Si Jehova ay Nagbubunot Na ng Kaniyang Tabak sa Kaluban!
“Malalaman ng lahat ng tao na ako sa ganang sarili ko, si Jehova, ang bumunot ng aking tabak sa kaluban.”—EZEKIEL 21:5.
1. Laban kanino sa Juda at Israel ginamit ni Jehova ang kaniyang tabak?
ANG tabak ni Jehova ay matuwid na gumigising ng pangingilabot sa kaniyang mga kaaway. Subalit nang kaniyang gamitin ito laban sa mga manggagawa ng kasamaan sa mga kaharian ng Juda at Israel, nalaman ba nilang talaga kung ano ang nangyayari? Oo, ipinaalam sa kanila na binunot na ni Jehova ang kaniyang simbolikong tabak buhat sa kaluban.—Ezra 9:6-9; Nehemias 1:8; 9:26-30.
2. Ano ang sinabi ni Jehova tungkol sa kaniyang “tabak,” na nagbabangon ng anong mga tanong?
2 Sa pamamagitan ng kaniyang propeta at bantay na si Ezekiel, sinabi ng Diyos: “Malalaman ng lahat ng tao na ako sa ganang sarili ko, si Jehova, ang bumunot ng aking tabak sa kaluban.” (Ezekiel 21:5) Ang mga salita bang iyon ay kapit lamang noong sinaunang panahon? O ito ba’y may kahulugan para sa atin?
Mga Hula Tungkol sa Kahatulan sa Jerusalem
3. Ano ang sinabi ni Ezekiel sa mga napatapon na nasa Babilonya, at ito’y may anong kahalintulad sa modernong-panahon?
3 Ang karo ni Jehova ay muling kumilos, at ang kinaroroonan ni Ezekiel ay nabago. Para bagang ang tulad-karong makalangit na organisasyon ng Diyos ay lumipat sa isang dakong obserbahan sa ibabaw ng Bundok ng Olivo. Mula roon ay humula si Jesus tungkol sa pagkapuksa na sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E., isang pagkawasak na nagsisilbing isang hula tungkol sa kawakasan ng Sangkakristiyanuhan. (Marcos 13:1-20) Sa pangitain, si Ezekiel mismo ay kinuha buhat sa ilog Chebar, subalit sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos ay ibinalik siya ngayon sa kaniyang bahay na pinagtapunan sa kaniya sa Babilonya. Doon ay sinabi niya sa mga ibang bihag ‘ang lahat na pinapangyari ni Jehova na makita niya.’ Sa katulad na paraan, ang pinahirang “bantay” na hinirang ng Diyos at pati kasamahang mga saksi sa ngayon ay naghahayag ng lahat ng isiniwalat sa kanila ng Sakay ng makalangit na karo.—Ezekiel 11:22-25.
4. Paano tumugon ang mga bihag na Judio sa simbolikong mga kilos ni Ezekiel?
4 Sa pamamagitan ng simbolikong mga kilos, ipinakita ni Ezekiel sa mga bihag na Judio na napipinto noon ang pambansang kapahamakan. (Basahin ang Ezekiel 12:1-7.) Ang propeta ay may bitbit na “dala-dalahan sa pagkapatapon” upang tumukoy sa mga ilang bagay-bagay na nangyaring napasan ng mga bihag sa kanilang balikat. Hindi na magluluwat at iiral ang kakilabutan sa nakubkob na Jerusalem. Bagama’t marami ang hindi dibdibang nakinig sa gayong mga babala, ganito ang sasabihin ni Ezekiel sa mga tao: “Wala nang pagpapaliban pa ngayon.” Sa ngayon din naman ay hinahamak ang maka-Diyos na mga babala at mga hula, subalit malaki ang magagawa natin upang matulungan ang mga humahanap ng katotohanan upang magtiwala sa katuparan ng mga ito.—Ezekiel 12:8-28.
5. Yamang “ang araw ni Jehova” ay napipinto na noon, anong panunuligsa ang nararapat?
5 Yaong mga hindi nakikinig sa bantay na inatasan ni Jehova ay kailangang makaalam na kanilang madarama ang “tabak” ng Diyos. Samakatuwid, yaong mga may pananagutan tungkol sa mga maling akala sa katiwasayan ng Jerusalem at Juda ay tinuligsa. Ang mga bulaang propeta ay inihalintulad sa namiminsalang mga sora, at ipinakita na pinapuputi ng mga sinungaling na tao ang gumigiray-giray na mga pader, o walang kabuluhang mga proyekto, ng bayan. Ang mga bulaang propetisa ay tinuligsa rin. “Ang araw ni Jehova” ay napipinto na, at ang kaniyang mukha ay laban sa mga ‘nagsisialis sa kaniya,’ samakatuwid baga ‘nag-aalay ng kanilang sarili sa paglayo at di pagsunod sa Diyos.’ Kung tayo ay nag-alay kay Jehova, tiyak na hindi natin nanaisin kailanman na umurong sa banal na paglilingkod sa kaniya.—Ezekiel 13:1–14:11.
6. Maililigtas ba ng sinumang tao ang masuwaying mga tao ng Juda, at ano ang itinuturo nito sa atin?
6 Sino kaya ang makapagliligtas sa masuwaying mga tao ng Juda? Kahit na ang matuwid na si Noe, si Daniel, at si Job ay hindi makapagliligtas sa kanila kapag igagawad na ng Diyos ang kaniyang mga kahatulan sa lupain. Kung ibig nating magtamo ng kaligtasan, kung gayon, kailangang balikatin natin ang ating personal na pananagutan sa harap ng Diyos at gawin ang kaniyang kalooban.—Ezekiel 14:12-23; Roma 14:12.
7. Sa ano inihalintulad ang Juda, subalit ano ang itatatag ng Diyos sa mga tapat?
7 Dahilan sa kaniyang suwail na mga mamamayan, ang Juda ay inihalintulad sa isang ligaw na baging na hindi nagbunga ng mabuti at nababagay lamang na sunugin sa apoy. (Ezekiel 15:1-8) Siya’y inihalintulad din sa isang batang pulot na iniligtas ng Diyos buhat sa Ehipto at pinalaki hanggang sa maging isang ganap na babae. Siya’y kinuha ni Jehova at nagsilbing kaniyang asawa, subalit siya’y bumaling sa mga diyus-diyosan at magdaranas ng pagkapuksa dahilan sa kaniyang espirituwal na pangangalunya. Subalit, sa mga tapat ang Diyos ay ‘magtatatag ng isang walang-hanggang tipan’—ang bagong tipan na may kaugnayan sa espirituwal na Israel.—Ezekiel 16:1-63; Jeremias 31:31-34; Galacia 6:16.
8. (a) Sa ano inihalintulad ang Babilonya at ang Ehipto? (b) Paano tayo dapat maapektuhan ng pagsira ni Zedekias ng kaniyang sumpa?
8 Pagkatapos, ang mga hari ng Babilonya at Ehipto ay inihalintulad sa malalaking agila. Kinuha ng isa ang dulo ng punong sedro sa pamamagitan ng pag-aalis kay Haring Jehoiachin at ang inihalili sa kaniya ay si Zedekias. Bagama’t si Zedekias ay nanumpa ng katapatan kay Nabucodonosor, sinira niya iyon, at humingi ng tulong sa hukbo ng hari ng Ehipto, yaong isa pang malaking agila. Kung si Zedekias ay nanumpa sa ngalan ng Diyos, ang pagsira roon ay nagdala ng upasala kay Jehova. Ang mismong kaisipan ng pagdadala ng upasala sa Diyos ay dapat pumigil sa atin sa hindi pagtupad ng ating salita. Tunay na malaking pribilehiyo para sa atin na magdala ng pangalan ng Diyos bilang mga Saksi ni Jehova!—Ezekiel 17:1-21.
9, 10. (a) Anong hula ang nasusulat sa Ezekiel 17:22-24, subalit ano ang kailangang gawin kung ibig nating makinabang sa katuparan nito? (b) Sino ang may pananagutan sa mga resulta ng ating asal?
9 Nakagagalak naman ang sumusunod na Mesianikong hula. (Basahin ang Ezekiel 17:22-24.) Dito, ang “supling” ay ang Mesianikong Hari, si Jesu-Kristo. Pagkatapos na itanim ni Jehova sa makalangit na Bundok Sion, siya’y magiging “maharlikang sedro,” na pagmumulan ng proteksiyon at pagpapala samantalang kaniyang pinaghaharian ang lupa. (Apocalipsis 14:1) Dito ay tunay na magagalak tayo.
10 Gayunman, kung ibig nating makinabang sa katuparan ng Mesianikong hula, kailangang manatili tayo sa mabuting relasyon kay Jehova. Maliwanag na inakala ng mga kasamahang bihag ni Ezekiel na sila’y may mainam na katayuan sa harap ng Diyos at kanilang sinisi ang kanilang mga ninuno dahil sa kanilang mga pagdurusa. Subalit binanggit ng propeta na bawat tao ay may pananagutan sa mga resulta ng kaniyang sariling asal. (Ezekiel 18:1-29; ihambing ang Jeremias 31:28-30.) Sumunod naman ang isang pananawagan. (Basahin ang Ezekiel 18:30-32.) Oo, si Jehova ay maawain sa nagsisisi at siya’y hindi nalulugod sa kamatayan ninuman. Kaya naman, sinasabi ng Diyos: ‘Kayo’y mangagbalik-loob at kayo’y patuloy na mabubuhay, Oh kayong mga tao.’—Ihambing ang 2 Pedro 3:9.
11. Sa ano inihalintulad ang mga hari ng Juda, at ano ang mangyayari sa kaniya pagka siya’y hinampas ng “tabak” ni Jehova?
11 Sa isang awitin ng pananambitan sa pagbagsak ng Juda, ang kaniyang mga tagapamahala ay inihambing sa mga batang leon. Si Haring Jehoahaz ay namatay sa Ehipto bilang isang bihag, si Jehoiakim naman ay nabihag ni Nabucodonosor, at si Jehoiachin ay ipinatapon sa Babilonya. Pagkatapos ay inilagay ni Nabucodonosor si Zedekias sa trono ng Juda, subalit siya’y naghimagsik. Sa katapus-tapusan, katulad ng isang leon na nakakulong sa hawla, si Zedekias ay dinalang bihag sa Babilonya. Bilang katuparan ng makahulang awiting pananambitan, noong 607 B.C.E., ang Juda ay naging isang baging na napahamak, “at nawalan ng matibay na tungkod, walang setro na ipagpupuno.” Siya’y hinampas ng “tabak” ni Jehova!—Ezekiel 19:1-14; Jeremias 39:1-7.
12. (a) Tulad ng kanilang mga ninuno, sa anong mga kasalanan nahulog ang mga kababayan ni Ezekiel? (b) Bakit nagtanong ang tao kung si Ezekiel baga ay hindi kumakatha ng mga kawikaan, at anong babala ang ibinibigay nito sa atin?
12 Nang lapitan si Ezekiel ng “matatandang lalaki ng Israel,” ang mensahe ng Diyos ang kaniyang sinalita. Kaniyang binanggit na bagama’t tinubos ni Jehova ang mga Israelita sa Ehipto at ibinigay sa kanila ang Kaniyang Kautusan, kanilang tinanggihan iyon at sila’y nahulog sa idolatriya. Yamang ang mga kababayan ni Ezekiel ay gumagawa ng ganoon ding mga kasalanan, sila’y hahatulan ng Diyos. Marahil taglay ang di paniniwala at hindi dahil sa hindi nila nauunawaan ang ibig sabihin ni Ezekiel, ang mga tao ay nagtanong: “Hindi baga siya kumakatha ng mga kawikaan?” Hindi magtatagal at kanilang malalaman na ang mensahe ng propeta ay hindi lamang kawikaan. Ito’y dapat na magbigay babala sa atin na hindi dapat magkaroon ng saloobin ng pag-aalinlangan tungkol sa katuparan ng mga babala buhat sa Kasulatan.—Ezekiel 20:1-49.
Si Jehova na Mandirigma
13. Sa ano tumutukoy ang “tabak” ng Diyos, at ano ang makikilala ng “lahat ng laman” pagka ang tabak na iyon ay ginamit na?
13 Noong ikapitong taon ng pagkapatapon (noong sumapit ang Ab 10, 611 B.C.E.), kulang pa ng dalawa at kalahating taon ang natitira bago “ang digmaan sa araw ni Jehova” ay magsisimula laban sa Juda at Jerusalem. (Ezekiel 13:5; 20:1) Pansinin ang noo’y sinabi ni Jehova na Mandirigma sa pamamagitan ni Ezekiel. (Basahin ang Ezekiel 21:1-5.) Ang “tabak” ng Diyos ay tumutukoy sa makalupang ahensiya na kaniyang gagamitin, subalit maaaring makasali rito ang kaniyang makalangit, tulad-karo na organisasyon. Ang “matuwid” at “balakyot” na mga mananahan ng Juda at Israel, gayundin ang mga bansang napopoot sa bayan ng Diyos, ay babagsak sa “tabak” ng Diyos. Oo, sa “lahat ng laman” ipakikilala na si Jehova ay nakikidigma laban sa kanila.
14. (a) Tulad ni Ezekiel, ano ang itinatawag-pansin ng mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang nagpapakita na ang mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan ay hindi makaiiwas sa “tabak” ng Diyos?
14 Tulad ni Ezekiel, ang pinahirang mga Saksi sa ngayon ay tumatawag ng pansin sa “tabak” na iaamba ng Diyos laban sa mga tagapagtaguyod ng Sangkakristiyanuhan, ang sakop ng antitipikong “lupain ng Israel.” Hindi na magluluwat at ang “tabak” na iyan ay madarama ng “lahat ng laman mula sa timog hanggang hilaga,” ng lahat ng mga namihasa sa pagsunod sa huwad na relihiyon. Ang mapaniguro-sa-sarili na mga tao noong kaarawan ni Ezekiel ay walang dahilan na magalak, na nag-iisip na ang “tabak” ni Jehova ay hindi ‘magsasaayos ng pagpatay’ laban sa kanila. Ang “tabak” na iyon ay tumanggi sa maharlikang setro ng kaharian ng Juda, gaya ng kung paano tinanggihan niyaon ang lahat ng iba pang “punungkahoy,” o setro. Tiyak, kung gayon, na ang mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan ay hindi makaiiwas sa mga tagapuksa na inatasan ng Diyos.—Ezekiel 21:6-17.
15. Anong pangyayari tungkol kay Nabucodonosor ang nagpapakita na walang makaiiwas sa “tabak” ni Jehova?
15 Ang hula ni Ezekiel ay nagpapatuloy ng pagpapakita na walang sinuman, kasali na ang mga demonyo, ang makaiiwas sa “tabak” ni Jehova. (Basahin ang Ezekiel 21:18-22.) Bagama’t si Haring Nabucodonosor ay gagamit ng demonikong panghuhula, pangyayarihin ni Jehova na ang hari ng Babilonya ay sumalakay sa Jerusalem, hindi laban sa mas mahinang Amonitang kabisera ng Rabbah. Buhat sa isang sisidlan ay pipili si Nabucodonosor ng isang pana na nakapuntirya sa Jerusalem. Siya’y gagamit ng teraphim (malamang, maliliit na mga idolo na anyong tao) at hahanap ng mga palatandaan sa atay ng isang pinatay na hayop. Gayunman, sa kabila ng panghuhula ay doon siya tutungo sa daan na patungo sa kabisera ng Juda at kukubkubin iyon. Totoo, si Nabucodonosor ay gumawa ng pakikipagtipan kay Haring Zedekias. Subalit dahilan sa kanilang pagsira ng sumpa, si Zedekias at ang ibang mga Judio ay “susunggaban sa kamay” at dadalhing bihag sa Babilonya.—Ezekiel 21:23, 24.
16. (a) Ano ang nangyari bilang katuparan ng Ezekiel 21:25-27? (b) Kailan nagsimula ang mga Panahong Gentil, at sa anong pangyayari nagwakas ito?
16 Dahil sa paghihimagsik, sinugatan ni Zedekias ang kaniyang sarili sa isang nakamamatay na paraan. (Basahin ang Ezekiel 21:25-27.) Nang mapaalis sa trono ang hari ng Juda, ang maharlikang tiara at ang korona ay inalis. (2 Hari 25:1-7) Ang “mataas” na kaharian ng Juda ay ‘ibinaba’ sa pamamagitan ng pagpuksa rito noong 607 B.C.E. Sa gayon ang “mababa” na mga kahariang Gentil ay “itinaas,” anupa’t sila ang naghari sa lupa nang walang hadlang ng isang tipikong kaharian ng Diyos. (Deuteronomio 28:13, 15, 36, 43, 44) At nagsimula “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa”—ang mga Panahong Gentil—na nagwakas noong 1914 nang ang pagkahari ay ibigay ng Diyos kay Jesu-Kristo, ‘ang may legal na karapatan’ doon. (Lucas 21:20-24; Awit 110:1, 2; Daniel 4:15-28; 7:13, 14) Ngayong si Jesus ay nasa isang makalangit na trono, ang mga bansang Gentil ay hindi makayuyurak sa isinagisag ng sinaunang Jerusalem, ang Kaharian ng legal na tagapagmana ni David.—Hebreo 12:22.
17. Anong “kasinungalingan” ang ipinahayag ng mga propetang Amonita?
17 Inihahayag ng mga propetang Amonita na ang kabisera ng Amon, na Rabbah, ay makaliligtas sa pagkapuksa sa tabak ni Nabucodonosor. Subalit ito’y isang “kasinungalingan,” sapagkat ang buong lupain ng Amon ay wawasakin. Sa ating kaarawan, iniutos ng Diyos na ang pagkapuksa ng mga bansa ang isusunod sa pagkapuksa ng Sangkakristiyanuhan, gaya kung paano ang Rabbah ay pinuksa pagkatapos ng Jerusalem.—Ezekiel 21:28-32; Apocalipsis 16:14-16.
Nilitis ang Jerusalem
18. Dahil sa anong mga kasalanan ibinunyag ni Ezekiel ang Jerusalem, at ano ang dapat maging epekto nito sa atin?
18 Muli na namang sinalita ni Ezekiel ang salita ni Jehova, kaniyang ibinunyag ang Jerusalem sa mga kasalanan gaya ng pagbububo ng dugo, idolatriya, kalibugan, pandaraya, at pagkalimot sa Diyos. Ang kaniyang mapagbubo-ng-dugo na mga puno ay nag-abuso ng kapangyarihan hanggang sa punto ng pamamaslang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng batas, at ang mga maninirang-puri ay nagliligpit sa kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng walang katotohanang pagpaparatang sa kanila. Dahil sa gayong kasalanan, ang mga naninirahan sa Jerusalem ay magsisipangalat. Ang pagkaalam nito ay dapat magpalakas sa ating pasiya na iwasan ang pag-aabuso ng kapangyarihan, ang kalibugan, ang paninirang-puri, at iba pang malulubhang kasalanan.—Ezekiel 22:1-16.
19. Sa paano tutunawin ang mga tao sa Juda, at bakit ang kanilang pagkalipol ay karapat-dapat?
19 Tutunawin din ni Jehova ang mga tao ng Juda sa isang hurno. Ito’y hindi para linisin sila sa isang paraan ng pagdalisay kundi tutunawin sila dahilan sa kaniyang nag-aapoy na poot. (Ezekiel 22:17-22) Ang ganitong kahatulan ay lubhang karapat-dapat sa nagsabwatang mga propeta, tampalasang mga saserdote, masasakim na mga prinsipe, at mga taong walang katuwiran. Lahat ay tinuligsa. Yamang walang isa man sa kanila ang nanindigan sa katuwiran, sila’y lilipulin ng Diyos sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang mabangis na galit.—Ezekiel 22:23-31.
Karapat-dapat sa Parusa
20. Sa anong simbolikong mga babae ibubuhos ang galit ng Diyos, at anong mga detalye ang maibibigay mo tungkol sa kung sino sila?
20 Ang pagbuhos ng galit ng Diyos ang sumunod na isinagisag bilang hatol laban sa dalawang simbolikong mga babae na nagkasala ng espirituwal na pangangalunya. Ang isa rito ay si Ohola, ang sampung-tribong kaharian ng Israel na ang kabisera’y Samaria. Siya “ang nakatatanda” dahilan sa siya’y binubuo ng karamihan ng mga tribo ng Israel, kasali na yaong galing sa pinakamatatandang anak ni Jacob, si Ruben at si Simeon. Ang kaniyang kapatid na babae ay si Oholiba, ang dalawang-tribong Juda na Jerusalem ang kabisera. Ang ibig sabihin ng Ohola ay “Kaniyang Tolda.” Ang ibig sabihin ng Oholiba ay “Nasa Kaniya ang Aking Tolda,” na angkop naman yamang ang tolda, o templo, ng Diyos ay nasa Juda.—Ezekiel 23:1-4.
21. Sa paano humanap ng katiwasayan si Ohola, na nagsisilbing anong babala para sa atin?
21 Si Ohola (Israel) ay hindi na umiral nang ito’y maibagsak ng mga Asiryo noong 740 B.C.E. Ano ba ang kaniyang ginawa? (Basahin ang Ezekiel 23:5-7.) Si Ohola sa kawalang pananampalataya ay humanap ng katiwasayan sa pulitikal na mga alyansa, subalit ito’y umakay sa kaniya sa pagsunod sa huwad na pagsamba ng kaniyang kaalyado, kung kaya’t ‘kaniyang dinumhan ang kaniyang sarili ng kanilang maruruming idolo.’ Bilang nagsisilbing babala ng espirituwal na pangangalunya ni Ohola, tayo’y dapat mag-ingat laban sa makasanlibutang mga kaugnayan na maaaring sumira ng ating pananampalataya.—Santiago 4:4; 1 Juan 2:15-17.
22. Tulad ni Ohola at ni Oholiba, ano ba ang ginagawa ng Sangkakristiyanuhan, subalit ano ang mangyayari sa kaniya?
22 Sa pagtataguyod ng isang lalong makasalanang landasin kaysa landasin ng kaniyang kapatid, si Oholiba (Juda) ay dumanas ng pambansang kapahamakan sa kamay ng mga Babiloniko noong 607 B.C.E. Ang kaniyang mga anak ay tinagpas ng tabak o dili kaya ay dinalang bihag, at siya’y naging isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa. Tulad ni Ohola at ni Oholiba, ang Sangkakristiyanuhan ay nagkakasala ng espirituwal na pangangalunya, isang kasalanan laban sa Diyos na kaniyang inaangkin na kaniyang sinasamba. Ang Protestantismo, at ang kaniyang maraming denominasyon, ay nagparumi ng kanilang sarili sa pakikilaguyo sa komersiyal at pulitikal na mga kapangyarihan ng sanlibutan nang higit pa sa kaniyang nakatatandang kapatid, ang Katolisismong Romano. Sa gayon, pangyayarihin ni Jehova na ang buong Sangkakristiyanuhan ay mapuksa. Kung magkagayon ay makikilala ng mga tao na siya ang Soberanong Panginoong Jehova. Ito’y magpapalakas sa ating determinasyon na iwasan ang di-nararapat na makasanlibutang mga kaugnayan kung ating tinatandaan na sa malapit na hinaharap ang mga kalaguyo ng Sangkakristiyanuhan ay babaling sa kaniya at isasagawa ang sentensiya ng Diyos sa kaniya bilang isang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.—Ezekiel 23:8-49; Apocalipsis 17:1-6, 15-18.
Nagitla ang mga Mapagpaimbabaw
23. Paano isinagisag ang Jerusalem sa mensahe ng Diyos kay Ezekiel noong magtatapos ang Disyembre ng 609 B.C.E., at ano ang mangyayari sa kaniya?
23 Sa mismong araw noong magtatapos ang Disyembre napasimulan ni Nabucodonosor ang kaniyang 18-buwang pagkubkob sa Jerusalem (Tebeth 10, 609 B.C.E.), ang Diyos ay nagbigay kay Ezekiel ng isa pang malinaw na mensahe. Doon, ang kinubkob na Jerusalem ay isinagisag ng isang palayok na lutuan na kung saan ang mga nananahan sa lunsod ay ‘pakukuluan.’ Dahilan sa karumihan ng moral ay nagkaroon ng “kalawang” sa simbolikong lutuang palayok na iyon. “Piraso por piraso” ang mga nagkakasala ay ilalabas sa Jerusalem, at ang kaniyang kaabahan ay hindi matatapos hangga’t hindi siya napupuksa. Hinatulan ni Jehova ang Jerusalem ayon sa kaniyang balakyot na mga gawa, at siya’y kailangang puksain, gaya rin ng Sangkakristiyanuhan na kailangang puksain.—Ezekiel 24:1-14.
24. (a) Bakit si Ezekiel ay hindi nakitaan ng dalamhati pagkamatay ng kaniyang asawa? (b) Pagka tinablan na siya ng “tabak” ni Jehova, paano maaapektuhan ang Sangkakristiyanuhan, at ano ang kaniyang makikilala?
24 Pagkatapos, si Ezekiel ay kikilos sa isang di pangkaraniwang paraan. (Basahin ang Ezekiel 24:15-18.) Bakit ang propeta ay di dapat magpakita ng dalamhati sa pagkamatay ng kaniyang asawa? Upang ipakita kung gaano kalaki ang pagkagitla ng mga Judio sa pagkapuksa ng Jerusalem, ng kaniyang mga mamamayan, at ng templo. Marami na ang nasabi ni Ezekiel tungkol sa gayong mga bagay at hindi na siya muling magsasalita ng mensahe ng Diyos hanggang hindi ibinabalita sa kaniya ang pagbagsak ng Jerusalem. Sa katulad na paraan, ang Sangkakristiyanuhan at ang kaniyang mapagpaimbabaw na mga relihiyonista ay magigitla sa panahon ng kanilang pagkapuksa. At pagkatapos na magsimula ang “malaking kapighatian,” ang sinabi na tungkol sa kaniyang wakas ng pinahirang uring bantay ay sapat na. (Mateo 24:21) Subalit pagka ang “tabak” ng Diyos ay ginamit na sa Sangkakristiyanuhan, ang gayong nagitlang mga relihiyonista at mga iba pa ay ‘makakaalam na siya ay si Jehova.’—Ezekiel 24:19-27.
Paano Ka Tutugon?
◻ Ano ang nangyari nang gamitin ni Jehova ang kaniyang “tabak” laban sa Juda at Israel?
◻ Paano tayo dapat maapektuhan ng pagsira ni Zedekias ng kaniyang sumpa?
◻ Sa ano tumutukoy ang “tabak” ng Diyos?
◻ Anong pangyayari tungkol kay Nabucodonosor ang nagpapakita na walang sinuman ang makaiiwas sa “tabak” ni Jehova?
◻ Ano ang nangyari bilang katuparan ng Ezekiel 21:25-27?
◻ Ano ang inilarawan ng hindi pagdadalamhati ni Ezekiel nang mamatay ang kaniyang asawa?
[Larawan sa pahina 18]
Nang sirain ni Haring Zedekias ang kaniyang sumpa kay Nabucodonosor at siya’y dinalang bihag, anong hula ang nagsimulang natupad?