Ang Katapatan sa Paglilingkod sa Diyos ng Katotohanan
“Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Jehova. Lalakad ako sa iyong katotohanan.”—AWIT 86:11.
1, 2. (a) Paano maipaghahalimbawa ang paglalaan ng Diyos ukol sa tao? (b) Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa obra maestra ng Diyos at sa kasamaan ng mga tao?
GUNIGUNIHIN mo na ikaw ay naglalakad sa isang malawak na disyerto, na doo’y walang anumang bagay na may buhay. Walang anu-ano’y sumapit ka sa isang magandang bahay. Ito’y air-conditioned at may pampainit, gripo at elektrisidad. Mayroon din itong refrigerator at mga paminggalan na punô ng pagkain. Sa pinaka-silong ay mayroong panggatong at maraming mga iba pang panustos. Sasabihin mo kaya na lahat na iyon ay napapunta lamang doon nang di-sinasadya? Ikaw ba ay pasasalamat kung ang may-ari ay nag-anyaya sa iyo na dumuon ka na sa bahay na iyon at tamasahin ang ligaya ng pamumuhay doon?
2 Bueno, ang kahanga-hangang lupang ito na pinamumuhayan natin ay kagayang-kagaya ng bahay na iyan. Malaon pa bago nilalang ang tao, inihanda na ng ating maibiging Diyos ang lupang ito upang maging ating tahanan at inilaan niya ang lahat ng kinakailangan upang magpaligaya sa atin. (Isaias 45:12, 18) Hindi baga dapat tayong magpasalamat sa magandang-loob na Tagapaglaang ito? Siya ang kumasi sa pagsulat ng mga salita sa Bibliya na nasa Hebreo 3:4: “Mangyari pa, ang bawat bahay ay may nagtayo, ngunit ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” Subalit ang totoong kahiya-hiya ay na ang obra maestra ng Diyos sa lupa ay sinisira at ipinapahamak ng mapag-imbot na mga tao.—Deuteronomio 32:3-5.
3. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kagandahang-loob ni Jehova ngayon at sa hinaharap?
3 Kahit na sa mga kaaway ng katotohanan, maaaring nasabi ni apostol Pablo tungkol sa Diyos: “Siya’y hindi nagpabaya kundi nagbigay-patotoo tungkol sa kaniyang sarili, na gumawa ng mabuti, at nagbigay sa inyo ng ulan galing sa langit at ng mga panahon ng sagana, na pinupunong lubusan ang inyong mga puso ng pagkain at ng katuwaan.” (Gawa 14:17) Di gayundin na pagpapalain ni Jehova yaong mga naglilingkod sa kaniya nang may katapatan! Bagaman ang mga kahirapan at mga pasanin sa “mga huling araw” na ito ay nagpapabigat sa atin, nariyan ang maningning na pag-asa na sa di na magtatagal na hinaharap ang Soberanong Panginoong Jehova ay tunay na maglalaan ng isang masaganang bangkete ng mabubuting bagay para sa mga umiibig sa kaniya, at papahirin ang luha sa lahat ng mukha.—2 Timoteo 3:1; Isaias 25:6-8.
Ang Kagila-gilalas na Isip ng Tao
4. (a) Anong suliranin ang napapaharap sa mga ilang siyentipiko sa computer? (b) Ano ang sinasabi ng Jeremias 33:2, 3 tungkol sa Maygawa ng utak ng tao?
4 Sa may marami nang mga taon, sinisikap ng mga siyentipiko na makagawa ng mga computer na aktuwal na nakapag-iisip. Subalit ngayon kanilang inaamin na sila ay barado na sa unang-unang hakbang pa lamang. Bakit nga? Bueno, kanilang inaamin na sila’y talo na dahilan sa kayarian ng mata ng tao. Kung hindi nila magaya ang mata, paano nila mapasisimulan ang utak, at paano nila malilikha ang abilidad ng isip? Anong laking kababalaghan nga ang utak ng tao! Tuwing segundo, isang daang milyong kapi-kapirasong impormasyon ang bumubuhos sa sangkap na ito upang salain, piliin, at gamitin sa matalinong pamumuhay. Ang pinakasopistikadong computer ay hindi maihahambing diyan bahagya man. Anong inam na patotoo sa nakahihigit na karunungan ng maibiging Diyos na gumawa sa atin! Ating maikagagalak na ang Maygawa at Nag-anyo sa atin, si Jehovang Diyos, ay nagsangkap sa atin ng talino at na nagagamit natin ang ating utak sa pagkatuto ng “dakila at di-malirip na mga bagay” na kaniyang isinisiwalat sa atin sa kaniyang takdang panahon at paraan.—Jeremias 33:2, 3.
5. (a) Anong himala ng paglaki ang sa mga tao lamang nangyayari? (b) Paanong angkop ang sinabi ni Elihu?
5 Ang himala ng utak ng tao ay nagsisimula sa bahay-bata, sapagkat ang mga selula ng utak ay nagsisimulang magkaanyo tatlong linggo lamang pagkatapos na maglihi ang ina. Ang mga selulang ito ay dumarami nang pabigla-bigla, kung minsan umaabot sa isang-kaapat ng isang milyong selula sa isang minuto. Pagkatapos maisilang, ang utak ng sanggol ay tatlong beses ang inilalaki sa unang taon, anupa’t ipinakikita nito na ito’y malayung-malayo sa utak ng anumang hayop, kasali na ang bakulaw. Hindi nagtatagal at ang lumalaking bata ay nakapagsasalita na ng mga wika, nakapangangatuwiran, nakakaunawa ng mabuti at masama at ng mga bagay na espirituwal. Paano ngang mangyayari na ang mga abilidad na ito ay magiging resulta ng ebolusyon ng ganid na mga hayop? Angkop ang sinabi ni Elihu tungkol sa ating Diyos at Dakilang Maylikha: “Siya ang Isang nagtuturo sa atin ng higit kaysa mga ganid na hayop sa lupa, at kaniyang ginagawa tayong pantas kaysa mga ibon sa himpapawid.”—Job 35:10, 11.
6. (a) Paano ipinaliliwanag ng Kasulatan ang kamangha-manghang pagkalalang sa tao? (b) Paano tayo uudyukan ng pag-ibig na gamitin ang ating bigay-Diyos na mga sangkap?
6 Ang kababalaghang ito, ang isip ng tao, ay kasuwato ng Genesis 1:27, na nagsasabi: “Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalaki at babae.” Hindi ba dapat nating ipagpasalamat na tayo’y nilalang ng Diyos nang ganiyan? Si David ay nagpasalamat. Kaniyang pinuri si Jehova, na ang sabi: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa.” (Awit 139:14) Hindi ba pinupuri natin ang ating Diyos sa kadahilanan ding iyan? Isa pa, magagamit natin ang ating bigay-Diyos na utak at katawan sa pagsagot sa hamon na iniharap ni Satanas sa ating Diyos. Ating mapaglilingkuran si Jehova bilang mga nag-iingat ng katapatan.—Kawikaan 27:11.
Humawak Nang Mahigpit sa Katotohanan
7, 8. (a) Anong pagkakaiba ang mapapansin sa pagitan ng katotohanan at ng teoriya? (b) Tungkol sa ebolusyon, ano ang sinasabi ng may kaalamang mga tao? (c) Bakit ang ebolusyon ay may kaugnayan sa pagiging mapaniwalain imbis na sa pananampalataya?
7 Ang katotohanan ay magtatagumpay! Tayong mga umiibig kay Jehova ay kailangang humawak nang mahigpit sa katotohanan samantalang ginagamit natin ang ating pag-iisip sa pagpili ng paglakad sa landas ng katapatan. Ang katotohanan tungkol sa paglalang ay nakatayong matatag. Ito ay matibay. Ito’y nagtagumpay na sa pagsubok sa loob ng libu-libong taon. Sa mahigit lamang na isang siglo, ang malaganap na kasinungalingang iyan, ang teoriya ng ebolusyon, ay nakahanda nang pumanaw. Ito’y hindi lamang opinyon namin. Ito ang kuru-kuro ng maraming malayang-isip na mga siyentipiko, abugado, mga mapagsuri, at iba pang mga taong may kaalaman. Tungkol sa hamon sa “mga prinsipyo ng ebolusyon, na itinatag ni Darwin at ng mga iba pa,” sinabi ng The New York Times bilang kabuuan ng bagay na iyan: “Nasa kaguluhan ang larangang iyan.” Isang matalisik na siyentipiko ang sumulat: “Inaamin namin na may nakatiwangwang na mga butas sa ebidensiya para sa ebolusyon. . . . Oo, ang ebolusyon ay isa lamang teoriya [o bungang-isip]. Kung gayon, ang paniniwala sa ebolusyon ay isang gawang pananampalataya.”
8 Subalit ang paniniwala ba sa ebolusyon ay talagang isang gawang pananampalataya? Bagkus, sasabihin natin na ito’y may kaugnayan sa pagiging mapaniwalain. Ang pananampalataya ay may matibay na saligan. Sang-ayon sa Hebreo 11:1 ito “ang malinaw na katunayan ng mga totohanang bagay.” Ang ebidensiya na nakasalig sa totohanang mga bagay ang ulat ng Bibliya at ito’y katotohanan, ay napakarami. (2 Timoteo 3:16, 17; Roma 15:4) Sa kabilang panig, mientras sinusuri ng mga ebolusyunista ang mga bagay-bagay, lalo silang nakakatuklas ng mga kontradiksiyon na sinisikap nilang ipagmatuwid sa mga mapaniwalain.
Mayroon nga Bang mga Taong Bakulaw?
9. Marami ba ang fossils o labí ng taong-bakulaw, at nasaan ang mga ito?
9 Sa 130 mga taon ng paghahanap ng mga fossil o labí ng missing link (nawawalang kadena) sa pagitan ng bakulaw at tao, ang mga ebolusyunista ay nakatuklas ng totoong iilan-ilan lamang na mga buto. Sang-ayon sa magasing Science Digest, “lahat ng pisikal na ebidensiya na mayroon tayo para sa ebolusyon ng tao ay maaaring isilid sa iisang kabaong, at may matitira pang bakanteng lugar!” Walang alinlangan, diyan nariyan ang umano’y ebidensiya—samantalang nakapako nang mahigpit ang takip ng kabaong!
10. Gaanong katotoo ang iginuhit ng mga pintor na taong-bakulaw?
10 Ang mga larawan sa magasin ng mga taong-bakulaw na ginagamit upang sumuhay sa teoriya ng ebolusyon ay wala kundi mga talsik ng guniguni, na iginuhit salig sa mga ilang maliliit na piraso ng isang bungo o isang buto ng panga. Halimbawa, sa pahina 1 ng The New York Times ng Agosto 16, 1985, iginuhit ng isang “pintor ang isang Amphipithecus, na ayon sa pagkaalam ay siyang unang-unang nakatataas na uri ng hayop . . . na pinagmulan ng mga tao sa pamamagitan ng ebolusyon,” at ipinakikita ang mabuhok na ulo at mga kamay niyaon. Saan ba nanggaling ito? Ganito ang sabi ng kalakip na artikulo: “Ang bahagi ng panga sa ibaba sa gawing likod . . . kasama na ang isang bahagi ng panga sa harap ay natuklasan kalahating siglo na ang nakaraan.” Subalit maaari kayang ang buong ulo, buhok at lahat na, ay maiguhit batay lamang sa dalawang nabanggit na mga piraso? Sinipi ng artikulong iyon ang isang antropologo sa Harvard University na nagsabing ang mga labíng ito ay isang “talsik ng liwanag sa malawak na kadiliman.” Subalit ito kaya’y talagang maitutumbas sa liwanag?
11. Paanong ang Isaias 59:15 ay maikakapit may kaugnayan sa umano’y mga taong-bakulaw?
11 Marahil ang tatawagin ng iba na isa pa sa gayong “talsik ng liwanag” ay ang bungô ng taong Piltdown. Dito napasentro ang mga pag-uusap tungkol sa ebolusyon sa loob ng mga 40 taon subalit ito’y nabunyag noong 1953 na isa lamang palang pinagsama-samang mga kapi-kapirasong buto, ng mga hayop at ng mga tao, at pinagtagpi-tagpi upang makalinlang! Ayon sa pananalita ni propeta Isaias, ganito ang masasabi tungkol sa mga taong-bakulaw na bungang-isip lamang: “Napatunayang wala ang katotohanan.”—Isaias 59:15.
Natutupad ang Inihula
12. Anong kasuklam-suklam na mga bagay ang nakita ni Ezekiel?
12 Ang likong Sangkakristiyanuhan ngayon ay inilalarawan ng di-tapat na Jerusalem noong sinaunang panahon. Noong taóng 612 B.C.E. ang Soberanong Panginoong Jehova ay nagbigay kay Ezekiel ng pangitain na kung saan ang Kaniyang propeta ay kinuha Niya sa Babilonya at inilipat sa Jerusalem. Doon, sa looban ng templo, si Ezekiel ay nakakita ng isang kasuklam-suklam na simbolo ng idolatriya. Pagkatapos ay pinangyari ni Jehova na siya’y bumutas at palakihin ang butas sa pader. Pagkatapos ay sinabi niya kay Ezekiel: “Ikaw ay pumasok at tingnan mo ang mga masasamang kasuklam-suklam na kanilang ginagawa rito.” Ano ang kaniyang nakita? Aba, sa mga panloob na silid ng bahay ng pagsamba kay Jehova, “naroon ang bawat anyo ng nagsisiusad na mga bagay at kasuklam-suklam na mga hayop, at lahat ng mga nakapandidiring idolo ng sambahayan ng Israel, na nakaguhit sa pader sa buong palibot.”—Ezekiel 8:1, 7-10.
13. (a) Anong katulad na kalagayan ang umiiral sa Sangkakristiyanuhan ngayon? (b) Ano ang pangmalas ni Jesus sa ulat ng Bibliya ng paglalang?
13 Katumbas ng pangitaing ito, makikita natin ang isang nakagigitlang kalagayan sa gitna ng klero ng Sangkakristiyanuhan ngayon. Sa kalakhang bahagi, ang “taong tampalasan” na ito ay nagtakwil sa ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang. (2 Tesalonica 2:3) O, tulad ng mga apostata noong kaarawan ni Ezekiel, sinisikap ng klero na itugma sa Bibliya ang ebolusyon, at sinasabi nila na ang mga unang kabanata ng Genesis ay alamat o talinghaga. Kanilang itinatakwil ang siyentipikong katotohanan na ang pinakasimpleng paliwanag ang malimit na totoo, kaya kanilang sinasabi na isang kamusmusan para sa kanila na maniwala sa ulat na iyan ng Bibliya. Dahilan sa kanilang mapagmataas na mga kaisipan ang ibig nila’y isang bagay na higit na masalimuot at mahirap na intindihin. Sila’y nagmamataas upang mataasan pa si Jesu-Kristo, na tumukoy sa literal na ulat ng Genesis bilang “katotohanan.”—Juan 17:17; Mateo 19:4-6.
14. Paanong ang mga “matatanda” ngayon ay hindi nangunguna sa kanilang mga kawan, at ano ang magiging resulta?
14 Sa kaniyang pangitain, nakakita si Ezekiel ng “pitumpong lalaki sa mga matatanda sa sambahayan ng Israel” na sumasamba sa harap ng mga larawang iyon na kumakatawan sa “umuusad na mga bagay at kasuklam-suklam na mga hayop.” (Ezekiel 8:10, 11) Ito’y katulad ng modernong-panahong mga klerigong iyon na hayagang nagsasabi na ang tao ay resulta ng ebolusyon at galing sa gayong mga hayop! Ang “mga matatanda” na ito ay dapat sanang nangunguna sa kanilang mga kawan sa daan ng katotohanan ngunit hindi baga ang binanggit ni Jesus sa Mateo 15:14 ay kumakapit sa kanila? Sinabi ni Jesus: “Sila’y mga bulag na tagaakay. Kaya, kung bulag ang umakay sa bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.” Masusumpungan nila ang gayong hukay sa “malaganap na kadiliman” na kung saan kakapa-kapa ang mga ebolusyunista.
15. Paanong ang mga klerigong nagtataguyod ng ebolusyon ay nagpapatunay pa rin na sila’y bahagi ng “taong tampalasan”?
15 Pagkatapos ay tinanong ni Jehova si Ezekiel: “Nakita mo baga, Oh anak ng tao, kung ano ang ginagawa sa kadiliman ng matatanda ng sambahayan ni Israel, bawat isa sa kaniyang panloob na mga silid na nilagyan ng mga larawan? Sapagkat kanilang sinasabi, ‘Hindi tayo nakikita ni Jehova. Pinabayaan na ni Jehova ang lupain.’” (Ezekiel 8:12) Ang mga klerigong sumasang-ayon sa ganiyang mga pilosopya ng tao ay patotoo rin na sila’y bahagi ng “taong tampalasan.” Kanilang itinatakwil ang kautusan ng Diyos, at kasali rito ang aklat ng Genesis. (Gawa 7:53) Kanilang inaakay ang kanilang mga kawan sa kadiliman ng makasanlibutang mga kaisipan, na ang isang halimbawa nito ay ang walang patotoo at di napatutunayang teoriya ng ebolusyon. Kanilang “inibig ang kadiliman imbis na ang liwanag” ng katotohanan.—Juan 3:19.
16. Anong pagkakahawig ang mapapansin sa pagitan ng mga “matatanda” noong kaarawan ni Ezekiel at ng marami sa mga klerigo ngayon?
16 Kung paano ang kanilang huwad na pagsamba ay dinala ng matatanda sa mga Judio sa templo sa Jerusalem, ang mga pinuno ng huwad na relihiyon ngayon ay nagsisikap din na kumapit sa tatak na “Kristiyano.” Subalit ang paniniwala sa ebolusyon ay hindi Kristiyano. Dahil sa paniniwala sa teoriyang ito marami ang tumalikod sa Diyos. Ito’y may malaking bahagi sa pagkamakasarili, karahasan, at terorismo na umiiral sa ating ika-20 siglong ito, at ang mga bansa at isahang mga tao ay nagtataguyod sa kasabihan ng ebolusyunista na “matira ang pinakamatibay.” Itinuro ng ebolusyon na ang tao ay walang pananagutan sa isang Maylikha. (Roma 9:28) Kaya naman ang mga tao ay naniniwala na libre silang ‘gawin ang bawat magustuhan nila’ nang hindi iniisip bahagya man ang Diyos.
17. Sa papaanong ang mga klerigong nagtataguyod ng ebolusyon ay nahulog sa napakalaking pagkakamali?
17 Ang mga pinunong relihiyoso na naniniwala sa ebolusyon ay nagsasabi, sa katunayan nga: “Hindi tayo nakikita ni Jehova. Pinabayaan na ni Jehova ang lupain.” Dahilan sa pagsunod sa pilosopyang ito, hindi nila inaakalang sila’y may pananagutan sa kaniya. Oo, ang kanilang kuru-kuro tungkol sa Diyos ay pinalalabo ng kanilang paniniwala sa isang mahiwaga, di-maipaliliwanag na Trinidad ng mga diyos. Kasuwato ng ganitong pangmalas, ibig nilang tuluyang alisin ang mismong pangalan ng kaisa-isang tunay na Diyos, si Jehova, at huwag banggitin bahagya man ang pangalan at buong ingat na inalis nila ito sa kanilang mga salin ng Bibliya. Sila’y natatakot na sumalungat sa popular na makasanlibutang aral ng ebolusyon.
18. Anong pagsusulit ang naghihintay sa teoriya ng ebolusyon at sa mga tumatangkilik dito?
18 Angkop naman, sinasabi ni Jehova sa pamamagitan ng isa pang propeta: “Yamang ang bayang ito ay lumalapit sa akin ng kanilang bibig, at kanilang pinapupurihan ako ng mga labí lamang nila, at kanilang inilalayo sa akin ang kanilang puso, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na itinuturo, kaya narito ako, ang Siyang gagawa na naman ng kagila-gilalas sa bayang ito, sa kagila-gilalas na paraan at ng bagay na kagila-gilalas; ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga matatalino ay mapaparam.” (Isaias 29:13, 14) Pagkalapit-lapit na, ang lumalapastangan sa Diyos na teoriya ng ebolusyon at yaong nagpapanggap na “mga Kristiyano” na sumusunod dito ay magsusulit sa araw ng nagniningas na galit ni Jehova.—Zefanias 3:8.
Paglilingkod Alang-alang sa Katotohanan
19. (a) Bakit marami ang naniniwala sa ebolusyon? (b) Sa anong kagalakan maaaring makibahagi ngayon ang mga taong maaamo?
19 Tunay na ito’y isang balakyot na daigdig! Ang huwad na relihiyon at ang matayog na kaisipan ng mga siyentipiko ay isa na sa masisisi mo rito. Dahilan sa mga kabalighuan sa mga turo ng “taong tampalasan,” ang klero ng Sangkakristiyanuhan, marami ang nagtatakwil sa relihiyon. Ang iba sa mga ito ay nag-uukyabit sa ebolusyon, kung paanong ang isang taong malulunod ay nag-uukyabit sa dayami. Ang iba’y kumapit sa aral ng ebolusyon dahilan sa di pagkilala nito sa Diyos at sa gayo’y para ngang inaalisan sila ng pananagutan sa isang Diyos na Maylikha. (Ihambing ang Roma 1:21-23.) Subalit ang mapagpakumbaba, maaamong mga tao ay nangagagalak ngayon na makilala ang Soberanong Panginoong Jehova, ang nagpupunong Haring si Jesu-Kristo, at ang mga layunin ng Kaharian ng Diyos na hindi na magtatagal at magkakaroon ng isang maluwalhating katuparan.—Roma 16:20; 1 Corinto 15:25, 26.
20. (a) Anong dakilang pangako ang ngayon pa ay natutupad na? (b) Paano ito napatunayan noong 1985? (c) Paano ka makapagpapakita ng katapatan sa paglilingkod sa Diyos ng katotohanan?
20 Anong ligaya natin, bilang mga Saksi ni Jehova, na magkaisa-isa sa buong lupa sa masigasig na pagbabalita ng katotohanan! Ang espiritu ng Diyos ang nagpapakilos nang puspusan sa kaniyang organisasyon, kaya’t nakikita natin ngayon pa ang katuparan ng pangako: “Ang lupa ay mapupunô nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:9) Dahilan sa pambuong-daigdig na pagpapatotoo ng bayan ni Jehova noong 1985 nakapamahagi sa larangan ng 339,351,170 mga Bibliya at mga publikasyon na nagpapaliwanag ng Bibliya, sa mahigit na 200 mga wika. Naging pribilehiyo ng mahigit na tatlong milyon sa atin na makibahagi sa dakilang pangglobong pangangaral na ito, “sa madla at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Harinawang tayo’y patuloy na saganang pagpalain ni Jehova habang tayo’y nagsisikap na manatiling tapat sa paglilingkod sa Diyos ng katotohanan.
Ano ang Komento Ninyo?
◻ Anong kababalaghan sa utak ng tao ang nagpapatunay na ito’y may sakdal na Maylikha?
◻ Bakit maling sabihin na ang paniniwala sa ebolusyon ay isang gawang pananampalataya?
◻ Mayroong gaanong ebidensiya na talagang umiral ang mga taong-bakulaw?
◻ Paano maikakapit sa ilang mga pinunong relihiyoso ngayon ang Ezekiel 8:7-12?
◻ Ano ang resulta ng tapat na paglilingkod sa Diyos ng katotohanan?
[Kahon sa pahina 21]
Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?
Ang aklat na may ganiyang titulo ay inilabas noong 1985 at 1986 sa marami sa “Nag-iingat ng Katapatan” na mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa. Ngayon ay nakalathala na ito sa sumusunod na mga wika: Aleman, Danes, Hapones, Ingles, Intsik. Italyano, Kastila, Olandes, Pinlandes, Portuges, at Pranses.
[Larawan sa pahina 19]
Dapat bang iguhit ng mga pintor ang mga taong-bakulaw batay lamang sa mga ilang piraso ng buto?
[Larawan sa pahina 20]
Ang ‘lupa ay pinunô’ ng mga Saksi ni Jehova ng kaalaman ni Jehova