naghahandog ng insenso sa mga diyus-diyosan na kinakatawan ng kamuhi-muhing mga larawang nakaguhit sa pader!—Ezekiel 8:1-12.
16. Ang pangitain ni Ezekiel ay nagpapakita ng ano tungkol sa mga epekto ng apostasya?
16 Ipinakikita ng pangitain ni Ezekiel kung gaano kalaki ang pinsalang nagagawa ng apostasya. Aba, ang mga babaing Israelita ay nahikayat na iyakan si Tammuz, isang Babilonikong diyus-diyosan at mangingibig ng diyosa ng pag-aanak na si Ishtar! At kasuklam-suklam nga na makitang 25 mga lalaking Israelita sa looban ng templo ang sa loob ay sumasamba sa araw! (Deuteronomio 4:15-19) Sa ilong ng Diyos ay kanilang idinuduldol ang isang malaswang maliit na sanga, marahil kumakatawan sa ari ng lalaki. Hindi kataka-takang hindi pakinggan ni Jehova ang kanilang mga panalangin, gaya ng kung paanong ang Sangkakristiyanuhan ay sa kawalang-pag-asa hihingi sa kaniya ng tulong sa panahon ng “malaking kapighatian”!—Ezekiel 8:13-18; Mateo 24:21.
May Tanda Para sa Kaligtasan
17. Ano yaong pitong lalaki na nakita sa pangitain, at ano ang kanilang ginawa?
17 Pagkatapos, mapapansin natin ang pitong lalaki—isa ay kalihim na nakadamit-lino at anim pang iba na may pamatay na mga armas. (Basahin ang Ezekiel 9:1-7.) Ang “anim na lalaki” ay kumakatawan sa makalangit na hukbo ni Jehova ng mga tagapuksa, bagama’t maaari siyang gumamit ng makalupang mga kinatawan. Yaong mga taong sa kanilang mga noo’y nilagyan ng tanda ng ‘lalaking nakapanamit ng lino’ ay pagpapakitaan ng Diyos ng awa sapagkat sila’y hindi sumasang-ayon sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa sa templo. Ang pagpatay na isinagawa ng “anim na lalaki” ay nagsimula roon sa 70 idolatrosong mga matatanda, mga babaing iniiyakan si Tammuz, at sa 25 mga mananamba sa araw. Ang mga ito at ang mga iba pang hindi nagtapat sa Diyos ay pinatay ng mga Babiloniko noong 607 B.C.E.
18. (a) Sino ang modernong-panahong ‘lalaking nakadamit-lino’? (b) Ano ba ang “tanda,” sino ang mayroong tanda ngayon, at ano ang magiging resulta ng pagkakaroon ng tanda?
18 Ang antitipikong ‘lalaking nakadamit-lino’ ay yaong uring pinahirang mga Kristiyano. Sila’y nagbabahay-bahay upang lagyan ng simbolikong tanda yaong mga taong nagiging bahagi ng “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Kristo. Ang “tanda” ay ebidensiya na ang gayong mga tupa ay nag-alay, bautismadong mga indibiduwal na may tulad-Kristong personalidad. Sila’y ‘nagbubuntong-hininga at nagsisidaing dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay’ na ginagawa sa Sangkakristiyanuhan, at sila’y nagsilabas sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:4, 5) Ang kanilang “tanda” ang magpapaunawa sa mga hukbong tagapuksa na inatasan ng Diyos na sila’y dapat na iligtas sa panahon ng “malaking kapighatian.” Sila’y makapananatiling may gayong “tanda” sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga pinahiran sa pagtatanda ng mga iba pa. Kaya, kung ikaw ay nalagyan na ng “tanda,” masigasig na makibahagi ka sa gawaing ‘pagtatanda.’—Ezekiel 9:8-11.
Nasa Unahan Na ang Maapoy na Pagpuksa!
19. Ano ang isinasabog sa buong Sangkakristiyanuhan ng modernong-panahong ‘lalaking nakadamit-lino’?
19 Ang lalaking nakadamit-lino ay naparoon sa pagitan ng mga gulong ng makalangit na karo upang kumuha ng mga baga ng apoy. Ang mga bagang ito ay inihagis sa ibabaw ng Jerusalem, anupa’t nagbibigay ng patiunang babala na ang pagkapuksa nito ay isang pagpapakita ng Diyos ng kaniyang nag-aapoy na poot. (Ezekiel 10:1-8; Panaghoy 2:2-4; 4:11) Noong kaarawan ni Ezekiel, ang galit ni Jehova ay ibinuhos sa pamamagitan ng mga Babiloniko. (2 Cronica 36:15-21; Jeremias 25:9-11) Subalit kumusta naman sa ating kaarawan? Ang antitipikong ‘lalaking nakadamit-lino’ ang nagsasabog ng maapoy na mensahe ng Diyos sa buong Sangkakristiyanuhan bilang babala na ang galit ng Diyos ay sa madaling panahon ibubuhos sa kaniya at sa natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila. Mangyari pa, yaong mga tumatangging makinig sa “bantay” ni Jehova ay hindi makaaasang makaliligtas.—Isaias 61:1, 2; Apocalipsis 18:8-10, 20.
20. (a) Paano tayo dapat maapektuhan ng pagkakaisang umiiral sa pagitan ng mga gulong ng makalangit na karo at ng mga kerubin? (b) Ano ang ginagawa ng ilang mga prinsipe, at sa ano maling inihalintulad nila ang Jerusalem?
20 Muling itinatawag-pansin ang makalangit na karo, ang makalangit na organisasyon ng Diyos. Yamang kapansin-pansin ang pagkakaisang umiiral sa pagitan ng gulong ng karo at ng mga kerubin, tayo ay dapat mapakilos na lubusang nakikipagtulungan sa makalupang organisasyon ng Diyos. Taglay ang katapatan, dapat ding maingatan natin ito buhat sa mga taong taksil. (Ezekiel 10:9-22) Mayroong gayong mga tao noong kaarawan ni Ezekiel, sapagkat kaniyang nakita ang 25 mga tagapamahalang prinsipe na sa tulong ng Ehipto ay nagpapakanang maghimagsik laban sa mga hukbong tagapuksa na inatasan ng Diyos. Kanilang inihalintulad ang Jerusalem sa isang kaldero, at sila ang mistulang karne na ligtas doon sa loob. Subalit anong laki ng kanilang pagkakamali! Ang “tabak” ng Babilonikong “mga tagaibang lupain” ang papatay ng ilan sa mga magkakasabwat, samantalang ang iba ay magiging mga bihag. Ito’y mangyayari sapagkat ang mga Judio ay itinuring ng Diyos na dapat managot sa pagsira sa kaniyang tipan. (Ezekiel 11:1-13; Exodo 19:1-8; 24:1-7; Jeremias 52:24-27) Dahilan sa inaangkin ng Sangkakristiyanuhan na siya’y nasa isang pakikipagtipan sa Diyos subalit sa makasanlibutang mga alyansa naman siya naglalagak ng tiwala, siya’y malilipol pagka sumalakay na ang mga hukbong inatasan ni Jehova na pumuksa.
21. Ano ang nangyari pagkatapos ng 70-taóng pagkagiba ng Juda, at anong nakakatulad na pangyayari ang may epekto sa pinahirang nalabi?
21 Bagaman ang mga Israelita ay ‘nangalat sa gitna ng mga bansa,’ tulad noong 617 B.C.E., ang Diyos ay “isang santuwaryo,” o kanlungan, para sa nagsising mga bihag. (Ezekiel 11:14-16) Subalit ano pa ang maaasahan? (Basahin ang Ezekiel 11:17-21.) Pagkatapos ng 70-taóng pagkagiba ng Juda, isang nalabi ang ibinalik sa nilinis na “lupain ng Israel.” Bilang paghahambing, pagkatapos ng pagkabihag sa Babilonya, ang pinahirang nalabi ay pinalaya noong 1919, at sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos, ang dating iláng na “lupain” ng espirituwal na Israel ay nilinis. Kaya naman, yaong nilagyan ng “tanda” para iligtas ay nagtatamasa ngayon ng lingap ng Diyos kasama ang ibinalik na nalabi ng espirituwal na Israel. At kung ikaw ay patuloy na makikinig sa “bantay” ng Diyos, baka makasali ka sa mga makaliligtas pagka hinugot na ni Jehova ang kaniyang tabak.
[Talababa]
a Sa ipinahihintulot ng panahon, ipapabasa ng konduktor ang italisadong mga teksto sa pag-aaral ng kongregasyon ng artikulong ito at ng dalawa na kasunod pa nito. Ang mga tampok sa Bibliya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay maaari ring kunin buhat sa mga artikulong ito sa kasalukuyang mga pag-aaral sa aklat ng Ezekiel.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit dapat makinig pagka nagsasalita ang “bantay” ni Jehova?
◻ Sa ano kumakatawan ang makalangit na karo ng Diyos?
◻ Sino ang nagsisilbing “bantay” ni Jehova sa ngayon?
◻ Anong mga gawang apostata ang nakita ni Ezekiel sa Jerusalem, at paano tayo dapat maapektuhan ng pangitaing ito?
◻ Sino ang modernong-panahong ‘lalaking nakadamit-lino,’ at ano ang “tanda” na kaniyang inilalagay sa mga noo?