Ikalabintatlong Kabanata
Isang Malaking Pulutong sa Harap ng Trono ni Jehova
1. (a) Bago tanggapin ng 144,000 o ng mga lingkod ng Diyos bago ang panahong Kristiyano ang kanilang gantimpala, ano muna ang kailangang maranasan nila? (b) Ano ang magiging posible para sa “isang malaking pulutong” na nabubuhay sa panahong ito?
GINAWANG pangunahin sa buhay ng tapat na mga lingkod ng Diyos mula kay Abel hanggang kay Juan na Tagapagbautismo ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Gayunman, silang lahat ay namatay na naghihintay ng kanilang pagkabuhay-muli tungo sa buhay sa lupa sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ang 144,000, na mamamahalang kasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian ng Diyos, ay kailangan ding mamatay bago nila matanggap ang kanilang gantimpala. Gayunman, ipinakikita ng Apocalipsis 7:9 na sa mga huling araw na ito, magkakaroon ng “isang malaking pulutong” mula sa lahat ng bansa na hindi makararanas ng kamatayan kundi magkakaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Kabilang ka ba sa kanila?
Pagkilala sa Malaking Pulutong
2. Ano ang umakay sa malinaw na pagkaunawa sa pagkakakilanlan ng malaking pulutong ng Apocalipsis 7:9?
2 Noong 1923, naunawaan ng mga lingkod ni Jehova na “ang mga tupa” sa talinghaga ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 25:31-46 at ang “ibang mga tupa” na tinukoy niya gaya ng nakaulat sa Juan 10:16 ay mga tao na magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupa. Noong 1931, yaong mga inilarawan sa Ezekiel 9:1-11 na minamarkahan sa kanilang mga noo ay naunawaan din bilang yaong mga may makalupang pag-asa. Pagkatapos noong 1935, nalaman na ang malaking pulutong ay bahagi ng uring ibang mga tupa na binanggit ni Jesus. Sa ngayon, ang sinang-ayunang malaking pulutong na ito ay may bilang na milyun-milyon.
3. Bakit ang pananalitang “nakatayo sa harap ng trono” ay hindi tumutukoy sa isang uring makalangit?
3 Sa Apocalipsis 7:9, ang malaking pulutong ay hindi nakikita na nasa langit. Ang kanilang pagiging “nakatayo sa harap ng trono” ng Diyos ay hindi nangangailangan na sila ay nasa langit. Sila ay natatanaw lamang ng Diyos. (Awit 11:4) Makikita ang katotohanan na ang malaking pulutong, “na hindi mabilang ng sinumang tao,” ay hindi isang uring makalangit kung ihahambing ang walang-takdang bilang nito sa nakasulat sa Apocalipsis 7:4-8 at Apocalipsis 14:1-4. Doon isinisiwalat na 144,000 ang bilang ng mga kinuha mula sa lupa tungo sa langit.
4. (a) Ano ang “malaking kapighatian” na doo’y makaliligtas ang malaking pulutong? (b) Gaya ng nakasaad sa Apocalipsis 7:11, 12, sino ang nagmamasid sa malaking pulutong at nakikibahagi sa kanila sa pagsamba?
4 Sinasabi ng Apocalipsis 7:14 tungkol sa malaking pulutong: “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian.” Makaliligtas sila sa pinakamalubhang kabagabagan na naranasan kailanman sa kasaysayan ng tao. (Mateo 24:21) Kapag may-pagpapasalamat nilang iniukol ang kanilang kaligtasan sa Diyos at kay Kristo, kung gayon ang lahat ng tapat na nilalang sa langit ay makikiisa sa kanila sa pagsasabing: “Amen! Ang pagpapala at ang kaluwalhatian at ang karunungan at ang pasasalamat at ang karangalan at ang kapangyarihan at ang lakas ay sumaating Diyos magpakailan-kailanman. Amen.”—Apocalipsis 7:11, 12.
Pagpapatunay na Karapat-dapat
5. Paano natin matitiyak kung ano ang kahilingan upang maging bahagi ng malaking pulutong?
5 Ang pagliligtas sa malaking pulutong mula sa malaking kapighatian ay magaganap kasuwato ng matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Ang pagkakakilanlang mga katangian niyaong mga ililigtas ay maliwanag na tinalakay sa Bibliya. Kaya naman, posible para sa mga umiibig sa katuwiran na kumilos ngayon taglay ang tunguhin na mapatunayang karapat-dapat sa kaligtasan. Ano ang dapat nilang gawin?
6. Bakit wastong maitutulad ang malaking pulutong sa mga tupa?
6 Ang mga tupa ay mahinahong-loob at mapagpasakop. Kaya nang sabihin ni Jesus na mayroon siyang ibang mga tupa na hindi kabilang sa uring makalangit, ang tinutukoy niya ay yaong mga tao na hindi lamang nagnanais mabuhay magpakailanman sa lupa kundi nagpapasakop din naman sa kaniyang mga turo. “Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin,” ang sabi niya. (Juan 10:16, 27) Ito ang mga tao na talagang nakikinig at masunuring gumagawa ng sinasabi ni Jesus, anupat nagiging mga alagad niya.
7. Anong mga katangian ang kailangang linangin ng mga tagasunod ni Jesus?
7 Anong iba pang mga katangian ang kailangang linangin ng bawat isa sa mga tagasunod na ito ni Jesus? Sumasagot ang Salita ng Diyos: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi at . . . magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:22-24) Nililinang nila ang mga katangian na nagpapatibay sa pagkakaisa ng mga lingkod ng Diyos—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”—Galacia 5:22, 23.
8. Ano ang haharapin ng malaking pulutong habang sinusuportahan nila ang mga nalabi?
8 Sinusuportahan ng malaking pulutong ang maliit na bilang ng mga may makalangit na pag-asa, na nangunguna sa gawaing pangangaral. (Mateo 24:14; 25:40) Ibinibigay ng ibang mga tupa ang suportang ito, bagaman alam nila na mapapaharap sila sa pagsalansang sapagkat sa pasimula ng mga huling araw na ito, pinalayas ni Kristo Jesus at ng kaniyang mga anghel si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa langit. Nangangahulugan ito ng ‘kaabahan sa lupa . . . sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.’ (Apocalipsis 12:7-12) Dahil dito, pinatitindi ni Satanas ang pagsalansang sa mga lingkod ng Diyos habang papalapit na ang katapusan ng sistemang ito.
9. Gaano katagumpay ang mga lingkod ng Diyos sa pangangaral ng mabuting balita, at bakit?
9 Sa kabila ng malupit na pag-uusig, patuloy na sumusulong ang gawaing pangangaral. Mula sa iilang libo lamang na mga tagapangaral ng Kaharian noong katapusan ng Digmaang Pandaigdig I, mayroon na ngayong milyun-milyon, sapagkat ipinangako ni Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” (Isaias 54:17) Maging ang isang miyembro ng mataas na hukuman ng mga Judio ay kumilala na hindi maigugupo ang gawain ng Diyos. Sinabi niya sa mga Pariseo noong unang siglo may kaugnayan sa mga alagad: “Pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawaing ito ay mula sa mga tao, ito ay maibabagsak; ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak;) sa halip, baka masumpungan pa kayong lumalaban mismo sa Diyos.”—Gawa 5:38, 39.
10. (a) Ano ang kahulugan ng “marka” niyaong mga kabilang sa malaking pulutong? (b) Paano sinusunod ng mga lingkod ng Diyos ang “tinig mula sa langit”?
10 Ang mga kabilang sa malaking pulutong ay inilalarawan bilang mga minarkahan ukol sa kaligtasan. (Ezekiel 9:4-6) Ang “marka” ay katibayan na nakaalay sila kay Jehova, nabautismuhan bilang mga alagad ni Jesus, at nagsisikap na malinang ang tulad-Kristong personalidad. Sinusunod nila ang “tinig mula sa langit” na nagsasabi may kaugnayan sa pambuong-daigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”—Apocalipsis 18:1-5.
11. Sa anong mahalagang paraan ipinakikita niyaong mga kabilang sa malaking pulutong na sila ay mga lingkod ni Jehova?
11 Gayundin, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Kabaligtaran nito, nagpapatayan naman sa digmaan ang mga miyembro ng mga relihiyon sa daigdig na ito, na kadalasan ay dahil lamang sa magkaiba ang kanilang nasyonalidad! Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa bagay na ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa paggawa ng katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos, ni siya man na hindi umiibig sa kaniyang kapatid. . . . Dapat tayong magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa; hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid.”—1 Juan 3:10-12.
12. Sa malaking kapighatian, ano ang gagawin ni Jehova sa relihiyosong ‘mga punungkahoy’ na nagluluwal ng walang-kabuluhang mga bunga?
12 Ipinahayag ni Jesus: “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga; ang mabuting punungkahoy ay hindi makapamumunga ng walang-kabuluhang bunga, ni ang bulok na punungkahoy man ay makapagluluwal ng mainam na bunga. Bawat punungkahoy na hindi nagluluwal ng mainam na bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy. Kung gayon nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.” (Mateo 7:17-20) Ang mga bunga na iniluluwal ng mga relihiyon ng daigdig na ito ay nagpapakilala sa kanila bilang bulok na ‘mga punungkahoy,’ na malapit nang lipulin ni Jehova sa malaking kapighatian.—Apocalipsis 17:16.
13. Paano ipinakikita ng malaking pulutong na sila ay nagkakaisang “nakatayo sa harap ng trono” ni Jehova?
13 Itinatawag-pansin ng Apocalipsis 7:9-15 ang mga salik na umaakay sa kaligtasan ng malaking pulutong. Sila ay ipinakikita na nagkakaisang “nakatayo sa harap ng trono” ni Jehova, na nagtataguyod ng kaniyang pansansinukob na soberanya. “Nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero,” na nagpapakitang kinikilala nila ang nagbabayad-salang hain ni Jesus. (Juan 1:29) Inialay nila ang kanilang sarili sa Diyos at sinagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Kaya nagtatamasa sila ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos, na inilalarawan ng puting mahahabang damit, at nag-uukol sa kaniya ng “sagradong paglilingkod araw at gabi.” May mga paraan ba na maiaayon mo pa nang lubusan ang iyong buhay sa inilalarawan dito?
Mga Kapakinabangan Ngayon
14. Ano ang ilan sa namumukod-tanging mga kapakinabangan na nararanasan na ngayon ng mga lingkod ni Jehova?
14 Malamang na napapansin mo ang namumukod-tanging mga kapakinabangang nararanasan na ngayon ng mga naglilingkod kay Jehova. Bilang halimbawa, nang malaman mo ang tungkol sa matuwid na mga layunin ni Jehova, naunawaan mo na may magandang pag-asa para sa hinaharap. Kaya ngayon ay mayroon ka nang tunay na layunin sa buhay—ang paglingkuran ang tunay na Diyos taglay ang nakagagalak na pag-asa na walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Oo, ang Haring Jesu-Kristo ang “aakay sa [malaking pulutong] sa mga bukal ng mga tubig ng buhay.”—Apocalipsis 7:17.
15. Paano nakikinabang ang mga Saksi ni Jehova sa panghahawakan sa mga simulain ng Bibliya hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa pulitika at moral?
15 Ang isang kamangha-manghang kapakinabangan na tinatamasa ng malaking pulutong ay ang pag-ibig, pagkakaisa, at pagkakasuwato na masusumpungan sa gitna ng mga lingkod ni Jehova sa buong daigdig. Yamang tayong lahat ay kumakain ng iisang espirituwal na pagkain, tayong lahat ay sumusunod sa iisang kalipunan ng mga kautusan at mga simulain na masusumpungan sa Salita ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo nagkakabaha-bahagi dahil sa pulitikal o pambansang mga ideolohiya. Gayundin naman, nanghahawakan tayo sa matataas na pamantayang moral na hinihiling ng Diyos sa kaniyang bayan. (1 Corinto 6:9-11) Kaya naman, sa halip na danasin ang alitan, pagkakabaha-bahagi, at imoralidad na laganap sa sanlibutan, tinatamasa ng bayan ni Jehova ang matatawag na espirituwal na paraiso. Pansinin kung paano ito inilalarawan sa Isaias 65:13, 14.
16. Sa kabila ng mga problema na karaniwan sa buhay, anong pag-asa ang taglay niyaong mga kabilang sa malaking pulutong?
16 Hindi, ang mga taong lingkod ni Jehova ay hindi mga sakdal. At sila ay naaapektuhan ng mga problema na karaniwan sa buhay sa sanlibutang ito, gaya ng pagdanas ng mga kahirapan o pagiging mga inosenteng biktima ng mga digmaan ng mga bansa. Napapaharap din sila sa sakit, pagdurusa, at kamatayan. Ngunit nananalig sila na sa bagong sanlibutan, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.
17. Anuman ang mangyari sa atin ngayon, anong kamangha-manghang kinabukasan ang naghihintay para sa mga sumasamba sa tunay na Diyos?
17 Kahit na maiwala mo ang iyong buhay sa ngayon dahil sa katandaan, sakit, aksidente, o pag-uusig, bubuhayin kang muli ni Jehova tungo sa buhay sa Paraiso. (Gawa 24:15) Kung magkagayon ay patuloy mong tatamasahin ang isang espirituwal na piging sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Ang iyong pag-ibig sa Diyos ay sisidhi habang nakikita mo ang maluwalhating katuparan ng kaniyang mga layunin. At ang pisikal na mga pagpapala na ibibigay roon ni Jehova ay higit pang magpapasidhi sa iyong pag-ibig sa kaniya. (Isaias 25:6-9) Isa ngang kamangha-manghang kinabukasan ang naghihintay para sa bayan ng Diyos!
Talakayin Bilang Repaso
• Sa anong pambihirang pangyayari iniuugnay ng Bibliya ang malaking pulutong?
• Kung talagang nais nating mapabilang sa malaking pulutong na iyon na sinang-ayunan ng Diyos, ano ang dapat nating gawin ngayon?
• Gaano kahalaga sa iyo ang mga pagpapalang tinatamasa ngayon at tatamasahin pa ng malaking pulutong sa bagong sanlibutan ng Diyos?
[Larawan sa pahina 123]
Nagkakaisang sumasamba sa tunay na Diyos ang milyun-milyong kabilang sa malaking pulutong