Tumatakbo na Ang Makalangit na Karo ni Jehova
“Tungkol sa mga gulong, ito’y itinawag sa aking pakinig, ‘Oh ang nagsisiikot na mga gulong!’”—EZEKIEL 10:13.
1. Ano ang sistema ng transportasyon ni Jehova?
SA MGA araw na ito ng magagarang eroplanong jet, ang mga lider ng daigdig ay nakadarama marahil na kanilang tinatamasa ang kasiyahan ng paggamit ng pinakamahuhusay na sasakyang pambiyahe. Subalit, 2,600 taon na ngayon ang nakalipas, isiniwalat ng Diyos na Jehova na siya’y may isang lalong pinakamagaling na sistema ng transportasyon, na walang sinumang inhinyero ang nakakita ng anumang katulad. Ito’y isang napakalaki, nakapangingilabot na karo! Waring katakataka ba na ang Maylikha ng sansinukob ay sumasakay sa isang sasakyang tulad-karo? Hindi, sapagkat ang makalangit na karo ni Jehova ay lubhang naiiba sa anumang sasakyan na naisip ng mga tao.
2. Papaano inilalarawan sa Ezekiel kabanata 1 ang makalangit na karo ni Jehova, at sino ang unang itinatawag-pansin ng propeta?
2 Sa Eze kabanata 1 ng hula ni Ezekiel, si Jehova ay inilalarawan na nakasakay sa isang pagkalaki-laking makalangit na karo. Ang nakapangingilabot na apat-gulong na sasakyang ito ay tumatakbo nang ganang sarili at nakagagawa ng kagila-gilalas na mga bagay. Ang makalangit na karong ito ay nakita ni Ezekiel sa pangitain noong 613 B.C.E., nang siya’y naroroon sa isa sa mga kanal sa sinaunang Babilonya. Ang unang itinatawag-pansin sa atin ng propeta ay yaong mga nagsisilbi sa makalangit na karo ni Jehova. Samantalang tayo’y nagbabasa, gunigunihin natin ang nakita ni Ezekiel.
Apat na Nilalang na Buháy
3. Ano ang ipinakikilala ng apat na mukha ng bawat isa sa apat na kerubin?
3 Ganito ang pag-uulat ni Ezekiel: “At ako’y tumingin, at, narito! isang maunos na hanging nanggagaling sa hilaga, malaking ulap at apoy na mamumugnaw, at ito’y may kaningningan sa buong palibot . . . At mula sa gitna niyaon ay nanggagaling ang kahawig ng apat na nilalang na buháy.” (Ezekiel 1:4, 5) Bawat isa sa apat na nilalang na buháy, o mga kerubin, ay may apat na pakpak at apat na mukha. Sila’y may mukha ng leon, nagpapakilala ng katarungan ni Jehova; mukha ng toro, kumakatawan sa kapangyarihan ng Diyos; at mukha ng agila, sumasagisag sa Kaniyang karunungan. Sila’y mayroon ding mukha ng isang tao, na tumutukoy sa pag-ibig ni Jehova.—Deuteronomio 32:4; Job 12:13; Isaias 40:26; Ezekiel 1:10; 1 Juan 4:8.
4. Bakit ang mga kerubin ay may apat na mukha, at ano ang katulad sa bilis ng mga kerubin na iyon?
4 Bawat kerubin ay may mukhang nakatingin sa isa sa apat na mga direksiyon. Kaya naman, ang mga kerubin ay nakapagbabago agad-agad ng direksiyon at nakasusunod sa mukha na nakatingin sa nais na direksiyon. Subalit ano ang katulad sa bilis ng mga kerubin na iyon? Aba, sila’y nakapaglalakbay na kasimbilis ng kidlat! (Ezekiel 1:14) Walang gawang-taong sasakyan ang nakapaglakbay nang ganiyang kabilis.
5. Papaano inilarawan ni Ezekiel ang mga gulong ng karo at ang kanilang mga gilid?
5 Biglang-bigla, natanaw ang mga gulong ng karo. Pambihirang-pambihira nga ito! Ang mga Eze 1 talatang 16 at 18 ay nagsasabi: “Ang kanilang anyo at ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong. At kung tungkol sa kanilang mga gilid, kaytataas na anupa’t kakila-kilabot; at ang apat ay may mga gilid na punô ng mga mata sa palibot.” Ang isang gulong na nasa tabi ng bawat kerubin ay magiging apat na gulong sa apat na ugnay-ugnay na mga lugar. Ang mga gulong ay kumikislap na gaya ng krisolita, isang nanganganinag o tinatagos ng liwanag na batong dilaw o berde. Ito’y nagbibigay ng liwanag at kagandahan sa maningning na pangitaing ito. Palibhasa ang mga gilid ng mga gulong ay “punô ng mga mata sa palibot,” ang mga ito ay hindi parang bulag na kung saan na lamang direksiyon pumupunta. At ang mga gulong ay kaytaas-taas, kaya napakalayo ang nararating sa isang pag-ikot lamang sa kanilang ehe. Ang mga ito, tulad ng apat na kerubin, ay simbilis ng kidlat.
Mga Gulong sa Loob ng mga Gulong
6. (a) Papaano nangyaring ang karo ay may mga gulong sa loob ng mga gulong? (b) Ang direksiyon ng mga gulong ay kaayon ng anong direksiyon?
6 May isa pang bagay na pambihira. Ang bawat gulong ay may gulong sa loob niyaon—na may kaparehong diyametro na kasukat niyaong diyametro naman ng kinapapaloobang gulong. Tanging sa ganitong paraan masasabing ang mga gulong ay “yumayaon sa kani-kanilang apat na tagiliran.” (Eze 1 Talatang 17) Kapagdaka, ang mga gulong ay makapagbabago ng direksiyon sapagkat may isang tagiliran ang gulong na nakaharap sa bawat direksiyon. Ang direksiyon ng mga gulong ay kaayon ng mga direksiyon na tinutungo ng apat na kerubin. Sa pamamagitan ng apat na gulong, ang karo ng Diyos ay tumatakbo na may di-nakikitang suporta na katulad ng isang mapuwersang sasakyang-tubig na sinusuportahan ng isang kutson ng hangin samantalang tumatawid sa tubig.
7. Ano ang pinagkunan ng mga gulong ng lakas?
7 Ano ang pinagkunan ng mga gulong ng lakas na ito upang makaayon sa lahat ng kilos ng apat na kerubin? Ang banal na espiritu ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Ang Eze 1 talatang 20 ay nagsasabi: “Kung saan nagpupunta ang espiritu, doon sila nagpupunta . . . Ang espiritu ng nilalang na buháy ay nasa mga gulong.” Ang ganoon ding di-nakikitang aktibong puwersa ng Diyos na nasa loob ng mga kerubin ay nasa mga gulong na iyon.
8. Ano ang pagkatukoy sa mga gulong, at bakit?
8 Ang mga gulong ay tinutukoy na ang “nagsisiikot na mga gulong.” (Ezekiel 10:13) Ito’y maliwanag na dahil sa ginagawa ng bawat gulong. Iyon ay gumugulong o umiikot. Ang ganitong pagkatukoy sa bahaging ito ng makalangit na karo ay tumatawag-pansin sa bilis ng pagtakbo ng makalangit na karo. Bagaman ang mga gulong nito ay umiikot nang napakabilis, laging nakikita nila ang kanilang dinaraanan dahilan sa punô ng mga mata ang mga ito.
9. Papaano inilarawan ni Ezekiel ang nasa ibabaw ng mabilis-na-tumatakbong apat na gulong ng karo?
9 Subalit ngayon tayo’y magmasid at tingnan natin kung ano ang nasa ibabaw ng nakasisindak ang taas, mabilis-na-tumatakbong apat na gulong. Ang talatang 22 ng Ezekiel kabanata 1 ay nagsasabi: “Sa ibabaw ng mga ulo ng mga nilalang na buháy ay may kawangis ng langit gaya ng kislap ng nakasisindak na yelo, nakaunat sa ibabaw ng kanilang mga ulo sa itaas.” Ang kalawakan, bagaman buo, ay natatagos ng liwanag, “gaya ng kislap ng nakasisindak na yelo.” Iyon ay kumikislap gaya ng libu-libong mga brilyante pagka tinatamaan ng sikat ng araw. Nakasisindak nga!
Ang Maningning na Sakay ng Karo
10. (a) Papaano inilalarawan ang trono at ang Isang nakaluklok sa trono? (b) Ano ang ipinakikita ng bagay na ang Sakay ng karo ay napaliligiran ng kaluwalhatian?
10 Marahil, humihinto ang karo upang si Ezekiel ay makausap ng Sakay niyaon. Sa itaas ng kalawakan, nariyan ang wangis ng isang trono, sapiro, o kulay magulang na asul, ang anyo. Sa trono, nariyan ang Isa na ang anyo ay katulad ng isang makalupang tao. Ang anyong tao ay makatutulong nang malaki kay Ezekiel upang maunawaan ang ganitong pagpapakilala sa Diyos. Subalit ang anyong taong iyan ay nababalot ng kaluwalhatian, kung kaya’t kumikinang na gaya ng electrum, isang kumikislap na pinaghalong pilak at ginto. Anong nakaaantig na kagandahan! Buhat sa baywang ng tulad-taong anyong ito, ang eleganteng kaningningang ito ay abot sa itaas at hanggang sa ibaba. Ang buong anyo ay napaliligiran ng kaluwalhatian. Ito’y nagpapakita na si Jehova ay may kaluwalhatian na hindi mailalarawan. Bukod pa riyan, ang Sakay ng karo ay may kasamang isang nakabibighaning bahaghari. Anong laking kahinahunan at katahimikan ang ibinabadya ng isang bahaghari pagkatapos ng isang bagyo! Sa pagkakaroon ng mahinahong kalooban, ang kaniyang mga katangiang karunungan, katarungan, kapangyarihan, at pag-ibig ay pinananatili ni Jehova sa sakdal na pagkatimbang-timbang.
11. Papaano naapektuhan si Ezekiel ng pangitain tungkol sa karo at trono ni Jehova?
11 Ang karo at trono ni Jehova ay napaliligiran ng liwanag at magagandang kulay. Anong laking pagkakaiba kay Satanas, ang prinsipe ng kadiliman at ng okultismo! At papaano naapektuhan si Ezekiel ng lahat ng ito? “Nang aking makita,” sabi niya, “ako’y nasubasob, at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita.”—Ezekiel 1:28.
Ang Inilarawan ng Karo
12. Ano ang inilalarawan ng makalangit na karo ni Jehova?
12 Ano ba ang inilarawan ng kamangha-manghang karong ito? Ang makalangit, o panlangit, na organisasyon ng Diyos na Jehova. Ito’y binubuo ng lahat ng kaniyang banal na espiritung mga nilalang sa di-nakikitang dako—mga serapin, kerubin, at mga anghel. Yamang si Jehova ang Kataas-taasang Diyos, lahat ng kaniyang espiritung mga nilalang ay napasasakop sa kaniya, at siya’y nakasakay sa kanila sa diwa na sila’y dominado niya sa mabuting paraan at ginagamit sila ayon sa kaniyang layunin.—Awit 103:20.
13. (a) Bakit masasabing si Jehova ay nakasakay sa kaniyang organisasyon? (b) Papaano ka apektado ng pangitain tungkol sa tumatakbo nang karo ni Jehova na may apat na gulong?
13 Si Jehova ay nakasakay sa organisasyong ito na parang sa isang karo, pinapangyayaring ito’y kumilos saanman pakilusin ito ng kaniyang espiritu. Ito’y hindi tumatakbo kung saan magustuhan, nang hindi nakukontrol o sumasailalim ng matalinong pamamanihala. Hindi pinapayagan ng Diyos na ang organisasyong ito ay pumunta sa anumang direksiyon na magustuhan nito. Bagkus, ito’y sumusunod sa kaniyang direksiyon. Sama-sama, lahat ay kumikilos nang may pagkakaisa at pasulong tungo sa lubos na katuparan ng mga layunin ng Diyos. Kamangha-mangha nga ang makalangit na organisasyong isinisiwalat ng pangitaing ito tungkol sa tumatakbo nang makalangit na karo ni Jehova na may apat na gulong! Kasuwato nito, ang organisasyon ni Jehova ay tinutukoy na kuwadradong may apat na tagiliran, sakdal ang pagkatimbang-timbang.
Hinirang na Isang Bantay
14. Sino ang inilalarawan ni propeta Ezekiel?
14 Subalit sino ang inilalarawan ng propetang si Ezekiel? Batay sa mga pangyayari sa kasaysayan, iyon ay maliwanag na ang lupon ng pinahiran-ng-espiritung mga Saksi ni Jehova ang naging kaugnay ng makalangit na karo. Sa gayon, si Ezekiel ay angkop na lumalarawan sa pinahirang nalabi ng mga Saksi ni Jehova sapol noong 1919. Sa espirituwal, ang makalangit na organisasyon ng Diyos ay nakipagtalastasan sa pinahirang nalabi noong taon na iyon, upang sila’y buhaying-muli bilang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. (Ihambing ang Apocalipsis 11:1-12.) Ang tulad-karong organisasyong iyan ay tumatakbo na noon, gaya rin sa ngayon. Ang totoo, ang mga gulong nito ng pagsulong ay umaandar nang higit na mabilis kaysa kailanman. Si Jehova ay nakasakay rito sa mabilis na pagsulong!
15. Ano ang sinasabi ng tinig ng Sakay ng makalangit na karo, at sa ano sinugo si Ezekiel?
15 Ibig malaman ni Ezekiel kung bakit ang makalangit na karo ay umagapay sa kaniya at huminto sa harap niya. Kaniyang napag-alaman iyon nang isang tinig ang narinig niya buhat sa Isang nakaupo sa karo. Palibhasa’y pinangibabawan ng pagkasindak sa kaniyang nakitang pambihirang tanawin, si Ezekiel ay nagpatirapa. Pakinggan ang tinig ng Sakay ng makalangit na karo na nagsasabi: “Anak ng tao, tumayo ka sa iyong mga paa upang makausap kita.” (Ezekiel 2:1) Pagkatapos ay sinugo ni Jehova si Ezekiel upang maging isang bantay at magbabala sa mapaghimagsik na sambahayan ng Israel. Siya’y sinugo pa nga na magsalita may kaugnayan sa banal na pangalan. Ang pangalan ni Ezekiel ay nangangahulugang “Pinalalakas ng Diyos.” Kaya naman pinalakas ng Diyos ang uring Ezekiel at sila’y sinugo, hinirang sila na isang bantay sa Sangkakristiyanuhan.
16, 17. (a) Papaano nakinabang si Ezekiel sa pangitain tungkol sa makalangit na karo? (b) Sa ating kaarawan, papaano naapektuhan ang uring Ezekiel at ang malaking pulutong ng pagkaunawa ng pangitain tungkol sa makalangit na karo?
16 Ang pangitain tungkol sa makalangit na karo ay pumukaw kay Ezekiel na mag-isip at magitla, ngunit inihanda rin naman siya nito para sa kaniyang pagkasugo bilang isang bantay na magbababala tungkol sa dumarating na pagkapuksa ng Jerusalem. Naging totoo rin iyan tungkol sa uring bantay sa ngayon. Ang kanilang pagkaunawa sa pangitain tungkol sa makalangit na karo ni Jehova na tumatakbo na ay nagkaroon ng malaking epekto sa pinahirang nalabi. Noong 1931 higit pa ang kanilang napag-alaman tungkol sa pangitain ni Ezekiel, gaya ng pagkasiwalat sa Vindication, Unang Aklat. Sila’y napuspos ng matinding pagpapahalaga kung kaya’t mula sa labas ng Oktubre 15, 1931, hanggang sa labas ng Agosto 1, 1950, sa disenyo ng pabalat ng Ang Bantayan sa gawing kanan sa itaas ay makikita ang paglalarawan ng pintor ng pangitain ni Ezekiel tungkol sa makalangit na karo. Samakatuwid, ginanap ng uring Ezekiel ang pagkasugo sa kanila, at sila’y nagsisilbing isang bantay, na nagbibigay ng banal na babala. Ngayon higit kailanman kaylapit-lapit na ang maapoy na pagpuksa sa Sangkakristiyanuhan ni Jehova na nakasakay sa kaniyang makalangit na karo!
17 Sa ngayon, “isang malaking pulutong” ng tulad-tupang mga tao ang nakikisama sa pinahirang nalabi. (Apocalipsis 7:9) Magkasama, sila’y nagbibigay-babala tungkol sa napipintong pagpuksa sa Sangkakristiyanuhan at sa buong maka-Diyablong sistemang ito ng mga bagay. Ang pagbibigay-babalang iyan ay mabilis na nagaganap, at gaya ng ipinakikita sa Apocalipsis 14:6, 7, iyan ay may alalay ng mga anghel.
Kumikilos na Kaalinsabay ng Makalangit na Karo
18. Ano ang kailangang gawin upang tayo’y patuloy na alalayan ng mga anghel, at tayo’y dapat may matalas na pakiramdam sa ano?
18 Ang masunuring mga anghel ay kumikilos nang nagkakaisa bilang bahagi ng makalangit na organisasyon ng Diyos samantalang tumutulong sa makalupang mga lingkod ni Jehova sa pagganap sa kanilang pagkasugo na ihayag ang banal na mga babala ng paghuhukom. Kung hinahangad natin ang patuloy na proteksiyon at patnubay nitong makapangyarihang mga lingkod na anghel ng Diyos, tayo rin ay kailangang kumilos nang nagkakaisa at patuloy na umalinsabay sa simbolikong nagsisiikot na mga gulong. Isa pa, bilang bahagi ng nakikitang organisasyon ni Jehova na kumikilos na kaalinsabay ng kaniyang makalangit na karo, tayo’y kailangang may matalas na pakiramdam sa pag-akay sa atin ng espiritu ng Diyos. (Ihambing ang Filipos 2:13.) Kung tayo’y mga Saksi ni Jehova, tayo’y kailangang kumilos sa kaparehong direksiyon ng makalangit na karo. Tiyak na hindi kailangang tayo’y gumawa na kasalungat nito. Pagka tayo’y binigyan ng instruksiyon tungkol sa direksiyon na dapat nating sundin, sundin natin iyon. Sa gayon, ang kongregasyon ay hindi nababahagi.—1 Corinto 1:10.
19. (a) Gaya ng mga gulong ng makalangit na karo na may mga mata sa buong palibot nila, sa ano dapat maging alisto ang mga lingkod ni Jehova? (b) Ano ang dapat nating ikilos sa mga panahong ito ng kaguluhan?
19 Ang mga mata sa buong palibot ng mga gulong ng karo ng Diyos ay nagpapakita ng pagkaalisto. Gaya ng makalangit na organisasyon na alisto, tayo man ay kailangang maging alisto na tumangkilik sa makalupang organisasyon ni Jehova. Sa kongregasyon, ating maipakikita ang pagtangkilik na iyan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa lokal na mga matatanda. (Hebreo 13:17) At sa mga panahong ito ng kaguluhan, ang mga Kristiyano ay kailangang napakalapit sa organisasyon ni Jehova. Hindi natin gusto na lagyan ng ating sariling interpretasyon ang mga pangyayari, sapagkat kung magkagayon ay hindi tayo kumikilos na kaalinsabay ng makalangit na karo ni Jehova. Laging itanong natin sa ating sarili, ‘Sa alin bang direksiyon tumatakbo ang makalangit na karo?’ Kung tayo’y kumikilos nang pasulong kaalinsabay ng nakikitang organisasyon ng Diyos, tayo rin naman ay kumikilos na kaalinsabay ng di-nakikitang organisasyon.
20. Anong mainam na payo ang ibinibigay ni apostol Pablo sa Filipos 3:13-16?
20 Sa bagay na ito, si Pablo ay sumulat: “Mga kapatid, hindi ko pa itinuturing na hawak ko na iyon; kundi tungkol doon ay ito: Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at tinatanaw ang mga bagay na hinaharap, ako’y patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala ng paitaas na pagkatawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Kaya nga, kung ilan sa atin ang mga maygulang, magkaroon tayo ng ganitong kaisipan; at kung sa anuman nga’y naiiba kayo ng iniisip, ang Diyos ang magsisiwalat sa inyo ng nasabing saloobin. Sa papaano man, ayon sa atin nang naisulong, patuloy na lumakad tayo nang may kaayusan sa ganito ring rutina.”—Filipos 3:13-16.
21. Sa pamamagitan ng pagsunod sa anong rutina posible na matamo ang espirituwal na pagsulong kaalinsabay ng organisasyon ng Diyos?
21 Dito ang salitang “rutina” ay hindi nangangahulugan ng isang masamang kaugalian na doo’y hindi tayo makalalaya. Ang mga lingkod ni Jehova ay may mainam na rutina na sa pamamagitan niyaon sila’y gumagawa ng espirituwal na pagsulong. Iyon ay isang rutina ng pagdaraos ng personal na pag-aaral sa Bibliya, pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, regular na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, at pagpapasikat ng mga katangian ng makalangit na organisasyon ng Diyos. Dahil sa gayong rutina sila ay nakasusunod sa pangunguna ng makalangit at tulad-karong organisasyon ni Jehova. Sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa ganitong paraan, ating mararating ang ating tunguhin, maging iyon man ay ang gantimpalang walang-kamatayang buhay sa langit o buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso.
22. (a) Upang ang pinahirang nalabi at ang malaking pulutong ng mga ibang tupa ay maging organisado na nagkakaisa, ano ang kailangang gawin? (b) Ano ang hindi nakakaligtaan ni Jehova?
22 Gaya ng ipinakikita ng Juan 10:16, ang “mga ibang tupa” at ang uring Ezekiel ay magiging organisado na nagkakaisa. Sa gayon, mahalaga na lahat ng mga nasa organisasyon ni Jehova ay makaunawa ng buong kahulugan at kahalagahan ng pangitain na nasusulat sa Ezekiel kabanata 1 kung ibig nilang kumilos na kaisa ng makalangit na karo ng Diyos. Ang pangitain tungkol dito ay tumutulong sa atin na makaunawang tayo’y dapat kumilos na kasuwato ng organisasyon ng Diyos, nakikita at di-nakikita. Isaisip din naman na ang mga mata ni Jehova “ay nagsisiyasat sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa kanila na ang puso ay sakdal sa harap niya.” (2 Cronica 16:9) Walang isa mang bagay na nakakaligtaan si Jehova, lalo na ang anumang bagay na tungkol sa kaniyang layunin na ipagbangong-puri ang kaniyang sarili bilang Pansansinukob na Soberano.
23. Ngayong tumatakbo na ang makalangit na karo ni Jehova, ano ang kailangang gawin natin?
23 Ang makalangit na karo ni Jehova ay tunay na tumatakbo na ngayon. Hindi na magtatagal at lahat ng bagay ay magniningning sa kaluwalhatian kasuwato ng maluwalhating Isa na nakasakay sa karong iyan—pawang sa ikapagbabangong-puri niya bilang ang Soberanong Panginoon ng sansinukob. Ang kaniyang mga serapin, kerubin, at mga anghel ay nasa likuran natin sa ating dakilang gawaing pangangaral sa buong daigdig. Kung gayon, tayo’y kumilos nang pasulong kaalinsabay ng makalangit na organisasyon ni Jehova. Subalit papaano tayo makapananatiling kaalinsabay ng mabilis na tumatakbong makalangit na karong iyan?
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong mga katangian ang kinakatawan ng apat na nilalang na buháy na nakita ni Ezekiel?
◻ Ang makalangit na karo ni Jehova ay lumalarawan sa ano?
◻ Sino ang inilalarawan ng propeta ng Diyos na si Ezekiel?
◻ Papaano apektado ang uring Ezekiel at ang malaking pulutong ng pagkaunawa sa makalangit na karo ni Jehova?